US-Israel Kontra Palestina

May ikinwento noon si Edward W. Said, Palestino-Amerikanong intelektwal at awtor ng maraming impluwensyal na libro, para ipakitang marami ang mangmang sa lagay ng Palestina. Minsan daw, may kausap siyang inasahan niyang may alam sa isyu – akademiko, taong gobyerno, kolumnista ng Philippine Star, hindi ko na maalala kung sino. Biglang-bigla, sabi raw nito sa kanya, “Aha! Alam ko na kung ano ang bansa mo!” Sumigaw pa raw ito: “Pakestine!”

Nakakatawa man ang biro, maging ang maiisip na itsura ni Said pagkatapos, nakakalungkot na isang rurok o eksaherasyon lang ito ng kadahupan ng kaalaman tungkol sa nakaraan at kasalukuyan ng mga mamamayang Palestino.

Kaya nakakatuwa kahit paano ang kapansin-pansing dami, dalas at sinsin ng mga ulat at larawan hinggil sa naging pag-atake ngayong taon ng Israel sa Gaza Strip, pamayanang Palestino – sa dayuhang mga blog at independyenteng mga institusyong pang-midya, kung hindi pa man sa midyang mainstream. Kaiba sa naunang mga gera, marami ngayon ang larawan sa mga screen ng telebisyon at kompyuter, gayundin sa mga dyaryo, ng mga tao at istrukturang tinamaan.

(Sa Pilipinas, sa kabilang banda, may batayan ang puna ni Angela Stuart-Santiago, katotong blogger, sa mga kapwa-blogger dahil iilan lang ang pumaksa sa huling pag-atake ng Israel. Sana, dumami pa ang tumalakay at tumindig dito.)

Pagkakataon kasi ang pag-atakeng ito ng Israel – na nitong huli’y naiulat na nakapatay na ng halos 1,000 mamamayan ng Gaza – na maunawaan ng marami ang matagal at masalimuot na tunggalian ng Israel at Palestina sa bahaging ito ng Kanlurang Asya. (Eurosentriko raw ang “Gitnang Silangan,” hindi gusto ng mga taga-Pantayong Pananaw.) Pwede itong maging parang kidlat sa gabing binabagyo – nagbibigay ng pansamantalang liwanag para makita ang pinsala.

Kaya heto ang pahabol ko, kahit nagtapos na ang sinasabing pinakabrutal na atake ng Israel sa mga mamamayang Palestino sa huling kasaysayan.

gaza-strike

phosphorous-in-beit-lahiya

gaza-hamas-policemen-dead

gaza-massacre

(1)

Para lubos na maunawaan ang isyu, isa sa mga binasa ko ang libro ni Eqbal Ahmad, kilalang intelektwal at aktibistang Pakistani na nagbase sa US, ang Confronting Empire: Interviews with David Barsamian [2000]. Namatay si Ahmad noong 1999 at nalathala ang libro noong 2000, bago ang atakeng terorista noong Setyembre 11, 2001 sa US. Pero ganoon siguro ang nagagawa ng matalas na isip tulad ng kay Ahmad: Maraming laman ang libro niya na importante para maunawaan ang tinatawag na ng marami na “mundo matapos ang 9-11.”

Hindi nagpapanggap na walang kinikilingan at obhetibong tagamasid si Ahmad. Halimbawa siya ng sabi ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou, na posible lang ang pagiging obhetibo sa pagpanig sa tunggalian. Tagapagtanggol siya ng mga mamamayang Palestino sa mga paglusob ng Israel. Tulad ng progresibong mga intelektwal na sina Said (Palestino-Amerikano) at Noam Chomsky (Hudyong Amerikano), gayunman, kritikal din siya sa kilusan ng mga Palestino.

Narito ang ilang datos ni Ahmad tungkol sa tunggaliang Israel-Palestina:

>> Noong dekada ’70, naghanap ang US ng bago at dagdag na instrumentong pangkontrol sa mga alyado nito sa Kanlurang Europa at Asya. Mangyari, may kakumpitensya na ang armas-nukleyar nito at humina na ang kapangyarihang pang-ekonomiya nito. Napili nito ang Kanlurang Asya dahil dito nagmumula ang enerhiya ng mga ekonomiyang industriyal.

>> Nabuo ang Doktrinang Nixon, na nagtakda ng mga kakamping kapangyarihang pang-rehiyon sa bawat bahagi ng mundo na pinalakas ng US. Sa rehiyon, napili ang Israel at Iran, na minsan nang tinawag na “dalawang mata” ng US sa lugar. (Sa isang banda rin daw, ang Pilipinas sa bahaging ito ng Asya.) Kaya naman noong 1970-1978, nakatanggap umabot sa $33 Bilyon ang ayuda ng US sa Israel.

>> Sa loob ng 45 taon, iginiit sa mundo ng gobyerno ng Israel na kilalanin ang pagiging bansa nito. Kinilala na ito maging ng mga bansang Arabo sa paligid nito – ng Egypt, Jordan at maging ng Palestinian Liberation Organization o PLO. Inalis nila ang naunang boykoteo sa Israel. Pero nagpatuloy ang Israel sa pagkamkam ng mga lupain ng mga Palestino at pagbubuo ng mga komunidad sa mga ito. Dahil dito, pinalampas nito ang mga pagkakataong makipagbati sa mga bansang Arabo at magbuo ng kapayapaan sa rehiyon.

>> Lumalabas na “Ang patakaran [ng mga taong-gobyerno ng Israel] ay kumbinsihin ang mga Arabo na kahit ano pa ang handa nilang ibigay, ang gusto ng Israel ay kapayapaan ayon sa gusto nila – dagdag na teritoryo at dagdag na pagpapahirap sa mga Arabo. Patuloy na pagpapalawak.”

>> Noong dekada ’80, tinarget ng US na mailubog sa kumunoy ng gera sa Afghanistan ang kalaban nitong Unyong Sobyet. Gusto ng US na maging “Vietnam” ng Unyong Sobyet ang Afghanistan. Kaya naghakot ang US, ang Central Intelligence Agency o CIA, ng mga Arabong mandirigma mula sa iba’t ibang bansa at dinala sila sa Afghanistan. Kasama sa mga dinala ang mga mandirigma ng Hamas – na sinusuportahan noon ng gobyerno ng Israel kontra sa Al-Fatah, paksyon ni Yasser Arafat sa PLO.

>> Tinipon ang mga Arabong mandirigmang ito “para hubugin sa ideolohiya ng anti-komunismo, at para sanaying banatan ang mga komunista saan man sila makita.” Sa panahong ito nahalungkat at tumampok ang “jihad” bilang “banal na digma.” Tinuruan ang mga Arabong mandirigma na mahusay ang armadong pakikibaka. “Gumastos ang US ng bilyun-bilyon para pondohan ang mga bin Laden ng ating panahon.”

>> Mayroong mga teroristang Hudyo na naghasik ng terorismo sa “buong sambayanan sa Gitnang Silangan sa tulong ng gobyerno ng Israel, na suportado ng gobyerno ng Estados Unidos. Kasama sa terorismong iyan ang pagpatay sa mga tao, pagwasak sa mga tahanan at pagbaril sa mga bata maging ang pagbaril sa mga sumasamba sa isang mosque. Nangyari ang huli sa Hebron.”

>> Nananatiling mababang klaseng mamamayan ng Israel ang mga Arabo: Hindi sila pwedeng bumili ng pag-aari, sumali sa militar, maging kawani at opisyal ng pamahalaan, at magtamasa ng mga pakinabang na kaakibat ng pagtatrabaho sa militar o gobyerno.

>> Hindi makatarungan para sa mamamayang Palestino ang Kasunduan sa Oslo dahil hindi nito tinutugunan ang pundamental na mga isyu sa tunggaliang Israel-Palestina tulad ng pagbabalik ng mga Palestino na naging refugee sa ibang bansa, karapatang magpasya-sa-sarili ng mga Palestino, proteksyon sa pagpapalawak ng Israel, at pantay na karapatan sa banal na lungsod ng Jerusalem.

>> Ang Israel ang tanging bansang kasapi ng United Nations na hindi nagdedeklara ng mga hangganan ng teritoryo nito.

free-palestine-6

free-palestine-3

maya-bird-atop-wood2

(2)

Mababasa rin sa librong ito ang tindig ni Ahmad sa usaping Israel-Palestina – tindig na lumalabas na katulad ng kina Said at Chomsky.

Una, tutol siya sa armadong pakikibakang inilulunsad noon ng PLO. Lumilitaw na civil disobedience, pakikipagnegosasyon sa Israel at paghingi ng suporta sa mundo ang mga porma ng pakikibakang itinutulak niya.

Ayon kay Ahmad, hindi akma sa kalagayan ng Palestina ang armadong pakikibaka. Ang kailangan, aniya, ay gapiin ang kalaban hindi sa pamamagitan ng armas kundi sa pagtanggal sa pagiging lehitimo nito sa pananaw ng mundo at ng sariling hanay nito. Magagawa ito, aniya, sa pagpapatampok sa “primaryang kontradiksyon” ng kalaban – na, sa kaso ng Israel, ay ang “itinatag ito bilang simbolo ng pagdurusa ng sangkatauhan… nang tinatapakan ang isang sambayanan na inosente sa pagkakasala.”

Dagdag pa niya, “ang pangunahing tungkulin ng rebolusyunaryong pakikibaka ay kamtin ang pagkakatiwalag na moral ng kalaban sa mga mata nito at sa mga mata ng mundo.” Panukala pa niya, sumakay ang mga Palestino ng mga barko mula Cyprus at Lebanon at pumunta sa Israel at ideklara nilang “Ayaw naming wasakin ang Israel. Hindi iyun ang gusto namin. Gusto lang naming makauwi na.” Sabi niya, “Tingnan natin kung nasa moda ang Israel na magpalubog ng mga barko. Malamang gagawin nga nila iyun. Hayaan natin sila. Mamamatay ang ilan sa atin. Eh di mamatay tayo.”

Ikalawa, tutol siya sa pagbubuo ng estadong Palestino. Aniya, ang kailangan ay “wakasan ang diskriminasyon, pangibabawan ang mga pagkiling, iluwal ang pagsasanib ng dalawang mamamayan, ibalik ang mga karapatang demokratiko, lumikha ng mga estadong may dalawang bayan (bi-national) at magtayo ng mga pormasyong multikultural.”

Kakatwa ang larawang lumilitaw sa mga kwento ni Ahmad: Kinukumbinsi ng pinakasikat noong mga progresibong intelektwal sa US (Chomsky, Said at maging si Ahmad) ang isa sa pinaka-inaapi at dinadahas na sambayanan sa mundo na huwag gumamit ng dahas sa paglaban. Sa harap ng kasaysayan at kalagayan ng sambayanang Palestino, parang pundamentalismo ang pagwawaksing ito sa dahas. Kontra ito, halimbawa, sa isang pahayag ni Badiou: “Nakadepende iyan sa kalagayan. Wala kang masasabi tungkol diyan. Sa ilang kaso, pangangailangan ang dahas, alam iyan ng lahat.”

Para kay Karl Marx, hindi bangga ang pagwasak sa pagiging lehitimo ng isang kalaban sa paggamit ng dahas laban dito: “Hindi kayang palitan ng armas ng kritisismo ang kritisismo ng armas.”

Sa harap ng lalim at tindi ng tunggalian na ipinakita ng huling pag-atake ng Israel sa mga mamamayang Palestino, posible pa kaya ang landas sa kapayapaan na panukala nina Ahmad patungo sa iisang estado? Malinaw na muling ginawang napakahirap ng Israel na tahakin ang landas na ito.

25 Enero 2009

Maraming salamat kay Karl Fredrick Castro (ayan, tamang ispeling na) para sa bagong magandang header! Mahigit pitong panukala ang ipinasa niya. Hehe.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • E.P.  On January 27, 2009 at 4:04 am

    maganda sigurong buuin natin yung sipi nung kay papa marx. di ba ang sabi nya’y:
    Totoong hindi kayang paltan ng sandata ng kritisismo ang kritisismo ng sandata, materyal na pwersa ang gagapi sa materyal na pwersa; ngunit ang teorya ay nagiging materyal na pwersa rin sa puntong pinanghawakan ito ng masa. Ang teorya ay may kakanyahang himukin ang masa kung ito’y may katangiang ad hominem, at ito’y magiging ad hominem lamang kung ito’y radikal. Ang pagiging radikal ay paggamay sa ugat ng tinutukoy. Ngunit, para sa tao, sya mismo ang ugat.

    di ko get yung ad hominem part. pakipaliwanag papa t.

  • kapirasongkritika  On January 27, 2009 at 11:54 am

    Wow! Mas maganda nga! Pero parang mas “nagiging materyal na pwersa rin kapag niyakap ito ng masa.” Actually, “gripped the masses” ang sabi. Hehe.

    Ibig sigurong sabihin na “patungkol sa tao, masa sa partikular,” masa ang ina-address. Tao talaga ang ugat — kaya kayang baguhin.

    Salamat, EP at nagagawa mo pang sumubaybay kahit naka-leave ka ngayon sa pagba-blog. Hehe.

  • E.P.  On January 27, 2009 at 11:15 pm

    yun naman ang pangako ko sa sarili at sa inyong binabasa ko, na magbabasa pa rin nga ako. hehe

    nalilito ako sa konteksto ng terminong ad hominem sa siping ito. hindi ba’t ang ganitong argumento’y nakaangkla sa suhetibong konteksto (ang indibidwal?)? paano nagagawang pagbuklurin ng suhetibong argumento ang malawak na bilang? ito ba ay isang natural na defense mechanism?

    (ang gulo ko noh? hehe. sensya na, off tangent na naman ang hirit ko)

  • kapirasongkritika  On February 1, 2009 at 2:10 pm

    Salamat!

    Hindi ko nasakyan ang tanong mo, E.P. Ang tingin ko, kolektibong tao ang tinutukoy ni Marx sa ad hominem dito. Hindi naman siguro ang argumento ang magbubuklod sa malawak na bilang — binubuklod na sila, kahit may ilusyon ang marami sa kanila na tiwalag na indibidwal, bilang kolektibo ng reyalidad.

Trackbacks

  • By Complicity « Tanglad on February 16, 2009 at 4:32 am

    […] Israeli attacks on Gaza. I was busy reading and learning, so the silence was unintentional. But Teo rightly points out how only a handful of Filipino bloggers have expressed solidarity with Gaza a…. So this is me adding my […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: