Pagtatanggol sa Hindi Lost Cause

(1)

 

“Hindi pa ba lost cause iyan?” bungad sa pag-uusap ng kaibigan ng isang kaibigan, noong nagkasama-sama kaming tatlo minsan sa isang kainan.

 

Nagulat ako, hindi makapaniwala sa narinig – at hindi dahil wala akong pasensiya sa ganitong mga tanong, na agad kong ipagpapalagay na tungkol sa mga paniniwala kong isinusulat sa blog na ito. Nagulat ako dahil akala ko, dahil Bisaya siya, nabibisaya lang siya ulit: “Loslos” ang una kong dinig. Mabuti na lang at inulit niya, binigkas nang malinaw ang praseng Ingles. Nabura ang hinala kong may x-ray vision ang kausap ko; x-rated lang pala ulit ang aking pandinig.

 

Tanong na pang-beauty contest ito, naisip ko, masyadong masaklaw. “Ibatay na lang natin sa huling mga balita,” sabi ko. Gusto ko sanang ipakitang lalo pang sumasadsad ang lagay ng bansa mula sa dati nang pagkalugmok at pagkabulok. Halimbawa, bungad ko, matagal na nating alam na grabeng naghihirap ang karamihan ng kababayan natin, kapos sa pangangailangan. Pero pati ba naman bigas, kakapusin? Walang tigil ang paghirap ng buhay sa sistema sa bansa.

 

Nagtuluy-tuloy na ako. Sa hirap ng bansa, kailangang patuloy na mamalimos ang presidente ng tulong at pautang sa US. Anuman ang tunay na kuwento sa likod ng pagdukot kay Ces Drilon ng Abu Sayyaf, tiyak na ginamit ni Gng. Arroyo ang nangyari para humingi ng dagdag na tulong noong nakipag-usap siya kay G. George W. Bush. Dati, si Pres. Cory Aquino, simple lang ang damit sa pagbisita sa US – hihingi rin kasi ng tulong – pero si Gng. Arroyo, naka-junket pa ngayon.

 

Patuloy na tumataas ang presyo ng langis, gayung sapat-sapat ang suplay nito sa mundo. (Nag-iipon ba ang malalaking kapitalista ng pondong pandigma?) Walang ginagawa ang gobyerno, nagbibingi-bingihan kahit sa panawagang ibasura ang VAT, kahit pansamantala, sa gitna ng krisis. Dati, hindi kongkreto sa akin ang sinasabing paggamit sa seks – at karahasan, at sensasyunalismo – sa panahon ng krisis. Ngayon, dumadami pa ang magasing seks ang pambenta.

 

Lagi’t lagi, ang namamayani ay ang interes ng US, mga uring naghahari at humahawak sa gobyerno, at malalaking korporasyong dayuhan; interes ng nakakarami ang natatapakan. Habang lalong nakikitang naghihirap ang marami (laging nakapila para sa bigas), lalo rin namang nakikitang nagpapasarap ang iilan (nasa ibang bansa gamit ang pondo ng bayan). Lalo ring nalalantad ang pagtatangkang ilayo sa makabuluhan ang kaisipan at katawan ng nakakarami.

 

Sa ganitong lagay, kailangang lumaban ng mga tao para makamit ang kahit kaunting ginhawa sa buhay. At hangga’t hindi nababago ang sistema, laging mumo, tira-tira, o latak lang ng naghaharing mga uri at dayuhan ang makukuha nila. Hindi pa man sila bumubuhos sa kalsada para magkondena at manawagan, nagsasalita na ang mahihirap: kung hindi pa man sigaw ng protesta, daing ng pagkapulubi ang lumalabas sa mga bibig nila – sa Wowowee man o Eat Bulaga.

 

Naging matiyaga ako sa pagsagot. Hindi ako humantong sa shameless self-promotion, at sinabing tingnan na lang ang Kapirasong Kritika para sa sagot ko. 

 

Si Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian

(2)

 

Pero tulad sa maraming masaklaw na tanong, may follow-up question: “Kung hindi lost cause, eh bakit hindi pa nagtatagumpay ang ipinaglalaban ninyo?”

 

Pamilyar na ako sa ganitong mga tanong. Hindi siya ang una at tiyak na hindi rin huli. Ramdam kong sinsero siya, tulad ng maraming nauna, at hindi lang gustong magpalipas-oras o mang-asar. Tanggap ko na iyon: Ganoon talaga, kapag ganito ang paniniwala mo, matatanong ka nang ganito – ng sarili mo at ng iba. Hindi siguro katulad ng mga naniniwalang iisa ang Diyos pero tatlo ang persona niya, o magiging mahusay din ang kalagayan ng bansa sa kamay ng gobyerno.

 

Nag-isip ako ng simpleng paliwanag. Una, sabi ko, hindi nangangahulugan ang hindi pagtatagumpay – o pagkabigo pa nga – na lost cause na ang isang ipinaglalaban. Paborable sa sinasabi ko ang sitwasyong pampulitika sa bansa: Halimbawa, hindi porke’t hindi pa napapatalsik si Gloria Arroyo eh mali o patalo nang ipaglaban ang pagtanggal sa kanya sa pagkapangulo. At pagbabago pa lang iyan ng presidente, hindi pa ng sistema – na sigurado nang mas mahirap.

 

Tumango siya sa ganitong pag-iiba ko, at medyo nakahinga ako nang maluwag. Sabi ko, sa kongkretong mga pangyayari sa kasaysayan maipapaliwanag ang hindi pa pagtatagumpay ng iba’t ibang kilusang mapagpalaya sa mundo katulad ng nasa Pilipinas. Sa kabilang banda, ganitong mga pangyayari rin ang magpapaliwanag kung bakit nagtagumpay ang mga kilusang mapagpalaya sa ilang bansa – at kung bakit nabawi ng imperyalismo ang mga tagumpay nila.

 

(Sa puntong ito biglang napahalagahan kong muli ang mga sanaysay na “Muling Pagtibayin ang Ating Batayang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali” at “Manindigan para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo.” Parehong inilabas noong bungad ng dekada ’90, sinisikap ng dalawang ito na ipaliwanag kung bakit hindi pa nagtatagumpay ang kilusan para sa tunay na pagbabago sa Pilipinas at sa mundo – kung bakit umatras pa nga ang mga ito.)

 

Ang problema kasi, kung mayroong tinatawag na “sikolohiyang pop” (pop psychology) – ang mababaw kung hindi man maling pag-unawa at paggamit sa batayang mga konsepto ng sikolohiya – namamayani ang matatawag nating “kasaysayang pop” (pop history). Dito, nagagawang simple ang kumplikadong mga paliwanag sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Kaliwa sa mundo. Laging simple: Dahas ang dulot ng rebolusyon sa masa at miyembro, kaya laging bigo. 

 

Mula kina Alex Magno at Dean Jorge Bocobo (maka-Kanan) hanggang kina Manuel L. Quezon III (nagpapakilalang liberal-demokratiko), Mon Casiple (nagpapakilalang independiyenteng “manunuring pampulitika”), Conrado de Quiros (kaliwa ng sentro) at Walden Bello (akademiko at aktibistang kontra-imperyalista), parang sinulid na tumatahi ang ganitong pag-iisip – na tampok sa kanilang pagtatasa sa rekord ni Stalin sa Rusya at ni Mao Zedong sa Tsina.

 

Sa sama ng lagay ng bansa, wala nang hayag na nagsasabing panatilihin ang kasalukuyang kaayusan. Ang karamihan, kung hindi man lahat, tumatanaw ng malaking pagbabago. Pero mayroong matatawag na “phobia” sa nakaraan.

 

 

(3)

 

Sa aspektong ito – ng pagtasa sa kinahantungan ng sosyalismo sa Rusya at Tsina – napapahalagahan ko ang ilang elemento ng kaisipan ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian na kakalabas lang ang librong may titulong In Defense of Lost Causes. Para bang dahil hindi – pa? – lumaganap sa Europa at Estados Unidos ang suri ni Jose Ma. Sison sa mga naganap, kinailangang imbentuhin o kathain si Zizek, na ang suri ay malapit sa suri ni Sison. Malaki pa rin ang pagkakaiba, pero mas katulad kumpara sa malaganap, o sa namamayani.  

 

Naisip ko ito noong nabasa ko ang blog ni Scott Eric Kaufman, Amerikanong akademiko. May pagtutol siya sa sinabi ni Etienne Balibar, pilosopong Pranses, sa libro nitong The Philosophy of Marx, na ang pilosopiyang Marxista ay “pananaw-sa-daigdig ng kilusang sosyalista.” Aniya, hindi naman daw lahat ng sosyalista ay “marxista,” at nakamit lang daw ang pagkakapareho ng dalawa sa pamamagitan ng “iba’t ibang uri ng puwersa” at di ng “rasyunal na argumento.” 

 

Ganito rin, noon, ang pagharap sa isyung ito ng kilalang mga intelektuwal na Marxista sa Kanluran mula kina Fredric Jameson at Terry Eagleton hanggang kina Arif Dirlik at Douglas Kellner: ang ihiwalay at iligtas ang Marxismo sa reputasyon ng Rusya at Tsina, o ng tinawag nilang “aktuwal na umiiral na sosyalismo” (actually existing socialism). Noon at hanggang ngayon, malaganap ang pagtinging katumbas ng sosyalismo ang panunupil at “totalitaryanismo.”

 

Sa isang banda, kinailangan ang ganitong tugon nila: Hindi nga naman dapat madawit at makaladkad ang Marxismo sa mga pagkakamali, kalabisan at kamatayang nagawa sa ngalan nito. Pero kung hindi na maangkin ng kilusang sosyalista ang Marxismo, tulad ng inilalaban ni Kaufman, ano ang magiging silbi nito? Hindi ba’t hindi ito dogma, sabi nga ni Lenin, kundi gabay sa pagkilos, sa pagrerebolusyon? Para ba ito sa akademya, hindi sa mga pabrika at hacienda?

 

Kaya nga mainam ang interbensiyon ni Zizek – at ni Alain Badiou, pilosopong Pranses, sa isang banda. Hindi siya nagkasya sa gawaing-tamad at akademikong paghugas sa kamay ng Marxismo. Sa halip, binalik-aralan niya ang kasaysayan ng sosyalismo sa Rusya at Tsina at hinalaw ang mga aral. Sa panayam niya sa Democracy Now!, sabi niya, “Dapat nating gawin ang tungkuling suriin ang Stalinismo nang mas mahusay sa anti-komunistang kanan.”

 

Sa “Stalinismo,” tinutukoy niya ang mga pagkakamali ni Stalin, na humantong sa pagpatay at pagbilanggo sa libu-libo sa Rusya noon: “Para sa akin, ito ang nag-iisang pinakamalaking delubyo ng ika-20 siglo, dahil nga hindi lamang ito simpleng komunistang totalitaryanismo.” Ang mahirap isipin, aniya, ay ang “tunay na mapagpalayang pagsabog ng Rebolusyong Oktubre at kung paano ito naging Stalinismo.” Ito aniya ang sinikap niyang gawin sa libro niyang bagong labas.

 

Tugma ang ganitong pag-aaral sa kasaysayan sa sinabi rin niya sa panayam: “[K]ailangan nating buhayin ang konsepto ng malaki, dambuhalang kolektibong mga aksiyon” – na inuunawa ko, itanggi man ni Zizek, na rebolusyon. Tugma rin ito sa pagtatakwil niya sa ilang moda ng Kaliwa sa Kanluran: (1) ang lumaro sa kapitalismo at sikaping pahusayin ito, (2) ang walang humpay na tumuligsa lang sa sistema, at (3) ang mag-asam sa rebolusyong inaakalang malapit na.

 

Para kay Mao Zedong, 30% ng nagawa ni Stalin ang kahinaan, at 70% ang kalakasan – at kailangang matuto mula sa pareho. Katulad ni Mao at Sison, lumalabas na naniniwala si Zizek sa pangangailangan ng rebolusyon – ang marahas na pagkilos ng nakakarami para ibagsak ang mga naghahari at baguhin ang sistemang panlipunan. Dito sa tingin ko nagmumula ang kagustuhan niyang aralin ang kasaysayan ng sosyalismo, at ang kaibahan ng suri niya sa marami.

 


Winawalis ni Lenin ang mga dumi ng daigdig.  

 

(4)

 

Naging mabilis na ang palitan ng tanong at sagot. Sabi niya, “Kinakabig ba diyan ang mga nasa panggitnang uri (middle class)? Mahalaga sila sa kahit anong proyektong pampulitika sa bansa.” Sinagot ko ng “oo” ang pareho, sabay paliwanag. “Bakit parang di ko ramdam na nahahatak ang mga nasa uring ito?” Sabi ko, depende sa kinalalagyan niya. Ipinaalala kong mas malakas ang mga aktibista sa kampus noong nagtapos siya kaysa noong pumasok kami doon.

 

“Ibig sabihin,” patuloy niya, “hindi istrikto ang tingin sa kaaway at kakampi?” Una, hindi itinuturing ng rebolusyon na kaaway ang mga nasa panggitnang uri. Ikalawa, makikita sa kasaysayan na kahit mga anak ng naghaharing mga uri, marami na ang lumahok at nag-ambag. Napangiti siya, saka sinabing may maliit na negosyo na kasi siya ngayon. Tinanong ko siya: “Iuugnay kita sa kaibigan kong aktibista, gusto mo? Para mas mapaliwanagan ka pa.” Sabi niya, “Sige.”

 

Hindi ko alam kung nakumbinsi ko talaga siya sa mga sagot ko. Nagsimula siya sa tanong, kung “lost cause” na ang ipinapaglaban ko. Hindi ako tiwalang nakumbinsi ko siyang “winning cause” ito. Pero, siguro, napatimo ko sa kanyang “open cause” ang pinapaniwalaan ko. Bilang panimula, okey na rin siguro.

 

 

18 Hulyo 2008  

 

Sa Filipino Voices, lumabas ang “Kapirasong Kritika” sa seksiyon ng komento ng isang artikulo tungkol sa wika. Sabi ni Cocoy, itinataas daw ng blog na ito ang “talino” (intelligence) ng wikang Filipino. Sa isang banda’y gusto kong magpasalamat – dahil ito na yata ang pinakatampok na pagkilala ng sikat na mga blogger sa blog na ito. (Sa seksiyon para sa komento ng isang entri, hah!) Sa kabilang banda, ano ang mga palagay sa ganyang pahayag? Na hindi matalino ang wikang Filipino o mga gumagamit nito? Kumpara sa Ingles, halimbawa? Nagtatanong lang po.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • E.P.  On July 25, 2008 at 4:20 am

    Madalas ngang decontextualized at distorted ang kasaysayan ng russia at china. bagama’t sos o kom sa pangalan, mod reb sa katangian.

    totoong may mali, (nandyan nga ang panahon ng kahibangan diba?) pero sapat ba ito para isa-wala ang kawastuhan ng paglaya mula pananamantalang tao-sa-tao? isang malaking hinde!

    mabuhey ang “winning cause!” (yep, optimistic ako)

    p.s. fan ni djb si cocoy. wala lang.

  • kapirasongkritika  On July 25, 2008 at 4:17 pm

    Salamat sa komento, E.P.

    Sa alaala ko, modernong rebisyunismo ang tawag sa rehimeng naghari sa Tsina simula noong 1976 — bagamat mas maagang bahagi ng dekadang 1980 nagpakita ng tunay na kulay — at sa Rusya noong 1956.

    Masasabi pa ring matapat sa sosyalismo ang panahong 1917-1956 sa Rusya at 1949-1976 sa Tsina.

    Naaalala ko si Prop. Francisco Nemenzo, Jr. Sabi niya, kung paramihan lang din ng namatay para sa ipinaglalaban, mas maraming Katoliko ang dapat magtatwa ng pananampalataya nila. May gamit ang ganitong argumento sa isang antas.

    Mabuhey!

    Noong nakita kong nagpapakilalang “neoliberal” si Cocoy sa blog niya, naisip kong malamang na tagahanga siya ni DJB. Siguro, naging totoo siya sa pagiging “liberal” noong pinuri niya ang blog na ito. Ang mga totoong liberal, sabi nga, ay dapat liberal talaga para makwestyon ang pagiging liberal sa pana-panahon. Hehe. Bata pa siya, baka hindi pa huli ang lahat.

    Hehe.

  • kapirasongkritika  On July 25, 2008 at 4:21 pm

    Ili-link na pala kita sa Online Kaibigan. Salamat!

  • E.P.  On July 25, 2008 at 11:32 pm

    hehe. mahirap sa liberals, pumoposisyun sila pero tinatanggi nila ito. fencesitters ika nga. pero ang totoo, nakaupo sila paharap sa kanan.

    maraming salamat ho sir teo. asa Dissenting/Decentering link naman kayo.

  • kapirasongkritika  On July 26, 2008 at 1:35 pm

    Iyun din ang mahirap sa kanila, dahil fence-sitters sila, sabi nga, they draw fire from both sides. Pero dito sa Pilipinas, rare species pa sila eh. May iba, ganoon ang tingin sa sarili, by default. Hehe.

    Salamat sa link!

  • tanglad  On July 27, 2008 at 3:45 pm

    Rare species ba ang neoliberals sa Pilipinas? Marami kasi akong mga kaibigang dating aktibista na ngayo’y mga entrepreneurs, dahil entrepreneurship ang paraan para makaahon sa kahirapan. Kaibigan ko pa rin ang iba sa kanila, nakikita kong they mean well. Tapos, marami ring naniniwala sa poverty reduction schemes na pinapataw ng World Bank at WTO. Hindi ko kaibigan ang mga iyon. (At malaki kong pet peeve ang neoliberal feminists, pero mahabang-mahabang diskusyon yon)

    Hala, pakiramdam ko ba ako ang huling taong hindi pa nababasa si Zizek. Ang unang exposure ko sa kanya was at a time when I was turning away from cultural theory (matagal akong Habermasian) towards woman of color feminism. Tapos ang una ko pang nabasa was parts of The Puppet and the Dwarf, and I just got all eeewed out by his discussions of St Paul and Christianity.

    (Paumanhin sa Taglish ko. Pinababa ko yata ang “talino” ng blog mo.

  • kapirasongkritika  On July 28, 2008 at 12:13 pm

    Tanglad, salamat sa komento! Laging welcome ang iyong mga punto, English man o Filipino, dahil ayos. Hehe. Hindi ko naman masyadong sineseryoso ang komento sa “talino” ng blog na ito.

    Ibig kong sabihin, iyung genuine or true-blue na liberal-democratic. Iyung neoliberal, mas marami-rami, dahil may pera talaga sa pagiging ganoon. Hehe. Neo-liberal feminists? Naku, gusto kong makakita ng ganyang species. Parang neo-liberal gay activist — parang imposible. Hehe.

    Maganda namang basahin si Zizek, though siguro as feminist sa kaso mo. Hindi naman siguro siya tututol na basahin natin siya mula sa mga pangangailangang pampulitika natin. Hehe. Provocative siya, lalo na sa mga usapin ng feminismo. Productive siguro ang magiging encounter ninyo.

    Tanglad, interesado ako — sobra-sobra — sa mga kwento mo tungkol sa mga manggagawa sa EPZs. Natuwa ako noong isinulat mong para sa kanila ang produksyong intelektwal mo. Tiwala akong sa kanila mo paglilingkurin ang pagbabasa mo kay Zizek kung sakali. Salamat!

  • tanglad  On July 28, 2008 at 5:57 pm

    Sige na nga. I’m generally suspicious of professor-rock stars–esp. white men–but I figure if people I trust recommend Zizek, it’s time to go read. I’m next in line when In Defense of Lost Causes is returned to the library.

    At salamat rin sa pag-intindi sa mga limitasyon ko sa pagsulat sa P/Filipino. I’m working on it. I thought about commenting about that backhanded compliment they gave you and the discussion on English=educated at Filipino Voices, but meh. Life is short, so am picking my battles.

    Hah, you think neoliberal gay activists are impossible? Try wrapping your mind around “Log Cabin Republicans.” But then again, sa kabilang banda, marami rin akong nakikilalang progresibo ang pulitika, pero sexist o homophobic o trans-phobic. Nakakatawa pa sa mga “faux-gressive” na ito, nagagalit kapag sinabihan mong bigot sila.

    Salamat sa pagbasa mo sa post ko tungkol sa EPZ workers. Marami pa iyon, gusto ko lang i-kwento nang maayos kaya natatagalan akong sulatin. Yung post na iyon, sagot iyon sa neoliberal feminists na maingay ngayon dito sa US dahil na- “disrespect” daw sila ng Democratic Party, at nananakot na iboboto si McCain(!).

    Kasi ang emphasis ng neolib feminists ay “equal rights,” kailangan ng babaeng presidente, kailang ng representasyon sa pulitika at ekonomiya. Na ang solusyon sa mga problema ng social inequality ay equal access to the market. Walang analysis ng mga problema at exploitation na dulot ng market economy itself, especially on a global scale.

    That’s one major failing that these women who call themselves feminists have with neoliberals everywhere. The market economy benefits an uber-privileged few. But when crumbs of benefits are sprinkled on other privileged groups (white women, upper-middle class neolibs in the Philippines, etc), these previously excluded people act as the market economy’s biggest cheerleaders. That’s why you have women’s and anti-poverty programs in the Phils. that focus on microfinance and capacity-building shit, instead of systemic reforms (which, to my mind, is what you need to focus on if you’re a radical feminist).

    So to get back to your post (para hindi ako ma-guilty sa pag-blog sa blog mo). I think that neolibs who are now benefitting from the market economy, whether large- or small-scale ang benefits nila, they tend to (or want to?) see the fight for systemic reforms as a “lost cause.” Because they are privileged now, and stand to lose privileges too when we’re finally able to institute a more equitable social system.

  • E.P.  On July 28, 2008 at 10:44 pm

    agree ako sayo tanglad. iba na kasi ang pusisyun nila kaya iba na rin sila mag-esep. medyo mahirap nga naman gawing sangkalan ang personal na interes.

    ang poblema kasi sa equality, wala namang equal. magkaka-iba ng pangangailangan kaya dapat (sana) iba-iba ang tugon. try natin equity. (parang walang sense na naman sinabi ko.)

  • kapirasongkritika  On July 29, 2008 at 4:24 am

    @ Tanglad: Basta ikaw, walang problemang mag-blog sa blog ko. Hehe. Mas lumalalim nga ngayon sa akin ang realization na dapat talaga may healthy dose of skepticism tayo sa mga isinusulat ng ganitong mga awtor. Tapos dapat talaga laging malinaw ang direksyong pampulitika ng pagbabasa natin sa kanila. Pero okey naman si Zizek.

    Salamat sa pagpapakilala sa neo-liberal gay activists. Pero ano iyung “trans-phobic”? Totoo naman ding mayroong mga progresibong hirap pang baguhin ang ganoon, pero at least may pagsisimulan sila sa pagbabago ng sarili. Iyung iba, wala. Hehe.

    Aaralin ko iyang sinasabi mong neolib fems. Kung hindi kasi ako nagkakamali, iyung mga nagpo-promote ng mga programang tinutukoy mo sa gobyerno at sa mga NGO ay iyung mga nagpapakilalang “social democrats” — so pa-Left pa rin, hindi lantad na maka-Kanan.

    @EP: True nga ang punto ni Tanglad. Interes nila iyun kaya mahirap silang baguhin ang isip. Pero si Sir Edel Garcellano rin ang laging nagsasabi, batay sa karanasan niya: Laging may surprises mula sa hanay ng mga nakikinabang sa sistema.

  • tanglad  On July 29, 2008 at 6:30 am

    @EP: Equity does make sense, salamat. The term inequity is a more inclusive concept of different forms of marginalization (race, sexual orientation, etc) beyond class.

    @Teo: Transphobia is discrimination vs. transsexuals, people whose sexual identity does not match their physical sex. Example si Brandon Teena, portrayed by Hillary Swank in Boys Don’t Cry.

    I guess nagiging neoliberal para sa akin kung may emphasis on trade liberalization and privatization, Washington Consensus stuff. More emphasis on private enterprise and entrepreneurship and private sector partnership, approaches like Grameen Bank.

    As opposed to social democrats na malaki pa rin ang emphasis on government participation (like subsidized healthcare, welfare, etc). But I’ll keep thinking about it.

    I might have been too harsh by saying that neoliberals were only out to safeguard their interests. Open ako sa possibility that a number of them really believe in private sector, since iyon ang nag-work para sa kanila. But I bet a number of them are worried about their privileges as well.

  • kapirasongkritika  On July 29, 2008 at 6:08 pm

    Tanglad: Salamat sa paglilinaw sa “equity” at “transphobia.” May natutunan na naman ako sa iyo.

    Agree ako sa depinisyon mo ng neoliberal. At ang implementors nila dito sa Pilipinas, kumbaga, ay mga “social-democrats” — iyung nagpapatupad ng kabuhayan programs sa mga baryo tulad ng microfinancing, etc. Social-democratic feminists na dating mga opisyal ng gobyerno. Iyung iba, sumama sa Black & White Movement. Mas sila ang nakikita kong bloke, hinahanap ko pa sa Pinas iyung mga neoliberal feminists.

    Ikaw naman, hindi naman harsh iyun — lalo na sa konteksto ng blog na ito. There’s a lot of neoliberal-bashing going on here! Hehe. Pero agree ako sa pagpipino mo sa punto mo. Salamat ulit!

  • tanglad  On January 4, 2009 at 5:20 am

    Alam kong late na sobra ito, but my extremely inadequate description of neoliberalism has been bugging me all semester. Pero very useful para sa akin ang description ni Wendy Brown na natutunan ko kamakailan lang. Neoliberalism is when market rationality pervades all forms of decision-making, even outside the market. Like those idiots who blog that UP must teach English to make it competitive, and that we should do away with courses that have low enrollment. Citizens see themselves as consumers and democracy is essentially an instrumentalist process.

    Neoconservatism naman focuses on a strong state that allies with corporations. I’m still deciding on what we have sa Pilipinas, maybe a combo? Because the state is pretty strong, but then, you have those idiots who welcome corporatization at UP. Anyway, nandito yung article ni Wendy Brown if you’re inclined to read: (warning, pdf)

    http://www.humnet.ucla.edu/mellon/American%20Nightmare.pdf

  • kapirasongkritika  On January 7, 2009 at 11:51 am

    Salamat forever, Tanglad! Babasahin ko ito. Hehe.

    Ganyan nga ang gamit ng mga nababasa ko. Mas radikal na maka-Kanan ang mga neo-konserbatibo. Syempre, nagagamit ng mga neo-konserbatibo ang mga neo-liberal na maluha-luha sa paniniwala sa milagrosong kapangyarihan ng pamilihan. Hehe.

    Ngayon lang kita nabasang gumamit ng salitang “idiot,” ah. Hehe. Sakto naman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: