Gilbert Teodoro para Pangulo

Nabwisit ako sa panonood ng laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton noong Mayo 3. Bukod sa maraming pulitiko sa labas ng ring, marami ring pulitiko sa labas ng programa. Tinutukoy ko ang mga pang-eleksyong patalastas ng mga opisyal ng gobyerno na nagpapanggap na tungkol sa mga programa at adbokasiya nila.

Partikular na nakakabwisit ang kay Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of National Defense at natitsismis na tatakbong presidente sa eleksyon sa 2010. Galing na nga siya sa mayamang angkan ng mga Cojuangco, lantad pa niyang ginagamit ang pondo ng gobyerno para sa patalastas niyang pang-eleksyon. Kapal ng mukha.

Pero mukhang araw talaga iyon ng opensang pampropaganda ni Teodoro. Siya rin ang nasa pabalat noon ng Starweek, panlinggong magasin ng Philippine Star – na ayon sa isang entri ni Kenneth Guda ay pwedeng tawaging “Palparan “Star” dahil sa mapagpanggap pero malinaw na pagtatanggol nito sa berdugong si Hen. Jovito Palparan.

MILITARISTA

Sa artikulong “Defense Secretary Gilbert Teodoro: Setting his Sights on the Palace,” tinalakay ni James C. Mananghaya ang nasa pabalat ng magasin. Inilatag niya ang mga patakarang gustong ipatupad ni Teodoro, ang nakaraan at pagkatao nito, at ang kakayahan nitong tumakbo at manalo bilang pangulo sa darating na eleksyon.

Ganito ang panimula ni Mananghaya: “Nahaharap sa maraming klase ng problema – mula sa kapayapaan at kaayusan hanggang sa pandaigdigang krisis pampinansya hanggang sa isang nagbabantang pandemiko (pandemic) – tiyak na haharap sa gabundok na mga hamon ang susunod na pangulo ng Pilipinas.”

Sa sunod na talata, biglang partikular: “Itinakda rin ng gobyerno ang 2010 bilang target na deadline para gapiin ang deka-dekada nang insurhensyang Komunista, ang banta ng terorismo ng Abu Sayyaf, at kamtin ang makatarungan at tumatagal na kapayapaan sa Mindanao.” Pasakalye ito para ipakilala ang magandang “rekord” ni Teodoro.

Adam SandlerBob Dylan

Blasphemy: Separated at birth?

Ang galing ni Mananghaya, hindi ba? Tatlo ang posibilidad: (1) May problema siya sa lohikal na paghahanay ng mga punto, (2) napwersa siyang isulat ang artikulo batay sa kakarampot na pananaliksik, o (3) gusto talaga niyang ipahiwatig ang militaristang paniniwala na ang paggapi sa mga rebelde ang pinakamahalaga at susing problema ng bansa.

Sabay pasok ang pananalitang “matalino” ni Teodoro: “Sa tingin ko ang mas malaking problema, ang leksyong natutunan, ay ang aspekto ng pagmamantine (hold aspect). Ipagpalagay nang nakapagnyutralisa tayo, paano natin hahadlangan ang mga bantang ito, paano natin sila pipigilang maulit, at konsolidahin sa wakas ang bagong bawing mga erya?” Syempre, tinutukoy niya ang pagharap sa New People’s Army at Moro Islamic Liberation Front – na bara-bara niyang ihinanay sa Abu Sayyaf.

Sinagot ni Teodoro ang tanong niya: “Kailangan natin ng pagpaparami ng pwersa at ng muling pagsasaayos at muling pag-aaral sa ating mga alituntunin at estratehiya sa operasyon natin sa erya. Mayroon tayong kakayahang ipagtanggol ang mga komunidad at umookupa na tayo ng mga tiyak na erya. Gayunman, sa mas mahalaga at mas tiyak na mga larangang pang-operasyon, o sa mga usaping tiyak ang target, kulang ang kakayahan natin.”

Sabi pa niya, kailangang magparami ng mga pulis para sila na ang humarap sa mga usaping internal sa bansa, at para makatutok ang militar sa mga usaping eksternal. Sa mga salita ni Mananghaya, dapat na kaalinsabay nito ang “mga proyektong pangkaunlaran” na “hindi magiging epektibo kung walang matatag na hakbangin ng pagharap sa armadong aspekto ng mga grupong rebelde at terorista.”

Natutuwa siya na nagtulak ang sangay-ehekutibo at tumugon nang positibo ang sangay-lehislatibo na magkaroon ng “dagdag na tatlong batalyong infantry” bukod pa sa “pagrerekluta ng tatlo pang ibang batalyon, para punuan ang mga yunit.” Dapat daw na magpatuloy ang pagpaparaming ito. “Sa tingin ko, kailangan natin ng hindi bababa sa 12.” Ito na ba ang bagong hanapbuhay na hinihintay ng mga walang trabaho sa bansa?

Sa madaling salita, militarismo at militarisasyon ang programa para sa bansa ni Teodoro. At komportable lang siyang talakayin ito nang gamit ang teknokratikong wika o jargon ng militar – pinapanatag ang mga nasa gitna at nakatataas na uri na may kung anong lohika at katwiran sa likod mga hakbangin ng militar.

new_yorker_cartoon_1000

Pero hindi rebelyon ang ugat ng kahirapan ng mga mamamayan. Baligtad: Kahirapan ang ugat ng rebelyon ng mga mamamayan. Kailangan pa bang i-memorize iyan? Kailangan.

MATALINO, MAPAGBIGAY

Kitang-kita ang bakas ng diktador na si Marcos sa rekord ni Teodoro: Kabataang Barangay, pinapasok ni dating Sen. Edgardo Angara na pangulo noon ng Unibersidad ng Pilipinas, tatay sa Social Security System, nanay sa Batasang Pambansa, nagtrabaho sa law firm ni Estelito Mendoza.

Pero hindi binanggit si Marcos sa artikulo. Nagpokus lang ito sa “talino” ni Teodoro: nagtapos ng abogasya sa UP, nanguna sa bar examinations, nag-aral sa Harvard Law School, tinanggap sa State Bar of New York.

Bakit siya tatakbong pangulo? Sabi ng misis niya, ni Rep. Nikki Prieto-Teodoro ng Tarlac, “Ang totoo, hindi isang kagustuhan ang pagkapangulo. Paraan ito para paglingkuran ang sambayanan, dahil napakaswerte namin at ang paraan para maibalik (give back) ito ay ang tulungan ang mga kapus-palad… Ito ang paraan namin ng pagsasabi ng ‘Salamat’ dahi kaunti lang ang pakinabang namin sa lahat ng sakit ng ulo na ito ng pagtakbong pangulo…”

Salamat sa pagtakbo mo, Sek. Teodoro! Hulog ka ng langit! Mabuti naman at nagkainteres kang paglingkuran kaming mga hindi katulad mong sinwerte sa buhay! Iyan din daw ang sabi nina Hen. Jovito Palparan at Komisyuner Virgilio Garcillano sa pagpasok sa gobyerno! UP, Harvard? Matalino ka? Kitang-kita sa mga dahilan mo ng pagtakbo!

Siguro, tatakbo talagang senador o bise presidente si Teodoro. Nagpapakitang-gilas lang. Samantala, ihinahatid niya ang linya ng rehimeng Arroyo sa iba’t ibang usapin sa hanay ng mga tumatakbong pangulo – dahil wala nga namang alam si Bise Presidente Noli de Castro. Siguro, napagtanto na rin ng mayamang angkang Cojuangco na para mapangalagaan ang interes nila bilang naghaharing-uri, kailangang magkaroon sa kanila ng militarista sa gobyerno – na mabuti ngang maging pangulo.

Gusto daw ng lahing ito na magpasalamat sa bayan? Bakit, hindi pa ba sila nasasapatan sa magagandang dulot ng pagpapasalamat nila sa bayan? Salamat na lang!

Beware of Dogma

Mr. Palengke vs. Mr. Sipag at Tiyaga

Magandang paghambingin ang huling patalastas nina Mar Roxas at Manny Villar. Kumbaga sa pananalita, piguratibo – o “figuratibo” siguro sa bokabularyo ni Prop. Roland Tolentino – ang kay Roxas: nakinig nang kaunti sa malungkot na kwento ng isang batang nagpepedikab, tapos kinuha na ang pagmamaneho sabay sabing “Lalaban tayo.” Literal naman ang kay Villar: mga kwento ng mga OFW na nagpapatotoong nakauwi sila dahil sa personal na pera ni Villar, sabay pasok si Villar para sabihing hindi niya kasi kayang minamaltrato ang mga nagsasakripisyo para mabuhay.

Nagdudulot ng inspirasyon ang kay Roxas, habang walang dating ang kay Villar. Parang nagbibigay ng pag-asa si Roxas habang mayabang ang dating ni Villar. Hindi ko lang maintindihan kung bakit, gaya ng itinuro ng isang kaibigan, “2” ang numero ng pedikab na minaneho ni Roxas – masamang pangitain para sa mga kababayan nating mapamahiin.

Kung anuman, panalo sa round na ito ang kay Roxas – na masamang pangitain para sa pulitika ng bansa: Mas kapani-paniwala ang piguratibo, habang walang dating ang literal at kongkreto. Hindi lang kasi partikular at kongkreto ang problema – kundi ang sistema, na mas akma sa abstraktong mga drama ng mga oportunista.

Erap-FPJ

Sarbey sa pagkapangulo

May sarbey ang Filipino Voices, tinatanong ang mga tao kung sino ang iboboto sa eleksyong 2010. Mas makakatulong siguro ang nasabing website sa pagmumulat sa mga kapwa-Pinoy kung ang itatanong ay ang mga kahilingan o demands ng mga mamamayan sa mga tumatakbong pangulo – na pwede pang maging pamantayan sa pagpili ng iboboto sa mismong eleksyon.

Kung ako ang tatanungin, gusto ko ng pangulong magtutulak na litisin sa korte ang pinakamatitinding paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang pantao ng mga mamamayan – tampok ang mga nasa likod ng pampulitikang pamamaslang, ng mga pagdukot, at ng pagmasaker ng mga nagwewelgang manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004. Mawawalan na ng immunity sa paghahabla si Gloria! Isulong natin ang hustisya!

13 Mayo 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • diwa81  On May 12, 2009 at 10:45 pm

    tungkol kay gibo, mukhang desidido talaga itong tumakbong pangulo. hindi ko nabasa iyong sa star, kaya ngayon ko lang nakita ang plataporma niya. nakakatakot ang pahiwatig nito, mukhang hindi siya sa mamamayang Pilipino nangangampanya, na alam niyang wala siyang habol sa mga mas kilalang pulitiko, mukhang sa US siya nangangampanya. mukhang naghahanda na talaga sila sa posibilidad ng pag-igting ng laban nila sa NPA at MILF. kaya hindi malayo na kung manalo siya, mas titindi ang interbensyong militar ng US.

    tungkol kay mar at villar, baliktad ang tingin ko doon. para sa akin corny ang ads ni mar, masyadong trying hard. iyog kay villar, alam kong mas pagpapapogi lang ang layunin niya, peo at least, kung totoo, nakatulong nga siya sa ilang OFW. hindi sapat iyon, kasama ng mga itik niya, para ibotong pangulo, pero kumpara naman sa ads ni mar, mas lumabas na trapo si mar, puro retorika lang.

  • kapirasongkritika  On May 15, 2009 at 11:13 am

    True, mukhang sa US nga nangangampanya itong si Teodoro. Baka nga paigtingin pa nila ang digma sa mga “rebelde.” Dalawa naman ang opsyon ng US: sumakay sa popular pero maka-US na kandidato, o lantarang magluklok ng pasista at hindi popular.

    Pero pwede talagang kailangan si Teodoro para maging malinis sa mata ng publiko si De Castro. Si Gibo ang hihigop ng lahat ng negatibo sa rehimen at magtatanggol dito.

    Naku, nag-conduct tuloy ako ng informal at totally unscientific na survey. Halos lahat ng nakausap ko, sinasabi mang parehong pangit — syempre pa, sino ba ang mga tinanong? — nagsabi namang mas pangit ang kay Villar. Hehe.

    Lumabas talagang trapo si Mar sa ginawa nila ni Korina sa Wowowee. Hindi ko talaga gusto si Korina…

    Tapos kung sa paggamit sa masa, mas garapal talaga ang kay Villar: Pinagsalita pa ng kampanya niya: “Mula sa sarili niyang pera” or something. Na para bang ang pinakamayamang tao ang dapat na maging pangulo ng bansa. Hehe.

  • attybenji  On May 18, 2009 at 11:24 am

    wala tayong magagawa dyan sa mga political ads o infomercial na yan ng mga posibleng kandidato, kakandidato o nagkakandidato dahil lahat naman yan ay gumagamit o ginagamit ang “masa”, ang tanging magagawa lang natin ay ang magbigay ng komento o komentaryo.. lahat o kaya karamihan sa mga may ambisyong tumakbo sa eleksyon o may balak kumandidato ay sasabihin niya na sya ay para sa “masa” at masa ang ginagamit o kinakasangkapan….. umpisa ng ako ay ipinanganak at namulat sa sistemang pulitikal sa ating bansa, wala pa akong natatandaan na pulitiko na sinabi niya na siya ay para sa “mayayaman”… lahat masa ang ginagawang sandigan para maluklok sa kapangyarihan,

    alam kasi ng mga political strategists, political thinkers o public relation practitioners o publicists ng isang pulitiko na mababaw lang ang kaligayan at pagtanaw ng mga botante o publiko sa eleksyun, kaya puro lahat ng mga political ads ay masasabi mong “trying hard”, o hindi normal ang dating, o walang epek.

    may kilala akong local official, na sa lahat ng sinamahan ko na mga political speeches, sorties or rallies, kapag tinawag ang pangalan nya para magbigay o magpahayag ng kanyang plata porma de gobierno. dalawa lang ang kanyang ginagawa sa entablado to entertain the spectators, its either na kakanta siya o magkukwento ng mga green jokes… thats it!.. believe me, pagdating ng eleksyon, siya ang topnotcher…. kaya dito natin makikita ang pagiging immature ng mga pilipino o kaya mababaw lang ang pananaw natin sa mga isyung pulitikal, kung sino ang sikat, siya ang may lamang sa laban, kung sino ang may datung mas lalong may tsansa na manalo.

  • kapirasongkritika  On May 19, 2009 at 7:40 am

    Salamat sa mahabang komento, attybenji!

    Sana nga nakatulong ang pagkokomentaryong ito para matuligsa ang mga pulitikong pinag-uusapan natin.

    Totoo ka, lahat nga ng pulitiko, ginagamit ang masa. Wala pa nga namang nagsasabing maka-mayaman sila. Pero sa tingin ko lang, mas matindi ang panggagamit ni Villar sa patalastas niya kaysa sa panggagamit ni Roxas. Pinagsalita pa kasi ni Villar ang masa na para talagang ipinapangampanya na siya. So hindi masyadong garapal ang kay Mar. Iyung pagpunta niya sa Wowowee, iyun ang garapal! Hehe.

    Sa tingin ko, may paraan naman na makaugnay pa rin ang mga pulitiko sa masa, bukod sa dalhin ang mga kahilingan nila. Pero hindi ko masabi kung paano, iyun ang dapat nilang aralin. Hehe.

    Sino naman ang local official na iyan, aber? Hehe. Sa halip na serbisyo, katatawanan na lang ang ibinibigay sa mga constituents! Hehe. Kaysa nga naman wala na ngang serbisyo, nandadahas pa. Hehe.

    Siguro higit sa usapin ng pananaw natin, dapat suriin iyung istruktura. Kung mababasa mo sa blog na ito, dati akong tagahanga ni Miriam Defensor-Santiago. Nabasa ko rin minsan na ganoon din si Caloy Conde kay Cory Aquino. Nanalig ka sa pagbabagong pwedeng magawa, pero hindi talaga umeepek. Kaya siguro iyung iba, iyung kakengkuyan at bayad sa boto na lang ang hinahangad sa eleksyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: