Payag ka ba sa Palit-ulo?

Ito ang tanong na narinig ko noong isang umaga sa isang estasyong AM. Payag daw ba ang mga mamamayan – o ang tagapakinig ng programa – na dahil nangingidnap ang Abu Sayyaf ng mga sibilyan, kidnapin na rin ang mga asawa, kamag-anak at ibang mahal sa buhay ng mga miyembro nito. Para daw mapalaya ang mga bihag ng grupo.

Syempre, karugtong ito ng pagpapalaya kay Eugenio Vagni, volunteer ng Red Cross, nitong nakaraang mga araw. Napalaya daw siya dahil sa “pagtatalak” ng mga misis ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa kanilang mga mister matapos kidnapin – ng militar! – ang mga ginang.

Nakakabagabag ang alab ng damdamin ng komentarista sa radyo: Pabor na pabor siya. At dahil siya ang nagtatakda ng tono ng programa, kauna-unawang bumuhos ang tawag ng mga tagapakinig na ganoon din ang opinyon – bukod pa sa mayroon naman talagang malaganap na galit sa Abu Sayyaf dahil sa mga aksyon nitong bumibiktima sa mga sibilyan.

Naalala ko tuloy ang isang kakilalang dating naglingkod na media officer sa isang makabayang organisasyon.  Kapag napapadalaw ako sa opisina nila, lagi ko siyang makikitang galit na galit, nakakunot ang noo at parang umuusok ang ilong. “Andaming dapat ituro sa mga taga-midyang iyan!” nasabi niya minsan. Sa pagkakataong ito, naisip ko, tama siya.

Boycott Nestle

Black Panther All Power to the People

Sa isang banda, ang hirap magsabing tutol ka sinasabi niyang “palit-ulo.” Matagumpay nga naman ang ginawa ng militar at, sabi nga, walang nakikipagtalo sa tagumpay. “Epektibo” ang hakbangin nila, dahil napalaya nga naman si Vagni. Kahit sa hanay ng mga komentarista sa pulitika, parang walang nagwala laban sa pangingidnap ng militar.

Pero mapanganib ang palit-ulo. Paglabag ito sa karapatan ng mga sibilyang kaanak at mahal sa buhay ng mga miyembro ng Abu Sayyaf, kahit pa sabihing terorista sila. Paano kung magmatigas ang Abu Sayyaf at hindi palayain ang bihag? Paano kung patayin nila ang bihag? Ano ang gagawin sa mga kinidnap? Hindi rin papalayain? Ikukulong? Papatayin?

Bukod pa diyan, hindi malayong pasaklawin ng gobyerno at militar ang lohika ng palit-ulo. Dahil hindi kinikilala ng gobyerno at maraming komentarista ang mga lehitimong grupong rebelde tulad ng New People’s Army at Moro Islamic Liberation Front, pwede silang idamay sa lohikang ito. Kahit lehitimong pakikidigma sa gobyerno ang ginagawa nila, pwedeng ituring na pangingidnap ang mga prisoners of war na nadadakip nila.

Naalala ko tuloy ang isang babaeng magsasakang na-interbyu ko minsan. Kilala kasi ang asawa niyang lider ng NPA sa probinsya nila. Pana-panahon, pinupuntahan siya ng militar, kinukulit na ilabas ang mister niya o ituro kung nasaan ito. “Hindi ko nga alam,” lagi niyang tugon. “Alam naman ninyong makilos sila, hindi tumitigil sa isang lugar.”

Minsan daw, hahamunin pa niya ang militar: “Hanapin ninyo siya sa gubat. Kapag nakita ninyo, makipagbarilan kayo.” Ang punto lang naman niya, “Siya ang nag-armas, hindi ako. Bakit ako ang kinukulit ninyo?” Pero lagi din siyang may pahabol: “Basta kapag napatay ninyo, ang hiling ko lang, isauli naman ninyo ang katawan sa akin. Bibigyan namin siya ng disenteng libing.” Naalala ko tuloy ang nobelang Widows (1983) ni Ariel Dorfman, manunulat na Chileano, na uminog sa paggigiit ng mga kaanak ng mga pinatay ng militar na ilabas ng militar ang mga katawan ng napatay nila.

Gabriela 1984

Alexandra Kollontai

Matagal nang usap-usapan at paniniwala ng marami na nakikipagsabwatan ang gobyerno sa Abu Sayyaf. Pwedeng balikan ang napakaraming pahayag ng mga opisyal ng gobyerno na malapit na itong malipol. Pero lagi pa rin itong nakakahulagpos, nakakatakas. Minsan, ang sabi, hindi na lalampas sa 100 ang bilang nila, at napapalibutan na ng 3,000 sundalo. Pero hindi pa rin sila nadurog. Sa kabila ng nakadeklarang patakaran ng gobyerno na hindi makikipag-negosasyon sa mga terorista, laging may alingasngas ng pagbibigay rito ng pera ng gobyerno, kahit “pang-yosi” nitong huli.

Ito ang dapat alalahanin at kondenahin ng mga komentarista. Kung gusto ng gobyernong durugin ang Abu Sayyaf, mayroon itong paraan, at makikita ng publiko ang resulta. Kaso wala. Hindi nito kailangang lumabag ng karapatan ng mga sibilyan para magpalaya ng bihag. Hindi pupwedeng ang kagustuhan ng mga komentarista na magkamit ng kongkretong resulta ay nakabatay sa historikal na amnesia o pagkalimot sa kasaysayan ng sabwatan. Dahil kung hindi, mukha nga silang desidido, pero mapaminsala ang opinyon nila. Iniindorso nila ang paggamit ng terorismo kontra sa terorismo.

Sa kasong ito, makikita ang isa pang gamit ng Abu Sayyaf sa gobyerno, bukod sa paghahasik ng lagim sa Mindanao kapag kailangan, sa pagpapabango ng pangalan – sa pagpapalaya ng mga bihag bago ang State of the Nation Address ng pangulo, halimbawa – kapag kailangan, at sa pagtutulak na dagdagan ang badyet ng militar at suportang pinansyal dito ng ibang bansa. Nagagamit din ang Abu Sayyaf para pasamain ang mga lehitimong grupong rebelde at gawing lehitimo ang paggamit ng dahas laban sa kanila.

Iyan ang pakinabang ng gobyerno ni Gloria. Huwag naman sanang bumuntot, dahil sa pagkalimot o kawalan ng kritikal na pagsusuri, ang mga komentarista.

22 Hulyo 2009

01 May 1947 poster

Parangal at iba pang links:

Sa kanyang bagong website, may parangal si Vencer Crisostomo sa progresibong mang-aawit na si Susan Fernandez. Ayaw kong idugtong ang isa pang apelyido.

Makabagbag-damdaming parangal ni Ina Silverio-Gargar kay Michael Jackson.

Parangal ng mga teorista kay Michael Jackson: Mark Fischer, Steve Shaviro at Jodi Dean.

Blog ng parangal kay Ka Wilson Baldonaza, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno na pumanaw nitong buwan.

Mga argumento at angas ni Gingmaganda Flores tungkol sa mga kamera.

Pagsusuri ni Slavoj Zizek sa mga nagaganap sa Iran.

Kakatwa kung paanong nagagawan ng tula ni Edel E. Garcellano ang mga laman ng balita.

Mga haiku ng mga estudyante ni  Prop. Jonathan Ponsaran hinggil sa ekonomiyang pampulitika.

Kung ako man si Prop. Henry Louis Gates, Jr., kilalang teoristang Aprikano-Amerikano, magwawala rin ako!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • FreeSince09  On July 22, 2009 at 5:39 am

    Katulad rin kay Ka parago, hinostage ang kanyang asawa at anak. Loko tong si JEster-the-liar ahh. anak siguro ng general

  • kapirasongkritika  On July 22, 2009 at 7:05 am

    Oo nga. Pinasaklaw na pala ang (anti-)lohika ng palit-ulo sa NPA! Bakit, anong sinabi ni Jester-in-Exile? Feeling niyan, napakatalino niya eh. ‘Nuff said!

  • Marius D. Carlos Jr.  On July 22, 2009 at 7:35 am

    common na ang mga hirit ni Jester-in-exile. Notoriety for.. whatever purposes na naiisip nya. common sa petibs na maraming extra time ang maghangad ng kuwan at pumanig sa status quo to the detriment of 90% of the population. Walang pinagkaiba sa lohika ng Nestle at iba pang kumpanya ng gatas (na kung wala sila, magugutom mga bata, or something to that effect).

    Obserbasyon lang hano, kahit na hindi gaano malalim ang alam ko sa sitwasyon sa abu sayyaf. Kung nagiging lantad na ang pagiging mersenaryo ng armadong sangay ng gobyerno, may pwersa sa likod nito na nagkaroon na ng approval ng iba pang mga institusyon. isa nanaman itong hegemonic project kung saan ang rasyonal ay dadagdagan, habang buburahin na ang mga lumang kategorya.

    Dagdag panganib nanaman ito.

  • Esme  On July 23, 2009 at 5:33 am

    Diba iba naman ang mga terorista sa NPA at MILF?

    Tama… Dahil sa sabwatan ng terorista at gubyerno, nakakalikha sila ng imahe na ang NPA,MILF at Abu Sayyaf ay pare-parehong terorista at dapat katakutan…

    “Iniindorso nila ang paggamit ng terorismo kontra sa terorismo.”
    – parang pagtama ba ito sa mali, gamit ang mali?(matagal naman nang mali ang gobyerno natin…hehe)

    Naalala ko, ang ilan sa mga tao sa midya ay bayaran…

  • kapirasongkritika  On July 25, 2009 at 6:23 pm

    @ Marius: Oo nga, nakakalungkot ang obserbasyon mo tungkol sa mga bloggers. Minsan, maiinis ka talaga kasi artikulante sa paglalahad ng mga ideyang kontra-mamamayan. Kailangan kong amining hindi ko lubos na naunawaan ang punto mo sa ikalawang paragraph — bagamat ramdam kong may mahalagang punto kang gustong ipaliwanag. Please explain pa po? Five points each? Hehe.

    @ Esme: Hindi ko alam ang mga implikasyon ng unibersal at matagalan nang debate tungkol sa ugnayan ng pamamaraan at layunin, kung mabibigyang-katwiran ba,halimbawa, ang masahol na pamamaraan gamit ang dakilang layunin. Mas ang tinutukoy ko lang naman ay sa kasong ito, mga buhay at karapatan ng mga mamamayan ang matatapakan ng pamamaraan at layunin ng pamahalaan. Ilan ba o marami rin? Hehe.

  • missphilippines  On July 27, 2009 at 7:30 pm

    I think it is worth remembering Hardt and Negri’s book entitled Multitude. These two “marxists” argue that the current emergence of the Empire is the very locus of war, or specifically the perpetual war because the networks of power established to construct an Empire through waging a warfare that will ensure the containment and stratification of social power and various antagonisms. But Hardt and Negri missed that the very reason for war to exist is not because of simply having an Empire but it is bound by the crisis of capitalism and the intense race in accumulating for capital.

    Now in this manner, don’t you think that by waging a war led by the Abu Sayaf is the very precise strategy to contain the very genuine revolution that is waged by the New People’s Army and Moro Islamic Liberation Front? It is absolute that such war from the Abu Sayaf is a capitalist enterprise where war is another military-capitalist complex (to use the words of Jacques Lacan). Staging a war is the very paradigm of a factory where the bodies of the working class or the masses are the very raw materials for the machines, such as guns, tanks and other weapons to attract profit and create exchange value.

  • gingmaganda  On July 28, 2009 at 1:18 pm

    ang mga mister talaga oo, kay liligalig. hehe.

  • kapirasongkritika  On July 28, 2009 at 7:07 pm

    @ missphilippines: Salamat sa pagba-blog! Isa na namang blogger sa seksyong komento ng blog na ito! Hehe. Syempre agree ako sa punto mong higit sa Imperyo, krisis ng kapitalismo ang nagtutulak ng digma. Totoo, sa digmaang kapitalismo, na dapat ipag-iba sa tunay na mga kalaban nito, ang mga katawan ng mga masa ang hilaw na materyales para sa layuning hindi naman para sa kanila.

    @ gingmaganda: Totoo naman iyan. Hehe. May iba-iba akong pagtingin sa mga katangian ng tunay na lalake ayon sa blog na may pangalang iyan. Pero sa isang bagay, malinaw ang pagtutol ko: Hindi ang mga lalake ang pumapasan ng shit ng lipunan, kundi ang mga babae — sa kalakhan, ha. Hehe.

  • Marius D. Carlos Jr.  On July 29, 2009 at 12:14 am

    @Teo- mga kategoryang politikal ang sinasabi ko; may ilang kategoryang politikal kasi na ginagamit sa media, edukasyon, atbp. sa Pilipinas. Halimbawa, ang NPA ay terorista. Isang kategorya yan. Pero, ang bokabularyong lantad ay “NPA ay terorista, pero pwedeng magbalik loob at bigyan ng livelihood”. Ngayon hindi na. “NPA ay terorista, si Joma ay terorista (mga salita mismo ni Nograles sa isang live interview) at dapat silang durugin, kahit anong mangyari.” Dahil walang resistance mula sa mga institusyon tulad ng media, nagkakaroon na ng ‘acceptance’ ang bagong kategorya; parang magnanakaw na nakapasok sa palasyo.

    @missphilippines nakakatuwa ang iyong analisis, kaunti lang ang kilala kong nakabasa na kay Hardt & Negri. Ilang punto lamang; tama naman sila Hardt & Negri na sabihing nasa “age of Empire” na tayo; at least ina-acknowledge nila ang pagiging imperyalista ng Kanluran. Pero dahil post-Foucault ang kanilang stance, talagang wala kang maaasahang revolutionary sensibilities sa kanila dahil pro-capitalist si Foucault. Anti-medieval ages, pero pro-capitalist naman. Ang unang nakapansin nito ay si Jurgen Habermas, isang miyembro ng Institut fur Sozialforschung (Frankfurt School of Sociology); sabi ni Habermas, parang may mali sa mga sinasabi ni Foucault.

    Ang ginawa ni Habermas, tiningnan nyang mabuti ang mga ‘condemnantion’ ni Foucault sa mga cultural at political practices ng mga nakaraang ilang daang taon; at nadiskubre nyang si Foucault pala ay tila naging apologist para sa modern France; e.g. parang hayop ang trato sa mga bilanggo noon, mas humane na ngayon. Ang ganitong paraan ng pagsuri ay pinagpatuloy nila Hardt & Negri, Deleuze & Guattari; si Slavoj Zizek ay napansin rin ang ilang kakulangan sa theoretical validity ng mga sinasabi ng mga mayayamang kritiko na ito.

    PERO, crowd favorites pa rin sila, dahil parang karnabal ang pinasok mo pag nagbasa ka ng mga libro ni Foucault tulad ng Birth of the Clinic.

    @Teo Nakabasa ka na ng Mikhail Bakhtin? Meron akong Dialogic Imagination!😀

  • missphilippines  On July 29, 2009 at 6:04 am

    malamang si Teo pa! Nabasa na niya yata halos lahat. What if gumawa ka naman ng tula for a change. I wanna hear the poetic side of Teo Marasigan.🙂

  • kapirasongkritika  On July 29, 2009 at 4:44 pm

    @ Marius D. Carlos, Jr.: Ah. Salamat sa paglilinaw! Oo nga. Mabuti’t keen ka sa mga shift sa mga moda ng rehimen kaugnay ng Kaliwa, at ng NPA sa partikular. At itong bagong moda na nga ang dapat nating tunggaliin, ano?

    Re: Hardt and Negri. Nagsisimula pa lang akong magbasa ng tambalan nila, bagamat pinilit ko dating arukin ang mga isinulat ni Negri. Parang ang huli ko, iba ang konsepto nila ng Imperyo sa konsepto natin ng Imperyalismo. Maganda ang paghimay dito ni Samir Amin, na mas matapat sa huli:

    http://www.monthlyreview.org/1105amin.htm

    @ Marius D. Carlos, Jr. & missphilippines: Uy hindi naman. Andami ko pa ring hindi nababasa. Iyang si Bakhtin nga, mas introductory texts pa lang. Na madalas ay malayo sa aktwal na teksto ng may-akda.

    Re: Pagtula. Iyan nga ang lagi ko nang ikinukumpisal. Hirap akong umunawa ng mga tula. Dati akong nagpilit tumula — pero maniwala ka sa akin, hindi mo gugustuhing makita ang “poetic side” ko. Hehe. Sinunog ko na ang mga nasulat ko at hindi na ulit nagtangka.

    Masaya na ako kapag feeling ko, poetic ang nasusulat ko at kapag may rhyme ang iba. Hehe. At least hindi malalait. Hehe. Kapag nagma-poetic ka sa sanaysay, plus point na iyun, kahit hindi ka naman talaga marunong tumula gaya ko. Hehe. Hindi ka pa bulnerableng malait kasi pwede mong sabihing hindi ka naman nagtatangkang tumula. Hehe.

  • bstok7virac  On September 6, 2009 at 6:39 am

    Hindi ko masyadong nabasa ang mga komento pero ang masasabi ko lang na ang “debate daw sa komunismo” ay noon pang dekada 90. hello anung dekada na ba tayo ngayon??? Bumagsak na ang USSR. Saan na ba ang China ngayon? Anu pa ba ang kelangan natin ngayon? Anu pa ba ang kelangan nyon patunayan?

    Wala akong kakampi hintay paghahanap ako.hehe

    Sana wag nyo akong awayin dahil kelangan ko rin ng kapaliwanagan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: