Pilosopong Magiging Hari?

Sa kanyang sanaysay na “The Philosopher Who Would Be King,” ipinahayag ni Caffeine Sparks ang pagsuporta niya sa kandidatura ni Prop. Randolf “Randy” David ng Departamento ng Sosyolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas. Alam na ng marami ngayon na nagdeklara si Prop. David na tatakbo siyang kongresista para kalabanin si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na napabalitang tatakbo rin sa posisyong iyun sa isang distrito sa Pampanga na tinitirhan nilang dalawa.

Matapos papurihan si Prop. David, kalakhan dahil sa isang “nakakabilib” na talumpati nitong napanood niya, may sinabi si Sparks na nakakabagabag: “Ang mga taong nagpoprodyus ng kaalaman, mga iskolar na katulad ni Prop. David, ay binibigyan ng tungkulin ng kanilang bokasyon na maging kritikal sa status quo. Ito ang kultura ng akademya, lalo na sa mga agham panlipunan, kung saan lahat ng konsepto ay palaging nasa kalagayan ng pagkukwestyon… Ang mga debateng ito ay ginagawa sa isang atmosperang collegial, kung saan isang anomalya kung ang katotohanan at malisya ay mapagsasama sa isang kama.”

Gaya ng sabi ko sa seksyong komento ng entri na iyun, malinaw na isang labis na simplipikasyon ang pahayag na ito – sa puntong simplistiko – at isang romantisadong pagtingin sa akademya na hindi sinusuportahan ng mga datos. Totoo, dapat maging kritikal sa umiiral na kaayusan ang mga taong nagpoprodyus ng kaalaman. Pero kadalasan, nirereprodyus lang nila ang dominanteng kaalaman sa lipunan. At lalong hindi totoong “Ito ang kultura ng akademya, lalo na sa mga agham panlipunan.” Bagamat pana-panahong tumitindig sa maiinit na pambansang isyu ang mga akademiko, sa kalakhan ay hindi sila tumutuligsa sa malalim at matagalang mga suliranin ng lipunan.

“Ang paper lang dito,” sabi minsan ni Edel E. Garcellano, intelektwal na mahilig sa debate, patungkol sa Unibersidad ng Pilipinas na laging pinagkakamalang ligalig sa mga pagtatalo, “ay iyung pamunas ng pwet.” Oo nga naman. Nasaan ang mga pagkwestyon sa status quo? Nasaan ang laging pagkwestyon sa mga konsepto? Ang mga debate? At kung may debate man, tungkol saan? Kung may lugar man na nagaganap ang mga bagay na ito, iyan ay walang iba kundi sa minsan nang tinawag ni Prop. Judy M. Taguiwalo na “unibersidad sa loob ng unibersidad” – sa kilusang aktibista sa loob ng UP, hindi sa mismong akademya. At lalong hindi sa mga agham panlipunan. Si Prop. Alex Magno, bilang sikat na akademiko mula sa mga larangang ito, ang kinatawan ng mas tahimik na iba: rumaraket sa gobyerno at negosyo, at labis na kritikal sa puntong galit sa Kaliwa.

Organize

le-joli-mai-birdseye

Pero mainam na rin ang sinabi ni Sparks. Tinawag nito ang pansin sa isang isyu sa departamento ni Prop. David: ang tenure ni Prop. Sarah Raymundo. Ihinapag na ang usaping ito ni Prop. Danny Arao kaugnay ng pagtakbong kongresista ni Prop. David. Sa usaping ito, makikita ang tunay na pinagdedebatehan ng mga akademiko, at hindi iyan matatayog na usapin katulad ng pilosopiya ni Sartre o moda ng produksyon sa Pilipinas. Makikita ring hindi totoo na parang tubig at langis na hindi napagsasama sa akademya ang katotohanan at malisya. Sa kaso ni Prop. Raymundo, puro malisya ang nagaganap, walang katotohanan. May mga akusasyon diumano sa kanya pero hindi ito kailanman ihinarap sa kanya.

Gaya muli ng nasabi ko sa seksyong komento sa entri ni Sparks, hindi makikita sa pagharap ni Prop. David sa kasong ito ang sinasabi niyang due process (na tugma sa hilig niya kay Max Weber) at pangkomunikasyong rasyunalidad (communicative rationality, hango kay Jurgen Habermas). Pero narito kaya ang pragmatismo ni Richard Rorty – na ang katotohanan ay kathang nililikha ng mga tao at hindi matatagpuan sa obhetibong mundo? Hindi ko gustong magmalaki sa mga pangalan ng mga intelektwal na nabanggit. Sadyang batay lang sa mga sulatin ng mga intelektwal na ito at ng iba pa ang mga sulatin ni Prop. David.

Wala akong problema sa pagtakbo ni Prop. David laban kay Gloria. Kung may kalakasan siya, iyan ay ang konsistent na pagiging kontra-Gloria, pagsusulat tungkol dito at pagkilos kontra dito. Mahusay din ang tuligsa niya sa kabulukan ng pulitikang Pinoy. May pag-asang hindi siya mangungurakot sa pwesto, kundi magsusulong ng mga repormang makakabuti sa mga mamamayan sa kagyat.

Pero huwag na siyang papurihan sa batayan ng mga romantisado at hindi totoong nosyon ng akademya. Ang katotohanan nga, nariyan ang kahinaan niya.

29 Hunyo 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • sparks  On June 29, 2009 at 3:27 am

    hello, angela stuart? buti na lang gino-google ko sarili ko every so often. otherwise di ko mababasa ang reaction na ito.

    anyway, you’re right my portrayal of the academe in that blog post is romanticised. it is true however that politics exists in all spheres of life.

    i’m afraid the kind of politicking in the university setting is no comparison to what it is like in government.

    and while he is a tyro in congress, i bet you mong palatino will testify to that soon enough

  • teridon  On June 29, 2009 at 11:15 am

    pano naman nasali si mong dito?

    yung usapin dito – si randy david -> inconsistent.

    at mukhang kailangang pukulin yung binabanggit na tila magkaiba ang pulitika ng pamantasan at lipunan.

    yung Student Regent nga ngayon, ayaw paupuin ng Board of Regents e, kahit malinaw na pinili ng mga lider-estudyante.

    anong batayan? mga kasu-kasuhan.

  • sparks  On June 29, 2009 at 1:29 pm

    teridon,

    responding to this comment mentioning mong palatino http://haloscan.com/comments/caffeinesparks/1059857451779073406/#417218

    hm, sa pagkakaiba ng pulitika sa pamantasan at sa pamahalaan – anong batayan ng pagkakaiba? lawak at saklaw? hindi naman inihahalal ng sambayanang pilipino ang kung sino mang umupo sa mga departamento ng UP. hindi rin pananagutan ng mga guro at administrator ng UP ang kapakanan ng lahat.

    sabagay, madugo rin talaga ang pulitika sa UP. siguro nga pwedeng ihalintulad ang back-biting at siraan.

  • jay  On June 29, 2009 at 1:59 pm

    mmm, magandang isipin nga naman kung ano ba ang romantiko sa bawat segmento ng pulitika at lipunan.. . ang UP, kilala bilang lugar ng intlektwal na debate, melting POT ng ideya, ay tila ilusyon na lang. ang mga progresibong ideya sa UP ay lubhang naisasantabi nalang, bagamat may espasyo sa geogrpikal na lokasyon, sa katotohanan ay represado kung ang pagbabatayan ay ang pulitikal at kultural na lokasyon. magandang ibato ang sinasabi ni habermas na “ideal speach situation”, na isang ilusyon at hindi kailan man maabot, kahit sa loob ng UP, dahil sa mga kondisyon ng gahum, uri, etnisidad, at disposisyon.
    ang ganitong istruktura sa lipunan ang sumasaklaw sa kung ano ang meron sa kongreso at kamukha bagamat may pagkakaiba sa pulitika ng UP.

    anyway, ang pagtakbo ni randy david sa pulitika ay romantiko, at tulad ng maraming paghahangad ng pagbabago sa lipunan, ano ang hindi romantiko?
    naiintindihan ko na mali ang romantisismo, pero, ano nga ba ang hindi romantisimo sa paglulunsad ng pagbabago?sa kahit anong porma ng pagpapalaya?

  • tanglad  On June 29, 2009 at 7:00 pm

    Bukod sa makitid at romantiko, ang pag-equate ng iskolar sa pamantasan at “taong nagpropodyus ng kaalaman” ay maka-elitista. Nangyayari ang produksyon ng kaalaman sa bawat bahagi ng lipunan. Pero maraming kaalaman ang hindi binibigyan ng halaga, tulad ng kaalaman ng mga katutubo. At isa pa, lahat tayo, at hindi lang ang mga “taong nagpropodyus ng kaalaman” ang naatasang maging kritikal sa status quo. For starters, responsibilidad iyan ng lahat ng mga iskolar ng bayan.

  • sparks  On June 30, 2009 at 8:14 am

    hm, well knowledge-production is also a power struggle no? there’s no question about that.

    “iskolar ng bayan” – di ba elitista rin ang terminong yan?

    at ang self-appointed na radikalismo ng UP halimbawa – di ba elitista rin?

  • kapirasongkritika  On June 30, 2009 at 10:51 pm

    @ Sparks: Kaibigan ko si Angela Stuart-Santiago. Rebelde siya, kaya pakiramdam ko, natural ko siyang alyado. Oo, nabasa ko ang komento niya kaya nagkaroon ako ng lakas ng loob na isulat ito. Pero sa tingin ko, may mga naidagdag ako sa talakayan bukod sa sinabi niya. Salamat sa pagtanggap sa puna. Bihira iyan sa mga blogger. Hehe.

    Tama, iba pa rin ang pulitika sa akademya. Pero sobrang layo rin ng paglalarawan mo sa reyalidad. Ang mahirap pa sa pulitika sa akademya, parang nyutral lang, kaya nga nakakadagdag sa mistipikasyon ang paglalarawan mo.

    @ Teridon: Mukhang humahabol nga ang pulitika sa kampus, lalo na sa UP, sa pulitika sa bansa, sa usapin ng antas.

    @ Jay: Parang iyung sinabi iyan ni Gramsci: “Pesimismo ng diwa, optimismo ng kapasyahan.” Wala tayong problema sa romantisismo sa paghahangad na baguhin ang mundo — pero mayroon kung sa pagsusuri nito. At iyun naman ang pinupuna. True, kailangan pa ngang ipaglaban ang isang lipunan kung saan talagang may ideyal na kalagayan para sa pagsasalita.

    @ Tanglad: Nadale mo! Hindi ko iyun napansin! Hehe. Tama! Ang mga manggagawa at karaniwang tao rin, gumagawa nga ng kaalaman — ang kahinaan lang nila, ang kakayahan nilang isalin ito sa salita, na siyang itinuturing na kaalaman nating mga petiburgis. Yes, lahat tayo!

    @ Sparks 2: Oo naman, tunggalian sa kapangyarihan din ang pagprodyus ng kaalaman, pero sa pagsasabi mong mga akademiko ang nagpoprodyus ng kaalaman, kumikiling ka na sa makapangyarihan at nananaig sa tunggaliang iyan sa lipunan natin — hindi sa mga sinusupil at nagagapi. Paano namang naging elitista ang “iskolar ng bayan” kung lahat ng mga nag-aaral sa mga state U ay gumagami niyan? Hindi naman self-appointed ang radikalismo ng UP. Iyan nga ay maling persepsyon sa UP na inani nito hindi dahil sa UP kundi sa mga boses na sinusupil din sa UP. So ano ang elitismo doon?

  • angela  On July 1, 2009 at 5:32 am

    teo, laking pasasalamat ko na join ka sa diskusyon sa fv, lalo pa sa sanaysay na ito. indeed, laking dagdag sa talakayan! salamat din kay sparks na bukas ang isip sa talakayang akademiko ;))

  • tanglad  On July 1, 2009 at 6:50 pm

    @Teo: “ang kahinaan lang nila, ang kakayahan nilang isalin ito sa salita, na siyang itinuturing na kaalaman nating mga petiburgis.”

    Agreed. Idadagdag ko lang na tingin ko, mas kakulangan natin ito, ang pag-devalue ng mga ibang klaseng kaalaman. Napasulat mo ako nang mas mahaba tungkol dito.

  • kapirasongkritika  On July 2, 2009 at 2:04 am

    @ Angela: Walang anuman! Hehe. The rebel in you inspires. Hehe.

    @ Tanglad: Oo. Tayo ang may kakulangan. And we could only ignore these forms of knowledges at our peril. Nabasa ko ang iyong entri, makabuluhan! Sabi nga ni Brecht, mababago lang natin ang reyalidad batay sa mga leksyon ng reyalidad — at malaking bahagi nito ay ang paano inaalam ng mga tao ang sariling mundo. Maraming salamat sa link!

    @ Sparks: Pahabol: Kaugnay sa pag-Google mo, hindi mo na sana kailangang gawin iyun kung mabilis na inaprubahan sa FV ang komento ko. Iyung pingback ko nga doon, hindi lumabas. Bakit kaya?

    Ang tindi ng akusasyon ng nagkomento rito:

    http://haloscan.com/comments/caffeinesparks/1059857451779073406/#417218

    Sino ba si Erwin Rafael? Bakit siya gumagawa ng ganyang klase ng akusasyon? Iyan nga ang problema sa hindi pagharap ng Departamento ni David ng mga akusasyon kay Prop. Raymundo. Kung anu-ano na lang ang lumalabas — at pawang walang batayan pa.

    Kung hindi mapapatunayan ni Rafael ang akusasyong iyan, wala na siyang kredibilidad bilang blogger. At kahit ang mga taong nagli-link sa blog niya. Grabe.

  • sparks  On July 3, 2009 at 11:16 am

    hm,

    dahil wala naman akong insider na alam tungkol sa pulitika ng sociology department sa UP, hindi iyon kasama sa konteksto ng isinulat ko. ang konteksto ay ang desisyon ni randy david na kasagupain si gloria macapagal arroyo. paano ngayon akong di kumiling sa inaapi?

    bilang produkto ng UP, at bilang isang guro na nakapagturo na sa iba’t-ibang pamantasan, walang kaila na elitista ang UP. may masamang konotasyon kasi ang salitang ‘elitista’ hindi ba? kung maka-demokratiko ang State U, e di wala na sanang entrance exam ano? at walang matinding pag-brainwash ng messianic complex sa mga mag-aaral nito. iskolar ka ng bayan, may katungkulan kang mag-silbi sa bayan. may katungkulan kang ihaon ang sambayanang pilipino sa pagkalugmok nito.

    hindi ba ito pag-hulma sa isang elite na grupo?

  • sparks  On July 3, 2009 at 11:20 am

    at tungkol sa radikalismo, parang palaging nahuhuli na ang state u sa mga nangyayari sa pulitika. obserbasyon ko lang ha. resulta ba ito ng pag-triple ng tuition ilang taon na ang nakalipas? gentrified na nga ba ang UP?

  • kapirasongkritika  On July 4, 2009 at 2:22 am

    Mas ang tinutukoy ko ay ang romantisasyon mo ng akademya, na sa pangkalahatan ay sang-ayon sa mistipikasyon nito na gusto ng mga naghahari sa bansa. Bagamat dapat kilalanin na pangunahin ang pagiging anti-Gloria mo, natin, sa usaping ito, dapat sa batayan ding kritikal sa akademya.

    Totoo, elitista ang UP bilang institusyong pang-edukasyon. Naghuhulma talaga ito ng elite sa lipunan, walang duda.

    Pero dapat pag-ibahin ang UP bilang institusyong pang-edukasyon at ang progresibong kilusan sa UP. Ang huli ang nagtuturo sa mga estudyante na maging mga “iskolar ng bayan,” hindi ang una. Ang itinuturo ng UP, pag-unlad sa career ng mga estudyante, huwag mag-rali, etc.

    Napakasimplistiko namang magbansag ng “Mesiyanismo” sa pagtuturo sa mga estudyante na may pananagutan sila sa bayan. Pero ang mga nagtuturo sa mga estudyante na maging iskolar ng bayan, sinasabi ito sa kanila hindi bilang mga tagapagligtas kundi bilang kabahagi, na dapat ay lumubog sa bayan. Dahil bayan ang bayani, hindi ang mga iskolar nila.

    UP pa rin naman ang may malalaking pagkilos sa lansangan, bukod sa ibang mga iskolar ng bayan — ng PUP, halimbawa. At hindi ito dahil sa UP bilang institusyong pang-akademiko, kundi sa kilusang progresibo sa UP. So parang ang tinutuya mo — sa pagsasabing nahuhuli ang UP sa radikalismo — ay ang kilusang progresibo sa UP. At sino ang nauuna? Ateneo?

    Well, may mga bagong hamon silang kinakaharap. Nakakatuwa nga, iyung mga kilabot na Nat Dem ang malakas sa UP, hindi ang maliliit na grupong repormista at NGOistang katulad ng Akbayan. Haha.

  • Esme  On July 5, 2009 at 4:38 am

    Ngayon ko lang nabasa ng buo ang mga gawa mo teo. Pati ang mga komento sa entry mo.

    Nakaktuwa. . .

    Tanong lang kay spark… paano mo ba nasabing elitista ang “iskolar ng bayan”?

    *** so malakas parin pala ang Nat Dem sa UP…

  • krguda  On July 5, 2009 at 4:45 pm

    Hindi elitista ang paghulma sa estudyante na “magsilbi sa bayan.” Ang problema sa UP, sa palagay ko, ay habang hinihimok nito ang mga estudyante na tugunan ang abstraktong nosyon nito ng “pagsisilbi sa bayan”, ipino-promote din nito ang paglilingkod sa multinational corporations at mga kumprador tulad ng mga Ayala. Hindi rin ito sumasalungat — katunayan ito pa ang nangungunang tagapamandila — sa kabuuang neoliberal na oryentasyon ng edukasyon. Tama ang sipi kay Judy Taguiwalo: nagkakaroon lamang ng makabuluhang pakahulugan ang “pagsisilbi sa bayan” sa pamamagitan ng pag-usbong ng isang radikal na tradisyon sa loob ng bulok na institusyon tulad ng UP.

  • sparks  On July 6, 2009 at 11:33 pm

    @kapirasongkritika,

    curious lang ako sa ideolohiya ng mga natdem ngayon. sa tono mo sa tingin mo kulang ang gawain ng socdem. at si david, bilang parte nito, ay may kakulangan. kung hilaw ang gawain ng mga ngo-istang kilusan, ano ang “tama”? ano ang “wasto?” ano ang “authentic”? at sa tingin mo ba ikaw at ang katulad mo ang may hawak sa mga tumpak na sagot?

    kung ang mga totoong radikal ay may hawak ng mga kasagutan (at ang opinyon ng mga tulad ko ay peke o mali), kulang sila siguro ng pr….kasi di nila mapaabot sa ordinaryong mamamayan ang mga nilalayon nila.

    may grand master plan ba? may plano bang bumuo ng vanguard party at buwagin ang estado? nag-uusap pa ba ang mga nasa bundok at ang nasa loob ng kongreso?

    • ina  On July 7, 2009 at 2:05 pm

      marahil sparks ay maganda ring ihagis ang mga tanong mo sa mga “ngo-istang kilusan”. bakit naman parating nasa natdem kilusan ang burden of explanation?

      kung tutuusin ay mas malinaw pa nga ang paninindigan ng natdem, mas consistent, mas kongkreto ang basis. samantalang kailan pa nagkaroon ng malinaw na paliwanag ang mga “ngo-istang kilusan” para sa kanilang paninindigan? o mas totoo, kailan pa sila naging forthright tungkol sa kanilang mga tinatalikuran?

  • kruger  On July 7, 2009 at 4:51 am

    napikon na ata

  • kapirasongkritika  On July 8, 2009 at 11:50 am

    @ Esme: Salamat! Sana maging habit mo na. Hehe. Ang ibig kong sabihin, malakas ang mga NatDem kung ikukumpara sa ibang grupo na nagpapakilalang “kaliwa.”

    @ KRGuda: Salamat sa komento. “Tagapamandila” — I love that word!

    @ Sparks: Masalimuot sagutin ang sinabi mong ito, nag-uumapaw sa postmodernistang asta. That is so 90s. Hehe. PR? Iyun lang ba ang usapin? Mahal ba ng sambayanan ang Akbayan? Hehe. Baka tungkol sa sinabi mo ang sunod kong blog entry. Nakakarami ka na, ha. Hehe.

    @ Ina: True. Ang mga tinutuligsa ko nga ang dapat ding sumagot, hindi ang mga NatDem. Hehe.

    @ kruger: Sino? Hehe.

  • kruger  On July 9, 2009 at 12:38 am

    sparks. pinaiyak mo na ata eh.

  • Kontras  On July 9, 2009 at 6:33 am

    curious lang ako sa ideolohiya ng mga “socdem” o “liberal” sa pilipinas ngayon. in teh first place, meron ba talagang socdem at liberal sa pilipinas, or are there conditions for liberal or social democratic politics to flourish in a country with a virtually non-existent middle class, a state that has deep anti-communist roots, and a political system dominated by competing networks of rentier families? are the so called “socdems” and “libdems” of the early 80’s really “socdems” and “libdems” , are they still “socdems” and “libdems” today? is this schema still valid; was it ever? and sa tono mo sa tingin ko sa tingin mo hindi kulang ang gawain ng “socdem” o may “ginagawa” ang “socdem”. meron ba? are there serious efforts from their end to engage the masses in politics, or to at least engage in politics qua programmatic battles between left and right and advance from the personalistic discourses of “morality”, “competence”, and “good governance”? at si david, bilang parte nito ay “socdem” at walang kakulangan. wag na nating banggitin pa ang kanyang “postmodern”, “postfoundationalist” turn, wala bang kakulangan sa pagsusulat ng kolumn sa dyaryo at pagtuturo sa graduate school? masisisi ba natin siya kung “kulang” nga? does it matter to him? does it matter to us?ung “yung mga ngo-istang kilusan, wala bang paniniwala sa “tama”? sa“wasto?” sa “authentic”? wala yatang tama, wasto , at authentic eh. haphazard yata ang mundo, kung ano-ano lang? pwedeng i-pause ang gravity para lumutang tayo lahat. pwedeng kayang umiral ang mundo nang may istraktura na walang taongnaniniwala sa katumpakan ng isang bagay at sa kamalian ng isa? pwede kayang kanya kanya tayo ng paniniwala sa tama at wasto – tutal karapatan naman natin yang ipinagkaloob ng liberal na estado – at isantabi na lang ang istruktura ng mundo, esensya ng mga bagay-bagay, at mga emergent na puwersa mula sa ugnayan ng mga ito?

    kasing dali lang namn ng pr ang pagpapaabot sa ordinaryong mamamayan ng mga nilalayon ng mga radikal eh. hindi na kailangang mag-organisa ng mga tao at magpatuyo ng laway nang kaka-kumbinse at puede na daanin na lang sa mga media gimik, pagsusulat sa mga blog at dyaryo, at pagdedebate sa mga ideya sa isang rasyunal at transparent na uniberso, pero mahalaga pa ba ang debate? baka puede na ang pagpaparada ng mga personalidad, pagdikit sa simbahan at pag-asa sa mga kristiyanong diskurso ng kabutihan…tutal wala namang tama at mali

    wala namang grand master plan eh. kanya kanya na lang, sigue, tanong lang? may plano pa bang bumuo ng seryosong partido ang mga “socdem” kung meron pa ngang “scodem” at seryosong i-engage ang estado? nag-uusap pa ba ang mga “mabubuting” “socdem” at mga “socdem” na naging trapo?

  • kapirasongkritika  On July 10, 2009 at 9:14 am

    @ kruger: Ah. Siya ba? Hindi naman siguro. Sikat siyang blogger, so baka sanay na siya sa debate.

    @ Kontras: Ikaw naman, eh. Parang gusto mo nang itaob ang susunod kong blog entry, ni hindi ko pa nga naisusulat! Hehe. Ang talas! Hehe. Nasa ganyang moda ang atake ko, pero sana may maidagdag pa ako sa talakayan — inubos mo na eh. Hehe.

  • Kontras  On July 13, 2009 at 5:32 am

    Ang problema ko kay sparks ay ang kanyang pa-inosenteng aktitud na “ah, so sa tinging mo tama ka? sa tingin mo ikaw lang ang tama”? Nung mistulang napapaatras niyo na siya, mukhang nagtago na siya sa saya ng infantilistang liberal na (anti)epsitemolohiya: walang isang taong may monopolyo ng katotohanan kaya wag kang mag-aastang ikaw lang ang tama, kasi tama din ako, o valid din ang opinyon ko, kaya respetuhin mo na lang. You don’t make a claim to truth and then admonish your anatagonist for truth-claiming when you’re under attack. This is a typical middle class strategy, especially when, after making an argument, usually really stupid (refer to univeristy forums like peyups.com), he is faced by a leftist trying tomake some immanent or transcendental critique of the first. the petit-bourgeois, realizing his reason abandoned him, still refuses to give ground, and tries to change the plane of the fight by appealing to liberal sensibilities — breaks into tears at magsumbong sa liberal police, charging the leftist of truth crimes – “dogmatism” “totalitarianism”, and the like.

  • kapirasongkritika  On July 14, 2009 at 2:25 pm

    Kontras, feeling ko nga, mas maayos pa ang liberal na pagtingin: “Kung iyan ang pagtingin mo, bahala ka. Ito ang pagtingin ko.” Okey pa siguro kung ganoon ang pagtingin niya.

    Pero parang may blackmail sa tanong niya, na very characteristic of postmodernist replies to Marxism. Parang in error ka na agad kasi naniniwala kang tama ang pinapaniwalaan mo.

    “You don’t make a claim to truth and then admonish your anatagonist for truth-claiming when you’re under attack. This is a typical middle class strategy, especially when, after making an argument, usually really stupid…” Tama.

    Pero ang ugat naman ay ang tinatawag ni Jameson na “strategies of containment” ng mga burgis at petiburgis. Para bagang hindi mo matanggap ang ibang katotohanan dahil gusto kang ikahon ng isang ideolohiya sa isang pagtingin.

    Masalimuot naman talagang yakapin ang Marxismo. Hindi lang nito hinihiling na baguhin ang mundo — sa tunguhin nito ng pagbabago. Hinihiling nitong magbago tayo mismo, ang talikuran — o ilugar — ang ating comfort zones. Hehe.

  • Marius  On July 20, 2009 at 2:20 pm

    Teo, wag wag na lang natin silang pansinin.

    Hayaan nang umikot nang umikot ang mga trumpo hanggang maubos ang kanilang pwersa.

    Once a trumpo, alwayz a trumpo! Trumpo pa rin! hehe!

  • kapirasongkritika  On July 22, 2009 at 3:59 am

    @ Marius: Pwede naman iyan. Mainam lang ding pana-panahong maglinaw sa mga prinsipyo nila. Hehe.

  • Marius D. Carlos Jr.  On July 22, 2009 at 7:39 am

    (…anong prinsipyo nila?)

    problema pag may jargon na minsan nagiging lehitimo na. mura lang mga libro sa teorya, kids. i’m sure afford nyo yan. but that doesn’t make you cool enough, yo!

  • dean  On July 22, 2012 at 5:52 am

    May nase-sense akong ere dito: Ang mga manggagawa at karaniwang tao RIN, gumagawa nga ng kaalaman — ang kahinaan lang nila,… -May limitasyon sila, oo. Pero may kakayahan at naisasalin nila sa salita ang lahat ng produkto ng kanilang praktika sa lengwaheng naiintindahan nila – na siyang tungkulin ng progresibong indibidwal na may kakayahang magsulat which would require, at the very least, paglubog sa kanilang hanay. Maraming sulating naipu-publish na naaayon sa panalasa ng peti-b pero hindi naiintindihan o lapat sa konkretong kalagayan ng batayang masa.Naalala ko ang tanong sa isang pag-aaral kung saan akoy naimbitahan back in college: Where do correct ideas come from?

  • kapirasongkritika  On July 22, 2012 at 7:53 am

    Salamat sa komento, dean! Kung nakaka-sense ka man ng ere, iyan ay dahil nagmumula ang talakayan sa pagdebate sa pagmaliit sa kakayahan ng mga manggagawa at karaniwang tao. Ang tampok kasi, ang mga siyentista at akademiko ang gumagawa ng kaalaman. Tama, dapat lumubog sa kanilang hanay.

    Dapat naman talaga sikaping lapat sa kalagayan ng masa ang mga sulatin. Though hindi rin ako sarado sa mga maka-masang sulatin na talagang petiburgis pa lang ang makakaunawa sa ngayon. Na hindi ibig sabihin ay ito ang dapat likhain ng mga progresibo.

    Maganda nga ang sagot ni Mao sa tanong na “Where do correct ideas come from?” Hindi mula sa langit!

Trackbacks

  • By Ambahan « Tanglad on July 1, 2009 at 6:30 pm

    […] by Teo’s post on the university and knowledge production at Kapirasong Kritika. Those of you who read Filipino are lucky enough to experience his wonderful and astute […]

  • […] tinawag kong “maliit” at “grupong NGOista” ang Akbayan. Ganito ang isang bahagi ng naging tugon ni Caffeine Sparks: “Kung hilaw ang gawain ng mga NGOistang kilusan, ano ang ‘tama?’ Ano ang ‘wasto?’ Ano […]

  • By big bad randy on July 21, 2009 at 2:35 pm

    […] to Sarah’s case and Randy’s political plans has been discussed via stuartsantiago and kapirasongkritika. and while the virtual noise has died down — no one has taken on my challenge to prove Sarah […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: