Masaker sa Tiananmen Square

(1)

Nitong 04 Hunyo, 20 taon na ang tinatawag na “Masaker sa Tiananmen Square” – ang marahas na pagdurog ng gobyernong Tsino noong 1989 sa ilang linggong protesta ng libu-libo sa nasabing lugar. Mga estudyante ang karamihan, bagamat sinuportahan sila ng mga manggagawa at mamamayan ng Beijing. Katiwalian sa pamahalaan ang pangunahin nilang kinondena at reporma ang panawagan nila.

Matapos ang 20 taon, marami pa rin ang magkakaiba at nagbabanggaang pagsuri sa naganap – kahit pa nga sa hanay ng mga nagpapakilalang naniniwala sa Marxismo, Leninismo at Maoismo. Halimbawa ang kaibahan ng pagsuri ni Mike Ely (na kumalas sa Revolutionary Communist Party of the USA) at ng Lalkar Online (ng Communist Party of Great Britain – Marxist-Leninist).

Sa titulo pa lang, malinaw na. Mike Ely: “Remembering the Rebels of Tiananmen.” Lalkar Online: “Hail the 20th Anniversary of the Crushing of the Chinese Counter-revolution.” Para kay Ely, makatwiran ang mga panawagan ng mga nagprotesta at malupit ang tugon ng Estadong Tsino. Para sa Lalkar Online, kontra-rebolusyunaryo ang mga nagprotesta, tama lang ang ginawa ng Estado.

Chai Ling

Wu'er Kaixi

Wang Dan

Ang mga lider ng mga nagprotesta (mula taas):
Chai Ling, pinakamalakas sa panawagang ialay ang buhay.
Wu’er Daixi, komikero at eksentrikong
nagpahiya kay Premier Li Peng.
Wang Dan, kalmadong lider sa taktika.

Mula sa isang perspektibang Kaliwa, hindi sapat ang paggamit ng isang Estado ng dahas para agad itong kondenahin. Mas mahalagang tukuyin ang katangian ng Estadong nandahas at ng mga lumaban dito. Makatwiran, halimbawa, ang paggamit ng mga mamamayang Vietnamese ng dahas laban sa mananakop na US, at ng mga mamamayan ng Nicaragua laban sa mersenaryong Contras.

Pwedeng maging makatwiran ang dahas sa kamay ng isang Estadong demokratiko at maka-mamamayan, pero hindi pwedeng maging makatwiran ang paggamit nito ng isang Estadong mapanupil at mapagsamantala. Sa dulo, “Para kanino?” at “Para saan?” ang mga tanong na dapat sagutin nang kongkreto sa paggamit ng dahas. Hindi sapat ang lahatang pagkondena.

At ano nga ba ang Estadong Tsino noong 1989? Isa itong Estado ng mga burukrata-kapitalista, hindi ng mga manggagawa at magsasaka, na gumagamit sa “sosyalismo” at “komunismo” para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan – habang todo-todo at lantarang gumagawa ng mga hakbanging kontra-sosyalista at kontra-komunista. Simula noong 1976, mapanupil na ito at mapagsamantala.

Sa kabilang banda, matalas ang tatay ni Alexander Cockburn, radikal na manunulat, batay sa patotoo niya sa pagtingin nito sa “kilusang reporma” noon sa Poland: “Reyalistiko siya tungkol sa aktwal na umiiral na Komunismo, pero reyalistiko rin siya tungkol kina [Lech] Walesa at sa Solidarity; kinaya niyang makita kung saan malamang na tumungo ang lahat ng iyon” – sa kapitalismo.

Tiananmen Tank Man

tiananmen goddess of democracy

Pinakatanyag na mga imahe ng protesta.

Ganito rin ang masasabi tungkol sa mga nagprotesta sa Tiananmen. Bagamat “Internationale” ang awit nila, “demokrasya” ang isa sa mga islogan nila, may mga nagdala pa ng mga larawan ni Mao Zedong, at makatwiran ang panawagan nilang pawiin ang korupsyon sa gobyerno, marami at matibay ang patunay na mas patungo sila sa kanan (kapitalismo) sa halip na sa kaliwa (sosyalismo).

Sa pagitan ng Estado ng mga burukrata-kapitalista at ng mga estudyante at mamamayang bagamat may lehitimong mga panawagan ay mas kumikiling sa kapitalismo, ano ang makatwirang tindig ng Kaliwa? Sa tingin ko, ang kondenahin ang Estadong Tsino sa pagsupil sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng saloobin, magtipun-tipon at magprotesta.

(2)

Ayon sa kwento ng isang matandang aktibista, tama ang sabi sa entri ng Wikipedia tungkol sa tugon ng Kaliwa sa bansa sa nasabing masaker. Tama rin ang datos ni Manuel L. Quezon III, kilalang blogger at kolumnista: Na noong una’y sinabi ni Crispin “Ka Bel” Beltran na wasto ang ginawa ng Estadong Tsino, sabay-bawi pagkatapos. Pero hindi ako sigurado sa sinabi ni Juan L. Mercado, isa ring kolumnista, na may katulad na pahayag si Prop. Jose Maria Sison.

Deng Xiaopingli peng

Mga kriminal at berdugo:
Deng Xiaoping, Li Peng

Syempre, hindi malilimutan ng mga anti-komunista ang ganitong mga pagkakataon, na nag-endorso ang Kaliwa ng paggamit ng dahas – at sa isang isyu pa kung saan marami ang kumokondena sa nasabing hakbangin. Pagkakataon nila ito para idiing marahas at mahilig sa dahas ang mga maka-Kaliwa at kontra-demokratiko pa nga ang mga ito – walang pakialam kahit hindi sang-ayon ang marami basta’t pinaniwalaang para sa interes ng marami.

Anu’t anuman, kailangang ilinaw na panahon din ng kalituhan ang 1989 para sa Kaliwa sa bansa. Organisasyunal pa nga itong mabibiyak pagdating ng 1992 sa mga kampong tatawaging “Reaffirmist” at “Rejectionist” – matapos ang maraming taon ng aktwal na pagkakabiyak na pampulitika at pang-ideolohiya. Isang pokus ng kalituhan ang pagtingin sa dating Unyong Sobyet at Tsina: Sosyalista ba sila o nagtaksil sa sosyalismo at naging modernong rebisyunista?

Sa pagsisikap ng ilang bahagi ng Kaliwa noon sa “pabilisin” ang tagumpay ng rebolusyon na pinapaniwalaang “abot-kamay” na, ginusto nilang humingi ng tulong sa mga bansang nagpapakilalang sosyalista, kasama ang dating Unyong Sobyet at Tsina. Isang paraan, anila, para gawin ito ay alisin o palabnawin ang nauna nang pagbansag ng Kaliwa sa mga bansang ito na mga “modernong rebisyunista” – nagtaksil sa sosyalismo at tumutungo sa kapitalistang landas.

Tiananmen protests

Tuso ang paggamit ni Quezon sa datos na ito, para patunayan ang pahayag niyang “Ang Komunistang sangkot sa mga ‘teach-in’ sa mga paaralan sa Pilipinas ay may nakamamatay na pusong katulad ng sa kasamang nanghihingi ng perang pambili ng tsinelas sa mga negosyanteng pamprobinsya nang nakatutok ang baril… Pareho ang paniniwala nila.” Ano nga namang paniniwala ang mas maganda pang ihalimbawa sa hindi pinapaniwalaan at itinatakwil ng marami?

Halimbawa ang pahayag ni Quezon ng nagkalat na paninira sa Kaliwa sa bansa, bahagi ng suportang ideolohikal ng Estado sa maruming todo-gerang inilulunsad nito kontra sa Kaliwa. Kung nagsaliksik si Quezon, makikita niyang taliwas nga sa batayang mga prinsipyo ng Kaliwa ang purihin ang ginawa ng mga modernong rebisyunista sa Tsina. Pero hindi na siguro niya inisip na kailangan pa niyang magsaliksik. Palibhasa, may suri at hatol na siya sa Kaliwa.

(3)

Binabasa ko ang dalawang libro ni Orville Schell tungkol sa Tsina, ang In the People’s Republic: An American’s Firsthand View of Living and Working in China (1977) at ang Mandate of Heaven: A New Generation of Entrepreneurs, Dissidents, Bohemians, and Technocrats Lay Claim to China’s Future (1994). Panahon ng pamumuno ni Mao Zedong (na namatay noong 1976) ang sinaklaw ng naunang libro, habang panahon ng mga repormang maka-kapitalista ang sa ikalawa.

tiananmen workers we have come

Mao Zedong Graffiti2

Mao Zedong Wall

Muli, makikita sa dalawang titulo ang pagbabago ng simpatya ng awtor. Sa una, aakalain mong tiim-bagang, taas-kamaong Maoista ang may-akda, punung-puno ng simpatya sa Tsina at sa rebolusyon dito. Sa ikalawa, na naglalaman ng salaysay niya ng mga nangyari sa Tiananmen, kritikal na siya kay Mao Zedong at sa pamumuno nito sa Tsina, kritikal din sa Estadong Tsino na sumunod kay Mao – iyung pinamunuan ni Deng Xiaoping na nagbukas sa kapitalismo.

Sa isang banda, mahusay ang salaysay ni Schell. Mababasa mo ang mga lider-estudyante na namuno sa protesta, ang malawak na pagsuporta ng mga mamamayan ng Beijing at Tsina, ang hakbang-hakbang na pagsupil ng Estadong Tsino at ang tugon dito ng mga nagpoprotesta, ang lawak at tindi ng represyong pinawalan ng Estadong Tsino, ang maniobrahan sa pamunuan ng Partido Komunista ng Tsina, at ang konteksto ng mga berdugo ng Tiananmen at Beijing.

Malinaw na nasa mga nagprotesta ang simpatya ni Schell. Tumampok ito isang beses. Sinasabi kasi ng pamunuan ng Partido Komunista ng Tsina noon na walang estudyanteng namatay sa Tiananmen Square, walang nangyaring masaker dito – bagamat hindi nito itinangging maraming namatay sa mga karatig-lugar sa Beijing (mga manggagawa at mamamayan kasi ang namatay sa pagharang sa mga pwersang militar na inatasang durugin ang protesta).

Sa buong salaysay, sumandig siya sa kwento ni Hou Dejian, musikero at lider ng mga estudyante sa Tiananmen – sa kung paano naganap ang pagsupil at paano sinikap ng mga lider-estudyante, tampok si Hou, na iatras ang hanay. Pero noong sinabi ni Hou na nakaatras nang mapayapa ang mga estudyante mula sa Tiananmen – sa dulo ng matagal na pagkubkob mula sa laylayan ng Beijing – bigla niyang kinontra ito. Kesyo marami raw testimonyang taliwas sa sinabi nito.

12 Hunyo 2009

Basahin ang banat ni Rep. Mong Palatino sa CARPER, o ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms, paboritong adbokasiya ng mga pseudo-progresibo.

Panalo ang mga larawan ni Alex Felipe tungkol sa pagmimina sa Mindanao!

May isinulat si Arnold J. Padilla tungkol sa itinutulak na Charter Change ng rehimeng Arroyo kaugnay ng ekonomiya ng bansa.

Si Slavoj Zizek, dating komisar kontra sa mga rebelde sa Yugoslavia? Basahin ang blog ni Jodi Dean (1, 2).

Tungkol sa kaso ni Melissa Roxas, Pilipino-Amerikanong nakipamuhay sa mga magsasaka sa bansa at dumanas ng panunupil ng Estado.

Basahin: Pagsusuri ni Pao-Yu Ching sa mga repormang kapitalista sa Tsina.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • alexfelipe  On June 12, 2009 at 3:05 am

    Salamat sa pag lilink sa site ko pare. Ok itong sinusulat mo dito! Taga saan ka sa Pinas?

  • kapirasongkritika  On June 12, 2009 at 6:22 pm

    I’m not worthy! I’m not worthy! Hehe.

    Matagal na kaming humahanga sa mga larawan at paliwanag mo — sa blog mo, in short — kaming magkakaibigan. Hehe. Simula noong ini-link ka ni Tanglad. Hehe.

    Walang anuman! Nasa akin ang karangalan. Mabuti nagustuhan mo. Pasensya na, hard-sell ka nai-link. Hehe. Ngayon, sa NCR lang. Hehe.

  • jay  On June 17, 2009 at 4:27 pm

    nabasa mo yung shock therapy ni klein? malaki ang papel na ginampanan ng estados unidos sa masaker na ito…
    sa isang banda madami pa din akong hindi naiintindihan hinggil sa pangyayaring ito sa tsina, masasabi kong ang panawagang demokraya ng panahong iyon, ay demokrasya para kanino? nilaro ng propaganda sa bersyong pabor sa estados unidos at antikomunistang mga estado. . . tulad ng pagbagsak ng poland at iba pang mga bansang dating komunista. sirain ang komunismo at ipasok ang kaisipang burgis na demopkrasiya upang sakyan patungong kapitalismo. . . masasabing pabor sa demokrasiya ang ralyista ng tiananmen dahil sa bulok na sosyalimong tangan ng tiranong si deng xia peng, subalit hindi demokrasyang kapitalismo ang gusto ng mamamayan . . . panalo ang mga anti-komunista. habang ginamit nila ang kabulokan ni deng para sirain ang komunismo at sosyalismo, nadurog pa nila ang hanay ng mga kritikal na mamamayan . . . mahusay magtrabaho ang mga berdugo. palakpak – dahil katulad ng estados unidos kung paano nila ginawa ang istoryang ito, ang utak ni manuel quezon iii ay walang ipinag iba – iisa ang archetype nila at pagka synchronize ng utak.

  • kapirasongkritika  On June 17, 2009 at 4:40 pm

    Jay! Salamat naman at may nag-reply!

    Hindi ko pa nababasa iyun. Ang alam ko lang, kontrobersyal. Baka pwede mo naman i-share iyung sinabi ni Ms. Melanie Klein kaugnay ng nangyari sa Tiananmen Square.

    Parang ang nangyari, pumabor si Deng sa liberalisasyon sa ekonomiya. Pero hindi niya iyun nilubos para umabot sa liberalisasyon sa pulitika. Iyun ang gusto ng mga nagprotesta sa Tiananmen Square. Idagdag pa ang paglubos sa liberalisasyon sa ekonomiya. Isa sa pang-agit ni Wu’er Daixi, ayon sa isang kwento, ay ang pagkakaroon ng “kalayaan” na makabili ng mga sapatos na Nike tulad sa mga kabataan sa mga bansang kapitalista.

    Totoo ka. Parang hitting two birds with one stone ang nangyari. Marami rin namang maka-Kaliwa noon ang nalito.

    At hindi naman yata kasama diyan si Manuel L. Quezon III. Hehe. Ni hindi makatindig ang mga liberal na komentarista sa bansa na ang CPP-NPA halimbawa ay lehitimong mga grupong nakikipaglaban para sa prinsipyo — hindi mga teroristang halang ang kaluluwa.

    Sa pag-demonize nila sa Kaliwa, dapat nilang ma-realize, nag-aambag sila sa pagkondisyon ng kaisipan ng publiko na tanggapin ang masasahol na mga krimen ng rehimen sa balangkas ng todo-gera nito kontra sa Kaliwa — at mga mamamayan.

  • jay  On June 18, 2009 at 2:46 am

    isa sa mga chapter ng the shock doctrine ni naomi klein ang nangyari sa tiananmen, sinasabi niya kung paano naganap ang “shock” na isa sa mga pilosopiya ng neo-liberalistang si milton friedman. ipinakita ni klein na ang massacre ay nagbunsod ng shock – o maaaring sabihing torture sa mamamayan sa lebel ng ahensiya, samantalang ang “shock” din ang nangyari sa lebel ng sosyosdad dahil sa naghudyat ang massacre upang mapakita ng estadong US na mali ang sosyalismo at wasto ang liberlisasyon. . . tila bagang pagkuryente sa may karamdaman ang kinalabasan. frame-up ang ginawa ng estadong US dahil may mga datos na ipinakita kung paano nito pinlano na tuluyang pabagsakin ang sosyalismo ng tsina, isang politikal assault na mahusay gawin ng US.

    si Naomi klein ay isang journalist, bagamat hindi ko din alam ang background at may mga komento sa kanya si Zizek sa organs without bodies ni zizek, nakikita kong may basehan ang mga sinasabi niya hinggil sa istorikal na pangengealam ng estados unidos sa mga sosyalistang bansa at maging mga industriyalisado o third world na bansa upang i-giya ang kalakaran mula sa keynesian na strukturang ekonomiya papuntang neo-liberalismo. wala pala akong libro, nakahiram lang ako. hehe.

  • kapirasongkritika  On June 18, 2009 at 5:45 am

    Ang galing. Oo nga. Nabasa ko ang general thesis ng libro ni Naomi Klein sa maraming progresibong publikasyong online. Pero hindi ko nakonek sa nangyari sa Tiananmen. Maganda ang pag-uugnay! Itinulak nga nito ang Tsina na lalong magliberalisa ng ekonomiya. At ito ang sinasabi ng mga pasimuno ng protesta na nakamit nila 20 taon pagkatapos — sa mga panayam sa kanila ngayon.

    Totoo! May mga datos na nagpapakitang nakialam talaga ang US para paypayan ang protesta sa Tiananmen. Nariyan ang Voice of America, ang napakaraming mamamahayag, at iba pa. Sayang at nawalang bigla ang http://www.lalkar.org. Naroon ang mga patunay ng pakikialam ng US. Noong isinusulat ko ito, buhay pa ang site nila.

    Maganda iyung ibang libro ni Klein, at pumaksa pa nga sa lagay ng mga manggagawa sa export-processing zones sa bansa. Sa dami ng reference sa Pilipinas sa mga nabasa kong librong progresibo, masasabi kong mahirap maging progresibo sa mundo kung hindi mo alam ang tindi ng pagsasamantalang dinanas at dinaranas ng Pilipinas. Heto ang link sana sa artikulo sa Lalkar. Baka mabuhay ulit:

    http://www.lalkar.org/issues/contents/may2009/tiannanmen.html

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: