Ja-Jollibee Kami, Jo-join Kayo?

(1)

Kuwento ng isang kaibigang aktibista, may kagawian siya at mga katrabaho niya: Madalas, kapag kumakain sa pagitan ng mga pulong, usap-usapan nila ang masasarap na pagkain. Bukod sa napapasarap daw ang kinakain nila, masayang pansamantalang pahinga raw sa seryosong usapan ang ganoong kuwentuhan – hindi pagtakas sa tungkuling baguhin ang lipunan, kundi kakatwang bahagi nito.

Parang ganyan ko inuunawa kung bakit sa gitna ng lalong pag-igting ng krisis ng ekonomiya ng bansa at ng pagdating ng samu’t saring trahedya sa mga mamamayan, naaakit akong magsulat tungkol sa Jollibee – oo, ang paboritong fastfood chain ng nakakarami. Hindi ba’t “panukat ng kaligayahan” (happiness indicator) ng mga Pinoy ang pagkain sa mga fastfood, tampok ang Jollibee?

Natutuwa pati ako sa format ng Amerikanong blogger na si Adam Kostko sa pagsasabi ng mga naiisip at nararamdaman niya sa isang panahon – na parang nangungumpisal. Puwes, ganito: Inaamin kong mula pagkabata ay mahilig na ako – at ang buong pamilya ko – sa Jollibee. Sobrang hilig nga, sa puntong may konsepto ako ngayon ng isang patalastas nito batay sa sarili kong karanasan.

Pinalaki kami ng mga magulang na iisang fastfood lang ang pinupuntahan at kinakainan – iyung may malaking bubuyog at hindi iyung may nakakatakot na payaso sa labas. Siguro, bahagi ito ng moda ng mga magulang ko. Dahil middle class silang dating maralita sa probinsiya, nagkumahog silang ihain sa mga anak ang mga produktong numero uno: Colgate, Safeguard, Tide, Jollibee at iba pa.

(Galing ang larawan sa massthink.wordpress.com)

(2)

Lagi raw nakikita noon si Prop. Zeus A. Salazar – historyador, guro ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas, at ama ng kilusang intelektuwal na tinatawag na “Pantayong Pananaw” – sa Jollibee. May nakapagsabi rin sa aking hinihikayat niya ang mga estudyante sa klase niya na mas kumain sa Jollibee kaysa sa McDonald, dahil pag-aari ng mga Pilipino ang una at ng mga dayuhan naman ang ikalawa. Gusto nga raw niyang maging mascot nito – biro lang.

Dapat naman talagang tulungan ang mga negosyanteng Pinoy na nagsusumikap at hindi nagsisilbing tau-tauhan ng mga kapitalistang dayuhan. Pero dahil mas mabenta ang Jollibee kaysa sa McDonald, masasabing mas todo-kayod – at sa gayo’y mas napapagsamantalahan – ang mga empleyado ng nauna. Mas kritikal sa karaniwan ang pagtingin ni Prop. Salazar, pero mahalagang igiit na di sapat ang mga opsiyon sa ngayon. Kailangan pa rin ang panlipunang pagbabago.

Minsan namang inilarawan ni Prop. Atoy M. Navarro, historyador at kapanalig ni Prop. Salazar, ang globalisasyon na “homogenisasyon o mapag-isang kapangyarihan na hindi kumikilala at gumagalang sa kabuuan, kakanyahan, katangian, kalayaan at kasarinlan ng mga bansa na makipag-ugnay [nang] makatwiran sa isa’t isa” [“Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino,” 2000]. Sa hanay ng ilang makabayan, palasak ang ganitong pagtingin sa globalisasyon.

Sa isang antas lang nito naipapaliwanag ang penomenon ng Jollibee at ng fastfood sa pangkalahatan. Dahil walang diyalektikal na oryentasyon at kongkretong pag-alam, makaisang-panig ito at hindi nakikita ang talab ng kulturang Pilipino. Sa Jollibee at mga fastfood, makikita ang pag-angkop ng mga korporasyon sa kulturang Pinoy, na nagpapartikularisa sa mga produkto nila sa Pinas kumpara sa produkto sa ibang bansa: Matamis na spaghetti, halimbawa.

