Anatomiya ng Jologs

[1] Mga kabataan sila, tinedyer at mas matanda pa. Kadalasan, nakatira sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod – iyung tinatawag ng iba na “iskwater,” “iskwa-kwa,” “iskwating” – o maralita sa kanayunan. Mga anak ng mga manggagawa, magsasaka at mala-manggagawa, gayundin ng mga tinatawag na “lumpen” – mga sangkot sa mga gawaing anti-sosyal: nagnanakaw, nagbebenta ng droga, sangkot sa prostitusyon.

[2] Lantad sila sa iba’t ibang midya: telebisyon (ang iba’y may cable TV, at karamiha’y may mga programa at estasyong nagpapalabas ng mga music video), radyo, Internet. Gayundin sa iba’t ibang gaheto para sa midya: cellphone para sa musika at video, murang mga DVD player at DVD para sa mga pelikula, ang iba’y may mga i-pod para sa musika.

[3] Kung papaniwalaan ang suri ni Fredric Jameson, Marxistang Amerikano, na tampok na kahulugan ng “globalisasyon” sa antas ng kultura ang pag-igting ng komunikasyon at midya – na resulta ng pag-unlad ng teknolohiya para sa mga ito – masasabing anak ang mga “jologs” ng globalisasyon. Hindi aksidenteng nagsimula silang tawaging ganyan noong huling bahagi ng dekada ’90, matapos ang pagrurok ng magagandang retorika kaugnay ng “globalisasyon” – bagamat tiyak na sintomas din sila ng pagpapatuloy ng isang matagal-nang tradisyon ng pag-uugnayan ng mga uri sa lipunan.

barung-barong

[4] Noong huling bahagi ng dekada ’90, “hip-hop” ang subkulturang makikita sa kanila. Nitong huli, iba na: iyung tinatawag na “punk” bagamat malaganap din ang tinatawag na “emo rock.” May pagkakatulad ang hip-hop at punk: Nagmula ang una sa maralitang mga komunidad ng mga Aprikano-Amerikano sa US, nagmula ang ikalawa sa mga komunidad ng manggagawa sa Britanya. May hibo ng angas at protesta sa rasista at elitistang lipunan, bagamat madalas na seksista rin, ang una. Mas tampok ang angas at protesta sa elitistang lipunan ng ikalawa. Pareho silang palaban, taas-noo.

[5] Ang“emo rock,” sa kabilang banda, ay tila mas impluwensya ng mga bandang Kano. Mahilig sa itim, naglulunoy sa kalungkutang kadalasa’y resulta ng pag-ibig. May nakapagsabing kakatwa ang mga titik ng mga kantang “emo”: kadalasang tungkol sa pag-ibig na hindi nauunawaan, dahil hindi naman nasasabi at inuunawa, at nagdudulot ng grabeng pighati sa personaheng kumakanta. Kabaligtaran samakatwid ng mga titik ng mga kanta ng Bon Jovi, halimbawa, na OA – “over-the-top,” sabi ni Kenneth Guda – ang pagpapahayag ng pag-ibig: “I wanna lay you down in a bed of roses / Cause tonight I sleep in a bed of nails / I wanna be just as close as the Holy Ghost is…

[6] Pananamit at pisikal na itsura ang tampok na tatak nila. Nakakabili sila sa mga murang tindahan ng damit, ukay-ukay at mumurahing stall sa mga mall. Kasabay ng paglalako sa kanila ng iba’t ibang subkultura, binibihisan din sila; kasabay ng pagbibigay ng pantasya ang pananamit. Maaaring ang mga damit na ito ang binibili nila sa perang dati na nilang inilalaan sa damit, maaaring katas ng pinaghirapan ng mga magulang o kamag-anak na OFW, nagtatrabaho, o gumagawa ng mga aktibidad na anti-sosyal. Mayroon din silang bukod-tangi at tawag-pansing mga estilo sa buhok.

urban-poor

[7] May mga espasyo rin sila, kung saan madalas silang nakikita ng mga tumatawag sa kanilang “jologs”: mga mall, lalo na iyung hindi pang-alta sosyedad, mga bakanteng lote para sa mga nagse-skateboard, mga Internet café. Parang ulap na punung-puno ng ulan, naglalakad sila sa kalsada, sama-sama sa pagdalo sa mga konsyertong rock.

[8] Hindi naman sila nagpipilit na magmukhang mayaman. Isa lang ang subkulturang niyayakap nila sa iilang imahe at molde ng pagiging kabataan – at oo, ng “uso” at “astig” din – na nakahapag sa kanila, na ipinang-aakit at idinidikdik din sa kanila. Wala silang gaanong pagpipilian. Pero dahil dito, tinawag at tinatawag silang “jologs.”

[9] Hindi tinatawag na “jologs” ang mahirap na nakasuot ng damit na karaniwan nang itinuturing na pang-mahirap tulad ng maruming t-shirt at pantalong maong. Hindi “jologs” ang magsasakang naka-kamisa chino, kahit ang taong-grasa, ang manggagawang naka-uniporme. Pero “jologs” ang mga maralita na tila umaalis sa pang-kulturang “lugar” na itinatakda sa kanila ng lipunan – tumutulad sa mga Amerikano, lumilibot sa mga espasyo kung saan nakikita sila ng iba. Tiwala sa sarili, masayang ipinapakita ang kanilang subkultura, bagamat parang may sariling mundo sa pagsasaya.

[10] Kaya pang-distansya ng mga nasa nakatataas na uri ang salitang “jologs” – pagmamaliit (sa mga binabansagan) at pagmamataas (ng mga nagbabansag). Partikular ang uring gumagamit nito: petiburgis – mga estudyante, propesyunal. Sila ang mas lantad sa mga “jologs,” hindi ang mga anak ng mga burgesya-komprador at malalaking panginoong maylupa. Bihira sigurong marinig ang salitang ito sa mga mansyon ng mga Cojuangco at Lopez. Kaya nilang iwasan at layuan ang mga “jologs.” Ang mga petiburgis, hindi. Sila ang nababastusan sa mga ito, naaalibadbaran, nandidiri.

urban-poor-3

[11] Jologs ang Cueshe, hindi ang Bamboo – “far from it!” pahabol pa ng iba. Jologs si Vhong Navarro, hindi si Billy Crawford. Jologs si Andrew E. pero hindi si Gloc-9. Jologs si Marian Rivera, bagamat hindi na daw si Judy Ann Santos. Sa mga sirkulo ng mga petiburgis, tinatawag nang “jologs” ang kung anu-ano at kung sinu-sino na maaaring niyayakap sa aktwal ng mga tinatawag na “jologs” at maaari ring hindi. Ang hindi niyayakap ng mga “jologs,” may marka nila, ng pagiging “masa”: malabis sa emosyon o kaya’y kengkoy, may palatandaan ng pagiging maledukado at mahirap.

[12] Obserbasyon ni Barbara Ehrenreich, progresibong manunulat na Amerikana, paunti nang paunti ang pagkakataong magkita nang mata-sa-mata ng mayayaman at mahihirap sa US. Ang mayayaman, sa ibang lugar nakatira, nagtatrabaho, namimili, nagpapalipas-oras, nagrerelaks. May mga sasakyan sila – ang iba’y panghimpapawid pa – para makalipat-lipat sa kanilang mga espasyo. May katulad na obserbasyon si Neferti Xina M. Tadiar, feministang Pinay, sa sikat niyang sanaysay hinggil sa mga flyover sa Metro Manila. Aniya, paraan din ang mga istrukturang ito para malampasan at maiwasan ng mayayaman sa bansa ang mga espasyo ng mahihirap na naglawa sa ibaba – tindahan sa bangketa, barung-barong, traysikel at pedikab.

[13] Pagpapatuloy ng tunguhin at lohikang ito ang panukalang magtayo ng pader paikot sa UP: ang ilayo ang mga anak-mayaman at umaastang anak-mayaman sa “banta” ng mga “jologs” at ng mga kauri nila – kasama na ang kontrobersyal na mga krimen sa kampus. Natural na sa UP ito magiging isyu, dahil matagal nang nababakuran ang Ateneo, La Salle at iba pa. Gusto nitong panatilihin ang pantasyang liberal ng isang unibersidad ng malayang talakayan sa balangkas ng konserbatibong mga hakbangin – kasama ang pag-demolish sa mga tahanan ng mga maralita sa paligid ng kampus. Ang pagkilala na bahagi ang UP ng lipunan ay nagtutulak ng pagpapatianod sa mapanupil na mga hakbanging ginagamit ng lipunan laban sa maralita.

[14] Ang paghubog ng mga bagong midya sa kabataan, na isa sa mga nagluwal ng “jologs” ay isa ring dahilan sa naikwento ng isang kaibigang organisador ng mga kabataan at estudyante: Na mabilis dumami sa mga komunidad ng maralita ang Karatula o Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, makabayang organisasyong pangkultura ng kabataan.

[15] Ang “jologs” na ba ngayon ang dating “bakya”?

(Salamat kina Angela at Katrina Stuart-Santiago, nabalitaan ko ang talakayan sa blogosphere tungkol sa insidente ng “panggugulo” ng mga “jologs” sa fair ng Unibersidad ng Pilipinas noong Pebrero 13.)

19 Pebrero 2009

Heto naman ang isinulat ni Prop. Roland B. Tolentino tungkol sa mga “jologs” at ng makatang si Jose F. Lacaba tungkol sa mga “bakya.”

Nood tayo! Ipapalabas palang muli ang Pagsambang Bayan, sikat na dula ng isa sa pinakamasipag – jingle lang ang pahinga! – at pinakamahusay na progresibong manggagawang pangkulturang si Bonifacio P. Ilagan.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • culturalcritic  On February 24, 2009 at 9:52 am

    Ang paglitaw ng mga “jologs” ay maaari ring resulta ng pag-adapt ng kabataan (at hindi na gaanong bata) sa mga nakikitang “standards” ng global popular culture. Kumbaga, ito ang paraan ng mga kabataan para:

    1. Magkaroon ng “claim” sa bagong kultura.
    2. Bumuo ng kanilang sariling “variation” (reconstruction/hybrid subculture)

    Hindi naman kasi kaya ng kabataan na makipagsabayan sa kung ano ang uso. Kaya nagkakaroon din ng “niche” ang mga tinatawag na “reverse engineered” na mga teknolohiya galing sa China. Pagresbak kaya ito sa mga petiburgis sa kanluran? Tingin ko hindi. Ang komodipikasyon ay ganun pa rin, pero ang naging asimilasyon nito sa kultura ay nag-iba (e.g. ang paglitaw ng mga Emo at mga jologs)

    Walang jologs kung walang pop culture- at wala ring pop culture kung wala ring mga ready na market. Malungkot dito ay hindi na natin maisara ang ating mata at tenga sa pop culture, kahit yung talagang wala naman nang saysay.

  • kapirasongkritika  On February 25, 2009 at 5:19 am

    By saying “pag-adapt,” you seem to imply that they have a choice. Hehe. Parang hindi na masyadong marami at makabuluhan kung may choices man sila, precisely dahil sa komodipikasyon ng kultura at kultura ng komodipikasyon na sinasabi mo. Diyalektikal ang punto mo tungkol sa “pagbuo” ng mga jologs “ng sariling variation” sa kulturang pangkabataan sa ibang bansa — makabuluhan din, para makita ang partikularidad nito. Malawak ang tanaw mo sa kasaysayan, naiisip mo ang mundong walang pop culture. Hehe.

  • Kontras  On February 25, 2009 at 6:44 am

    If liberal democracy has the proletariat as the point where its claims to inclusivity and democracy crumbles, pop culture has the jologs. For all talk about its egalitarianism, popcult has itself generated hierarchies and exclusions.

  • culturalcritic  On February 25, 2009 at 1:30 pm

    Ah, tama ka. Maging ako noong high school ay nabombard ng mga commodity ng global pop culture. Nakita ko kung paano pinahirapan ng mga kapwa ko kabataan ang mga magulang nila para makabili ng bagong earphones, sapatos, cellphone, mahal na mga audio CD, posters atbp. Mas maganda kung mas marami, mas bago. Nang lumitaw ang mga social networking websites, may isang bata na nakaipon daw ng mahigat sa 3,000 kaibigan sa Friendster. Sa maliit na lokalidad lamang ito, 175 kms. ang layo sa sentro ng kabalantuanan, ang Imperial Manila.

  • krguda  On February 25, 2009 at 5:44 pm

    Teo, baka naman akalain ng libu-libong mambabasa mo, galit ako sa mga jolog. Di naman. Yung Bon Jovi comment, plano kong iblog dati pa. Para pagtawanan, oo, pero hindi para laitin ang milyun-milyong nahuhumaling sa Bon Jovi noong 80s at 90s at sa “emo” ngayong panahon. Baka lang kasi pag tumigil sila nang sandali at nag-reflect sa lyrics ng mga kanta, mare-realize nilang “phoney” (sa salita ni Holden Caulfield) lang talaga ang mga nagsulat ng kanta at walang totoong emosyon na in-invest ang kompositor. Sila na ang makaka-realize niyan. Tulad ko, na nakinig din naman sa big-haired, glam rock ng 90s. (Iba pa ang penomenon ng grunge, parang may sinasabi naman sina Cobain at Vedder kahit papaano).

    Anyway, hindi pa sa linyang iyun na binanggit mo ako na-overthetop-an. Sa linya pang ito:

    “With an iron-clad fist, I wake up and French kiss the morning.”

    Ayus!

  • kapirasongkritika  On March 1, 2009 at 12:31 pm

    @ Kontras: Oo nga. Galing. Though mayroon ding incorporation na nagaganap. Hindi kasi structural sa popcult ang exclusion nila, so makikita sa ilang bahagi ng kulturang popular na katanggap-tanggap na sila.

    @ Culturalcritic: Siguro tungkulin din talaga nating hulihin kung bakit mabisa ang kulturang popular. Sabi ni Zizek, kinokonsumo niya ang kulturang popular hindi para sa personal niyang ligaya, kundi para maunawaan. Posible kayang maikanal sa progresibong paraan ang ligayang ito?

    @ KRGuda: Ay, oo nga. Mas iyung praseng “over the top” ang nakuha ko sa iyo, Mr. Pinoy at Mr. Inglesero. Hehe. Malay mo, may emosyong in-invest ang kompositor — murderous. Hehe. Parang gusto nilang patayin iyung mahal nila sa mga kanta nila. Ako rin, nakinig sa musikang 90s na iyan! Gusto ko ngang magsulat tungkol sa Gin Blossoms na paborito kong banda dati, pero wala pa akong maisip na paraan na su-swak sa blog na ito. Hehe. Panalo ang lyrics! Salamat sa info!

  • culturalcritic  On March 4, 2009 at 2:05 pm

    may ilang mga kanta na akong naririnig sa radyo na nagpapakita na ng kamalayan sa mga “urgent” na mga pangyayari sa bansa, tulad ng pagsulpot ng mga call center. yung isang kanta, “tama na ang tambay, gusto ko nang umangat sa buhay..” at tungkol ito sa pagpasok sa isang call center. nasa imahinasyon na ang call center; may pag-asa tayo sa mga ganitong pagkakataon.

  • culturalcritic  On March 4, 2009 at 2:09 pm

    may ilang uri rin kasi ng imahinasyon ang kalakhang publiko na may exposure sa radyo, telebisyon, dyaryo at internet; minsan, parang monumento, dumudulas ang tingin sa ilang mga bagay na may pangmatagalan na mga consequence sa populasyon.

  • kapirasongkritika  On March 5, 2009 at 12:17 pm

    True. Kung kaya ng call center, napatunayan nang mas kaya ang progresibong mga tema at paksa. Sana pati porma rin. Kanina ko nga lang nakita ang tema ng ABS-CBN, iyung “Kayang-kaya” mode. Krisis talaga ang ina-assume na context ng ganoon, ano?

  • culturalcritic  On March 5, 2009 at 3:21 pm

    Krisis, at pinapalitaw na kabalikat ng mga mamamayan ang ABS-CBN. kabalikat sa ginhawa, sa hirap, sa saya.. ano yan, asawa??

  • kapirasongkritika  On March 8, 2009 at 12:41 pm

    Papag, karton o malamig na bangketang tinutulugan ng maralita. Hehe.

  • babaengotes  On March 9, 2009 at 8:26 am

    rerepost ko po sa multi ko,
    pwede?😀

  • kapirasongkritika  On March 9, 2009 at 10:57 am

    No problem. Go ahead. Salamat!

  • culturalcritic  On March 10, 2009 at 6:04 pm

    aampunin daw ni Willie Revillame lahat ng maralitang bata at ititira niya sa yate.

  • kapirasongkritika  On March 11, 2009 at 2:43 am

    Come on! Hehe.

  • culturalcritic  On March 11, 2009 at 7:17 am

    ay mali, yung mga dancer pala ang type niyang dalhin sa yate. my bad.😀

  • Anita Bakery  On October 12, 2009 at 7:17 am

    TEO, ano po ba ang etimolohiya ng salita JOLOGS? may kinalaman ba si Jolina Magdangal dito at ang pag-eendorso nya dati sa AMA na naging tampulan ng mga text jokes nung late 90s?

  • kapirasongkritika  On October 12, 2009 at 2:11 pm

    Ang alam ko nga, may nagsasabing nag-ugat ang “jologs” sa pangalan ng isang organisasyon ng mga tagahanga ni Jolina.

    Magkakatugmang bagay ito. Si Jolina ay mukha ng kabataang hindi mayaman pero hindi rin naman mahirap. Ang AMA, ganoon ang estudyanteng kine-cater kaya siya ang kinuhang modelo.

    Kung tutuusin, ang mga estudyante rin ng AMA ay mga hindi naman maykaya na gustong maging maykaya, kaya hinahabol ng diskriminasyong kaakibat sa bansag na “jolog.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: