(1)

Sa mga sinasabi ng mga sumusuporta kay Noynoy Aquino bilang pangulo, lumilitaw na itinuturing siyang kaiba kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo o kabaligtaran ng huli. Ito raw ang dahilan kung bakit dapat siyang tumakbo, kung bakit siya ang dapat iboto, kung bakit susuportahan siya ng mga mamamayan, at kung bakit siya ang mananalo.

Sa isang banda, tugma ito sa tinakbo ng eleksyon at pulitika sa bansa pagkatapos ng rehimeng Marcos. Ang mga pinakapopular na pangulo (sina Cory at Erap) at ang mga popular na kandidato pero dinaya (Miriam, FPJ) – lahat sila, tiningnang kaiba sa hulma ng mga bulok na pulitiko, na ang pinaka-representasyon ngayon ay si Gng. Arroyo.

Kung hindi man hindi pulitiko, hindi karaniwang pulitiko – ganyan sila. Bagamat eleksyon ang larangang nilahukan nila, pinakilos nila ang pagnanasang ekstra-elektoral at ekstra-sistema ng mga mamamayan. Karamihan sa kanila, nakilala sa pagbibigay ng pangakong maghahatid ng ibang klaseng pulitika at sistema sa gobyerno sa bansa.

A_Wind_of_Change

(2)

Pero si Noynoy para pangulo? Hindi pa ako kumbinsido. Hindi sa puntong wala siyang mahusay na nagawa bilang mambabatas o bilang tao. Kahit sa pagkontra kay Gloria, hindi naman siya tumampok o namuno. Sa bagay na ito, di hamak pa ngang mas palaban ang nanay niya. Damay na lang siya sa nagawa ni Cory noon, ganoon?

Sa tingin ko, ang tatag ni Cory sa paglaban para sa demokrasya at kontra sa diktadura, nakuha niya sa pagkatuto sa pagdurusa at paglaban sa batas militar. Hindi ko alam kung naging bahagi si Noynoy ng pagkatutong ito – dahil nga hindi naman siya maingay sa paggigiit ng demokrasya at paglaban sa diktadura sa panahon ni Gloria.

Maraming mas mahusay ang paglilingkod-bayan at mas matapang sa paglaban kay Gloria. Dahil ba siya raw ang posibleng mag-udyok ng pagkakaisa ng oposisyon at posibleng manalo? Wala akong problema na ganito ang pagtingin ng iba. Kakatwa lang, dahil kakayahang maglingkod ang hanap nila noon, hindi kakayahang manalo.

Losing_Choice

(3)

Natuwa ako sa giting na ipinakita ni Mar Roxas noong umatras siya sa pagkandidatong pangulo. Pero grabe rin naman ang banat sa kanya ng mga nag-udyok sa kanyang umatras. Sabi ng isa, kilala siya ng mga tao dahil sa mga patalastas niya, pero hindi  siya iboboto. Isa siyang produktong kilala ng mga tao, pero hindi pa rin bibilhin.

Ang hindi naman talaga maganda kay Mar, para sa mga nasa panggitnang uri kahit paano, ay si Korina Sanchez. Mayabang, hindi makamasa, ang nabuong impresyon ni Korina sa mga tao. Pagkatapos, ibinenta nila ang love team nila nang parang sample ballot kapag araw ng eleksyon. Halata ang pagpapapansin nila sa publiko, hindi maganda.

Pero kahit ngayong nababalitang tatakbong bise-presidente si Mar, may hamon sa kandidatura niya: paano siya ilalapit sa masa? Matalinong intelihente kasi ang dating niya, bagay na sinikap pangibabawan ng pagsasabi niya ng “putang-ina” sa isang rali. Pero kulang pa rin. Parang hindi sapat ang “ramdam” ang masa, dapat masang-masa.

What_Lies_Beneath

(4)

Hay, ito namang si Ping Lacson. Sa mga pinaggagawa niya nitong huli laban kay Erap Estrada, halatang-halata nang tagawasak siya ng oposisyon. Ikinagalit niya ang sinabi ni Erap tungkol sa paghati niya sa boto ni FPJ noong eleksyong 2004, pero wala namang hindi pa kumbinsido ngayon sa ganitong pagtingin. Nanghati talaga noon si Ping.

May padron ang pagpapagamit ni Ping sa rehimen. Ilang buwan bago ang eleksyong 2004, lumutang ang kaso ng Kuratong Baleleng, at nawala na lang pagkatapos. Nasaan na nga ba ngayon? Nitong huli, lumutang ang kaso ng pagpatay kina Dacer at Corbito, at nagsalita siya laban kay Erap – para na rin siguro maghugas ng sariling kamay.

Ang hinala ng marami, nakikipagkasundo si Ping sa rehimen para linisin ang sarili sa mga kasalanan niya. Ang problema, napakaraming armas laban sa kanya ng rehimen. Kaya naman, sa isang banda, kitang-kita ring pursigido si Ping sa paglalantad at sa kagustuhang patalsikin ang rehimen. Iyun nga lang, kayang-kaya siya nitong gipitin.

Institutionalization

(5)

Si Manny Villar naman, dinaan na lang lahat sa pera. Dahil sa mga patalastas niya, parang lantad na lantad siya sa publiko, kahit iniiwasan niyang maimbestigahan ng Senado. Hindi rin tampok ang mga baho niya sa pulitika. Ang tining sa isipan ng mga tao, ang pagkakawanggawa niya. Hindi malinaw ang plataporma ng “Sipag at Tiyaga.”

Nitong huli, para siguro humabol kay Noynoy, muling humarap sa midya ang mga bata niyang Nacionalista, sina Sen. Alan Peter Cayetano, dating Kong. Gilbert Remulla, at Atty. Adel Tamano. Saan na nga ba sila nanggaling? Bakit ang tataba na nila? Mula sa pagiging maingay kontra kay Gloria, nanahimik na lang sila. Anong nangyari kaya?

Ang mahirap pa para kay Villar, natitsismis na siya talaga ang manok ng rehimen. Pinalutang lang si Gilbert Teodoro para tanggapin lahat ng banat kay Gloria at magpropaganda para sa amo niya. Makukumpirma ito kung tatakbong bise presidente niya si Noli de Castro, na mahihirapang manalo dahil lantad na garapata ni Gloria.

Chip_Off_the_Old_Block

(6)

Malakas ang motibo ni Erap Estrada para tumakbo: ang ipaghiganti ang sarili, patunayang mahal pa rin siya ng publiko. At pagkatapos, paano? Balik na naman tayo sa dating mga gawi? O darating pa lang tayo sa dako ng script na ipapakita niyang nagbago na siya, na isa na siyang “changed man” at karapat-dapat muling mamuno?

Pero hindi kaya naiisip ni Erap na napakaraming balakid sa panalo niya? Bukod sa mga dahilan ng bayan sa pagpapatalsik sa kanya, sa mga sinabi nitong huli ni Ping, at sa mga uungkatin pa kapag tumakbo siya, kinasuhan pa niya ang Philippine Daily Inquirer. Hindi na ba siya natuto? Na siya ang nasisira sa tuwing lumalaban siya sa midya?

Hindi ako tagahanga ng paniniwalang kailangan ng iisang kandidato ng oposisyon para manalo – dahil baka dapat nang ibasura ang ilusyong iyan na masyadong palasuko sa rehimeng Arroyo – pero iyan ang sasabihin ng mga nasa panggitnang uri: na hahatiin ni Erap ang oposisyon. O talagang malakas ang tiwala ni Erap sa “masa”?

Multidimensional

(7)

Maraming komentarista ang naghahanap ng Cory Aquino ng bagong panahon at henerasyon. Kakatwang habang hinahanap pa lang siya, lumabas na raw ang Madonna ng bagong panahon at henerasyon – si Lady Gaga, sikat na mang-aawit ngayon. Panay ang ganitong mababaw na pagbalik natin sa nakalipas para tingnan ang kasalukuyan.

Pwera biro, halos magkasabay yata ang pagsikat nina Cory at Madonna sa bansa. Si Cory, ang relihiyosa at simpleng babaeng naluklok sa kapangyarihan ng pulitika. Si Madonna, ang mapaglaro sa relihiyon at pantastikong babaeng naging makapangyarihan sa kultura at musika. Asekswal ang una, sekswal ang ikalawa.

Mailap lang ba talaga ang mga Cory at napakabilis ng siklo ng kulturang popular? Lagi tayong may bagong kaliligayahan sa kulturang popular, pero laging luma ang pulitika sa bansa, at kahit ang mga pangakong iniaalok nito? Ang kakatwa, parehong hindi na kilala ng mga kabataan ngayon sina Cory at Madonna. O mas kilala ang ikalawa.

Ang mga tunggalian sa lipunan natin ang magtatakda kung sino ang mas makikilala.

20 Setyembre 2009