Pamamalimos sa Bisperas ng Pagsadsad ng Krisis

 

Kakahudyat pa lang ngayon ng pagguho ng Lehman Brothers sa grabeng pagtindi ng pampinansyang krisis ng mundo, pero may prediksyon na si Immanuel Wallerstein, siyentistang panlipunan na kilala sa pag-aaral sa malalaking tipak ng kasaysayan ng daigdig at hindi sa mga pangyayaring kung ikukumpara’y “alikabok” lang. Aniya, “Nasa simula na tayo ng isang todong (full-blown) depresyon sa buong mundo na may malaganap na kawalang-trabaho sa lahat ng dako.” Dadanasin ng daigdig ang “matinding karambolang ligalig (high chaotic turbulence)” na nangyayari na ngayon sa susunod pang “20 hanggang 50 taon.” Naisip ko ito habang nag-aalala sa epekto ng krisis sa mga mamamayan, lalo na sa pinakamahihirap.

 

Mahigit isang taon ko na itong napapansin: Isa o dalawang kabataang mukhang estudyante sa elementarya o hayskul, aakyat sa bus na kadalasa’y airconditioned, at mabilis na mamimigay ng tig-isang puting sobre sa lahat ng nakasakay. Maghihintay silang mabasa ng mga pasahero ang nakasulat dito: ang pagpapakilala nila at paghingi ng tulong sa pag-aaral – sa porma ng pagbili ng ibinebenta nila, na kadalasa’y dried mangoes. Sa dulo, madalas, mayroon pang nakasulat na “Mas mabuti nang mamalimos kaysa magnakaw.” Minsan, ang “mamalimos” ay nagiging “magbenta.” Pagkatapos, iikot na sila para magbenta, kung may bibili, at para mangolekta ng sobre.

 

Ibang klaseng pamamalimos ito kumpara sa ginagawa ng karaniwang pulubi – na marungis, nasa bangketa o kalye, may hawak na lata o nakasahod ang kamay sa mga dumadaan, madalas na naghihintay matingnan ng mga dumadaan. Malinis ang itsura at sumasampa sa mga bus ang mga bagong namamalimos. Hawig ang ginagawa nila sa praktika ng mga mangangaral para sa kawanggawa o simbahan at ng mga aktibista para sa welga o mobilisasyon. Iyun nga lang, hindi na pagtulong sa espiritwal o panlipunang kaligtasan ang inilalako, kundi pagtulong sa kaligtasang personal o pampamilya.

 

taal-chandelier1

 

Tawag-pansin ang paghahambing sa magnanakaw sa sobre. Tiyak, nakasandig ito sa pinagsasaluhang negatibong pagtingin sa mga magnanakaw, na siguro’y lalong ipinatimo sa marami ng gayong pagkondena sa kasalukuyang rehimen. Sa isang banda, posibleng pagbabangon-dangal ito: Masyado na bang minamaliit at kinukutya ng lipunan, ng midya laluna, ang mga maralita at mga humihingi ng tulong sa kapwa? Sa puntong nakikita na lang nilang mabuti at marangal ang ginagawa nila kapag ikinukumpara ang sarili sa mga magnanakaw? Kahiya-hiya bang maging mahirap sa lipunang ito?

 

Sa kabilang banda, pagpapakita o eksibisyon ito ng pagkasagad at desperasyon. Lalo lang ipinapakita ng pagdistansya ng namamalimos – na isang estudyante, tandaan natin – sa magnanakaw ang napakaikling puwang sa pagitan ng dalawa. Para bang “Kung hindi ko gagawin ito, baka magnakaw na lang ako.” Pwedeng makahatak ito ng awa. O ng pansamantalang pagkatakot: Para bang sinabihan ka ng “Ano’ng mas gusto mo, hingan kita ng tulong o holdapin kita?” Pero hindi pa siguro ang takot na aktwal na bubunot ang namamalimos ng baril o patalim, kundi ang pagkaantig sa desperasyon niya ang mag-uudyok sa pasaherong maglabas ng pera, bumili, o manlimos.

 

Pero nitong minsan, sa dyip, nakita kong ginaya ang paraang ito ng marurungis na batang pulubi. Katulad ng mga batang “naglilinis” ng sapatos sa dyip – ang iba’y nagpapahid lang ng basahan sa sapatos o paa – dali-daling umakyat sa dyip ang mga bata. Nag-abot sila ng tig-isang sobre. Masagwa ang pagkakasulat: “Pahingi po ng kaunting pang-kain,” sabi nito. “Hindi sila makakakuha ng limos,” sabi ko sa sarili, hula ko sa mangyayari. “Hindi nila naunawaan kung bakit umuubra ang ginagawa ng mga estudyante sa bus.” Laking gulat ko, matapos ang ilang sandali, nang magsidukot ang mga pasahero ng barya, na inilagay nila sa mga sobre at iniabot sa mga bata.

 

 

rings-of-saturn-011

 

Bukod sa a-kinse noon – at sinasabi sa balita na tumityempo talaga ang mga holdaper sa kinsenas-katapusan, at siguro’y ganoon na rin ang mga pulubi – mahalaga siguro ang sobre sa nangyari at kahit sa nangyayari sa mga bus, na sa dyip ko lang naintindihan. Una, binibigyan nito ng oras ang mga pasahero na mag-isip o makaramdam, sa halip na magpakita lang ng nakagawian nang pag-iling o di-pagkibo. Ikalawa, itinatago nito sa tanaw ng iba ang halaga ng baryang ibinibigay – walang presyur, ’ika nga, at pantay-pantay ang lahat sa pagiging mabuting Samaritano. Siguro, mas matimbang ang dalawang ito sa isa pang papel ng sobre: Ang gawing madali para sa pasahero ang opsyong huwag magbigay. Sa ganito, hindi mo na kailangang tingnan ang bata sa mata para umiling o magsabing “Wala rin akong pera eh.”

 

Bagamat makakabasa ka pa rin ng mga sulating tulad ng huling sanaysay ni Rolando Tolentino (“Bula ng Gitnang Uri”) at huling tula ni Edel Garcellano (“Confession”) tungkol sa pagkaantig at pagkaligalig sa presensya ng mga pulubi, may sinasabi ang huling mga hakbangin ng mga namamalimos: Sanay na ang mga tao sa kanila, posibleng manhid pa nga. Posible ring naghihirap na ang mga tao o iniisip nilang naghihirap sila. Anuman ang dahilan, kinailangang gumawa ng paraan, ng bago, ng mga namamalimos para tumawag ng pansin, mang-antig ng damdamin, para makakuha ng limos.

 

Sa isang antas, nagtatagumpay pa sila ngayon. Sa hinaharap kaya? Sabi ni Wallerstein, “Masasabi natin nang may tiwala na hindi makakatawid-buhay ang kasalukuyang sistema. Ang hindi natin kayang hulaan ay kung anong bagong kaayusan ang mapipiling ipalit dito, dahil resulta iyon ng napakaraming indibidwal na presyur. Pero sa malao’t madali, makakapagtatag ng bagong sistema. Hindi na ito sistemang kapitalista bagkus ito’y maaaring mas masahol… o mas mabuti… sa sistemang iyon.”

 

“Ang pagpili sa isang bagong sistema ang mayor na pandaigdigang pakikibakang pampulitika ng ating panahon.” 

 

05 Nobyembre 2008 

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: