Sa seksyong komento ng huling entri sa blog na ito, tinawag kong “maliit” at “grupong NGOista” ang Akbayan. Ganito ang isang bahagi ng naging tugon ni Caffeine Sparks: “Kung hilaw ang gawain ng mga NGOistang kilusan, ano ang ‘tama?’ Ano ang ‘wasto?’ Ano ang ‘awtentiko?’ At sa tingin mo ba ikaw at ang katulad mo ang may hawak sa mga tumpak na sagot?” Mamaya, sasabihin ko ang mabilis na sagot ko sa tanong na ito. Pero makabuluhan muna sigurong lumiko bago tumbukin ang sagot. Mapapaunlad kasi ng pagliko ang pagtumbok.

May kung anong nagsasabi sa akin na may bahid ng postmodernismo ang komento ni Sparks. Hindi ko alam kung ang panakot na quote-unquote niya sa tama, wasto at awtentiko. O ang nauna niyang akusasyong “paghulma sa isang elite na grupo” ang pagtuturo sa mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na maging mga “iskolar ng bayan.” O ang panindak niyang pagbanggit sa praseng “master plan” – ng Kaliwa? – sa dulo ng komento niya. O lahat ng nabanggit.

Kung anuman, makikita sa mga puntong ito ang hibo ng postmodernismo. Hindi ba’t kinwestyon ng postmodernismo ang tama, wasto at awtentiko – kadalasan sa pamamagitan ng paglalagay ng panakot na quote-unquote sa mga salitang ito? Hindi ba’t galit ang postmodernismo sa lahat ng klase ng hirarkiya at tinatawag nitong “elitismo” ang anumang nagbibigay-halaga sa partikular na grupo? Hindi ba’t takot ang postmodernismo sa mga “master plan,” ng Kaliwa man o Kanan? Magdudulot daw kasi ito ng karahasan, ng pagdanak ng dugo at kamatayan?

Sa sanaysay niyang “Where do postmodernists come from?” binuod ni Terry Eagleton, Marxistang intelektwal, ang pagsusuri ng maraming Marxista – Alex Callinicos, Aijaz Ahmad, Teresa Ebert at ng Pinoy na si E. San Juan, Jr. – sa postmodernismo. Aniya, o anila, resulta ang postmodernismo ng karanasan sa pampulitikang pagkabigo ng isang henerasyon ng mga intelektwal sa Kanluran. Naganap ang pagkabigo matapos ang 1968, o ang panahong 1968-1973 – panahon ng matinding atake sa kilusang rebolusyunaryo sa maraming bansa.

Ayon kay Eagleton, mula sa mayor na mga “prinsipyo” – ayaw ng mga postmodernistang tawagin ng ganyan ang mga pinapaniwalaan nila – ng postmodernismo, pwedeng magbalik-tanaw at tuklasin ang naturang pagkabigo. Para bang kapag pumasok ka sa isang klase ng magulong kwarto, mauunawaan mo lang ang samu’t saring bahagi ng kaguluhan kung matutumbok mong nagkaroon doon ng inuman – o orgy siguro, ewan ko – bago ka dumating. Iniluwal ang magulong mga paniniwala ng pagkalasing ng postmodernismo.

Irene Suchocki1

Ang mga paniniwalang tinukoy ni Eagleton, pwedeng palitan ng mga sinabi ni Sparks, at matutumbok pa rin natin ang pagkabigong pinagmulan ng mga ito. Dahil bigo at mahina naman ang Kaliwa, aanhin pa nga ang “tama,” “wasto” at “awtentiko”? Sa isang banda: May magagawa ba ang mga ito? Sa kabila: Hindi kaya’t mapanupil rin ang mga konseptong ito – dahil ang namamayagpag ngang tama, wasto at awtentiko ay ang sa mga konserbatibo at reaksyunaryo? Kung tunay tayo, dapat “di-tama,” “di-wasto,” “di-awtentiko” ang linya natin!

Dahil bigo at mahina ang Kaliwa, at ang namamayaning hirarkiya sa lipunan ay iyung sa mga imperyalista at naghaharing uri, hindi ba’t elitista nga naman ang lahat ng pagbibigay-halaga sa anumang grupo ng tao? Wala namang welgang bayan, taktikal na opensiba o insureksyon, bakit kailangan pa ng hirarkiya? Bakit magtitiwala sa mga nagpapakilalang “master plan,” eh ilang beses nang nabigo iyan? Malala pa, paulit-ulit nang humantong ang mga planong iyan sa dahas. Sa halip na magbuo ng malalaking plano, maging pragmatiko na lang tayo ngayon.

Irene Suchocki2

Sa Pilipinas, pumasok sa progresibong pulitika ang postmodernismo sa isang partikular na panahon – noong maagang bahagi ng dekada ’90, noong nagwawasto ang pinakamalaking bloke ng Kaliwa sa malalaking pagkakamaling nagawa noong dekada ’80, at nabubuo ang bagong mga grupo at tendensya ng mga umalis o pinaalis sa nasabing Kilusan. Nagamit ang postmodernismo hindi lang sa pagtuligsa sa sistema, kundi sa mismong Kilusan – hindi ng mga intelektwal na nasa akademya, kundi nasa mga organisasyong bagong-tayo.

Makikita ang pagpasok ng postmodernismo sa pulitika ng Kaliwa sa bansa sa librong Reexamining and Renewing the Philippine Progressive Vision (1993) na inedit nina John Gershman at Walden Bello. Tumining ang tanong ng napadalong si Prop. Delia Aguilar, matatag sa kanyang Marxismo at feminismo: “Ang gusto kong malaman… ay kung mayroong kagyat na ugnayan sa pagitan ng kagustuhan nating bakahin o alisin ang mga tendensyang awtoritaryan at pagbasura sa isang malaking teorya, malaking naratibo” – ang Marxismo.

Dahil kung anu-ano na ang sinasabi sa forum na pinagbatayan ng libro, nagtanong siya: “[D]apat ba tayong sumunod sa postmodernistang pag-ilag sa malalaking naratibo dahil hindi na natin kayang ilarawan ang katangian ng kabuuang panlipunan (social totality)?… [N]atatakot ako nang todo-todo sa totoo lang sa postmodernistang mga hakbangin na umatras… Diyan hahantong iyan. Sa takot na ilarawan ang kabuuang ito dahil ang paglalarawan sa kabuuan ay kagyat na hahantong sa totalitaryanismo. Ganyan ba ang iniisip natin?”

Mangyari, nagtugma ang maraming tema ng postmodernismo sa propagandang maka-imperyalista at maka-kapitalista noong dekada ’90. Kakabagsak lang ng Unyong Sobyet, ng tinatawag nilang “aktwal na umiiral na sosyalismo” at nagkokoro ang mga sumisigaw ng “Katapusan ng Kasaysayan” at mga postmodernista sa pagkwestyon sa malalaking teorya, sa hirarkiya at kawalan diumano ng demokrasya sa Kaliwa, sa pagtalakay sa mga isyu ng kasarian, lahi, etnisidad, relihiyon pero bihirang uri, sa takot kina Mao Zedong at Joseph Stalin.

Irene Suchocki3

Sa sanaysay na “Akbayan – A New Left Party in the Philippines: Learning New Ways of Being (Left)” ni Joel Rocamora, teorista ng Akbayan, makikita ang hibo ng postmodernismo sa Akbayan at kay Rocamora mismo. Pero hindi pa siguro dahil mulat na sinusunod ng Akbayan at ni Rocamora ang postmodernismo, kundi dahil pareho sila ng phobia, ng kinatatakutan: ang malalaking teorya o ideolohiya (mas pinipili ang talakayang “masigla” sa pulitika) at ang malalaking proyektong panlipunan (mas pinipili ang hakbang-hakbang na mga taktika).

Madaling makita sa sanaysay ang mga kahinaang inaamin mismo ng Akbayan at ni Rocamora: elektoralista (“ang ating paglahok sa sistemang party-list ang… kumuha ng kalakhan ng ating enerhiya sa nakaraang siyam na taon”), NGOista (“bukod sa mga staff ng NGO, wala gaanong miyembro ang Akbayan na galing sa panggitna at nakatataas na uri sa mga eryang urban”), hindi lubog sa masa (“nakikipag-ugnayan lang ang Akbayan sa mga komunidad kapag may parating na eleksyon”) at buhaghag (“buhaghag na katangian ng ating mga istruktura”).

Sa ganitong konteksto makabuluhang ilugar ang sinabi ni Sparks na “Kung ang mga totoong radikal ay may hawak ng mga kasagutan… kulang siguro sila sa [press release]… Kasi di nila mapaabot sa ordinaryong mamamayan ang mga nilalayon nila.” Paano inuunawa ng ganitong pahayag ang mga mamamayan? Ang pag-oorganisa sa hanay nila? Nadadaan sa PR ang masa? Hindi kailangang mag-organisa sa hanay nila? Madaling gawain ang magsulong ng pagbabagong panlipunan? Malaki nang ambag sa pagrerebolusyon ang pagba-blog lang?

Irene Suchocki4

Sa isang bahagi ng sanaysay, sinipi ni Rocamora ang isang Latino-Amerikanong intelektwal – isang higante ng sosyalismo? sino nga ba siya? – na nagsabing “binibigyang-kahulugan ngayon ng proyektong sosyalista ang sarili bilang isang proseso kaysa isang lipunan.” Ang kailangan daw ay “isang permanenteng pagbabago. Walang sosyalistang modelo, tanging sosyalistang proseso” – na binigyang-kahulugan na “pagpawi sa iba’t ibang porma ng alyenasyon, pang-aapi at pagsasamantala.” Pokus na lang tayo sa Cubao, huwag na kahit sa Cuba.

Mahigit 100 taon na ang nakakaraan, inilantad ni Vladimir Lenin ang pagtinging ito. Aniya, “’Ang pagkilos ang lahat, walang halaga ang ultimong layunin’ – ipinapakita ng islogang ito ni Bernstein ang laman ng rebisyunismo nang higit sa maraming mahabang paliwanag. Ang itakda ang kondukta nang kaso-por-kaso, umangkop sa mga pangyayari ng bawat araw at sa pagkakahati at pagbabago ng mababaw na pulitika, kalimutan ang pangunahing mga interes ng proletaryado at batayang mga katangian ng sistemang kapitalista, ng buong ebolusyong kapitalista, isakripisyo ang mga pangunahing interes na ito para sa tunay o ipinagpapalagay na bentahe ng yugto – iyan ang patakaran ng rebisyunismo.”

Bagamat iginigiit ni Rocamora na nasa “Kaliwa” pa rin ang Akbayan, na “Mapagpalahok na Sosyalismo” o “Participatory Socialism” pa rin ang ipinaglalaban nila, na binubuo ang Akbayan ng iba’t ibang grupong “Kaliwa,” malinaw na taliwas ang sinasabi niyang ito sa kinikilalang “sosyalismo” ni Lenin. Kinakatawan nila ang repormismo at parlamentarismo na si Lenin ang isa sa unang tumuligsa. Bagamat tanggap ni Rocamora ang bansag sa Akbayan na “Left Lite,” sa mas malawak na pagtingin, halos “Left Zero” na ang natitira.

Irene Suchocki5

Sabi ni Eagleton, bagamat binayo ng postmodernismo ang mga pundasyon ng naghaharing sistema at dominanteng mga kaisipan sa mundo, binayo rin nito ang mga pundasyon para muling makapagbuo at makapagpatatag ang Kaliwa. Halimbawa ang mga tanong ni Sparks ng ganito: Bagamat kinukwestyon ang katumpakan ng naghaharing sistema at namamayaning kultura’t kaisipan sa lipunan, inaatake rin ang progresibong Kilusan at ang mga ideya nito. Hindi tama, wasto at awtentiko ang sistema, hindi ba’t magkatulad lang din kayo?

Tama ang postmodernismo sa pagkwestyon sa lahat ng ipinagpapalagay nang tama, wasto at awtentiko ng lipunan, at maging ng Kilusan para sa pagbabago. Pero ipinapataw nito sa lahat ang ahistorikal na paghusgang lahat ng kilusang nagsasabing tama, wasto at awtentiko ang sarili ay kumakatawan sa kung anong pulitikang awtoritaryan, mapanupil at kontra-progresibo. Itinuturing nitong imposible, mapanupil at di-makatarungan ang pagsasabi ng isang kilusan – kahit anong kilusan – na ang kinakatawan nito ay ang tama, wasto at awtentiko.

Tama ang postmodernismo sa pagsasabing walang metapisikal at absolutong lokasyon kung saan mahuhusgahan ang tama, wasto at awtentiko. Pero hindi dapat humantong ang pag-atake nito sa obhetibismo sa sagad-sagaring suhetibismo sa pagsusuri sa mundo – na siya na ngang nangyari rito. Mangyari, hindi naman kailangang sa isang metapisikal at absolutong lokasyon magmula ang paghusga kung alin ang tama, wasto at awtentiko. Maaaring magmula ito sa kongkretong pagsusuri at tunggalian ng mga umiiral na pwersa sa lipunan.

Irene Suchocki6

Kaya ano ang mabilis na sagot sa tanong ni Sparks? Ang kilusang pambansa-demokratiko ba ang kumakatawan sa tama, wasto at awtentiko? Kung ibabatay sa kalagayan ng lipunang Pilipino, at pandaigdigang sistemang kapitalista, sa ugnayan ng mga uri sa bansa, at kung ihahambing sa katunggaling mga pananaw, kahit iyung nagpapakilalang “Kaliwa” katulad ng Akbayan, ang sagot ay mabilis na maibibigay, wala mang garantiyang metapisikal at absoluto: Oo.

13 Hulyo 2009