(3)

Puwede bang maging poor man’s patent ang blog? Kahit not-so-poor man’s patent? Kuwento ng isang kaibigan dati, kapag may naimbento ka o natuklasan na hindi mo maiparehistro ng patente, puwede mong isulat sa isang papel ang konsepto tapos ipadala sa pamamagitan ng koreo sa bahay mo. Puwede mo na raw iyong itago at parang patente na rin daw iyon. Hindi ko alam kung totoo ang sabi niya, at hindi na rin ako nag-abalang alamin. Nakakatawa lang kasing isipin.

Anu’t anuman, may konsepto ako ng patalastas ng Jollibee batay sa sariling karanasan: Sa lahat ng mayor na eksameng kinuha ko sa eskuwela, kasama ang Chickenjoy. Mula sa pagpili ng magiging top 10 noong nursery at kindergarten (Ahem) hanggang sa mga quiz bee na nasalihan ko noong elementarya (Ahem ulit, pero ni hindi umabot sa regional level), at sa ilang mayor na eksamen at quiz bee noong hayskul, dinadalhan ako ng tatay ko ng paborito kong Chickenjoy.

Pang-telebisyon ang drama, dahil madalas, habang nage-eksamen, marahang kakatok ang tatay ko sa bintana para ipakita ang dala-dala niyang moral support sa ipinagmamalaki niyang anak (at siguro, para istorbohin at idemoralisa ang mga kalaban, Hehe). Hindi naman ako laging panalo o numero uno, pero premyo ko na ang pagdating ng tatay kong ni ayaw pumunta sa ibang aktibidad sa paaralan, lalo na sa mga pulong ng Parents-Teachers Association o PTA.

May dramatiko pang rurok. Noong gabi bago ako kumuha ng entrance exam sa unibersidad, nag-away kami ng nanay ko – di ko na maalala ang dahilan. Noong pupunta na ako sa eksamen, binawalan niya akong umalis ng bahay. Hindi daw niya ako bibigyan ng pera. Noong tiningnan ko ang pitaka ko, may kaunting pera pa ako, sapat lang para makarating sa eksamen. “Bahala na,” sabi ko. Noong palabas na ako ng pinto, umiiyak, humabol ang tatay ko, sasama na raw.

Nalimutan ko nang hindi pa ako kumakain noon. Noong medyo nakalayo na kami, nagtanong siya, “Kumain ka na ba?” Saan kami kumain? Siyempre pa!

(4)

Pahabol: Minsan, kumakain sa Jollibee ang apat na panatiko nito. Masaya sila, nilalait ang pinakamalapit na kalaban nito – payat at mamantika ang fried chicken, maasim ang spaghetti, at kahit ang timpla ng softdrink, hindi masarap.

Biglang may nagpilit maging balanse: “Pero in fairness, ha, crispy ang fries nila.”

Parang nagpanting ang tainga, tumaas ang boses ng isa, galit na nagsalita: “True! Crispy ang rice nila!”

02 Hulyo 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jp  On July 6, 2008 at 11:00 am

    Mas gusto ko yung manok at spaghetti ng McDo. Ayoko ng matamis na spaghetti. Mas gusto ko din ang gravy ng McDo. At yung fries din. Sa softdrinks, hindi ko alam in that respect kasi hindi ako uminom ng softdrinks. Hindi ko alam sa hamburger, pero mas gusto ko yung lasa ng buns ng McDo, parang may distinguishable sharpness. Wala naman talagang halaga tong reply na to.

  • kapirasongkritika  On July 7, 2008 at 8:38 am

    Hah! Conscious ka bang umiwas sa pagbanggit sa lasa ng burger patty ng McDo? Hindi kasi masarap. Hehe. Pamilyar ka naman sa mga akademikong binanggit dito, ah. Ano ang komento mo sa bahaging iyon? Salamat sa komento!

  • jp  On July 8, 2008 at 7:26 am

    Wala naman akong komento sa bahaging pinupuna mo sila. Sa bahaging pa-kwento lang, may ilang beses ko nang nakasabay si Zeus Salazar sa jeep na paKatipunan. Parang hindi naman siya mukhang kaka-Jollibee lang. Minsan sa isang klase ko kay Dr Mila Guerrero, nabanggit niya lang, tulad ng maraming bagay sa mga panayam niyang hindi mo alam kung paano iuugnay nang kagyat sa mga paksa ng kurso, na mas gusto rin niya ang Jollibee kaysa sa McDo. Wala pa akong encounter kay Atoy, bukod sa mga pagkakataong nadadaanan ko siya at ng kanyang barkada sa sulok nila ng AS. Hindi ko naman iniwasan banggitin ang patty ng mga hamburger ng McDo; hindi ko naman alam na may pinagkaiba sila.

  • kapirasongkritika  On July 8, 2008 at 7:09 pm

    Sinisipag kang magkomento ngayon, JP ah. Bakit nga ba hindi ka rin mag-blog? Maraming interesanteng kuwento doon, tiyak. Hehe. Baka nagutom si Prop. Guerrero noong saglit na iyon. Hehe. Ang ibig kong sabihin, malaki ang pagkakaiba ng lasa ng patty ng Jollibee sa patty ng McDo. Alam mo na, siyempre, kung alin ang mas gusto ko. Hehe.

  • sarah  On July 13, 2008 at 1:08 am

    ipapauna ko na in principle, di ko bet ang mcdo o jollibee. una dahil balaj ang plastic spoons at istayro. parang, oi, gusto ko lang namang kumain baket niyo ko iniinsulto? gayunpaman, may mga pagkakataon na natatagpuan ko ang aking sarili sa mga fastfood na ito. noong nasa kolehiyo pa ako, mas feel ko ang mcdo, yung kanilang isang pirasong chicken at crispy rice at yung kanilang quarter pounder ang dalawang naoorder ko rito. kaso biglang ayoko na ng mcdo. di ko alam kung anong nangyari. kaya sa paminsan-minsang fastfood mode, sa Jollibee na ko. chickenjoy naman ang feel ko rito at yung burger steak.

    walang koneksyon, tiyak ako, sa nosyon ko ng pagkamakabayan ang mas paborableng pagtingin ko sa chickenjoy ng jollibee, pati na sa kanilang timpla ng coke. di naman ako yung tipong nagkakasimpatya sa mga kapitalista na dudulo pa sa pagsuporta ko sa kung anong binebenta nila. wala rin akong pakealam kung pinoy sila o hinde. dahil sigurado ko wala naman silang pakealam sakin bukod marahil siguro sa patterns of consumption ko. but then again i am not much of a consumer din dahil wala naman akong gaanong purchasing power. in short, walang masyadong intersection ang interes nila sa aking lifestyle and sensibilities. and i will never be caught endorsing any of these fastfood chains, or any product for that matter on account of some narrow sense of nationalism or other.
    hindi rin totoo ang homogenization na binabanggit. the logic of localization (kasama na riyan ang naging trajectories ng mga disiplina sa akademya) obtains from the logic of globalization. hindi kontra ang nauna sa isa, at lalong hindi pangontra ang nauna sa huli. kaya hindi ako magtataka kung baket pipiliin ng mga nasa larangan ng pantayong pananaw ang jollibee.

  • ZEUS SALAZAR  On July 22, 2008 at 8:37 am

    kung nakasabay ako ng isa sa inyo tungong Katipunan, ang dahilan nito ay ang pangyayaring hindi na ako nakatira sa kampus. ngunit papunta-punta pa rin ako sa jollibee, paminsan-minsan kasama si dr. covar. kung makita ninyo ako, batiin naman ninyo ako. sa katunayan, mas madalas kami noon “magtrabaho” (magsulat) nina Atoy, Bomen at (ngayon Consul) Yulo. Sa Jollibee ko rin sinulat at natapos ang salin at komentaryo ko ng Manifesto ng Partido Komunista nina Marx at Engels. Isang dahilan kung bakit di na ako ngayon madalas sa Jollibee Philcoa ay naaheart-attack noong 2001. Di na gaanong “ligtas” para sa akin ang pagkain ni sa Jollibee ni (lalo pa) sa McDo. Makikita rin ninyo iyan matapos ang 30ng taon. zas

  • ZEUS SALAZAR  On July 22, 2008 at 9:02 am

    hindi naman ho kahinahunan ang aking hinihiling sa inyo. alam kong hindi dapat maging mahinahon ang kabataan. kailangan ang kapusukan, laluna kung bata ka pa at wala pang gaanong alam sa mundo. kung walang kapusukan ang kabataan at pulos pagtitimpi ang nasa kanyang kalooban, papaano mababago ang daigdig. kadalasan, ang pagpapabago sa lipunan ay dulot ng kapangahasan — ng kabataan, at ng ilan ding nakatatanda. ang nakasulat sa itaas ay pagtatangko lamang na makisawsaw sa inyong lubos na katiyakan sa lahat ng bagay — mula sa panlasa hanggang sa kung paano dapat mababago o kaya tahasan nang baguhin ang mundo. zas

  • ZEUS SALAZAR  On July 23, 2008 at 4:29 pm

    mahal na teo,
    pabalik-balik ako rito sa iyong kapirasong kritika at tuwing bumabalik nagugustuhan ko ang iyong mga sinasabi, laluna ang tungkol sa kritika ng nakaraan ng marxismo at ng iniluwal nitong stalinismo sa rusya (siguro isama na rin natin ang rehimeng pol pot sa ating banda), kritikang mas matindi pa at sa loob mismo ng kaisipang sosyalista kaysa sa nagawa at ginagawa ng mga kaaway ng ating pag-unlad. tama ang lahat ng ito, bagamat nakatuon pa rin tayo sa mga ginagawa ng iba at hindi natin. gayumpaman, oks ako na halos lahat ng talastasan at balitaktakan ay sa wikang F/pilipino. IPAGPATULOY. MAS MABUTI SA DIWA NINA BONIFACIO AT JACINTO. ZAS

  • kapirasongkritika  On July 24, 2008 at 5:24 am

    Prop. Salazar,

    Sa totoo lang, hindi ko po alam paano tutugon. Hindi ko akalaing ang isang tulad ninyo ay magkakaroon ng panahong tumugon — at seryosong tumugon pa nga — sa mga narito sa blog na ito.

    Binabasa ko ang mga isinulat ninyo at hindi man ako sumasang-ayon sa lahat ng nasabi ninyo ay iginagalang ko ang sigasig at sinop ng inyong pag-iisip.

    Ilang punto lang po:

    (1) Hindi ko po lubos na nauunawaan ang punto ninyo sa kapusukan. Ano po ang partikular na ibig sabihin nito sa talakayan natin ngayon?

    (2) Iyun nga po ang isang punto ni Zizek sa isang artikulo sa itaas: Na iba ang nangyari kay Stalin halimbawa, at kay Pol Pot sa kabila. Lalo na pong iba sa nangyari kay Hitler.

    (3) Huwag po kayong mag-alala, kapag nakita ko kayo ay magpapakilala ako sa inyo.

    Ingat po!

  • kapirasongkritika  On July 24, 2008 at 5:25 am

    Pahabol: Hangad ko po ang mabilis na pagbuti ng inyong kalusugan.

  • ai luen  On July 29, 2008 at 2:17 am

    Kaibigan! oo! walang kapantay ang Jollibbe. Alam ko naaalala mo pa na ako ang nagpakilala sa iyo ng burger steak at naging paborito mo sya, sa tuwing nagkikita tayo ay sa Jollibee ang bagsak natin.
    Napaka-drama ng naisulat mo dito, wala akong ganung karanasan, sapagkat nakilala ko lang nang husto ang bubuyog na ito noong tayo ay nasa highschool, kasi ako ay nakakalabas na ng bahay.
    Sa Jollibee Philcoa ko tinatapo ang lahat ng Math exercises ko nung graduate studies sa Diliman kasi hanggang umaga sila bukas, apple pie lang at burger steak ang pantawid gutom noon.
    Dito sa lugar ko may Jollibee na rin , kaya lang ito ay inangkop nila sa panlasang intsik, medyo maasim ang spagehetti, crispy anf fries in fariness, may halo-halo, payat ang manok at ang masaklap walang gravy! Dinayo ko sya nung opening, nakakatuwa at halos lahat ng dumayo ay tulad kong pinoy. Nakakatuwa, kasi sa isang platong spaghetti (opo, kami ay naka-plato, fine dining ba! walang styro) ay nakilala ko sila.
    Hay…pag-uwi ko 2pcs burger steak at maraming gravy at rice!

  • kapirasongkritika  On July 29, 2008 at 4:28 am

    Ai Luen: Salamat sa pagkokomento. Ayan, mga kaibigan, may patotoo pang paborito ko ang Jollibee. Hehe. Totoo, ikaw nga ang nagpakilala sa akin ng burger steak, na naging paborito ko ring panawid-gutom. Busog ka na kapag may extra rice. Salamat sa pagshe-share ng karanasan sa Jollibee riyan sa Tsina. May iba pa bang OFW na nagbabasa ng blog na ito? Ano naman ang karanasan ninyo? Hehe. Feeling may audience.

  • ai luen  On July 29, 2008 at 9:38 am

    Kaibigan…karanasan saan? napakalawak ng tanong mo?
    kung Jollibee, marami…kasi po ang layo nya sa lugar namin isang oras na byahe, kaya minsan pag may isang pupunta sa Jollibee lahat na magpapabili. Samakatwid, natutunan ko ng magdamot at wala ng announcement pag bibisita kay bubuyog.
    sa Pinas…nabubuang kami pag magulo sa pinas. At dahil economista ako (opo, ako ay isang impokrita, at umalis ako ng bansa na dapat sana ako ay isa sa mga nag-aayos nito…”too many cooks spoils the broth” ang nagdikta sa paglayas ko, at meron ng mega nagpapanggap na economist diba? nakaupo na sya sa pwesto), paminsan ako ang tanungan kung ano ang mangyayari lalo na sa nagaganap na krisis sa langis… epekto nito sa palitan ng dolyar at marami pang iba, minsan wala akong masabi kaya binubuksan ko ang blog na ito para kumuha ng maisasagot.
    Sinasabi ko naman na ang mga kasagutan ko ay galing sa iyo.
    Kaya…may audience ka…kelan mo ako bibisitahin?
    Ulit, malawak ang karanasan na tanong mo…

  • kapirasongkritika  On July 29, 2008 at 5:58 pm

    Ai Luen: Naikwento mo na nga ang karanasan mo, at nagpapasalamat ako sa iyo. Nagtatanong ako sa iba pang mambabasa ng blog na ito. Kumbaga sa entablado, bigla akong humarap sa audience matapos kang kausapin. Hehe. Napapansin mo ba sa comments section si Tanglad? Nasa US iyan. Si Droidz? Nasa Middle East iyan. Hehe.

    Hindi ko alam na may ganyang factor ang iyong pag-alis. Hehe. Salamat sa pagbasa at pagbabahagi ng laman ng blog. Kasama ako sa mga tinawag mong “nagpapanggap na economist.” Hehe.

    Dalaw? Naku, krisis the moment din ako dito. Hehe. Salamat!

  • Anita Bakery  On September 10, 2009 at 2:01 am

    Teo, maniniwala ka ba na umabot ako ng 30 años na hindi pa bumibili (sa sariling kong kagustuhan) ng kahit anong burger ng jollibee? Promise, mamatay man. Siguro nakakain ako ng 1 o 2 beses, pag may mga meeting dito sa opisina at iyun ang inorder at wala akong magagawa kundi iyon ang kainin. Ngunit peborit ko ang spaghetti nila, pinoy na pinoy ang dating, kaso nakapagtataka na ang hotdog sa spaghetti nila ay kuwadrado at manipis ang pagkakahiwa, kumpara sa natural na hubog ng mga hotdog sa nakikita sa tv at tindahan. Hindi ko alam kung bakit ayaw ko ng burger nila, para rin itong maihahalintulad sa isang taong hindi mo kilala, ngunit mainit na ang dugo mo sa unang ninyong pagkikita.

    Tara minsan, jollibee naman tayo bago bumirit, tapos treat kita ng peborit mong mocha frap sa Starbucks.

  • kapirasongkritika  On September 10, 2009 at 3:49 pm

    Napapa-?!? ka ba kapag nakikita mo ang hotdog ng spaghetti nila? Oo nga ano? Siguro kasi nalagay sa freezer nang matagal, nagkahulma. Hehe. Mahilig ka talagang mag-obserba ng maninipis na hiwa ng hotdog na parang kapag hinipan ng hangin ay pwede nang lumipad. Hehe. Paborito ko rin ang spaghetti nila — di tulad sa iba diyan, maasim. Hehe.

    Mainit dugo mo sa burger nila? Haha. Kakaibang paglalarawan ng ugnayan sa isang klase ng pagkain! Hindi talaga gaanong masarap ang burger nila, na parang lagi ring nanghihina at mahuhulog sa kamay mo. Sa totoo lang, mas gusto ko ang cheese burger ng McDo o Wendy’s. Hehe.

    Sige ba. Huy, bihirang-bihira lang ako nakakainom ng Mocha Frap! Kaya mahirap sabihing paborito ko iyun.

    Salamat sa komento!

  • Purong pinoy  On April 14, 2010 at 5:53 pm

    niloloko lng tayo ng mga dayohan hinde naman pinoy me ari ng jollibee kondi mga inchek! Sila lng yumayaman tayo mga pinoy ginagawang alipin. Hinde desenteng mag sweldo ung mga fastfood dapat suportahan natin ung pure na pinoy na produkto. Dahil dapat pinoy muna bago ang iba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: