Nasa Halili ang Pagsisisi

SA TELEBISYON

Kagabi, napanood naming magkakaibigan ang live na panayam sa nanay ng kontrobersyal na si Hayden Kho sa TV Patrol World. Hindi siya nakakuha ng simpatya. Bukod sa lumabas na bagong yaman (nouveau riche) ang pamilyang Kho at handang gamitin ni Gng. Kho ang Diyos, partikular ang hawak niyang krus at Bibliya, para banatan ang mga naglalantad sa anak niya – si Katrina Halili mismo, sina Lolit Solis at Sen. Bong Revilla – lumabas na wala siyang pagkilala sa pagkakamali ng anak niya.

Masagwa ang pagkakainterbyu nina Karen Davila at Julius Babao, parang gusto lang pigain ang bago at pasabog na sasabihin ni Gng. Kho. Ni hindi man lang tinanong kung ano ang pagtingin niya sa pag-video ng anak niya sa pakikipagtalik sa iba’t ibang babae nang lingid sa kaalaman ng mga ito, sa panahong magkarelasyon sila ni Dra. Vicki Belo. Baka lang, ha: Kung naitanong ito, baka nabalanse man lang ang gigil ni Gng. Kho.

Pero nakakapagtaka na rin nga ang mga sinasabi ng mga kakampi ni Hayden. Bagamat inamin na ni Atty. Lorna Kapunan na isang “sexual deviant” at “pervert” ang kliyente niya, lumabas siya sa telebisyon para sabihing binigyan ni Katrina ng droga si Hayden. Bago lumabas si Gng. Kho, sinabi naman ni Dra. Belo na hindi dapat makipagrelasyon ang isang babae sa may karelasyon na. Tapos ngayon, ang mga pasabog ni Gng. Kho.

Ano ang taktika nila? Ikalat ang “kasalanan” sa balangkas ng pagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa isyu? Sino bang humahawak ng publisidad pabor kay Hayden? Si Hayden mismo? Kung sinuman, isang payo lang: Tigilan na ninyo. Una, nagiging kaduda-duda kung totoong nagsisisi si Hayden sa maling nagawa niya. Pangalawa, napakasagwa: Sinisisi nila ang mga babaeng pangunahing biktima sa nangyari. At ikatlo, hindi tanga ang mga manonood para hindi masapul ang iba pang mali sa isyu.

Pagkatapos ng TV Patrol, naghihiyawan ang mga kaibigan ko na ilipat sa Saksi dahil sigurado kaming sasagot – live! – ang di-patatalong si Lolit Solis. Bigo kami noong una dahil hindi si Lolit ang nasa ere pagkalipat namin. Pero gagap ng mga kaibigan ko ang midya at publisidad sa bansa. Hindi nagtagal, ayan na, si Lolita – tinitira si Gng. Kho. Maikli at matalas ang sagot niya, siya naman ang taga-midya. Nakakabagabag: “Papa Mike” ang tawag niya kay Mike Enriquez at “Nanay Lolit” ang tawag sa kanya ni Mike.

cuartopoder_copiar

SA DYARYO

Nakahawak ako ng kopya ng Philippine Daily Inquirer, 23 Mayo 2009, Sabado.

(1) Kahit sa isyu ng mga sex video nina Hayden Kho at Katrina Halili, gustong magpapogi ng rehimen. Nahindik (appalled) daw si Gng. Arroyo sa sex videos. Inutusan daw niya ang Optical Media Board na paigtingin ang “kampanya laban sa pornograpiya sa pormang video.” Ito ang klase ng direktiba na wala naman talagang kwenta. Matagal nang dapat ginagawa ng OMB iyan, pero ito pa rin ang panahong pinakamadali para sa karaniwang tao na bumili ng naglipanang pornograpiya sa video.

Sabi pa raw ni Press Secretary Cerge Remonde – na pinuna nang minsan nina Prop. Luis V. Teodoro at Dr. Carol Pagaduan-Araullo – “Parehong babae at ina si Presidente Arroyo. Nababahala at nakikisimpatya siya nang husto sa ilang babaeng naging biktima sa isyung ito.” Ano ang malupit na leksyon para kina Gng. Editha Burgos, Concepcion Empeño, Erlinda Cadapan at iba pang ina at asawa ng mga desaperasidong dinukot sa ilalim ng rehimeng Arroyo na ni hindi man lang nakarinig ng pagkahindik, pagkabahala at simpatya ng pangulo? Baka kailangan nilang gumawa ng sex video?

Sumabit pa ang Malakanyang, patunay na ipokrito talaga ito: “Sinabi ni Remonde na napanood na ng staff niya ang video at na-entertain sila nito.” Ano kaya ang magandang salin ng “entertain”? Naligayahan? Nasiyahan? Parang nanood lang ng Bubble Gang, ah.

(2) Sabi ni Sen. Joker Arroyo, “nag-aala Ninoy” si Sen. Manny Villar sa hindi pagdalo sa paglitis sa kanya ng Senado. Bagamat mukhang tagibang nga ang mga alituntunin ng Senado sa paglitis kay Villar, masyado naman ang ihambing siya kay Ninoy. Hindi naman nakataya ang buhay niya – o nakataya nga ba dahil buhay niya ang maging presidente ng bansa? – at mayroon namang midya. Bukod pa diyan, kaso ng katiwalian ang nakahapag laban sa kanya, kaya interes ng taumbayan na malaman ang totoo.

(3) Makabuluhan: Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, kumikita ang tatlong pinakamalaking kumpanya ng langis – o “Big Three” – sa bansa ng P164 Milyon kada araw. Pagkatapos, gusto nilang magpasalamat tayo sa mga programa ng corporate social responsibility nila. Hindi lang iresponsable ang kumita nang ganito, kundi kriminal.

jorge meijide dibujo_2BR

(4) Sa “Where CARP failed,” tinasa ni Prop. Solita Collas-Monsod ang Comprehensive Agrarian Reform Program. Sabi niya, nabigo talaga ito sa “sapilitang pagkuha (compulsory acquisition) ng mga lupang pribado, na sa totoo’y siyang mas produktibong mga lupang pansaka.” Kasi daw, sa ulat ng nagawa ng CARP, mahigit 80% ng target nito ang “nareporma” na, pero mas mababa sa 20% ng target na mga lupang dapat ay sapilitang kuhanin ang “nareporma” na. Ano kaya ang “nareporma”? Naipamahagi? Pinakanahirapan din daw ang CARP sa mga lupang laan sa pagsasaka ng tubo.

Tungkulin ng mga ekonomista, at ito ang ginagawa sa ibang pagkakataon ni Mareng Winnie, na suriin at busisiin ang mga datos – pero mukhang masaya na siya sa mga datos na ito ng gobyerno. Anu’t anuman, ni hindi niya binanggit ang napakaraming lupang una sa lahat ay in-exempt o inetsapwera sa saklaw ng CARP – na siyang pinakamalinaw na patunay na hindi ito nagtagumpay, kundi nabigo. Bigung-bigo.

(5) Ito namang si Alberto A. Lim ng Makati Business Club, akala mo siya o sila lang ang nag-iisip dito sa bansa. Sa “Corruption spawns poverty,” matapos ilitanya ang napakaraming likas na yaman  ng bansa, inilahad niya ang mga datos ng kahirapan dito. Sabay tanong: “Bakit wala pang gumagawa ng koneksyon? Mayroon tayong yaman. Pero, bakit napakahirap ng Pilipinas?” Naks. Baka bagong pakinggan ang bagay na iyan para sa mga nagbabasa ng “Business Matters” pero hindi ng mga makabayang Pinoy simula kay Claro Mayo Recto hanggang sa kasalukuyan. Iyan din kaya ang unang pangungusap ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, nalathala noong 1970.

(6) Sinipi ni Gng. Arroyo si Santa Rita sa ika-13 pagbisita niya sa Pampanga ngayong taon: “Walang imposible.” Nabibigyang-diin ang pagkainutil ng rehimen sa harap ng matinding krisis at pagbabago ng klima ng mundo. O baka naman gustong ipahiwatig ni Gng. Arroyo ang personal niyang pamumulitika: Wala nga namang imposible, makakatakbo siyang kongresista sa Pampanga, at magiging punong ministro ng bansa. Sa pag-iwas sa mga kaso at parusa sa kanya, walang imposible para sa kanya.

Sabi ni LoreLIE este Lorelei Fajardo, pangalawang tagapagsalita ng presidente, “Panahon ito ng pagtanaw ng utang na loob (payback time) sa mga kaprobinsya” ng pangulo. Pwede iyan? Inaamin ang probinsyalismo sa midya? Nasasabi, halimbawa, na mabuti na rin lang na pinaunlad ni Marcos ang Ilocandia, kaysa wala man lang siyang pinaunlad. Puro palusot at pampalubag-loob, wala talaga sa mga pulitiko ang solusyon.

jorge meijide dibujo_6BR

(7) Mabuti na lang at may tulad ni Dr. Eleanor A. Jara ng Center for Health and Development! Sa liham niya sa patnugot, tinuligsa niya ang programa ng Department of Education na naglaan ng P400 Milyon sa 19 milyong pakete ng instant noodles na “naipamahagi” sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralang pang-elementarya.

Kinwestyon niya ang halagang pangnutrisyon ng mga instant noodles. Pakitang-tao lang daw ang programa ng gobyerno at pagkakataon para sa korupsyon. Ang kailangan, aniya, ay nakakabuhay na trabaho at akses sa batayang mga serbisyong panlipunan para sa mga Pinoy. Nanawagan siyang imbestigahan ng mga mambabatas ang isyu. Oo nga naman. Sino kaya ang namigay? Sina Sen. Kiko Pangilinan at Megastar Sharon Cuneta? Para makatikim naman ng masustansyang midnight snack nila ang mga bata?

(8) Ano ba iyan? Kung taga-Unibersidad ng Pilipinas ako, mahihiya ako sa sagot ng taga-UP na nanalo ng Ten Outstanding Students of the Philippines sa National Capital Region: “Gusto kong magsilbi sa ating Department of Foreign Affairs o pwedeng sa isang ahensya ng United Nations. Ang pangarap kong career ay maging embahador ng Pilipinas o opisyal ng UN.” Glamoroso at komportableng mga trabaho na kwestyonable ang pakinabang sa bayan. Ganyan na ba ang mahuhusay na estudyante ngayon sa bansa, sa NCR? At tagapangulo pa raw ng konseho ng mag-aaral ng kolehiyo niya!

Mabuti pa ang taga-Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas: “Gusto kong magkaroon ng karanasan sa pagtatrabaho sa mga [non-government organizations] at kilusang kooperatiba kung saan pwede akong makakuha at makapagbahagi ng kakayahan… ko sa gawaing pagpapaunlad ng komunidad. Kailangan ko ring paunlarin ang sarili ko bilang mahusay na mananaliksik, organisador sa komunidad, tagapag-ugnay ng mga treyning at tagapagsalita para ituloy ang kagustuhan kong maglingkod, mamuno at magbago ng mga buhay ng mga tao gayundin ang layunin kong tumulong sa kooperatiba at komunidad sa mga paraang simple pero epektibo.” Panalo, hindi ba?

(9) In fairness, magaganda ang kantang napili ni Billy Crawford na i-revive sa bagong album niya, pa-egoy. Kinaya kaya niyang ibirit ang “One Last Cry” ni Brian McKnight?

26 Mayo 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ker  On May 27, 2009 at 4:28 pm

    nakakatuwa naman yung taga-PUP.🙂

  • Lyds78  On June 2, 2009 at 3:37 am

    hehe, ano nang aasahan mo sa mga taga-UP? Halos puro de kotse na ang mga nakakapag-aral diyan…

  • kapirasongkritika  On June 2, 2009 at 4:33 am

    @ Ker: True!

    @ Lyds78: Salamat sa maraming komento! Hindi naman mga nakakotse lahat. Hehe. Si Nemenzo mismo, dati, ang tingin niya, same demographics as the 1960s. Pero talagang may epekto siguro ang tuition fee increase sa klase ng mga estudyante, ano?

    Sabi naman nila, kapag malakas ang aktibismo, hindi masyadong makapag-flaunt ng yaman ang mga mayayaman sa kampus. Hehe.

  • Lyds78  On June 2, 2009 at 4:43 am

    meaning…hehehe

    cge na nga, 85% lang siguro ang me kotse, harhar

    iyung natitirang 15% me mga condo…

    wala lang, nang-aasar lang

  • kapirasongkritika  On June 2, 2009 at 5:04 pm

    Meaning… hindi tampok sa atin ang katayuan ng mga estudyante noon ng UP dahil mas tampok ang aktibismo noong huling bahagi ng dekada 60 at unang bahagi ng dekada 70, pati 80.

    Maganda talagang malaman ang komposisyon, ano? Dahil ang treyning na ibinibigay ng lipunang ito, dapat magmukha kang mayaman kahit hindi.

  • reds alimuom  On June 10, 2009 at 10:03 am

    bossing, makisabat naman:

    kung nakaya ni Camille Velasco sa AI, I’m sure, kaya din ni Billy Joe yung “One Last Cry” at ng kahit na sinong echosera/o n feeling-RNB. hehehehe…

    wish ko nga lang, kaya ko din yun. pang-Pasyon lang boses ko

  • kapirasongkritika  On June 10, 2009 at 6:07 pm

    Aba, Red! Nabuhay ka! Hehe. At ito ang isyung napili mong sangkutan. Hehe. Mahirap kantahin ang “One Last Cry,” batay sa limitadong alam ko sa videoke. Hehe. Tsaka magaling talaga si Camille Velasco. Hindi ba’t she reminded the judges of Lauryn Hill? Hehe. Goodluck sa ating mga mahilig magtangkang kumanta! Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: