At si Nicole ang Hinatulan

(1)

Sa harap ng masamang balita, nakakatuwa na rin kahit paano: na nagkaisa ang maraming komentarista (Angela Stuart-Santiago, Manuel Buencamino, Patricia Evangelista, Ricky Carandang, Rina Jimenez-David) sa mariing pagkondena sa pagpapawalang-sala at pagpapalaya ng Court of Appeals kay Lance Corporal Daniel Smith sa kaso ng paggahasa kay “Nicole.” Gaya ng alam ng marami, nangyari ito matapos mahatulang maysala si Smith ng mas mababang korte.

Sa mga isinulat nila, ipinakita nila na absurdo, mababaw, konserbatibo at kontra-kababaihan ang mga batayan ng CA sa pagsasabing “isang ispontanyo, di-planadong yugtong romantiko” at hindi isang panggagahasa ang naganap kina Smith at Nicole. Idinetalye nila ang mga implikasyon ng desisyong ito sa kababaihang Pinoy, sa mga Pinay, partikular ang di-tahas nitong pangangaral tungkol sa kung paano sila dapat kumilos at mabuhay – para hindi magahasa.

Sa kabilang banda, nag-iingay ang Kano Sa Pag-iisip at Kulang Sa Pansin na si Dean Jorge Bocobo tungkol sa “pagpapalagay ng pagiging inosente (presumption of innocence)” kahit pa inamin niyang “walang kwentang tambay (useless bum)” lang naman siya. Na para bang kailangang yakapin ang palagay na ito hangga’t may naiisip na palusot ang depensa sa kaso. Na para bang hindi nakabatay ang paghawak dito ng mga hukom ng CA sa konserbatibong pananaw sa daigdig.

Kinukutya ni Bocobo ang pagtuligsa ng mga komentarista sa mga hukom ng CA. Pero dahil sa desisyon nila, talagang tinatawag ng mga hukom na ito ang pansin at atensyon ng publiko sa kung sino sila. Lantad na lantad ang konserbatibong (im)moralidad nila sa kasong ito – lutang na lutang kung ihahambing sa mas makabago at lumalaganap na pagtingin sa ugnayan ng mga lalake at babae sa lipunan. At sa (im)moralidad na ito nakabatay ang mga desisyong legal nila.

Bagamat mas brutal ang kwentong nililikha ni Mon Tulfo tungkol sa naganap, masasabing magkatugma ito sa kwentong nilikha at pinaniwalaan ng CA: Kwestyonable ang kredibilidad ni Nicole bilang “malinis” na babae, gusto lang niyang makasiping ang isang gwapong Amerikano kaya inakit ito, at naghabla lang ng gahasa dahil nabastos sa pagtapon sa kanya sa gilid ng kalsada. Tugma samakatwid ang “malinis” na legalidad sa isang naratibong “marumi.”

daniel-smith-freed

(2)

Sa isang banda, hindi nakakagulat ang desisyon ng CA. Pinilit na ikondisyon ang opinyong publiko para tanggapin ang hatol na ito. Malaking bahagi sa pagkondisyong iyan ang napabalitang “pagbawi (recant)” ni Nicole sa testimonya niyang pinagbatayan ng naunang hatol kay Smith. Mas sa larangan ng opinyong publiko natin mailulugar ang balita at kontrobersyang ito dahil may nagsasabing walang halaga sa korte ang pinirmahang affidavit ni Nicole.

(3)

Tampok man ngayon sa mga komentaryo ang implikasyon ng kasong Smith-Nicole sa ugnayang lalake-babae sa lipunan, sa dulo, malinaw na makikita ang relasyong pangunahing humubog sa kasong ito: ang ugnayang US-Pilipinas. Malinaw na maging ang sistemang “pangkatarungan” ng bansa – na diumano’y nakabatay sa mga prinsipyong “unibersal,” ayon sa pantasya ng mga tagapagtaguyod nito – ay nahubog ng kapangyarihan ng US sa ating bansa.

(4)

Hindi man tampok na inilalantad ng mga komentaryo ang kabulukan ng sistemang “pangkatarungan” sa bansa, malinaw naman silang nag-aambag sa gayong paglalantad. Mahalagang sabihin ito dahil hindi man naikulong si Smith, mayroon pa ring makakamit na pangmatagalang tagumpay sa isyung ito: ang pagkamulat, buhay na edukasyon, ng mga mamamayan batay sa kongkretong karanasan hinggil sa kabulukan ng sistemang “pangkatarungan” sa bansa.

jun-lozada-dinakip

jonas-burgos-2-years-missing

(5)

Pinapatotohanan ng nangyari sa kaso ni Nicole ang mga sinabi ni Andrea Dworkin, radikal na feministang Amerikano, hinggil sa panggagahasa sa libro niyang Heartbreak: The Political Memoir of a Feminist Militant [2002]. Oo, radikal na feminista si Dworkin, mas madiin sa ugnayang lalake-babae at mas “radikal” ang mga gustong hakbangin kaysa sa kilusan para sa pagpapalaya ng kababaihan sa bansa. Pero makabuluhan ang mga pagtingin niya sa usaping ito.

“Walang kahihiyang pinapaboran ng mga alituntunin sa ebidensya ang akusadong (mga) manggagahasa at winawasak ang dignidad ng biktima… Pinaghihinalaan pa rin ang biktima… Nagsinungaling siya, nagsinungaling siya, nagsinungaling siya: nagsisinungaling ang mga babae. Ipinapakita ng mga marka ng kagat sa likod niya na gusto niya ng marahas na pagtatalik, hindi kinagat ang likod niya ng isang nang-abusong sekswal. Pinapatunayan ng pagpunta niya kasama ng kaibigan niya sa hayskul sa Central Park at sa kanyang kamatayan – sinakal siya gamit ang bra – na gusto niya ng marahas na pagtatalik. Isang babae ang tinortyur at ginahasa ng kanyang asawa; sobrang arogante niya, nag-videotape siya nang kalahating oras, kasama ang paggamit niya ng kutsilyo sa suso ng babae. Pinawalang-sala siya ng jury, na may walong babae – inisip nilang kailangan niya ng tulong. Kailangan. Niya. Ng tulong.

Dati… ipinagpapalagay na ang babae ay sekswal na mapang-akit o gustong wasakin ang lalake sa pamamagitan ng palsong kaso ng panggagahasa. Ngayon sa Estados Unidos, walang katapusang inuulit ang tanong: may kredibilidad ba siya? Para magkaroon ng kahit kaunting kahulugan ang tanong na ito, dapat maniwalang pinipili ng mga nanggagahasa ang kanilang mga biktima batay sa kredibilidad…: ‘Ay, may kredibilidad siya; gagahasain ko siya.’ O, ‘Wala, wala siyang kredibilidad; maghihintay ako hanggang may mapadaang may kredibilidad.’

Nananatiling akusado sa midya ang ginahasang babae…” (“One Woman”)

banal-at-maka-diyos

“Kailangan ng isang komunidad ng kababaihan para mahuli ang isang manggagahasa. Ang ilang manggagahasa ng bata, nakamolestiya o nakaatake na ng daan-daang bata bago nahuli dahil sa unang krimen. Ang mga manggagahasa ng nasa-edad na kababaihan ay mayaman at mahirap, basurang puti at basurang itim, tuso at brutal, matalino at bobo; ang ilan, matatagumpay sa karera; ang ilan, mayaman; ang ilan, tanyag. Dahil laging nililitis ang babae – sa pagkakataong ito para masuri ang kanyang kredibilidad – kailangang laging mayroong mahigit sa isang tulad niya para patotohanan ang padron ng pambibiktima ng nang-abuso.

Nakatali sa partikular na kasarian ang isyu ng kredibilidad: nakakamangha kung paanong sa dami ng mga panggagahasa, mayroong napakakaunting manggagahasa. Kapag sinundan mo ang kontra-babaeng pag-uulat hinggil sa panggagahasa, kailangan mong magbigay ng kongklusyon na siguro’y mayroon lang limang lalake. Ang pinakamasahol sa sistemang ligal na nagbibigay ng halaga sa halaga ng akusado higit sa halaga ng biktima ay laging nagmumukhang malinis ang hayop: ama ng kung sino, kapatid ng kung sino, anak ng kung sino.

… Kahit aaminin ng mga abogado para sa depensa ng kriminal na bihira silang magkaroon ng kliyenteng inosente, laging binabato ang publiko ng linyang basura: Mayroon akong kapatid na babae; mayroon siyang kapatid na babae; tingnan mo ang maganda niyang damit; tingnan mo kung gaano siya kalinis. Siya, ang babae, basura siya.” (“It Takes a Village”)

03 Mayo 2009

Basahin ang magandang mga entri ni Kristine “Geng” Matusalem (1, 2) tungkol sa mga huling desisyong ng mga korte sa bansa. Maganda ang isinulat ni Roel Flores tungkol sa pagiging kongresista ni Hen. Jovito Palparan.

Maganda ang tuligsa ni Bikoy Villanueva sa kampanyang “Ako Mismo” na napapanood natin sa telebisyon ngayon.

Ruptures, ruptures, puro na lang ruptures! Basahin ang huling entri nina Tanglad at Sarah Raymundo. Sana magsulat pa sila ng bago.

Tuloy ang laban sa ika-25 taong anibersaryo ng pelikulang Sister Stella L., sabi ni Rolando Tolentino.

Ang ganda ng bagong disenyo ng Pinoy Weekly! Padayon!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jcc34  On May 3, 2009 at 4:03 pm

    nice point of view… please read my point of view.

  • kapirasongkritika  On May 3, 2009 at 9:40 pm

    Ang mga sumusunod po ba ang tinutukoy ninyo?

    http://jcc34.wordpress.com/2009/04/28/560/

    Nice point of view din po.

    Maganda po siguro mabalanse ang pagtingin ninyo sa kasong ito ng mahabang kasaysayan ng paano hinarap ng kilusang kababaihan at ng iba’t ibang bansa sa mundo ang rape. Kahit po siguro ang racism.

    Iginagalang ko ang pagtingin ninyo kung ano dapat ang korte at sistemang pangkatarungan sa bansa. Eh kaso hindi nga po ganoon.

  • diwa81  On May 6, 2009 at 9:33 am

    nakakalungkot talaga ang desisyong ito. nabasa ko lang sa editoryal ng Inquirer ang ilang sinipi nila mula sa desisyon ng CA. talagang nakakasuka. biglang gumuho ang lahat ng pakikibakang ligal ng mga kababaihan dito. kakarampot pa nga lang ang nagiging tagumpay dito, nabura pa dahil sa desisyong ito. ilan sa nakakagulat sa mga desisyon:

    1. hindi tinanggap ang “No.” ni nicole kay smith habang ginagahasa na siya. samantalang kahit sa pinakaatrasadong mga magasing pangkalalakihan na naglalabas ng pornograpiya habang nagpapanggat na sining, marami na ang nagsulat na “No means no!” kahit pa asawa ng lalaki, kapag tumanggi ang babae, dapat igalang ito. at ang pa-ayaw ng babae ay wala nang ibang kahulugan gaya ng iniisip ng maraming lalaki kaya nagpapatuloy sa ginagawa. dito pa kaya sa kaso ni nicole na langung-lango sa alak?

    2. paulit-ulit na sinasabi ng korte na hindi nila naging batayan ang naging pagbawi ni nicole, pero mahirap paniwalaan ito dahil ang linya ng depensa ni smith, ang ginawang pagbawi ni nicole, at ang desisyon ng CA ay parehong-pareho.

    3. at ang pinakanakakagulat, ang mga hukom na nagdesisyon ay pawang BABAE. kung mga lalake ang hukom, maiintindihan mo pa ang pagiging macho nila, pero mga babae sila?

  • kapirasongkritika  On May 9, 2009 at 2:46 am

    Welcome sa blog na ito, Matang Pobre! Ili-link ko rin ang makabuluhang blog mo rito. May isa na namang nagsusulat sa wikang Filipino! Hehe. FHM ba ang tinutukoy mo sa No.1? Hehe. Iyan ang linya ng mas “makabago” sa mga magasin, pero hindi naman sila binabasa, hindi ba? Hehe. Mukhang nakaapekto talaga ang “pagpapahina” na ginawa ni Nicole sa testimonya niya. Marami kasi ang nagsasabing hindi ito “pagbawi.” May mga babae ring macho eh. Hehe. Macho mag-isip. Salamat sa komento!

  • diwa81  On May 9, 2009 at 6:01 am

    ako, hindi ko sasabihing nakapahina ang pagbawi ni nicole. sa tingin ko, kahit wala iyon, ganito pa rin ang magiging desisyon ng CA. bahagi na lang ang pahayag ni nicole sa kabuuang plano, para mas madaling ipatanggap sa publiko. biruin mo, ngayon lang, katakut-takot na ang inaabot na puna ng CA, paano pa kaya kung wala ang pagbawi ni nicole? at naniniwala akong napilitan lang siyang gawin iyon dahil sa matinding pressure sa kanya.

  • kapirasongkritika  On May 12, 2009 at 9:51 pm

    Sorry, matagal bago naka-reply. Hehe. Parang text lang. Sang-ayon ako, diwa81. Malamang na ganyan pa rin ang desisyon. Mas malamang nga na sa opinyong publiko nagamit ang affidavit. Iyun nga talaga ang nag-set ng tone. Ako man, iyan ang paniwala: na napresyur talaga si Nicole. Isipin mo nga naman: Karaniwang Pinay laban sa imperyalismong US. Kailangan talagang komunidad ng mga mamamayan ng lumaban.

  • diwa81  On May 12, 2009 at 10:24 pm

    kaya tama ang sinabi ng Gab na intindihin si nicole. hindi ko alam ang ditalye ng statement nila pero ito ang pananaw ko diyan: http://kulitkukote.wordpress.com/2009/03/18/subic-rape-case/

  • kapirasongkritika  On May 15, 2009 at 11:07 am

    Tama, dapat talagang intindihin o unawain si Nicole.

    Salamat sa pagpo-post ng pagtingin mo. Sa susunod, isasama kita sa mga inili-link ko sa mga entri.

    • diwa81  On May 16, 2009 at 12:12 am

      salamat. baka sakali, maambunan ako ng libu-libo mong fans! hehehe.

  • kapirasongkritika  On May 19, 2009 at 7:32 am

    Hindi naman libu-libo. Hehe. At hindi sila fans. Hehe. Mambabasa lang. Hehe.

Trackbacks

  • By MatangPobre on May 7, 2009 at 7:56 am

    […] Ingles nga: “No means no.” naikomento ko na ito sa isang blog ng kabigan ko sa KapirasongKritika, kahit sa pinakaatrasadong magasing pangkalalakihan na nagpapalabas ng pornograpiya habang […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: