Epekto sa Pinas ng Krisis sa US (2)

Sa kanya namang papel na “The Global Financial Crisis and Its Implications for Workers of the World” na naisulat nitong Hunyo para sa asembliyang pandaigdig ng International League of Peoples’ Struggle, iniulat ni Paul L. Quintos ang tindi at kasaysayan ng krisis, ang mga epekto nito sa mga bansang tulad ng Pilipinas, at ang mga pagkilos ng mga manggagawa sa mundo kaugnay nito. Progresibong ekonomista si G. Quintos, na direktor-ehekutibo ng EILER o Ecumenical Institute for Labor Education and Research, institusyong maka-manggagawa sa bansa.

Apat ang nakikita niyang mayor na epekto ng krisis ngayon ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa mga bansang katulad ng Pilipinas. Una, mababawasan ang kapital na papasok sa bansa. Resulta ito ng paghihigpit sa pautang. Matindi ang magiging epekto nito dahil nakaasa ang bansa sa pagpasok ng dayuhang kapital “para bayaran ang lumang mga utang, ipagpatuloy ang pag-iimport mula sa mga bansang abanteng kapitalista, at pagtakpan ang kronikong depisito… na resulta ng pagdambong ng mga estadong imperyalista sa [ating] ekonomiya.”

Ikalawa, mababawasan ang kantidad at halaga ng mga eksport natin sa mga bansang abanteng kapitalista. Kasama sa mga ito ang hilaw na materyales, mga produktong agrikultural at mga semi-manupakturang maliit ang dagdag na halaga. Isinama rin ni G. Quintos ang mga serbisyong tulad ng business process outsourcing kung saan tampok ang mga call center. Liliit kasi ang pagkonsumo ng mga tao sa mga bansang pinag-eeksportan, at hihina ang dolyar. Ibig sabihin, tanggalan sa trabaho, pagkaunti ng papasok na dolyar sa ekonomiya ng bansa.

Ikatlo, mababawasan ang mga Pilipinong matatanggap para magtrabaho sa ibang bansa – at posible pang pauwiin ang mga may trabaho na. Ipinapakita ng karanasan ng iba’t ibang bansa sa kasaysayan na nangangahulugan ang mga krisis sa ekonomiya ng “paghihigpit ng mga hangganan para huwag makapasok ang mga manggagawang dayuhan.” Muli, nangangahulugan ito ng kawalang-trabaho, pagkaunti ng papasok na remitans na dolyar sa ekonomiya at sa mga tahanan, pagkaunti ng paggastos na pangkonsumo, at ligalig sa lipunan.

Ikaapat, tataas ang presyo ng pagkain at langis bunsod ng “paglipat ng ispekulatibong kapital tungo sa pangangalakal ng mga komoditi (commodities trading) tulad sa langis, mineral at mga kalakal na pang-agrikultura.” Hindi na kasi “kaakit-akit sa mga mamumuhunang pampinansya ang dolyar ng US at ang mga pag-aaring nakabatay sa dolyar,” kaya lilipat sila sa naunang nabanggit. Nagsimula nang maganap ang pagtaas ng presyo ng pagkain at langis, bagamat ligtas sabihing magaganap pa lamang ang rurok sa nasabing pagtaas ng presyo.

Ang suma total, tulad ng sinabi ni Prop. Diokno: ibayong paghihirap ng nakakarami nating kababayan. Nabanggit ni Prop. Diokno ang una at ikalawa sa mga sinabi ni G. Quintos. Nabanggit din niya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bagamat hindi ang malalim nitong ugat na inilinaw ni G. Quintos. Hindi nabanggit ni Prop. Diokno ang ikatlo – kahit para pasubalian man lang sana. Dahil kaya hindi saklaw ng pagsusuri ng tradisyunal na ekonomiks ang mga salik na panlipunan tulad ng rasismo o pagbibigay-priyoridad sa sariling mamamayan?

Anu’t anuman, malaking pagkaligta ito, kung pagkaligta nga. Hindi na kailangang ipaalala sa atin na halos 10 milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa ibayong dagat, na nitong Hulyo’y nakapag-remit na ng halos $10 Bilyon sa bansa. Bagamat tiyak tayong hindi nakakapagdulot ng pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang pagpapadala ng remitans ng mga Overseas Filipino Workers, tiyak tayong maraming pamilya’t indibidwal ang nakikinabang dito. Pwede pa ngang sabihing salik ito kaya nakakaya pa ng marami ang matinding kahirapan at krisis.

Sa harap ng ganitong mga babala, naaalala ko ang mga pagtingin sa kabulukan ng kapitalismo na mula sa kampo ng mga intelektwal na tinatawag na post-Marxista – dating mga Marxista pero bitbit pa rin ang “Marxismo” sa loob ng bagong kamalayang sabi nila’y nakaalpas na rito, ano man ang kamalayang iyon. Ang isang pagtingin: Bulok ang kapitalismo, pero wala nang mas mahusay pa rito. Ang isa pang pagtingin: Kapitalismo ang pinaka-batbat ng krisis sa lahat ng moda ng produksyon, pero ito rin ang pinaka-pleksible sa pag-alpas sa krisis.

Sa tingin ko, isang ugat ng dalawang pagtinging ito ang kawalan o kakapusan ng kaalaman sa kasaysayan ng daigdig. Ito ang magpapakitang “Another World is Possible” – at ang pangalan niyan ay sosyalismo. Ito rin ang magpapakitang nagtatagumpay ang kapitalismo dahil hindi pa kinakayang magtagumpay ng mga kalaban nito. Madali itong sabihin, pero mas epektibo siguro kung maipapakita – lalo na sa masang anakpawis na tiyak na maghahanap ng paliwanag sa gutom at kakapusang nararanasan nila, at maghahanap, higit sa lahat, ng alternatiba.

Para sa mga progresibo, hamon ang krisis na magparami at magpalalim ng paninindigan. Malaki man ang krisis, marami tayong kongkretong magagawa.

20 Hunyo 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Contras  On September 22, 2008 at 4:32 am

    Nabasa mo/nyo ba yung editorial sa Inquirer 9/21? Parang may linya dun na nagbubunyi daw ang Kaliwa, kasama ang mga pasista, sa krisis pampinansyang nagaganap sa mundo. At may linya pa dun na sa kabila nito, kapitalismo pa rin ang choice ng “publics”. May hinala ka ba kung sino ang nagsulat nun? Si MLQ3 kaya?

  • kapirasongkritika  On September 22, 2008 at 5:14 am

    Contras, I hope iyung “nyo” sa tanong mo ay addressed sa mga mambabasa ng blog, hindi sa akin. May iba kasing ang hinala ay collective blog itong Kapirasong Kritika. Oo, collective blog ito — ng iba’t ibang personalidad ko. Bwahaha! Hehe.

    Hindi ko alam kung sinu-sinong sumusulat ng editoryal ng Inquirer. Dapat nga mag-public apology iyan sa katangahang sinabi nilang bumubuti raw ang lagay ng mga manggagawa sa Pilipinas, kaya kumakaunti ang unyonisado.

    Malamang, kung sino ang nagsulat ng editoryal noon tungkol kay Ka Bel, siya ulit ang nagsulat ng editoryal na iyan. Sabi mo, sinasabing kapitalismo pa rin ang choice ng “publics”? Pareho nga siguro, kasi parehong may ini-impute na pagtingin sa nakakarami nang hindi naman siyentipiko ang batayan.

    Just because people are silent doesn’t mean they like capitalism. Hindi rin naman nangangahulugang sosyalismo ang gusto nila. Marami pang paliwanag.

    Si John L. Nery ang nagtanggol sa tangang editoryal tungkol kay Ka Bel. Hindi kaya siya? Hehe.

  • Contras  On September 23, 2008 at 9:55 pm

    Oo, with nyo I was addressing the readers. Sino si John Nery? May column ba siya sa Inquirer?

  • kapirasongkritika  On September 24, 2008 at 4:04 am

    Okey. Kolumnista siya sa Philippine Daily Inquirer. Siya iyung may larawan sa lower right na nakatingala, as if may matatayog na ideyang iniisip — or may anggulong iniiwasan. Hehe.

    May bago siyang kolum nitong 23 September, talagang malinaw na depensa sa kapitalismo. Parang siya nga lang ang kolumnistang nagsulat na tungkol sa krisis. Kaya pwede talagang totoo ang hinala ko. Hehe.

    It’s final: Magsusulat ako tungkol sa editoryal at sa kolum ni John Nery. Hehe. Komentuhan mo agad paglabas, ha. Ingatz.

  • hayzz  On October 4, 2008 at 12:02 pm

    ano ba naman ito wala kasing Pakialam sa ibang mga tao ang tao ngayon. Lahat para sa kanila lng. Ang sarili lng nila ang iniisip nila.

  • nik  On November 2, 2008 at 6:09 am

    kailangan talagang maghanda ng mga pilipino sa nakaambang problemang haharapin ng bansa

  • queen int.  On March 26, 2009 at 7:56 am

    thanks po sa kapirasong kritika at sa nag-post ng Epekto sa Pinas ng Krisis sa US (2). Ito po kasi ung napili qng topic for my thesis and nung binasa qouh cia na-realize q ung mga mali ntin, mli ng gov’t. at lhat ng tao. thanks po ulit.

  • kapirasongkritika  On March 26, 2009 at 8:35 am

    Salamat! Ang mga komentong ganyan ang nakakapagpasaya sa pagba-blog. Hehe. Salamat!

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: