Hoy, Hoy, Ondoy

May nagmungkahi sa aking magsulat tungkol sa kalikasan. Tiyak, hindi tungkol sa kagandahan nito, kundi sa pagkawasak nito at mga kaugnay na isyu. Ilang ulit nabinbin ang pangako ko, pero kalikasan na ang nakapag-udyok sa aking magsulat – partikular ang bagyong “Ondoy” na sumalanta sa bansa nitong nakaraang mga araw.

(1)

Noong bata pa, dinala siya ng nanay niya sa isang seminar sa ahensya ng gobyernong pinagtatrabahuan nito, tungkol sa polusyon ng hangin at tubig. Nitong huli na lang niya maririnig ang ibang klase ng “polusyon,” tampok ang sa ingay, at tiyak namang hindi siya dadalhin ng mga magulang niya sa isang seminar tungkol dito. Nakumbinsi siya, na dapat magtanim ng mga puno at magtapon ng mga basura sa tamang paraan.

Pero may guro siya sa Grade 3 na matapang na loyalista ni Marcos kaya kritikal sa rehimeng Aquino. Binasag nito ang mga ilusyon niya. Hindi raw sapat na magtanim lang ng mga puno at magtapon ng basura nang tama. Ang mga korporasyon daw ang dapat magbago at dapat itulak sila ng gobyerno para magbago. Nakumbinsi rin siya, at malalaman niya paglaon na taktika ito: ang ipasa sa karaniwang tao ang pananagutan.

Doon siya napaisip, tungkol sa mga problemang ilang beses pa niyang haharapin pagtanda: Bakit hindi sapat ang pagkilos nang mag-isa, o kahit ng iilan? Bakit hindi sapat ang magandang intensyon? Bakit maraming dapat gawin labas sa takbo ng araw-araw na buhay para magkaroon ng pagbabago, kahit iyung makakabuti sa lahat? Bakit ang mabuti, at alam ng maraming mabuti, hindi magawa-gawa sa lipunang ito?

robot militarism

(2)

Kapag may mga disaster katulad ng bagyong Ondoy, naglilitawan sa midya ang mga maralita. Totoo, tinamaan din – lalo na ni Ondoy – ang mayayaman, at may nagsabi pa nga sa aking mas kawawa sila dahil hindi nila alam kung paano humarap sa mga baha. Ang mga kotse nila, pinaghahambalos. Pero mas maralita: binaha, nawalan ng bahay at kabuhayan, namatayan ng mga mahal sa buhay, lalong nagutom, lalong nagkasakit…

Hindi kasi natin inorganisa ang lipunan natin para harapin ang kalikasan sa paraang magtatanggol at magsusulong sa buhay. Bakit mas maralita ang apektado sa mga disaster, sa mga bagyo, halimbawa? Dahil sila ang nakatira sa mga estero at mabababang lugar, sila ang walang naimpok kaya walang anuman kapag tinangay ang bahay at kabuhayan, sila ang may mahinang bahay, may patakbuhing mga gamit…

Para kay Karl Marx, dalawa ang pakahulugan ng kalikasan. Una, ang kalikasan ng tao bilang organismong nangangailangan ng pagkain, damit, bahay at kung anu-ano pang kulang sa maralita sa bansa para mabuhay. Ikalawa, ang mundo kasama na ang likas na mga pangyayaring pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mga tao. Ang kailangan, aniya, ay isang lipunang inorganisa para harapin ang kalikasang ito pabor sa buhay.

Karl Marx Peace Sign

(3)

Nakatira siya sa Pasig City, na isa sa naging paborito ng midya para ipakita ang pinsalang nilikha ng bagyong Ondoy. Sabi ng mga kapitbahay niya, hindi pa nila naranasan ang ganoon ka-grabeng pagbaha. Inabot ang mga hindi pa inaabot. Ang swimming pool ng isang subdibisyon, naging putik. Ang garahe nito na nasa ilalim ng isang gusali sa loob, inilibing ng putik. Wala sa plano nito ang pagkakaroon ng baha.

May isang kilalang groserya sa lugar na ibinukas ang pintuan para patuluyin ang mga maralitang lumangoy sa baha o tumulay sa mga alambre, gaya ng sabi sa balita, at mamigay ng pagkain. May isa namang kilala pa man din sa pagpapatugtog ng mga awitin ng simbahan ng may-ari na hindi namigay, isinara ang pintuan. Inabot ng baha, inabot ang maraming paninda – na inilalabas nito ngayon sa kalsada, sira at basura na.

Ilang araw matapos ang pagbaha, nakatumpok sa labas ng mga bahay ng maralita ang maraming “basura” – mga inanod marahil ng baha mula sa malayo, o mga gamit din nila. “Ano kaya ang mga ito?” tanong niya. Mga sentimental na halukipkip na hindi lang nila maitapon noon at pinwersa ngayon ng bagyong ituring na basura? Ganoon din ang sasapitin ng mga alaala nila, kakayod sila nang todo para muling magpundar.

Siya nga pala, namigay din ng relief goods ang militar. Iyung unang bahagi lang ang nakita niya, hindi niya alam kung umasenso ang kalidad ng ipinamigay nito. Noong una kasi, ito lang ang laman ng bawat supot: anim na bote ng mineral water at tatlong piraso ng fudgee bar. Tiyak, hulog na ito ng langit para sa mga tao noon na gutom na gutom. Pero ito lang ba talaga ang kakayahan ng gobyerno sa mabilisang aksyon?

Capitalism_graffiti_luebeck

(4)

Sa libro niyang After Capitalism (2002), naglahad si David Schweickart ng optimistikong suri sa mga suliraning pangkalikasan na hinaharap ng sangkatauhan. Aniya, nasa kakayahan ng tao ngayon na kontrolin ang lumolobong populasyon, sapatan ang pangangailangan sa pagkain ng tao, at maging sawatain ang polusyon. Pero iyun din ang tanong niya: Bakit ang makakabuti, at alam na makakabuti, hindi magawa?

Ngayong usap-usapan ang “global warming” at “climate change,” mahalaga ang ilang punto niya. Aniya, may pagsulong na naidulot ang Kyoto Protocol sa pagbawas sa greenhouse gases na buga ng mga bansang abanteng kapitalista. Ang problema, hindi ito kinilala ng rehimeng W. Bush ng US – na nagbubuga ng pinakamarami, sangkaapat, sa greenhouse gases ng mundo. Bukod sa paglaban ng makapangyarihang mga industriya ng langis at kotse, babaguhin kasi nito ang padron ng pagkonsumo ng buong daigdig.

Ani Schweickart, alam man ng sangkatauhan ang lunas sa nabanggit na mga suliraning pangkalikasan, hindi natin magawa-gawang ipatupad ang mga lunas dahil sa pagtutol ng mga naghahari sa sistema ng pandaigdigang kapitalismo. Sa esensya, tubo ang nagpapaandar sa sistemang ito, kaya anarkista ang produksyong iniluluwal nito, hindi tumutugon sa mga pangangailangan ng tao, sa kasalukuyan man o sa hinaharap.

Michael Wolf-hongkong

(5)

Naalala ko ang paborito kong kolumnistang Amerikanong liberal na si Ellen Goodman. Noong 2007, nasadlak siya sa kontrobersya dahil sinabi niyang ang mga nagsasabing hindi totoo ang global warming ay katulad ng mga nagsasabing hindi totoo ang Holocaust – matapos mapatunayang tao ang sanhi ng una. Nagsisinungaling ang ikalawa tungkol sa nakaraan; tungkol sa kasalukuyan at hinaharap naman ng una.

Para naman sa pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek, ipinapakita ng pagkawasak ng kalikasan ang limitasyon ng kapitalismo. Na pwede rin nitong pagsamantalahan: “Isipin mo ang isang mega-disaster: … natutunaw ang mga yelo, lubog ang New York, kailangan nating lumipat sa Antarctica… [I]sipin mo, magkakaroon ng maraming orgasmo ang real estate, ang pinakamalalaking kontrata sa real estate sa kasaysayan.”

Sa dulo, babalik tayo sa Communist Manifesto, kung saan sinabi ni Marx na pwedeng humantong ang krisis ng kapitalismo sa sosyalismo o sa “pagkawasak ng parehong nagtutunggaling uri.” Wasakin man ng kapitalismo ang tao at ang kalikasan, hindi natural na mailuluwal ang isang bagong sistemang mas superyor sa kapitalismo. Kailangan ang mulat at determinadong paglaban ng tao para magdulot ng pagbabago.

Wrong Side of Capitalism

02 Oktubre 2009

May mga kampanya ang progresibong mga organisasyon para lumikom ng donasyon para sa mga biktima ng bagyong Ondoy: mayroon ang Kabataan Party-list, ang Kilusang Mayo Uno, at ang Bagong Alyansang Makabayan.

Sisenta na ang Republikang Bayan ng Tsina! Nagpupundar ng sosyalismo noon, alipin ng kapitalismo ngayon. Isang magandang parangal: ang paglakas ng Maoismo sa India.

May huling sulatin si Alain Badiou, pilosopong Pranses, tungkol sa komunismo.

Inalis na ang pangalan ni Prop. Jose Maria Sison sa listahan ng mga terorista sa European Union! Hehe.

Sumambulat ang protesta sa mga kampus ng University of California! Magkakaroon din niyan dito, tiyak!

May panayam si Michael Moore tungkol sa bago niyang pelikulang Capitalism: A Love Story.

Ulat tungkol sa mga protesta sa kakatapos na G-20 Summit sa Pittsburgh, Pennsylvania sa US.

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Kontras  On October 3, 2009 at 5:15 am

    (haha) on michael moore fumbling when asked if he’s a socialist. poor americans, poor leftists who cant candidly admit their socialism/communism, because of this damn thing called the state and hegemony.

    the u.s. not ratifying the kyoto protocol isnt the problem, the problem is the kyoto protocol itself. it’s a capitalist creation that has little or no credibility left. fuck the media for fudging this issue. “Kyoto: a false consensus”: http://www.tni.org/detail_page.phtml?page=interviews_kyoto&menu=11c#

  • kapirasongkritika  On October 3, 2009 at 12:25 pm

    Oo nga. Sabi ng isang kaibigan, Marxista-Leninista raw ang pagsusuri ni Michael Moore. Pero syempre, hindi niya maamin. Matitiwalag kaagad siya sa publiko. Hehe. Pero the mere fact na si John Berger ang kinuha niyang mag-introduce ng Fahrenheit 9/11 Reader, malamang na nasa Kaliwa talaga ang simpatya niya.

    Talaga? Sinikal din ako, pero may datos kasi si Schweickart na nagpapakitang nabawasan talaga ang carbon emissions ng mga bansang pumirma sa Kyoto Protocol. Hindi ko kasi hawak ngayon ang libro kaya hindi ko masipi. Pero titingnan ko rin.

    O binali-baligtad niya ang datos para patunayan ang punto niya: Na alam ng sangkatauhan ang gagawin para pigilan ang pagkasira ng kalikasan at mundo?

    BTW, heto ang isa sa pinaka-panalong kwentong nabasa ko tungkol sa nangyari noong rumaragasa ang bagyong Ondoy, galing kay Vijae Alquisola:

    http://kabiruan.blogspot.com/2009/09/paglusong-sa-lungsod-at-pagtulog-sa.html

    • Kontras  On October 3, 2009 at 1:19 pm

      Kyoto is really a sham. i don’t have the good book titles at the top of my head, but try googling these key words: larry lohman, kyoto, capitalism, fraud/sham, carbon trading. i’m sure youll find something. stuff you’ll find may not be from your bunch of people, you know what i mean, we’re all one big crazy family the left. ;)

  • diwa81  On October 6, 2009 at 10:15 am

    tamang-tama ang post mo. tagal ko na ring iniisip magsulat tungkol sa global warming. hindi ko lang maipwesto.

  • kapirasongkritika  On October 7, 2009 at 12:40 am

    @ Kontras: Sige, sige, gagawin ko iyan. Sinikal din naman talaga ako, inisip ko lang na posible rin ang maliliit na reporma — at lalabanan pa rin ito ng US.

    My bunch of people? Hehe. Iyung mga nat-dem? O iyung mga sinisipi ko? Hehe. Bukas naman tayo sa mga facts at analysis na makabuluhan — kahit madalas ang tunggalian ay tungkol sa kung ano na ang gagawin. Hehe. True, one big crazy family ang Kaliwa — minsan nga lang, parang hindi na pamilya. Hehe.

    @ Diwa81: Salamat! Parang hindi pa nga tumatampok ang papel ng global warming sa huling disaster. May nagkwento pa nga sa aking may pagtangging global warming ang sanhi. Well, aaralin ko pa rin.

    Sulat ka lang nang sulat! I-link natin dito! Ingatz.

    • diwa81  On October 8, 2009 at 1:10 am

      kahit naman mga eksperto tanungin, hindi rin nila matitiyak kung dulot nga ng global warming ang napakalakas na pag-ulan. kahit naman kasi walang global warming, nangyayari ang malalakas na bagyo.

  • kapirasongkritika  On October 9, 2009 at 12:04 am

    Oo nga eh. Pero sa ganito bang konteksto, hindi pa rin masabi? What you think?

  • diwa81  On October 10, 2009 at 6:40 am

    tingin ko, ilang dekada pa bago talaga maipaliwanag ang mga nangyayari ngayon. ang problema kasi sa climate change, talaga namang nagbabago-bago ang klima, kahit wala ang mga aktibidad ng tao ngayon. kaya kailangan pa ng mas maraming datos para makita ang pattern ng mga nangyayari ngayon. at magagawa lang iyon matapos ang ilang taon pa ng pagsasaliksik.

  • Ryan Damaso  On October 11, 2009 at 2:53 am

    Makasingit po, malinaw na ang pattern batay sa mga datos na hinalungkat at pinag dikit dikit ng mahigit sandaang syentista na nagaral at nagbigay hubog sa usaping climate change. bagamat sa ilan ay hindi pa eksakto subalit kung aaminin natin at kikilalanin ang role ng Kapitalismo sa ekonomya, pulitika at kapaligiran na syang ubod at ugat ng napakaraming krisis ngayon, maaari na nating akuin ang pag bintang sa neo liberal globalisation o imperyalismo ang may pangunahing responsable sa “delubyo” sa mga susunod pang taon katulad ng minumungkahi, hindi na ang layunin ay ang pagtukoy kung sino ang may sala kundi kung paano naman mababawasan ang impact ng epekto nito sa ating mga tao at sa buong bagay na nasa mundo.

  • Ryan Damaso  On October 11, 2009 at 3:13 am

    Sa kaganapang hatid ni ondoy, maimumulat kaya nito ang sambayanan? maikikintal kaya sa kanilang diwa ang lupit na hatid ng di planado at maaksayang produksyon ng kapitalismo? matuturol kaya ng kanilang mga hintuturo ang pagmumukha ng Imperyalismo? na syang patuloy na pumapatay at nagpapahirap sa kanila? lalong tumitining ang kawastuhan ng pagkakaroon ng natatangi at nagiisang kilusan na mapangahas at radikal na babago at huhubog sa lipunang napakatagal ng pinag harian at pinagpasasaan ng iilang nagsasamantalang uri sa mamamayan api at kalikasan/kapaligiran

  • Leon  On October 11, 2009 at 3:51 am

    Ang sakin lang, meron nang malilinaw na manipestasyon ng Climate Change. May sapat na findings na ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na nalilink ang climate change sa human activity. Hinggil sa mga bagyo, lumalabas nga na papatindi at papadalas ang pagtama ng mga extreme climate events tulad ng mga Bagyo at ENSO (El Nino). Bagamat ang pagbabago sa trends sa klima ay natural, ang drastic na pagbabago nito over the past 5 decades lang ay nakakabahala na.

    Kapag hinintay pa nating maging textbook-concrete ang panig ng kontra climate change sa larangan ng pluralistang debate ng mga kanluraning akademiko at pulitiko, baka umabot tayo sa puntong hindi na sasapat ang kahit anong climate change adaptation policy ng mga gobyerno.

    Masmabuti nang segurista na mapipigilan mo ang pagbabago ng klima kaysa segurista na hahayaan mo ito. :) Lagay ko kayo sa blogroll ko ser teo ah.

  • Kontras  On October 11, 2009 at 4:31 am

    amen to that. they say that even if we stopped emitting ghgs tomorrow the atmosphere will still warm for about 100 – 150 years. the longer we put off drastic changes, the longer the planet will warm, the harder it gets to offset any warming in the atmosphere with any emissions cuts (because carbon stays “up there” for about 100-150 years), and the costlier it gets (as leon points out) for governments to fund adaptation. the ipcc also links climate change not just to any human activity, they are clear on linking it to 150-200 years of industrialization centered in the global north, short of saying it’s capitalism’s fault. global warming and climate change is, i think, the next big crisis of global capitalism. there is little to be expected from northern governments and official negotiating bodies; they show little interest in making deep emissions cuts without dragging the global south with them, and without locking profit opportunities for corporations (green capitalism). left movements all over the world should unite and seize the initiative. i think, we can no longer afford to be divided, especially as we face a crisis as massive as this.

  • Leon  On October 11, 2009 at 4:54 am

    Correction: hindi mapipigilan ang pagbago ng klima. Ibig kong sabihin, mabawasan ang ambag ng tao dito. Hehe.

  • diwa81  On October 11, 2009 at 10:46 am

    para ilinaw lang ang mga punto ko (dapat sana isusulat ko pa ito sa blog ko, kaya lang nailalabas ko na dito):
    hindi ko itinatanggi ang climate change. ang opinyon ko, hindi ito ang mas mahalagang usapin. Pansinin niyo kung sino ba ang mas maingay sa isyung ito. Hindi ba mga kapitalista rin? tingnan niyo na lang ang naglipanang palabas tungkol dito sa media nila. kasi convenient na isyu ito sa kanila. bagamat maaaring ituro sa kanila ang pangunahing sisi, mababawi naman nila ito, dahil ang ituturo nilang solusyon ay ang magkaisa ang buong sangkatauhan para pigilan ito. at ano ang ibig sabihin nito — na magkaisa tayo sa loob ng sistema ng kapitalismo. sa madaling sabi, inililihis nito ang pangunahing kontradiksyon na umiiral sa mga lipunan at sa buong mundo. inilalayo nila ang tao, pangunahin ang masang anakpawis sa pakikibaka laban sa kapitalismo mismo.

    ito ang panganib sa isyung ito. madalas hindi nailalagay sa tamang persperktiba. nilulunod ng imperyalismo para magamit nila sa kanilang pakinabang.

  • Leon  On October 11, 2009 at 6:14 pm

    Yun ba ay sapat na dahilan na hindi sila tunggaliin sa isyung ito? Sa kahit anong usapin, binabraso ng mga naghaharing uri ang debate. Kahit naman sa usapin ng imperyalismo mismo, itatanggi nila yan at ipopropaganda ang “partnership” ng manggagawa at kapitalista, ng magsasaka at panginoong may lupa, ng inaapi at nang-aapi.

    Kung hindi natin igigiit ang pinakamatalas na linya sa kahit anong usapin gamit ang puspusang pagpupukaw, pagoorganisa, at pagmomobilisa, talagang mananatili ang gahum ng imperyalismo. :)

  • diwa81  On October 12, 2009 at 1:31 am

    @ leon:

    http://kulitkukote.wordpress.com/2009/10/12/global-warming/

  • Leon  On October 12, 2009 at 4:07 am

    Ang haba ng sagot, hindi ko na binasa completely pero gets ko naman ang punto, which is 1.) hindi konkreto ang science ng climate change, at 2.) hindi ang science ng global warming ang primaryang usapin dapat sa isyu ng CC.

    1.) Sabi nga ni Giovanni Tapang, chair ng Agham, na lahat ng kailangan mong malaman hinggil sa science ng CC ay nasa mga reports na ng IPCC. Sinusubukang idisprove ng mga corporate lobbyists ito sa pagsabi na sa larangan ng climatology, masyadong maliit ang isandaang taon para masabing human-induced ang CC, or dulot ito ng iba-ibang natural factors.

    Simple lang ang sagot dito: dahil ang isyu ng CC ay usapin ng panlipunang karapatan ng mamamayan, ang ating primaryang batayan sa pagsuri sa CC ay batay sa human cycles, hindi sa earth cycles mismo. This is exactly what IPCC did kaya ang time frame nila ay 100 years at hindi 1000 years, and they themselves identified that this phenomenon started from the onset of the industrial revolution, which we all know translated eventually into the crisis of overproduction and so and so.

    So yun lang. Once matanggap mo na yung logic na yan, done deal na ang usapin ng science ng CC. Matagal nang naka-move on ang mga envi groups ng kaliwa dyan. Ang usapin ay, tulad ng sabi mo, napunta na sa pang-ekonomiyang suri ng mga kritiko sa role ng kapitalismo sa CC, at ang kaakibat na metodolohiya sa paglutas nito.

    Gets mo na? Ang usapin ng CC ay importanteng usapin, at dapat pinapakialaman. Pero mali ang notion na ang consensus ng mga nakikisangkot sa isyu na ito ay natatali sa parehong patibong na hindi na matakasan ng mga moderato (dahil pilit nilang ineengage ang mga konserbatibo at mga lobbyists ng mga malalaking korporasyon samantalang nililihis lang ng mga ito ang usapin.)

  • kapirasongkritika  On October 12, 2009 at 2:26 pm

    Salamat sa lahat ng nagkomento! Marami akong natutunan sa usaping ito!

    @ Ryan Damaso: Actually, sang-ayon ako sa sinasabi mong may mga pag-aaral na nagpapakita ng pananagutan ng tao sa climate change. Syempre, mauugat ang pananagutan ng tao sa sistemang panlipunang mayroon tayo. At ipinapakita ng mga saliksik na ang aktibidad ng taong kaugnay ng sistemang ito ang nagdudulot ng climate change.

    Sang-ayon ako: Hindi sapat ang nakakapagmulat na isyu para kumilos ang mga mamamayan. Kailangan nila ng isang Kilusan.

    @ Leon: Salamat sa mga punto! Ibig mong sabihin, may acceleration kumbaga sa takbo ng pagkasira ng kalikasan na siyang nagdudulot ng climate change? Hindi “natural” na ritmo, kumbaga? Salamat sa paglalagay sa link! Binago ko na ang link mo sa KKlinks.

    @ Kontras: Salamat sa datos! Talagang matagal na pakikibaka pala ito. At kailangan nating kumilos na agad. Sa isang banda, nagkakaisa naman ang iba’t ibang grupo sa Kaliwa sa pagsusulong ng mga kumon na adyenda. Iyun nga lang, hindi malalim na pagkakaisa ang inaabot. Hehe.

    @ Diwa81: Hehe. Nakakatuwa ang “convenient na isyu” ito para sa kanila. Al Gore, ikaw ba iyan? Hehe. Salamat din sa paglink sa entring ito sa blog mo. Kontrobersyal ang mga punto mo, ha. Hehe.

    Una, alam naman natin ang taktika ng imperyalismo sa mga krisis: hanggang kaya pang itago, itatago. Sa tingin ko, kaya inaamin nila ang climate change ay dahil hindi na nila ito maitago.

    Pangalawa, totoo, ikinakanal talaga ang isyung ito sa direksyong kontra-tunggalian-ng-uri ng imperyalismo. Sa tingin ko, ang punto, bagamat kinikilala ang tunguhing iyan, ay makisangkot para dalhin ang debate sa ibang pagsusuring progresibo.

    Ikatlo, sa tingin ko, at ito ang hamon sa mga kasamang kumikilos sa larangan ng kalikasan at agham at teknolohiya, makakaakit ang isyung ito ng mga mamumulat at maoorganisa — kung hindi man sa hanay ng batayang masa ay sa mga petiburgis. Pwede nating ikanal ang propaganda ng imperyalismo patungo sa mas matalas nating pagsusuri.

    • Leon  On October 12, 2009 at 3:33 pm

      Ganun na nga, ser. Complex ang climate system at hindi ako eksperto dito para magpaliwanag ng detalyado, pero sa simoleg sabi, ang pagbabago sa isang susing aspetong nakakaapekto sa sistemang ito, tulad ng temperatura, ay nagdudulot ng radikal na pagbabago sa mga wind at rainfall patterns, at iba pang mga elemento ng klima.

      Tumpak na ang salik na nagbabago sa klima (at nagpapalala sa mga negatibong epekto nito sa lipunan) ay ang pagyurak ng tao sa kalikasan — at ang paninirang ito sa kalikasan nama’y nakaugat sa anarkismo ng pandaigdigang kapitalistang sistema.

  • vinCe  On October 23, 2009 at 5:34 am

    hehhh we wake up on a corupted republik like this every morning. . ..

Trackbacks

  • By Global Warming « MatangPobre on October 12, 2009 at 1:31 am

    [...] taon pa lang ng pananaliksik, sa kabila ng makabagong teknolohiya. Ito ang nasabi ko na rin sa blog ni teo sa kapirasong kritika. Na kahit mga eksperto ang tanungin, wala pa talagang tiyak na makakapagsabi na ang mga nangyayari [...]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers

%d bloggers like this: