Unwell Buencamino

NAKARAAN

 

Nitong nakaraang ilang taon ko lang namalayan ang pangalang “Manuel Buencamino.” Malaki ang papel ng mga e-group na nagpalaganap ng mga sanaysay niya. Kahit hindi ako laging natawa, naaliw ako sa mga isinulat niya – na nagkokomedya sa proseso ng pag-upak sa kung sinu-sinong sa tingin ko rin ay dapat upakan talaga, lalo na ang mga tauhan at asungot ng rehimen ni Gloria. Pinaka-natatandaan ko, syempre, ang “Magno the Maggot” – banat niya sa neoliberal na akademiko na noo’y may isinulat na may retorikang gumamit sa mga namatay sa landslide sa Guinsaugon, Leyte pabor sa interes ng rehimen.

 

“Pero sobrang kontra-Joma iyan,” babala sa akin ng isang kaibigan matapos kong itanong kung nababasa niya ang kolumnista ng Business Mirror at blogger ng Uniffors.com at matapos kong sabihing “Okey siya sa akin.” Syempre, si Prop. Jose Maria Sison ang tinutukoy ng “Joma.” Sari-sari ang senaryong inisip ko, hindi ko agad natanggap na hindi ko pala magugustuhan ang buong pulitika ng kinaaaliwan ko: Baka naman hindi niya sinasabi ang sentimyento niyang ito sa mga sulatin niya. Baka naman dating ganoon ang tingin niya pero nagbago na. Baka naman matatag lang pero magalang naman ang paglalahad niya ng puna.

 

Hanggang isang araw na modang bugnutin ako, nakita ko ang “A couple of questions for Joma” (20 Agosto) sa blog niya – na sinundan ng “Joma Sison: The quintessential two-faced double talker” (23 Agosto) muli sa blog niya, at ng “The unpalatable Joma Sison” (27 Agosto) na kolum niya sa Business Mirror at laman ng website ng pahayagan. Uminit agad ang ulo ko sa porma at nilalaman ng una. Napikon ako at sumulat agad ng mga tirang pikon sa seksyon ng komento. May nasabihan pa nga akong kamukha ni Kim Jong-Il. Sa proseso, nagsanga-sanga ang komento sa samu’t saring paksa’t tuligsa. Naghalo na ang balat sa tinalupan.

 

 

SUMADA

 

Pero magpokus tayo sa pinag-uusapan. Sa una niyang isinulat, sinipi niya ang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na nananawagan sa “rebolusyunaryong mga pwersa” na pinamumunuan nito na “magbigay ng lubos na suporta sa pakikibaka ng Bangsamoro para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at sa pagsasauli ng katutubong lupain nila” – kaugnay ng serye ng mga pangyayari nitong huli na dumulo sa ganting atake ng militar sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sabi niya, pahayag ito ng “nakadestiyerong Maoistang lider aka konsultant na si Jose Maria Sison” para sa kanyang mga “tagasunod.” 

 

Pagkatapos – “karaka-daka,” sa salita ni Wilde Almeda – sunud-sunod nang tinanong ni Buencamino si Joma. Sakaling magwagi ang CPP sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika, tanong ng nauna, papayag ba ang huli na: (1) magtayo ng hiwalay na estadong pamumunuan ng MILF sa bahagi ng Mindanao, (2) mangibabaw ang Sharia bilang batas sa rehiyong may awtonomiya at pamumunuan ng MILF, kung awtonomiya lang ang ibibigay, at (3) kilalanin ang lupaing katutubo ng Bangsamoro? Huling tanong niya: “Akala mo ba…, dahil enjoy kang mag-jakol eh magugustuhan din namin kung jajakulin mo kami?”

 

May ilang tumuligsa sa entri. Tapos, lumabas ang ikalawa niyang isinulat. Dito, sinipi niya ang ibang bahagi ng nabanggit na pahayag ng CPP, iyung nag-aatas sa New People’s Army (NPA) na maglunsad ng taktikal na mga pag-atake bilang pagsuporta sa MILF. Kasunod nito, sinipi niya ang pagtanggi ni Joma na siya nga ang nag-atas sa NPA na maglunsad ng mga pag-atake bilang suporta sa MILF. Sabi ni Buencamino, “Teka muna, Joma. Sino ba si Armando Liwanag na chairman ng CPP, hindi ba ikaw din iyun? Naknamputanaman. Chairman Armando Liwanag kung may order. Consultant Joma kung kailangan tumanggi.”

 

 

BIRUAN

 

Sa una, bagamat personalan ang pagdadala, prinsipyo pa ang gustong talakayin ni Buencamino. Sa ikalawa, gusto na lang niyang malaman kung sino talaga ang gumagamit ng isang alyas sa gera (nom de guerre). Iyung una, maiisip mong ginagawa ng isang intelektwal sa aklatan, klase, bulwagan o blog niya. Iyung ikalawa, maiisip mong ginagawa ng mga Tulfo, kundi man ng nagpapakilalang biktima, sa presinto – na gusto naman talagang gawin kay Joma ng gobyerno at buong giliw nang ginagawa ni Buencamino. Grabeng pagsadsad ng kalidad: Ang Uniffors.com, naging “Sumbong-Sumbong kay Bonggang-Bonggang Bongbong!”

 

Ano’ng nangyari? Sa kanyang kolum, ipinaliwanag niya ang pagsadsad na ito: “May sikat na kasabihang ganito: ‘Ang mga isip na dakila, mga ideya ang tinatalakay. Ang mga isip na karaniwan, mga pangyayari ang tinatalakay. Ang mga isip na maliit, mga tao ang tinatalakay.’ Maliit ang isip ko. Nahihirapan akong ihiwalay ang mga tao sa mga ideya at ideyal na sinasabi nila.” Ayan, umaamin na si Buencamino, na bagamat parang kay Anabelle Rama ang tono ng pananalita niya, ang laman ng sinasabi niya ay maihahalintulad lang talaga sa mga satsat ni… Anabelle Rama. ’Day, sino ba talaga si Armando? Sino ba, ’day?

 

Syempre, may makabagbag-damdaming paliwanag siya sa dulo. “Ano’ng klaseng tao ang gumagamit ng isang pangalan para maglabas ng atas para sa taktikal na mga opensiba laban sa Estado at isa pang pangalan para itangging iniutos niya ang iniutos niya? Dapat pa ba akong makinig sa mga ideyang sinasabi ng doble-karang itong nagpapanggap na rebolusyunaryo?” Uwian na po, mga kaibigan. Nawala na kay Buencamino ang talino, tawa, at siste. Ang naiwan: ang lasing na kapitan ng barangay, hating-gabi, solong nagbabalagtasan sa entabladong katabi ng palengke. Di naman talaga siya nakinig kay Joma dati.

 

 

BANGSAMORO

 

Gaya ng naikomento ko sa blog ni Buencamino, malinaw ang tindig ni Joma at ng pambansa-demokratikong kilusan sa mithiin ng sambayanang Moro para sa pagpapasya-sa-sarili: Sinusuportahan ito sa ilalim ng isang estadong mapang-api at mapanupil. Sa ilalim ng isang Estadong hindi mapang-api at mapanupil, at nagtataguyod pa nga sa karapatan at interes ng Bangsamoro, mapapawi na ang kalagayan para umiral ang mithiing ito. “Double standard” ang tawag dito ni Buencamino noong una, pero napaatras siya ng komento ni Sarah Raymundo: Hindi pa nagtatagumpay ang Kaliwa para itulad ito sa naghaharing rehimen.

 

Noong una, pakutyang itinanong ni Buencamino kung paano tinitingnan ni Joma ang (1) pamamayani ng batas ng mga Muslim, ang Sharia, at (2) pagkilala sa mga lupaing katutubo ng mga Moro, sa Mindanao. Sa tono ng pagtatanong niya, tila sinasabi niyang hindi tugma ang dalawang ito sa mga prinsipyo ni Joma. Sa pagkakaalam ko, hindi naman talaga lubos na sumasang-ayon ang mga aktibistang pambansa-demokratiko sa dalawa. Pero sekundaryang mga usapin ang mga ito ngayon, na idinadaan sa paghihikayatan – hindi “pag-upak” – sa balangkas ng pangunahin ngayong pakikipagkaisa sa mithiin ng Bangsamoro.

 

Ang mahalaga ngayon ay ang paglaya ng Bangsamoro sa Estadong ito – paglaya na, kailangang idagdag agad, hindi ibibigay ng rehimeng ito kundi kakamtin ng Bangsamoro mismo. At hindi lang ito “Ang kaaway ng kaaway ko ay kaibigan ko” – na hambog pang dinugtungan ng “’Nuff said” ng isang nagkomento at tinutumbok din ni Buencamino. Nakabatay ang tindig ng mga aktibistang pambansa-demokratiko sa pang-aapi at panunupil ng Estado, at sa partikular na porma nito sa sambayanang Moro. Sa ganitong kalagayan, lehitimong mithiin ng Bangsamoro ang pambansang pagpapasya-sa-sarili.

 

 

LIWANAG

 

Dahil aminadong di kayang makipagdebate sa prinsipyo, dinala ni Buencamino ang isyu sa kung si Joma nga ba si Armando Liwanag, tagapangulo ng CPP. Pero hindi pa rin siya matagumpay rito. Ang labo niya. Una, ang pahayag ng CPP na tinutukoy niya ay pahayag talaga ng CPP, hindi ni Liwanag – at naglalabas naman talaga ng sariling pahayag si Liwanag – pero pinuntirya pa rin niya si Joma. Ikalawa, hindi lang nakaramdam si Joma na “tinutukoy (alluded to)” siya kaya naglabas siya ng pahayag na tumatangging siya si Liwanag. Talagang may mga lumabas sa midya na siya ang tinatanong tungkol sa pahayag ng CPP.

 

Kaya malabo ang dahilan kung bakit naging usaping Joma-Liwanag ang isyu ng prinsipyo ng CPP. Pwede namang KT-KS o Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ang naglabas. Pwedeng kolektibong mga pahayag nito ang pinipirmahan ng pangalan ni Liwanag. Sabi nga ni Joma, “napaka-kolektibo” ng pamumuno sa rebolusyon. Mababaw ang alam ni Buencamino sa CPP, hindi siya nag-imbestiga at napangunahan ng galit kay Joma. Grabe niyang ilarawan ang mga Maoista, kesyo sarado ang isip, sunod lang nang sunod. Pero may sabi si Mao sa mga Komunista: Walang pagsisiyasat, walang karapatang magsalita.

 

Dumidistansya si Buencamino sa moda ng midyang mainstream sa isyu. Kesyo “lumang pakulo” na raw ang sinabi ko na, aniya, “pagpapatunay ng pagkakasala dahil sa pagkakadawit (guilt by association).” Pero pareho sila ng midyang mainstream: Inugat kay Joma ang pahayag ng CPP. Mas masahol pa nga siya: Kahit labag sa datos, para siyang pulis na nambubugbog sa pinaghihinalaan, nagpapatibay pang lalo sa ginawa ng midya. Ano kaya ito? Repleksyon ng personalistikong pulitika sa bansa? O ng sentimyentong anti-Komunista na tumuturol partikular kay Joma? Kahit paano mo tingnan, parehong di maganda.        

 

 

JOMA

 

Si Joma ba si Liwanag? Ma at pa. Malay ko at pakialam ko – bagamat nasabi ko na sa itaas ang mas papaniwalaan kong hinala: Na dumadaan sa talakayan ng namumunong kalipunan ng CPP ang pinipirmahan ni Liwanag. Si Joma si Liwanag? Wow! Bagung-bago ang hinalang iyan, ah! Pero hindi na bibigyan ng militar ng premyo si Buencamino dahil matagal na nilang hinala iyan. Hindi nga lang nila mapatunayan. Hindi rin nila magamit sa propaganda, dahil alam nilang wala silang mahihita. Sentido-kumon ng karaniwang tao: Kung si Joma si Liwanag, natural lang na gagamit siya ng alyas kasi dadahasin siya ng Estado.

 

Ang tanong: Gusto ba ni Buencamino na dahasin ng Estado si Liwanag, sinuman siya? O si Joma, dahil ito ang pinagbibintangan niya? Napakakitid kasi ng pag-iisip ni Buencamino sa pagsasabing basta tao lang ang pag-usapan. Ang mahalaga, sa tingin ko, ay ang nilalaman ng sinasabi. Kung mali ang nilalaman, tsaka mo titingnan kung sino ang nagsasabi. Kahit sino pa si Liwanag, dahil sa nilalaman ng isinusulat niya, ayos lang sa aking huwag siyang magpakilala. “Bakit si Joma, nasa The Netherlands?” Mali ba ang sinasabi niya? May mga narito, nagpapakilalang Kaliwa, pero maka-sistema ang sinasabi, nagpepera pa.

 

Pinipilit ng imperyalismong US at ng naghaharing mga uri na gamitin ang pagkadestiyero ni Joma sa The Netherlands para siraan siya sa publiko at mga aktibistang pambansa-demokratiko. Pero malinaw sa huli ang mga nangyari kung bakit nasa bansang iyon si Joma. Alam din nila ang naiaambag ni Joma sa pakikibaka rito sa Pilipinas. Makikita rito kung paanong nailulugar ng Kaliwa ang papel at ambag ng mga indibidwal sa pakikibaka. Kahit ang mga kritiko ng CPP, ilang beses nang pumansing hindi nagkaroon, sa ano mang dahilan, ng “kulto ng personalidad” ang Kaliwa pabor kay Joma o kay Liwanag, kaiba sa ibang bansa. 

 

 

MASA

 

Sa isang bahagi ng sagutan sa blog niya,naglagot na ang bait ni Buencamino: “Pareho lang kayo ng MILF,” nang tinutukoy ang Kaliwa, “dalawang grupong tiranikal na nagpapakilalang kumakatawan sa mga inaapi. Teka muna, parang si GMA iyan ah. Sus, pare-pareho lang pala kayong lahat.” Kakatwang nasabi ito ni Buencamino, pulitikal na blogger at kolumnista. Dahop ang pag-iisip niya sa pagkakaiba ng mga pwersang pampulitika sa bansa. Ano kaya ang alternatiba niya? Direktang paghahari ng US tulad ng pinatatag ng kaapelyido – o ninuno rin? – niyang si Felipe Buencamino, kolaborasyunista noong pananakop ng US? 

 

Paglilinaw: Hindi lang nagpapakilalang kumakatawan sa mga inaapi ang Kaliwa. Kinakatawan talaga nito ang mga inaapi. Walang ibang pwersang pampulitika sa Pilipinas, bukod sa Kaliwa, ang tuluy-tuloy at kongkretong nagsikap na gisingin at dalhin ang tinig at direktang pakikisangkot ng mga maralita, inaapi at pinagsasamantalahan sa pulitika ng bansa. Maswerte tayo at marami nang sulatin ngayon ang nagpapatunay nito: Tampok ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino  ng Komunistang si Amado Guerrero – na, oo, si Joma – at ang A Past Revisited at The Continuing Past ng makabayang si Renato Constantino.

 

Iyan din ang isinulat kong sagot sa seksyon ng komento sa blog niya. Hagod na  pangkalahatan ito sa kasaysayan. Pero partikular lang ang sagot ni Buencamino: “Hindi naman ako katulad ninyo na sumuporta sa Edsa Dos” – at sa gayo’y nagluklok kay Arroyo sa pwesto? – “sa kandidatura ni GMA noong 2004, at sa kandidatura ni Joker noong 2007.” Hindi ko alam kung bakit ipinagmamalaki pa niyang hindi siya sumuporta sa Edsa Dos. Bata ba siya ni Erap? Hindi ko alam ang pagsuporta ng Kaliwa kay GMA noong 2004. Ang alam ko, karamihan ng kakilala ko sa Kaliwa, hindi ibinoto si Gloria noong 2004 at si Joker noong 2007.

 

 

YABANG

 

Sa buong palitang ito ng mga punto, ipinakita ni Buencamino hindi lang ang galit niya sa Kaliwa, kundi kahit ang grabeng yabang niya. Ganoon lang: Sa mababaw niyang batayan, si Joma ay “unpalatable” sa kanya. Hindi mo alam kung taimtim siyang naniniwalang napakatalino niya o mekanismong pandepensa (defense mechanism) lang niya ang yabang para itaboy ang tutunggali o magtatanong pa.

 

Sabi ng isang kritiko, sa teksto, tulad sa martial arts, tuwing ibinibigay mo ang pinakamatinding bigwas mo, doon ka rin pinaka-bulnerable. Todo sa pagbanat si Buencamino. Malinaw kung sino ngayon ang bulagta, plakda sa argumento.

 

01 Setyembre 2008  

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • tanglad  On September 7, 2008 at 5:48 am

    Buencamino’s questions about Moro autonomy and secession etc show how invested many people are in the liberal democratic state apparatus, and its allied neoliberal policies. They couldn’t conceive of any alternative outside of this. Given the intersectional nature of marginalizations, why shouldn’t an anti-imperialist activist support a people’s struggle for self-determination? The contradiction is if s/he does not. Not that this would matter a bit to Joma, but his position on the NDFP alliance and sympathy with the Moro people and MILF and his work in the ILPS (and his on the militant nature of the intl women’s movement) have really raised my respect for him, especially since there’s not enough progressives doing intersectional analysis.

  • E.P.  On September 11, 2008 at 11:17 pm

    klasikong kaso ng genetic fallacy at atakeng ad hominem ang kay buencamino. na ipinapalagay ang personalidad bilang kabuuan ng organisasyon. kung totoo naging totoo man ang sinasabi nya tungkol kay joma, hindi pa rin ito makatarungan para sa ibang mga kadreng maayos kumilos. hindi lang pala taga-kaliwa ang nabibiktima ng kulto ng personalidad.

    bukod dito, ang kanyang pagyayabang hinggil sa posisyun nya sa isyung edsa ay patunay lamang ng kontradiksyun sa hanay ng mga mandarahas. na sila-sila mismo ay nagkakagatan ng ulo.sa pagyayabang nya ay napagmamali nya ang posisyon ng kaliwa. na ang sa kaliwa ay hindi pulitika ng personalidad, na hindi wala itong ilusyon na sa pagpapalit ng pangulo ang tagumpay at pagtatapos ng pakikibaka.

    at hindi unpalatable si joma (bagama’t hindi lang talaga sya magaling kumanta).

  • kapirasongkritika  On September 12, 2008 at 9:32 am

    @Tanglad: Salamat sa pagkomento! Pasensya na at nahuli sa sagot. Naku! Iyan ang struggle doon sa isang feministang blog na kinokomentuhan mo, di ba? Iyung pagkakaugnay-ugnay ng mga pagsasamantala at pang-aapi? Sa US, nasabi na rin kay Howard Zinn ang ganyan: Aktibo sa paglaban sa iba’t ibang porma ng pang-aapi at pagsasamantala.

    Ang habol ko lang: Liberal-demokratiko sa salita ang gobyerno, pero mas diktadura talaga ng imperyalismong US at ng mga uring naghahari.

    @EP: Salamat ulit! Bago sa akin iyang “genetic fallacy” — iyun pala ang tawag doon! Hehe. True: Si Buencamino ang may cult of personality. Pero you are conceding too much sa “kung naging totoo man…” Hehe. Talagang mali siya kay Joma.

    Hindi ko lang alam kung hindi talaga magaling kumanta si Joma. Ang problema kasi, personalidad siya, kaya nakukumentuhan. Ang nakakalusot pa nga iyung lasenggo sa kanto na gabi-gabing umiinom at nagwawala sa pagkanta. Sige, kumentuhan nating hindi siya magaling kumanta! Hehe.

  • E.P.  On September 12, 2008 at 11:19 pm

    nagiging mali ba ang isang pahayag dahil lamang sa nagpahayag. kung ako’y bulag at kumanta ako ng makulay ang buhay, wala na ba akong karapatang kumain ng sinabawang gulay? joke lang.

    may album syang nilabas eh. kundi pa siguro igp yun, di yun bebenta. mga tula niya kinanta nya (ata).

    conceding ba masyado? benefit of a doubt lang sana bibigay ko eh. haha. pero may punto ka dun. dapat “no falter,” ika nga. nais ko lang buwagin ang reduksyunistang paglalahat niya. kumbaga, “wag mong tawaran ang tagumpay ng kabuuan dahil sa (sinasabi mong) kahinaan ng iilan.”

    p.s. pasensya na slow ako, pero bakit unwell buencamino ang titulo nito? ideologically unwell?

  • kapirasongkritika  On September 13, 2008 at 9:24 pm

    Panalo ang joke, EP! Hehe.

    Baka naman indulgent lang ang mga bumili kay Joma. Parang kaibigan mong hindi naman kagalingang kumanta, lagi mo pa ring inaabutan ng mike sa videoke. Hehe. Ibig sabihin, iba talaga ang unity ninyo, hindi pagiging fan mo sa pagkanta niya. Hehe.

    Okey naman na nag-concede ka muna. Pero mas maganda kung sabay bawi para maipakitang tama talaga ang punto mo.

    Unwell Buencamino kasi Manuel ang first name niya. Tapos naaalala ko ang isang kanta: “I’m not crazy, I’m just a little unwell…” Hehe. Isa sa mga tamang pakahulugan ang ibinigay mo.

    Salamat ulit sa pagkokomento!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: