Nandito na si Kiko

Noong ikinwento ng isang kaibigan na patay na si Francis Magalona –kilala bilang “Francis M,” “master rapper,” “the man from Manila,” at simpleng “the man,” – naisip ko, tiyak, bubuhos ang mga parangal. Sumikat at namatay kasi siya nang katanggap-tanggap para sa marami, kung hindi man mahal at hinahangaan ng marami, sa mga taong tinawag niyang “Mga Kababayan.”

Dahil dito, idinagdag ko na lang ang isang biro na parehong parangal at pang-asar. Mahusay talaga si Francis M. Isipin mo, mula sa putikan ng Lovely Ness – palabas sa telebisyon noong dekada ’80 na ang pambenta ay ang pagsayaw ni Alma Moreno nang naka-tangga, kung saan kumakanta si Alma Moreno nang parang bumubulong at humihingal, at kung saan naging resident rapper siya, nagra-rap para ipakilala ang susunod na sasayaw o kakanta – nagkaroon pa rin siya ng career, sumikat, at naging kagalang-galang na musikero at artista. Mahirap sigurong bumangon sa ganoong karanasan. Pambihira itong “the man.”

prayer-before-meals

Pero kung maiiwan sa ganyan at hindi dudugtungan, elitistang pagtingin iyan, na showbiz din naman, at tumitingin kay Francis M mula sa lente ng siguro’y pinakamababang antas na inabot niya. Mas makabuluhan at dapat saluduhan ang mga parangal na tulad ng kina Kenneth Guda at Nato Reyes na nagpapatampok sa makabayan, kritikal, at rebelde sa mga katha ni Francis M at sa pagiging musikero niya. Lalo na ngayong patay at pinaparangalan siya, larangan ng tunggalian ang mga gawa at buhay niya. Bagamat talagang tampok sa kanya ang makabuluhan, kailangan pa rin siyang bigyang-kahulugan ng mga progresibo para tunggaliin ang dominanteng “pagpapaamo” sa kanya.

(May bahagi sa akin noon na kritikal sa pagpapalamya o pagpapaamo ng Bamboo sa kantang “Tatsulok” noong ni-revive nito ang kanta: bakit inalis ang “mas” sa “mas marami ang lugmok sa kahirapan,” bakit naging mas maangas at eksistensyal ang kanta sa halip na palaban, masaya at pangmaramihan. Bagamat dapat pansinin, ano pa nga ba ang maaasahan ng mga progresibo, ng karaniwang tao, sa kulturang popular? Bagamat dapat maging kritikal dito, dapat pa ring lakasan ang “Tatsulok” kapag pinapatugtog, dapat sabayan sa pagkanta, dapat komentaryuhan at dapat idiin ang progresibong nilalaman.)

barung-barong

Taliwas sa dominanteng mga kanta ng pag-ibig sa bansa, at bagamat mayroon din siyang klasikong “Cold Summer Nights,” nag-rap si Francis M tungkol sa pagmamalaki sa pagiging Pinoy, mga isyung panlipunan, kahirapan ng nakakarami at pagkabundat sa yaman ng iilan, at pagkakapantay-pantay. Ang aspektong ito ang kinuha niya sa tradisyon ng rap sa US – habang kinuha naman ni Andrew E ang tradisyon ng kabastusan, pagpapasarap sa buhay at dominanteng sekswal na pagtingin sa kababaihan. Ayon sa mga Aprikano-Amerikanong iskolar ng kulturang popular, ito ang tradisyong “pampropeta” (prophetic) sa musikang rap na hango naman sa malaganap ding tradisyong pansimbahan ng mga Negro: ipinagmamalaki ang sariling lahi, nananawagan ng pagkakaisa nito, pero nagkokomentaryo rin sa mga suliraning kinakaharap nito.

(Kakatwa ang ipinakitang huling pagtatanghal niya sa Eat Bulaga, kasama ang bandang Pupil ni Eli Buendia, ng “Superproxy” – na sinasabing tungkol sa pagsasalsal (masturbation). Kasama kasi sa Eat Bulaga si dating Sen. Tito Sotto, isa sa mga namuno sa krusadang moral noong ikalawang hati ng dekada ’90 laban sa mga kantang may masasamang mensahe at may mga mensahe pa nga raw ng Satanismo. Halimbawa niya noon ang “Alapaap” ng bandang Eraserheads ni Buendia na tungkol daw sa pagdodroga. Pero sabi ng isang kaibigang musikero, mas ang puntirya talaga ng mga atakeng ito ang bandang Yano, na may mas matatalas na pagtuligsa sa mga isyung panlipunan noong panahong iyon.)

harvest

Ilan na lang siguro ngayon ang pupuna kay Francis M sa paghiram o “paggaya” sa kulturang popular ng US. Madaling makitang impluwensyado ni MC Hammer at Vanilla Ice ang itsura niya noong unang bahagi ng dekada ’90, kahit noong kumakanta siya ng “Mga Kababayan.” Bagamat mas “natural” ang pananamit niya pagkatapos, “Kanluranin” pa rin. At syempre pa, hindi imbensyon ni Yoyoy Villame ang rap. Masasabi, bilang depensa kay Francis M, na napakakitid na ngayon ng espasyo ng mga kanta sa bansa na hindi nanghihiram sa kulturang popular ng US. Mas mahalaga, maganda ring makita ang paggawang inilaan niya para angkinin, o gawing Pinoy, ang mga impluwensyang hiniram niya. Sa pagsisikap niya, pumasok ang rap sa Pinoy – at naging Pinoy ang rap: sa tunog, wika, angas, pananamit, paksa at kabuluhan.

Sa mga parangal sa kanya ngayon, lumilitaw ang alagad ng sining na nasa likod ng mga katha. Lagi siyang naghahanap ng gagawing bago at makabuluhan. Mapaglaro siya sa paggamit ng iba’t ibang tunog at pakikipagtulungan sa iba’t ibang musikero – bukod sa Parokya ni Edgar at Eraserheads, kahit sa mga wala pang pangalan at bago. Hindi siya nagpalimita sa dikta ng komersyo at nangahas na sumalungat sa uso. Gumawa siya at pinanindigan niya ang gawa niya. Sa proseso, nag-ambag siya sa paghubog ng isang henerasyon.

Pagpupugay sa pasimuno ng Pinoy rap at pasimuno rin ng kritikal-sa-lipunang tradisyon nito. Sana’y sumunod sa sinimulan niya ang mga rapper at musikero.

09 Marso 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • kiita  On March 9, 2009 at 11:09 pm

    I’m sad that I’m learning so much about Francis Magalona because he’s passed from us, and at such a young age. As usual, such a thoughtful piece. A real tribute.

    What I’ve always admired about your blog is the way African American critical scholarship, culture and history frames your approach to the United States. Only a few Pinoy bloggers based in the U.S. do the same. Without such a framework, how can Pinoys in the U.S. appreciate the transnational relevance of a figure such as Francis M.? If you haven’t already read it, Kiwi Illafonte’s piece comes to mind.

    I have to say that I take advantage of your blog to revel in written, deep Tagalog and accept that I only understand part of each piece. Once in a while, I cheat and use Google Translate. Did you know that, in Google Translate, “Pilipinas” comes out as “India”?

  • culturalcritic  On March 10, 2009 at 3:40 pm

    Ilang obserbasyon:

    1. Bagamat may kaunting tematikong makabayan si Francis M., ang napansin ko lang ay ang kanyang clothing line ay puro naman bandila ang ginagamit. Mga simbolo na..medyo wala naman talagang kahulugan.

    Maraming mga ganitong sitwasyon sa pop culture na lumalapit sa isang state ng confusion ang mga cultural artifact; parang kanta na “Jam” nila Kevin Roy- “kilos kabataan, oras natin to, makiisa, maki-jam makilahok, kilos kabataan buhay natin to, maki-jam ka pare ko”

    o kaya ang Kaleidescope World-“every color and every hue, is represented by me and you..take a look at the kaleidoscope world.” eh?

    mabuti pa ang kanta ni Gloc 9 na “Lando”, tumpak.

    2.) Yung kritikal-sa-lipunan na tradisyon ay maaaring lumilitaw sa mga kanta (ba, kung gutom pamilya mo palagi talagang ira-rap mo yun kung rapper ka); pero madalas hindi intensyunal ang pagbuo ng naratibo ng pagiging kritikal. Halimbawa nito ang rap ng mga takatak boys- minsan may narinig ako, sabi niya, “ibigay mo ng mabigat, napakabigat, singlaki ko bago ipasak! (ayon!), atbp.”

    Kung modelo si Francis M. sa rap, maaaring modelo para sa atin, pero iba ang modelo ng mga nakararaming nag-rarap at nakikinig sa rap. Ang tumatayong “godfather” ng mga rapper sa maynila ay si Andrew E. pa rin. para siyang si Snoop Dogg o Dr. Dre- producer, rapper, lalapitan ng mga gustong makausap ang isang bad-ass na legend.

  • kapirasongkritika  On March 11, 2009 at 3:03 am

    @ Kiita: Naku, salamat naman at napadalaw ka. Napakomento pa. Mabuti naman at nagbalik ka na sa pagba-blog! Hehe. Akala ko, mawawalan pa ng isang progresibong boses sa blogosphere. Hehe.

    Bakit nga ba? Natutuwa akong magbasa ng mga African-American intellectuals, kahit hindi iyung masyadong progresibo. Galing ng diwang palaban nila, at mapagmuni rin. Ang totoo, nagkalat ang libro nila sa BookSale dito. Hehe. Murang-mura. Maraming kaibgan na akong nabigyan ng Sister Outsider ni Audre Lorde, P5.00 lang minsan! Hehe.

    May parangal na ba si Kiwi kay Francis M? Pabigay naman ng link! Hehe. Salamat naman at tinatyaga mo ito. Nakita ko na minsan ang itsura kapag isinalin ng Google, hindi nga madaling maintindihan! Hehe. At India pa pala ang Pilipinas! My Gahd. Dalaw ka lagi!

    @ Culturalcritic: Nalimutan ko ngang sabihin na mas matapang ang mga linya ni Gloc9 sa mga rap niya. Kaya lang, mas patok ang mga form na ginamit ni Francis M sa kulturang popular, kaya lumaganap.

    Sa isang banda, natutuwa na ako sa mga bandilang walang definite na meaning kaysa lantarang pagmamahal sa Kano. Hehe. Tsaka iyung pakikisangkot na general mode, kaysa iyung love mode na walang katapusan at katuruan. Hehe. Wala ka naman talagang maaasahan sa kulturang popular. Dapat sunggaban at dalhin sa progresibo. Iyan ay kung patok, ha. Hehe.

    Tunggalian din iyan siguro. Si 2Pac, may mga pilosopikal na rap. Hehe. Pero sa galing at kapangahasan ni Francis M, obligadong magbigay-pugay kahit iyung mga rappers na iba ang tema. Siya talaga ang naghawan. Mahalaga rin sigurong magkaroon ng following ang progressive rap sa bansa. Tiwala naman akong magkakaroon. Hehe.

  • culturalcritic  On March 11, 2009 at 7:14 am

    sa usapin ng karahasan bilang isang bahagi ng mga subculture na binibigyang pwersa ng iba’t ibang uri ng musika, paano kaya ang magandang gawin upang madisplace ang karahasang ito?

    Karahasan sa sarili, sa kapwa, sa mga “bebot”, atbp. Pero syempre iba ang galit sa may kapangyarihan, sa mga nananakit sa mga pamilyang walang makain at walang masilungang permanente.

  • E.P.  On March 11, 2009 at 11:16 pm

    mahirap nga mapasikat ang mga kantang progresibo. madalas kasi tunog matanda, kundiman. bihira lang ang tulad ng rage, flatbush na pasok sa mga genreng kabataan nga ang pangunahing malapit (bagama’t hindi rin talaga masisiguradong magamay ng mga nakikinig ang mga ideyang naghuhumiyaw, mas paghiyaw pa siguro nakikita, naririnig, kaya dumami ang che shirt at sumikat ang ‘fuck the police!’. may progresibong patok pero mas cult following pa siguro ang masasabing base nito.

    isa pang nakikita ko dito, may pagka-alien sa immediate consciousness baga ng karamihan sa tumatangkilik ng kulturang popular ang mga ideyang hinahain ng mga kantang progresibo. bakit mga romantikong progresibong kanta ang madalas naaalala ng hindi progresibong nakikinig sa mga progresibong kanta (rosas ng digma, ikaw ba yan?)? hindi rin kasi pasok sa pang-araw-araw na bukabularyo ng madla ang mga ‘ismo.’ kaya siguro patok ang mga kanta tulad ng lando, ispesipiko, malapit, mas konkreto ang imaheng nabubuo sa isipan tuwing pinapatugtog ang kanta. kung ako lang rin, mas pabor ako sa ganito, soft sell, gapangan, ika nga. hehe

    (sorry nakalimutan kong mag-banggit tungkol kay francis m. hehe. masasabi ngang ang kanya’y deathly life, ekstensyon ng simbolikong kiko matapos ang kanyang pisikal na pagkamatay. ang tanong, hanggang kailan ito tatagal bago maging paso. parang chewing gum kasi turing ng showbiz sa mga artista eh, pag wala na lasa, idudura na. parang mga bumba istar, ayun minsan naman na-fi-feature sa wish ko lang)

  • kapirasongkritika  On March 12, 2009 at 4:57 am

    @ Culturalcritic: Tama, iyung makabuluhang galit. Iyung galit sa humahati sa atin at nagluluwal ng mapaminsalang galit sa isa’t isa na dapat ay nagkakaisa.

    @ E.P.: Maganda talaga kung pagsasama ng popular na porma at progresibong nilalaman ang mangyari. Maaaring hindi maintindihan agad ng ibang kumakanta, pero mas may tsansang umabot sa kanila. Maganda rin talaga iyung may partikular na kwento, mula kay Lando patungo kay Tano! Ha! Hehe. True, nakakaawa ang mga artistang nalaos tapos kawawa na ang lagay ngayon. Mananatili sigurong buhay si FrancisM kapag patuloy ang pag-alala sa kanya ng marami batay sa laman ng mga kanta niya.

    PAHABOL: Nakita ko iyung anak ni Francis M na si Maxene, saying thank you sa mga dumating sa burol ng tatay niya. Bukod doon, nagpasalamat pa siya sa mga “donations.” That’s very humble of a petty bourgeois. Galeng.

  • culturalcritic  On March 12, 2009 at 9:23 am

    Naalala ko tuloy yung comment ni Edel: “Dyus ko, bakit ba hanggang ngayon ay raised fist pa rin ang ginagawa ng mga bata? Hindi na nag-modernize, hindi na nila napaganda!”

  • culturalcritic  On March 12, 2009 at 9:24 am

    BTW, nakakita na ako ng dyaryo mula sa mga komunista ng Italya. Lupet. political economy yung nasa headline. kaya lang 2008 pa yung dyaryo.

  • E.P  On March 12, 2009 at 11:14 pm

    siguro kasi iconic na yung ganun gesture. pero tama nga, dapat mapaghusay pa ang pagiging malikhain ng mga protesta. una, para makakuha ng atensyon, na palagay ko nama’y sumasangayon tayong isa sa layunin ng protesta. sunod, para mapanatili ang atensyon, dahil wala rin namang mangyayari kung napatingin lang, dumaan ang manonood. huli, para makanti o matatatak kaya sa utak ng nakakita ang nakita, yung tipong maiisip nya ito hanggang sa pag-uwi nya sa bahay, pagnguya ng kinakain, pagsepilyo, panonood ng tv, hanggang sa bago sya matulog.

    naisip ko nga dito yung parang ‘pa-victim’ na eklat nina juday at piolo sa till there was you eh. di ba, di ba?

  • kapirasongkritika  On March 14, 2009 at 7:30 am

    @ Culturalcritic: Dapat nga naman mapaunlad pa. Pero siguro may mga panahong kakailanganin pa rin ang taas-kamao bilang gesture ng protesta. Nasa timpla rin siguro ng iba-ibang panahon. Naku, iyang mga Italyano. Malakas ang komunismo dati diyan. Pero bumagsak din pagkatapos, hindi ko alam kung ano ang lugar ng “terorismo” ng ilang grupo sa Kaliwa nila sa ganitong pangyayari.

    @ E.P.: May sinabing parang ganyan si Brecht: Parang dapat bigyan mo ng kutsara at tinidor ang mga manonood sa pagbibigay sa kanila ng sining. Maiuuwi nila, magagamit. Pero kailangan din talaga nating tingnan ang posibilidad ng mga imahe. Bagamat marami silang magagawa, hindi naman lahat ay magagawa nila. Marami pa ring kailangang gawin bukod sa magpakita ng patok na imahe.

  • Kwentulang Marino  On March 16, 2009 at 8:57 am

    masustansya ang mga pagsusuri!

  • mma  On March 16, 2009 at 9:35 am

    Matagal ko nang hindi nabibisita ang blog mo, Teo. I was actually expecting that your latest entry would be about Rebelyn. (and this was, I thought, the entry before that.) Nonetheless, (bakit ba ko nagIingles!) kahit na alam kong popular sya at ang kanyang mga kanta (to the point na kaya ko pang kantahin/i-rap ang mga popular nyang mga katha), nito na lang ding yumao ko mas nakilala si Francis M. Tulad nga nang siya pala ay mapagkupkop sa mga baguhang musikero, laluna sa mga rapper na gaya nina Gloc 9 at Krazykyle. Sa panahong inilabas ang album niyang Yo! naging mainstream ang hiphop/rap sa ating bansa. At syempre, hanggang ngayon, ramdam pa rin natin ang impluwensya nito. Sana nga’y mas maging mas kritikal pa sa komposisyon ni Francis M ang mga susunod na henerasyon ng rappers…naalala ko tuloy si Ros.

  • mma  On March 16, 2009 at 9:42 am

    Nabanggit mo rin ngapala ang tungkol sa Tatsulok, di ba’t may issue iyan na dapat daw ang linya sa Refrain ay “Di LANG Pula’t Dilaw (ang) tunay na magkalaban”. Habang pinatatampok natin na dapat ngang baliktarin ang tatsulok, kailangan ding maging malinaw na iba, and in fact, may tunggalian sa pagitan ng pula at dilaw. Tingin mo?😀

  • kapirasongkritika  On March 16, 2009 at 4:33 pm

    Aba, MMA! May blog ka na pala! Ili-link kita, promise! Hehe.

    Actually, sobra ang guilt ko na hindi pa ako nakakasulat ng kahit ano tungkol kay Rebelyn. Sa totoo lang, napakagaganda na ng naisulat ng ibang bloggers tungkol sa kanya. Pero susubukan ko pa rin. Siguro kapag pakiramdam ko, may maidadagdag na ako sa usapan.

    Naku, mga grim and determined activists lang ang narinig kong “magbiyak ng buhok” (split hairs) tungkol sa linyang “hindi pula’t dilaw…” Nasa konteksto ang susi, hindi ba? “Ang kulay at tatak ay di siyang dahilan…” So ang punto lang, mas malalim ang tunggalian kaysa sa mga tunggalian sa kulay — lalo na sa tradisyunal na pulitikang nasa anino ng Cory-Marcos na tunggalian.

    Syempre, may tunggalian talaga ang pulahan at dilawan, pero hindi naman iyun ang gustong maliitin ng kanta. Feeling ko naman, ako si Chikoy Pura. Hehe. Eh si James Ingram ako. Hehe. Ingat!

  • JOAN  On May 1, 2009 at 2:13 am

    MISS TOO

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: