Betty La Peyups

(1)

 

Si Betty La Fea, gradweyt ng business administration, summa cum laude, sa UP?

 

Ito raw ang usap-usapan ngayon sa ilang sirkulo sa Internet, kwento ng isang kaibigan. Gaya ng alam na ng marami, may bersyong Pinoy na ang teleseryeng Betty La Fea na sikat sa maraming bansa. Tulad sa marami-rami ring pelikulang Pilipino, bida rito ang isang babaing pangit ang mukha pero dalisay ang puso, na inapi-api ng marami at nang matagal pero gumanda’t nagtagumpay sa dulo. Malamang na ganito rin ang tatakbuhing kwento ng bersyong Pinoy dahil isang pinapangit na Bea Alonzo ang napiling bida, hindi si Pokwang o Ai-Ai de las Alas.

 

Sa bungad kasi ng serye, naghanap ng trabaho si Betty. Matapos ilang beses na di matanggap, sinisi niya ang pangit niyang itsura sa larawang kalakip ng kanyang aplikasyon. Ang ginawa niya, nagpasa siya ng aplikasyong walang larawan. Napunta pa rin ang posisyon, gayunman, sa isang may koneksyon sa mga bosing ng kompanya. Ano raw ang implikasyon? Na bagamat “superyor” ang ilang estudyante ng UP “sa retorika” at may kakayahan silang “gumagap ng kompleksidad ng mga teorya, nahihiwalay sila sa pulitika ng tunay na mundo.”

 

Hindi raw ito totoo. Sa tingin ko, maipagpapalagay namang may mga estudyante ng UP na hindi pamilyar sa “pulitika ng tunay na mundo” at kulang sa sentido kumon at mayroon din namang maalam. Mas matimbang pa nga sa akin ang una, dahil kadalasang bantay-sarado sa pag-aaruga ang mga estudyante ng UP – na karamiha’y galing sa mga pamilya ng panggitna at nakatataas na mga uri. At kabataan pa naman talaga sila. Wala akong makitang dahilan ng ganitong awtomatiko at lahatang pagtatanggol maliban sa tinawag nang “yabang-UP.”  

 

Bakit kaya kinailangang sabihing nagtapos siya sa UP? Siguro, naghanap ang nagsulat ng eskwelahang kagalang-galang. Kailangang kagalang-galang dahil ang layunin ay tingalain si Betty, na magkakaroon ng mala-pantasyang buhay. Pero dapat pangmasa rin ang paaralan, dahil hindi naman mayaman si Betty, nakakaraos lang o sisinghap-singhap pa nga ang buhay. Kaya UP – dahil sa pantasya ng publiko, nakakapasok pa rin dito kahit paano ang hindi mayaman. Ito nga naman ang pantasyang mabenta sa masa – pantasyang isinasama sila.

 

Isa pa, sensitibo ang ibang kagalang-galang na unibersidad sa bansa. Baka lusubin nila ng rali ang ABS-CBN kapag sinabing alumna nila si Betty La Fea.

 


Sabi nga ng patalastas ng Smart: “Mini-Me talaga!”

 

(2)

 

Nayayabangan ako sa mga estudyante ng UP na laging nakasuot ng ID nila.

 

Narinig ko ngang ipinataw ng administrasyon sa mga gusali sa UP Diliman ang patakarang “No ID, No Entry” – kasama ang mismong gusali ng opisina ng mga guro, ang Faculty Center. Pagkatapos, napansin ko, may mga kabataang nakasuot ng ID sa MRT at mga bus – na akala ko’y mga empleyado noong una dahil nasa mga telang kwintas ang ID. Nitong huli, may nabasa ako sa Internet: May mga mag-aaral daw ng UP na nakasuot na ng ID pabyahe pa lang galing sa mga bahay nila sa probinsya. Tapos napadalaw ako sa kampus: Uso na pala.

 

Ang alam ko, itinuring na mapanupil ng naunang mga henerasyon ng estudyante ng UP ang pagpapasuot ng ID, na taliwas sa ipinagmamalaking edukasyong “liberal” ng UP at katulad sa mga paaralang pribado at Katoliko. Gusto ng mga nauna, sang-ayon sa indibidwalismong liberal, na magbihis at umasta batay sa gusto nila. Ganoon din naman siguro ang mga estudyante ngayon – pero gusto nilang laging sabihing “Estudyante ako ng UP!” Bagamat may indibidwalidad sila, pare-pareho silang de-kalidad ang edukasyon at nagmamalaking taga-UP sila.

 

Alam na ng marami iyon – na kumpara sa ibang unibersidad, mas mataas diumano ang kalidad ng edukasyong UP. Bakit kailangan pang ulit-ulitin? May itinatago kasing nilalaman ang lantad na pormang ito: ang kawalang-katiyakan ng katayuan ng UP. Sa pagtakbo ng panahon, nalantad maging sa publiko ang mga suliranin ng pangunahing pamantasan ng estado. Gayundin, mula noong 2001, noong binago ang programang general education nito, hindi na tiyak na magkaantas ang lalim at husay ng pag-aaral na nakukuha ng bawat estudyante.

 

Ito siguro ang naibibigay na alwan, saya, o yabang, ng pagsusuot ng ID ng UP: Sa isang banda, napapagtibay ang pagkakapare-pareho ng mga estudyante – kahit pa nga, idagdag natin, lalong lumalayo ang priyoridad sa mga kurso sa agham at teknolohiya kumpara sa sining at agham panlipunan. Sa kabilang banda, napapagtibay ang kaibahan, kundi man ang pagiging “angat,” ng UP sa lipunan at ibang paaralan. Nararamdaman marahil na kailangang pagtibayin ang mga bagay na ito dahil seryosong nakukwestyon ang mga ito sa kasalukuyan.

 

Sa madaling salita, ang pagsusuot ng ID ng UP ay egalitaryan (pantay-pantay ang mga estudyante ng UP) at elitista (bukod-tangi kundi man angat sila sa iba).

 

 

(3)

 

Tugma ito sa mayabang ding tema ng pagdiriwang ng sentenaryo ng UP.

 

“UP, Ang Galing Mo!” ang temang napili ng administrasyon ng UP, na ngayo’y pinapamunuan ni Pres. Emerlinda Roman, dating dekano ng kolehiyo ni Betty La Fea. Natural sa kahit anong paaralan ang ipagmalaki ang sarili. Ang problema, hindi naman kahit anong paaralan lang ang UP. Gaya nga ng inuulit-ulit ng administrasyon ngayon, sa 100 taong pag-iral nito, iniluwal ng UP ang kung ilang presidente, miyembro ng gabinete, mambabatas at hukom sa gobyerno gayundin ang kung ilang intelektwal na humuhubog sa kaalaman at opinyon sa bansa.

 

Ibig sabihin, sa halaga ng papel ng UP sa kasaysayan at kaayusan sa bansa, gayundin sa taas ng prestihiyo nito sa mga mamamayan, mainam sanang mas pinili ng UP na magmuni nang malalim tungkol sa papel nito sa lipunan – at ipinakita ito maging sa tema ng pagdiriwang ng sentenaryo. Mahirap maging makaisang-panig o simplistiko sa todong pagpuri sa itinuturing na mabubuting produkto ng UP – lalo na kung itinuturing na kasama rito sina Marcos at Arroyo. Na para bang maganda ang lagay ng bansang hinubog ng mga produkto ng UP.

 

Bukod pa diyan, sa antas ng lipunan at ekonomiya, masarap itanong sa mga estudyanteng nagsusuot ng ID: Eh ano ngayon kung taga-UP ka? Wala namang sinasabi iyan, maliban sa maswerte ka dahil maykaya ang pamilya mo at nakapag-aral ka sa magandang hayskul. Maraming iba pa na kung nabigyan lang ng ganyang pagkakataon, makakapasok din sa UP. Para ka lang mga erederong laging nasa mga party na ibinabalita nina Maurice Arcache at Tim Yap: Walang sariling nagawa, pero todo-pakita ng pagiging iba at angat sa iba.

 

Hindi naman ang pagiging estudyante ng UP, o ng kahit anong paaralan, ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagiging tunay na iskolar ng bayan. Hindi ang katayuan ng pamilya at husay ng paaralang pinagmulan, kundi ang paghulagpos sa iginigiit nilang hulma ng magandang buhay. Hindi ang sariling lagay na sosyo-ekonomiko, kundi ang paggamit sa sariling kalayaan para magpasyang isulong ang kalagayan ng nakakarami. Hindi ang mga napag-aralan sa klasrum, kundi ang paggamit at pagpapaunlad nito para sa sambayanan at nang kasama sila. 

 

Hindi ang pag-iiba at pagmamataas sa kapwa, kundi ang pakikiisa sa kanila. Hindi ang pag-aaral sa pamantasan, kundi ang pagsusulong ng himagsikan.

 

 

17 Setyembre 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • E.P.  On September 17, 2008 at 6:28 am

    palagay ko, isang sintomas ng sinasabi nilang diploma disease yang pagsusuot ng id. na ang diploma ay patunay na nakapasa ang suheto (mas gusto kong tawaging suheto) sa pamantayan ng akademya, at kung gayun di’y, ng lipunang kinabibilangan nito. tulad ng mga delatang dumadaan sa quality test bago ibenta (sana lang di ba?). at dahil nga komoditi na ang estudyante, at komodipikasyon ang edukasyon, kelangan malagyan ng label. alangan namang hubad na ibenta. ikaw ba bibili ka ng de latang hubad at walang label? at kelangan ngang mapag-iba-iba ang laman ng de lata. kaya rin siguro makapal yang id lace ngayon.

  • kapirasongkritika  On September 17, 2008 at 10:54 am

    EP, label nga ito para sa komodipikasyon. Pero estudyante pa rin sila, kaya mas sinikap kong unawain kung ano ang pagtingin nila sa pagsusuot. Malamang, hindi nila tinitingnang komodipikasyon ang pagsusuot nila ng ID. Hehe.

    True: May petisismo ang mga Pinoy sa diploma na nakasabit sa bahay. May petisismo naman ang mga Aprikano-Amerikano sa mga gintong kwintas, at iba pang bling-bling. Sa mga ID ng mga estudyante ng UP, parang nagsasanib ang dalawa. Hehe.

  • pia  On September 17, 2008 at 10:16 pm

    hehe rerepost ko ha,
    lilink ko dito.

    ayos.

  • E.P.  On September 17, 2008 at 11:19 pm

    bling bling plus diploma ekwals id ekwals fetisismo ng komoditi. aylabet! hihihi.

    malamang nga hindi nila nakikitang suheto sila. Pero palagay ko kelangan nilang malaman at kilalanin na yun nga ang posisyon nila para makahanap sila ng paraan upang makawala. tulad sa matrix, kelangan mo munang tanggapin na nasa matrix ka bago ka papiliin kung red pill ba o blue pill. ampoblema kung color blind ka. na maaring tingnan bilang metapora para sa delusyon. hihi. (kakapanood ko lang kasi ng matrix nung linggo)

  • kapirasongkritika  On September 18, 2008 at 4:21 am

    @Pia: Okey. Salamat! Salamat din sa pagbisita!

    @E.P.: Sang-ayon ako, kailangan nga. Pero matayog iyun for ID-loving folks, hindi ba? So you have to start from where they are. Hehe.

  • sentrodegrabedad  On September 18, 2008 at 4:53 am

    trueness mr. M. patawad at may tendensiya lang talaga akong maging grim and determined.

    tama! kelangan magsimula, sa toreng garing wag pakalula.

    p.s. subok lang ako sa word press. hehe

  • kapirasongkritika  On September 18, 2008 at 8:28 am

    @Sentrodegrabedad/EP: Tendensiya nating lahat iyan, hindi ba? Hehe.

    Maganda talaga ang WordPress, batay sa mga naririnig ko. Hehe.

  • ar ey dee  On September 19, 2008 at 1:25 am

    nirepost namin ang iyong entry (bilang natuwa kami sobra) sa isang multiply message board (http://yoopee.multiply.com/journal/item/4438/Betty_ala_Peyups) lo and behold. andaming guilty, andaming nagreact! parang sa previous thread kung saan namin nirepost ang kasabihan tungkol sa mga “press release UP students” (i.e iskolar ng bayan in name only)

  • Contras  On September 19, 2008 at 5:15 am

    Minsan nagpunta ako sa isang matandang mall sa border ng Antipolo-Cainta-Marikina. Siguro mga kulang-kulang 9 kilometrong biyahe mula UP. Nasa 3rd floor yata ako nun, nakita ko isang estudyanteng nakasuot ng UP ID papaakyat ng escalator. Meron narin akong nakasabay sa jeep mula Antipolo na nakasuot ng UP ID. Yung mga estudyanteng papa-Katipunan, ayaw alisin ang nakasabit ng UP ID. Mga estudyanteng kakain sa mga mahal na kainan sa Katipunan, sa harap ng Ateneo at Miriam, ayaw alisin ang UP ID. Sa Jollibee sa Philcoa din siguro. Pati kaya sa Star Back? Mga estudyanteng naghihintay ng jeep, nakikipag-agawan nang walang dangal sa mga kung sino-sino lang, ayaw alisin ang UP ID. Paano mo ba mapagiiba ang, taga UP, taga Ateneo, at taga PSBA? Sa ID na suot? Wala kasing uniporme; yung mga taga Miriam, Ateneo High, UST (Catholic, Royal and Pontifical, lagyan kaya nila ng Medieval at Colonial), FEU, St Paul, tukoy mo sa suot nilang uniporme. Hindi nila kailangan ng ID. Pag may suot pa silang ID, OA na. Sa trabaho, may mga naka-UP centennial na sweater. Yung pangit ang disenyo na binibenta sa Maroons sa Shopping Center. Kahit pangit ang disenyo (tulad ng logo ng centennial ng UP, seryoso, yun na ba ang pinakamaganda, Garamond at parang Word Art?), kahit manipis ang tela at hindi naman talaga functional panglaban sa lamig, ipipilit na isuot dahil may pangalan ng UP at may 100. Sa pagpapatupad ng patakarang no ID no entry, hindi mahirap i-frame ang isyu bilang represyon. Pero gustong gusto nilang magsuot nito. Parang, thank you for giving us more reason to wear or IDs. Bibili talaga sila ng pinakamagandang ID lace. Isusuot talaga nila ito kahit nakasabit na sa jeep, kahit sa bus na sobrang sikip at nanlilimahid, katabi ng mga sahurang manggagawa, sabi ng isa, kahit sa simbahan (bakit hindi?). Sintomas ng anxiety at insecurity ng panggitnang uri. Kumakapit sila sa tig-babaryang ID-lace para sa katubusan nila. At least kahit panandalian lang. Kahit moments lang, sa jeep, katabi ng mga manggagawa, o sa mall, kahit wala namang pambili, o sa Katipunan, sa harap ng mga Atenista. Napaka-magical ng tigbabaryang ID lace na yan hindi ba?

  • kapirasongkritika  On September 19, 2008 at 7:06 am

    @ar ey dee: Salamat sa pag-repost. I just hope mas napaisip sila rather than na-antagonisa. Marami ngang nag-react. Parang pinakanakakagulat sa akin ang parang beyond argument na proud siya sa UP.

    @Contras: Salamat ulit sa pagdalaw, at pagbibigay ng iba pang patotoo at tanaw. Hehe. Natawa ako sa pag-nega sa WordArt. Hehe. True, “thank you” mode yata ang mga estudyante sa patakaran. Sang-ayon ako: Sintomas ng anxiety at insecurity ng panggitnang uri. Precisely dahil ang direksyon ay umiba ng direksyon sa mga mamamayan, hindi sumanib sa kanila.

  • tanglad  On September 19, 2008 at 6:49 pm

    Mabuti na lang mapag-unawa ka, kasi na-guilty ako sa una kong reaction sa pagbasa ng multiply thread (epic rolling of eyes that they almost snapped off at the stalks).

    Nag-aaral pa sila, siguro may panahon pang makita nila ang mga privilege at responsibilidad nila sa pagpasok sa isang pampublikong pamantasan. Actually, merong ilan niyon sa thread, yehey! Pero kitang-kita rin sa diskusyon na social capital ang habol ng marami sa pagpasok sa UP, hindi edukasyon tungo sa social justice. Ni hindi nila na-recognize ang role ng privileges nila kaya sila nakapasok.

    To be fair, ganoon din naman ang tingin ng marami noong nasa UP pa ako. (O ayan, nai-yabang ko rin ang aking affiliation with UP.) Problema, ganoon pa rin ang tinging nila ngayon, kahit grads na kami

    Gaano ka “exclusive” ang UP, anong mga gusali ang kailangan ng ID? Noong huli akong pumunta sa Main Library, na-bother ako na hindi pinayagang pumasok ang mga mananaliksik galing sa ibang pampublikong pamantasan. Kung mga mamamayan ang nagbabayad sa pagpapatakbo ng pamantasan, dapat may access rin sila. At least sa mga lugar tulad ng mga library at research center, museo, etc.

  • kapirasongkritika  On September 19, 2008 at 7:07 pm

    @Tanglad: True, let us not antagonize the young. Kapal ng mukha ko, ano? Parang na-antagonize na nga iyung iba eh. Hehe.

    Ang ganda ng distinction na ginawa mo: edukasyon para sa social capital at hindi para sa social justice. Karamihan talaga, para sa una ang pasok sa UP. Sana lang din bukas ang isip nila sa ikalawa.

    Hehe! Na-excite ako noong nabasa kong nag-react ka dahil hindi ko alam kung may papawalan kang ugnay sa UP. It turns out, mayroon! Haha!

    Parang mayorya na yata ng gusali ang “No ID, No Entry” ang policy. Totoo iyang sinabi mo tungkol sa Main Library! Nasaksihan ko rin iyan! Ang problema pa, may mga employees din na parang mainit ang ulo kapag hindi taga-UP ang kaharap. Nakakalungkot.

    Malapit na akong magsulat tungkol sa mga engklabo. Naiisip ko na: Iyung isang entri mo ang unang link ko. Ingatz!

  • tanglad  On September 19, 2008 at 10:05 pm

    Ooops, huli na, promise. Guilty ako ng binary thinking, edukasyon para sa social justice vs para sa social capital. Salamat sa reminder na hindi sila necessarily mutually exclusive. Aabangan ko ang iyong post sa engklabo. Hapi weekend!

  • kapirasongkritika  On September 20, 2008 at 11:45 am

    Happy weekend!

  • gingmaganda  On September 23, 2008 at 11:04 am

    asar na asar ako sa pag-a-ID. pasismo ito. dati, nung kakalabas pa lang ng rule na ito, minsanan ko na ring binalak na pumasok sa eskwela na naka-bikini top at board shorts at naka-paa, pero naka-ID. malamang papapasukin ako. naka-ID e.

    pero guilty ako dito minsan. nag-ID lang ako kasi gusto ko mangsoplak ng tao. it worked! may silbi pala ang id ko liban sa karapatan makapasok ng lib at maipangbukas ng pintuang naka-lock.

  • secretstuff  On September 23, 2008 at 12:16 pm

    Well I just want to give a simple comment to those people who keep on complaining why
    UP students are ‘mayabang’.

    IT IS HARD TO BE HUMBLE WHEN YOU ARE REALLY GOOD. I guess everyone of you are smart enough to get my point.

  • kapirasongkritika  On September 24, 2008 at 3:59 am

    @ secretstuff: I guess we have to be smart enough to observe ourselves from one floor higher, as it were. We have to analyze our privilege and put it to good use, and not simply brag about it as if it is beyond reason.

  • E.P.  On September 25, 2008 at 7:13 am

    Kaboom! Wasak ang toreng garing!

  • kapirasongkritika  On September 25, 2008 at 9:44 am

    @ E.P., hindi pa. Marami pa tayong kailangang gawin. Hehe.

  • E.P.  On September 26, 2008 at 10:51 pm

    sige na nga. kaboom! nadaplisan ang toreng garing! ayan ha, small caps na.

  • kapirasongkritika  On September 27, 2008 at 3:43 am

    Mas okey iyan. Hehe.

  • bblou  On March 21, 2009 at 9:20 am

    parang nakalimutan lang ng script writer ito… i remember na betty la fea was drowned after the awarding of the “new you” ! of course she lost her “antipara” underwater…then aldo the rich blind guy rescued her, and took her to his very magnifico beach house, and there betty laid down on a dream bed… but i was shocked… ! coz when she got up from bed in the morning….betty automatically picked her antipara on her bedside table set up under the the table lamp!.. Wuh? did aldo knows that bettywas wearing eye glasses? and thedesigned superman style of betty’s antipara that aldo provided her..? joke lang ha! but i love betty la fea ….still…..!

  • kapirasongkritika  On March 21, 2009 at 5:36 pm

    Wow! Napakatalas ng paghuli mo sa kwento, Bblou. Salamat sa precious observation na ito! Hehe. Marami talagang may labs kay Betty, kahit sa mga kakilala ko. Hehe. Di ko lang talaga matanggap iyung todong pagpapel ni Dra. Vicki Belo sa mga kaganapan. Hehe.

  • michieru.chan  On April 6, 2009 at 9:01 am

    Hmm. Masasabi kong tama at mali ang iyong mga sinabi. Una sa lahat, ‘wag mong lahatin na ang lahat ng estudyante ng UP; nasa kolehiyo man o nasa hayskul man ito. OO; aminado ako na napasukan na nga ng mga elitista, mga batang nanggaling sa bahagi ng lipunan na kung tawagin ay pambansang burgesya, at mga may-kayang kabataan ang nasabing pamantasan. Ngunit, hindi lahat ng nagsusuot ng ID kahit wala sa paaralan ay mayabang na. Hindi kita masisisi kung bakit may mga nakikita kang mga estudyanteng sobra kung ipamukha ang UP ID sa publiko. Ang tanong: pareho-pareho nga ba ng mga kadahilanan ang lahat ng estudyante ng UP na nagsusuot ng kanilang UP ID kahit nasa labas pa ng campus? Naman. Ang ID ay para sa identification. Necessity na ‘yon. Kung hindi ganoon ang layunin ng iba, ‘wag sanang maging assuming at ganoon ang itatak sa isipan.

    “Hindi naman ang pagiging estudyante ng UP, o ng kahit anong paaralan, ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagiging tunay na iskolar ng bayan. Hindi ang katayuan ng pamilya at husay ng paaralang pinagmulan, kundi ang paghulagpos sa iginigiit nilang hulma ng magandang buhay. Hindi ang sariling lagay na sosyo-ekonomiko, kundi ang paggamit sa sariling kalayaan para magpasyang isulong ang kalagayan ng nakakarami. Hindi ang mga napag-aralan sa klasrum, kundi ang paggamit at pagpapaunlad nito para sa sambayanan at nang kasama sila.

    Hindi ang pag-iiba at pagmamataas sa kapwa, kundi ang pakikiisa sa kanila. Hindi ang pag-aaral sa pamantasan, kundi ang pagsusulong ng himagsikan.”

    Sumasang-ayon ako sa mga salitang binitawan mo (maliban nalang dun sa naka-bold, ha.) dahil hindi nga mahalaga kung ano at saang paaralang ka nanggaling. Tama ka na ang mahalaga ay ang pagpapaunlad ng iyong natututunan at kung paano mo maipapamulat ang karamihan gamit ang iyong natutunan.

    Nga pala, para sa isang mag-aaral ng UP, mahalaga ang mga natutunan sa klase at ang lahat ng mga reyalisasyon na pumapasok sa isipan matapos ang isang malayang talakayan ukol sa aplikasyon ng isang ideya at konsepto. Nasyonalismo man ito, terorismo o kahit ang pag-aaral at pagsasalinaw na hindi mga Amerikano ang nagligtas sa mga Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (:

    P.S. Hindi ako nagpapaka-biased o kung ano pa man. Bahala na ang iyong paninindigan, sariling opinyon at perspektibo at mga paniniwala sa mga bagay-bagay sa paghuhusga ng aking opinyon na pwede ring opinyon ng iba. (:

  • kapirasongkritika  On April 7, 2009 at 10:24 am

    Totoo namang sa indibidwal na antas, iba-iba ang layunin at kagustuhan sa pagsusuot ng ID — kahit isama pa natin iyung nagsusuot sa labas ng UP. Pero ang panawagan nga ng sanaysay na ito ay pag-ibabaw sa personal o indibidwal na dahilan at kilalanin ang obhetibong nagaganap: Na isa nang bukod-tanging institusyon ang UP sa bansa at isang porma ng elitismo ang pagmamalaki nito nang hindi naman progresibo ang pagpapakahulugan.

    Kung mapapansin mo iyung naka-bold, nakadugtong siya sa paggamit ng natutunan sa lipunan. Kung hindi gagamitin, ano nga ang halaga na maraming alam ang mga taga-UP?

    Iginagalang ko ang iyong pagtingin. Nakikipagtalakayan ako dito sa blog na ito, hindi sinisigawan ang kataliwas ng pagtingin. Salamat!

  • Lyds78  On June 19, 2009 at 8:06 am

    ako mas gusto ko pa ring walang ID na naka-displey para pag sinita ka ni Manong guard dahil mukha kang dugyot, mapapaisip siya pag inilabas mo na ID mo, hehe. Joke lang.

    Para sa akin, ang pagiging iskolar ng bayan ay hindi lang naipapakita sa salita at sa ID. Masusukat ito sa pagkatao natin pag lumabas na tayo sa ating mahal na unibersidad. Magsisilbi ba tayo sa bayan o sa mga kaaway ng bayan.

    Salamat, ngayon ko lang nakita ang post mo na ito.

  • kapirasongkritika  On June 20, 2009 at 11:32 pm

    Ano pa nga bang masasabi ko kundi: Amen?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: