There are always those imbeciles
who identify capitalist development
with the number of computers sold.

– Antonio Negri

Nabasa ko ang “‘The end of capitalism’,” kolum ni John L. Nery na lumabas sa Philippine Daily Inquirer noong Setyembre 22, tungkol sa pampinansyang krisis na bumabayo at sumasalanta ngayon sa ekonomiya ng US at pandaigdigang sistemang kapitalista.

Dito, ipinagtanggol niya ang kapitalismo laban sa mga nagsasabi ngayon ng katapusan ng sistemang ito kaugnay ng krisis. Sa isang antas, ipinagtanggol din niya ang pagpyansa (bail-out) at halos-pagsasabansa – may bahaging naipatupad na, may bahaging pinaplano pa lang – ng gobyerno ng US sa mga institusyong pampinansyang nanganganib na bumagsak nang husto at matindi kaugnay ng pagputok ng housing bubble sa US.

(1)

Sabi niya, hindi nauunawaan ng mga nagsasabi ng “katapusan ng kapitalismo” patungkol sa naturang pagpyansa at halos-pagsasabansa “ang papel na kinakailangang gampanan ng gobyerno, o estado, kaugnay ng pamilihan.” Aniya, “hindi kailanman inabot ng kapitalismo ang katayuan ng pagiging puro: hindi ito kailanman naging purong pamilihan o purong estado lang.”

Oo naman! Alam naman ang puntong ito ng mga Marxista at progresibo sa isang banda at ng mga neoliberal at maka-kapitalismo sa kabila. Ang una, naggigiit ng mas malaking papel ng estado para sa mga mamamayan; ang ikalawa, ng mas malaking papel ng pamilihan para daw sa mga mamamayan. Pero wala namang nagsabing mawawala ang estado para palitan ang pamilihan. Gawa-gawang multo ang kinakalaban ni Nery dito. Para siyang batang pasigaw na nangangaral kung paano gumamit ng gripo – hindi nga lang cute, kundi mayabang.

Ang totoo, para sa mga Marxista at progresibo, karugtong ang pagpyansa at halos-pagsasabansa ng mahabang rekord ng pakikialam ng gobyerno ng US sa merkado pabor sa mga monopolyo-kapitalista at mga oligarko sa pinansya – pabor sa naghaharing uri ng US, sa partikular at sa madaling salita. Ang uring ito naman talaga ang may hawak sa gobyerno, malalaking korporasyon at mga institusyong pampinansya sa US at maging sa mundo.

Kung labag man ang pagpyansa at halos-pagsasabansa sa dogma ng neoliberalismo, tugma ito sa isa pang dogma, na mas makapangyarihan – ang dogma ng palaging pagsusulong sa interes ng naghaharing uri ng US. Kaya nga neoliberal ang US at mga institusyong pang-ekonomiya sa mundo kapag kailangan (kadalasan sa mga bansang mala-kolonya nito, tulad ng Pilipinas) at di-neoliberal kapag kailangan (kadalasan, sa bakuran nito at pagpopondo nang malaki sa militar). Walang permanenteng prinsipyo, maliban sa pagtataguyod sa interes ng naghaharing uri ng US.

(2)

Hindi man tinamaan ng mga tuligsa ni Nery ang mga neoliberal, mayroon pa rin sa hanay nilang hindi makatanggap sa partikular na interbensyong ito ng estado. Sa isang banda, ginawa na kasi nilang relihiyon ang neoliberalismo. Uto-uto sila: Naniwala sa sinasabi noon ng gobyerno ng US at mga institusyong pang-ekonomiya sa mundo, nang hindi nakikita ang tunay na mga ginagawa ng mga ito. Niyakap nila ang matatayog na prinsipyo, nang hindi nakikita ang makamundong mga interes na nagpapakilos sa mga ito.

May mga neoliberal pang humihiyaw ng “Sosyalismo iyan!” sa pagpyansa at halos-pagsasabansa. Mga “kasama (comrade)” raw ang mga opisyal ng rehimeng Bush. Gusto nilang papangitin ang itsura ng sosyalismo sa mata ng publikong kumukulo ang dugo sa galit sa mga ginawa at pinaplanong gawin ng gobyerno ng US. Gusto rin nilang pasagwain ang mga hakbangin ng gobyerno ng US sa tanaw ng isang publikong takot o galit pa rin sa sosyalismo, dahil sa tuluy-tuloy na propaganda ng mga kontra rito.

Pero hindi “sosyalista” ang mga hakbanging ito. Una, para sa mga sosyalista, napakaliit lang ng magiging papel ng mga institusyong pampinansya sa lipunang sosyalista. Ikalawa, sa mga mamamayan pinaglilingkod ng mga sosyalista ang pagsasabansa. Ikatlo, hindi ilalaan ng isang gobyernong sosyalista ang buwis ng mga mamamayan sa oligarkiya sa pinansya at mga tauhan nila. Ikaapat, hindi sosyalismo ang tawag sa pagsasabansa ng mga industriya pabor sa mga kapitalista. May halimbawa na nito ang kasaysayan, at ang pangalan: pasismo.

Gustong banatan ng mga neoliberal na ito ang sosyalismo pero ayaw pa rin nilang kilalaning interes ng naghaharing uri ng US ang pinaglilingkuran ng neoliberalismo. Gusto nilang magmukhang nasa gitna ng Kanan at Kaliwa, bagamat nagtataguyod naman talaga sila sa interes ng sistema. Nagwawala sila ngayon dahil gumuguho ang ilusyon nila sa sistema at sa sarili nila.

(3)

Parang nahulog si Nery sa isang bitag, o madaling mahulog ang mga pahayag niya sa isang bitag sa pagbasa ng publiko: ang pag-isahin o pagsamahin ang mga progresibo na nagsasabi ng “katapusan ng sosyalismo” (dahil ipinapakita ng mga nangyari ang kabulukan at pagiging kontra-mamamayan ng sistema) at ang mga neoliberal na nagsasabi rin nito (dahil inaakala nilang katapusan na ng kapitalismo ang ganito ka-grabeng pakikialam ng estado.)

Sa isang banda, madaling mahulog sa ganitong bitag ngayon. Napakarami kasi ng mga tumututol – na indibidwal at grupo – sa pagpyansa at halos-pagsasabansa sa higanteng mga institusyong pampinansya sa US. Labu-labo ngayon ang mga kumokontra, nagsasama ang mga progresibo at neoliberal. Banggang-bangga kasi ang mga hakbanging ito sa interes ng mamamayang Amerikano, napakabaho.

Sa ilang nabasa ko, marami ang dahilan ng pagtutol. Napakalaki ng pondong mapupunta sa pagpyansa, pondong mula sa buwis – at pawis – ng mga mamamayang Amerikano. Ibig sabihin, dadalhin ang pinaghirapang kita ng mga mamamayan sa mayayaman – na tinatawag ng ibang “baligtad na sosyalismo.” Pagkatapos, ang papyansahan ay mayayamang iresponsableng sumugal at nanloko pa nga sa kanilang mga transaksyong pampinansya, habang palaging sinasabing walang pondo para sa mga serbisyong panlipunan.

May nagsasabing hindi wais ang mga hakbanging ginawa at pinaplano. Anila, isang dahilan kaya nasadlak sa krisis ang ekonomiya ng US ay ang kriminal na kapabayaan at kamangmangan ng rehimeng Bush. Ngayon, uulitin nito ang ganoong krimen sa ora-oradang solusyong inihahain nito. May tutol sa grabeng kapangyarihang gustong ibigay kay Sek. Henry Paulson ng Treasury. Binansagan na nga siyang “Haring Henry” ng midyang mainstream gayung, sabi nga ni Edberto M. Villegas, Marxistang ekonomista, isa lang siyang “utusan” ng monopolyo-kapitalismo.

(4)

At ano itong kahibangan ni Nery tungkol sa New Deal ni Pres. Franklin Delano Roosevelt ng US noong Great Depression ng dekada ’30? Ayon sa kanya, “maaaring dumating na ang panahon para sa isang bagong New Deal.” Pati ang editoryal ng Inquirer noong Setyembre 21, ang “Fighting the fear,” biktima rin ng ganitong kahangalan.

Sa kanyang sikat na librong A People’s History of the United States [1980], inilinaw ni Howard Zinn, progresibong historyador, ang katangian ng New Deal. Aniya, hindi ikinonsulta sa mga mamamayan ang mayor na mga patakaran sa ilalim nito, na naglingkod pangunahin sa malalaking korporasyon at mayayamang magsasaka. Kung mayroon mang konsesyon sa mga manggagawa, iyan ay dahil sa maraming malalakas at militanteng sama-samang pagkilos nila. At mas ito ang ginawa ng New Deal, ang payapain ang mga manggagawang nag-aalsa sa kahirapan.

Pero nalutas ba ng New Deal ang Great Depression, ang suliraning gusto nitong lunasan? Mahigit 30 taon bago isinulat ang editoryal at kolum ni Nery, sinabi na ni Felix Greene, manunulat na sosyalista, sa libro niyang The Enemy: Notes on Imperialism and Revolution [1970] na “Hindi naresolba ang Great Depression… ng mga hakbanging New Deal ni Roosevelt. Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang tumapos sa depresyong ito.” Isinasatinig ni Greene ang analisis sa New Deal ng maraming progresibo sa US at buong mundo.

Suportado ang ganitong pagsusuri ng mga datos ng kawalang-trabaho at Gross National Product ng US noon. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling nagbanta ang isa na namang depresyon sa US. Bunsod na rin ito ng lalong paglawak pa ng produksyong industriyal noong panahon ng digma – bagay na nagparami sa suplay ng mga produkto kumpara sa kakayahan ng mga mamamayang bilhin sila. Naresolba ito, muli, sa pamamagitan ng digma (Korean War) at interbensyong militar ng US (sa Greece at iba pang bansa).

Simula sa panahong ito, ayon kay Greene, napatunayang “tanging sa pagiging ekonomiyang pandigma (war economy) lang makakatawid-buhay ang ‘matagumpay’ na sistemang Amerikano.”

(5)

Sa dulo, ipinagtanggol ni Nery ang kapitalismo. Tinuligsa niya ang kontra-kapitalistang mga sulatin ni Jose Maria Sison. Mga “denouments-in-search-of plots” daw ang mga ito, mga pagtatapos na walang kwento. Aniya, “Laging mula sa loob ng kapitalismo ang pinakamahuhusay na kritisismo rito,” na para bang taga-ibang planeta si Sison. Pagkatapos, pinuri niya ang napaka-karaniwan nang pagsusuri ni Joseph Schumpeter, ekonomistang Austriano, na likas sa kapitalismo ang “mapanlikhang pagwasak (creative destruction).”

Sa huli, sabi niya, “Pero (kung hindi ka mabubuhay nang wala ang iyong cell phone o kompyuter, dapat alam mo ito, kahit sa antas ng sapantaha) ang tunay na lihim ng kapitalismo, simula’t sapul, ay ang kakayahan nitong paunlarin ang sarili (self-generation), kakayahan nitong muling mabuhay (regeneration). Lihim ito na hindi kailanman nalaman ni Marx.”

Sa tingin ko, hindi patunay ng husay sa pagsasakongkreto ng teorya ang halimbawa niya – mga cell phone at kompyuter – kundi ng kakitiran ng pag-iisip, at ng buhay marahil. Nagmukha tuloy cheap – cheapaz, cheapazki, cheapang, cheapangga – ang teorya ni Schumpeter. Oo, nagagawa ng kapitalismo na lumikha, magparami at magpopularisa pa nga ng kung anu-anong kalakal at gahetong todong pinupuri ngayon ng mga burgis at petiburgis. Pero ano’ng kapalit?

At kung paglikha, pagpaparami at pagpopopularisa rin lang ng mga kalakal at gaheto ang gustong sabihin ni Nery na lihim ng kapitalismo, huli na siya sa pansitan. Bagamat malupit na kritiko ng kapitalismo si Marx, matalisik siyang manunuri nito. Ang Communist Manifesto ang isa sa mga sulatin niya (at ni Engels) na piinakamadaling unawain. Sana’y basahin o balik-aralan ito ni Nery. Dito, at sa marami pa niyang sulatin, ibinunyag ni Marx ang lihim na ipinagmamalaki ni Nery.

(6)

Ang problema kasi, hindi tinutukoy ni Nery at ng nabanggit na editoryal ng Inquirer ang ugat ng pampinansyang krisis. Nagkasya na ang huli sa pagsatsat tungkol sa “kalayaang walang responsibilidad,” “mga kalabisan,” at “pagkaganid” – na parang ang kulang at solusyon lang ay “interbensyonismo ng estado” – at pangangaral at pamamalo sa pwet siguro. Tulad ng ipinapakita ng mga pangyayari, gayunman, pagsasalba (pagpyansa at halos-pagsasabansa) at paghihigpit (regulasyon) lang ang gagawin ng estado ng US.

Pero bakit ba hinikayat o nahikayat ang mga mamamayang Amerikano na mangutang sa murang interes nang kolateral ang kanilang bahay na tumataas noon ang presyo? Nagkakaisa ang marami na dito nag-ugat ang kasalukuyang krisis, bukod pa sa pagsamantala ng mga institusyong pampinansya at kapabayaan ng gobyerno sa kalagayang ito. Pero ano ang paliwanag? Dahil likas na makasarili, ganid pa nga, ang mga tao?

Isa pa rin sa pinakamatalas ang paliwanag ni Sison. Aniya, simula noong dekada ’70, nabansot na ang kita ng mga mamamayang Amerikano. Pagkatapos, “Ginawa ng ‘neoliberal’ na mga gumagawa ng patakaran at manedyer ng ekonomiya ng US ang housing bubble para mabigyan ang mga kabahayan sa US ng artipisyal na pagkukunan ng dagdag pang pautang para sa pagkonsumo, na nagpanatili sa kanilang papel bilang pinakamalaking merkadong pangkonsyumer ng mundo sa kabila ng pagbagsak ng industriya at regular na trabaho sa US.”

Resulta ang krisis, samakatwid, ng mga suliranin sa tunay na ekonomiya – hindi lang sa ekonomiyang pampinansya. Resulta ito ng krisis ng labis na produksyon ng kapitalismo, kung saan napakarami ng nalilikhang kalakal kumpara sa napakababang kita-kakayahan ng mga mamamayan para bilhin ang mga ito. Dahil mababansot at posible pang bumagsak ang ekonomiya kung walang pagkonsumo, kailangang buyuin ang mga mamamayan na bumili.

(7)

Sa puntong ito makikita ang kapalit ng mga cell phone at kompyuter na ipinagmamalaki ni Nery, na para bang hindi uunlad ang syensya at teknolohiya sa ilalim ng sosyalismo. Hindi sa mga manggagawa napupunta ang malaking bahagi ng halagang nalilikha nila, kundi sa mga kapitalista. Sila ang mahalaga sa produksyon pero sila ang binabarat ang kita. Dahil nagtrabaho sila nang todo, mawawalan sila ng trabaho – dahil dadami ang produktong hindi naman nila mabibili at babagal ang negosyo. Kapag sumadsad ang krisis, sila pa rin ang tatamaan nang husto.

Sa isang antas, totoo ang sinabi ni Schumpeter, at diyalektikal na prase naman ang “mapanlikhang pagwasak.” Pero sa yugtong ito ng kapitalismo, mas pangunahin at mabigat ang pagwasak kaysa paglikha. Grabeng yaman ang nililikha ng kapitalismo para sa iilan, habang grabeng karalitaan at pagkabusabos ang nililikha nito para sa nakakarami. Sa buong mundo, ang buhay ng mayorya ay walang tigil na pagtatrabaho at paghahanap ng ikabubuhay. Ayos pa rin ang kapitalismo, sabi ni Nery, dahil may cell phone at kompyuter naman tayo.

Sa simula ng sanaysay niya, sabi niya, “mabilis na nagiging kaalamang kumbensyonal” ang paniniwala sa “katapusan ng kapitalismo.” Talaga? Saan?

Lumang taktika at kumita na iyan: Ang umastang rebelde at palaban habang nagsusulong ng konserbatibong kaisipan.

29 Setyembre 2008