Krisis Krismas

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, marami ang naghahanap ng “Kahulugan ng Pasko,” sanaysay na naisulat ko noong 2005 at isa sa pinakamabentang entri sa blog na ito, salamat sa Google. 

 

 

MGA KANTANG PAMPASKO, OPM

 

Bakit kaya, liban sa “Christmas In Our Hearts” (ni Jose Mari Chan at kaduweto), malulungkot nang lahat ang pinakasikat sa kontemporaryong mga kantang OPM na pampasko? Lahat, tungkol sa pagkakawalay sa mahal sa buhay.

 

Tinutukoy ko ang “Miss Kita Kung Christmas” (Sharon Cuneta noong bago siya nagmodang Angela Bofill sa pagkanta), “Sana Ngayong Pasko” (Ariel Rivera – at hindi si Jed Madela tulad ng sabi sa Singing Bee noong isang gabi), “Christmas Won’t be the Same Without You” (Martin Nievera na todo-birit) at, syempre, “Pasko Na, Sinta Ko” (Gary Valenciano noong wala pang rayuma ang boses niya). (Dapat bang isama ang “Merry Christmas from the UMD”? Hindi siguro!)

 

Natural siguro na sa panahong ipinagdiriwang ang pagsasama-sama ng pamilya at mga nagmamahalan, tatampok din ang pagkakalayu-layo ng mga ito – na ikinakalungkot naman. Lumang mga kantang pang-karoling ang daluyan ng una, habang kontemporaryong mga kantang OPM ang tila daluyan ng ikalawa.

 

Anu’t anuman, bukod sa nakikita rito ang diumano’y pagiging romantiko ng mga Pinoy – at puno ang popular na mga estasyon sa radyo ng mga kantang pinaghahaluan ng pighati at pag-asa – tiyak na dinadama na ng marami ang mga kantang ito kaugnay ng pangingibang-bayan ng napakarami nating kababayan. Idinidiin nito ang isa sa masasaklap na katotohanan hinggil sa sistema sa bansa: Na para mabuhay mo ang mga mahal mo sa buhay, kailangan mong lumayo.

 

john-lennon_1

 

At hindi ba, sa isang banda, parang ibang bansa rin ang pinupuntahan ng maraming Pinoy sa mga “opsyon” na ibinibigay sa kanila ng sistema sa sariling bansa – empleyado ng call center, kontraktwal na paggawa, magsasaka o manggagawang bukid, pagkasayang sa kawalang-trabaho, pagkalulong sa droga at iba pang bisyo, pagkapiit sa bilangguan? Ang mga walang trabaho, hindi rin nagiging masaya sa pananatili sa bahay – balisa sa kakaisip ng pagkakakitaan.

 

Nawa’y pag-alabin ng Paskong ito, at ng mga susunod pa, ang pag-asam at pagkilos natin para sa isang bagong Pasko para sa mga Pilipino – Paskong kasama sa pagsilang ng isang bayang malaya at may pagkakapantay-pantay.   

 

 

ISANG PANGUNGUSAP

 

Noong may programa pa siya sa radyo, nagpahayag ng pagtataka si Jessica Zafra: Bakit daw hindi pa siya nalalapitan para tanungin ng mga nagsasarbey – ng SWS o PulseAsia, halimbawa. Ganoon din ang mga kaibigan niya, pati ang mga kakilala ng mga ito. “Gusto ninyo ng opinyon?” alok niya. “Marami akong opinyon!” sabi niya. Ako man. Heto ang ilan, isang pangungusap lang.

 

Sa pagkapanalo ni Pacquiao kay De La Hoya: Kawawa naman si De La Hoya pero magiging kawawa rin si Pacquiao dahil laging titingnan sa hinaharap ang magandang rekord niya (ng pagpapatumba sa maraming Mehikanong boksingero) kaugnay ng pagpapagamit niya sa rehimeng Arroyo (na nagpatumba ng maraming aktibista sa bansa).

 

Sa malaganap na kahibangan sa pelikulang Twilight: Nagkakaisa ang mga kritiko at mapiling mga manonood na karaniwan ang pelikula – masyadong romantiko sa puntong corny ang mga linya, napakasimple ng kwento, walang bago kumpara sa ibang pelikula – pero senyales siguro ang pagpatok nito sa takilya ng pagsulpot ng bagong hanay o henerasyon ng mga manonood.

 

angelina-jolie-wanted-2

 

Sa pagsigaw ng “Putang-ina!” ni Sen. Mar Roxas sa rali sa Ayala noong Disyembre 12: Ganyan talaga ang nararamdaman ng maraming may-pakialam sa pakanang Charter Change ng rehimeng Arroyo (“Bwakanang-ina” pa nga ang gustong sabihin ng iba) bagamat siguradong personal kay Mar dahil kapag nagkataon, pangalawang Roxas na siya – kay Sen. Gerardo Roxas – na mauunsyami ang pagtakbong pangulo dahil sa mga pakana ng nasa pwesto.

 

Sa isinulat ni Mon Tulfo tungkol sa pagkamatay ni Didith Reyes kung saan ginawa niyang huwarang hindi dapat pamarisan si Didith, na namatay nang “pangit at mabaho,” aniya: Ginagawang huwaran para huwag pamarisan si Didith dahil nagdusa siya sa pagsira sa buhay at katawan niya, pero sana mas marami tayong maipakitang ganyang “sampol” na mga taong naparusahan dahil sa pagsira sa buhay at katawan ng marami nating kababayan.

 

Sa telenobelang Eva Fonda: I’m not-so-fonda Eva Fonda dahil kontra-kababaihan ito, pyudal-patriyarkal, hindi lang dahil todong ibinibilad nito ang magandang katawan ni Cristine Reyes kundi dahil pinapatibay nito ang isang mensahe na sa isang babae ko rin narinig: Na kung magagahasa ang isang babaing hindi “disente” sa pagdamit at pag-asta, talagang kasalanan niya iyun.

 

Sa mga tarpaulin ni Bayani Fernando na umaabot sa mga probinsya: Dapat imbestigahan – Kong. Roilo Golez! – dahil malamang na paggastos ng pondo ng gobyerno para sa sariling pakinabang.

 

Sa paghahanda ni Bayani Fernando na tumakbo sa 2010: Itigil na sana niya ang kahibangan dahil hindi naman siguro porke kapos sa kandidato ang administrasyon ay papatusin na nito ang isang… katatawanan.

 

Sa pelikulang Wanted: Nakakamangha ang ganda ni Angelina Jolie, nakakabilib ang bagong mga kwento tungkol sa buhay ng mga bala (may pektus, nagbabanggaan), at kaakit-akit ang pantasyang ihinahain: Na kaya ka tae-tae sa trabaho at buhay mo ay dahil may lihim kang talento na magbibigay sa iyo ng importansya sa isang lihim na mundong papasukan at lalabasan mo nang ikaw ang panalo sa dulo – at nang maipagpapatuloy ang misyon ng tatay mo.

 

Sa pagkulong kay Atty. Remigio L. Saladero: Malinaw ang pagsusulong ng gerang makauri (class war) ng rehimeng Arroyo at Globe Communications sa pagpapakulong, batay sa gawa-gawang mga kaso, sa abogadong humahawak sa napakarami, kundi man pinakamarami, na kaso ng mga manggagawa sa bansa ngayon.

 

Sa pagpunta at panonood ni Ambassador Kristie Kenney sa Wowowee nitong 22 Disyembre: Syempre, publicity stunt ito para pagtakpan ang katotohanang ganoon din siya kasaya – sumasayaw ng “Boom-Tarat-Tarat!” – kapag nanonood sa pagpapatupad ng rehimeng Arroyo sa masasamang patakarang itinutulak ng US.

 

Sa sinabi ni Sek. Gilbert Teodoro, Jr. na “propaganda lang” ang pagdedeklara ng New People’s Army ng ilang araw na tigil-putukan at nagtataka raw siya dito dahil tinanggihan ng NPA ang alok na tigil-putukan ng gobyerno: Pinapagtibay nito ang pagiging utak-pulbura ng gobyerno dahil ang inaalok nito sa NPA ay hindi tigil-putukan lang, kundi kasunduan ng pagsuko.superior-scribbler-award

 

 

AWARD, AWARD

 

Salamat kay Tanglad sa parangal na ibinigay niya sa Kapirasong Kritika! Malaking karangalan ito dahil galing kay Tanglad na una at unti-unti – as in unti-unti! – kong nakilala sa blog na ito bilang kababayang may maalab na pagnanasa sa paglaya ng bayan at kababaihan at sa pagsulat hinggil sa mga kaisipang makabuluhan sa pagkamit ng paglayang ito.

 

Gusto kong isalin sa Filipino ang mga alituntunin ng parangal, pero huwag na siguro. Heto sila:

 

(1) Each Superior Scribbler must in turn pass The Award on to 5 most-deserving Bloggy Friends.

(2) Each Superior Scribbler must link to the author & the name of the blog from whom he/she has received The Award.

(3) Each Superior Scribbler must display The Award on his/her blog, and link to This Post, which explains The Award.

(4) Each Blogger who wins The Superior Scribbler Award must visit This Post and add his/her name to the Mr. Linky List. That way, we’ll be able to keep up-to-date on everyone who receives This Prestigious Honor!

(5) Each Superior Scribbler must post these rules on his/her blog.

 

Ilang pasintabi: Hindi ko isinama sa listahan ang (1) mga laging nagkokomento sa blog na ito, dahil mukhang self-serving (Emmanuel Pasyon, Guiller Luna), (2) mga hindi regular mag-blog (Ilang-Ilang D. Quijano, Vencer Crisostomo), at (3) mga malamang na hindi pumatol sa ganito (Roland Tolentino, Angela Stuart-Santiago, E. San Juan, Jr., Edel Garcellano) – na pawang mga paborito ko rin.

 

Heto ang iba pang paborito ko:

 

(1) Kenneth Roland Guda. Hanga ako sa trabaho ng Pinoy Weekly, lalo na ng punong patnugot nito: ang paghahatid sa mga kwento ng nakakarami nating kababayan na hindi lumalabas sa midyang mainstream. Aliw din ang pagpapatampok sa progresibong chika tungkol sa mga musikero’t artista.

 

(2) Sarah Raymundo. Kung anu-ano: drama at komedya, personal at panlipunan, akademiko at aktibista, pang-araw-araw at pilosopikal, kewl (cool) at militante, wikang mahinahon at maragsa, marangal at putikan. Laging makabuluhan, gayunman, at laging naghahangad ng buhay na higit sa kapitalismo. 

 

magritte-rene-golconde

 

(3) Mong Palatino. Isa sa mga unang nakasapul sa progresibong potensyal ng pagba-blog at patuloy pa rin sa pagsusulat ng de-kalidad na mga entri, hindi chika-chika lang, sa napakasimpleng porma. Maraming kayang paksain at nitong huli’y dumadalas ang pagteteorya. Nasaan ang “disturbing fantasies”?

 

(4) Marck Ronald Rimorin. Dine-deadma nito ang mga komento ko sa blog niya, dahil pa rin siguro sa isang sagot ko sa dating komento niya. Anu’t anuman, may estilong nakakapagpasimple at nakakapagpatalas sa pag-unawa sa mga isyung pampulitika. Masigla ang estilo at nakakaaliw ang mga kajologan.

 

(5) Rafael Anton Dulce. Bagamat ultra-Kaliwa kung ultra-Kaliwa kung minsan (o madalas ba?), nagbibigay ng magandang sipat sa mga kaisipan at pinagkakaabalahan ng mga kabataang aktibista. Mapagkukunan ng inspirasyon at ahitasyon ng mga nananalig sa pagbabago at sa kabataan ng bansa.

 

 

PANG-KAROLING NG MGA NERDO

 

Napulot ko sa lumang isyu ng magasing Philosophy Now (Nobyembre-Disyembre 2006) ang kantang ito na isinulat ng isang William Anthony Welton, isang propesor ng Pilosopiya:

 

merleau-ponty

 

Deck the Halls with Merleau-Ponty

(Sa tono ng “Deck the Halls with Boughs of Holly”)

 

Raise a cheer for Merleau-Ponty

Phenom-menom-mena-menology!

Exquisitely and ele-gantly

He made a name in French Philosophy!

Like Jean-Paul Sartre and Voltaire before him

And Rene Descartes, he played his part in history

English thinking must have bored him

So he wrote Phenom-menom-menol-o-gy!

 

 

23 Disyembre 2008

 

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Contras  On December 24, 2008 at 2:17 am

    Fan din ako ni Rafael Dulce, which is quite an irony.

  • kapirasongkritika  On December 24, 2008 at 10:25 am

    Bakit naman “quite an irony”? Hehe. Parang pareho naman kayong okey, ah. Hehe. Please explain, 5 points each. Hehe.

  • guiller  On December 26, 2008 at 4:48 am

    hahahah. ganun ba yun? anyway, alam mo na naman siguro kung sinong aaward-an ko. maligayang pasko sa iyo at sa iyong mga minamahal.🙂

  • guiller  On December 26, 2008 at 6:00 am

    by the way, nabasa mo na ba yung guattari-negri na essay na communists like us? anong tingin mo dun. syempre ang konteksto nun ay yung cold war era socialism and capitalism. naka-download kasi ako, and i’m trying to i-digest.

  • kapirasongkritika  On December 26, 2008 at 7:22 am

    Salamat! Sa iyo rin at sa iyong mga minamahal! Dapat ganito ang pagbanggit ko sa iyo: “Guiller Luna (Bakit kay-pait ng pag-ibig?)” Tuwing tumitingin ako sa blog mo, nalulunod ako sa kalungkutan. Bakit nga ba, Guiller? Showbiz! Hehe.

    True. Doon galing iyung quote ko from Negri sa unang sagot ko kay Nery. Ambisyoso sila dahil ang gusto nila ay isulat ang Communist Manifesto ng ating panahon. Liliwanag ang mga bagay kapag binasa mo sila nang iniisip ang distinction nila: Iba ang communism sa (actually existing) socialism. So ayaw nila sa ikalawa at gusto nila ang una.

    Parang makabuluhan pa rin naman ang ilang pagbasa nila sa reyalidad natin, though anarchist ang dating sa akin ng mga practical implications. Sa pag-aapuhap nila ng reason why the Russian Revolution turned out the way it did, ni-reiterate ni Negri ang mga linya nina Trotsky at Luxemburg sa mga usaping kadebate nila si Lenin — na parang ang problema ay nasa panahon bago ang tagumpay.

    There’s the rub! Talagang matakot na lang sa tagumpay ang mga maka-Kaliwa sa ganitong mga analysis! Kaya mag-linger na lang sa holier-than-thou na mga kritisismo sa sistema at sa Kaliwa — all the while enjoying their perks. Hehe. Names, anyone?

    Baka mas interesanteng tingnan ang karanasan ng Autonomia movement sa usapin ng workers’ organizing. Hehe.

  • mong  On December 26, 2008 at 11:18 pm

    kamusta teo. maligayang pasko sa inyo. here’s hoping na magiging mas makabuluhan ang susnod na taon. – mong

  • guiller  On December 27, 2008 at 4:54 pm

    ay naku. kung walang pait, walang tamis. ahahaha. sabi nga ni… si nga ba yun, ang unrequited love at hindi ang pag-ibig na nakamit ang nagpagpapainog ng mundo. chika.

    anyway, yun nga ang tingin ko dun. although, hindi ba kahali-halina ang ideya ng paglaya mula sa kasaluyang MOP, na sabi nila ay dapat ay magtranslate din sa how do we do labour. interesante din ang kanilang pagtatalakay ng pagbabago maging sa kung paano tayo magnasa(desire). chika.

    kelangan ko atang basahin ang mga debate nina luxemburg, tortskyat lenin. nang sa ganaun maunawaan ko ang mga nagbabanggaang pananaw hinggil sa aking inquiry.magsasaliksik din ako dyan sa autonomia mov’t.🙂

  • krguda  On December 28, 2008 at 6:20 pm

    Ang ibig sabihin ng pagparangal mo sa blog ko ay, una, regular akong mag-blog (hindi kasingregular mo, kahit na medyo malimit naman kumpara sa iba, hehe), at, pangalawa, malamang na papatulan ko ang ganito. Sige na nga. Salamat!

  • Contras  On December 29, 2008 at 2:53 am

    kay teo: eh kasi contras ako.
    – Contras

  • kapirasongkritika  On December 29, 2008 at 11:22 am

    Wow naman! Ang daming nagkomento!

    @ Mong: Salamat sa komento! Una mo yata rito, kahit forever tayong nagkokomentuhan. Hehe. True, mas makabuluhang taon!

    @ Guiller: Ayan na, puro pait na ang lumalabas! Speaking of pait: Kape naman tayo minsan! O beer ba ang gusto mo? Hehe. Mapait din iyun. Hindi ako malakas sa kahit alin. Hehe.

    @ KRGuda: Ikumpara mo naman ang sarili mo kay Edel Garcellano, mas malamang na papatol ka, hindi ba? Pero ayos lang kung hindi, ah. Hehe.

    @ Contras: Totoo ba ito? Baka naman hindi o hindi na. Hehe. After all, mukhang nag-eenjoy ka namang magbasa ng blogs namin. Hehe. Hindi pa huli ang lahat kung sakali! Hehe.

  • Contras  On December 29, 2008 at 11:20 pm

    Right. ;-P

  • kapirasongkritika  On December 30, 2008 at 8:37 pm

    Ikaw, ah. Ano nga ang totoo? Hehe. Happy new year!

  • Marocharim  On January 16, 2009 at 6:23 am

    Ano ba yan, Teo! Di naman sa ganun, medyo may katamaran ako sa pagbabasa ng comment. 🙂 Salamat sa mention!

  • kapirasongkritika  On January 17, 2009 at 2:18 am

    Wow! This made my day. Mabuti naman. Hehe. Salamat din!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: