VAT ni Arroyo, Tanggalin!

The rich… are a terrible burden on all of us
Barbara Ehrenreich

Bukas daw si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na makipagdebate tungkol sa pagpapanatili o pagtanggal sa Value-Added Tax o VAT. Wirdo at absurdo na hindi pa nagkakarambola ang mga gustong pumatol sa hambog na hamon niya. Kung ibabatay sa balita sa Inquirer.net, ampaw lang ang mga argumento niya.

GMA (1): “Sa ating pagtatalakayan hinggil sa pinaka-epektibong mga solusyon sa paghihirap ng mga kababayan natin, hindi tayo magkakasundo sa lahat ng bagay. Madaling maunawaan kung bakit marami ang may gustong tanggalin ang mga buwis sa langis at kuryente. Pero kailangan nating maingat na sagutin ang ilang masalimuot na tanong. Kung tatanggalin ang VAT sa langis at kuryente, paano natin papalitan ang P70 Bilyong pondong nalilikom (revenue) na kalakhan ay ipinampopondo sa mga proyekto para sa mahihirap?”

Sa mga proyekto para sa mahihirap napupunta ang pondong nalilikom sa VAT? Kailan pa? Kung titingnan ang pambansang badyet para sa bawat taon sa buong termino ni Gng. Arroyo, makikitang iisa ang pinakamalaking pinagkakagastahan ng gobyerno: ang pagbabayad sa utang panlabas ng bansa. Madalas, pambayad pa lang sa interes ng utang panlabas, halos kalahati na ng pambansang badyet. Sa natitirang bahagi, ayon sa isang pananaliksik na bantog noon, 30% ang napupunta sa korupsyon, habang malaki-laki ang inililistang nakalaan sa pulisya’t militar. Napakaliit na nga ng badyet na ibinibigay sa mga serbisyong panlipunan – edukasyon, kalusugan, pabahay, agrikultura – napakabagal pa ng taun-taong pagtaas nito, kung kung tumataas man.

Repleksyon ang pambansang badyet ng lagay ng bansa: Pinapakinabangan ng mga dayuhan (bayad sa utang panlabas) at mga uring naghahari (korupsyon), nakasandig sa dulo sa pwersang mapanupil ng Estado, at nagbibigay ng kakarampot sa maralita.

GMA (2): “Hindi ba’t sa huli’y maka-mayaman ang pagbasura sa VAT” dahil mayayaman “ang kumokonsumo ng 84% ng mga produktong pang-enerhiya?”

Una, totoo kaya ang 84% na ito? Masyado nang hinokus-pokus ng gobyernong ito ang datos sa “kahirapan” at “yaman” sa bansa – sa puntong mahirap palagpasin ang ganitong pagbibitaw ng datos. Ilang bahagi kaya nito ang hindi talaga “mayaman” sa totoong buhay? Sa kagustuhan ng gobyernong palabasing umuunlad ang bansa – hanggang ngayon, “Ramdam ang Kaunlaran” sabi ng mga tarpaulin ng pangulo! – mas ang tendensya nito’y palabasing mas marami ang nakakaalwan o mayaman kaysa sa namumuhay nang gayon. Ang hinala ko, isinama sa 84% na na ito ang ilang seksyon ng nakakataas sa panggitnang uri (upper-middle class) o ilang seksyon pa nga ng gitnang panggitnang uri (middle-middle class). Mga nagtatrabaho sa mga call center? Siguro.

Ikalawa, dapat bang magdusa ang mahihirap para mabuwisan lang ang mayayaman? Wala bang mas presiso o tiyak na paraan? Ang totoong mayayaman, hindi magugutom o magigipit kahit gumastos nang malaki sa enerhiya. Ang mahihirap, magugutom o magigipit kahit gumastos ng kahit maliit lang dito. Maliit lang ang kita nila eh. Para itong pananawagan na mag-suicide bombing ang mga tao para ubusin ang ipis at anay sa isang lumang bahay. Para kang gumamit ng napalm sa mga sakahan para patayin ang mga daga at balang.

Kapansin-pansin na talagang malakas ang presyur ngayon sa gobyerno: Nagpopostura na itong kontra-mayaman at maka-mahirap. Nangako itong gagawing mura ang pagpunta ng mga kababayan natin sa ibang bansa para magtrabaho – iyun pala, junket ng mga alyado ang iniisip nito!


“Escaping Criticism,” painting ni Pere Borrell del Caso, galing sa dailyreckoning.com

GMA (3): “Hindi ba’t mas mahusay na ilaan ang nakolektang VAT, kalakhan galing sa mga maykaya, sa direktang tulong sa mga sektor na tinatamaan nang husto ng tumataas na pandaigdig na presyo ng pagkain at langis?”

Diyos ko naman, Gloria. Kung magsisinungaling ka na rin lang sa mga tao, gawin mo naman nang may finesse. Sasabihin mo pala iyan, eh bakit hinayaan mo pang ipaliwanag ng kolumnista mong si Alex Magno ang iniisip ninyo sa Malakanyang? Sabi niya, sa panahon ng krisis, “Sa pinakamainam, pwedeng panatilihin ng mga gobyerno ang kontratang panlipunan sa pamamagitan ng mga hakbanging pakitang-tao (token) pero kitang-kita ng lahat… Hindi tayo pwedeng magpatuloy at magbigay ng subsidyo sa bawat kibot. Pero hindi rin natin kayang mabingit sa panlipunang pagsabog (social explosion) sa hindi pagbibigay ng mga subsidyo sa panahon ng grabeng kahirapang panlipunan.” (Salamat kay Angela Stuart-Santiago sa pagpapatampok sa pahayag na ito.)

Ibig sabihin, hindi naman talaga kapakanan ng mga mamamayan ang iniisip ng gobyerno sa pamimigay ng subsidyo, kundi ang kapakanan nito – ang makaiwas sa paglawak at paglakas ng disgusto ng mga mamamayan at ng mga protesta nila, lalo na para sa pagpapatalsik sa pangulo.

At kailangan talagang idiin ni Gng. Arroyo na “pandaigdig” ang presyo ng pagkain at langis – bahagi syempre ng paghuhugas ng kamay ng gobyerno sa pagtaas nito ngayon. Hindi naman talaga purong pandaigdig lang ang mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng pagkain at langis, kaya hindi totoong walang magagawa ang gobyerno rito. Malaking bahagi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa ay ang pagsunod ng gobyerno sa gusto ng malalaking dayuhang korporasyon at pagkita pa nga nito sa gayong pagsunod.

GMA (4): “Pinalakas ng VAT ang tiwala ng mga namumuhunan sa nakalipas na mga taon. Mula sa palitang P56.50 sa isang dolyar, lumakas ang piso at naging P40.23 bago ito ibinalik ng inangkat na langis at bigas sa P45.55.”

Maaaring iyun talaga ang nagawa ng VAT – ang palakasin ang tiwala sa gobyerno ng mga namumuhunang dayuhan. Kasi nga, patunay ito na kakayanin ng gobyernong patuloy na bayaran ang interes sa utang panlabas ng bansa. Iyan ang isang panakot ng dayuhang mga institusyong pinagkakautangan ng bansa: “Kapag hindi ninyo binayaran ang utang ninyo, maghihirap kayo dahil magpupulasan ang mga dayuhang namumuhunan sa bansa ninyo.” Kaya nga simula’t sapul, kalokohan ang sinasabing sa mga proyektong para sa maralita napupunta ang VAT.

Sa isang banda, masasabing sa karaniwang takbo ng sistemang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa, hindi nawawalan ng tiwala sa gobyerno ang mga dayuhang namumuhunan. Mas kakampi nila ito kaysa kaaway. Mas usapin, halimbawa, ang pagpataw ng VAT ng kagustuhan nilang humuthot nang mas malaki sa bansa, kaya posible ngang nakapagpalakas ito ng tiwala nila sa gobyerno. Pero ang paghina ng dolyar ngayon ay pandaigdigang penomenon, resulta ng krisis sa ekonomiya ng US na, ayon kay Prop. Jose Ma. Sison, tinawag nang “depresyon” ng mga eksperto – katulad ng antas sa Germany bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at posibleng humantong sa lebel ng Dakilang Depresyon sa US noong dekada 1930.

Sa kasaysayan, hindi rin totoong nagpupulasan ang mga dayuhang namumuhunan sa isang bansa kapag hindi ito nagbayad ng utang. Kailangan nilang tumubo at magsamantala, kaya nananatili sila. Kung may ginagawa man sila, iyan ay ang ibagsak ang gobyernong nagpasya ng gayon – kaya nga kailangan ng gobyernong may malakas na pagpapasya, o malakas na itinulak ng mga mamamayan, para magpasyang huwag magbayad ng utang.


Galing ang larawan sa Multiply site ni Jonna Baldres

GMA (5): “Malayo na ang ating narating.” Hindi ngayon ang panahon para “tumalikod at bumalik” at “ipagpalit ang tumatagal na tatag sa popular pero mapanira at kagyat na mga ganansya.”

Totoo, malayo na ang narating ng VAT: Marami na itong nahuthot sa pagpapagod at pagsasakripisyo ng mga mamamayan. Noon pa ma’y dapat nang ibinasura ito. Pero talagang tumindi ang krisis pang-ekonomiya sa bansa – na inaasahang titindi pa – kaya kailangan na itong kagyat na ibasura. May mga panukala ang Ibon Foundation, halimbawa, kung paano mapupunuan ang pondong mula sa VAT ng mga hakbanging maka-mamamayan.

Totoo, kagyat na ginhawa lamang ito para sa mga mamamayan. Hindi pa ito ang solusyon para tunay na umunlad ang bayan. Sa pananaw ng mga dayuhang korporasyon, dayuhang mga institusyong pinagkakautangan ng gobyerno, at naghaharing mga uring nakikinabang sa VAT, totoong mapanira ang pagbasura sa buwis na ito.

Pero walang katatagan – lalo na’t “tumatagal na katatagan” – ang iluluwal ng grabeng panggigipit sa sikmura at kabuhayan ng mga mamamayan. Paglakas ng disgusto, ligalig, protesta at rebolusyon ang idudulot nito. Ang tumitimong aral sa mga mamamayan: Sa ilalim ng sistemang ito, kailangang lumaban para makuha ang kahit kaunting ginhawa. Sasagasaan ng paglaban na ito ang ampaw, maka-dayuhan at maka-mayamang mga argumento, kahit ng pangulo.

24 Hulyo 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Maria  On September 11, 2008 at 11:44 am

    Kanina umattend ako ng talk ni Arthur Yap sa isang klase ni Monsod. Ang sabi nya madami ang negatibo ang tingin sa VAT. Pero kung hindi dahil sa VAT hindi nya daw mapopondohan ang mga proyektong nagsusubsidize sa mga patubig at patanim ng mga magsasaka. Nung sya daw ang naupo sa pagiging sekretarya ng departamento ng agrikultura nung 2004 ang mga empleyado nya ay naglalaro lamang sa kanilang mga computer at di naman nya pwedeng pagalitan ang mga ito dahil wala namang proyekto ang departamento (dahil nga kapos sa budget) para pagtuunan ng pansin. Sabi nya na dahil sa pag iimplement ng VAT umakyat ang pondo niya para matulungan ang magsasaka natin pero hindi pa rin ito sapat. Sinabi rin nya na kinakailangan pa (kung kakayanin) na madagdagan ang pondo ng departamento.

    Isang horas at kalahati lamang yung talk hindi nako nakapagtanong. Kung umakyat na ang pondo nila ng dahil sa VAT nakita man lang sana natin nang bahagya na umunlad ang mga magsasaka dahil ika nga sabi niya ang pondo ay napupunta sa pagtulong sa mga ito. Pero bakit patuloy pa rin silang naghihirap? Kung bahagya ng napapaganda ang produksyon natin ng palay sa buong bansa ng dahil sa VAT, bakit mas lalong kinapos tayo sa bigas? Bakit pa nating kinakailangang magimport ng bigas galing sa mga karatig bansa upang matustusan ang kakulangang ito?

    Sabi ni Monsod gusto nya sanang imbitahin muli si Yap para sa isang question and answer lamang na walang halong paligoy ligoy at pagsisinungaling. Natawa ako. Napaka straight forward nya talagang magsalita.

  • kapirasongkritika  On September 12, 2008 at 9:26 am

    Maria: Salamat sa pagkokomento! Akala ko, wala na talagang papansin ng isinulat ko. Hehe.

    Maganda ang impormasyong nasabi mo. Ganoon na pala katindi ang kawalan ng pondo sa mga opisina ng gobyerno.

    Ang punto diyan: Maraming pondo ang gobyerno, pero sa kung saan-saan inilalagay, tulad ng pagbayad sa utang panlabas, militarisasyon, korupsyon. Dapat maging malinaw ang priyoridad ng gobyerno, batay sa matagalang tanaw talaga sa kung paano uunlad ang bansa, hindi iyung sunod nang sunod sa dikta ng mga dayuhan — at ng sariling interes ng mga nakaupo.

    True, napaka-straightforward talaga ni Mareng Winnie. Kaya nga siya sumikat, dahil bukod sa free marketeer siya sa ideolohiya, para siyang palengkera magsalita — at hindi masama ang pakahulugan ko diyan. Hindi ko lang maiwasang sunggaban ang play ng marketeer at palengkera. Hehe.

    Sana matanong nga ng mga katulad mo si Arthur Yap. Basahin mo iyung “Krisis the Moment” dito para sa panimulang mga tanong kay Yap. Hehe. Ingat!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: