Glo Away, Glo to Hell

Noong bago ang huling State of the Nation Address ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, nagsingawan ang iba’t ibang pakana ng rehimen niya para manatili sa pwesto, bukod pa sa isinusulong noong Constituent Assembly o Con-Ass: pagdedeklara ng batas militar, paglulunsad ng kudeta pabor sa sarili, pagtatayo ng transisyunal na rebolusyunaryong gobyerno para sa Con-Ass, at iba pa.

Makabuluhang balik-aralan ang pagsingaw ng mga iskemang ito ngayon, matapos ang napakaraming pangyayari pagkatapos ng SONA. Makabuluhan hindi lang dahil banta pa rin ang mga ito, kundi para matuto rin ng leksyon sa mga hakbangin ng rehimen – para man lang bigyang-dangal ang tensyong naramdaman at pag-aapuhap ng paliwanag na ginawa noong nagsulputan sila.

Sa isang banda, madaling sabihing ginamit ang mga ito para takutin ang mga mamamayan para huwag sumama sa binabalak noong malaking protesta sa SONA. Pwede nga namang may manggulo, mangyari at masaktan sa rali. Ang kakatwa, gayunman, at malamang ay alam din ito ng rehimen, nakakapag-udyok din ng galit at protesta ng mga mamamayan ang ganitong mga balita.

Kaya bakit pinasingaw ng rehimen ang ganitong mga usap-usapan? At bakit hindi na sila pinapasingaw ngayon? Sa tingin ko, dahil desperado ang rehimen na manatili sa pwesto lampas 2010, bukod sa gusto rin nitong manakot para hindi lumawak ang protesta sa SONA, seryosong pinag-aralan nito ang nasabing mga iskema. Pinasingaw sila hindi lang para sa mga Pinoy, kundi para sa US.

mcdonalds as iwo jima

Bakit hindi na sila pinapasingaw ngayon? Sa tingin ko, dahil hindi nakuha ng rehimen ang suporta ng US, gaano man nito ipinakita ang desperasyong magpalawig ng termino. Malinaw ang pahayag ni Kristie Kenney, embahador ng US: Gusto ng US ng eleksyon sa 2010. Hindi rin ihaharap si Gng. Arroyo kay Pres. Barack Obama ng US kung magiging kahihiyan ito ng US pagkatapos.

Sa tingin ko, pagpapakita ng suporta kay Gng. Arroyo ang pakikipagkita ni Pres. Obama – pero hanggang Mayo 2010 lang. Ang problema, walang tiyak na makapagsabi kung ano ang sinabi, o iniutos, ni Pres. Obama kay Gng. Arroyo noong nagkita sila. At tiyak namang magyayabang si Gng. Arroyo pagkatapos – para magmukhang napakapositibo ng pagtanggap sa kanya ng gobyernong US.

Ibang bagay pa kung umalingawngaw ang pagyayabang ni Gng. Arroyo – na hindi nangyari, dahil sa pagluluksa sa pagkamatay at libing ni dating Pang. Cory Aquino at sa pagkabisto ng maluhong mga hapunan ni Gng. Arroyo sa US at ng grabeng paglaki ng yaman niya. Natabunan ang Globama Meeting, at natuwa siguro si Gng. Arroyo na hindi na niya kailangang todo-todong magsinungaling.

Ang tanong: May papel kaya ang US sa mga paglalantad tungkol kay Gng. Arroyo? Gusto kaya nitong lalong pabahuin ang rehimen para hindi na makapag-asam na manatili lampas sa 2010? Posible. Malinaw ring patunay ng hindi pagsuporta ng US sa kagustuhan ng rehimen ang tila pag-atras sa pakanang Con-Ass tungo sa paghahanda para sa Constitutional Convention.

Gloria SONA Effigy 2009

Sa ganitong lagay, mukhang matutuloy na ang eleksyon sa 2010. Ramdam ito ng mga pulitiko kaya nagkukumahog na silang magdeklara ng pagtakbo sa iba’t ibang posisyon at nagpupulasan na rin ang mga alyado ni Gng. Arroyo patakas sa dominanteng koalisyon. Pwede nga naman silang suportahan ni Gng. Arroyo sa panahon ng termino niya, pero halik ni Hudas ang suporta niya sa eleksyon.

Pwedeng may minimum na layunin ang rehimen sa pagtutulak ng Con-Ass: ang iantala ang pagkakampanya ng mga pulitiko sa halalan, dahil masama raw ang pamumulitika sa bansa, at para iudlot ang mga posibleng atake sa rehimen. Ganito rin idinedepensa ng mga kolumnistang maka-rehimen ang deklarasyon ni Gng. Arroyo noong Disyembre 2003 na hindi siya tatakbo sa halalang 2004.

Pero sa halip na magtagumpay kahit sa minimum na layuning ito, lalong inudyukan ng rehimen ang pangangampanya ng mga pulitiko, tampok ang porma ng patalastas sa telebisyon. Kahit ang mga komentaristang kadalasang tumutuligsa sa mga pampulitikang patalastas ay pumupuri sa mga ito ngayon, dahil inuudyukan umano ng mga ito ang rehimen na ituloy ang halalan sa 2010.

Dahil tuloy na ang halalang 2010, lumalaki ang posibilidad na mapatalsik si Gng. Arroyo ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagboto sa 2010. Mas mahirap ngayong umasang susuportahan ng iba’t ibang pulitiko ang mala-Edsa na pagkilos laban kay Gng. Arroyo dahil hindi sila magkakaisa sa papalit sa kanya. Lahat pa naman ng pulitiko, buo ang tiwala na sila ang mananalo sa eleksyon.

blogger

Syempre, dahil sa mala-sirkong – Le Cirque! – lagay ng pulitika, pwedeng magkaroon ng ilang sorpresa. Dahil desperado si Gng. Arroyo na tumakas sa mga pag-usig at pagpaparusa kaugnay ng napakaraming krimen niya sa mga mamamayan, pwede siyang maging asong ulol at kagatin ang amo niyang US – magdeklara ng batas militar, halimbawa. Pero pagpapatiwakal ito para sa kanya.

Pwede ring sa tindi ng kabulukan ng rehimeng ito, samu’t saring eskandalo pa ang sumabog na mabilis na mag-udyok sa mga mamamayan na lumabas sa lansangan at manawagan ng pagpapatalsik. Pwedeng tumuntong ito sa pagningas muli ng diwa ng Edsa sa libing ni dating Pang. Aquino – kung saan mismong karaniwang mga tao ang nagsabing lumusob na sa Malakanyang.

Pwede ring balahurain ng rehimen ang eleksyong 2010, guluhin, magdeklara ng pagkabigo. Pero kung magtutuluy-tuloy ang pagbabantay at protesta ng mga mamamayan, at sigurado tayo rito, mapapakilos ang napakaraming seksyon ng lipunan – tampok na ang mga laway na laway na maging presidente ng bansa. Subukan lang ni Gng. Arroyo na gawin ito, tiyak na may kapupulutan siya.

Anuman ang kahinaan ng mga suri at hinala ko, sigurado ako ngayon sa isang bagay: Sukul na sukol na ang rehimeng Arroyo. Tiyak na aburido ito ngayon sa pag-iisip ng paraan para bumaba o magpatagal sa kapangyarihan nang maluwalhati. Nitong huli, nasabi ni Mikey Arroyo na matatapos ang mga atake sa nanay niya kapag bumaba na ang huli sa pwesto sa 2010. Nagkakamali siya.

22 Agosto 2009

Basahin ang mga entri nina Bikoy Villanueva at Prometheus Brown tungkol sa marahas na pagbuwag sa lehitimong protesta ng mga estudyante at kabataan sa Malakanyang noong 19 Agosto.

Ang ganda ng photo-essay ni Kenneth Roland A. Guda tungkol sa mga tagumpay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.

May parangal si Sarah Raymundo sa isang dating propesor.

Muli namang nag-blog si Arnold Alamon para magparangal kay Cory Aquino.

Basahin ang isinulat ni Marius Carlos, Jr. tungkol sa mga bagong monumento na laging sumusulpot sa kasaysayan ng bansa.

May komentaryo ang sosyalistang si Richard Seymour sa mga alingasngas sa repormang pangkalusugan sa US.

May salin ng isang tula si Rogelio L. Ordonez tungkol sa mga makata. May mga angas naman ng isang ina si Gingmaganda.

Lumabas sa video ni Jay-Z si Mao Zedong! Progresibo kaya ang asawa ni Beyonce? Hmmm.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Kontras  On August 23, 2009 at 3:54 am

    Hindi naman ako maka-Obama, pero nanggagalaiti ako sa mga pa-libertarian na Kanang bumubula ang bibig sa pag-atake sa isang walang kalatoy latoy na “public option” sa health care system nila. Gusto pala nila ng kapitalismo eh, eh di sigue, give it to them!

  • kapirasongkritika  On August 24, 2009 at 3:11 pm

    Grabe ano? They’re raising hell over some modest reform! Hehe. At grabe pala talaga itong FOX News, nito ko lang talaga napanood. Parang ang “sosyalismo” para sa mga maka-Kanan sa US ay kahit anong nakaka-threaten sa kanila, totoo man o ilusyon lang.

  • bstok7virac  On September 6, 2009 at 6:06 am

    Anong masama sa pagiging libertarianismo? Pro-Capitalist po ako. Sabi daw “Capitalism is the only just and moral social system” ewan ko kung saan ko yan nabasa pero yan din ang pagkakaunawa ko sa kapitalismo – Kalayaan. Siguro kahit isang ibon masgugustuhin pang makalaya sa isang hawla kesa pinapakain araw-araw nakakulong naman.

    Hindi tayo magkaaway Kontras at kapirasongkritika opinion ko lang po yan. Hindi ko sinasabing madami akong alam dahil ang totoo madami pa akong gustong malaman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: