Sa wakas! Sa “Sucking people dry,” sumagot na si John L. Nery (kolumnista ng Philippine Daily Inquirer) sa tugon ni Carlos H. Conde (mamamahayag ng New York Times) sa kritisismo ni Nery sa naunang isinulat ni Conde tungkol sa krisis ngayon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang tagal ni Nery, ah. Pero sekundaryong usapin iyon, hayaan na natin.

(May isinulat din akong tugon sa naunang kolum ni Nery pero hindi niya ako tinukoy sa ikalawa niya – kahit nakita kong may naglagay ng link ng sagot ko sa seksyong komento ng isang entri sa blog niya. Ayos lang, sekundaryang usapin din iyun. Cheapaz na mahadera lang naman akong hanap-away at takaw-gulo. Tutal, kahit paano, naging maingat na siya – hindi na inulit ang mga pinuna kong mali niya. At iyun ang mahalaga.)

(1)

Pero pilit man niyang ikaila, binabago ni Nery ang paliwanag niya. Noong una, sabi niya, may lihim ang kapitalismo na hindi nalaman ni Marx at iyan ay ang kakayahan nitong paunlarin ang sarili. Mga cellular phone at kompyuter ang ginamit niyang halimbawa. Ibig sabihin, pagpapaunlad sa mga kalakal, batay sa pagpapaunlad sa agham at teknolohiya – na makaisang-panig na pinupuri naman ng maraming petiburgis ngayon – ang itinuturing niyang “kakayahan” ng kapitalismo na “nailihim” kay Marx.

Ngayon, sabi niya, ang lihim na kakayahang tinutukoy talaga niya ay ang “abilidad ng demokratikong estado na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan (social responsibility).” Sinipi niya iyan sa liberal na historyador na si Arthur Schlesinger, Jr. Pero sekundaryong usapin ang pagbabago niya ng posisyon. Sige na nga: Kunwari iyun talaga ang ibig niyang sabihin. Baka hindi lang natin naintindihan noong una – na para bang napakahirap unawain ng napakasimple niyang punto at panulat.

bush-obama-s

(2)

Pero ano daw? Noong una, ang sinasabi ni Nery na lihim na hindi alam ni Marx ay malinaw na alam ni Marx – hindi lang alam ni Nery. Ngayon naman, para niyang sinisiraan si Marx dahil hindi nito nalaman ang “lihim” na si KC Concepcion ay anak talaga ni Sharon Cuneta kay Weng-Weng. Akma ang halimbawa: una, hindi inabutan ni Marx ang tinutukoy niya at ikalawa, hindi totoo ang “lihim” na ipinagmamalaki niya.

Patunay kahit ang mga sipi ni Nery kay Schlesinger. Sabi ng huli, may “abilidad ang demokratikong estado” – ibig sabihin, ang kapitalistang Estado – “na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan.” Pero bago nito, sinabi niyang “Nakatawid-buhay ang kapitalismo dahil sa mahabang kampanya, na isinulong ng liberalismong panlipunan sa harap ng kapitalistang paglaban, para bawasan ang paghihirap, at sa gayon ay ang sama ng loob (resentment) at pagnanasang rebolusyunaryo, ng mga pinagkaitan bunsod ng aksidente ng kapanganakan o kapalaran ng pantay na pagkakataon sa buhay.”

Nagbabanggaan ang dalawa. Iyung una, pumupuri sa kapitalistang Estado; iyung ikalawa, pumupuri sa “liberalismong panlipunan” – na isang kilusang tumatagos at humihigit sa Estado. Kung kinailangan pa ng “kampanya… ng liberalismong panlipunan” para magpatupad ang kapitalistang Estado ng mga reporma, pwede bang sabihing may “diwa” ito ng “pananagutang panlipunan”? Kung kinailangan pa ng misis mong sampalin ka para lang kumuha ka ng isang basong tubig, masasabi bang mapagkalinga ka?

(3)

Malamang, ang tinutukoy ni Schlesinger na “demokratikong estado” ay ang gobyerno ni Franklin Delano Roosevelt – historyador siya ng gobyerno ng huli – at ang patunay ng sinasabi niyang “abilidad” ay ang New Deal na ipinatupad ni FDR noong Great Depression ng dekada 1930. Sa kontekstong ito, at sa iba pa, masyadong simplistikong tawaging “liberalismong panlipunan” ang mga kilusan at kampanyang pumwersa sa kapitalistang Estado na magpatupad ng mga reporma. Pinagmumukhang maamo ng katawagang ito ang mga kilusan at kampanya na sa totoo’y dapat tawaging radikal.

Dapat tandaang naharap ang gobyerno ni FDR sa matinding depresyong pandaigdig, sa paglakas ng mga pwersang sosyalista na ipinakita ng tagumpay ng Rebolusyong Bolshevik noong 1917, at sa pagsulong ng pasismo sa iba’t ibang bahagi ng Europa. Malakas din ang progresibong kilusan ng mga mamamayang Amerikano sa panahong ito, gaya ng naisalaysay ng progresibong historyador na si Howard Zinn sa kanyang A People’s History of the United States [1980] at You Can’t be Neutral on a Moving Train [1994]. Sa gitna ng lahat ng ito, napresyur si FDR na magpatupad ng ilang mayor na reporma.

Hindi lang mga tagamasid ang nagsasabing naitulak si FDR ng mga salik na ito. Kahit si FDR mismo, umaamin. Aniya, “Nakumbinsi akong magkakaroon tayo ng rebolusyon sa US at pinagpasyahan kong maging lider nito at hadlangan ito. Mayaman din akong tao at tumakbo kasama ang mga tulad ninyo. Nagpasya akong mas mabuti na ang kalahating tinapay kaysa wala – kalahati sa akin at kalahati sa inyo at walang rebolusyon.” (Kongklusyon ni Richard Seymour, sosyalistang blogger na pinagkunan ng siping ito: “Kung gusto n’yong maging mala-FDR si Obama, bantaan n’yo siya ng rebolusyon.”)

Tapos, may mga repormang ipinatupad si FDR na dalawa ang mukha, hindi purong positibo. Dahil sa lakas ng sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan – at, ayon kay Meghnad Desai [Marx’s Revenge: The Resurgence of Capitalism and the Death of Statist Socialism, 2002], dahil bundat sa tubo ang malalaking korporasyong industriyal mula sa mga kontrata sa gera – naobliga at kinaya ng gobyernong US na kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at magwelga. Kaakibat nito, gayunman, ang mga regulasyon sa nasabing mga hakbangin ng mga manggagawa.

pr-00013-cfranklin-roosevelt-with-flag-and-map-posters

(4)

Nabanggit ni Nery na kritiko si Schlesinger ng gobyerno ni Ronald Reagan. Sa isang banda, dapat lang. Hindi lang binaligtad ng rehimeng Reagan ang mga repormang ginawa ng rehimeng FDR, itinodo pa nito ang pagsalungat pa-Kanan. Sa kabilang banda, bakit naman? Pareho lang naman sila ng uring pinagmulan, pareho pa ngang swabe sa midya. Ang kaibahan lang, naharap si FDR sa malakas na presyur mula sa loob at labas ng US at naobliga ang naghaharing uri sa US na bumigay. Si Reagan, sa kabilang banda, ay bahagi ng opensiba sa mga mamamayan ng naghaharing uri.

Matapat si Schlesinger sa mga patakaran ng rehimeng FDR kaya siya kritikal sa rehimeng Reagan. Sa usapin ng mga patakarang pang-ekonomiya, konsistent siya sa paninindigan. Pero ipinapakita ng pagkakaiba ng dalawa na mali ang sinabi niya tungkol sa “abilidad ng demokratikong estado” – hindi lang dahil hindi tampok ang nasabing abilidad, kundi dahil hindi ito pang-Estado kundi pang-rehimen lang. At kinailangan pa ngang bombahin ng iba’t ibang presyur ang isang rehimen para magpatupad ng mga reporma.

(5)

Pero sekundarya, kung hindi man malayong sekundarya, ang pagpapatupad ng mga repormang maka-mamamayan sa mga naging tugon ng kapitalistang Estado sa mga krisis at paglaban ng mga mamamayan sa kasaysayan. May sinabi daw si Joseph Stalin, komunistang Bolshevik at lider ng sosyalistang Unyong Sobyet, na ipinapaalala ng Marxistang pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek. Sa kasaysayan, may dalawang kamay ang kapitalismo: ang kaliwang (mapagkalingang) kamay na tinatawag na “sosyal-demokratiko” at ang kanang (mapanupil na) kamay na tinatawag na “pasismo.”

Bagamat nagpatupad ito ng mga repormang maka-mamamayan, hindi pa rin lehitimong matatawag na “sosyal-demokratiko” ang rehimeng FDR sa US. Pero makaisang-panig nang nagdidiin dito sina Schlesinger at Nery at sinasabing “abilidad” ng kapitalistang Estado ang mga reporma nito. Sa ganitong pagdidiin, minamaliit nila hindi lang ang kanang kamay ng kapitalismo kundi ang barbarismong tumatagos sa kaliwa, gitna at kanan nito.

Nagsasalita si Nery tungkol sa “lihim ng kapitalismo na hindi natuklasan ni Marx,” pero alam ba niya ang importansya ng lihim ng kapitalismo na natuklasan ni Marx? Tinutukoy ko ang tinutukoy ni Friedrich Engels sa pagsusuma niya sa kaisipan ni Marx: ang partikular na porma ng kapitalistang pagsasamantala sa pamamagitan ng paghuthot ng labis na halaga (surplus-value). Ito ang kawing na nag-uugnay sa lagi nang sinasabing pagyaman ng mga mayayaman at lalong paghirap ng mahihirap.

Kailangan na nga ring balansehin ang mga talakayang ito tungkol sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ng konsepto ng imperyalismo. Kung nagagawa man ng mga Estadong kapitalista na magpanatili ng relatibong mahusay na kalagayan ng mga mamamayan nito, iyan ay dahil sa pagpapalasap nito ng napakasahol na kalagayan sa mga mamamayan ng di-hamak na mas nakakaraming bansa sa daigdig. Nagpakita ba ng “abilidad…na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan” ang kapitalistang Estado ng US para sa Pilipinas, halimbawa, na neo-kolonya nito? Kailan?

pablo-baens-santos-11

(6)

Ang punto: Hindi sa kung anong abilidad ng kapitalistang Estado maipagpapasalamat ang pagkakaroon ng mga repormang maka-mamamayan. Tanging ang matindi kahit masalimuot at ang makabuluhan kahit matagal na pakikibaka ng mga mamamayan sa mga bansang kapitalista at sa buong daigdig ang pumwersa sa mga Estadong kapitalista na magpatupad ng mga repormang ito. Kailangan ngang habang-panahong bantayan kahit ang mga repormang naipagtagumpay na ng mga mamamayan.

Historyador si Schlesinger, pero kasaysayan ng US at daigdig ang nagpapakitang walang kakayahan ang kapitalistang Estado na “mag-aruga” ng “pananagutang panlipunan.” Hindi totoo ang lihim na ipinagmamalaki ni Nery, kaya hindi makakasira sa pangalan ni Marx na hindi niya ito nalaman, taliwas man dito ang pilit na pinapalabas ng ilan.

Sa puntong ito ko ihahabol ang hindi ko nasabi sa unang tugon ko kay Nery. Dahil wala pa ang malawak at malakas na pakikibaka ng mga mamamayan sa daigdig at lalo na sa US, malamang na tama siya: Hindi pa magwawakas ang kapitalismo sa susunod na mga taon. Nagpapalakas pa lang ang mga kilusan ng mga mamamayan ng daigdig at napakaganda ng oportunidad na ibinibigay ng kasalukuyang krisis para lumakas sila at maibagsak paglaon ang sistema – hindi ko lang masabi kung ilang taon ang kailangan.

Pero dahil din dito – sa kawalan pa ngayon ng malawak at malakas na pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig – masasabing bulag na pag-asa ang manalig na papaunlarin ng kapitalismo ang sarili, gaya ng sabi ni Nery. Bulag na pag-asa o bulok na propagandang maka-kapitalista. Hindi ibabagsak ng kapitalismo ang sarili, pero hindi rin nito papaunlarin ang sarili. Kailangan sa pareho ang pagkilos ng mga mamamayan ng mundo.

“Sosyalismo o barbarismo” sabi ni Rosa Luxemburg, Alemang lider-komunista, ang hinaharap ng mundo. Dahil nagpapalakas pa lang ang pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig, maghihintay pa ang sosyalismo. Samantala, “business as usual,” tuloy ang barbarismo – hanggang sa sumulong ang pakikibaka ng mga mamamayan ng mundo para paatrasin ito, hanggang sa isang antas, hanggang sa tuluyang maibagsak ang kapitalismo.

(7)

Kailangang patalasin ni Nery ang pagsusuri niya sa kapitalismo. Hindi umubra ang sinabi niyang kaya nitong paunlarin ang sarili dahil kinakaya pa nitong iabante ang agham at teknolohiya – at kahit siya’y bumitaw na sa pangangatwirang iyan. Ngayon, hindi na rin umuubra ang sinabi niyang kaya ng kapitalismong paunlarin ang sarili dahil kaya ng Estadong kapitalista na “mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan.”

May dalawang punto si Nery na hindi niya nalubos kaya nauwi sa pagiging patutsada – na atrasan-tanggulan ng mga duwag sa malinaw na argumento. Una, sinabi niyang para kay Conde, hindi lang sa hindi maisasalba ang kapitalismo kundi hindi na ito dapat isalba pa. Totoo namang lumalabas iyan sa sulatin ni Conde. Eh ano ngayon? Nagsusumbong ba si Nery sa mga bosing ni Conde sa New York Times? Ang tapang nga ni Conde eh. Ikalawa, tunay daw na radikal si John Stuart Mill, pilosopong pampulitikang kampeon ng mga karapatang sibil – na, ayon sa iba, itinataguyod ng US at hindi ng mga bansang “sosyalista.” Bakit hindi niya sabihin nang diretso?

Parang may gustong sabihin si Nery sa mga patutsadang ito. Huhulaan ko ito, uunahan ko siya: Parang sinasabi niyang kampi siya sa kapitalismo dahil mas masahol ang alternatiba – ang “sosyalismo” na kinakatakutan ng maraming tulad niyang nag-aral sa mga Heswita sa bansa. Dudugtong ito sa pag-amin ng ibang tagapagtanggol ng kapitalismo na bulok ito pero mas mabuti pa rin kumpara sa iba. Mas matalas na tindig iyan kaysa sa pagsasabing napapaunlad ng kapitalismo ang sarili. Pero ang problema kay Nery, gusto pa niyang pagmukhaing maganda ang kapitalismo. Para siyang make-up artist sa punerarya – pero pumapatay ng napakaraming tao ang pinapaganda niya.

Nawasak na ang bago niyang argumento. Panahon na naman para mag-isip siya ng panibagong palusot at kwento.

10 Disyembre 2008