Chile: Allende, Jara, Neruda

rebyu ng Pilar Aguilera at Ricardo Fredes, mga patnugot, Chile: The Other September 11, An Anthology of Reflections on the 1973 Coup. Melbourne at New York: Ocean Press, 2006.

Ang mali ko, binuksan ko ang librong ito nang madaling araw, pampatulog sana. Hindi ko na nabitawan, kaya hindi ako agad nakatulog. Salik ang pagiging maiksi – tiyagain mo na, madali lang matatapos. Pero syempre, pangunahin ang bigat ng laman sa estilong magaan. Sa loob ng wala pang tatlong oras, sa pamamagitan ng mahigit 110 pahina, tumimo sa akin ang “isa pang 9-11.”

Ang tinutukoy: ang kudetang inilunsad ng militar ng Chile noong 1973 laban sa gobyerno ni Salvador Allende, sosyalistang presidenteng halal at suportado ng mga mamamayan sa isang demokratikong eleksyon noong 1970. Isa sa namuno sa kudeta si Hen. Augusto Pinochet, naging diktador ng Chile sa mahabang panahon, 1973-1990. Gaya ng alam ng marami ngayon, at pinapagtibay pang lalo ng libro, todong sinuportahan ng rehimen ni Richard Nixon ng US ang marahas na kudeta, sa tulak ni Henry Kissinger, direktor ng National Security Council.

Aaminin kong hiniram ko ang librong ito dahil tampok sa pabalat ng libro ang pangalan ni Ariel Dorfman, bantog na manunulat na Chileano. Pero lalabas na ang sanaysay ni Dorfman, na nag-ugnay ng 9-11 ng US sa 9-11 ng Chile sa simula ng libro, ay sekundaryo sa bisa ng ibang nilalaman: mga tula nina Pablo Neruda, Victor Jara, Ishmael Reed, David Ray, A. Apercelle at Muriel Rukeyser; mga salaysay nina Joan Jara, Matilde Neruda at Beatriz Allende tungkol sa pagkamatay ng mga lalake sa buhay nila; ang huling talumpati ni Salvador Allende; mga analisis nina Dorfman at Fidel Castro. May mga pahinang laan lang sa mahahalagang datos at tampok na sinabi ng susing mga tao sa kudeta.

Umikot ang mga salaysay sa dalawang krusyal na pangyayari sa araw na iyun: ang pag-atake sa Palacio de La Moneda, Malakanyang ng Chile, ng mga pwersang militar na nagkudeta at ang pagkulong sa libu-libo sa Estadio Chile – bagamat may sipat din sa pagpatay sa mga ikinulong na ito ng militar. Sa mga bahaging ito, namuo ang mga salita patungong imahe ng pangyayari:

Salvador Allende

Victor Jara 2

Pablo Neruda

Si Salvador Allende, may hawak na baril – iyung regalo sa kanya ni Castro ng Cuba – at nakabihis-militar, handang lumaban at mamatay sa pagtindig sa La Moneda. Sa proseso, kalmado pa niyang nabigkas sa radyo ang huling mensahe niya sa sambayanang Chileano. “Posibleng madurog nila tayo, pero ang bukas ay sa sambayanan!” sabi niya. Tumanggi siyang umalis sa palasyo kahit binilangan na ang mga pwersa niya at grabeng atake ang pinawalan sa kanila.

Si Salvador Allende, nakikipagbarilan sa mga nagkudetang militar na umaakyat na sa mga hagdanan ng La Moneda matapos ang matagal na labanan. May nagsabing nagpakamatay siya noong nasukol, pero kumikiling si Castro sa ibang bersyon: lumaban si Allende hanggang mahigit 10 bala na ang nakatanim sa katawan niya. Noong namatay siya, binuhat siya ng mga sundalong kasama niya, iniupo sa upuan ng pangulo ng Chile, sinuotan ng sash ng presidente at binalutan ng bandila ng Chile. Sa huling mga pahayag niya, malinaw ang gusto niya: ang maalala bilang “marangal na taong matapat sa kanyang bansa.”

Si Victor Jara, bantog na kompositor at mang-aawit na Chileano, lasug-lasog ang kasuotan, bugbog ang katawan, nakapiring, iniharap sa napakaraming dinakip na nakadapa at nakapiring sa Istadyum ng Chile, pinakanta ng militar, at umawit ng ilang linya ng himno ng Unidad Popular, partidong elektoral nila, ang “Venceremos” – magwawagi tayo. Pagkatapos, hinila na siya palayo. Kinabukasan, nakita siyang patay, kasama ang iba pa, ginamitan ng machine gun. Bago nito, nakapagsulat pa siya ng tula: “Ang nakita ko, hindi ko pa nakita /Ang naramdaman ko, at ang nararamdaman ko / ay magsisilang sa yugto.”

Si Pablo Neruda, kilalang makata at manunulat, miyembro ng Partido Komunista, patay na at ihinahatid sa libingan. Dinakip ang doktor niya sa ospital kung saan siya nagpapagaling, kaya inilipat siya ng asawa niyang si Matilde. Sa daan, kabi-kabila ang pagpara at paghalughog ng militar sa sasakyan. Dumating siya sa panibagong ospital nang kritikal ang kondisyon. Doon na siya namatay. Noong dinadala na ang katawan niya sa sementeryo, nakasumpong ng tapang ang mga naglibing. Isa-isa, bumigkas ng tula ni Neruda, walang kopya, kabisado. Bagamat napaligiran ng mga sundalo, nagawa nilang kumanta ng “Internationale”: “Bangon, sa pagkakabusabos! / Bangon, alipin ng mundo!”

Schwitters 1

Schwitters 2

Schwitters 3

Bukod sa patotoo ni Castro tungkol sa pagsabotahe ng imperyalismong US sa gobyernong Allende, may masinsing kronolohiya sina James Cockcroft at Jane Canning sa dulo ng libro, nagpapakita ng tuluy-tuloy, sistematiko at malupit na pagsisikap ng rehimeng Nixon na ibagsak ang gobyernong Allende. Pinagkaitan nito ng pautang ang Chile, at kahit ng suporta noong binayo ang huli ng lindol. Pero nagbigay ito ng $10 Milyong pautang sa militar ng Chile ilang linggo bago ang kudeta. Pinaghirap ng naghaharing uri ng Chile ang ekonomiya, pinagwelga ang mga manggagawa, nanawagan sa militar na ibagsak ang gobyerno.

Tampok sa libro ang sinabi ni Kissinger, noong natatakot ang rehimeng Nixon na mananalo si Allende sa eleksyon: “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang wala tayong gawin at manood na maging komunista ang isang bansa dahil sa pagiging iresponsable ng sarili niyang mga mamamayan.” Dahil sa ginawa niya sa Chile at ibang bansa, kaisa ng kontra-demokratiko at kontra-komunistang  kaisipan niya, maraming nagsasabing kriminal siya sa digma (war criminal).

Dahil kailangan kong ipatupad nang walang alinlangan
ang parusang ito, hindi pa nasasaksihan,
ng pagbaril sa isang tinutugis na kriminal,

na sa kabila ng mga paglalakbay niya sa buwan
ay pumaslang na ng napakarami rito sa lupa
sa puntong nagliliparan ang mga papel at napakawalan ang pluma
para isulat ang pangalan ng kontrabidang ito
na maramihang pumapatay mula sa White House.
– Pablo Neruda

At walang matatagpuan ang Kasaysayan na bakas ng
mga abo mo sa silungan ng iyong impyerno
– Ishmael Reed

At si Nixon, ang nasilong daga
nanlalaki ang mata dahil sa takot,
ay nanonood sa muling pagsilang ng mga bandilang itinumba.

Araw-araw siyang nagapi sa Vietnam.
Sa Cuba, naitaboy ang kanyang ngitngit
at ngayon sa nakalibing na madaling araw
nginangasab ng hayop na ito ang Chile
hindi alam na ang mga Chileanong hindi mahalaga
ay magtuturo sa kanya ng leksyon tungkol sa dangal.
– Pablo Neruda

Richard Nixon

Henry Kissinger

Augusto Pinochet

Bagamat kahanga-hanga ang ipinakitang tapang (sa paglaban hanggang kamatayan) at dangal (sa pagtupad sa pangakong binitawan niya na lalaban hanggang huli) ni Allende, makikita ang kahinaan ng mga aksyon niya noong araw na iyun. Kusa siyang maagang pumunta sa La Moneda noong nalaman na niyang may nagaganap na kudeta, at ipinagtanggol ito gayung mahigit 40 lamang ang pwersang militar na kasama niya. Sabi nga ni John Berger, Marxistang manunulat, alam ng mahihirap na hindi karuwagan ang umatras sa isang panahon. Sa harap ng mas superyor na kalaban, kailangang umatras at mag-ipon ng lakas, para sumulong at sumagupa sa hinaharap.

Isang mulat na pagsisikap at eksperimento sa “mapayapang landas patungong sosyalismo” ang Unidad Popular at gobyernong Allende – at ipinakita ng karanasan nito ang hantungan ng ganoong pagsisikap. Sa kanyang madamdaming pakikiisa sa mga mamamayang Chileano at paglalagom sa naganap, wastong natumbok ni Castro ang kahinaan: “Kung ang bawat manggagawa at bawat magsasaka ay may ganoong riple [tulad ng ibinigay niya kay Allende at kinutya pagkatapos ng mga maka-kudeta], hindi sana nagkaroon ng pasistang kudeta!” Sabi pa niya, “Imposibleng lumikha ng rebolusyon nang mga mamamayan lang ang kasama: kailangan din ang mga armas!”

Naalala ko lang, isa sa mga batayan ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal na Amerikano, sa peryodisasyon niya ng postmodernismo ang pagkagapi ng sosyalistang pagsisikap sa Chile. Ang totoo, sinabi niyang nagsimula ang postmodernismo – bilang “lohikang pangkultura ng abanteng kapitalismo” noong 1973. Dito pa lang, malinaw nang makikita ang katotohanan sa husga ni Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles, na ang postmodernismo – ang diskursong lumaganap sa akademya – ay diskurso ng pagkabigo ng Kaliwa.

Makabuluhang ihambing ang karanasan ng Chile sa karanasan ng Pilipinas. Bago ang 1973 ng Chile ay ang 1972 ng Pilipinas – ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar at pagsupil sa Kaliwa sa bansa. Sa halip na mapaatras, lalong lumakas ang Kaliwa sa ilalim ng diktadura. Napatalsik si Marcos noong 1986 sa malakas na tulong ng Kaliwa, habang noong 1990 lamang bumaba sa pwesto si Pinochet – para maging punong kumander ng militar hanggang 1998.

Hindi ko alam kung may pagpapatuloy sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ang Kaliwa ngayon sa Chile mula sa panahon ni Allende. Pero tiyak akong mayroong ganyang pagpapatuloy ang Kaliwa ngayon sa bansa mula noong bago ang 1972. Malinaw ang kaibahan: ang pagkakaroon ng armadong kilusan sa Pilipinas at ang lihim na pag-oorganisa sa kalunsuran na naging posible dahil mayroon itong lihim na atrasang ibinigay ng armadong kilusan sa kanayunan.

22 Hunyo 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • bikoy  On June 22, 2009 at 8:17 pm

    nitong nakaraang buwan ko lang unang nalaman ang tungkol sa karanasan ng chile sa ilalim ni allende at nang mapatalsik siya, noong mapanood ko ang “machuca”. oo, marami ngang aral ang mapupulot mula sa pagkabigo nila. indeed, the people armed will never be crushed. noon ko lang din nadiskubre na sa kanila galing yung popular na chant na “el pueblo unido…”

  • guillerluna  On June 23, 2009 at 7:40 am

    naiiyak ako. nung isnag taon, nabasa ko ang slavador. grabe talaga ang ginawangt kayurakan ang ginawa ng estados unidos sa latina merika. magpahanggang ngayon. kaya nga panalo lang talaga si castro at ang cuba ng tanggihan nila ang reinstatement sa OAS. nakakpanindig balahibo. saan kaya ako makakuha ng kopya nito?

  • guillerluna  On June 23, 2009 at 7:52 am

    di ba si hitchens yung bumaliktad na kaliwa?

    anywya, bago ako bumisita sa blog mo, nabasa ko ang karumaldumal na masaker sa mga IP sa Peru. grabe! may mga inihuhulog sa bangin, para hindi masabing may napatay sa protesta.

    yung kay jameson ba ay galing sa cultural logic na libro? mabasa na nga. may ebook ata ako nito. mabuhay ang mga anghel ng kasaysayan! mga tagapaghatid ng malalagim na balita. hehehe.

  • kapirasongkritika  On June 23, 2009 at 1:00 pm

    @ Bikoy: Salamat sa pagkokomento! Salamat din sa pagli-link! Ang GnD mo, ah. Hehe. Hindi ako mahilig sa pelikula, pero dahil kaugnay ng Chile, susubukan kong hanapin at panoorin iyan.

    @ Guiller Luna: Halatang naiyak ka sa pagta-type mo. Hehe. Ibig mong sabihin, iyung Salvador ni Joan Didion? Hindi ko pa nababasa, pero curious na ako pagkabasa ko ng librong ito. Tumaas respeto ko kay Castro noong nabasa ko siya rito.

    True, naging liberal si Hitchens. Pero pabor iyan sa gera ng US sa Iraq. “Laptop bombardier” nga ang isang tawag sa kanya. Hindi ko pa nababasa ang nangyari sa Peru. Mas iyung nagaganap sa Iran ang binabasa ko. True, Postmodernism, or The Cultural Logic of Late Capitalism, iyung libro. Pwede ring iyung essays niya.

    Sabi ko na nga ba, kapag nagsulat ako ng kahit ano tungkol kay Neruda, magkokomento ka. Hehe. Pwede kong ipahiram sa iyo ang libro. After all, ikaw ang huling kasama ko bago ko binasa.

    Mabuhay!

  • Kontras  On June 23, 2009 at 11:01 pm

    President Michelle Bachelet (center-Left, Chile): “There was this old joke, and I hope nobody — nobody of you feel bad about this old joke, because it was told to me by an American ambassador, not in Chile, in a multilateral agency. And he said to me, some people say that the reason — because there’s no — this is a bad joke, really. (Laughter.) It’s not a good idea. It’s not a good idea, but it was a joke that the Americans told me. The reason why in the United States there has never been a coup d’etat is because in the United States there is no United States embassy.” (Laughter.)

  • uyayi  On June 24, 2009 at 5:28 am

    maging proud ka, tinapos kong basahin ang post na ito. hehe. lagi’t lagi, mapagkukunan ng inspirasyon ang mga taong nagpapatuloy na sumugod at lumaban sa harap ng sakripisyo at kamatayan (bagamat wrong move nga ang ginawa ni allende).

    salamat sa entri na ito. apir.

  • kapirasongkritika  On June 24, 2009 at 4:48 pm

    @ Kontras: Bakit parang nahihiya siyang sabihin? Hehe. Totoo naman — lalo na batay sa karanasan ng Latin America. Pero may kakaiba tayong karanasan sa US Embassy at kudeta sa Pilipinas, hindi ba? Natigil ang isang kudeta ni Gringo Honasan noon dahil sa tinatawag na “persuasion flights” ng mga eroplanong Kano noon — paglilinaw na katig pa rin ang US kay Cory.

    @ Uyayi: Proud ako. Hehe. Apir!

  • sarah  On June 24, 2009 at 11:20 pm

    magkakambal na opensiba ang nilunsad ng Imperyalismong U.S. sa mga panahong ito. habang may mga pablo neruda, victor hara at iba pa na nagpayabong ng rebolusyon sa pamamagitan ng kanilang kultural na kapital, sa panahon ding ito umariba ang isang grupo ng Chilean economists na kinilala sa bansag na Chicago Boys na nagsanay sa University of Chicago sa ilalim ng isang Friedmanite program. Ito ngayon ang tinuturing na unang phase ng neoliberalismo, ang coup d’etat ni Pinochet at ang paghahasa ng ideolohikal na opensiba ng neoliberaliso. Mas magiging kongkreto ang laman ng Friemanite School sa mga polisiya ni Margaret Thatcher matapos ang 1979 at ang tipo ng ekonomiks na ipinatupad ni Reagan sa Estados Unidos matapos ang 1981. Sa kasalukuyan, aktibo pa rin ang pagrerekluta sa mga Chilean intellectuals tungo sa pagsusulong ng neoliberalismo. Nakapwesto sila sa mga istrateheikong pormasyon at establisadong institusyon na nagtutulak ng bangkaroteng neoliberal capitalism. May isang larawan na nakunan sa isang pagpupulong kung saan nanalumpati ang isa sa mga Chicago Boys (shempre super lolo na siya ngayon). At habang marami itong sinasabi na taliwas sa lahat ng kongkreto, totoo at lahat ng may saysay, taas-kilay naman ang mga mas nakababata (at mas makikisig) na Chilean boys at iba sa mga Latino nilang kapanalig.

    • jay  On June 30, 2009 at 5:30 am

      oo nga..ito ang naging laboratoryo ng naisip ni friedman na neo-liberalisasyon. at kung kaya’t makikita ang trajeksyon ng ekonomiya ng chile mula sa national economy sa panahon ni allende, ay naging papuntang pribado, liberal, at deregulado sa panahon ni pinochet. ang massacre na nangyari ay hindi masasabing takot lang ang US sa lumalakas na pwersa ng mga progresibo at mga sosyalista sa latin amerika ng panahong ito, Ito ang naghudyat ng pagpasok ng chicago boys ni milton friedman upang subukan ang neo-liberal na ekonomiya upang mailako nila ang ekonomikal na istraktura sa iba pang bansa na noong panahong iyon ay dumadanas ng krisis mula sa keynesian o welfare state na modelo.
      magaling yung ginawa ng chicago boys, bago pa dumating si Michael Jordan bilang assassin ng basketball, ang chicago boys na ang assassin ng pol-ekon ng mga bansa sa latin amerika . . .

      • kapirasongkritika  On June 30, 2009 at 10:36 pm

        Patunay na kasinungalingan ang retorika ng US na sa demokrasya lang tugma o compatible ang malayang pamilihan.

  • Kontras  On June 25, 2009 at 5:04 am

    @ Teo: keynote speaker kasi siya ng council on foreign relations sa isang lunch session nito nung sinabi niya yan. kaharap niya mga, well, to put it bluntly, mga monopolyo kapitalista, imperyalista, at malamang mga neocon.

  • krguda  On June 25, 2009 at 6:09 am

    Mula sa huling bahagi ng Memoirs ni Neruda:

    “I am writing these quick lines for my memoirs only three days after the unspeakable events took my great comrade, President Allende, to his death. His assassination was hushed up, he was buried secretly, and only his widow was allowed to accompany that immortal body. The aggressors’ version is that they found clear signs of suicide on his lifeless body. The version published abroad is different. Immediately after the aerial bombardment, the tanks went into action, many tanks, fighting heroically against a single man: the President of the Republic of Chile, Salvador Allende, who was waiting for them in his office, with no other company but his great heart, surrounded by smoke and flame.

    “The couldn’t pass up such a beautiful occasion. He had to be machine-gunned because he would never have resigned from office. That body was buried secretly, in an inconspicuous spot. That corpse, followed to its grave only by a woman who carried with her the grief of the world, that glorious dead figure, was riddled and ripped to pieces by the machine guns of Chile’s soldiers, who had betrayed Chile once more.”

  • kapirasongkritika  On June 25, 2009 at 2:03 pm

    @ Sarah: Salamat sa impormasyon! Parang may narinig nga akong ganyan, na mailulugar ang pagsisimula ng neoliberalismo sa panahon ni Pinochet sa Chile. Kakaibang sa Pilipinas, mas dekada ’90 pa talagang babansagang neoliberal ang pagbubukas sa ekonomiya na ipinatupad na rin naman ni Marcos. Terorismo hindi lang sa panunupil, ano? Terorismo rin sa ekonomiya.

    @ Kontras. Ah. Tapang pala ang inaakala kong hiya. Isipin mo: pwede nga namang siya mismo ang ikudeta.

    @ KRGuda: Salamat sa pagsipi sa matulaing seksyong ito ng memoir ni Pablo Neruda. “With no other company but his brave heart” — dahil hinahalimaw rin sa panahong ito ang mga mamamayang Chileano. Ramdam mo kay Neruda ang ngitngit, kahit pa nalalapit na rin ang kamatayan niya noong isinulat niya iyan. Sana marebyu mo ang libro sa blog mo, maikwento mo ang mga tampok na salaysay at suri ni Neruda.

  • glen  On July 7, 2009 at 11:31 am

    Mga babasahin tungkol sa kilusang masa ng Latin America ang reading backlog ko (among others) kaya natuwa ako dito pero wala akong maicontribute na insights. Gusto ko lang tanungin kung ano ang paborito mong tula ni Neruda. Hehe!

  • kapirasongkritika  On July 8, 2009 at 11:40 am

    Kwentuhan mo kami sa blog na ito kapag may mga insights ka, ha. Ang isang magandang basahin ay iyung Open Veins of Latin America ni Eduardo Galeano. PDF copy lang ang mayroon ako, ipadala ko sa iyo. Hehe. Iyan iyung regalo ni Hugo Chavez kay Obama. Hehe. Daming magandang kwento!

    Naku, Glen. Iyan ang isang kahinaan ko. Hindi ako marunong umunawa ng mga tula. Sinusubukan ko naman eh. Huhu. Hehe. Totoo. Pwede na ba iyung “Tonight I can write the saddest lines”? Hehe.

    Kasi mas love mode na mga tula ni Neruda ang pinalaganap sa atin. Gusto ko rin sanang mabasa iyung mga tula niyang hardcore leftist lang ang mode niya. Hehe. Ingat!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: