Pulitika ng Masasamang Biro

 

MANNY

 

Sa hanay ng maraming Pinoy na matandain sa kasaysayan, na marahil ay matanda na rin, may sabayang pagdura at pagsuka sa harap ng telebisyon noong isang gabi. Hindi nila mapigilan: akala nila, may nanalong (maka-Kanang) kudeta ng militar. (Sa pagsandig sa iilan, parang mahirap maging maka-Kaliwa ang kudeta.)

 

Ang eksena: nanunumpang presidente ng Senado si Sen. Juan Ponce Enrile kay Sen. Gringo Honasan – dalawang opisyal-berdugo noong batas-militar ni Marcos at madalas na kalaban ng interes ng sambayanan. Ang mabuting nagawa nila para sa bansa, hindi pa nila sinadya: ang tumulong na ibalik ang demokrasyang burgis noong 1986. Si Enrile, tumutol din sa pananatili ng base-militar ng mga Kano ng bansa. Pero hanggang doon na lang.

 

Ang tanong ng marami ngayon, gayunman, ay bakit, kung ano ang dahilan at tinanggal sa pwesto si Sen. Manny Villar para palitan ni Enrile. Maraming ispekulasyon. Ang mga nag-iisip na pakana ito ng Malakanyang, ang hinala: paghahanda ito sa Charter Change, pagpaparusa kay Villar para sa mga imbestigasyon ng Senado, pag-upak dahil nangunguna siya sa mga sarbey tungkol sa susunod na pangulo, o paglubos sa eskandalo sa C-5.

 

May mga nagsasabi namang pakana ito ni dating Pres. Erap Estrada para pantayin ang tayo ng mga kakandidatong pangulo sa 2010 galing oposisyon – na karamiha’y taga-Senado. Sa paliwanag na ito, bago sa marami na malapit pala ang ugnay ni Enrile kay Estrada. Bukod sa dikit sa alpabeto, dikit din siguro sila noong rehimen ni Marcos at ni Estrada. Pero bakit naman gagawin iyon ni Pera (“Erap” kapag binaligtad) kay Money (“Manny” kapag binigkas)?

 

Tatakbo na ba talagang presidente si Erap?

 

Para sa marami, ang mahalagang isyu sa partikular ay kung makakapagpahina o makakapagpaduwag sa oposisyon ang nangyari sa Senado. Sabi ng iba, bagamat tumakbo sa oposisyon si Villar noong eleksyong 2007, hindi naman malayo sa administrasyon ang mga hakbangin niya. Nahalal pa nga siyang presidente ng Senado dahil sa boto ng ilang maka-administrasyon – bagay na ikinabwisit ng mga oposisyunista, na ang gusto’y si Sen. Aquilino Pimentel, Jr. ang maging presidente ng Senado.

 

Si Enrile, kilalang maka-Gloria pero may lihim nga palang ugnayan kay Erap. Si Villar, kilalang maka-Erap, may lihim nga palang ugnayan kay Gloria. Kapag kumilos lang talaga ang bayan magkakaroon ng pag-asa sa pulitika ng bansa.

 

favelas

 

KORTE

 

Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pinakamabagsik sa pag-upak at pagsasandal sa pader kay Eliseo de la Paz, may pinakamahalagang papel sa mga tinatawag na ngayong “euro generals.” Siya ang pumiga ng pag-amin ni de la Paz na ang huli nga ang may kasalanan sa nangyari sa Rusya, at siya ang nagsabing tiyak na may pinagtatakpan itong nakakataas na opisyal. Dahil sa rekord niya ng pagtatanggol kay Gloria kahit sa harap ng di-katanggol-tanggol na mga kasalanan nito noon, mapapaisip ka kung sinsero ang senadora.

 

Alam din kasi ng publiko na maraming hukom ng Korte Suprema ang magreretiro na, at papalitan ng mga itatalaga ni Gloria. Baka naman bumabanat si Miriam para bumawi pagkatapos, katulad ng mga mamamahayag na tinatawag ng mga katrabaho nila ng “AC/DC” – attack then collect, destroy then collect. Sariwa pa naman sa alaala ng mga tao si Michaelangelo Zuce, pamangkin ni Komisyuner Virgilio Garcillano. Mapera na siguro siya.

 

Bagamat hindi kasi todong nailalantad – dahil na rin sa mahusay-husay na pagpapanggap o hakbangin ng nakaraang mga Punong Hukom nito – napaka-pulitikal ng Korte Suprema bilang institusyon. Isang patunay ang historikal nang pagboto ng mga hukom nito sa kontrobersyal na mga isyu alinsunod sa sino ang nagtalaga sa kanila sa Korte: Ramos, Estrada o Arroyo?

 

Pero pinakamalinaw ang pagkiling ng Korte sa mga usapin ng mga manggagawa. Tiyak na alam ng mga tulad ni Atty. Remigio Saladero at ng iba pang abogadong maka-manggagawa – na nagmumulat sa mga manggagawang maka-abogado – ang kasong ito: May isang manggagawang tinanggal ng isang kapitalista sa kung anong dahilan. Nagprotesta ang manggagawa para makabalik sa trabaho. Umabot ang kaso sa Korte Suprema. Sabi ng Korte, mali ang kapitalista sa pagtanggal sa manggagawa. Pero dahil daw may lamat na ang ugnayan ng kapitalista at manggagawa, sa halip na ibalik sa trabaho ang huli, dapat na lang siyang bayaran ng backwages.

 

Ang galing, ano?

 

cosmos

 

SAKIT

 

Noong ginisa dati ng Senado si dating Sek. Norberto Gonzales kaugnay ng eskandalo sa Venable-LLP, tumindi umano ang sakit niya, kaya inospital at nakaiwas sa interogasyon ng mga senador. Nitong huli, nabinbin ang pagharap sa Senado ni dating Usec. Jocelyn “Joc-Joc” Bolante dahil din, diumano, nagkasakit siya. Ang totoo, nakakaawa siyang tingnan sa itsura niya ngayon – pumayat at umimpis ang mukha, malayung-malayo sa itsura niya noon. Dati, mukha siyang hustler sa tiwaling mga transaksyon sa gobyerno.

 

Bakit ganoon? Madaya. Nanggigigil tayo sa mga tiwali at nanloloko sa sambayanan. Pero kapag nagkaroon na tayo ng pagkakataong magalit, haharap sila sa atin nang may sakit at mukhang maysakit talaga. Hindi sila nagpakatao noong ginagawa nila ang mga krimen nila, at gusto na rin ng iba sa ating huwag nang magpakatao kapag nagkaroon ng pagkakataong tanungin at parusahan sila. Pero heto tayo ngayon, naaawa, tao pa rin, kahit sa harap ng patuloy na pagsisinungaling ni Bolante sa madla.

 

Pero hindi dapat makahadlang ang awa sa pagkakamit ng katarungan. O mas dapat sigurong sabihing dapat maawa tayo sa sambayanang ang pondo’y lagi na lang kinukurakot at sa sambayanang laging niloloko ng mga pulitiko – para maggiit ng katarungan. Kapag wala na sa poder sina Bolante, Gonzalez, at Sek. Raul Gonzalez, na isa pang maysakit, dapat pa rin silang papanagutin sa mga kasalanan nila sa bayan – kung hindi man sa korte ay sa mga talaan ng ating kasaysayan.

 

wrong_hands_3126_sm_11

 

PANALANGIN

 

Inulan ng tuligsa ang panalangin ni Sek. Jesus Dureza sa simula ng pulong ng gabinete noong isang araw. Hindi ba magwawala ang madasaling mga manang at obispo ng Simbahang Katoliko? Dinasal ni Hesukristo ang “Ama Namin” para magbigay ng halimbawa ng kung paano dapat magdasal ang mga Kristiyano. Walang biro sa “Ama Namin,” lalo na’t para hilinging patagalin pa ang impyernong dinaranas ng sambayanan sa ilalim ng mga kampon ng kasamaan.

 

Makukulay, halimbawa, ang mga komento sa Umagang Kay Ganda noong isang araw: “bad joke,” “birong malapit sa katotohanan.” Sinipi pa nga ni Anthony Taberna ang Bee Gees – mabuti na lang at hindi si Willie “Joke-joke lang, ba’t ka nagagagalit?” Revillame! – sa isang kanta nito: “I started a joke, which started the whole world crying.”

 

Nagkukumahog ang rehimen para sabihing hindi totoo ang pakanang Charter Change para pahabain ang termino ni Gloria. Binilang pa ni Dureza ang mga dahilan kung bakit panis na ito ngayon – habang nasabi pa ring sa kaloob-looban niya’y gusto niyang tumagal pa ang termino ng pangulo.

 

Pero siguro, panahon na para buhayin ang panawagan noon ni Edgar “Edjop” Jopson sa diktador na si Marcos bago idineklara ng huli ang batas militar. Sa gitna ng mga tsismis na magdedeklara si Makoy ng batas militar para tumagal pa sa pwesto, iginiit ni Edjop rito na isulat nito sa dokumento na hindi na tatakbong muli o magpapahaba ng termino.

 

Nagalit si Makoy. Dito niya nasabi ang klasikong linya niya: ”Ano’ng karapatan mong pangaralan ako, ikaw na anak ng isang may-ari ng groseri (you son of a grocer)?” Mabuti pa siya, kahit paano, alam mo kung ano talaga ang saloobin. Di tulad ni Gloria, tatawa-tawa pa sa gitna ng panalangin.

 

from-the-microscope

 

SALING-PUSA: NAKAKATAWA

 

Nabasa ko ang “The UP Underground,” sanaysay ng isang Mario Ignacio Miclat na ambag niya sa seksyong “100 Kwentong Peyups” ng Philippine Star. Dito, sinabi niyang siya ang nag-imbento ng “Unang Rebolusyonaryong Sigwa” bilang katawagan sa serye ng malalaking demonstrasyon at labanan sa lansangan noong unang kwarto ng 1970. Para siyang nagyabang na siya ang nakaimbento ng betamax: Wala nang masyadong gumagamit sa romantisadong prase niya ngayon, at mas pinipili na ang “Sigwa ng Unang Kwarto.”

 

Sabi niya, “Maraming tradisyon ng UP, sa totoo, ang nakitil ng aktibistang kasiglahan ng dekada ’70…” Animo’y nangungulila siya, maiyak-iyak sa saliw ng “Good morning, yesterday…”: “dinner with the university president, the hayride and bonfire…, the cadena-de-amor for ladies, and the ROTC for the boys with its pre-graduation pass-in-review by the president of the republic.” Ibalik ang panahon bago ang dekada ’70! Mabuhay ang burgis at pyudal na mga tradisyon ng UP!

 

Parang gusto niyang kutyain at pagtawanan ang kilusang underground sa UP. May dalawa siyang kwento: Una, sa isang pag-aaral kasama ang isang “Goldie Alianza” ng Student Cultural Association of UP o SCAUP bago ang batas militar, nagdala siya ng isang granada. “Nagsimula si Goldie na magpalalim sa ideya na ang tunggalian ng mga uri ang pwersang nagpapakilos sa pagbabagong panlipunan. Habang idinidiin niya ang pangaral ni Lenin na ‘pwersa ang komadrona ng lumang lipunang nagdadalantao sa bago,’ inilabas ko ang granada.”

 

“’Aha! Isa kang komunista!’ sigaw ko nang pigil-hininga. ‘Habang gumagastos nang husto ang gobyerno para tiyaking magkaroon ng de-kalidad na edukasyon sa ating pamantasan ng estado, wala kang ibang ginagawa kundi labanan ang ating mga institusyon.’ Hinila ko ang klip pero mahigpit na hinawakan ang hawakan… Nakaupo lang si Goldie, di kumikibo. ‘Aminin mo!’ pagpapatuloy ko. ‘Aminin mong isa kang komunista kung hindi lahat tayo’y mamamatay nang sama-sama!’

 

“Pinawalan ko ang hawakan at iginulong ang granada sa sahig.” Syempre, peke ang granada.

 

Ikalawa, “Para sa pinal na eksamen sa kurso sa kasaysayang pandiplomatiko ng modernong Europa, dalawa ang tanong ni Prop. Bonifacio Salamanca. Sa una, isinulat ko ang sanaysay sa sinaunang baybayin na hindi na ginagamit ng kahit mga historyador. Ang ikalawang tanong niya ay parang ‘Ipaliwanag kung bakit hindi posibleng kinaya ng Europa na isaayos ang sarili matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang walang tulong ng Estados Unidos?” Sumagot ako, malalaking titik: ‘Ibagsak ang imperyalismong US!’ Sa sistema ng paggagrado ng UP ng 1.0 hanggang 5.0…, binigyan niya ako ng 6.0! Napaka-epektibo ng DG ni Goldie!”

 

Pero malinaw na hindi ang mga DG ni Goldie, o ang kilusang underground sa UP, ang lumalabas na may topak sa mga kwentong ito.

 

23 Nobyembre 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Contras  On November 24, 2008 at 5:52 am

    Hi Teo. Re: Manny, nasa kaliwa lang talaga ng pag-asa ng pulitika at ang pag-asa in general ng Pilipinas. Nakakasuka sila. pati Kanan nasusuka. sakay naman sila for rent-seeking. minsan habang naglilipat nakita ko si Loren sa Strictly Politics. syempre tungkol sa presidential ambitions…labanan ng ‘palataporma’ vs personalidad…presidential debate ala US…tinanong ni Pia kung nilapitan na daw ba sya ng Admin camp…’hindi pa’ daw…tumakbo daw siya w/ fpj…susundin daw niya kung anong desisyon ng npc. Re: demokrasyang burges, mas tama yata kung demokrasyang pyudal……populista-korporatista. ano bang tamang salita? degenerate? ang tawag ng isa, ‘mongrel’ at ‘mongoloid to describe the economy. i like mongoloid better. no offense to down syndrome people. Digression: pwede bang magtayo ng sosyalismo sa lipunang walang mature na liberal demokratikong kulturang pampulitika, problema ng isang puti. o baka hindi gagana. kung hindi isang Stalin o Pol Pot, Park CHung Hee o lee Kwan Yew o Marcos. binanat (stretch) ko na yung huling punto. or do we go zizek and refuse the choice? joke. Re: Panalangin, sino si Anthony Lacerna? Anthony Taberna? o meron talagang anthony lacerna.

  • kapirasongkritika  On November 25, 2008 at 10:32 am

    Contras, ikaw ang winner ng friendship award this time! Hehe. Ang hirap ayusin kapag mabagal ang Internet eh. Uy, yung rent-seeking as a framework, hindi masyadong pabor diyan si E. San Juan, Jr. Ginagawa raw kasing pantay ang pananagutan ng local elites at ng imperialist forces. Hehe.

    Baka mahirap kung demokrasyang pyudal, though talaga namang ersatz ito. Hehe.

    Hindi ko alam ang sagot ni Zizek sa usaping iyan. Iyung nasulat niya tungkol kay Mao, iyung “Mao Zedong: The Marxist Lord of Misrule,” ang dating sa akin, pwedeng bigyang-interpretasyon na pabor at pwede ring hindi pabor. Pero si Terry Eagleton, na mas Trotskyite than Maoist, ang sabi, isang irony iyon: “Those who are most in need of socialism [tayo iyun sa so-called Third World], cannot have socialism.”

    Pero pwede. Paborito ko sa puntong ito si Lenin na nagsabing “Marxism is not a dogma but a guide to action.” Maraming hamon sa pagtatayo ng sosyalismo sa bansa natin, ganoon din sa abanteng mga bansa. Maganda ring mabasa iyung mga sinasabi nina Aijaz Ahmad at Eric Hobsbawm tungkol sa eksternal na mga presyur sa Unyong Sobyet, kaya talagang hindi istriktong alinsunod sa gusto ni Marx ang nangyari. Which is not necessarily a bad thing; wala namang imperyalismo noong panahon ni Marx.

    Kung ibabatay sa karanasan ng Tsina, talagang positibo ang sagot. Oo! Kailangan lang talagang tanganan at aralin ang continuing revolution laban sa pagsulpot ng bagong burgesya.

    Ano’ng Anthony Lacerna? Tingnan mo ulit, “Taberna” ang nakasulat. Hehe. Salamat nang marami sa pagtawag ng pansin!

  • Contras  On November 26, 2008 at 7:30 am

    san ba nanggaling ang state-society framework of analysis? i see it used by bello, abinales, hutchcroft (booty capitalism), and mccoy (anarchy of families, state and political families). the philippine state is described as a weak state captive to particularistic elite intersests, the prize of oligarchic struggles, the tool to dispense favors to clients or patrons and punish enemies. sa tingin mo how does this help or blunt traditional marxist class analysis? doesn’t this (characterization of phil state as a patrimonial oligarchic state) somehow give stronger ground to the ND analysis of the philippines as semifeudal. tingin mo?

  • kapirasongkritika  On November 27, 2008 at 1:00 pm

    You mean iyung state-civil society framework? Hindi ko alam, pero nagkaroon iyan ng malakas na tulak dahil sa karanasan sa tinatawag na “actually existing socialism.” Sabi nila, hindi pala pwedeng mawala ang civil society, kailangang mayroon pa ring ganito para labanan ang mga abuso ng estado — and later on, pati ng kapitalismo. So malakas ang anti-Stalin na bent ng framework na iyan. Iyung ibang nabanggit mo, maraming linya ng pagkakatulad sa pagsusuri sa estado bilang neo-kolonyal. Hindi ko lang alam anu-ano sa partikular. General na pagbabantay lang siguro ang sinasabi ko laban sa mga framework na pinapantay ang pananagutan ng imperyalismo at ng elite. Kasi nagiging balangkas din ng pagbibigay-katwiran sa pananakop at pagkontrol ang masyadong pagbibigay ng pansin sa “kulturang pampulitika” ng bansa — bulok nga, totoo, pero may pananagutang mas malaki ang imperyalismo. Bakit halimbawa kapal-mukha si Gloria? Hindi lang dahil sa makinarya ng estado iyan, kundi dahil pinayagan siyang gawin ang lahat huwag lang magdeklara ng martial law — ng US! Ingatz lagi!

  • E.P.  On November 28, 2008 at 4:16 am

    huwaaa! trotskyite pala si eagleton? pano?

    contras wala ka bang site? gawa ka na. hehe. tas pabasa.

  • Contras  On November 28, 2008 at 4:49 am

    I mean yung strong (relatively autonomous) state – weak state framework…
    Si eagleton nga yung tinukoy kong puti. parang nasabi niya stalinism and logical conclusion ng sosyalismo sa lipunang mahirap at walang liberal democratic na political culture. hindi naman pwede sa kanila, kasi maalwan ang lagay ng labor. labor = social democracy o third way. ewan ko lang, 30 years of neoliberalism eroded the welfare state and increased the gap between rich and poor even in the North. wala naman akong masabi sa mga debate tungkol sa strategy. hindi ako competent. wala akong website eh

  • kapirasongkritika  On November 28, 2008 at 10:54 am

    @E.P.: Yes. Weird lang kasi sabi nila, sa Europe, may Mao-Althusser vs. Trotsky-Deutscher tradition. Mas Trotskyist sa pulitika si Eagleton habang Althusserian sa teorya. Kaya kahit paborito ko ang mga pagpapatawa niyang Marxista, maingat tayo dapat sa ganitong leaning niya. May ilang passages sa memoir niyang “The Gatekeeper,” na plano kong komentaryuhan minsan sa blog na ito. Hehe. True, sana mag-blog din si Contras.

    @Contras: Mas ganoon nga ang origins, tapos na-pick-up ng mga neo-Marxists. May essay akong binasa dati galing Kasarinlan tungkol diyan, alalahanin ko. Though ang sikat na libro tungkol diyan ay iyung kay Joseph Migdal. By “relatively autonomous,” kaugnay ng mga uri sa lipunan.

    Ah! Ganyan pala ang moda ng masteral thesis ng isang Alex Magno! Gusto yata niyang maging foremost Filipino Althusserian noon. Sabi ni Luis V. Teodoro sa isang essay, weird lang na kung kailang diktadura ang namamayani (diktadurang Marcos noong panahon ni Magno), tsaka ine-explore ang “relative autonomy thesis” kaugnay ng estado ng Pilipinas!

    Sabi ni Aijaz Ahmad, krusyal ang pagkakaroon ng socialist camp kaya nabuo agn social-democratic states sa Europa. Hehe. Natuto si Mao sa mga pagkakamali ni Stalin kaya pwede at pumwede sa Tsina. Hehe.

  • fjordz  On December 3, 2008 at 5:40 pm

    napapansin ko rin na sa tuwing may hahatuling mandurugas sa gobyerno, parati na lang silang nagkakasakit. parati na lang kailangan muna nilang lumiban sa mga usapin para sa kanilang kalusugan. Parati na lang nailalayo sa usapan ang mga kasalanan nila dahil na rin karamdaman nila. Minsan iniisip ko, sinasadya rin yata nilang magkasakit para makaiwas sa isyu. Tama ka na ang sambayanan tumitigil na rin sa pag-uusisa dahil sa awa. Dahil tao na silang humaharap ngayon sa kabila ng mga kasalanang ginawa nila nung hindi pa sila nagpapakatao.

    Malulupit ding mga artista ang ito. O kung sa ngayon ma’y hindi na nga sila nagpapanggap, dapat pa rin nilang harapin ang mga kasalanang ginawa nila.

    http://fjordz-hiraya.blogspot.com

  • kapirasongkritika  On December 4, 2008 at 12:49 pm

    Salamat sa pagdalaw, Fjordz! Naisip ko nga, malusog naman sila kadalasan, dahil mayayaman. O baka abusado rin sa katawan? Ingatz!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: