Dalawang Taon na!

Ngayong buwan, dalawang taon na ang blog na ito. Mayo 2007 ko ito binuo at nilagyan ng mga lumang sanaysay na isinulat ko simula Hunyo 2005 – para sa isang pamprobinsyang pahayagang pag-aari ng isang kaibigan, bilang raket. Bago nito, matagal na akong kinukumbinsi ng ilang kaibigan na mag-blog at i-blog ang mga isinusulat. Mayo 2007 lang ako nagpahikayat, salamat at may mapagpasensyang nagturo.

Ano naman ang nahita ko sa pagsunod sa mga payong kaibigan? Mambabasa? Disente ang stats ng blog na ito: Ayon sa WordPress, may mga buwang hindi bababa sa 250 ang tumitingin kada araw at may mga buwan ding hindi bababa sa 100, tulad ngayon. Mas madalas ang nauna. Nakakahikayat na ring magsulat, kahit pakiramdam ko’y napapadaan lang ang mga nagbabasa – o tumitingin – dahil may na-Google sila na nag-landing dito.

swan the bagets

Nakakatuwa ring siguro’y naiisip ng iba na may kabuluhan ang ilang entri. Isinama ang “Para kay Nanay Concepcion” sa Serve the People: Ang Kasaysayan ng Radikal na Kilusan sa Unibersidad ng Pilipinas, librong koleksyon tungkol sa radikal na kasaysayan sa UP. Binasa rin ito, sa presensya ni Nanay Concepcion, sa forum na inilunsad kaugnay ng ikalawang taon ng pagdukot kina Karen at Sherlyn. Ewan ko ba, kinilabutan ako noong binabasa. 

Noong pagkalaya ni Donato Continente, bilanggong pulitikal simula noong rehimeng Aquino, dumalo siya sa isang mobilisasyon at binasa niya ang isang “tula” na ang totoo’y bahagi ng entring “Magkano ang Buhay ng Aktibista?” na sinipi ko kay June Jordan, maka-Kaliwang manunulat. Sabi ng isang kaibigan, naisama rin ang entri sa literary folio ng Kabataang Makabayan, lihim na organisasyong rebolusyunaryo. Ewan ko kung paano.

May humingi ng permiso ko, at pinayagan ko naman, na ilathala ang isang entri sa isang librong pangkolehiyo. Wala akong balita kung nalathala nga. Binibigyan naman ng Pinoy Weekly ng dangal ang mga isinulat ko sa paglalathala sa publikasyon nila simula sa “Ratings, o Kahirapan at Pananagutan.” Sinunod ko ang ortograpiya nila – “puwersa” hindi “pwersa,” “eleksiyon” hindi “eleksyon” – pero hindi na ngayon, balik na ako sa dati.

Super_Gee_photo

Dahil disente naman ang stats, mas nakakapagpasaya sa akin kapag binubuksan ang blog na ito ang mga bagong komento. Kahit anong komento! May mga regular nang nagkokomento – kilala na ninyo ang mga sarili ninyo – at nagpapasalamat ako sa kanila. Tumutulong silang patalasin pa ang mga ideyang nailahad at nagbibigay sila ng impormasyon, bagong papaksain at katiyakang kahit paano’y may mga nagbabasa naman pala rito.

Sa ilang rali, may lumalapit sa akin at nagsasabing, “Huy, naiyak ako sa isang isinulat mo” – ang isa, halimbawa, sa “Ilang Pariwarang Punto Tungkol kay Sir Nic.” Biro ko naman, “Your tears are good, but I need comment.” Sana magkomento sila. May nagsabi pa ngang “tearjerker” daw ang ibang entri ko, pero bihira na ngayon akong makapagsulat ng ganoon. Nakakatuwang may nakakapansin, naaantig kahit paano, at sana’y nahihikayat din.

Pero maraming kaibigan na rin ang nagsabing “nakaka-intimidate” magkomento sa blog na ito. Mahaba raw ang mga entri, malalim ang Tagalog, kung sinu-sino ang sinisipi, at hinahagod ko raw ang kung anu-ano sa pagsusuri. Hindi ako sang-ayon na malalim ang Filipino ko, bagamat totoong hindi ko mapangibabawan ang ibang nasabi – na malinaw na kahinaan sa isang blog, lalo na sa panahon ng tinatawag ng mga ekspertong “micro-blogging.”

Coke Ad Gloria Romero

“Kapiraso” naman talaga ang pangako ng blog na ito na hindi ko nasusunod. Siguro, takot akong masabihang nagbubulalas lang ng mga paniniwala ng Kaliwa o kaya ng emosyon na walang kabuluhan sa iba – akusasyong laging banta sa mga blogger na maka-Kaliwa. Kaya sinisikap kong magsuri ng mga datos nang masinsin at kongkreto sa abot ng makakaya. Syempre, ang matalas ay simple, at kulang pa naman talaga ako sa pareho.

Anu’t anuman, nakakataba ng puso ang sinasabi ng ilang kaibigan na lagi nilang binabasa ang blog na ito kapag nagi-Internet. Kina-copy-paste daw ng isa sa Word ang mga entri para basahin sa bahay pagkatapos, at ipini-print naman daw ng isa para basahin at ipabasa sa iba – ang mga may katuturan siguro. Lalo na syempre ang alok ng isang kaibigang propesor at ng isa pa na ilathalang libro ang mga entri rito, para raw mabasa ng iba.   

Dahil sa blog na ito, marami akong hindi kakilala na nakilala at nakapalitan ng ideya kahit paano. Bagamat “kritika” ang laman nito, masaya akong nakapaglatag ito ng tulay ko sa iba, kasabay ng pagsunog sana ng tulay tungo sa mga kalaban ng pagbabago. Sabi nga ni Eduardo Galeano, manunulat na Uruguayano, “Nagsusulat tayo dahil sa pangangailangang umugnay (communicate) at makipag-ugnayan (commune) sa iba, para tuligsain ang mga nagbibigay ng sakit at ibahagi ang mga nagbibigay ng saya.”

Bobocop Film

WALA PA RING TENURE

Wala pa ring tenure si Prop. Sarah Raymundo ng Departamento ng Sosyolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Masamang balita. Pero positibo na ring nasasabi ito ngayon – lalo na kung iisipin kung gaano kabilis gustong tapusin ang pagtuturo niya. Hindi ba’t sinabihan na siyang huwag magturo noong Nobyembre 2008? Salamat sa tatag niya at sa sama-samang paglaban, umabot siya ngayon.

Bakit kasi ayaw pa siyang i-tenure? Gayung, maihahabol, ayaw namang dinggin ng mga ayaw siyang bigyan ng tenure ang mga datos niya – kontra sa mga datos nila – hinggil sa mga akusasyon sa kanya? Dahil kailangan nilang mas magbatay sa kanilang karanasan at kaalaman? Na ang mga makabayang guro tulad ni Prop. Raymundo ay di nakukuntento sa pagsasapraktika ng mapagpalayang edukasyon sa klasrum, kundi direktang nagrerekluta ng mga estudyante sa New People’s Army? Sa maraming karanasan, ang mga estudyante ang nagraradikalisa sa mga guro. At sa lahat ng karanasan, ang pakikipamuhay sa mga magsasaka at manggagawa – at maging pagsapi sa NPA – ay pinag-iisipang desisyong personal, mahirap at madali rin, hindi pwedeng isisi sa iba. Pero wala silang pakialam. Ang “karanasan” at “kaalaman” nila ang mahalaga, hindi ang aktwal na mga datos.

At para nilang sinabing hindi karapat-dapat sa dakilang Departamento at Unibersidad nila ang mga gurong makabayan. Na ang mga eklektiko sa teorya at repormista sa pulitika lang ang karapat-dapat magturo. Para nilang sinabing ang UP ay para lamang kina Alex Magno, Winnie Monsod at Randy David – kilalang mga propesor sa UP at kinatawan ng tampok na mga tendensiya rito. Dahil hindi sila nagrerekluta sa NPA? Sa Development Bank of the Philippines, Meralco at Akbayan siguro? Iyun ang implikasyon ng hindi nila pagbatay sa datos sa kasong ito, at pagbatay sa “karanasan” at “kaalaman” lang nila.

High Blood film by Chiquito

Kaya nga bahagi ng pampulitikang panunupil ang hindi pag-tenure kay Prop. Raymundo. Dahil hindi nakabatay sa datos ang mga akusasyon at ang resultang desisyon ng Departamento, pag-uulit at reproduksyon lang ito ng pagkiling kontra sa Kaliwa. At ano ang edukasyong “liberal” na ipinagmamalaki ng UP kung hindi nito sinasaklaw ang mga tumutuligsa sa sistema? 

21 Mayo 2009

Basahin ang isinulat ni Prop. Edberto M. Villegas tungkol kay Ernesto “Che” Guevara, kilalang rebolusyunaryo.

Gayundin ang isinulat ni Prop. Sarah Raymundo tungkol sa bisa ng Marxismo sa kasalukuyang panahon.

Kilala ba ninyo si Taylor Swift? Iyung kumanta ng sikat ngayong “Love Story”? Marxista raw siya. Sana mapagawa ko iyan kay Maja Salvador o Angel Locsin. Hehe. 

Basahin ang isinulat ni Jessica Zafra at Angela Stuart-Santiago tungkol sa pagbubuwis ng gobyerno sa mga librong imported.

May mga tula ang makatang si Mark Angeles tungkol sa isang desaperacido (Jonas Burgos) at isang biktima ng pampulitikang pamamaslang (Rafael Markus Bangit). Mabuhay ang mga makatang makabayan!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • diwa81  On May 21, 2009 at 10:58 pm

    congrats! bigyan mo kami ng kopya kapag na-publish na ito ha?
    ilang punto lang:
    1. bakit ganun ang ortograpiya ng PW? hehehe
    2. ako ba tinutukoy mong pumupuna sa iyo?
    3. tungkol sa blog, ang masasabi ko lang: ang tanging kapiraso lang dito ay ang mga bagay na pinipili mong talakayin, maaaring malaki para sa iba o buhay pa nga nila, pero kapiraso pa rin ng kabuuang mga usapin ng lipunan, ngunit dahil sa husay sa marxistang pagsusuri at lalim ng kaalaman, kaya bumubuhos ang kritika at hindi naiiwasang humaba ang mga entri.

  • E.P.  On May 22, 2009 at 1:16 am

    paminsan-minsang paglilinis ng pusod. hehe.

    inspirasyon ka sakin, mr t. (fade in dramatic scoring). kaya tuloy-tuloy lang po kayo ah. abangan ko rin yang nababalitang libro mo.

    (sana may compli – na di bookprint.)

  • angela  On May 22, 2009 at 4:14 am

    nauna ka pala sa akin ng ilang buwan lang. september 07 ang bday ng blog ko😉

  • tarenstaren  On May 22, 2009 at 2:46 pm

    Madalas ako nagbabasa ng blog mo. Pagbati para sa iyong ikalawang taon! (Nakakaguilty naman yung entri mo tungkol sa mga lurkers na katulad ko kaya, sige na nga, magkokoment na ako.)

  • kapirasongkritika  On May 23, 2009 at 11:52 am

    @Diwa81: Naku, hindi ko pa nga nagagawa ang mga rekisito. Hehe. Mahirap mangako.

    (1) Naku, hindi yata ako ang best na sumagot sa tanong na iyan. Tanungin mo si Kenneth Guda, ang kasalukuyang EIC at paborito kong blogger.
    (2) Hindi lang ikaw — at ikinakatuwa ko naman ang inyong katapatan. Hehe.
    (3) Parang naghahanda ka nang mag-blurb sa libro ah! Hehe. Salamat!

    @E.P.: True! Minsang paglilinis ng pusod! Hehe. Nakakahiya nga noong isinusulat ko, pero, wala lang, nagustuhan kong gawin. Hehe. Salamat at nakaka-inspire. Hehe. Ikaw din, padayon lang! Arriba!

    @Angela: Salamat! Napagawi ka ulit! Hehe. Inspirasyon kita sa pagpapasimple ng presentasyon para sa blogosphere. Salamat ulit sa pagli-link at nakakaabot ako sa mas marami!

    @Tarenstaren: Salamat at nagkomento ka na! Hehe. Alam ko namang makomento ka, kaya komento lang nang komento! Hehe.

  • tanglad  On May 24, 2009 at 12:53 am

    Happy anniversary, kasama! Isa ako sa madalas mag-copy at paste ng mga sinulat mo para basahin sa bus. Minsan, iniiwan ko sa bus, dahil baka may Pin@y na makapulot at magbasa. (Nag-iiwan din ako minsan ng libro na hindi ko na kailangan, para din may makapulot at magbasa). Pero hindi ako madalas mag-komento, sori, will work on that.

  • kapirasongkritika  On May 26, 2009 at 1:20 pm

    Tanglad! Welcome back! Antagal mong nawala, kahit sa blog mo! Inspirasyon at hamon sa akin na isa ka sa nagbabasa ng blog na ito. Maraming salamat! I love that: Sana nga may Pin@y na makabasa. Isa na siguro iyan sa pinaka-inspiring na kwento tungkol sa pagbasa sa blog na ito — parang tsinelas ni Rizal! Hehe. No problem sa bihirang pagkokomento. Hehe.

  • gingmaganda  On June 5, 2009 at 9:56 am

    tongrats! tuwing galing ako sa blog mo, feeling ko tumatalino ako ng ilang bongga points. hehe.

  • kapirasongkritika  On June 6, 2009 at 5:02 am

    Salamat! Ako din naman sa blog mo — and feeling more intense about life pa! Hehe.

  • gingmaganda  On June 6, 2009 at 1:24 pm

    ayy, nakakatouch naman. seryoso. hee.

  • kapirasongkritika  On June 6, 2009 at 4:52 pm

    Kadiri namang magbolahan tayo sa ere, hindi ba? Pero sinabi ko pa rin, kasi iyun naman ang totoo.

  • gingmaganda  On June 7, 2009 at 2:30 pm

    ayun nga. salamat. hehe.

    “kadiri” hahahaha ang tagal ko nang di narinig ang term na yan na gamitin ng lalake. waha.

  • kapirasongkritika  On June 7, 2009 at 4:46 pm

    Tumimo kasi sa akin kasi ginamit ng isang tao noong sinabi kong kumakain ako ng aso… kahit hindi naman. Hehe. Mahabang kwento. Saka na. Hehe.

  • guillerLUMA  On June 8, 2009 at 9:20 am

    ayan, nagkomento na uli ako. haaay, alam mo nakakapressure kasi magsulat sa blog. ayoko na muna magsulat ng mga self-absorbed na mga bagay, kasi baka basahin mo. hehehe. pero sa tuwing binabasa ko ang blog mo, gusto kong magsulat uli. kaya lang madalas nakikipagtitigan lang ako sa blangkong iskrin. hayaan mo, baka ang unang isulat ko sa blog matapos ang matagal na panahon ay tungkol sa natagpuan kong libro sa tulong mo. hehehe. nakakaiyak, tearjerker si bh, parang si tsm. hahaha. bale pala, eto yung tula na nakakapag-palala sa akin sa isang kaibigang madalas magpahiram ng librong puno ng marginal notes. hehehe. enjoy!

    Writings on the margin of a book
    by Alan Jazmines

    Writings on the margin of a book
    have a lot in common
    with guerrillas

    They come from nowhere
    and from all directions
    suddenly are spread out
    over white areas.

    Unmeasured by ens and ems
    they are a ragtag lot,
    do not march in letterpress order
    nor go by the rules of the book.

    Not simply black on white
    they emerge in their own styles,
    dialects and colors
    and not only in red
    (Observe the curls
    that fly unshaven
    in defiant fashion)

    Unfettered by column inches
    and flush rights
    they grow infinitely
    drawing from a well-spring
    of creativity
    even if sometimes ungrammared
    unlettered

    At will
    they waylay precisely
    clumsy targets
    encircled and crosshaired
    for annihilation

    A burst
    of exclamation points
    or questions marks
    may blow up whole structures
    but it usually takes
    a rapid fussilade
    of unmistakable tirades
    to send their targets
    back to pulp

    What is decisive
    is intimacy to the issue
    in the native heart
    and the grassroots facts
    uncouth, unshod
    with no fear
    of censors
    or the military

    No matter erudition
    stereotypes holding on
    to fixed positions
    cannot escape
    the scrutiny and force
    of new ideas and critiques
    resolute in their challenge
    for the rule.

    In time
    the writings on the margin of the book
    are established;
    a new book
    supersedes the old.

    And then there will be new and different writings
    On the margins of this book.

  • kapirasongkritika  On June 8, 2009 at 6:20 pm

    Aha! May nagkomento sa iyo ng pang-asar ko sa blog mo. Hehe. Hindi ka kasi naga-update. Hehe.

    Feeling ko, sa blog, okey lang na self-absorbed minsan ang isulat. Iyun naman ang maganda sa blogging, para hindi rin preaching to the choir ang moda — kapag puro pulitikal. Hehe.

    Go, magsulat ka! Si bell hooks ba ang sinasabi mo? Malayo namang tearjerker iyan sa akin! Hehe.

    Ang ganda ng tula. Alam mo namang hindi ako nakakaintindi ng mga tula, pero ito, kahit paano, naintindihan ko. Hehe. Sabi nga ni Pierre Macherey, ang kahulugan ay nasa laylayan ng teksto. Hehe.

    Sino naman ang kaibigan mong iyan? I hope he makes sense sa mga marginal notes niya. Hehe.

  • KiMERALD FAN  On March 24, 2010 at 7:29 am

    GANDA Ni GLORiA ROMERO ..i SEE HER iN YOUTUBE ..SHiiT GNDA PALA NiA ..POTAH ..MUKHA CiANG BiRHiN ..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: