Tortyur at Iba pang Kalupitan

(1)

 

Nabasa n’yo na ba ang “The two-year rape of Raymond Manalo” at “Rage,” kambal na kolum ni Patricia Evangelista? Basahin ninyo. Muling ginamit ni Bb. Evangelista ang puwang niya sa Philippine Daily Inquirer at sa website nito para maghatid ng makabuluhang impormasyon at manggising ng marubdob na damdamin sa mga espasyo ng panggitnang saray sa bansa, ng mga Pinoy sa ibayong dagat at maging ng mga dayuhang nagmamalasakit sa bansang ito.

 

Muli, ginamit niyang porma ang literary non-fiction. Siya na siguro ang pinakasikat ngayong gumagamit nito, kahanay ni Jose F. Lacaba, awtor ng librong Days of Disquiet, Nights of Rage na paborito ng mga aktibista. Inaakit, hindi hinahatak, ng estilo niya ang mga nakakabasa na pawang nabubuhay nang relatibong komportable na damhin ang sidhi ng sitwasyong pinagsadlakan sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo, kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, at ng maraming iba pa sa mga kampong pangtortyur ng militar.

 

May naisulat na dati si Kenneth Roland A. Guda ang “Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn,” batay sa salaysay ng mga Manalo – at may naisulat na rin ako batay sa artikulo niya. Pero binuo ni Bb. Evangelista ang kwento ng pagpapahirap sa magkapatid, at naglahad pa siya ng mga pagpapahirap kina Karen at Sherlyn na hindi naisulat ni G. Guda. Para kang nasugatan nang matindi sa pagbasa ng unang naratibo, hindi nga gumagaling ang sugat pero heto, sinusugatan ka ulit.

karen-empeno

 

(2)

 

Grabe, labis-labis, sobra-sobra – ito ang mga salitang malapit sa empirikal na madaling sumagi sa isip para ilarawan ang mga ikinwentong pagpapahirap.

 

Una, lumilitaw na hindi sumasapat ang mga batas at legal na mga aparato ng Estado para kontrahin at labanan ang mga itinuturing nitong kaaway – kaya nga humahantong ito sa “ekstrahudisyal” na mga hakbangin tulad ng pagpatay, pagdukot at pagtortyur. Hindi anomalya, aberasyon o “isolated case” lang ang mga hakbanging ito at hindi lang dahil ginagawa sila sa maraming tao sa buong bansa. Bahagi sila ng paggana at pagtatanggol sa sarili ng sistema – at hindi kataka-takang mga abogado ng sistema ang mga nagtatanggol sa mga ito.

 

Ikalawa, kahit para sa karaniwang ipinagpapalagay o iniisip na mga layunin ng tortyur – tulad ng pagpiga ng impormasyon o pag-amin, o pagpwersa sa biktima na kumampi sa nanonortyur – sobra-sobra ang mga pagpapahirap. O tanga ba ako para isipin, batay sa ilang nabasa, na mayroong teknik sa pagtortyur? Na, kumbaga sa Ingles, may method sa madness na ito? Sa harap ng tila pagbalewala sa mga teknik o metodo ng pagtortyur sa kasong ito, lumilitaw na hindi ang kahit alin sa nabanggit na layuning taktikal ang gustong makamit ng militar.

 

Mahalagang pansining kaiba sa pagpatay at pagdukot na ginagawa sa publiko, ginawa nang lihim ang mga ikinwentong pagpapahirap. Tumakas at nakatakas lang ang magkapatid na Manalo kaya nalalaman ng publiko, at ng isang publikong limitado pa nga, ang mga naganap. Maiisip tuloy na ang tanging kagyat na layunin ng militar sa mga aksyong nailahad ay ang pagmalupitan at salaulain – at ano pa nga ba ang mga salitang mas angkop? – ang mga biktima.

 

Ikatlo, partikular sa ginawa kina Karen at Sherlyn, hindi lang sila pinahirapan bilang tao. Pinahirapan din sila bilang mga babae: Si Karen, “hinubaran ng damit, pagkatapos binugbog, ginamitan ng water torture, pinaso ng sigarilyo at ginahasa gamit ang mga piraso ng kahoy.” Ang mga sundalo, “inaaliw ang sarili gamit ang katawan [ni Sherlyn], pinapasukan ng mga stick ang ari niya…” Kahit sa tortyur, lalo na’t ginagawa ito ng militar – institusyong sentro ng pyudal, militarista at patriyarkal na kagawian – hindi pa rin pantay ang mga kasarian.

 

Kaya nakakatawag ng pansin at lalong nakakarimarim ang isang detalye: “At nakikita mong nanonood ang mga misis ng mga sundalo” habang ginagawa ang pagsalaula. Ano’ng mensahe nito para kina Karen at Sherlyn at sa ating mga nagbabasa? Na, kahit sinasalaula sila bilang babae, hindi sila karapat-dapat sa awa, habag o simpatya ng kapwa-babae – kahit pa mga ina rin siguro ang mga ito, may anak na babae, kumakalinga at nagmamahal. Dahil ano? Dahil bukod sa pagiging babae, may isa pa raw bahagi ang pagkatao ng dalawa: “aktibista,” “NPA,” “simpatisador,” “komunista” – at wala silang pakialam sa pagkakaiba.

fernando-botero-2

 

(3)

 

Sa sanaysay niyang “Lying in Politics” [kasama sa libro niyang Crises of the Republic, 1972], sinuri ni Hannah Arendt, liberal na “teoristang pampulitika” ang tinatawag na “Pentagon papers” – mga dokumento hinggil sa patakaran ng gobyerno ng US sa Vietnam simula noong World War II hanggang noong Mayo 1968, kasama ang panahon ng Vietnam War. Noong una, lihim at di bukas sa publiko ang mga dokumento – mga liham, memorandum, ulat, pag-aaral at iba pa – hanggang sa tinipon sila ng gobyerno ng US at inilimbag ng New York Times.

 

Ayon kay Arendt, makikita sa Pentagon papers na tumpak ang mga ulat ng komunidad ng paniktik (intelligence community) ng US pero hindi dito ibinatay ang mga patakarang ginawa ng gobyerno kaugnay ng Vietnam at Vietnam War. Ayon sa kanya, “ang ugnayan, o, sa halip, ang kawalan ng ugnayan, sa pagitan ng mga datos at desisyon, sa pagitan ng komunidad ng paniktik at ng mga serbisyong sibilyan at militar, ang siya na sigurong pinakasignipikante at siguradong pinaka-nabantayang lihim na isiniwalat ng Pentagon papers.” (Hindi siya naghinalang pagsalba sa wasak na reputasyon ng komunidad ng paniktik ang posibleng layunin ng gobyerno ng US sa paglalabas sa mga dokumento.)

 

Sabi niya, nang sumisipi sa dokumento, patungkol sa Vietnam War, “Malinaw na hindi ito kaso ng ‘limitadong rekurso (means) para kamtin ang matatayog na layunin’… Kaso ito, sa halip, ng di kapani-paniwalang halimbawa ng paggamit ng labis-labis na rekurso para kamtin ang maliliit na layunin sa isang rehiyong hindi gaanong mahalaga.” Komento pa niya sa digmaan: “grabeng pagsisikap na sinayang para lang ipakita ang pagkainutil ng pagiging malaki (bigness).”

 

Mula rito, sinikap ni Arendt na sagutin ang tanong na “How could they?” Paano nagawa ng gobyerno ng US na isulong ang Vietnam War nang, ayon sa kanya, walang intensyong magtagumpay at tapusin ang gera? Sagot niya: “Paano sila magkakaroon ng interes sa kahit anong kasing-totoo ng (anything as real as) tagumpay gayung ipinagpatuloy nila ang gera hindi para magpalawak ng teritoryo o umangat ang ekonomiya, at lalong hindi para tumulong sa isang kaibigan o tumupad sa isang pangako, at hindi man lang para sa reyalidad, kaiba sa imahen, ng kapangyarihan?” Aniya, itinuloy ng gobyerno ng US ang digmaan para patatagin ang imahen nito – ng pagiging superpower ng mundo.

 

Pagkatapos, hinanap niya sa kasaysayan ang ninuno ng Vietnam War. “May mga historyador ngayon na naggigiit na ibinagsak ni [Pres. Harry] Truman [ng US] ang bomba sa Hiroshima [noong katapusan ng World War II] para sindakin ang mga Ruso at itaboy sila mula sa Silangang Europa…” Aniya, sa “krimeng pandigma (war crime)” na ito mauugat “ang pagsasantabi sa aktwal na mga epekto ng aksyon pabor sa kung anong hindi lantad at kinakalkulang layunin.”

hannah-arendt

 

(4)

 

Naalala ko ang sanaysay ni Arendt dahil tulad niya, nahaharap tayo sa naisiwalat na mga lihim ng militar at gobyerno natin – na ang isponsor ay ang militar at gobyernong sinusuri niya. Tulad niya, napapaisip tayo kung ano ang layunin ng labis-labis na karahasang ito na makabuluhang tawaging kalupitan.

 

Bagamat hindi lingid kay Arendt na ang kontekstong ginagalawan niya noon ay ang Cold War, hindi niya nilubos – sa sanaysay na ito, hindi ko lang alam kung sa iba pa – ang tinutungo ng mga sinabi niya. Parehong nakadireksyon sa mga bansang komunista ang mga kalupitang inilahad niya: ang paggamit ng bomba atomika sa Hiroshima, Japan para pigilan at paatrasin ang Unyong Sobyet at ang paglulunsad ng gerang agresyon sa Vietnam para pigilan at paatrasin ang Tsina (at ang Unyong Sobyet din na noo’y inaakala pang sosyalista at kampi sa Tsina).

 

Natatawag samakatwid ang pansin natin sa historikal nang kalupitan ng mga tagapagtaguyod ng sistema kapag kaharap ang mga komunista – totoo man o pinaghihinalaan lang – at laban sa kanila lalo na kapag itinuturing silang malakas na banta sa isang panahon. Sa unang tingin, nakakahikayat sabihing ang gerang agresyon ng US sa Vietnam at ang pagpapahirap sa mga kampong pangtortyur ng militar ngayon ay pawang paggamit ng labis na dahas para sa maliit o di-mahalagang mga layuning kagyat. Pero iyun ang punto ni Arendt: Iyun ang gusto nilang ipakitang “imahen,” na kaya nilang magpawala ng labis-labis na dahas sa mga kalaban. Ano nga naman ang hangganan ng kalupitan?

 

Kontra kay Arendt, gayunman, kailangang ihabol na mahirap paniwalaan ang kongklusyong naglunsad ng gerang agresyon ang US sa Vietnam para lang patatagin sa pananaw ng buong mundo ang imahen nito bilang superpower – lalo na’t kung tinitingnan ito nang hiwalay sa mga layuning geo-pulitikal at pang-ekonomiya ng US. At para saan ang imahen? Tiyak na may ganitong mga interes na pinaglilingkuran kahit ang pagpapatibay sa imahen ng superpower ng mundo.

 

Pero napaka-pampubliko ng kalupitan ng US sa gerang agresyon nito sa Vietnam – alam ng buong mundo dahil sa pagsisikap ng alternatibong mga naghahatid ng impormasyon at nababanaag kahit sa mainstream na mga tagapaghatid ng impormasyon tungkol dito. Sa kabilang banda, inilihim at patuloy na inililihim ng militar at ng mga taong-gobyerno na may alam nito ang kalupitan sa mga kampong pangtortyur ng militar. Kinailangan pang makatakas ng magkapatid na Manalo para maisapubliko ang mga ito – bagamat, ang totoo, kinumpirma lang ng mga salaysay nila ang hinala at nababanaag na ng marami.

 

Ano, kung gayon, ang posibleng layunin ng militar at ng gobyerno sa pagpaparanas ng kalupitan sa mga nasa kampong pangtortyur nito? Bagamat tiyak tayong naglilingkod ang layuning ito, anuman ito, sa matagalang mga layuning pampulitika ng gobyerno – at sa pang-ekonomiyang mga layunin ng mga uring naghahari at ng US – wala akong ibang masumpungang hinalang kagyat na layunin ng ganitong lihim na kalupitan kundi: ang ipagpatuloy at patatagin pa nga ang kultura ng kalupitan ng militar – para marahil sa matagalang paglaban sa mga itinuturing nitong komunista, totoo man o hindi.

 

Kaya nga hindi kataka-takang nangyari ito sa pamumuno ni Hen. Jovito Palparan at ng isang rehimeng may mga anti-komunistang katulad nina Sek. Norberto Gonzales at Padre Romeo Intengan SJ sa pwesto. Di tulad ng ibang opisyal-militar na “tumutupad lang sa trabaho” o nagpepera lang sa pwesto, bukod-tangi si Palparan na sinsero sa paglaban sa itinuturing niyang banta ng komunismo – bagamat hindi ibig sabihi’y hindi rin siya nagpera sa pwesto. Itinawid ni Palparan, sa bagong konteksto ng nagpapanggap na “demokrasya,” ang kultura ng militar na tumampok noong batas militar ni Ferdinand Marcos.

stop-political-killings-alex-felipe

 

(5)

 

Eh nabasa n’yo ba ang “Pagdakip at Pagpapahirap sa Akin,” kolum ni Elizabeth Principe sa Pinoy Weekly? Basahin ninyo. Bukod sa naghahatid siya rito ng impormasyong hindi lumalabas sa midyang mainstream, inaarmasan niya ang diwang palaban ng mga aktibista at rebolusyunaryo sa napakagaan at simpleng estilo ng isang chikadora – hindi karaniwang talas sa karaniwang pananalita.

 

Dito, may hindi karaniwang damdamin o moda na inilahad si Gng. Principe. “Sa unang sandali pa lamang na naisakay ako sa van, alam ko nang nadukot ako at tinanggap ko ang kamatayan. Hindi ako natatakot mamatay, o tumagal at mabulok sa bilangguan, sinabi ko ito sa mga interogador. Sa dami ba naman ng na-missing at na-extra-judicial killing, hindi ko iniisip na maiiba ang aking istorya.

 

“Ang mga tula ni Jose Ma. Sison sa loob ng bilangguan ang nagbigay ng lakas-loob sa akin. ‘Mas mahirap ang naging kalagayan niya pero nakaya niya, dapat ko ring kayanin ito,’ kako. Dagdag pa ang kuwento ng may karanasan sa mga hulihan – na ang hindi natakot sa kamatayan at tortyur ang hindi bumigay sa interogasyon at hindi naipagkanulo ang mga mamamayan. Sa kabilang panig, kapag pinangangalagaan ang buhay, lalo itong nawawala pati ang dignidad.”

 

Hawig nga ito sa isinalaysay ni Prop. Jose Ma. Sison, sa libro niyang Rebolusyong Pilipino: Tanaw Mula sa Loob [1987], tungkol sa kung paano siya umalpas sa grabeng pagtortyur ng militar noong nadakip siya: “Ang pinakamahalaga sa akin ay patuloy kong mapanindigan ang aking rebolusyonaryong paniniwala at mapanatili ang aking diwang mapanlaban. Ang naramdaman ko’y galit sa halip na takot. Nakatulong ang mag-isip na kahiya-hiyang… magkanulo sa iba, at isaalang-alang na sadyang nagsasara ang utak pag di na matiis ang sakit….”

 

Pareho sa dalawa ang mulat na paglaban at pag-ibabaw sa takot, katulad ng pagsigaw ng mga raliyista kapag binabatuta at tinutubig ng mga pulis ng “Makibaka, huwag matakot!” Ang kaibahan lang, mag-isa silang humarap sa mas matinding kalupitan sa loob ng kulungan, hindi kasama ang iba pa kaya lalong nakakabilib. Tiyak na pareho nilang hinarap ang takot sa kamatayan at isinalin ito sa galit sa pagmamalupit ng militar at gobyerno sa mga nakikipaglaban para sa pambansang paglaya at pagkakapantay-pantay. Pareho silang may ipinakitang dignidad na kaiba sa tinukoy ni Gng. Principe. Dignidad itong hindi na lang personal at pinaka-akma nang bansagang “rebolusyunaryo.”

 

Kaugnay ng pangkalahatang buhay-bilangguan, sabi ni Gng. Principe, “Nakatulong sa akin ang pag-iisip [nang] positibo para di lubhang ma-depress sa bagong mundo ko.” Sabi naman ni Prop. Sison, “Upang mapanatili ang linaw ng isip ay sinadya kong balansehin ang diwang mapanlaban at diwang mapagbiro.”

 

Kaya naman nakakatuwa’t nakakatawa ang napakaraming kwento ni Gng. Principe. Tungkol sa akusasyon sa kanya, ang sagot lang niya ay “Ngi! Hindi ko nga alam na naganap [ang aksyong militar sa Manila Peninsula] at hindi ko pa nakita sa buong buhay ko si Sen. Trillanes at mga kasamahan niya.” Akala mo artista lang siya sa Tropang Trumpo. Sabi niya, “Kahit nga si Cong. Satur Ocampo ay di pinayagang makadalaw sa akin. (Dami pa naman niyang dalang pagkain.)”

 

Ewan ko sa iba, pero magkahalong tuwa at takot ang hatid ng kwento niyang ito: Noong binulungan siya ng isang malamang ay militar na nagbalik sa kanya sa kulungan ng “Kung makatakas ka o makalaya, ako ang papatay sa iyo,” agad daw siyang sumagot ng “Bakit ka nananakot?” Halata ang takot, pero nilalabanan. At ito ang diwang palabang ikinakatuwa at tinutugunan ng “Wagi!” “Malupet!” “Panalo!” sabay palakpak sa mga huntahan ng mga tibak.

 

06 Disyembre 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • kenneth  On December 19, 2008 at 4:15 am

    Maganda, napakaganda ng sinulat ni B. Evangelista. Maganda at nakakagalit, kahit pamilyar na, ang kuwento. Naiyak muli ako. Hindi ko lang alam — ano ang palagay mo dito? — pero ganito rin kaya ang reaksiyon ng isang middle class na mambabasa sa pagkabasa ng ganitong mga naratibo? Marami pa kasing kuwento. Napakarami pa. Kuwento halimbawa ni Muhammadiya Hamja. Inaresto nang walang mandamyento sa Basilan noong 2001. Kinulong, tinortyur. Noong 2004, napatunayang walang sala dahil hindi itinuro ni Gracia Burnham bilang isa sa mga nangidnap sa kanya. Noong nakaraang buwan, sa kanyang tahanan sa Maharlika Village (hindi na siya makauwi sa Basilan dahil nawalan ng kabuhayan), muli siyang dinukot ng pulis. Kagagaling lang niya sa pagsamba noon. Muli, pinahirapan, tinortyur. Sa lahat ng indikasyon, walang balak ang pulis na ilitaw siya. Mabuti na lang, natiyempuhan siya ng anak niya sa isang kampo ng CIDG.

    Ganoon din ang kuwento ni Iglecerio Pernia. Nakatataas daw na opisyal ng kilusang komunista si Pernia sa Bikol, nang dukutin sa Bulakan noong Enero 2008. Nakumpirmang nasa kustodiya ng militar. Tinortyur at tinurukan ng kung anu-ano. Hanggang sa mabaliw. Ngayon, wala na siya sa kustodiya ng militar — nasa ospital na kasi ng mga nasiraan ng bait.

    Nagagalit, naiiyak ako sa mga kuwentong ito. Pero ganito rin ba ang reaksiyon ng isang middle class na tao? O dahil aktibistang mamamahayag lang ako? Nagagalit din ba sila tuwing nababasa ang mga naratibong ganito? Naiiyak rin ba sila at gustong ipaghiganti ang naturang inhustisya at brutalidad?

    O babasahin lang nila, matutuwa sa kuwento, magagalingan sa pagkakasulat? Pagkatapos, magpapatuloy sa kani-kanilang mga buhay? Tinatanong ko ang sarili ko ng ganito kasi parang nawawalan na ako ng pag-asa sa middle class na ito.

  • krguda  On December 19, 2008 at 4:26 am

    Maganda, napakaganda ng sinulat ni B. Evangelista. Maganda at nakakagalit, kahit pamilyar na, ang kuwento. Naiyak muli ako. Hindi ko lang alam — ano ang palagay mo dito? — pero ganito rin kaya ang reaksiyon ng isang middle class na mambabasa sa pagkabasa ng ganitong mga naratibo? Marami pa kasing kuwento. Napakarami pa. Kuwento halimbawa ni Muhammadiya Hamja. Inaresto nang walang mandamyento sa Basilan noong 2001. Kinulong, tinortyur. Noong 2004, napatunayang walang sala dahil hindi itinuro ni Gracia Burnham bilang isa sa mga nangidnap sa kanya. Noong nakaraang buwan, sa kanyang tahanan sa Maharlika Village (hindi na siya makauwi sa Basilan dahil nawalan ng kabuhayan), muli siyang dinukot ng pulis. Kagagaling lang niya sa pagsamba noon. Muli, pinahirapan, tinortyur. Sa lahat ng indikasyon, walang balak ang pulis na ilitaw siya. Mabuti na lang, natiyempuhan siya ng anak niya sa isang kampo ng CIDG.

    Ganoon din ang kuwento ni Iglecerio Pernia. Nakatataas daw na opisyal ng kilusang komunista si Pernia sa Bikol, nang dukutin sa Bulakan noong Enero 2008. Nakumpirmang nasa kustodiya ng militar. Tinortyur at tinurukan ng kung anu-ano. Hanggang sa mabaliw. Ngayon, wala na siya sa kustodiya ng militar — nasa ospital na kasi ng mga nasiraan ng bait.

    Nagagalit, naiiyak ako sa mga kuwentong ito. Pero ganito rin ba ang reaksiyon ng isang middle class na tao? O dahil aktibistang mamamahayag lang ako? Nagagalit din ba sila tuwing nababasa ang mga naratibong ganito? Naiiyak rin ba sila at gustong ipaghiganti ang naturang inhustisya at brutalidad?

    O babasahin lang nila, matutuwa sa kuwento, magagalingan sa pagkakasulat? Pagkatapos, magpapatuloy sa kani-kanilang mga buhay? Tinatanong ko ang sarili ko ng ganito kasi parang nawawalan na ako ng pag-asa sa middle class na ito.

  • kapirasongkritika  On December 19, 2008 at 9:11 am

    Huwag. Huwag kang mawalan ng pag-asa sa kanila. Hindi rin naman magtatagumpay ang pakikibaka para sa pagbabago kung wala sila.

    Ano ang reaksyon nila? Mahirap sukatin batay sa pamantayan ng atrasado at walang pakialam na nasa panggitnang uri. Pero magandang sukatan ang nasa abante — ang mga blogger, halimbawa, na makikita mong nire-repost ang sinulat ni Bb. Evangelista at sinasabing natutuwa sila. Ito na siguro ang magbibigay sa atin ng pag-asa.

    Sabi nga, lahat naman ay pwedeng angkinin (o i-coopt) ng mga kaaway, maliban sa pagkatalo nila. Ibig sabihin, hindi naman talaga sasapat ang indibidwal na mga sulatin, o kahit marami pa nito. Ang kailangan talaga ay ang kilusan para sa pagbabago — kaya nga kailangang nakikipagtulungan dito sa minimum ang mga manunulat.

    At alam ko, sa kaloob-looban mo, alam mo ang mga bagay na ito.

  • krguda  On December 19, 2008 at 9:58 am

    Actually, alam ko na nga na iyan ang sasabihin mo. Pero naiintindihan mo naman ang frustration, di ba? Tangna, ba’t di pa kasi napapatalsik? Bakit?! Grrr!

  • kapirasongkritika  On December 20, 2008 at 4:30 pm

    Hehe. Actually, alam ko namang alam mo ang sasabihin ko. Minsan, kailangan lang din nating balikan at tanggapin. Hehe. Unawa ko ang frustration. Alam ko rin namang alam mo ang dahilan kung bakit hindi pa napapatalsik: Dahil mahina pa ang kilusang masa para rito. At alam ko ring alam mo ang mga dahilan sa likod nito. Pero marami pa ring makakamit ang progresibong kilusan kahit hindi mapatalsik. Lalong madaling magagap ang kabulukan ng sistemang sumusuporta sa rehimen. Grrr din!

  • thepeopleswarcorrespondent  On March 28, 2014 at 6:34 pm

    Heto po ang updated link ng artikulo ni Beth Principe sa Pinoy Weekly. Salamat!

  • kapirasongkritika  On April 3, 2014 at 8:24 am

    Salamat! Ayusin ko at ise-share ulit dahil napakagandang kolum nito!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: