Tanggalan sa Trabaho sa Termino ng Tubo (2)

 

 

Kakatwa ito, ang sitwasyong napakaraming walang trabaho – at tiyak na naghahanap ng trabaho – gayung napakarami nating kailangang gawin bilang isang lipunan, isang sambayanan. Kung pangangailangan lang ng lipunang Pinoy ang pagbabatayan, hindi lang masasapatan ang mga pangangailangan natin, may trabaho pa tayong lahat.

 

Alam ng marami, at lalo na ng nakakarami, ang mga pangangailangang ito pero magandang isa-isahin para ipakita man lang kung gaano kasimple. Kailangan nating:

 

>> Pakainin ang mga nagugutom – “nagutom nang hindi ginugusto” pahabol nila.

 

>> Gawan ng bahay ang mga walang bahay.

 

>> Papag-aralin ang mga hindi nakapag-aral o kulang sa pag-aaral.

 

>> Bigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga matagal nang wala nito.

 

>> Linisin ang paligid, tampok ang mga ilog, at magtanim ng mga puno. 

videoke2

videoke3

videoke4

 

Makikita ang napakababang antas na inabot ng Pilipinas sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahambing sa naunang panahon (sa pagkain, halimbawa: mula sa galunggong noong panahon ng rehimeng Marcos-Aquino hanggang sa sardinas paglaon at hanggang sa instant noodles ngayon), sa inabot ng ibang bansa (sa kalusugan, halimbawa: nagkakaroon pa rin ng pana-panahong pagkalat ng mga sakit na nakamamatay sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon, gayung mga sakit itong ilang siglo nang nagamot at napuksa sa maraming abanteng bansa), at sa nakakamit ng bansa pero hindi nito napapakinabangan (sa larangan ng edukasyon, halimbawa: maraming nagtatapos sa kolehiyo na guro pero nangingibang-bansa para magtrabaho).

 

Ang problema, ang namamayani sa ating bansa ay ang interes ng iilan (mga dayuhang imperyalista at mga lokal na kapitalista at panginoong maylupa), hindi ng nakakarami; ang kita ng mayayaman, hindi ang kabuhayan ng mga maralita; ang hinihingi ng pandaigdigang pamilihan, hindi ng lokal na mga pangangailangan ng mga mamamayan; ang kumpetisyon at hindi ang kooperasyon sa ekonomiya at lipunan. 

 

Kung papawiin, kahit pansamantala, ang napakaraming masamang propaganda hinggil sa sosyalismo – na madalas na nakaugat sa masamang karanasan sa mga bansang pekeng sosyalista – ito naman talaga ang tunay na kahulugan ng sosyalismo: ang paghawak ng mga mamamayan sa kanilang buhay at hinaharap sa pamamagitan ng kolektibong pagpaplano sa kanilang kabuhayan, sa kanilang ekonomiya, nang batay sa kanilang mga pangangailangan. Ito ang layunin ng kanilang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika, ng kanilang pagkilos at pag-aalsa para sa pagbabago.

 

Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, itinuturo ng mga propesor sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas na likas na makasarili ang tao, na sa pagsusulong nila ng kanilang indibidwal na interes, isinusulong na rin nila ang kolektibong interes ng lipunan – ikakatuwa nina Bernie Madoff at Celso de los Angeles. Ang kalubusan daw ng pagkatao ng tao ay ang kumpetisyon sa tinatawag nilang “malayang pamilihan” – ang makahayop na pakikipagtagisan ng tao sa gubat na ito.  

 

Iba syempre ang pagtingin ni Karl Marx, ama ng sosyalismo. Tanong niya sa sarili: Ano ang kaibahan, o lamang, ng tao sa hayop? Unang sumagi sa isip niya ang kakayahan ng taong iprodyus o likhain ang mga pangangailangan nila. Pero naisip niya ang kolektibong pagsisikap ng mga hayop para mabuhay – ng mga putakti, halimbawa. Pero ano, tanong niya sa sarili, ang lamang ng pinakamahusay na putakting gumagawa ng pulot sa pinakabobong arkitektong gumagawa ng bahay? Sagot niya: Bago pa man mabuo ang bahay, umiiral na ito sa isip ng arkitekto – ibig sabihin, resulta ito ng isang plano. At iyon, para sa kanya, ang lamang ng tao sa hayop, ang kakayahan nating magplano kung paano natin tutugunan at sasapatan ang ating mga pangangailangan.

videoke5

videoke6

videoke7

 

Makabuluhang idagdag na para kay Marx, at sa iba pang sumunod na Marxista, dalawa ang pakahulugan ng kalikasan: ang kapaligiran at ang kalikasan ng tao bilang hayop na nagugutom, kailangan ng bahay, at iba pa. Ito ang gusto niyang pangibabawan ng sangkatauhan. Tumatampok kay Marx ang tunggalian ng mga uri dahil hindi natin maharap bilang mga tao ang kalikasan dahil sa bulok na internal na pagkakaayos ng lipunan ng tao. (Bakit halimbawa maraming maralitang namamatay dahil sa bagyo?) Pero hindi lang pagpapakain sa sangkatauhan ang ambisyon ni Marx. Ang ideyal niya ay ang pagpapalaya at pagpapalago sa mapanlikhang kakayahan ng mga tao – sa isports, halimbawa, o sa sining – na iginigilid ng lipunang ito o kinukutya pa nga nito.

 

Noong dekada ’80 sa Inglatera at US, may isang sikat na islogan na lalong pinasikat ng pagbagsak ng mga bansang tinatawag na sosyalista bagamat matagal nang tumalikod sa sosyalismo: ang TINA, o There is No Alternative – to Capitalism, syempre pa. (Baka seksista nga lang kung papasikatin ito sa katawagang “Tang-INA” ng mga progresibo sa bansa.) Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, halos palabasing kayang tugunan ng tubo at kapital ang lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan – o bulok ang kapitalismo pero ito na ang pinakamahusay na sistemang mayroon tayo.

 

Ngayon, sa pagputok ng isa sa pinakamasahol na krisis ng kapitalismo, matapos ang isang panahon ng kasaganaan-para-sa-iilan na lumilitaw na panahon pala ng pagsisikap ng kapitalismo na alpasan ang naunang mga krisis at ang palagiang krisis, nagiging malinaw na wasto ang sinabi ni Samir Amin, progresibong ekonomistang Egyptian, na “Walang alternatiba sa sosyalismo.” Anumang pagsisikap ng kapitalismo na pangibabawan ang krisis, likas dito ang krisis, at ang pagtrato sa lakas-paggawa ng tao bilang kalakal. Hindi ito maaasahang magbigay ng trabaho sa lahat, at isulong ang interes ng nakakarami. Walang alternatiba sa sosyalismo. Walang alternatiba rito. Wala.

 

Naalala ko tuloy ang isang sanaysay ni Alice Walker, Aprikano-Amerikanong nobelista, na isinulat niya noong panahong tampok pa ang pagiging sosyalista niya. Sabi niya, “Sabi nila, sa Tsina, wala nang puta at pulubi. Magandang umaga, rebolusyon!”

 

 

12 Abril 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: