Kapag Pambansa rin ang Personal

(1)

Sa palasyo ng kardinal naganap ang kumpisal. Kaharap ang batikang pulitikong katunggali niya sa pagiging opisyal na kandidato ng oposisyon, at saksi ang kardinal, sinabi ng balo ang pasya niya: Tatakbo siyang presidente. Kailangan, aniya, na ang iharap ng oposisyon sa publiko para lumaban sa diktador ay biktima nito. At hindi ganito ang pulitiko, na nakilala pa ngang dikit sa presidente noong una.

Sa galit ng mga tao sa diktador, marami ang nagsasabing kahit aso ang tumakbo laban sa kanya ay mananalo – sa botohan, hindi sigurado sa bilangan. Tiyak namang higit-higit sa aso ang pulitiko – bagamat itatanong ng balo ilang taon pagkatapos, matapos ang isang kudeta, kung “Babanggitin ko pa ba iyang Doy na iyan? O pipitikin na lang nating parang langaw?”

Ayon sa mga tala, may luhang dumaloy sa pisngi ng pulitiko matapos magsalita ang balo. Siguro, naramdaman niyang humuhulagpos at lumalayo sa sandaling iyon ang tsansa niyang maging pangulo ng Pilipinas – ambisyong matagal niyang inaruga at pinayabong.

Pero kinailangan niyang yumukod sa desisyon. Hindi pa siguro dahil nakumbinsi siya sa batayan, kundi dahil nakita niya ang dami at damdamin ng mga taong hinahatak at pinapakilos ng nasabing batayan. Hindi siya ang gusto nila, naisip niya siguro – sinabi lang ng balo ang posibleng dahilan.

Sa kasaysayan, madalas na nabiktima nang personal ng mga naghahari at nang-aapi ang mga nangunguna sa paglaban. Masasabi rin bang pagiging biktima nila ang nakakahatak ng sampalataya at suporta ng maraming iba, ng maraming kapwa?

(2)

Marami ang nagagalit ngayon kaisa ni Gng. Vivian Hultman, ina ng binaril at napatay na si Maureen, dahil sa pagpapalaya ni Pres. Gloria Arroyo sa maysalang si Claudio Teehankee, Jr. May mga nagsasabing walang batayan sa batas ang pagpapakawalang ito, dahil hindi pa umaabot ng 30 taon sa kulungan ang kriminal, at hindi rin siya lampas sa 70 anyos. Ibig sabihin, ilegal ito, posibleng resulta lang ng pagiging malapit kay Gloria ng mga kapatid ni Teehankee. Ilang beses pang ininsulto ang pamilya Hultman – sinabihang kesyo kumita sila sa nangyari kay Maureen at kay Hesukristo na lang sila mag-apela.

Ilang beses nang at tinapakan ni Gloria ang batas at ang mga ahensya nito sa bansa. Hindi sila sapat para mapanagot siya. Sa ganitong konteksto, iba sa ideyal na kalagayan ang halaga ng batas: ang ilinaw sa mga mamamayan kung saan siya nagkamali – at ang udyukan sila, kung posible man, na kumilos para igawad ang katarungan ng mga hukuman.

Sana, may makapagpayo kay Gng. Hultman na umuwi sa Pilipinas, sumama sa mga ina’t asawa ng mga pinatay at nawala sa ilalim ng rehimen ni Gloria sa paglaban para sa katarungan, sa paglalantad at pagpapanagot sa pangulong walang puknat sa pagpapatakas sa mga maysala, lalo na kung bigatin sila. Ilan na bang nagkasala pabor sa kanya ang pinatakas at itinatago pa niya sa ibang lupalop? Sana makiisa at sumama si Gng. Hultman kina Nanay Concepcion, Erlinda, Editha…

Siguro, hindi pagmamahal sa anak ang hinihingi sa pagkakataong ito. O hindi na lang iyon. Sa usaping ito, at sa maraming iba pa, hindi maiwasang maging daan ang personal na pighati patungong pambansang pagnanasa. Sana, humantong si Gng. Hultman sa pagkilos batay sa pagmamahal sa bansa.

(3)

Nitong huli, sinabi sa telebisyon ng balo ang hinala ng pamilya niyang ginawa ng diktador sa kaso ng asawa niyang pinaslang: Ipiniit ang ilang sundalo at opisyal-militar, kapalit ang kung anong kabayaran para sa kanilang pamilya. Binayaran niya ang iba para magbayad sa pagkakasala niya.

Mapapaisip ka tuloy. Kinailangan ng diktador na magpakitang-tao, palabasing may imbestigasyon, may nilitis at ikinulong sa bantog na kaso ng isang tao. Hindi pa umaabot sa ganyan ang diktador na naghahari ngayon. Kahit pagpapakitang-tao, hindi man lang. Ang isa niyang heneral, na pinuri niya sa harap ng bansa, pinapaniwalaan ng maraming responsable sa pagpatay at pagdukot ng di-na-mabilang na aktibista. Pero malaya pa rin.

Sa sama ng diktador na naghahari ngayon, lumalabas pang may konsensya ang nauna sa kanya. Pero hindi rin. Ilang tao ba ang nagmartsa para ipaglaban ang katarungan para sa senador na pinaslang? Hindi siya nag-isa, kaya napwersa ang nauna. Ipinapakita ng kaibahan ng dalawang diktador ang kabulukan ng kasalukuyang naghahari. Pero makikita rin ang mga dapat pang gawin.

Iniimbestigahan ngayon ang mga butong natuklasan sa isang dating himpilan diumano ng militar. Kapag natuklasang sa mga katawan ito ng mga nawawala, lalabas na kaya’t magmamartsa sa lansangan ang mga kumokondena sa heneral at sa amo niyang diktador?

20 Oktubre 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • flip  On October 22, 2008 at 5:23 am

    Sang-ayon ako. ang personal na karanasan ay maaaring politikal din. dahil ang politikal na paksa ay tumatagos hanggang sa personal.

    hindi dapat paghiwalayin at paglabanin ang dalawa. simbayotiko ang relasyon nito. kapwa bumubuo sa magkabila– sa sarili at sa bansa.

  • kapirasongkritika  On October 22, 2008 at 4:29 pm

    “Politikal” ang ispeling mo, Flip, ha. Hehe.

    Alam na natin kung kanino patungkol ang ganitong pagtutulay — sa mga nagbubukod ng buhay nila sa lipunan, kahit sumasampal na ang katotohanan.

    Salamat ulit sa pagbisita!

  • ren  On November 14, 2008 at 6:36 am

    nice lines
    read and learn visit http://rentale.blogspot.com

  • kapirasongkritika  On November 14, 2008 at 3:45 pm

    Ren, interesante ang blog mo, binabasa ko pa lang. Salamat sa pagdaan!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: