Makabuluhan pa rin si Ka Bel

Noong Mayo 22, naglabas ang Philippine Daily Inquirer ng editoryal na pinamagatang “Ka Bel,” parangal kay Crispin “Ka Bel” Beltran – maka-Kaliwang lider ng kilusang manggagawa at kilusang masa sa bansa, na namatay noong Mayo 20 sa edad na 75.

Kung gagawing pamantayan ang mga artikulong lumalabas sa PDI, puwede nang ikatuwa ng mga kasama’t kapanalig ni Ka Bel ang buong editoryal – maliban na lang sa bahaging ito:

“Hindi kasalanan ni Beltran na ang prinsipyong buong-buhay niyang ipinaglaban, ang karapatan ng mga manggagawang mag-organisa sa sariling hanay, ay nabawasan ng kaunting kakagyatan nito at nawalan ng pang-akit. Nagiging manipis ang hanay ng mga manggagawang organisado, sa Pilipinas gayundin sa ibang bansa. Sa kalakhan, resulta ito ng paghusay ng mga kalagayan sa paggawa. (Lagi itong kahinaan kay Marx, ang kawalan ng kakayahang makitang maaaring may kapasidad ang kapitalismong pagalingin ang sarili [self-healing capacity].)”

Dagdag pa nito, “[K]ahit may naliliwanagang mga may-ari ng negosyo o modernong mga praktika sa pagnenegosyo, nasa panganib pa rin ang mga manggagawa. (Ito ang katangian ng malayang pamumuhunan.)”


(1) Implikasyon

Ano ang sinasabi nito? Na lipas na ang batayang mga prinsipyong isinabuhay ni Ka Bel, at ang pagtunggali sa masasamang rehimeng tulad ng kay Arroyo na lang ang makabuluhan sa buhay at pakikibaka niya. Na, kung batayang mga prinsipyo niya ang pag-uusapan, okey siya noong panahon niya – pero hindi na ngayon. Na, kung posisyong pampulitika ang pagbabatayan, kasing-halaga lang siya ng sanlaksang personalidad na kontra-Arroyo – mula kay Fortunato Abat, halimbawa, hanggang kay Manuel L. Quezon III.

Gusto ng sumulat ng editoryal ng PDI, sa madaling salita, na bigyan ng huling parangal si Ka Bel at ng disenteng libing pagkatapos – sa limot, marahil.

Kung bumubuti na ang lagay ng mga manggagawa sa kapitalismo at sa gayo’y hindi na kaakit-akit ang kahit magtayo o sumali ng unyon, sinasabi ng sumulat ng editoryal na lalong hindi na kailangang baguhin ang kapitalismo. Na napatunayan naman palang tutugma ang pagsasamantala ng kapitalista sa mga manggagawa at ang pagsulong ng karapatan at interes ng huli: Ang pabrika na ang unyon at ang kapitalismo ang sosyalismo. Mabuhay ka, kasamang propagandista!

Sa mga pahayag ng mga kasama’t kapanalig ni Ka Bel sa progresibong kilusan, malinaw na gusto nilang pamarisan siya, at dumami ang tulad niya sa kanilang hanay. Pero para sa sumulat ng editoryal ng PDI, dapat dumami ang mga tulad ni Ka Bel sa hanay ng mga taong-gobyerno – mula pulis hanggang pangulo – at mga taong-NGO. Ito ang implikasyon ng hindi pagkilala sa prinsipyo’t praktika ng pag-oorganisa ng mga manggagawa para sa tunay na panlipunang pagbabago.


(2) Pinagmulan

Anu’t anuman, galing ang teoryang ito ng “self-healing” ng kapitalismo sa mga teorista sa abanteng kapitalista mga bansa. Isa ito sa mga paliwanag nila sa pagkabigo ng pinantasya nilang rebolusyon sa sariling bayan. Sintomas ito ng pagkabigo nilang unawain kung paanong ipinapasa ng imperyalismo ang krisis nito sa mga kolonya at mala-kolonya.

Isang halimbawa ng ganitong teorista ang pilosopong Alemang si Jurgen Habermas, tagapagmana ng tinatawag na Frankfurt School ng “Marxismo” at pana-panahong tagapagtanggol ngayon ng mga giyerang agresyon ng US. Pero siya, sa partikular, tutol na sa aktibismo ng mga estudyanteng Aleman noon pa mang dekada 1960.

Tulad ni Pang. Arroyo, “feeling First World” ang sumulat ng editoryal – “feeling” tulad ng “Ramdam na ang pag-unlad” na propaganda ng gobyerno. Sa mga pelikula, siya ang hangal na sinasampal at sinasabihan ng “Magtigil ka, Digna!”


(3) Pluto

Ang problema sa editoryal: Mali – oo, mali, hindi tama – ito sa pagsasabing bumubuti ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa bansa.

Dati, naaadwaan ako sa mga kapwa-aktibista o kapwa-progresibo kapag nananawagan sila sa katunggaling mga manunulat na lumabas sa komportableng hawla at lumubog sa batayang masa – at tigilan muna marahil ang pagse-surf sa Internet o pagba-blog. Pero sa pagkakataong ito, sa harap ng manunulat na mangmang – oo, mangmang, hindi maalam – sa lagay ng nakakarami’t nagkalat naman sa bansa, wala akong magawa kung hindi ang sumang-ayon.

Saang planeta ba nagmula ang sumulat ng editoryal? Bumubuti ang kalagayan sa paggawa? Sa Pilipinas? Baka naman hiniram lang ng PDI ang sumulat ng editoryal para isulat ito. Saan kaya? Sa Pluto Daily Inquirer? Napaka-pangkalahatan na nga ng nasabi tungkol sa lagay ng mga manggagawa, mali pa.


(4) Opensiba

Kung hindi bumubuti ang kalagayan sa paggawa, bakit “nagiging manipis” o kumakaunti ang hanay ng mga manggagawang organisado o unyonisado? Bakit, maidadagdag pa, nakapagmalaki si dating Sek. Arthur Brion ng Department of Labor and Employment na sa bansa, “pinakamapayapa” ang 2007 sa larangan ng paggawa, taong pinakakaunti ang nairehistrong welga sa huling kasaysayan?

Sagot: Dahil napakatindi ng bugso ng opensiba ng dayuhang mga korporasyon (partikular ang mga monopolyo-kapitalista) at malalaking lokal na namumuhunan (partikular ang mga burgesya-komprador) sa pakikipagsabwatan ng Estado. Sa pangkalahatan, ganito ang diwa ng opensibang itong binubuo ng samu’t saring programa’t patakaran ng gobyerno: Kung anu-ano na lang (anything goes) pabor sa kapitalista at kung ano na lang ang pagturing sa mga manggagawa.

Dalawa ang tampok na layunin ng bugso ng opensibang ito: (1) Palakihin pa ang tubo ng dayuhang mga kapitalista at lokal na burgesya-komprador, at (2) durugin ang sama-samang paglaban ng mga manggagawa, tampok ang pagbubuo ng mga unyon. Sopistikado ang opensibang ito, masasabing nagdala sa mas mataas na antas sa sinabi ni Martin Levith sa libro niyang Confessions of a Union Buster na “Ang tanging paraan para durugin ang isang unyon ay ang magsinungaling, mambaluktot, magmanipula, manakot, at lagi, lagi’t laging umatake.”

Kasabay ng bugso ng opensibang ito ang pagpapatupad sa mga programa’t patakarang naghahatid sa atin ngayon ng pagtaas ng presyo ng bigas, pagkain, langis, kuryente, gamot, edukasyon at iba pang batayang kalakal at serbisyo. Sinimulan silang ipatupad noong unang bahagi ng dekada ’90, panahon nina dating Pang. Aquino at Ramos. Masasabing isinulong sa mas mataas na antas at pinabilis nila ang mga atake sa mga manggagawa at pag-uunyon na nariyan na’t umiral bago ang panahong ito.

Wala lang: Pinaghiwalay noong ipinanganak? Si Sek. Margarito Teves ng Pinansiya at ang pilosopong Pranses na si Jacques Derrida. (Galing ang larawan sa imf.org at humanities.uci.edu.)


(5) Paggawa

Isang napakahalagang dokumentong nagsisikap gagapin ang bugso ng opensibang ito sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa Pilipinas ang isinulat ni G. Paul Quintos ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, ang “Labor Flexibilization and Imperialist Crisis: Intensifying Exploitation, Dismantling Job Security, Liquidating Unions” na lumabas noong 2000. Inilathala itong muli sa librong Jobs and Justice: Globalization, Labor Rights and Worker’s Resistance na inedit ni Antonio A. Tujan Jr. at inilabas noong 2007 ng Ibon Books. Dapat mabasa ng lahat ang papel na ito.

Sa isang seksiyon ng sanaysay, masinsing inilarawan ni G. Quintos ang dalawang porma ng tinatawag niyang “pleksibilisasyon ng paggawa” na makabuluhang unawaing bahagi ng pangkalahatang “deregulasyon ng pamilihan ng paggawa” (deregulation of the labor market): ang eksternal at internal na pleksibilisasyon.

(1) Tinutukoy ng “eksternal” na pleksibilisasyon ang “mga iskema ng pagpapatrabahong nagpapahintulot sa mga employer na baguhin ang laki at komposisyon ng puwersa ng paggawa sang-ayon sa demand. Mulat na pinapagaang ng mga iskemang ito ang ugnayang employer-empleyado para padaliin ang tanggalan at pagpapatrabahong muli (labor turnover) ng isang puwersa ng paggawa na nasa gilid (peripheral) habang nagpapanatili ng istableng bag-as (core) ng mga manggagawa.”

Halimbawa nito ang (a) outsourcing o subcontracting (labor-only-contracting, subcontracting, agency-hiring), at (b) panandaliang trabaho o contingent employment (pagkuha ng mga part-timer, casual, contractual, apprentice, trainee).

(2) Tinutukoy ng “internal” o “pambag-as” na pleksibilisasyon “ang internal na mga kaayusan sa istruktura at organisasyon ng paggawa para sa mga manggagawang regular o core workers.”

Halimbawa nito ang (a) pleksibleng oras ng paggawa (puwersahan o regular na pago-overtime, 24 oras na relyebo, trabaho kahit Sabado at Linggo), (b) pleksibleng gawain (multi-tasking, pagsasalo sa trabaho, job levelling, teamwork, sirkulong pangkalidad), at (c) pleksibleng sahod kung saan nakabatay ang sahod ng manggagawa sa “indibidwal na performance” para maksimisahin siya.

Mahalaga ring patampukin sa sanaysay ni G. Quintos ang pagpasa sa Wage Rationalization Act ng 1989 na bumuo sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board na siyang dumidinig at nagpapasya sa mga panukalang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa bawat rehiyon. Pahirap ito sa mga manggagawa dahil pagbarat ito sa sahod nila at pagpapahirap sa kanilang sama-samang makakuha ng umento.


(6) Wolverine

Ang sumusunod ang ilan sa mga salik na nagpapahirap sa pagbubuo ng mga manggagawa ng kanilang unyon: ibayong pagdami ng kontraktuwal o kaswal na mga manggagawang bawal mag-unyon at madali lang tanggalin sa trabaho; samu’t saring hadlang sa pag-uunyon, hanggang sa panunupil at pagpaslang sa mga unyonista’t lider-unyon; kontra-manggagawang katangian ng mga batas at sistemang hudisyal; at maging ang napakatinding opensibang pampropaganda at pang-ideolohiya laban sa mga unyon, pag-uunyon at mga unyonista.

Ibig sabihin, hindi ordinaryong opsiyon lang para sa mga manggagawa ang mag-unyon, kung paanong opsiyon marahil ng sumulat ng editoryal na mag-blog ngayon o matulog o mag-surf sa Internet para dumami ang nalalaman.

Ang mga opensibang ito mismo’y nagpapahirap sa kabuhayan – o kalagayan sa paggawa – ng mga manggagawa: pagpapatindi ng pagkayod at pagpapaliit sa sahod. Dagdag pa, dahil hinahadlangan nila ang pagbubuo ng mga unyon – na siyang armas ng mga manggagawa sa paglaban para sa sahod, trabaho at karapatan – nagdudulot pa sila ng ibayong paghihirap ng mga manggagawa. Idagdag pa dito ang pagtaas ng presyo ng halos lahat ng binibili sa kasalukuyan.

Ibig sabihin, hindi porke’t kumakaunti ang mga manggagawang unyonisado ay bumubuti na ang lagay ng mga manggagawa sa bansa. Ang totoo, hindi bumubuti ang lagay nila. At hindi nagagamot ng kapitalismo ang sariling sakit, lalo na sa Pilipinas – bagamat totoong kaya nitong magpaalwan ng buhay ng mga blogger, kolumnista at posibleng TV personality na magsasabing ito nga si Wolverine na kayang paghilumin ang sariling sugat at kumuha ng lakas sa sarili.

Sasabihin mong nagagamot ng kapitalismo ang sarili? Para mo na ring ipinagdiwang ang kapitalismo at tinalikuran ang paghihirap ng mga manggagawa. Sa loob ng nakaraang daantaon, lalo pa ngang umigting ang kahirapan sa mundo at umigting din ang yaman ng iilan dahil sa pagsasamantala. Nananatiling walang habas na pagtatrabaho ang buhay ng nakakarami sa ilalim ng kapitalismo.


(7) Makabuluhan

Ibig sabihin, nananatiling makabuluhan sa panahon natin ang batayang mga prinsipyo ni Ka Bel, gayundin ang pagsasabuhay niya sa mga ito. Napakahalaga pa ring magsama-sama at mag-unyon ng mga manggagawa hindi lamang para labanan ang mga “panganib” sa kanila o isulong ang kanilang kagyat na mga interes – kundi para baguhin ang sistemang kung nagagawa mang gamutin ang sarili’y hindi kailanman sa paraang nakabuti o nakainam sa kalagayan nila.

Makabuluhang idiing nagpunyagi si Ka Bel, at ang mga kasamahan niya, na itayo ang isang tunay, palaban, at makabayang sentrong unyon ng mga manggagawa – ang Kilusang Mayo Uno – sa panahon ng pasismo ng Batas Militar. Tulad ni Ka Bel noon, nahaharap ang mga manggagawa ngayon sa mga kalagayang napakamapanupil sa pag-uunyon ng mga manggagawa.

Napakaraming mabuting katangian ni Ka Bel ang pinuri’t pinarangalan nitong huli. Sa pagkakataong ito, mainam patampukin ang ilang bagay: ang mahigpit na pagyakap sa buhay at pakikibaka ng mga manggagawa at masang anakpawis, ang kakayahang kongkretong suriin ang kongkretong mga kalagayan, at ang optimismong wala nang mas angkop na paglalarawan kundi ang salitang “rebolusyunaryo.”

Nabuhay si Ka Bel nang gayon – nang simple at marangal – hindi lamang dahil pagpapakatao ang gayon. Nabuhay siya nang gayon para mahusay na maisulong ang mithiin ng mga manggagawa at sambayanan – mithiing inangkin niyang waring kanyang-kanya – para sa pagbabagong panlipunang wala nang mas angkop na paglalarawan kundi ang salitang “rebolusyunaryo.”

Takot na takot ang imperyalismo at naghaharing mga uri sa mga manggagawa. Paano mo ipapaliwanag ang santambak na mga pagbabawal at paghadlang, opensiba at maniobra, atake at kontra-atake, na ginagawa nila laban sa mga ito? Natatakot sila sa lakas na puwedeng pawalan ng puwersang itong esensiyal sa produksiyon, tagalikha ng yaman at binhi ng bagong lipunan.

Tulad ni Ka Bel, nagpupunyagi ang mga manggagawa ngayon, gayundin ang iba’t ibang uri at sektor na kakampi nila, para magluwal ng kilusan nilang may bagong lawak, lakas at tatag. Kung kailangan mang igiit na makabuluhan pa rin ang buhay at pakikibaka ni Ka Bel, iyan ay para sa kanila at sa mithiin nila.

“Tayo ngayo’y inaalipin, subalit atin ang bukas,” sabi ng “Internationale.” Pananalig ito ni Ka Bel, at ng maraming manggagawa. Manalig tayo, at makiisa, sa pagtatagumpay nila.


01 Hunyo 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • guiller  On June 2, 2008 at 8:08 am

    korek! jusko, muntik na akong patiran ng ugat a batok sa tindi ng pagkainis ko sa paragraph na yan ng editorial ng inquirer. parang sa isang balikwas na negate yung lahat ng papuri. to paraphrase your professor friend on her intervention of zizek, parang to extol ka bel while negating his very essence is like drinking beer minus the alcohol, o kaya coke zero. hehehe.

    side note, chaka pala yang si habermas. hehehehe.

  • kapirasongkritika  On June 2, 2008 at 9:43 am

    Salamat ulit sa maagap na komento, Guiller. Mas tinatanggihang purihin, dahil hindi nila mapuri, ang pangunahin kay Ka Bel. Caffeine-free coffee, beer without alcohol — revolution without a revolution, sabi nga ni Zizek.

    Binaybay ni Gopal Balakrishnan sa isang artikulo sa New Left Review ang “intellectual itinerary” ni Habermas, magandang mabasa. Ingatz.

  • sarah  On June 3, 2008 at 2:38 am

    matagal ko nang inabangan ito pero nang lumabas na, hindi ko naman agad nabasa.

    mahirap talagang parangalan at papurihan si ka bel, mahirap ito para sa mga taong wala namang dangal at puri umpisa pa lang (enter mga imahe ng mga personalidad na ito)

    kinailangan lang talagang maglabas ng inquirer ng statement kung baga since it cannot ignore ka bel. pero mas kiling ako sa ideya na hindi pa nga si ka bel ang dahilan. compelled ang inquirer na maglabas ng editoryal kay ka bel kasi ang tindi na pala ng hold ng pambansa demikratikong kilusan sa panlipunang kamalayan kaya’t ganun na lang ang reaksyon sa pagkamatay ni ka bel, lalo na sa kanyang naging buhay. kahit ako na kabahagi ng kilusang ito ay manghangmangha sa tipo at kalidad ng mga balita hinggil sa burol, sa naging buhay at sa kapiranggot na ari-arian, sa totoo, pinakita ang ari-arian niya upang ilantad na wala naman talaga siyang pag-aari,at marangal iyon, ayon sa representasyon ng media. naisip ko tuloy, kung hindi man ako naging aktibista noong estudyane pa ako, pihado sa mga napanood at nabasa ko hinggil kay ka bel, magiging aktibista ako. pero huli na nga ang lahat, aktibista na ako. sayang ang ganda sanang kwento ng pagkamulat.

    o baka masyado namang romantikong pangtingin ito? hindi? kita at kita pa rin naman ang magiging motibo ng media para sa pagpopokus sa isang kwento o pangyayari madaling ibenta ang kwento ni ka bel, tila ganon na nga ang lumabas. madali nang kumuha ng atensyon (dahil yun naman ang target talaga ng media) para sa mga kwentong katulad ng kay ka bel. para sa atin higit sa ano pa man, siya ay isang rebolusyonaryo. pero paano ito kinupot (containment) ng media (pasensya na at inaari ko na namang blog ko itong blog mo, eh nagkasubuan na, sagarin na natin) ang pagiging rebolusyonaryo ni ka bel?

    1.sa pamamagitan ng pag-agaw (appropriate) at pagpapalabnaw (dilution) ng mga signifiers ng pagiging isang rebousyonaryo

    2.at sa pagkakataon na di na kayang itanggi na rebolusyonaryo si ka bel–
    ang pagdedekarang huwad at walang kwenta nang kanyang ipinaglaban (na humuhugot pa sa teorya ng risk theory ni anthony giddens, isa pang walang dangal, at walang kapantay sa pagka-baog ng mga ideya. pero gusto ko ang hugot mo, si habermas ang nilaglag mong pangalan at tinago mo si giddens. kung baga, “Kung alam na ng mundo na bulok si alex magno, bakit hindi na lang yung iba pa ang pahagingan ko??” hangang-hanga ako sa desenyo mo.

    para sa no.1 sa itaas ito ang mga napansin ko:

    1. todo romantiko ang pagpapakitang mahirap si ka bel at namatay siyang mahirap kaya naman bayani siyang maituturing

    para bang okey maging mahirap, kabayanihan ito. pero ang hindi tinodo-todo na propaganda ay kung paano nakibaka si ka bel laban sa kahirapan at kung paano niya ipinagtanggol ang mga mahihirap, hindi dahil super hero siya kundi dahil alam niya na kaya may mahihirap ay dahil may mayayaman. kaya siya nanatiling mahirap hindi dahil ginusto niya at pinlano niyang mamatay na lantay na mahirap kundi dahil alam niya, at alam di ito ng kahit na sinong aktibista, na malaking anomalya ang sistema ng pribadong pag-aari (at hindi ito ang ating mga bahay,auto, sari-sari store o toothbrush, ang mga iyon ay personal effects lang) kaya kailangan itong pawiin.

    hindi siya kailanman nangurakot, nakailang termino siya sa kongreso pero mahirap pa rin siya.

    muli, finefetishize na naman ang kahirapan. at dito ako gigil na gigil. pwede ba walang aktibista ang natutuwa sa kahirapan. tigilan na ang pagbubunyi sa katotohanan na namatay si ka bel na mahirap. ang mas mahalagang katotohan ay namatay siya dahil siya ay mahirap: palyadong materyales yari ang bubong, marahil walang surplus para magbayad ng ibang taong gagawa nito.

    at kung ang pagkabayani ay nakabatay lang sa hindi pangugurakot, pinapakita lang niyan kung gaano na kabulok ang gobyerno. kung hindi ka nangurakot ibig sabihin ginampanan mo lang ang iyong tungkulin, hindi naman dapat yun kabayanihan. kaya ang pagbabanderang bayani si ka bel dahil hindi siya nagnakaw sa kaban ng bayan ay pagkukupot sa papel ng mambabatas sa lipunang kagaya ng Pilipinas. hindi bayani si ka bel dahil lang sa hindi siya nangurakot bilang kongresista. bayani siya dahil sa simula pa lang ay itinaas na niya ang wager ng kongreso: hindi lang gumawa ng batas kundi gawin ang lahat upang pigilan ang paggawa ng batas na hindi makatao. Ipinakita niya na bukod sa paggawa ng batas na maka-manggagawa at maka-magsasaka, ang batasan ay larangan na rin ng pakikibaka. at hindi ang larangan mismo ang nagtakda nito–meron kasing mga tangang katulad ni stuart hall, at shempre pa ang mas tanga niyang tagahanga, na pinalalabaas na lahat ng larangan ay terrain of contention na para bang esensyal sa bawat larangan ang magkaroon ng tunggalian, HINDI. nagiging terrain of contention ang isang larangan dahil may pumapasok at aktibong tumututol at ginagawang ganon ng tao ang isang larangan, kaya hindi biro o chani lang ang naging buhay ni ka bel sa kongreso.

    katulad din ng sinabi mo, kinukupot sa pagka-anti GMA ang batayan ng katapangan at kabayanihan ni ka bel. isangdamakmak na ang anti-gma. pwede ba, karumaldumal ang rehimeng ito, pwede ka ngang maging anti-gma kung nasa pag-uugali mo ang pagiging pikon, hindi mo naman kelangan nang maging matapang, mapagmahal sa bayan, etc. etc, para tutulan ang rehimeng ito. hindi mo kailangan maging rebolusyonaryo para ayawan si GMA. Pero kung isa kang rebolusyonaryo dapat pinapatalsik mo si GMA. kaya naman pianakamalupit din si GMA kay Ka Bel. alam ni GMA kung sino ang pinakamalupit niyang kaaway. alam niya na sa dami ng umookray sa kanya, isa doon ang reresbakan niya ng bonggang-bongga at yun ay si Ka Bel. at di dahil alam ni GMA na anti-GMA si Ka Bel, kundi alam niya na rebolusyonaryo si Beltran (in fairness, marunong umamoy ng tunay na dissent ang hitad, ganyan talaga ang mga kaaway).

    ang naging simpleng pamumuhay ni ka bel ay pinalabas na katangian ng ordinaryong pilipino,silang sinamahan at pinnakasamahan niya. para bang sinasabing, “kapag mambabatas ka at ordinaryo pa rin ang buhay mo, ang galing mo.” kung may extra-ordinaryo sa mga mambabatas ay may kinalaman lang yun sa kakaiba nilang galing magnakaw sa sambayanan. ngayon, kaya simple ang naging pamumuhay ni ka bel hindi dahil simpleng tao lang talaga siya na may simpleng mga pangarap. maaaring simpleng tao lamang siya: pag may sira edi kumpunihin, kapag lukot edi plantsahin, pag hilaw edi lutuin, pag nakakatawa edi humalagapak ng tawa, pag nakakaasar edi magalit, pag inaapi edi lumaban. simple, walang maraming konsiderasyon o excuses kung bakit hindi pwedeng gawin ng diretso ang mga bagay na napaka lohikal namang gawin. pero inagaw na kasi ng kapitalismo ang pagiging lohikal ng mga bagay-bagay, hindi na tuloy simpleng tingnan ngayon kung bakit kelangang magrebolusyon kapag batbat ng krisis ang isang sistemang panlipunan. kaya para sa isang rebolusyonaryo, ang unang-unang dapat muling matutunan ay ang simpleng lohika ng mga bagay-bagay. kaya nga napakalohikal ng prinsipyong “simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.” hindi sila pwedeng paghiwalayin. gaya ng kay ka bel. puspusan siyang nakikibaka kaya simple lang ang pamumuhay. o, kailangan simple lang ang pamumuhay para maging puspusan ang pakikibaka. kaso pinutol yung isang bahagi noon ng media. pinalabas lang na simple ang kanyang pamumuhay. para bang “well you know, simple lang siyang tao, incidentally nung marcos regime nakulong siya tapos naisip nyang mag partylist coz he had this liking for the working class, you know, biased siya sa mahihirap, diba lahat naman may kanya-kanyang biases? his was not a very lucrative bias so let us salute the man. and let us salute him even more because it so happened that like us, he’s super anti-gma.”

    In other words, yung mga papuri sa kanya, lahat naman yun ay ginawa niya at naging siya, dahil tulad ng sinabi mo, siya’y rebolusyonaryo at hindi pa dahil siya ang maraming bagay na sinasabi nila.

    kaya nga hindi ako agree doon sa paghahalintulad doon sa sinasabi ni zizek na pagsasalula sa substance ng mga bagay-bagay katulad ng cream without fat, coffee without caffeine, sex without penetration (cybersex). totoo hanggang doon sa pagtatanggal ng substance ni Beltran–yung pagiging rebolusyonaryo niya. pero hindi yun ang buong punto ni zizek. tinutukoy niya ang mga alternatibo sa sistema na savtotoo lang ay di naman babago sa sistema, ito raw ang gusto ng mga bagong propagandista para sa sistema na kunwa’y tutol dito (a revolution without revoluition: ito raw ayon kay robospierre ang tila gustong tahakin ng pangkat ni danton sa kanilang pagtutol sa reign of terror noong rebolusyon sa pransya, para sa kanya paano magiging rebolusyon ang rebolusyon kung hindi gagapiin ng mga rebolusyonaryo ang mga kaaway nitong mang-aapi?) pero ang mga alternatibo naman ay walang panama laban sa sistema.

    pero kung sinoman ang nagsulat ng editoryal na iyon, malinaw na hindi naman siya naghahanap ng alternatibo sa sistema. wala siyang problema sa sistema. may self-healing capacity nga raw ang capitalism eh. hindi man lang postmodernista ang sumulat niyon. isang sagad-sagarang konserbatibo na namamanata sa mga pangako ng kapital. hindi sa gusto niya ng revolution without revolution, ayaw niya ng revolution period. kaya nga laos na raw ang ideolohiya ni ka bel—ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya tungo sa sosyalismo.

    bakit kaya ganon? usually, hanggang don lang sa pagsasalaula ng substance ang ginagawa. halimwaba si de quiros hindi raw siya naniniwalang laos na ang pinaglaban ni ka bel. nilagay niya sa kongkreto kung ano ba talga ang ibig sabihin ng ideolohiyang pinanghawakan ni ka bel. at nang ginawa nya yun, biglang lumabas na wala namang makaluma roon, at napakaunibersal nga ng mga adhikaing iyon. pero nagkaganon, bumango, naging katanggap-tanggap dahil binura na kaya yun ginawa ay dahil nga nagrerebolusyon si ka bel. (pero hindi pa rin mapatutunayan na binura iyon ni de quiros mismo. sa palagay ko hindi, ang pagbura ay nasa proseso na ng dissemination at reception. matalas at may puso ang kolum na iyon, isa sa pinakapaborito ko na sa buong buhay ko, hehe).

    pero ang nagsulat ng editoryal, parang laki ng utang o utang na loob sa mga burgesya komprador dito sa pinas. akala ko nga sa mga susunod na paragraph iisa-isahin na ang corporate social responsibility scheme ng mga ayala o di kaya ni danding at ng iba pa. walang plano ang naguslat non na kontrahin ang sistema, mahal niya ito at may personal siyang dahilan. kaya naman kitang-kita agad ang pagkiling niya.pareho man silang anti-gma ni ka bel, pareho sila marahil ng tindig sa isyu ng langis, vat, kuryente, gera sa iraq, pero hinding-hindi niya yayakapin ng buong-buo si ka bel. hindi pa dahil wala sa panlasa niya ang rebolusyon. kundi wala siyang napala kay ka bel. wala namang pera yung mamang yun, baket siya kikiling sa mga rebolusyonaryo. minsan, pag di na talaga maiwasan, papupurihan niya ito. pero hindi ang mga katula ni ka bel ang nag-boost ng ego niya. hindi recognition ni ka bel ang kailangan niya, hindi ang katulad ni ka bel ang kikiliti sa ego niya at sasabihin sa sarili niya ‘wow, i have arrived.” hindi si ka bel ang pinapantasya niyang makasabay sa paglalakad habang parang nakaangat ang paa niya sa lupa kasi proud na proud siya sa kasabay niya: “Oi! nakikita niyo ba ako, nakikita niyo ba kung sinong kasama ko?” hindi rin mula sa mga tipo ni ka bel manggagaling ang tawag o ang text na magpapabilis ng tibok ng kanyang puso at magbibigay ng kakaibang tuwa dahil sa wakas ay katextmate na niya ang tinitingala niya.
    in short, and in even harsher terms, kung sino man yan, social climber yan.

    hindi pa dahil sa galing siyang pluto o feeling first world siya. andito siya, ang tanong,aling sirkulo ng mga kapitalista ang kachika niya? he/she stands to gain something out of that stupid contention. naalala ko yung isang sosyolohista, si c. wright mills, minsan nabanggit niya na yung mga burgis daw, they love to surround themselves with intelligent people, yung may skill sa argumentation, theorizing, debate and the like. kasi di nila kaya yun. at sa ganon na lang daw humantong ang “expertise” ng mga academics. o sa editoryal na yun, isang journalist na nagpapaka-academic.

    ok na ko😛

  • tanglad  On June 5, 2008 at 4:07 pm

    To appropriate from my students’ lexicon, Word! Kay Sarah din.

    Hindi ko nakita itong rah-rah for capitalism piece na nagpapanggap na parangal kay Crispin Beltran. Gusto kong ibato sa manunulat ang lahat ng tapes ng interview ko sa mga babaeng nag-organisa ng mga unyon sa EPZs. Kinuwento nila kung paano sila pinagbabantaan, dinidukot at minolestiya. Pinupuntahan ang mga magulang nila sa malalayong barrio at tinatakot ang pamilya, para ang tatay ang mag-punta sa EPZ at maki-usap sa anak. Sa US, mga manggagawang immigrant at outsourcing ang ginagawang “wedge” issue para sa mga mangagawang lower-middle class at puti. Mga ilang halimbawa lang ito ng mga balakid sa pag-organisa ng manggagawa sa age of globalization. It’s not because there’s anything healing about capitalism. Jesus.

    Pero nababahala din ako na naririnig ko ang “healing capacity of capitalism” at ibang mga incarnations nito (“the transformative power of capital” being the worst) mula sa mga kapwa-progresibo. At least, sa mga talakayan ko sa mga dating aktibista na ngayo’y mga entrepreneur, nag-sisikap silang mag-bigay ng mga halimbawa. Social entrepreneurship. Microfinance at Grameen Bank. Si Anita Roddick at si Bono.

    Ako, malaki ang pangamba ko na ang mga pagdaranas na idinudulot ng globalisasyon ay mare-resolve ng karagdagang kapitalismo. (Hala, ito ang topic ng disertasyon ko, kaya titigil ako bago humaba nang husto itong comment)

  • vivencio verzosa  On June 10, 2008 at 1:14 pm

    love u so much poh madami po kasi mhe natutunan sa inyo thank u din po sa mga informasyon na nakakalap ko sa inyo

  • kapirasongkritika  On June 11, 2008 at 5:37 am

    Sarah: Sorry, ngayon lang ako nakasagot. Salamat ulit sa pagba-blog sa blog ko! Hehe. Sharp as ever, damang dama ang pagkabuwisit mo sa mga bagay. Parang ang punto lang ng pagbanggit kay Zizek: Ka Bel without Ka Bel ang gusto nila. Bakit Habermas? Kasi si Magno, halimbawa, biglang talon sa Kanan. Si Habermas parang ang moda, nasa Kaliwa pa rin ang mga punto niya. Tsaka na ang ibang paliwanag ko. Hehe.

    Tanglad: Wow! Ganda naman ng topic ng dissertation mo. Malamang, maaambunan kami ng laman sa blog mo. Go! Okey lang din sa akin kung ibabato mo nga ang mga tapes sa mga nagsulat ng editoryal. Hehe. Pero mas magandang mailagay mo sa blog mo. Hindi kasi man lang nakakalubog sa ganyang mga konteksto ang ilang manunulat, kaya hindi gaanong gagap. Mabuti ka pang nasa US, alam.

    Vivencio Verzosa: Nakakatuwa naman ang komento mo. Salamat! Bakit ka naka-link sa Ask.com? Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: