Ulat sa mga Anak ng Hinaharap

“Rebelyn” ang pangalan niya, may salitang ugat na madaling hulaan. Mahilig ang mga progresibo at rebolusyunaryo, tulad ng mga magulang niya, sa pagpapangalan sa mga anak nang may kinalaman sa pakikibaka. Sa mga pangalang ibinigay nila, mayroong maganda at mayroon din namang hindi gaano. Pero marami rin namang kakatwang pangalan ang mga anak ng mga hindi nila katulad.

Resulta ang ganitong mga pangalan ng pagyakap sa pakikibaka at ng pangakong magiging matatag. Sa harap ng hirap ng kumbaga’y kahapon, ngayon at bukas, panata sa hinaharap ang mga pangalang ganito. Na kung hinuhubog ng mga nagtatanggol sa sistema ang mga anak nila, hinuhubog din ng mga gusto ng pagbabago ang sariling mga anak. Pagtaga ito sa bato at pagsugal din. Na matapos ang isang panahon – na tiyak na “interesante,” ayon nga sa sikat na kasabihang Tsino – makikilala pa rin ng mga nagpangalan ang panata nila at ang halaga nito.
 

leonardo-da-vinci-embryo-in-the-womb

 

Malaking bagay ito sa mga progresibo at rebolusyunaryo, ang pagpapatuloy sa rebolusyon – proyektong pangkolektibo na may ritmong historikal at matagal, higit sa ritmo ng buhay ng indibidwal. Sabi ng mga kaibigan, sa nobelang Desaperasidos ni Lualhati Bautista, halimbawa, matapos ang napakaraming kahirapang dinanas ng mga magulang na rebolusyunaryo, happy ending pa rin naman: Natanggap ng mga anak nila ang pakikibaka. Oo, ito na ang magandang katapusan sa salaysay ng tortyur, sakripisyo at kamatayan. Siguro, dahil karamay rin ang mga anak sa sakripisyo na pinili ng mga magulang: bawas ang kita ng pamilya, may panganib sa buhay nila, at iba pa.

Ayon sa mga ulat, hindi aktibong nakikisangkot sa pulitika si Rebelyn, hindi aktibista. Kahit tatay niya ang kilabot-sa-militar na si Leoncio “Kumander Parago Sandoval” Pitao ng New People’s Army sa Mindanao at kahit lumalabas na progresibo ang nanay niya, pinili niyang maging karaniwang titser na pang-elementarya. Hinihimok ng mga rebolusyunaryo ang mga anak nila sa abot ng makakaya, pero ang mga anak pa rin ang magpapasya sa sariling buhay. At mainam ang propesyong pinili ni Rebelyn. Makatao ang maging guro, hindi nagsasamantala kundi nag-aalay ng sarili sa kapwa.

May isang ulirang aktibistang guro sa Unibersidad ng Pilipinas, si Prop. Melania “Lani” Abad. Dahil alam niyang hindi magiging aktibistang lahat ang mga estudyante niya, o minorya nga lang sa kanila ang tatahak sa kakaibang landas na ito, may hirit siya, kumbaga sa negosasyon, sa huling araw ng klase. “Kung hindi kayo magiging aktibista, huwag naman sana kayong magsamantala o mang-api sa kapwa.”

 

pablo-picasso-mother-and-child

 

Bata pa si Rebelyn, 21 anyos. Pwede pa sanang mamulat at maging progresibo o rebolusyunaryo. Titser siya – alam ang sahod at mga gastusin, inaaral kung bakit hirap matuto ang mga estudyante, napapaisip kung bakit maliit ang sahod ng mga mahalaga sa lipunan, samantalang todo-yaman ang mga garapata sa gobyerno at negosyo. Napakarami ring ganoon, na hindi naging aktibista sa kolehiyo pero sa larangan ng trabaho natutong makisangkot at kumilos para sa pagbabago.

Pero hindi na pwedeng maging ganoon si Rebelyn. Pinugto na ang pagbabago niya noong dinukot siya ng di-nakilalang mga lalake, ginahasa at pinagsasaksak ng ice pick sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Heto na naman tayo: Pwede sanang pinatay na lang si Rebelyn, hindi na ginahasa. Pwede sanang binaril sa sentido, hindi na pinagsasaksak ng ice pick. Sabi pa ng iba, pwede sanang hindi ice pick ang ginamit para sandali lang ang sakit at dusa. Muli: Hindi lang siya gustong patayin, kundi pagmalupitan din. Hindi lang gustong patayin ang anak ni Kumander Parago, kundi maghasik din ng takot. Babala ito sa mga katulad ni Kumander Parago at mga posibleng tumulad sa kanya: Huwag kayong mag-aanak.  

 

pieta-14th-century  

Tadtad ang kasaysayan ng mga digmaan sa mundo at ang karanasan ng pagsupil ng Estado ng Pilipinas sa rebolusyunaryong Kilusan ng ganito, ng paggamit sa sekswal na pang-aabuso, lalo na ang paggahasa sa kababaihan, bilang armas sa gera. Simula noong rehimeng Marcos hanggang sa rehimeng Arroyo ngayon, napakarami nang salaysay ng mga susong nilamas, mga ari at puwet na pinasukan ng ari o ibang bagay – walis-tingting sa ari ng lalake – at mga bulbol na sinunog. Kung nakakahindik mang sabihin at isipin, tiyak na mas masahol ang aktwal na mga nangyayari.

Sa kabila ng pormal na pagbabawal ng mga batas at kasunduan, patakarang hindi nakasulat ng gobyerno at militar na magpalasap ng kalupitan sa mga itinuturing nitong kaaway. Kaya naman mula noon hanggang ngayon, wala pang pinaparusahan ang Estado sa matitinding paglabag sa mga karapatang pantao.

Ang kalupitang ito, sumasanib sa pagiging patriyarkal ng nagpapatupad. Ang mga gumagawa nito, na kalakha’y lalake, ay lumalabas na nalilibugan sa sinasaktan at pinupwersa nila, na madalas ay lumalaban. Lumalabas na ginaganahan silang makipagtalik sa ganoong sitwasyon. Siguro, nanunuot kahit sa ganoong mga larangan ang modang puro libog at walang pagmamahal sa seks, na malaganap sa lipunan. Naglipana ang mga imahen ng mga hubad na katawang walang pagkatao. Idagdag pa ang absolutong kapangyarihan sa isang katawan, pinapadulas ng alak o droga.

 

ghent-adam-and-eve

Muli, nakikita sa nangyari kay Rebelyn ang pagkatuto ng rehimeng Arroyo. Natuto ito sa kasong impeachment kay dating Pres. Erap Estrada, noong hinarang ng rehimen ang pagbukas sa ikalawang envelope at sa gayo’y hinudyatan ang Edsa 2 na nagpatalsik kay Estrada. Pagkatuto itong ipinapakita ng “I-am-sorry” na patalastas sa telebisyon ni Gng. Gloria Arroyo noong kasagsagan ng kontrobersyang “Hello Garci.” Hindi kailangang kontrolin ang eskandalo; lalo lang itong puputok. Ang kailangan ay kilalanin ito, pasiklabin pa nga, at magpanggap na pumapanig sa wasto. Kinondena ng rehimen ang nangyari kay Rebelyn, nanawagan ng imbestigasyon. Sa dulo, gayunman, siguradong hahadlang ito sa pagkakamit ng katarungan sa kaso.

Malinaw na masakit kay Kumander Parago ang nangyari. Hindi lang ginahasa’t pinatay ang anak niya. Lumalabas pang dinanas ito ng anak niya dahil sa pinili niyang propesyon sa buhay, ang maging rebolusyunaryo. Mahirap, gayunman, na maniwalang mapapahina ng nangyari ang paninindigan niya para sa rebolusyon.

Sabi ni Walter Benjamin, pilosopong Aleman, hindi ang larawan ng malayang mga apo ang malakas na nag-uudyok ng rebolusyon, kundi ang larawan ng napakaraming ninunong inalipin, pinagsamantalahan at binusabos. Idagdag natin: maging ang larawan ng mga kasama at karaniwang taong dinahas, pinagmalupitan at pinatay ng Estado sa kamay ng imperyalismo at mga naghaharing uri.

20 Marso 2009 

Napakarami nang nagsulat tungkol kay Rebelyn: Sina Kenneth Guda, Ina Silverio (isa, dalawa), Sarah Raymundo, E. San Juan, Jr., Carol Araullo at Katrina Macapagal. Maganda ang sinabi ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao hinggil sa isyu, na bilang tatay ay mauunawaan niya kung magsarili sa pagkamit ng katarungan si Kumander Pitao. Hindi ako tagahanga ng kolumnistang si Mon Tulfo – eh sino ba? – at narito ang magandang sagot ni Luis V. Teodoro sa isa, dalawang kolum niya tungkol kay “Nicole” na nabasa ko, pero maganda rin ang sinabi niya tungkol sa kaso ni Rebelyn, na bumagsak ang antas ng militar. Hindi papahuli si Dean Jorge Bocobo sa pagbanat sa New People’s Army kahit sa panahong ang militar at rehimen ang dapat na nasa depensiba. May naniniwala ba talaga sa taong ito? Heto ang magandang atake sa kanya – at kanyang katinuan! – ni Manuel Buencamino, na nagbansag sa kanyang “cheap-shot blogger.” 

Pahabol: Para sa mga katulad kong hindi nakapanood ng konsyerto ng Eraserheads, at para na rin siguro sa mga nakapanood, heto ang isa, dalawang bungkos ng mga larawan ni Jamael Jacob sa nangyari. Magagandang larawan, pero hindi siguro mapapalitan ang danas ng pagdalo. Hehe. 

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • sarah  On March 19, 2009 at 11:20 pm

    Isa na namang matalas at maalab na sanaysay hinggil kay Rebelyn. Madalas na mabanggit, lalo na kung pinagtatanggol ang pakikibaka o ang rebolusyon, ang tinuran ni Walter Benjamin tungkol sa larga ng Anghel ng Kasaysayan na kapareho ng banggit niya hinggil sa gunita ng mga ninunong inapi. Laging nakatanaw sa salanta ng nakaraan habang kusang umuurong ng pasulong o palayo sa mga naiwang pruweba ng dahas ng nakalipas. Kaya batay dito, lumalabas, na kung magdedesisyon mang baguhin ng mga tao ang kanilang lipunan, kung nanaisin man nilang makibaka ay di pa dahil sa alam nila kung saan dudulo ito o saan nila tiyak itong dadalhin. Totoo, sa konteksto na wala naman talagang katiyakan sa hinaharapa, natitiyak lamang ito sa pagkatuto sa mga wastong ideya ng paglulunsad ng pagbabago na siya namang magmumula sa praktika.

    Pero may nauuna nang pagtanaw rito hinggil sa kamalayan ng tao, lalo na sa yugto ngayon ng kapitalismo at ang partikular na hugis ng malupit na krisis n ito sa lipunang gaya ng Pilipinas. Talaga kayang hindi ang pagtanaw at pagtataya sa kinabukasan, ang pagkatuto at pagkamangha sa mga napagwagian at “ikinatalo” ng mga dakilang rebolusyon ng lumipas kaya nakakakita halimbawa ang mga progresibo at rebolusyonaryo na di lang basta sumulong sa kasaysyan, kundi itulak pa ito dahil merong pagkakalagyan sa dako doon, hindi man tiyak na tiyak, pero tiyak ang pundasyon, tiyak ang mga kundsiyon at sirkunstansya na kailangang maabot upang maisagawa ito.
    Hindi ba’t ganito rin tayong sinanay ng kasalukuyang sistema? Ang maging produktibo, mapanghuli sa bago, mapanlikha, para saan? Para sa kalalagyan natin sa kinabukasan. Habang pilit naman nitong binubura ang nakaraan dahil isa lamang itong bagahe na pampabigat sa pagsulong.

    Kung gayon, ang pagunita sa kaapihang danas ng mga ninuno, sa salanta ng sistemang ito sa nakalipas ay aktong malay at hindi basta-basta naisasagawa. Malamang hindi ito ang primerong dahilan kung bakit gugustuhin ng mga tao, rebolusyunaryo man o hindi na isulong o suprotahan ang pagbabago. Tulad baga ng nabanggit mong pagsusugal sa pagpapangalan kay Rebelyn. Si Rebelyn na malamalang tinanaw ng kanyang ama na sa kinabukasan magiging angkop din ang pangalan niya, sa kinabukasan, may mga makikilala siyang mga kasama na makakagagap di lamang ng kakatawang pangalang ito kundi ng bigat at halaga nito. Pero di na nga yun mangyayari. Nakapangyari na naman ang nekropulitikal na kapasyahan ng estado. May nakausap ako, nung isang araw, marikit na dalaga, galing ng Colegio de San Agustin, nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, ngayon ay nagpapatakbo ng negosyo ng pamilya, pero batang-bata pa, matanda lang ng konti kay Rebelyn. Nung inabutan ko siya, nagbabasa siya ng Krisis at Rebolusyong Pilipino ng Jose Maria Sison. Tinanong ko kung baket niya binabasa yun. Sa totoo lang, nagulat ako. Pero mas nagulat ako sa sagot niya. “I’ve been following the news and web articles on Rebelyn. It’s sickening. I think I’m changing my mind about motherhood. I want it now. That’s why I’ve been thinking about the revolution lately. I think I want that future. More people should want that future. My own child should want that future.”

    Ayan, nagblog na naman ako rito. Matagal-tagal na rin. Kamusta?

  • kapirasongkritika  On March 20, 2009 at 5:28 am

    Wow! Blog entry! Salamat ulit! Hehe.

    Gusto ko lang idagdag na nabuhay at nagsulat si Walter Benjamin sa panahon ng pesimismo para sa mga tulad niyang Marxista: lumalakas ang pasismo sa Europa at tila “nagtaksil” si Stalin sa pakikipagkasundo kay Hitler (na ang totoo’y pag-iipon ng lakas para sa pag-atake ni Hitler). Anu’t anuman, ang nabuong impresyon, kailangan talaga ng pagbabago bagamat hindi alam kung saan patungo. Ngayon naman, mailalaban na rin ang mga nakamit ng mga bansang nagsikap sa sosyalismo, basta’t aralin nating mabuti.

    Kaya nga kailangan talaga ng tanaw ng nakaraan? Ang tanong: Paano magiging posible ito para sa nakakaraming kabataan? Parang magkabilang dulo ang kasaysayan at ang modernong mga porma ng midya na kinasanayan na ng mga kabataan ngayon, ano?

    Totoo, hindi nga ito ang “primerong dahilan,” at ano kaya iyun? Hehe. Naalala ko ang pagteteorya ni Alain Badiou sa Event. Parang may pahayag pala si Papa Benedicto XVI tungkol dito, si Ratzinger. Hehe. Minsan, isisingit ko sa entri ko.

    Maraming salamat! Mabuti naman, nag-aasam na ma-tenure ka na sa wakas! Hehe.

  • diwa81  On March 26, 2009 at 12:23 am

    ang gandang artikulo. galing talaga. hehehe.

    ang isang iniisip ko rin dito, ano kaya ang nasa utak ngayon ni kumander parago? kung ordinaryong taong katulad ko, sigurado nagwawala na ako sa galit. Paano kaya siya na kumander ng NPA? walang habas na nagpaputok ng armalayt? pasusugurin ang mga tauhan niya sa mga militar?

    wala lang, napaisip lang. salamat sa magandang entri.

  • kapirasongkritika  On March 26, 2009 at 7:45 am

    Salamat! May pahayag yata ang NPA na hindi ito “maghihiganti” sa pagkamatay ni Rebelyn. Baka ang ibig sabihin ay “katarungan” at hindi “paghihiganti” ang hanap nila. Ibig sabihin, pulitika pa rin ang komand ng pagharap nila sa isyung ito. Salamat sa pagdalaw!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers

%d bloggers like this: