Tiglao Tsk, Tsk

…doesn’t only sell out on the revolution,
he sells the revolution,
he sells his own selling out
.
– Neferti Xina M. Tadiar

Wala bang blog si Rigoberto Tiglao? Sana kasi doon na lang niya inilagay ang mga materyal umano para sa isinusulat niyang libro. Marami rin namang basurang inilalathala ang Philippine Daily Inquirer, pero ibang lebel itong huling isinulat niya.

Sa sanaysay niyang “Why we are where we are,” na nalathala sa isang buong pahina ng Inquirer nitong 30 Agosto, naghapag si Tiglao – dating “kadre” ng Partido Komunista ng Pilipinas, dating susing tao sa gabinete ng pekeng pangulo, at ngayo’y embahador ng bansa sa Greece – ng kakaibang suri kung bakit nananatiling mahirap ang Pilipinas. Dito, sa kabila ng pagpapanggap na “obhetibo” ang pampulitikang suri niya, kitang-kita ang dalawang bagay: ang galit niya sa Kaliwa at ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo – na may matagalang gamit, syempre pa, para sa mga maka-Kanan sa bansa.

Beatriz Milhazes 1

KOLONYALISMO NG SIBILISASYON

Kakatwa ang isa sa unang mga tanong ni Tiglao: “Bakit umungos nang husto ang mga ekonomiya ng Europeong sibilisasyon habang nabansot ang karamihan ng ekonomiya sa Asya, Aprika at Latina Amerika?” Syempre, umungos naman talaga ang US at Europa sa ibang kontinente, pero bakit “ekonomiya ng Europeong sibilisasyon” ang praseng ginamit niya? Wala bang “sibilisasyon” ang ibang kontinenteng binanggit? Sa buong sanaysay niya, ramdam ang ganitong paghanga sa naturang “sibilisasyon.”

Inisa-isa niya ang napakaraming posibleng sagot sa tanong, bagamat humantong siya sa kolonyalismo – na para bang hindi siya resolbado sa huli. Sabi niya, grabeng sinamantala ang kolonyalismo bilang paliwanag sa kahirapan ng iba’t ibang bansa. Sabi niya, noong Cold War, kahit tapos na ang “Panahon ng Kolonyalismo,” ginawang kagamitan sa propaganda (propaganda tool) ng Rusya at Tsina ang “mga epekto” nito – para umano magalit ang mga bansa sa mundo sa US at ibang kapangyarihang Kanluranin. Para rin daw kontrahin ang malaganap na anti-komunismo noon.

Pero epekto na lang ba ng “kolonyalismo” ang mayroon noong Cold War, na masasabing nagsimula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Hindi. Nagpatuloy at tumindi pa nga ang pang-ekonomiyang pandarambong at panggegera ng mga bansang imperyalista sa panahong ito, bagamat hindi na sa dating dominanteng porma ng direktang pananakop, kundi sa porma ng mga relasyong sinasaklaw ng salitang “neokolonyalismo.” At mahirap sabihing epekto lang ng kolonyalismo ang neokolonyalismo. Una, dahil ang mga bansang dominante sa naunang bugso ng kolonyalismo ay iba sa mga bansang dominante sa panahon ng neokolonyalismo. Pangalawa, dahil may sariling daynamismo ang ikalawa sa una.

Kung anumang galit ang naramdaman ng mga mamamayan ng tinatawag na Ikatlong Daigdig sa US at iba pang kapangyarihang Kanluranin, iyan ay dahil sa umiiral noong – at ngayong – relasyon ng pagsasamantala sa pagitan ng huli at nauna. Ibig sabihin, hindi lang kagamitan sa propaganda ang paglalantad sa mapagsamantalang relasyong ito, kundi wastong pagsusuring pampulitikang dapat kilalanin ng iba’t ibang bansa.

Pakiwaring ironic pa si Tiglao: aniya, imperyalismong US pa rin ang tinutukoy ng naiwan-sa-dating-panahong mga komunista (time-warped communists) sa Pilipinas na pangunahing ugat ng kahirapan – kahit dalawang dekada nang nawala ang terminong ito sa propaganda ng Rusya at Tsina. Hindi na uso, pero gamit pa rin ng mga ungas.

Bakit, pagiging uso ba ang batayan ng pagiging wasto? Mahirap na pagtingin ito: Kung nasa Germany si Tiglao noong sinunggaban ni Adolf Hitler ang kapangyarihan, sasabihin siguro niyang ito ang rurok ng sibilisasyon, katulad ng ginawa ng ibang intelektwal noon. Sabagay, noong malakas ang Kaliwa sa bansa, nandoon si Tiglao; nitong nasa kapangyarihan ang rehimeng Arroyo, naroon din siya. Weder-weder lang. Pero nahahadlangan si Tiglao ng mga prehuwisyo ng ideolohiya niya: Hindi ba’t nauuso na uli ngayon ang “imperyalismo” dahil sa mga hakbangin ng mismong US?

Beatriz Milhazes 2

KONTRA-KALIWA, PALUSOT NG MGA MARCOS

Noong ipinapaliwanag na niya kung bakit naiwan ang Pilipinas ng pag-unlad ng Malaysia, Thailand at Indonesia – dahil umano sa tatlong “malalakas na bagyong pampulitika at pang-ekonomiya (perfect political-economic storms)” na tumama sa bansa – lumabas na talaga ang pagiging kontra-Kaliwa, maka-Gloria at maka-Kanan niya.

Tatlong beses daw tumama ang bagyong tinutukoy niya: noong bukana ng dekada ’70, noong bukana ng dekada ’80, at noong pagkatapos ng Edsa People Power 1. At tamang-tama ang paggamit niya sa salitang “bagyo,” dahil itinuturing niyang pangunahing ugat ng mga ito ang mga bagay na wala sa kontrol ng mga Pilipino — at sekundaryong ugat ang Kaliwa. Sabi niya, “At noong nagsikap ang iba pang mahirap na bansa na maging mas mayaman noong dekada ’70 at ’80, nadiskaril tayo sa isang bahagi ng mga insurhensyang komunista at separatista, pero mas mahalaga, ng bukod-tanging pagsasalimbayan ng mga pangyayaring humantong at tapos ay sumunod sa 1986.”

Unang Bagyo. Ang ugat daw ng pampulitika at pang-ekonomiyang bagyong yumanig sa bansa noong bukana ng dekada ’70 ay ang krisis sa langis sa mundo, na sinabayan at pinasahol pa ng “walang kaparis na mararahas na kumprontasyon sa lansangan noong 1970” – na nakilalang “Sigwa ng Unang Kwarto” o “First Quarter Storm,” syempre pa.

Mas kakatwa ang sumunod: Pinagtibay ni Tiglao ang kasinungalingang tuluy-tuloy na inilalako ni dating Sen. Jovito R. Salonga, na ang Kaliwa ang nasa likod ng pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Syempre, ginagamit dito ni Tiglao ang awtoridad at yabang ng isang dating “tagaloob” o “insider” sa Kilusan. Pero ano ang ebidensya niya? Ilang beses nang napasinungalingan ang akusasyon ni Salonga sa mismong larangang nagtuturing sa kanyang dalubhasa – sa korte ng batas ng kontra-Kaliwang gobyerno.

Pagkatapos, ang kakatwa, naging ispekulatibo: “Ibang-iba ang kasaysayan at kalagayang pang-ekonomiya ngayon ng Pilipinas kung inilipat ni [dating Pangulong Ferdinand] Marcos ang kapangyarihan sa isang halal na kapalit matapos ang 1976.” Akin ang pagdidiin sa “kung” sa sipi, dahil walang kung sa kasaysayan. Ispekulasyon ito, na kapag sinuong at pinatulan ay pwedeng tapatan ng ibang kontra-ispekulasyon.

At ang kakatwang naging ispekulatibo, naging pantastiko: “Pero ang takot niya sa marahas na paghihiganti sa pagbomba sa Plaza Miranda, na isinisi ng lahat sa kanya, ang malamang na kumumbinsi kay Marcos na kumapit sa kapangyarihan.” Simple ang gustong sabihin: Kung ang Kaliwa ang utak sa pagbomba sa Plaza Miranda, at hindi bumaba sa kapangyarihan si Marcos dahil sa nasabing pagbomba, may kasalanan ang Kaliwa sa deklarasyo ng Batas Militar, sa pagtagal sa kapangyarihan ni Marcos, at sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa – lalo na noong matapos ang 1976, sabi ni Tiglao.

Ang galing! Bakit nga naman hindi naisip ng mga Marcos ito? Bukod sa pwede nang magkaisa sina Jovito Salonga at Imelda Marcos sa paghanap ng katarungan para sa pagbomba sa Plaza Miranda, mas magaling itong palusot ng mga Marcos sa pagtagal sa kapangyarihan ni Ferdinand kaysa sa pagturo sa umano’y lakas ng mga Komunista noon! Hindi naman talaga gahaman sa yaman at kapangyarihan si Ferdinand – gulay nga raw ang paboritong kainin, sabi ni Imee – talagang napwersa lang siyang manatili sa kapangyarihan dahil lagot siya kapag bumaba sa pwesto! Salamat sa Kaliwa! Ang maraming yaman sa mga bangko, ang mga ginto, ang mga sapatos – wala lang iyun!

Pwede rin itong pahayag sa krisis ngayon ni Gng. Arroyo. Ginagawa kasing mahirap ng mga kontra-Arroyo ang pagbaba sa pwesto ni Gng. Arroyo, dahil isinisi na sa kanya ang lahat ng kasalanan sa mundo – mula sa “Hello Garci” hanggang sa pagpatay at pagdukot sa mga aktibista. Hinay-hinay naman kayo sa pagbabanta ng kaso at iba pang parusa – dahil baka hindi siya bumaba sa pwesto at makatwiran lang naman iyun.

Pero nasaan ang ebidensya ni Tiglao? Una sa lahat, may indikasyon bang pinag-isipan ni Marcos na bumaba sa kapangyarihan matapos ang 1976? May indikasyon bang ginusto niyang magpatawag ng halalan noon para mapalitan siya sa pwesto? Noon ngang 1986, mahigit isang dekada matapos ideklara ang Batas Militar, gusto pa rin niyang manatili sa kapangyarihan, kahit mandaya. Dahil walang ebidensya, nagiging malinaw na sa sobrang pagkontra ni Tiglao sa Kaliwa, nahulog na siya sa pagyakap at pagbibigay-katwiran sa mapanupil at mapagsamantalang mga hakbangin ni Marcos.

Beatriz Milhazes 3

1986 AT PAGKATAPOS, TEORYA NG PAG-UNLAD

Ikalawang Bagyo. Ang bagyo naman noong bukana ng dekada ’80, aniya, ay itinulak ng hindi pagbabayad ng mga bansa sa Latina Amerika sa kanilang utang panlabas. Malabo ang paliwanag ni Tiglao, parang nakadroga: “Lumikha ang malaganap na opinyong publiko na nandaya nang todo si Marcos sa pampresidenteng halalang snap noong Pebrero 7, 1986 ng eksplosibong sitwasyong pampulitika na humantong sa pinakamatinding resesyon ng ekonomiya sa buong kasaysayan, bumagsak nang 7% kada taon noong 1984 at 1985.” Ano raw? Idinulot ng nahuling pangyayari ang nauna?

Ikatlong Bagyo. Pagkatapos naman ng 1986, naganap ang krisis sa kuryente – dahil daw hindi pinaandar ang Bataan Nuclear Power Plant. Sumabay pa ang kudeta ng mga maka-Kanan at ang “pagwawala sa pamamagitan ng pagpaslang sa kilalang mga personalidad” ng New People’s Army. Lumikha raw ito ng imaheng anarkiya ang nananaig sa bansa. Pumutok pa ang Mt. Pinatubo. Napakaraming kamalasan ng bansa.

Kahit sagasa sa integridad ng daloy niya, pinatampok ni Tiglao sa isang subseksyon ang pagdukot ng NPA sa negosyanteng si Noboyuki Wakaoji noong Nobyembre 1986. Kauna-unawa ang sabi niya: Kaya lumikas ang mga mamumuhunang Hapon sa bansa. Pero binanat niya ang punto: Umunlad daw ang Malaysia, Thailand at Indonesia pagkatapos. Na para bang hindi umunlad ang bansa dahil sa NPA. Syempre, hindi niya sinabing mga nagkamali at pinatalsik na elemento ng NPA ang responsable sa nangyari  kahit iyun ang totoo. Oo nga naman, ang layunin niya ay ang pasamain ang Kaliwa.

Makikita sa pagbabalik-tanaw ni Tiglao – at hindi naman sa gusto niyang itago – ang teorya niya kung paano uunlad ang bansa.  Nakasandig ang teorya ng pag-unlad niya sa pamumuhunan – pangkalahatan kunwari pero sa aktwal ay ng mga dayuhan. Malikot ang isip niya sa pagbago ng unawa sa kasaysayan, nang kontra sa Kaliwa at pabor sa mga naghaharing rehimen, pero napakakumbensyunal at konserbatibo niya sa usapin ng pag-unlad. Ito pa rin ang pag-unlad ng mga export-processing zones, agricorporations – pagpapamura at paniniil sa lakas-paggawa, todong biyaya at benepisyo para sa mga namumuhunan, para lang akitin silang pumunta sa bansa.

Sa ganito niya itinutuntong ang lagom niyang “ang batayang rekisito para sa pang-ekonomiyang pag-unlad ay pampulitikang istabilidad.” Hindi ito dapat pagdudahan, sa gitna ng todong paninira niya sa Kaliwa: Panawagan ito para supilin ang Kaliwa. Natural, maging ang ligal na pagkilos sa larangang parlamentaryo ay tinutuligsa niya. Sabi niya, ang “ochlocracy – ang paghahari ng sigawan, hibang na mob o hanay, na tinuligsa na ng mga sinaunang Griyegong siyang nag-imbento ng demokrasya 2,500 na ang nakakaraan – ay isang salaula, maling pag-unawa sa rebolusyong Edsa.”

Muli, makikita rito ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo. Dahil kailangan ang pampulitikang istabilidad, at durugin ang mga nanggugulo, dapat unawain ang mga hakbangin ng rehimen na mapanupil sa Kaliwa, dapat pa nga itong papurihan. Ginagawa lang nito ang kailangan para umunlad ang bansa. Tama lang din ang rehimen sa hindi pagpansin sa mga nagpoprotesta sa lansangan para sa pagbitiw nito sa kapangyarihan. Lahat ng ito para sa pampulitikang istabilidad – at kaunlaran. Kapansin-pansing hindi tinuligsa ni Tiglao ang Edsa 2 kahit mas maliit na pag-aalsa ito – sa dami ng lumahok at sa kabulukan ng rehimen ipinalit – kumpara sa Edsa 1.

Ginagawa ang pagpapasamang ito sa Kaliwa ni Tiglao sa pamamagitan ng isang porma ng pag-unawa sa ugnayan ng sitwasyon ng lipunan at sa progresibong kilusan dito, ng krisis at Kaliwa. Kapag binabanggit niya ang krisis, maingat niyang iniiwasang ipakitang dito kumukuha ng lakas ang Kaliwa. Bagamat kailangan talaga ang Kaliwa para magkaroon ng epektibong pagkilos ang mga mamamayan sa panahon ng krisis, walang silbi ang Kaliwa kung walang krisis. Ibig sabihin, kaya lumakas ang Kaliwa sa mga panahong binabanggit ni Tiglao, at hanggang ngayon, iyan ay dahil sa krisis ng lipunan – sa kahirapan, gutom at pagkabusabos na dulot nito sa mga mamamayan.

Iniiwasan iyan ni Tiglao. Kaya kahit mukhang kasaysayan ang tinatalakay niya, pagtalikod talaga ito sa kasaysayan. Gusto lang talaga niyang pagmukhaing masama ang Kaliwa. Narito ang krisis, sinasamantala pa. Na para bang hindi ang krisis ang nagpapalakas sa Kaliwa – syempre sa tamang pagkilos din ng huli. Hindi lang sa lumulutang na masama ang Kaliwa sa ganitong pagsusuri, pwede na itong tingnan na madaling pawiin. Kung hindi nakatuntong ang Kaliwa sa hirap, gutom at pagsasamantalang dinaranas ng sambayanan, madali lang itong dahasin at durugin.

Beatriz Milhazes 4

REYALIDAD, PAMPALUBAG-LOOB

Bagamat gusto ni Tiglao na mabahala ang mga mambabasa niya – ang mga naghahari at panggitnang uri sa bansa – sa pag-iral ng Kaliwa sa bansa, sa pangkalahatan ay gusto rin niyang magbigay sa kanila ng pampalubag-loob. “Nasa landas na tayo,” sabi niya nang parang maluha-luha sa pilit at pekeng kaligayahan, “tungo sa maaliwalas na papawirin ng pampulitikang istabilidad at sa gayon ay pang-ekonomiyang pag-unlad.”

Heto ang makabagbag-damdaming panawagan niya: “Tingnan ang mas malaking larawan, tingnan ang mga kongkretong datos, at ang ating bansa ay malayung-malayo sa pagiging, sa mga salita ng isang kolumnista, ‘naghihingalong maysakit.’ Umuunlad ito, hindi katulad ng gusto natin, pero kahit paano, may pag-unlad, habang lumalakas ang ating pampulitikang istabilidad at iba pang demokratikong institusyon.”

Aling datos? Ang halos pagpantay natin sa gross national o domestic product ng mga karatig-bansa? Hindi naman makikita rito ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng hatian ng yamang nalilikha sa bansa – ang patuloy na pagyaman ng mayayaman at paghirap ng mahihirap – na patunay ng lalong pagkabulok ng sistema sa bansa. Hindi rin dito makikita kung pangmatagalan ang pag-unlad. Sa huling State of the Nation Address ni Gng. Arroyo, kinilala niyang hindi na sa elektroniks nakaasa ang ekonomiya, kundi sa ibang larangan ng dayuhang pamumuhunan – business process outsourcing at turismo. Ito ba ang pag-unlad na gusto natin? Nakaasa sa uso sa mundo?

Gaya nga ng palaging sabi nila, “malayo sa sikmura” ang mga datos na ipinagyayabang ni Tiglao. Hindi ito nagbibigay ng kapanatagan sa mga mamamayang alam ang tunay na lagay ng bansa – ang tindi ng kawalang-trabaho at kawalang-hanapbuhay; gutom at mahal ng pagkain at ibang bilihin; kabaratan ng sahod, mga benepisyo, at kita sa pangkalahatan; at kawalan ng akses sa mga serbisyong panlipunan. Si Tiglao ang dapat magising sa katotohanan. Masyado na siyang nagtatagal sa yaman at kapangyarihan, hindi na niya alam ang nagaganap sa mayorya ng mga mamamayan sa bansa.

Sa dulo, ang papel ni Tiglao ang tipong bibigyan ng gradong 5.0 o bagsak sa usapin ng estilo ng pagkakasulat, lohika ng laman, at lalim ng saliksik. Masyado na siyang sunud-sunuran sa rehimen at sistema, at nasusuklam sa Kaliwa, para matinong makapag-isip.

03 Setyembre 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Bomen  On September 4, 2009 at 1:13 pm

    Salamat sa magandang banat kay Tiglao. Gusto yata niyang maging Francis Fukuyama ng Pilipinas. Tama ka na simple lang ang pormula niya: ang pag-unlad ay katumbas ng mapayapa at walang sagkang paglaganap ng mga “social” at “material technologies” na diumano’y kumakatawan sa pinakamataas na antas ng “ebolusyonaryong pag-unlad ng tao”. Sa madaling salita, ang mga institusyon ng kapitalismo at “demokrasya” (ayon sa kanya, “genteel competition” ng mga elite) ang katapusan ng kasaysayan. Naku sana mapataba niya nang husto at masaksakan ng sangkatutak na “datos” at baluktot na argumento ang kanyang “librong” sinusulat para masayang paputukin ito na parang lobong hungkag.

  • kapirasongkritika  On September 5, 2009 at 2:43 am

    Sir! Napagawi kayo, ah. Hehe.

    Salamat sa dagdag na punto ninyong iyan. Hindi ko iyan nahuli. Oo nga, ayaw nga niya ng mga kombulsyon, krisis o kung anumang kaguluhan. Kung magiging payapa tayo, uunlad tayo — sa paningin niya.

    Oo nga, Fukuyamang-Fukuyama nga ang ganyang mga giit! Ito na ang katapusan ng kasaysayan para sa Pilipinas kahit wala naman tayong dapat o pwedeng ipagdiwang sa lagay ng bansa.

    Mukhang excited kayong i-critique ang bagong libro niya kapag lumabas, ah. Masakit sa ulo himay-himayin iyun, tiyak. Hehe

  • bstok7virac  On September 5, 2009 at 11:13 am

    Hindi ba pweding pagsamahin ang nalalaman ni tiglao, bomen at kapirasongkritika para mapaunlad pa lalo ang mga formula sa pag-unlad?

    o parang tubig at langis tayo na kelangan puksain ang isa ang ang isa ang maghariharian? Ang gulo ng pinas ano? Daming matatalino???

    Hay kawawang pinas!!!

  • Esme  On September 5, 2009 at 12:03 pm

    @KK: umm, kung napanood mo yung case unclosed ng GMA7 noong nakaraang november 20 yung plaza miranda bombing yung feature nilang kaso doon.
    Matagal na akong naghahanap ng babasahing may paliwanag tungkol sa sinasabi ni Jovito Salonga. Iginigiit niya kasi sa palabas na si Prof. Joma Sison yung nag-utos ng pambobomba… naghanap din yung Case unclosed ng mga taong mula “daw” sa loob ng kilusan at iyon din daw ang ipinahayag.
    Napaka-konserbatibo naman pala niyang si Tiglao ano? Hindi ko pa nababasa yung gawa niya pero ayon sa mga diskripsyon mo, para siyang moralistang propesor namin. Ayaw niya sa madugo. Hindi na daw uso ang pagdedeklara ng Martial Law at ang pananamantalang imahinasyon ng mga kabataang mapupusok nong dekada 70. Kaya bakit hindi nalang daw kami mag-aral? Bagamat ironic na sinasabi niya sa aming hindi siya tutol sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga maka-kaliwa kapag nag-uumpisa na ang diskusyon sa klase.

  • sablaydotcom  On September 5, 2009 at 1:42 pm

    Salonga, who was the most severely injured, reiterated his belief that the late strongman former President Ferdinand Marcos was not to blame for the bombing and that Communist Party of the Philippines leader Jose Ma. Sison was the brains behind the blast.
    – By Julie M. Aurelio
    Philippine Daily Inquirer

    “Democracy extends d sphre of individual freedom;
    Socialism retrics it. Democracy attaches all possible value to each man;
    Sicialism makes each man a mere agent, a mere number.
    Democracy and Socialism have nothing in common but one word: EQUALITY. But, notice d difference: While democracy seeks equality in liberty, Socialism seeks equality in restraint and sevitude.
    – Alexis De Tocqueville

  • kapirasongkritika  On September 6, 2009 at 3:46 am

    @ bstok7virac: Naku, kung ako lang, mas gusto kong makinig ng radyo at kumanta ng “Poker Face” kaysa magsulat ng ganitong mga sanaysay. Hehe.

    Pero masyado kasing mahalaga ang usapin ng pag-unlad para ipaubaya sa mga teknokrata — lalo na kung tarantado. Hehe. Mga mamamayan ang sangkot, lalo na ang mga maralita.

    At mas gugustuhin kong pag-usapan nating mga Pinoy ang teorya natin ng pag-unlad, kaysa natatali tayo sa sino ang iboboto sa 2010. Ang problema, iyung “matatalino” sa bansa, ito rin ang gustong pag-usapan.

    Eh talaga namang may mga mahahalagang pagkakaiba sa pagtingin sa pag-unlad ang iba’t ibang grupo sa bansa. Kaya rin naman may tunggalian ng pagtingin, dahil may tunggalian sa reyalidad.

    Dalaw ka lang lagi!

    @ Esme: Nabasa ko sa libro ni Salonga ang teorya niya. Ginawa niyang kapani-paniwala sa pagdugtong sa pagbomba sa plano ng CPP noon na magpasok ng mga armas mula Tsina. Kapag dumaong na daw ang armas, kailangan ng hahawak. At ano ang pinakamagandang paraan para itulak ang mga nasa lumalakas na kilusang masa sa kalunsuran noon para mamundok at sumali sa NPA kundi ang magdeklara ng Batas Militar si Marcos? Para maudyukan si Marcos gawin iyun, hayan: kailangang bombahin ang Plaza Miranda. May isyu ng magasing Midweek naman na nagpapasinungaling sa mga akusasyong ito.

    Sinabi mo pa! Naging konserbatibo na talaga siya. Naku, kaya dapat talaga himukin natin ang mga kabataan na itanong ang mahihirap na tanong, hindi iyung sumasandig sa mga usapin ng uso-uso katulad ng gustong palabasin ng propesor mo. Bakit mahirap ang bansa? Ano ang solusyon? Salamat ulit sa pagdalaw!

    @ sablaydotcom: Bago ang sagot, komento muna: Nakakaaliw ang website mo, ah. Hehe. Ay totoo iyang quote mo! Sa sosyalismo, equality in restraint and servitude — para sa mga naghaharing uri ngayon, dahil hindi na sila papayagang magsamantala pa. Bakit, hindi ba’t restraint and servitude ang dinaranas ngayon ng nakakarami sa lipunan, ng mga magsasaka at manggagawa? Sa sosyalismo, ang nakakarami ang maghahari. At ano’ng masama doon? Hehe.

  • bstok7virac  On September 6, 2009 at 4:33 am

    Sino ba ang tarantado? Pwede kong sabihin na tarantado ka kaya hindi tayo umuunlad. Pwede mo rin sabihing tarantado ako.

    Sino ba ang may kasalanan kung bakit naghihikahos ang mga pilipino? Sistema? Si Gloria ba? Si tiglao? Si joma? Militar, NPA, Abu, Si Mayor? o Ikaw at ako ang maykasalanan kung bakit tayo nasa lugar na tulad nito?

    Hindi kelangan ng himala sabi ni nora aunor o magic ni joma para mabago ang ating lipunan. Sa tingin ko kelangan lang natin ng simple bagay na kumilos (masa) gumawa ng tama yon lang naman diba?

  • JPaul  On September 6, 2009 at 7:21 am

    Nabasa ko ang artikulo ni Tiglao, mabuti sinuri mo.

    Parang ang gusto niyang mangyari ay isang “counterfactual” na kasaysayan. Na burahin natin ang bangungot ng kaliwa para umunlad talaga ang Pinas. Pero ang political instability mismo na binanggit niya na nagpalala ng ekonomiya natin ay kabaligtaran ang causality: na ligalig ang kalagayang ekonomiko kaya may pagtutunggalian sa larangan ng pulitika ng bansa. Ang kahirapan at pagsasamantala ang nag-uudyok sa marami na maging pulitikal, organisado at kumilos nang mapagpasya kaya gumugulo ang pulitika sa pananaw ng mga naghaharing-uri at mga kasapakat nila.

  • Kontras  On September 6, 2009 at 5:54 pm

    1. Pano ba magbigay ng simpleng sagot sa simplistikong tanong?

  • kapirasongkritika  On September 7, 2009 at 1:12 pm

    @ bstok7virac: Si Tiglao ang sinasabi kong tarantado. May angal ka? Hehe.

    Ang hirap naman ng pagsusuri mo at nakakalungkot na malaganap ang ganyang pagtingin, na tayong lahat ang may kasalanan. Pero mayroong mas may kasalanan sa atin! Sila ang humuhubog sa mga patakaran ng bansa natin: ang imperyalismong US at ang mga naghaharing uri sa sistemang ito. Sana mabasa mo ang maraming sulatin sa internet tungkol sa bagay na ito.

    Ang kailangan ay kumilos nang tama ang masa? Maraming pwedeng puntahan ang sinasabi mo, kaya malamang na mali. Kaya ang kailangan ay supilin sila para kumilos nang tama (pasismo), o kailangan silang mag-organisa sa hanay nila para isulong ang isang tunay na pagbabagong maglilingkod sa kanila (sosyalismo).

    @ JPaul: Mukhang marami tayong nakabasa ng lintek na sulating iyun. Hehe. Agree: binabaligtad ni Tiglao ang sanhi at epekto.

    @ Kontras: Akala ko naman, tutulong ka na sa pagsagot! Iyun naman pala, nagbigay ka pa ng mga tanong. Hehe. Na-exasperate ka rin? Hehe. Huwag daw manghinawa, tireless persuasion work daw sabi ni Mao. Hehe.

  • missphilippines  On September 7, 2009 at 1:35 pm

    ang hirap kay bstok7virac ay gusto niyang baguhin ang lipunan habang nakasakay sa Jaguar! gusto niya baguhin ang lipunan sa landas na mananatili siyang feeling parte ng Ayala family. The same ng mga kontrast kagaya nina Rissa Hontiveros at Etha Rosales, gusto maging aktibista habang pinayayaman ang ilang kadikit na landlord at may mga magagandang bahay. Kaya mali ang nga ang carp.

    para naman kay Teo: pasensya na kung parang nakikiblog ako sayo! hahaha minsan feeling ko account ko ito kung magcomment ako, pasensya na kasi minsan naiirita ako sa mga nangiinis sayo dito tapos feeling nila matalino pa sila.

    a kay Kontras: parehas nga kami ng sagot ni Teo, dapat pa nga, lagi kang diyosa kung sumagot parang ako? hahaha Tireless persuasion and tireless combat against those ugly, unfashionable, uncivilized, immoral, and social climbers social democrats (san lakas) and reformists (akbayan).

  • bstok7virac  On September 7, 2009 at 1:47 pm

    Hala ako ba ang pinapatamaan ni missphilippines sanay wag naman nagtatanong lang.

  • bstok7virac  On September 7, 2009 at 2:06 pm

    ps

    missphilippines maglaro nalang kaya tayo ng “may fam” sa “face book” masyado kang seryoso eh.hehe

  • kapirasongkritika  On September 8, 2009 at 5:17 pm

    @ missphilippines: Kailangan talagang ma-recognize ang tunggalian ng mga uri para ang pagbabago ng lipunang gusto natin ay hindi mahulog sa kung ano ang komportable sa atin. No problem na maki-blog ka. Sa mga panahong ganitong maraming nagtatanong sa blog na ito, nakakatuwang may mga sumasagot at tumutulong sa pagsagot. BTW, hindi yata social democrats ang Sanlakas. Mas mga Trotskyites sila sa pagkakaalam ko, sosyalista ang panawagan sa kalagayan ng lipunan natin.

    @ bstok7virac: Ikaw naman kasi, sinasabi mo para pandepensa mo na hindi mo alam ang mga bagay-bagay, pero ang mga sinasabi mo, sinasabi ng mga tigas-ulong anti-komunista. Saan mo ba nakukuha ang mga tanong mo? Siguro, mas dapat maging kritikal ka rin sa kanila.

  • ...ta0.^---^  On September 9, 2009 at 6:39 am

    ……..nanahimik lang po ako sa mtgal na pagkapinid ng mga reaksyong lumolobo sa utak ko…..pero,mdami akong gustong malaman…kaya…..ibubukas ko na yung sarli ko..

    te0…wiihhh..haha.
    un argumento nyo ni bstok7virac..?
    sa palagay ko po ang ninanais iparating nya ay simple lang….na sa bwat sagay na gagawin nten…kelangan tama.

    himdi nman t0 actually pagbubuo ng isang perpekt0ng mundo,o nangangailangan ng security guard para supilin sila..o kung ano pa mang ideya na nabanggit nyo.

    simple lang yung pinaparating niya.
    (kung yun nga yun)

    na sobra kong sinasangayunan.^—-^.,,

    paggawa lang ng tama.hanggat pumapasok sa utak ang pagkakata0n ng pagpili sa kung ano mang gagawin.

    sabi po niny0..madaming pupuntahan yung sinasabi nya…
    ano ho bang palagay ninyo sa sinssabi kong teorya ng mkakapagpaunlad sa bayan nten?

    gust0 ko po sanang marinig ang opinyon at pahayag ninyo.
    gusto ko po sanang matuto.^_^.

    tld ng isang manunuyo sa sinisinta niya…gan0ng kagalakan ang mraramdaman ko…heehee.^———^.

    yun lang po.

    sana.sana.

    ^-^

  • kapirasongkritika  On September 10, 2009 at 3:56 pm

    @ …tao.^—^: Ang hirap ng pangalan mo, ah. Hehe. Salamat sa tanong!

    Sang-ayon ako sa sinasabi mo, na dapat gumawa tayong lahat ng tama. Pero sasabihin din iyan ni Gloria, at ng kahit na sinong taong tanungin mo. Masyado kasi siyang general kaya pwedeng sabihin ng kahit sino. Pero alam natin, halimbawa, na iba ang tama para kay Gloria at iba ang tama para kay Cory Aquino, kay Joma Sison at iba pang tao.

    Iyun ang ibig kong sabihin na maraming pwedeng puntahan ang general na pagsasabi ng “Gumawa ng tama.” Dapat gawin nating kongkreto ang ibig sabihin. Ano ang paggawa ng tama sa lipunan natin? Ang manahimik na lang? May mga nagsasabi ng ganyan. Ang magpayaman na lang sa sarili? Marami ring nagsasabi niyan, at hindi rin nagsasabi pero iyan ang ginagawa.

    Maganda na gusto nating gumawa ng tama para sa bayan natin, pero dapat maging kritikal tayo. Ano ba talaga ang problema ng bansa natin? Marami siguro tayong magkakaisa kapag sinagot natin ito ng “kahirapan.” Pero ano ang ugat ng kahirapan? Sasabihin ni Gloria, kawalan ng pamumuhunan. Sasabihin naman namin sa Kaliwa, imperyalismong US at mga naghaharing uri sa bansa natin.

    So dapat maging kritikal. Kaya nakakatuwa ang tanong mo. May tanong ka pa? Malamang, marami pang susunod. Ituloy mo lang ang pagtatanong. Pero mas maganda kung makahanap ka ng makakatalakayan. Maraming aktibista sa mundo, hanapin mo sila. Hehe.

  • esme  On September 13, 2009 at 9:40 am

    Hehe

    @KK: ummm, yung dun sa sinabi mo kay sablay.com… diba sabi mo “Sa sosyalismo, ang nakakarami ang maghahari. At ano’ng masama doon? Hehe.” OO nga marami ang naghahari pero may pinagsasamantalahan parin diba? sa tingin ko mas maganda kung wala. Hehe =)

    @Sablay.com: Gusto ko yung pagkakapaliwanag ng kaibahan ng Demokrasya sa sosyalismo. Totoo naman kasing magkaiba yun. Sa Demokrasya, may equality nga, pero mas nakatingkad ang individual freedom. E, sa tingin ko kapagka ganun ang sistema, nagiging malabaw at magulo ang nakikitang mga solusyon sa problema ng bansa. Samantalang sa sosyalismo, aalisin ang pananamntala. At siyempre naroon parin ang freedom pero hindi na mas sa indibidwal. Kapag indibidwal na kalayaan kasi mas nagiging malaki ang tendensiya ng pananamantala. Kaya nga nakakainis kapag nakakarining ako ng taong nakokotento sa tinatamasa niyang kalayaan sa ngayon at isinisisi sa bawat isa ang kahirapang nararanasan ng bansa. Sasabihing gumawa ng tama. Eh, magkakaiba ka’yo ng konsepto ng tama, panu yun? diba?

    @bstok7virac: mahirap intindihin ang mga kagaya mo. hehe =) kakaiba ang suri hindi ko alam kung naguguluhan ka lang talaga sa mundong ibabaw o nagkukunwaring hindi mo alam ang nangyayari sa paligid mo. O baka naman ang gusto mo lang ay maging tulad ni BOB ONG na magtanong nang magtanong; maghain nang maghain ng problema… wala namang solusyon. Sige sabihin nating naghanap ka ng solusyon- sabihin mo nalang na kasi ikaw… kasi ako… kasi sila? Nakakalungkot napakarami mong katulad sa mundo… pag hindi na makaisip ng solusyon o hindi na makahanap ng papanigan, kasi gusto maging “neutral” at gumawa ng tam, nag se-self pitty… hehe isisisi sa sarili o sa bawat isa ang nararanasang hirap. OO dapat kumilos ang masa eh, yun naman talga ang solusyon eh. pero dun sa sinabi mong kailangang gumawa ta’yo ng tama, sang-ayon ako kay Teo. E, ang iniisip na sagot ni Gloria na ang tama ay ang supilin ang karapatan ng bawat isa para umunlad ang pilipinas. kung hindi man, ang mga taong ang naiisip na tama ay ang basta gawin nila ang kanilang tungkuling nakakahon? Eh, sa tingin ko hindi yun ang tama, ang tama ay ang labanan ang pananamantala. Isulong ang tunay na kalayaan! Isulong ang sosyalismo! ah… hindi… abutin natin ang mas mataas pa sa sosyalismo! Isulong ito ng lahat! Kikilos ang masa na naayon sa pagsulong na ganito.

    Kung nagtatanong ka lang talga, marami kang matatanong sa paligid mo(maganda nga naman kasi ang matanong) nariyan sila, nag-ru-room to room sa mga klase o kaya naman nag pipiket kasama ang mga manggagawa at kung hindi man yung mga nasa lansangan at yung mga nakikipamuhay sa kanayunan kasama ang mga magsasaka. Marami kang masasagot kahit hindi ka magtanong. Subukan mong maging tulad nila. . may sagot na malinaw. mas malinaw pa dahil makikita mong REAL ang mga karanasan nila.

  • kapirasongkritika  On September 13, 2009 at 6:00 pm

    Esme, kung ang pakahulugan natin ng “pagsasamantala” ay paggamit ng lakas-paggawa ng iba nang hindi binabayaran, sa tingin ko, hindi iyan ang mangyayari sa mga dating naghaharing uri sa panahong sosyalista na. Hindi sila pagsasamantalahan.

    Maganda ang punto mo kaugnay ng individual freedom — kikilalanin ito sa sosyalismo, pero hindi ito ang tampok.

    Ganoon ba si Bob Ong? Hindi pa kasi ako nakakabasa. Hehe. Pero mainam na rin iyung nagtatanong, hindi ba? Kaysa iyung talagang makuntento ka na lang sa nangyayari. O pesimista rin ba si G. Ong?

    Nakataas ba ang kamao mo noong isinusulat mo ang huling mga bahagi? Hehe. Sang-ayon ako. Mainam talaga, iyung mga liberal, magduda rin sa pagiging liberal. Dapat alamin nga nila ang kalagayan, ng mga mamamayan at mga aktibista.

    Sa ganoon, tingin ko, hindi sila mahihirapang tumindig pabor sa pagkiling sa mga tunggalian sa lipunan. Salamat ulit sa komento!

  • Esme  On September 15, 2009 at 11:49 am

    Naku hehe si bob ong? tingnin ko hindi naman siya pesimista… ang totoo minsan nasosobrahan siya sa pagka-optimist, ang nakikita niyang solusyon sa problema ay tawanan nalamang ito. Kung hindi man dadaanin niya sa pagpapatawa ang mga bagay-bagay, kaya ang nangyayari tuloy sa mga mambabasa, tinitingnan bilang katatawanan ang problema. Nakakapagbigay impormasyon, kaya lang ang nangyari lalo lang sumakit ang ulo ko matapos kong basahin ang gawa niya. Hehe

    OO nga sinabi ko ngang mainam nga ang nagtatanong… =)

    Na-AGIT lang siguro ako nung tinatype ko yung huling bahagi.

    Um, anu yung gusto mong sabihin sa “mainam talaga, iyung mga liberal, magduda rin sa pagiging liberal?”

  • kapirasongkritika  On September 17, 2009 at 9:37 am

    Kapag ganoon, siguro mas pessimist talaga ang pangunahin, ano? Indibidwal na pagtawa na lang ang pwedeng gawin. Mas relief, hindi talaga reforms o pagbabago. Masakit ang ulo mo? Malamang ang tanong mo: So, ano na? Ano’ng nangyari? Hehe.

    Ibig kong sabihin, dahil liberal sila, sinasabi nila na bukas sila sa lahat ng pagtingin. Pero gaano ka-bukas? Kung totoong bukas sila sa mga pagtingin, makakakita sila ng pagtingin sa isang isyu na talagang mas mainam sa iba. So dapat tunay na pagiging bukas pagkatapos may pagtindig, hindi iyung bukas sa lahat na lang. Salamat!

  • esme  On September 17, 2009 at 10:18 am

    Tama! ganun nga madalas ang tanong ko… haha! Lalo dun sa alamat ng gubat niya, hindi ko talaga ma-gets yung katapusan… ewan ko ba.

    Ahh… hehe OO sang-ayon ako na dapat nagdududa rin sila sa pagiging liberal.

    Karaniwan nga kasi sa mga sinasabing open minded eh, tingin lang ng tingin sa mga sitwasyon pero walang stand. Pag tinanong mo kung anong reaksyon nila, ang isasagot sa’yo, “Nirerespeto ko opinyon mo” haha!
    Naalala ko tuloy yung isang blog, may mga nagtanong kasi sa Blog na iyon at ang sagot niya, nirerespeto ko po ang inyong opinyon. Pero sana irespeto nyo ring ang akin… =( masakit sa ulo ang sagot niya… haha

  • kapirasongkritika  On September 18, 2009 at 6:03 pm

    Iwas-pusoy. Kailangan makahanap tayo ng ibang ruta para makumbinsi siya. Kasi parang recognition na iyun na kulang ang argumento niya, o siguro hindi fully rational ang belief niya, mas galing sa kung anu-ano, at iba pa.

  • bstok7virac  On September 29, 2009 at 10:41 am

    lam nyo im pro-government. anti-left po ako. hanggat may kalayaan akong tuligsain ang aking pamahalaan, hanggat may kalayaan akong iparating ang aking mga hinaing, hanggat may kalayaan ako hinding hindi ako aanib sa grupo na ang motto gamitin ang dahas para lang masunod ang kanilang kagustuhan. siguro aanip ako sa kaliwa kung babalik si marcos pero sorry patay na si marcos!!!

  • kapirasongkritika  On September 30, 2009 at 7:29 am

    bstok7virac: Talaga? Anti-left ka, at pro-government? Halata naman sa mga unang tanong mo pa lang eh. Hehe. Ibig sabihin, mas gusto mo ang dahas ng rehimeng Arroyo at ng gobyerno. Para saan? Sa imperyalismo at mga naghaharing uri sa lipunan? Iyun lang ang pagpipilian eh. Hehe. Hindi naman malayo sa mga sinasabi mo ang sumuporta kay Marcos, kahit patay na siya! Hehe.

  • LEI  On September 30, 2009 at 7:47 pm

    @ bstok7virac : Pauso ka. Pro-Government, kaya pala ganyan ang suri mo. Nakalimutan na kasi ng mga nasa Gobyerno ngayon *ubo-ubo-GMA-ubo* na dapat sila ay naglilingkod sa sambayanan at hindi dapat baliktad. Anti-left ka kasi ayaw mo sa mga nangahas na sumalungat sa agos ng pagbubulagbulagan mo sa reyalidad.

    Oo e, uso pala maging pro-government lalo na pag yung government ay kurakot, pumapatay ng mga kritiko niya, hindi naglalaan ng pondo sa mga serbisyong panlipunan. Yun ba ang uso ngayon, dahil maraming kritiko ang gobyerno, kailangan nila ng heroes na magtatanggol sa kanila dahil masyado na silang inaapi ng mga mamamayang hindi nila pinaglilingkuran? Hmm?

    ARTICLE XI, Section 1. Public office is a public trust. Public officers and employees must, at all times, be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives.

    Jan palang talaga, aydol na aydol ko ang pangulo. Tigas ng mukha e. Hindi lang siya, kumbaga, AND MANY MORE.

  • kapirasongkritika  On October 1, 2009 at 7:50 pm

    Salamat sa pagsaklolo! Hehe.

  • esme  On October 7, 2009 at 7:43 am

    @bstok7virac: haaayy… nga pala, bikolana rin ako.(wala lang masabi ko lang sa’yo) kailanman, hindi ako naging tiwala sa gobyerno at sa mga militar kahit marami akong kamag-anak na militar. Sila mismo aminado na nasusuka na sila sa kasalukuyang sistema nila sa loob ng AFP. Militar ka ba? Ordinaryong mamamayan? O hunghang ? Doon sa mga una mong komento, sabi mo diba ayaw ng mga kababayan mo sa NPA? Saan mo naman nakuha yun ha? Nung nakaraang nakapunta ako sa bicol, wala naman akong naramdamang pananakot ng mga NPA. Balita pa nga sa’kin isa sila sa mga tumutulong sa mga magsasaka tuwing anihan. Sayang lang hindi ako nakakita ng isa sa kanila… kung nagkataon kakamayan ko pa yun! Ewan ko sa’yo kung anung basehan mo na nananakot lang sila sa lugar niyo. Ikaw siguro kasi pinupuno mo ng kung ano-anong imahenasyon yang utak mo. Kung ano yung sabihin ng pamahalaan na mali at nakakatakot yun ang paniniwalaan mo. Mag-observe ka nga… baka naman gusto mo observe silence and clenaliness lang?

    Punta sa munisipyo? Sa Kongreso at Senado? eto ba ang nakikita mong paraan? nakikita ko sa’yo yung mga liberal sa school ko… daanin ang lahat ng problema sa papel. Kung may hinaing idaan sa papel… kausapin si Prof. kausapin si Dean, si mayor, si governor at kung sino-sino pang pulitiko. Pero, kailanman, walang naidulot na pang-matagalang tagumpay ang ganitong pamamaraan. At talagang nakontento ka pa sa kalayaang makapag-pahayag ha! Tingin mo malaya ka na niyan? Sige, ganito nalang… masasabi mo bang malaya ang isang aso dahil nakakatahol siya bagamat naka-tali naman siya sa leeg? Kung ganun nalang ang magiging basehan natin ng pagiging malaya, aba wag ka nang mangarap ng pag-unlad! Manatili kang ganyan basta malaya kang makapag-putak.

    Aanib ka lang sa kaliwa kung babalik si Marcos? Ahh… tsaka ka lang pala gagawa ng aksyon pag face-to-face na ka’yo ng imperyalismo eh no? Kaya lang, kung ngayon ang pag-babasehan natin, sinasamapal ka na ng kahirapn, mas-gugustuhin mo paring manatili sa loob ng bahay at manood ng Rosalinda kesa lumabas at mag-rally, kung hindi man, sumapi sa mga ikamo nga, namumundok. Hindi ka aanib sa kaliwa kasi patay na si marcos? Eh, sa kasalukuyan, yung babaeng bersyon ni Marcos mas masahol pa kung magpapatay ng mga aktibista eh! Malupit pa kung magsinungaling… harap-harapan kang gina-gago ng rehimen mo, ikaw tango-lang-nang-tango. Sige mamatay ka na nakokontento sa tinatamasa mong huwad na kalayaan. Nadami-daming ibinagay na pwedeng bisitahin para malinawan ka eh… hindi mo naman ata binbisita. Sinusunod mo ba yung mga mungkahi sa’yo? Mukhang hindi…

  • kapirasongkritika  On October 9, 2009 at 12:03 am

    @ Esme: Ang haba nito! Mabuhay ang mga oragon! Hehe. Ang tapang mo, to think na kita ang pix mo diyan sa Multiply site mo. Hehe.

    Pero nakakatuwa ang sagot mo. Mabuhay ang mga kabataang tunay na pag-asa ng bayan! Hehe.

    Asong nakakakahol kahit nakatali sa leeg? Ang gandang metapora ng nagaganap sa bansa! Hehe.

    Hindi daw Rosalinda ang pinapanood niya, bok. Tayong Dalawa daw, bok. Kasi nga, maka-militar! Hehe.

  • Esme  On October 9, 2009 at 6:34 am

    @ KK: eh, anu pa nga bang maitatago ko? meron pa ba? haha.. andami-daming intel sa school eh!

    Ayos ah… parang ikaw naman ang nakataas kamao habang sinasabi ang “Mabuhay ang mga kabataang tunay na pag-asa ng bayan!” hehe

    Mahilig ako sa metapora… hindi ko kasi minsan maipaliwanag sa simpleng paliwanag.

    Oo nga bok noh… tayong dalawa. Haha! Sino kaya dun sa dalawang David Garcia yung ini-idolo niya?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: