Corporate Social Responsibility: Business as Usual

Bago pumutok ang kasalukuyang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, may isang praseng sikat at patok sa negosyo, akademya at midya: ang Corporate Social Responsibility o CSR. Ito ang pagkakawanggawa ng mga korporasyon at negosyante, na kadalasang malalaki, sa lipunan.

Minsan, nagtanong si Angela Stuart-Santiago, kilalang blogger, kaugnay ng CSR ng ABS-CBN: Bakit, aniya, hindi na lang nito ibalik at paramihin ang mga programang nagbibigay sa publiko ng impormasyon at opinyon hinggil sa maiinit na isyung pambansa? Naalala ko nga, noon, kahit ang dating Mel and Jay ay tumalakay sa isyu ng mga base-militar ng US sa Pinas.

Sa ganitong tanong, itinuturo niya ang mahalagang batayang materyal o pang-ekonomiya ng CSR: Kailangan, kitang-kita ang kita o go na go ang negosyo ng mga korporasyon at negosyante. Kailangan, halimbawa, na manatiling kaunti ang mga programang makabuluhan ng ABS-CBN para makapaglunsad ito ng maliit na programang pang-CSR na gaya ng ipinapakita ni Gng. Santiago ay kwestyonable o maliit lang ang pakinabang sa publiko.

we-are-all-socialists-now-newsweek1

Katugma ito sa kritika ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, sa ”CSR” ng mga sikat na malaking negosyante sa US na tinawag niyang ”mga komunistang liberal.” Aniya, ”Pwedeng nilalabanan nila ang suhetibong karahasan, pero ang mga komunistang liberal ang mga ahente ng istruktural na karahasan na lumilikha ng mga kalagayan para sa suhetibong karahasan. Ang [George] Soros na nagbibigay ng bilyun-bilyon para pondohan ang edukasyon ay nakawasak sa buhay ng libu-libong tao salamat sa kanyang mga ispekulasyong pampinansya at sa gayon ay lumikha ng mga kalagayan para sa pag-usbong ng kawalang-pagkilala (intolerance) na kanyang kinokondena.”

Sa hirap ng buhay sa bansa, maipagpapasalamat na ng iba ang CSR ng mga korporasyon at negosyante. Pero mahalaga pa ring mailantad ang materyal o pang-ekonomiyang batayan nito – na posible ngang napagtatakpan o napapaliit sa mata ng publiko ng mga hakbanging pang-CSR.

Hindi ko alam kung may CSR si Henry Sy, halimbawa, ang sikat na may-ari ng mga mall na SM. Kung mayroon man, katas ito ng pagsasamantala niya sa napakaraming kontraktwal na kababaihang manggagawa sa SM, pagbarat sa sahod nila at paglaban sa pag-uunyon nila sa pagtanggap sa nakakaraming manggagawang miyembro ng Iglesia ni Cristo – na kung bakit naman nagbabawal sa mga miyembro nito na mag-unyon.

Tila aktibo ang Shell sa Gawad Kalinga. Mabuti na rin sa isang banda. Pero bistado na ang modus operandi ng kartel ng langis sa bansa: Mabilis magtaas ng presyo kapag may palusot na pwedeng idahilan, pero mabagal at barya-barya lang magbaba kapag alam na ng mga mapagbantay na dapat magbaba ito ng presyo. Sinasabi pa sa publikong nalulugi gayung ang ibig lang sabihin ay hindi nakakamit ang target nitong tubo sa isang panahon.

statue-of-liberty-turns-communist

Sa isang artikulong tila tumutuldok sa ”CSR” ng mga kompanya at negosyante sa US dahil sa kasalukuyang krisis, nagdagdag pa ng punto si Katha Pollitt laban sa ”pamimilantropo” nila: ”Sinabayan – at tinulungang bigyang-katwiran – ng paglakas ng pamimilantropo ang mga kaltas sa buwis, lumiit na mga serbisyo ng gobyerno at tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay.”

Noong kasikatan ng CSR, binihisan ito ng mga teorista at publisista nito ng unibersal o panghabang-panahong pilosopiya – tulad ng din ng ginawa noon sa ”globalisasyong neoliberal.” Ngayon, sa pagputok ng malubha at matagalang krisis pampinansya at pang-ekonomiya sa buong mundo, huhulas ang pilosopiyang ito na parang kolorete sa mukha ng agnas nang bangkay. Hindi ito ubra kapag ”business unusual” tulad ngayon. Ubra lang ito kapag ”business as usual” – na masama rin, o napakasama, para sa marami nating kababayan.

”Ang kailangan talaga natin,” ani Pollitt, ”ay hindi ang pabugsu-bugsong mga hakbangin ng kabutihan kundi ang tuluy-tuloy na mga hakbangin ng pagkakaisa.” Pwedeng idagdag: hindi para manlimos ng mumo ng mga mayaman at makapangyarihan o magpasalamat dito, kundi para agawin at angkinin ang pag-aari at kapangyarihan nila.

26 Marso 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Kontras  On March 28, 2009 at 9:23 pm

    By what perversion of socialism has it been taken to mean big government or simple nationalization.

  • kwentulang marino  On March 29, 2009 at 4:16 am

    alam ko mero ang SM na foundation para sa mga iskolar at donasyon sa mga ospital.

    ang CSR ay para din daw ‘yan kahawig ng pagbibigay ng mga donasyon ng mayayaman bansa at pagkuha ng tax sa mga mamamayan nito para daw itulong sa mga mahihirap na bansa ,pinaka-lundo para mabawasan ang bigat o kosensyang dinadala nila sa pagsasamantala sa huli…

  • krguda  On March 29, 2009 at 5:52 pm

    Salamat sa link mo sa The Nation at laluna yung kay Zizek. Medyo off topic, pero napaisip ako tungkol sa penomenon ng open source software — libreng software para raw gamitin ng buong mundo. Sabi raw, para labanan ang dominasyon ng mga tulad ng Microsoft, mag-open source operating system (i.e. Ubuntu). Libre ang software, pero kung gusto mo ng serbisyo, babayaran mo sila. Essentially, kapitalista pa rin ang oryentasyon, kaya madaling nako-coopt ng kapitalismo at ngayon kahit ang Microsoft, sa pagkakaalam ko, nag-e-employ na rin ng open source programmers para idebelop ang systems nila. Parang nakahanap lang ng bagong pagkakakitaan ang programmers sa open source. Tulad ng sinabi ni Zizek, may gamit sa mga progresibo ang open source, pero dapat maging wary sa underlying intentions nito. Hindi naman layunin ng open source programmers na ilagay sa kapangyarihan ang mga manggagawa ng Microsoft o ng mundo. Gusto lang nila pagkakitaan ang iilang discontented sa existing system o hindi kayang mag-buy-in sa sistema.

    Same goes for internet access. Bilang mga progresibo, kailangang mag-ingat sa pagsigaw ng hosana sa “dumaraming bilang ng internet users sa Pinas.” Puwedeng larangan ng paghimok sa mga tao ang internet, pero kailangang mag-ingat. Hanggang kailan ito magiging totoo? (krisis ngayon diba)

    Hanggang anong halaga mapipilitang maibaba ng mga kapitalista ang presyo ng mga surplus computers? Hanggang kailan mag-e-expand ang dami ng internet shops? I suspect, malapit na umabot sa hangganan ng maaaring abutin ang internet usage sa Pilipinas na nalulugmok na lalo sa krisis. Pero kailan ito magaganap, hindi ko tiyak. Ang tiyak ko, hindi ito maaaring maging pangunahing lunsaran.

    Pero in the meantime, blog ka lang, Teo. Hehe.

  • kapirasongkritika  On March 30, 2009 at 6:42 am

    @ Kontras: Bad trip talaga, ano? At napapa-Ingles ka tuloy! Hehe. Siguro para takutin ang mga Amerikano at tumanaw pa rin ng “normalisasyon” pagkatapos ng krisis na ito.

    @ Kwentong Marino: Ah, may pagpapanggap pala. Hehe. Balita ko, iyung mga saleslady, pahirapang makapag-CR, hihingi ng permit, kakapkapan, nakatayo maghapon.

    @ KRGuda: Inasahan at inasam ko talagang magkomento ka. Akala ko, ang ikukwento mo iyung mga CSR na nag-oobliga sa mga benepisyaryo na maging Kristiyano. Teaching them how to fish? Hehe. Parang weird nga iyung pag-awit ng hosana sa sinasabi mo. Pwede talagang larangan ito ng tunggalian, pero hindi ikaw ang nagtatakda noon para matuwa sa pagbabago nito. True, dapat hindi naman OC sa pagpatol dito sa Internet. True, in the meantime, magba-blog lang ako lagi. Hehe. Biro lang!

    • weesy  On July 23, 2009 at 9:16 pm

      …at dapat hindi bababa sa one inch ang takong ng sapatos. lol. maliban na lang kung buntis ka ng 6 months.

  • E.P  On April 3, 2009 at 5:17 am

    inperness, magaling na taktika yang csr. maraming naaakit mula sa gitnang uri. nakakaligtaan na suriin ang totoong katangian ng isang korporasyon dahil nga nasbrahan sa feel good movies at yun nga nabibigyan na sila ng venue para tumulong at ng sa gayu’y magkaroon ng feel good feeling.

    napaka-ironic nga din na imbes na internal na pagkukulang ng korporasyon ang tugunan, pakikisangkot sa isyung panlabas ang binibida. at ang mga isyu’y pinoposisyon pa bilang tolerable other. panalo, ang korporasyon na mukhang kita, mukhang pera na may mukha ng bayani, ngayon may makataong mukha na.

  • kapirasongkritika  On April 3, 2009 at 12:55 pm

    Totoo ka diyan, E.P. Marami talagang naakit na panggitnang uri at parang feel-good movies nga ang nakita nila. Ang kailangang balikan, naging posible ang lahat ng ito dahil sa napakagandang kalagayang ibinibigay sa mga korporasyon para magpalobo ng tubo. Makataong mukha — at posible habang-panahon.

  • E.P  On April 3, 2009 at 11:13 pm

    mr. t, ano sa tingin nyo ang mainam na taktika para mahatak ang mga panggitnang-uri na nahuhumaling sa csr? marami-rami na rin kasi akong nabasa at nakausap na sinasangkalan ang csr bilang manunubos mula sa mga kontradiksyon. karamihan talaga, kundi man lahat, bilib na bilib sa potensyal ng ganung programa. tingin nyo po?

  • kapirasongkritika  On April 7, 2009 at 10:27 am

    Sa tingin ko, iyung take ni Zizek ang isang maganda: Ang ipakilala pa rin ang pagsasamantala at ibayong pagsasamantala na pinagmumulan ng CSR. Pwedeng ilantad ang bawat programa sa mga kahinaan nito, pero hindi nito masasapul ang mayor na punto. Tapos dahil nga nakabatay ito sa klimang “business as usual,” hindi ito sustainable. Ni hindi teaching men to fish, kumbaga sa Bibliya. Happy Easter!

  • KM  On April 7, 2009 at 11:17 am

    I should admit, sumama ako sa CSR ng aming kumpanya. Sa amin kasi, may katumbas na isang VL ang pagsali sa CSR. Pero gano man karami ang nasalihan mo, isang VL lang ang katumbas nun. Mostly naman ng kakilala ko ay yun ang habol kaya kahit 3-4 CSR activities ang inooffer monthly, once a year lang kami sumasali. Yung VL o para mas mataas ang score card. May dagdag points daw kasi yun sa aming grade.

    Well, siguro, tama kayo, may mga nakakaramdam din naman ng fulfillment pag sumasama sila sa CSR. Basta ako, hindi. Hehe. Balahura.

  • kapirasongkritika  On April 7, 2009 at 7:23 pm

    Hehe. Balahura nga. Part nga daw ng objective ng CSR ang makaramdam ng maganda ang mga staff ng mga kompanya. Iyung mga kompanya ng yosi, halimbawa, na kahit sinusunog nila ang mga baga ng mga tao, nagkakaroon sila ng kasiyahan sa paglilingkod sa tao. Hindi ko lang alam ang partikular na porma ng pagsasamantala sa kompanyang pinagtatrabahuan mo. Iyun naman ang bottomline kung bakit hindi ka masaya sa CSR di ba? Ingat!

  • KM  On April 8, 2009 at 5:28 am

    Masaya naman yung CSR namin, Reading Session sa mga Grade 1 ng isang public school na malapit sa opisina namin yung sinalihan ko. Nakakatuwa yung mga bata dun; nakakatuwa naman kasi ang mga bata, in general. Isinama ko rin ang anak ko at enjoy din sya. Hindi pa ako nagbabalak na sumali sa tree-planting o GK – malalayo kasi.🙂

  • kapirasongkritika  On April 12, 2009 at 2:46 pm

    Nakakatuwa namang nag-enjoy ka at ang iyong anak. Hehe.

  • bolix  On April 14, 2009 at 3:16 am

    maaaring hindi nabanggit ni pollitt, ngunit sa developed countries nag-iiba na rin ang katangian ng CSR, noon pa (kasi mga 3 o 4 years ago pa yata ito inilecture sa amin). iniintegrate na mismo ang CSR bilang bahagi ng negosyo. ibig sabihin, direktang pinagkakakitaan na ito at hindi sideline lamang na ipinatutupad thru isang foundation tulad ng nangyayari sa pilipinas. pero mahabang usapan yan. ang gusto ko lamang pagtuunan ng pansin ay ang kalakaran ng “pagkakawanggawa” ng “malalaking korporasyon” sa atin. nababanas kasi ako sa practice ng mga kumpanyang tulad ng ABSCBN, Jollibee, at SM na nanghihingi lang ng donasyong pera, oras, labor, libro, laruan, at kung anu-ano pa mula sa mga karaniwang tao (tulad mo, tulad ko) para sa mga “CSR” nila. wala akong datos kung gaano nga kalaki ang ginagastos mismo ng mga kumpanyang ito na mula sa SARILI NILANG bulsa/tubo pero sa tuwing magpapasalamat ang Sagip Kapamilya sa pamilya ganito-ganire dahil nagdonate sila ng ganitong halaga para sa operasyon ng isang sanggol o kada pasko na nanghihingi ng sandamukal na laruan si aga muhlach sa TV, umiinit ang dugo ko. baket? wala bang pera ang mga korporasyong ito? tas palalabasin pa nila na “tulong/CSR” ng kumpanya nila ito?!

  • kapirasongkritika  On April 15, 2009 at 5:35 pm

    Bolix, salamat at napakomento ka! Natutuwa ako’t buhay na ulit ang blog mo at mukhang ginaganahan kang magsulat ngayon. Hehe.

    Ikaw, ha. Pinapa-sense mong alam mo ang kalakaran ng CSR sa ibang bansa. Bakit nga ba? Hehe.

    Oo nga, ang sagwa ng hihingi ng tulong sa ibang tao tapos imahen naman nila ang gusto talaga nilang pagandahin. Isa na namang masamang mukha ng penomenon na ito. Hehe.

  • jeanie  On May 1, 2009 at 3:51 am

    CSR? topic namin ngayon sa project yan..oo nga andun yung intention nila na idivert yung attention ng masa sa kanilang unethical na mga gawain pero tumingin tayo sa kabilang side, madai na din naman silang natulungan ang totoo nyan, akoy skolar ng isang bangko bilang parte ng kanilang CSR at nagpapasalamat talaga ako. hindi naman maiiwasan ang mga unethical na gawain ng mga “kompanya” na yan pero ito ay dahil na rin sa maluwag na pagsusupervise ng isang gobyerno, bakit maluwag kasi nga laganap ang graft and corruption na nangyayari.. magkakakabit na problema na hindi malaman kung nasaan yung dalawang dulo pero mas mabuti ng magCSR sila kesa mapunta lang sa bulsa ng mga magagaling na politiko..

  • kapirasongkritika  On May 3, 2009 at 7:15 am

    Hindi lang “unethical” na praktika nila ang problema, kundi iyung itinuturing din na “ethical” — sentral ang pagpiga ng tubo sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Dito nakatuntong ang CSR.

    Pero totoo namang nakakatulong ang CSR. Sabi ko nga, sa sama ng lagay ng bansa, maipagpapasalamat na natin ang tulong na ito.

    Hindi lang iyung lihim na “graft and corruption” ang problema sa mga kompanyang nagsi-CSR. Pati iyung mga gawaing lantad at pinapayagan ng batas, na nagpapahintulot ng mas matinding pagsasamantala nila sa mga manggagawa.

    Salamat sa komento!

  • Anita Bakery Ei-4  On July 24, 2009 at 4:45 am

    Mr. M, kami po may CSR din sa kumpanya at masasabi ko namang talagang sinsero ito sa pagtulong sa mga pulis, lalo na sa pagbibigay sa kanila ng financial assistance kung ang anak, asawa o iba pang kapamilya and nagkakasakit o namamatay. At mula ito sa mismong pondo ng kumpanya, wala kaming hinihingi mula sa kaninuman.🙂

    Isa pa po, mukka po kayong magaling kumanta, na se-sense ko lang po.🙂

  • kapirasongkritika  On July 25, 2009 at 6:06 pm

    Salamat sa komento, Anita Bakery Ei-4! Nagtitiwala naman akong may mga sinsero talagang pagsisikap ang mga kumpanya sa pagtulong, katulad ng sa inyo siguro. At mayroon namang mga empleyadong taos-pusong ginagawa ang CSR nila.

    I will neither confirm nor deny. Hehe. Salamat sa komento!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: