Ang Cory Aquino na Gusto ko

Kahit naging aktibista ako, hindi ako tumigil sa paghanga kay Cory Aquino. Pero hindi sa buong buhay at buhay-pulitika niya, kundi sa ilang tampok – o pinakatampok pa nga – na bahagi nito. Syempre, kritikal ako sa rekord niya ng pamumuno. Ang kakatwa sa mga parangal sa kanya ngayon, parang hindi ang pagkapangulo niya ang tumatampok, kundi ang ibang bagay tungkol sa kanya.

Hinahangaan ko si Cory, ang maybahay na walang interes lumahok sa pulitika, pero todong sumuong dito noong naramdaman niya ang pangangailangan at aktwal na hiniling ng mga mamamayan na palitan niya ang kinamumuhiang pangulo. Hinahangaan ko ang tapang at tatag niyang labanan ang diktador na si Marcos, at ang pagtitiwala niya sa mga mamamayan na hindi lang sila boboto nang tama, kundi ay magpoprotesta kapag dinaya ni Marcos ang halalan.

Hinahangaan ko si Cory, ang dating pangulong lumabas sa pagreretiro at lumabag sa katandaan at sakit para makisangkot sa paglaban sa pinakabuktot na mga hakbangin ng mga rehimeng pumalit sa kanya. Hinahangaan ko ang kahandaan niyang sunugin ang kanyang tulay, kahit pansamantala, sa mga nasa kapangyarihan – na desperadong kunin ang suporta niya. Hinahangaan ko ang giting at gilas niya sa pagsasalita at pagkilos kasama ang mga mamamayan.

Cory Doy Marcos Bust

cory_aquino_obit_04

Ano ang laman ng paghangang ito? Ano ang nagbibigay-buhay rito?

Ang mga larawan niya kasama ang mga mamamayan, lalo na sa lansangan, sa paghahangad ng pagbabago – noong paglaban sa diktadura, Edsa 1, Edsa 2, mga protesta kontra sa rehimeng Arroyo. Lagi niyang dala ang malambing na ngiti niya, na parang nagsasabing natural lang na hakbangin ang magrali laban sa masamang pamahalaan. May dating siyang nagsasabing tama ang ipinaglalaban. Hindi ko masyadong gusto ang mga larawan niya sa pwesto, bilang pangulo – bagamat marahan niyang ipinapakita sa mga ito na siya, hindi iba, ang pinuno.

Ang mga kwento ng kalmadong tapang niya sa paglaban, tampok ang maanghang na mga pahayag niya kontra kay Marcos, ang kagustuhan niyang sumama agad sa pagkilos sa Edsa 1, ang mga pahayag at pagkilos niya laban kina Estrada noon at Arroyo nitong huli, maging ang pagharap niya sa “standoff” sa Fort Bonifacio noong Pebrero 2006. Noong pinipigilan siyang magpakita sa Edsa 1, dahil baka siya mabaril, sabi niya, “Hindi ba, ang sabi natin, tuluy-tuloy ang laban na ito?” Hindi siya takot sa harapan ng hanay, sa linya ng dangal.

Ang mga panayam niyang anekdota-dito-anekdota-doon ang estilo. Laging nakatanim sa mga kwento ang mga batayan niya sa isang tindig o pagkilos, at kung paano niya nasumpungan ito. “Alam mo… Sabi sa akin ni… Sabi ko naman…” Napakapersonal ng dating ng pakikisangkot niya sa pulitika sa ganitong mga kwento. Mararamdaman kung paano siya inudyukan ng mga mamamayan sa iba’t ibang panahon na makiisa sa pagkilos. Damang-dama niya ang hamon, nang laging may pagpapakumbaba sa ano ang maiaambag niya.

Ang mga pagbabalik-tanaw niya sa mga sakripisyo at kahirapang sinuong. Bagamat kalakhan nito ay may temang relihiyoso, makikita ang mahigpit niyang paniniwala sa kawastuhan ng ipinaglalaban niya, sa mga taong malapit sa kanya, at sa wisyo at aksyon ng mga mamamayan. Makikita ang pag-asa niyang maaalpasan din ang anumang kahirapan. Tulad ng mga aktibista, ipinapakita niya na posibleng tumanda sa tuluy-tuloy na paglaban nang hindi nagpipighati at nagkukwenta ng sakripisyo, at nang napapayabong nito, hindi naigugupo.

Obit Philippines Corazon Aquino

cory_aquino_obit_06

Kapansin-pansin ngayon sa mga parangal kay Cory ang pagpapasalamat ng iba’t ibang tao, karaniwan at hindi karaniwan, sa kanya. Sa abang pagtingin ko, nagpapasalamat ang mga tao sa kanya hindi dahil tinitingnan siyang nagbigay nang todo-todo sa paglilingkod sa bayan – hindi lang dahil dito.

Mas mahalaga, nagpapasalamat sa kanya ang mga tao dahil, sa tingin ng marami, mahirap man para sa kanya, ibinigay niya ang hiniling sa kanya ng mga mamamayan sa mahahalagang yugto ng kasaysayan: ang lumaban at mamuno sa paglaban sa mga diktadura at ilehitimong pamumuno.

04 Agosto 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • tiklado  On August 4, 2009 at 6:53 am

    Hindi ko gustong bastusin ang imahe ni Cory para sa mga popular na kalinangan ng mamamayan, subalit hindi ko mailayo ang papel ng popular na midya kung paano binuo ang pagkatao ni cory, na naging exaherado at malayo na sa pampulitika at maka-uring karakter nito.
    Habang pinagaaralan ko ang mga lumang issue ng diyaryo sa panahon ng transition ng gobyerno ni marcos papunta kay cory, malinaw na kasangkapan si cory upang muling kunin o nakawin ang kapangyarihan ng naghaharing uri mula sa mga karaniwang mamamayan.
    pasensya ngunit mukang sobra at exaherado ang papugay na ibinibigay kay cory…

  • Lyds78  On August 4, 2009 at 6:54 am

    ang minahal ng mga tao kay Cory, iyung before at after niyang maging pangulo,hehe.
    Pero kung ikukumpara naman kasi kay GMA, milya-milya ang layo ni Tita Cory. Mas lalong sumikat si Tita Cory nang dahil sa pagkamuhi ng mga tao kay GMA, hindi maiaalis na mapagkumpara silang dalawa e.
    napadaan lang…

  • gingmaganda  On August 4, 2009 at 1:10 pm

    alam mo, pag naliligaw ako sa dapat isipin at dapat icultivate na opinyon, dito ako sa site mo pumupunta. hehe.

  • missphilippines  On August 4, 2009 at 5:17 pm

    I think Pierre Bourdieu seems to have a say on this matter. That in this society, everyone is beguiled, structured and positioned of a prevailing illusio that is grounded from the logic of the market, or in a much marxist sense, reality is couched upon the existence of capital. Hence, that by this very condition of the state of things, our universe is structured by our illusio which we universally have been sharing.

    What seems to be striking at this point seems to be the very reality that gradually unfolds: it is by having this strong support, admiration, and unfurling claims of Cory Aquino as the figure or symbol of democracy precisely strikes the real that is greatly repressed by the symbolic order. With the symbolic order that we have, it strongly posits that social change, democracy, and how we look at history are still subsumed under the logic of feudalism. This nation casts the relevance and existence of democracy by virtue of providing a schema through Cory Aquino and not poignantly directing that the trajectory of any social movement, or fight of the people are the finest expressions of a collective action wage by the masses in the name of national democracy. This simply means that Cory Aquino will be nothing without the contigent force that was realized through a mass movement efficiently destroyed the chains of Marcos dictatorship. I am reminded of an answer by Bordadori as his response to Jurgen Habermas. He said, “I pity the land who needs heroes”.

    What I think is the potential of this situation is not to simply romaticize the absence of Cory Aquino but to recognize the potentiality of this situation, of her absence, as the locus of creative possibilities for the citizens to foment, and organize a social movement that is deep-seated with courage to rescue the masses from the moribund character of our mode of production.

    And as I end this comment for tomorrow’s final respect for her death, the greatest condolence that we can give to her is to strongly tarry with the negative of her regime, of her politics, and transform those into a potential force, a formidable power that will strike hard against the system, will hammer down the enemies of the revolution.

    Let me quote Bliss Cua Lim, “Too many dare to be beautiful but not to be brave”.

  • Esme  On August 5, 2009 at 6:06 am

    Napanuod ko yung huling misa para kay tita Cory kanina.
    Habang pinapanuod namin ng nanay ko yung misa kung saan sa bahagi ng homily, totoo… magaganda talga yung nasabi tungkol sa kanya. Kung ikaw ay isang simpleng manonood, talgang mahahalina ka sa pagkatao ng dating pangulo – relihiyoso, selfless at mapagmahal sa bayan. Napaiyak pa nga yung nanay ko. sabi niya nung mga panahon daw na nasa lansangan si Cory at kinukundena ang mga bagay na ayaw niya at ng taong bayan sa gobyerno nung mga panahong iyon, talga namang nakakapag-pataas daw ng moral. Kaya hindi daw nakakapagtaka kung maraming mga Pilipino yung nakikiramay sa pamilya Aquino. Hindi naman maitatanggi na marami din siyang nagawa para sa bayan. At tunay na may simpatsa siya sa sambayanang nakikibaka. Incomparable naman talga siya sa kasalukuyang pangulo na isinusuka na ng tao, malakas parin ang loob na manatili sa pwesto.

    Sabi pa ni mama, “Kung sana lahat ng mga magiging presidente mabait, edi masaya ang mundo.” yun din ang sinabi ng isa kong kasamahan sa publikasyon namin nung mapag-usapan namin ang pagkamatay niya. “Mabait si Cory… kung ganun ba naman si GMA!” Oo nga naman, kung siguro ginaya ni GMA si Tita Cory, malamang hindi ganito kagulo. O kaya naman pag namatay siya baka iyakan din siya ng sambayanan.

    Kaya lang sabi ko. tama na ba ang pagiging mabait?
    Bagamat kinilala ang EDSA 1 na isang mapayapang rebolusyon at simula daw ng pagbabago, hindi ito ang katotohanan. Gaya ng sinabi ni tiklado, eksaherado ang mga pagpaparangal na ipinoportray ng midya. Siyempre dahil patay na ang tao, may maglalakas loob pa bang magbanggit ng mga negatibong bagay tungkol sa kanya? May maglalakas loob bang banggain ang paniniwala ng taong bayan na naging isa siyang napakahusay na pangulo? Titibagin ang pagkilala ng mundo sa kauna-unahang babaing asyano na naging Woman of the year ng TIME MAGAZINE? Diba wala.

    Habang pinapanuod ko na umiiyak si Kris Cojuangco Aquino, naaalala ko rin yung mga kamag-anak ng magsasakang nagsilbi sa Hacienda Luisita ng kulang-kulang tatlumpung taon. Humahagulgol at latang lata. Napaslang kasi ang isa sa kanilang mga kamag-anak(maaring ama, kapatid o anak) nang minsang magpiket ito at lumaban para sa kanilang karapatan bilang stock holder sa luapain ng mga Cojuangco. Hindi lang isa o dalawang ama at anak ang napatay ng mga alagad na ng pamilya Cojuangco. Sa pagtutok ng camera kay baby James na walang
    kamuang-muang sa nangyayari na inililibing na pala ang kanyang lola, naaalala ko yung baby na naulila ng isa sa mga napaslang. Bumabalik sa akin yung mga itsura ng mga magsasakang nagsasalo sa hapunang kakarampot habang nagpipiket sa labas ng Hacienda. Ang pag-papaulan ng bala ng mga pulis na naka-assign para idispers sila. Ang pagsakay sa mga biktimang duguan at halos walang buhay.

    Lahat yun pumasok sa isip ko nang sabihin ni nanay na sana “Mabait Lahat”habang nakatutok kay Kris ang camera habang naluluha… Sapat ba na mabait ang isang tao para maging masaya ang mundo? Para itong Golden Means ni Aristotle. Sa balanseng Virtue(courge,kindness etc,) daw magiging tama ang lahat;kung virtues daw ang lahat masaya ang mundo – imposible at masyadong ideyalista. Hindi… hindi sapat na mabait at madasalin. Kung talagang mabait siya, makikialam siya sa krimeng kinasangkutan ng pamilya niya. Kung talagang mabait siya at ayaw niya sa masama, una siyang humarap sa midya at kinundena ang nangyari sa mga mgsasaka. At sana, hindi CARP ang batas na nagawa para sa kanilang mga naghihirap upang mapakain ang sambayanang pilipino.

    Pasensya, pero ito talga ang nangibabaw sa akin. Siguro dahil wala pa ako nung mga panahong nakikipaglaban si Tita Cory kasama ang mga tao sa lansangan kaya hindi ko matanggap na Icon of Democracy siya.

  • kapirasongkritika  On August 5, 2009 at 7:21 am

    @ tiklado: Sa obserbasyon mong eksaherado ang mga papuring ibinibigay ngayon kay Cory, sang-ayon ako. Hindi talaga balansyado man lang sa mga kahinaan ng rehimen niya — o kung sinasabi man ay sinasabing resulta ito ng mga hamon na hinarap niya sa pwesto.

    Instrumento si Cory ng naghaharing uri para nakawin ang kapangyarihan ng mga mamamayan? Sang-ayon din ako! Pero wala naman tayong ilusyong makukuha ng mga mamamayan ang kapangyarihan noong panahong iyon, hindi ba?

    Hindi pa malakas ang Kilusan ng mga mamamayan noon para agawin ang kapangyarihang pampulitika. At kumpara sa ibang humalili kay Marcos, si Cory na siguro ang pinakamaayos.

    @ Lyds78: Sang-ayon ako. Sa isang banda, maswerte si Cory dahil talagang mas masasahol ang mga humalili sa kanya — na syempre, sa isang banda, ay may pananagutan siya.

    @ gingmaganda: Maraming salamat! Nagustuhan ko ang iyong post tungkol sa National Artist Brouhaha — love that word! Hehe. Basahin natin, friends:

    http://gingmaganda.blogspot.com/2009/08/dahil-may-fetish-si-gma-sa-mga-massacre.html

    @ missphilippines: Iyung quote mo tungkol sa mga bayani, parang quote din ni Brecht tungkol sa mga nangangailangan ng pag-asa. Hehe. Sang-ayon ako sa pagdidiin mo sa halaga ng kilusang masa para sa pagpapatalsik sa diktadura at maging sa pagsikat ni Cory mismo.

    Sa tingin ko, ganyan nga ang ginawa ko sa entri na ito, ang samantalahin ang kanyang pagkawala para sa kilusang masa — at iyun naman ang mahalaga, hindi ba? Hindi siya o ang pamilya niya. Pero mamaya, sa sagot ko na sa ibaba, ipapaliwanag. Hehe.

    @ Esme: Mayroon ba talagang tutuligsa sa patay? Sa tingin ko, mayroon. Handa ako halimbawang gawin iyon sa blog na ito. Pero kung dapat bang gawin iyun sa pagkakataong ito — iyan ang tanong.

    Sang-ayon ako, hindi sapat ang maging mabait. At gusto ko lang sabihing hindi lang naman mabait si Cory, lalo na sa mga panahon sa buhay niya na gusto ko siya. May paninindigan siya, matapang, at may iba pang katangian.

    Kaugnay ng mga krimen niya, sang-ayon ako na hindi natin dapat malimutan, na dapat tandaan at dapat talaga namang iba ang ginawa niya sa aktwal niyang ginawa. Bagamat dapat ding ihabol na mas si Peping Cojuangco ang may kontrol sa naganap sa Hacienda Luisita kaysa sa kanya.

    Pero pakiramdam ko, mas hinuhubog ang opinyong publiko ngayon tungkol kay Cory ng pagkamuhi sa rehimeng Arroyo. Kaya hindi siya “patas” na tatasahin ng mga mamamayan at kahit ng mga gumagawa ng opinyon sa lipunan.

    Binabalik-tanawan siya ngayon bilang pamantayan ng mga pangulo at lider ng bansa — na talaga namang malayo kay Cory.

    Sa ganitong lagay, sa harap ng malawak na pagpuri kay Cory, sa tingin ko, isang maaaring gawin ay ang harapang ilantad ang negatibo sa kanyang rehimen. Ayos ito, walang problema — pero hindi ko alam kung ano ang magiging bisa bukod sa ipakita sa hinaharap na tama ang tindig natin.

    Sa tingin ko, ang ginawa ko rito ay ang lumangoy sa mas maraming pumupuri ngayon kay Cory, at dalhin ang kanilang pagmamahal kay Cory sa ibang direksyon, sa isang direksyong mas radikal sa buong kinakatawan ni Cory. Mas patiningin ang mala-progresibo at positibo sa kanya.

    Hindi naman natin kailangang tanggapin ang kategoryang “icon of democracy” siya. Mas gusto kong maalala siyang taong lumalaban kaysa simbolo ng kung anong ideyal. Pero kailangan nating kilalanin ang papel niya sa pakikibaka kontra sa lantad na pasistang paghahari ng rehimeng Marcos.

    Kailangan nating kilalanin — hindi para kay Cory kundi para sa mga mamamayan na kumikilala nito, para dalhin ang pagkilala nila sa ibang direksyon. Salamat!

  • tiklado  On August 5, 2009 at 9:25 am

    Hindi man ganun kalakas ang kilusan ng mamamayan noong panahon ng pagkakaluklok si cory,naalala ko kung paano nito tinalikuran ang mga pinagkasunduan ng maluklok siya bilang pangulo pagkatapos ng people power ng EDSA. Sa aking pananantya, ang karisama ni cory sa mamamayan ang mahusay na ginamit ng Impe at ng Naghaharing uri siyempre sa tulong ng midya. habang ang mamamayang lito kung sino ang bayani at hinda, kung ano ang wasto sa mali ay nanatiling uhaw sa matagal ng paghahangad ng hustisya.
    sa palagay ko lang, sa tingin kosa takbo ng sitwasyon, ay katulad ng dati, habang lumalakas ang panawagan ng pagpapatasik kay gloria, at unti-unting lumalakas ang angal ng mamamayan, kailangan muli ng naghaharing uri ng karismang tulad ng kay tita cory upang pahupain at magdala huwad na pagasa sa mamamayan….

    Nanggagaling ako sa kinahinatnan ng Pagaasam ng tunay na otonomiyang hinihingi ng mga mamamayan ng Cordillera, na pinangakuan ni Cory noong maluklok siya sa pwesto.

  • krguda  On August 5, 2009 at 12:04 pm

    Pagsusuri ko/ng Pinoy Weekly sa pamana ni Cory:

    http://pinoyweekly.org/new/pamana-ni-cory-aquino/

    Palagay ko, laging kailangang ibalanse — kahit pa kamamatay lang niya. Pero dapat laging may pagtitimbang. Sa kaso ni Cory, higit na mas matimbang ang mabuting imahen ng paglaban na ipinakita niya.

    On the side, natuwa ako sa reaksiyon ni Jose Maria Sison at Juliet de Lima sa pagkamatay ni Cory (nasa huling bahagi ng pahinang ito):

    http://arkibongbayan.org/2009/2009-08-Aug03-coryaquino/coryquinosept6-2005.htm

    Kapag binabasa natin si Sison, laging analytical na umaabot sa puntong may pagka-klinikal ang mga sulatin niya. Natutuwa lang ako na pagdating sa mga tao, laluna sa mga namamatay na tao, personal na anekdota ang laging bungad niya. Nakasama niya sa underground si Monico Atienza. Bumibisita sa kanilang mag-asawa si Rocky Tiglao. Dito, kaibigan pala nila si Cory. Na sa kabila ng official function ni Cory na isuspinde ang pasaporte ni Sison, palihim pa pala niyang tinawagan ang huli para balaan sa mga panganib mula sa sarili niyang militar. Nakakatuwa lang kung magparangal si Sison.

    Yun lang. Hehe.

  • kapirasongmantika  On August 5, 2009 at 1:42 pm

    may katulad din na post ang evil twin brother ni teo. dun sa kapirasong mantika. follow through.

  • kapirasongkritika  On August 5, 2009 at 3:02 pm

    @ Tiklado: Totoo namang ginamit si Cory ng imperyalismo at mga naghaharing uri, sa tulong ng midya. Totoo ring hindi naman niya tinupad ang mga pangako niya sa sambayanang Pilipino. Sang-ayon ako. Sa kabila ng lahat ng ito, may positibo kay Cory. At iyun ang humahatak sa mga mamamayan, at iyun ang pwede nating dugtungan bilang mga progresibo. At iyun siguro ang nakita kahit ng National Democratic Front of the Philippines:

    http://ndfp.net/joomla/index.php?option=com_content&task=view&id=671&Itemid=1

    @ KRGuda: Sa tingin ko, ganito ang usapin ng timing: Dahil kamamatay niya, mas tampok sa mga tao ang positibo. Pero hindi lang timing ang usapin kaya mas pinili kong patampukin ang positibo — mas iyung pangkalahatang pagtanggap ng mga tao. Papasahol nga naman ang klase ng mga pinunong nakukuha ng bansang ito.

    Hindi ko lubos na kuha iyung punto mo, na “mas matimbang ang imahe ng paglaban na ipinakita niya.” Mas matimbang saan? Sa aktwal niyang rekord? Sa tingin ko, tama pa rin namang tawagin ang rehimen niyang “rehimeng US-Aquino,” kaya kung lahatang-panig na pagtatasa, mas mabigat ang negatibo, sa tingin ko. Oo nga, si Nick Joaquin, Cardinal Sin, kaibigan niyang lahat at binigyan niya ng parangal noong namatay.

    @ kapirasongmantika: Salamat sa pagkokomento. Ito ba ang tinutukoy mo?

    http://kapirasongmantika.wordpress.com/2009/08/05/19/

    Sang-ayon ako sa lahat ng punto mo: Na talagang kontra-mamamayan ang rekord ni Cory sa pwesto. Na dapat papurihan ang mga nasa kilusang masa, hindi si Cory sa mga nangyari. Pero kahit ipagpalagay nating lahat ng ito, hindi pa rin mapapasubaliang may positibong dapat kilalanin sa rekord ni Cory.

    Doon sa tanong mo, “Kapag namatay ba si Gloria, magpapasalamat ka rin ba?” Wala namang nagsabi ng ganoon. In fact, magandang pagpapamukha kay Gloria ang nagaganap na pagpuri kay Cory na ni wala sa kalahati niyan ang matatanggap niya kapag namatay siya. Sa tingin ko, bukod-tanging kay Cory pwedeng maganap ang ganito. Hindi kay FVR, hindi kay Erap. At lalong hindi kay Gloria — na masasadlak sa lugar ngayon ng mga Marcos. Halos pareho sila, hindi ba?

    @ Para sa lahat: Sa harap ng nag-uumapaw na pagpuri ng mga mamamayan kay Cory — kita naman ang kapal ng hanay na nagmartsa para ilibing siya, bihira tayong makakita ng ganoon — sa tingin ko, tungkulin nating mga progresibo hindi ang igiit lang ang pangkalahatang pagsusuri natin. Magtiwala tayo sa masa: Na may nasasapul silang mabuti kay Cory. Gumamit tayo ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan — at masasapul natin kung ano.

  • limokon  On August 5, 2009 at 3:38 pm

    mga kasama,pasensya na at di ako mahilig at natutong magsulat,dahil sa mga nabasa ko sa reaction nyo na enganyo ako na mag comment.ito lang ang masasabi ko tungkol kay cory,pag kaintindi ko sa kanya siya ay mabait na tao,kung sakaling naging katulad ko siya na mahirap na tao tingin ko mabait pa rin siya ,nag kataon nga lang na isa siya sa mga mayayamang uri.ibig ko lang sabihin na wala talaga siyang magagawa para sa mamamayang humihingi ng tunay na pagbabago sa lipunan kahit siya ay mabait,matulungin at lalu na hindi corrupt tulad ng sumunod sa kanya na mga naging pangulo, dahil nasa loob pa rin sila ng bulok na sistema ng pangobierno, na ang pangulo ng bansang nasa sistemang ganito ay maikompara ko sa isang namamahala ng isang pagawaan na may sinusunod na patakaran galing sa nakakataas o nagmamay ari nito.(kaya siguro ang gobierno tawag natin ay pamahalaan ?) .sa tingin ko wala pa talagang pangulo na nakapagpatupad ng pagbabago na pabor sa mga mahihirap mula pa noong naunang mga naging pangulo ng bansa hanggang kay marcos , sa kanya at sa kasalukuyan.palaging nauuna ang kapakanan ng mga nasa itaas na kung tawagin ay mga naghaharing uri.ang mga panawagan natin para sa pagbabago ng panggobierno na kung tutuusin ay reporma lamang ito ng kasalukuyang sistema na ang palaging nakikinabang lamang ay yung mga mayayaman o mga naghaharing uri sa lipunan sa tuwing mapalitan ang regimen nito,kung baga sabi nga ” weather weather” lang yan at kami naman dyan,ang ibig kung sabihin at nabanggit nyo na rin na mga naagrabyado o nalamangang naghaharing uri din ang pumapalit sa poder ng kapangyarihan na palaging interes nila ang pinaglalaanan,kaya di talaga maramdaman ng nakakaraming mahihirap ang mga panawagang pagbabago.

    sa nakita ko kanina kahit na naghalo ang balat sa tinalupan ( angels & demons) di hamak na tunay ang binigay na simpatiya nila sa pamilya at lalo na kay pangulong cory at kung di ako nagkakamali ito ay dahil sa pananampalataya o faith na halos iba sa ibang level na usaping pampolitika at siguro din dahil sa pagkabigo ng mga hinihinging pagbabago at mga duda ng mga mamamayang nag iisip sa rehimeng kasalukuyan.kaya dapat lang din na palakasin ang pag mumulat ,pagorganisa sa mamamayan kasi kung hindi,sa palagay ko ganito din karami o lagpas pa ang maghatid kay gloria at sa iba pang maging kapalit nya pag sila ay papanaw na.

  • krguda  On August 5, 2009 at 8:05 pm

    Wala namang debate sa pagpapatampok sa positibo. Pero may debate, sa palagay ko, sa punto mo hinggil sa pagpapatampok lamang sa positibo, gayundin sa isyu ng timing at pagtanggap ng tao.

    Bakit hindi babanggitin ang negatibo? Factual lang naman. Saka kung ang layunin ay edukasyon ng masa hinggil sa kasaysayan. Pero kung ang layunin ay pakikiramay, palagay ko, okey lang na huwag patampukin ang negatibo. Kahit ang statement ng NDF negotiating panel, pahayag ng pakikiramay. Napansin ko rin na ang inilabas ng mga progresibong organisasyon ay “pahayag hinggil sa pagkamatay ni Cory Aquino.” Hindi pahayag hinggil kay Cory. Precisely dahil pakikiramay ang moda ng mga organisasyon, hindi lahatang-panig na assessment.
    Iyung atikulo sa Pinoy Weekly, hindi ko naman sasabihing lahatang-panig na, pero may attempt na buuin ang larawan ng pamumuno ni Cory. Labas na sa pakikiramay ang layunin nito, kundi pagpapaliwanag na at pag-eeduka. May pagtimpla rin sa nag-uumapaw ngang sentimyentong pabor kay Cory, kaya kalkulado rin ang pagpapakita ng negatibo. (Kung naging matagumpay ang artikulo o hindi, bahala na ang mambabasa na suriin).

    Sa totoo lang, wala naman akong dinedebate sa sinasabi mo sa blog entry na ito. Nagpaka-chummy lang naman ako sa komento ko (i.e. personal na pagpupugay ni Sison). Nagulat lang ako sa sagot mo. Tuloy, naungkat ang hindi natin pagkakaintindihan hinggil sa pagdadala ng isyu ni Cory. Hehe.

  • krguda  On August 5, 2009 at 8:10 pm

    Hinggil sa hindi mo lubos na naiintindihang punto sa unang komento ko: ang ibig sabihin lang naman ay sa palagay ko, dapat na mas pahalagahan natin ang positibong kontribusyon ni Cory sa paglaban sa tiraniya. More than yung actual na ambag niya sa governance, palagay ko ang pinakamalaking ambag niya ay ang pagiging simbolo ng paglaban. A symbol that people can identify with. Hindi naman talaga siya namuno sa paglaban. Pero naging rallying image siya ng paglabang ito.

  • Esme  On August 6, 2009 at 2:48 am

    @KK: wala naman akong tutol na progresibo, matapang at may paninindigan si Tita Cory. At alam ko rin na dapat nating tandaan na isa siya sa mga naging sangkap sa pagtutol sa pasistang rehimeng marcos.

    Nakikita ko rin ang punto mo na bagamat puro positbo ang binaggit mo, trinasporma mo ito para kilalanin ng mga masang makakabasa at mga progresibo ang katiningan ng linya ng pagkilos.

    Ayos to…
    Salamat din dahil tinutugunan mo ang mga komento ko at nililinaw ang ilang mga bagay.

    Nga pala, hindi ko naman naisip na ikaw ang gustong magsabi na Icon of Democracy siya…🙂
    Nailagay ko lang yun dahil yun nalang lagi ang narerecieve ko sa text. kahit galing pa nga sa ibang mga kasama. “The Icon of democracy died etc…” at ayun… parang nagkaroon ako ng pagdepensa na hindi ko iyon tanggap bagamat hindi natin dapat basta banggain ang pagtingin ng masa at iwanan ito ng ganun lang… dapat pala may paglilinaw at gamitin ang nangyayari para ipakita na mabisa talga ang pagiging radikal tulad ng ginawa ni Cory sa nakaraang people power.
    Ayun… SALAMAT ULI!🙂
    Pasensya na….

  • kapirasongkritika  On August 6, 2009 at 3:17 am

    @ limokon: Maraming salamat po sa komento! Nakakatuwang napaisip kayo ng blog na ito tungkol sa usaping tinatalakay. Sang-ayon po ako sa kalakhan ng sinabi ninyo — bagamat tantya ko po ay hindi naman aabot sa puntong paparangalan ng mga tao si Gloria katulad ng ginawa kay Cory. Magandang batayan ang kawalan ng ganyang pagpaparangal kay Marcos. Hehe.

    May maganda pong sinabi si Edel Garcellano tungkol sa bagay na ito:

    http://theworksofedelgarcellano.wordpress.com/2009/08/04/morning-after-final-tribute/

    Cory, they said,
    was the last brown hope
    of the underdogs?
    A patrician
    to lead the pack?
    Of course not,
    He counter-argued:
    The revolution
    has so many roads:
    She just opened
    a door –
    a long, winding story to be told.

    Isa rin po palang karangalan na napadalaw ang katulad ninyong mahusay na alagad ng sining, at maka-masang alagad ng sining sa blog na ito! Mabuhay po kayo!

    @ KRGuda: Hindi naman ako nakikipagtalo sa iyo. Hehe. Tinanong ko lang iyung isang bagay na nabanggit mo. Alam kong may pagtatalo tayo, pero sa email na lang iyun. Hehe. Mukhang hindi tayo nagkaintindihan: Mas ang tinutugunan ko ay iyung mga ayaw kumilala na may positibo kay Cory na dapat kilalanin nating mga progresibo. O kung may dapat mang kilalanin ay mas matimbang sa puntong ito ang negatibo. Kaya okey sa akin ang ginawa ng PW! Mayroon ding dapat bumalanse. Yes! I agree: Mas mapapahalagahan natin ang rekord niya ng paglaban sa mga tiwali at pasistang rehimen.

    @ Esme: Hehe. Mukha ring hindi tayo nagkakaintindihan. Marami kasi akong nababasa nitong huli tungkol kay Cory at gusto ko lang tugunan. Mas in relation lang sa pagbanggit mo ang nasabi ko, hindi naman sa paniniwala kong pinapaniwalaan mo ito. Hehe. Walang dapat ipagpasensya! Hehe.

  • krguda  On August 6, 2009 at 4:32 am

    Teo, pasensiya na at ang tumimo sa akin sa mga sinabi mo ay ang pagbigay-diin mo sa punto ng timing ng paglabas sa negatibo ni Cory. At ang overwhelming warm-and-fuzzy feeling ng sambayanan towards Cory.

    Nakakatuwa, napasulat mo si mang Boydom!

  • tiklado  On August 6, 2009 at 2:11 pm

    habang nagbubunyi ang tao sa kadakilaan ni cory, ay nalulunod sa ilusyon ng demokrasya ang mamamayan. . .
    naisip ko lang. . .

  • missphilippines  On August 7, 2009 at 12:58 am

    I think the same instance of laying on the ground the negative side of this situation is not to sustain the fantasy that is currently witnessed by everyone. To concretely enunciate the negative of her politics is to properly situate the location of Cory Aquino in the Philippine History and open up the very conditions of possibilities for Cory’s negative politics. Cory’s politics is not simply deemed by her political will, assertion of her agency, it is wielded upon the existing system that provides the framework, reality, that her regime has completely been entitled to it. What seems to be very important for me is perfectly emphasize the wager of her generation, that mass movement, the blood line of the seeming magnificence of her time. Cory Aquino was a stand-in signifier of that unwavering support and power of the people, and from that ground, that should be transformed, find its proper direction, and wage a fight that is genuine, the real.

  • Kontras  On August 7, 2009 at 3:13 am

    Someone’s trying to sound like someone.

  • kapirasongkritika  On August 8, 2009 at 1:44 am

    @ KRGuda: Consideration naman talaga iyun, pero may mas malalim na dahilan. Oo nga. Alam niya siguro kung saan siya belong. Hehe.

    @ Tiklado: Sa isang banda, dapat naman talagang kilalanin ang ambag ni Cory sa paglaban sa lantad na pasistang paghahari. Pero totoo, marami naman talagang dapat ipaliwanag sa mga mamamayan hinggil sa demokrasya at naunang mga rehimen. Tuluy-tuloy namang proseso ito, hindi ba?

    @ missphilippines: Feeling ko, if we are to make heretical claims about Cory Aquino, we should refuse to see her as a symbol. Kung babalikan ang pag-aaral ni Neferti Tadiar sa “estilo” ng Edsa 1, makikitang inalis ang palabang katangian ni Cory noong itinaas na siya sa antas ng simbolo. Dapat tingnan siya bilang taong lumaban, may ambag, marami rin namang kahinaan.

    Huy, sagutin mo na ang tanong ng bayan, para masaya.

    @ Kontras: So ang tindig mo ay hindi siya ang itinatanong sa kanya ng mga tao? Hehe. I can make some clarifications pero mas maganda kung kay missphilippines manggaling. Hehe.

  • Lyds78  On August 8, 2009 at 6:45 am

    bago pa man mamatay si Cory, may komentaryo na ako sa sobrang paglalagay sa kanya ng midya sa pedestal.

    Basahin sa post ko sa aking blog:
    http://samutsaringsalita.wordpress.com/2009/07/26/gibus-ken-rugi/

    iyun, shameless self-promotion, hehe

  • missphilippines  On August 8, 2009 at 8:18 am

    ano ba ang tanong ng bayan? wala naman kaya! basta ako si miss philippines🙂 wahaha true naman yan, at magandang punto yang sinabi mo Teo. So much so si Neferti. Wait nasa bansa daw si ate? totoo ba yan? anyway, may bago pala siyang libro.

    lumaban si cory dahil sa lakas ng laban ng mamayan at heto ang isa sa pinaka magandang punto na na-establish natin sa palitan ng mga opinions. at kung sino ang iniisip mo na ako, puwes! hindi siya yun at alam niya na hindi siya yun. nangako siya na hindi niya sasabihin sayo. wahahaha

  • sarah  On August 8, 2009 at 10:27 am

    magandang pag-aralan ang dialektikal na relasyon at identidad sa pagitan ng pakikibakang pambansa (national) at maka-uri (class) sa konteksto ng edsa 1 at 2 at kung paano kumilos ang kilusang masa kaugnay ng isang pigura na katulad ni cory aquino. yung mga nabanggit mong katangian ng kanyang pakikisangkot at ang pangkabuuang kinakatawan ni cory ay hitik sa aral hinggil karanasan at aral ng mamamyang nakikibaka sa pagsuong nila sa pakikibaka’t kontradiksyon gamit ang mga taktikal at istratehikal na porma porma ng pakikiaka. sa ganyan kong konteksto kinaaliwan ng husto itong si cory. kung paano sa isang yugto ay napapasailalim ang makauring pakikibaka sa pambansang pakikibaka hindi dahil sa hindi mahalaga o binibitawan na ang una, kundi dahil ang huli mismo ang nagiging partikular na porma o laman (content) ng class struggle—sabi nga nung isang marxista, yung last instance naman never manifests itself as it is—the class struggle. it assumes a particular form relative to historical conditions and the relative strength of contending forces in a given time.

  • kapirasongkritika  On August 9, 2009 at 10:36 am

    @ Lyds78: Salamat! Welcome ang shameless self-promotion dito! Hehe.

    @ missphilippines: Wala akong balita kay Prof. Tadiar, maliban sa totoo ngang may bago siyang libro. Totoo, lumaban si Cory dahil sa lakas ng paglaban ng mga mamamayan noong rehimeng US-Marcos, at nakapag-ambag din siya sa paglakas ng paglaban na iyan. Ayan, nagkomento na ang napag-uusapan dito. Alam kaya niya na siya ang pinag-uusapan? Hehe.

    @ Sarah: Welcome back! Kumusta? Salamat sa komento! Lalim ng Filipino mo ngayon ah. Hehe. So ang sinasabi mo, nagkahugis ang tunggalian ng mga uri sa tunggalian ng sambayanan laban sa rehimeng US-Marcos? Iyung pormang relatibo sa mga kalagayang historikal at sa lakas ng mga nagtutunggaling pwersa sa isang panahon — makakapagbigay din siguro siya ng liwanag sa ano ang dapat na tugon nating mga progresibo sa pagkamatay ni Cory.

  • missphilippines  On August 9, 2009 at 11:21 am

    ano naman ang masasabi mo kay Carlo J Caparas? diba naging favorite mo siya? chika!

  • sarah  On August 10, 2009 at 3:54 am

    ipapauna ko na na hindi ako advocate ng bilingualism, hehe. sa tingin ko mahalagang makakuha ng aral at gulat na rin ang mga progresibo sa pagkamatay ni cory. aral hinggil sa pagsusulong ng anti-imperialist struggle kung saan ang common enemy ay walang iba kundi ang US Impe at ang pinakatutang kakampi nito sa mga paksyon ng naghaharing uri. Si Marcos yun nung EDSA1, si Erap nung Edsa II at si GMA ngayon. Sa tatlong pagkakataon na yan kung saan nakabuo ng malawak ng alyansa ang mga demokratikong pwersa ng sambayanan, andiyan si Cory–sa ayaw at sa gusto ko. Ngayon kung may mga tao na nahuhumaling sa singularity ni Cory at parang pinapaako na lang sa kanya lahat ng magagandang nangyari sa kanya nung 86 at walang tanaw sa mas malawak na pakikibaka ng kilusang masa, puro lang hero worship, etc…kaninong kakulangan yon? Hindi ba pinapaalala sa atin nitong cory hay fever na ito na marami pa tayong kakayurin bilang isang kilusang pambansa at demokratiko? ngayon kung mismong mga nat dems ang nahuhumaling, wenonaman? Ano ba naman ang maglunsad ng ED jan, yan naman ang bet na bet natin diba? ;P

    pero gusto ko lang talagang i-praise to high heavens ang punto mo na di ko mawari kung ano bang moment yun (zizekian ba yan o butlerian, undecided pa ko. yung sinabi mo na di naman kelangang pagebatihan kung anong simbolo ng ano si cory. simple lang, ano ang kanyang naging pakikisangkot sa bawat yugto ng kasaysayan ng anti-impe na pakikibaka. at hindi rin naman mabubura ng pakikisangkot na ito (na ako, mangagahas na sabihing hindi matatawaran at di lang dahil yan sa scholastican siya ;P) ang sala ng kanyang rehimen sa laksa-laksang magsassaka at manggagawa at mamayang pilipino na pinili niyang pahirapan sa pagkakataon pwede sana niyang sinuportahan. and di ko ma-take diyan kay cory ay ang pagpili niyang magbayad-utang pa rin sa IMF-WB gayong pwede namang magsiga-sigaan na siya tutal nasa likod niya noon ang mamamayang pilipino. mas ginusto ng rehimen niyang maging nasa likod ang US ruling elite. ganon naman talaga ang katangian ng pakikipag-alyansa, may mga punto ng pagkakaisa, meron ding struggle. sa pagkamatay niya, tama lang na mas pinatampok ng kilusan ang modang persuasion kaysa sa modang struggle. dahil hanggang ngayon meron pa rin namang taktikal na laban na dapat maipanalo.

  • sarah  On August 10, 2009 at 4:02 am

    ang punto ko din pala sa bandang huli ay hindi usapin ito ng timing. na dapat bang ngayon ipatampok ang mga sala ng rehimeng aquino sa pagkamatay niya habang nagluluksa ang masa. tingin ko hindi naman kasing importante ang tanong na yan nung tanong na ano ba ang taktikal na laban ngayon, paano nagsasalubong ang mass movement at ang kaalyado nito? kung positibo ang ugnayan ng dalawa, walang dahilan para hindi malungkot at manghinayang o magbigay ng pugay ang kilusan sa isang alyadong sumakabilang buhay.

  • sarah  On August 10, 2009 at 4:04 am

    in the same way, kung halimbawang sumakabilang buhay itong si GMA ngayon, bukas o kamakalawa, hindi ba tayo magpapa-lechong baka?

  • kapirasongkritika  On August 10, 2009 at 12:28 pm

    @ missphilippines: Iniisip ko ngang magsulat tungkol sa isyu na iyan. Hehe. Sabi ni Caparas, elitista ang mga tumututol sa pagiging National Artist niya. Kung ako ang masusunod, mas magandang palitan siya ni Rene Requiestas. Hehe.

    @ sarah: Sang-ayon ako syempre sa mga punto mo. Baka naman talaga iyung mga tagahanga ni Cory kahit sa mga aktibista ang mabilis nakaunawa ng pangangailangang patampukin ang progresibo sa ginawa niya. Hehe. Marami pa tayong kakayurin… at naghahanap din naman ng pagbabago ang masa — iyan ang sinasabi ng pagkahumaling kay Cory ng mga mamamayan nitong huli. Ang magandang punto kaugnay ng timing ay ang puntong hindi laging ang pangkalahatang suri ang kagyat na tugon sa mga usapin. Pero tiyak akong lechong baka man o hindi, magdiriwang tayo sa araw na sinasabi mo. Naalala ko tuloy ang kwento ni Edel Garcellano: na noong panahon ng batas militar, nagdya-jogging ang mga tao sa kagustuhang humaba ang buhay at maalpasan ang batas militar at si Marcos mismo. Hehe.

  • sarah  On August 10, 2009 at 3:51 pm

    oo nga, “ang pangkalahatang suri ay hindi ang kagyat na tugon sa mga usapin.” digs!

  • krguda  On August 14, 2009 at 6:32 pm

    Sa harap ng maraming tanong, di-kalinawan at agam-agam sa mainit na pagtanggap maging ng mga progresibo sa legasiya ni Cory Aquino, gumawa ang Pinoy Weekly Online ng isang maikling bidyo-dokumentaryo na tumatalakay kay Aquino at ang relasyon niya sa kilusan para sa pagbabagong panlipunan noon at ngayon, batay sa panayam sa tatlong kinikilalang progresibong tagasuri. Baka gusto ninyong panoorin:

    http://pinoyweekly.org/new/bidyo-dokumentaryo-si-cory-at-ang-hangad-sa-pagbabago/

  • kapirasongkritika  On August 15, 2009 at 3:06 pm

    @ Sarah: Salamat ulit sa pagkokomento!

    @ KRGuda: Salamat sa pagbibigay ng link. Napanood ko ang video, mas “balanse” na pagtingin kay Cory. Medyo funny lang ang ringtone ni Ka Satur! Hehe.

  • bstok7virac  On September 7, 2009 at 2:41 pm

    Hindi ko natapos na basahin ang blog ni teo at mga komento ngunit magkokomento na ako.hehe

    Sa pagmunimuni ko at base narin sa kasaysayan na dumami ang mga NPA sa panahon ni macoy at ito ay umabot sa bilang humigit kumulang na 25,000 (dahil diktador s macoy) at ng dumating si cory ito ay bumaba hanggang ngayon na ki gloria ito ngayon ay 7,000 nalang (dahil may tiwala ang tao ki cory., Siguro lumalakas ngayon dahil ki gloriang swapang.hehe Pero sana sa susunod na election at ang manalo ay ang mapagkakatiwaan ng tao at gumawa ng tama.

    Sana magkaisa na tayo.

  • kapirasongkritika  On September 8, 2009 at 5:03 pm

    Umaasa ka sa mga pulitikong ito? At sa pulitika sa bansa? Naku, balikan mo ang kasaysayan natin. Kahit naman si Cory, kahit pinuri ko siya rito, hindi naman naghatid ng malalaking reporma.

  • celine_princess  On December 12, 2009 at 5:38 am

    ,,. uhmm,,. just like the oders..

    i love tita cory xoo much..

    .,she became my inspiration the whole tym,.

    ,,., i hope this coming election,,.

    ,., people will realize the .,.,

    you know.,, ^_^

    ,,. i dont wat to say anyting,.

    ,..kip in faith,.,

    godbless,, ^_^

  • powerlogic  On February 7, 2010 at 11:53 am

    ang jirap hanapin ng katangian ni cory aquino grabeeeee

Trackbacks

  • By * « Son Of Rage And Love on August 18, 2009 at 4:03 am

    […] na mga panukala na naisabatas noong kanyang termino. Ang lively debate naman sa blog ni kapirasongkritika ang nakapag paintindi sakin na hindi sapat na ipaalala lang sa masa ang mga negatibong pangyayari […]

  • […] LABAN. Cory Aquino flashes the Laban sign to the crowd in EDSA. Teo Marasigan via Kapirasong Kritika/worpress.com […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: