Poor Less Lonely People in the World

Dahil sa mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng,” nakikita at napapag-usapan ngayon ang mahihirap nating kababayan. Nagawa ng kalamidad ang hindi nagawa ng mga panukala at patakarang makakaapekto sa mahihirap, kahit iyung sa reporma sa lupa at  sahod – ang madala ang mga maralita sa mga bibig at mata ng midya at publiko. Iniisip siguro nating sanay na sila sa paghihirap, kaya hindi na gaanong makabuluhan sa kanila ang sari-saring patakaran. Pero ang kalamidad – sobra na ito para sa kanila.

Pero hindi laging mapagkalinga at mapagkawanggawa sa mga maralita ang mga ideyang lumalabas ngayon sa midya, galing man sa mga komentarista, pulitiko o propagandista ng huli. Marami ang nagpapasama sa imahen nila at tahasang umaatake sa mga interes nila, kadalasan sa pagkumbina sa una. Kasabay ng tuluy-tuloy na pagkakita at pagkadinig sa kanila ang iba’t ibang paglalagay sa kanila sa itinuturing na dapat nilang kalugaran – sa mga espasyo at hanayan ng tao sa lipunan sa bansa.

Sanhi ng baha. Nitong huli, binigyang-tinig ng kolumnistang si Neal H. Cruz ang pagtinging itong lagi nating naririnig sa mga usap-usapan. Totoo siguro na dahil direkta silang nagtatapon ng basura sa mga estero at ilog, mas nakakapag-ambag sila sa dami ng basura sa mga anyong tubig na ito, higit sa karaniwang tao. Pero kanila ba ang kalakhan ng mga  basurang bumabara? Hindi siguro.

Sa isang banda’y inosente ang puntong na ito, pero sa mas dominanteng gamit, hindi ito inosente. Kapag sinasabi ito, tiyak na panukala ng demolisyon ang kasunod. Hindi ito nasasabi para imungkahing pahusayin ang sistema ng pagtatapon ng basura sa mga tabing-estero o tabing-ilog. Kadalasan, kaakibat nito ang kabuuang nosyong iresponsable ang maralita, walang pakialam sa iba.

Talk_Shows_on_Mute__

Asal-hayop. Nasabi ito, o nadaplisan, ng mismong kalihim ng Department of Social Work and Development kaugnay ng mga maralita sa mga paaralang ginawang evacuation centers. Sinisira raw nila ang mga kagamitan, ninanakaw ang pera at iba pang gamit tulad ng bentilador, ginagawang kubeta ang mga kwarto, at kinikikilan at tinatakot ang mga estudyante ng mga paaralan.

Hindi ko alam ang sirkumstansya ng paninira ng mga gamit. Pero masisisi mo ba ang isang tatay na walang naisalbang gamit, halimbawa, kung baklasin ang pisara at gawing higaan ng mga anak? Baka rin hindi na mapigilan ang sariling dumumi, lalo na kung nakainom ng maruming tubig. Talaga namang may mga gumagawa ng krimen sa hanay ng mga maralita, pero hindi ganoon ang lahat.

Kailangan siguro ng balanseng sagot rito. Sa maraming pagkakataon, nakakapagpakita ang mga maralita ng dangal at kabayanihang bukod-tangi, hindi kaya kahit ng mga nasa ibang uri. Pero dapat din siguro nating maunawaan ang sagot na “Ikaw man ang maghirap nang todo, mag-iiba rin ang asal mo.” Ibig sabihin, talagang napupwersa ang mga maralita na gumawa ng mali dahil sa kahirapan.

finally_II

Huwag nang bumalik sa dating tirahan. Malaganap ngayon ang sentimyentong dahil lantad sa banta ng baha ang mga bahay o pwesto ng bahay ng mga maralita, huwag na silang bumalik sa mga ito. Ito naman talaga ang makataong tindig. Pero ginagamit ngayon ng gobyerno ang pagtinging ito para itulak ang kontra-maralitang mga patakaran nito tungkol sa pabahay at mga maralita.

Kung gobyerno ang masusunod, tatlo ang pwedeng mangyari sa mahihirap na nasa evacuation centers: mapabalik sa kanilang probinsya gamit ang perang bigay ng gobyerno, mapalipat sa mga eryang relokasyon na tinutukoy ng gobyerno, at mapabayaan sa evacuation centers hanggang maglaho ang atensyon ng midya at suporta ng publiko at sa gayo’y maiwang nakatiwangwang, nang walang bahay.

Pero kaya nga napunta sa Kamaynilaan ang mga maralita dahil tumakas sila sa kawalang-lupa, kawalang-trabaho at militarisasyon sa mga probinsya. Tapos, kilala ring hindi makatao ang mga eryang relokasyon ng gobyerno, bukod pa sa malayo sa pinagtatrabahuan at pinag-aaralan ng mga maralita. Paano kung sinalanta rin ng bagyo ang mga probinsya at eryang relokasyong pupuntahan?

Hindi na nga dapat bumalik ang mga maralita sa dati nilang tirahan. Pero para mangyari ito nang pabor sa interes ng mga maralita, dapat magtayo ang gobyerno ng mga bagong pabahay para sa maralita – mura, disente, malapit sa pinagtatrabahuan at pinag-aaralan nila. At para mangyari ito, kailangang lumaban ang mahihirap, tampok ang mga nakatira mismo sa evacuation centers.

Ugly_Birds_In_A_Beautiful_Cage

Ginagamit ng professional squatters. Narinig ko ito kay Arnold Clavio – patunay, sabi ng kaibigan ko, na pareho sila ng utak ni Arn-Arn. Damang-dama mo ang pagkabwisit ni Clavio sa mga maralita. Talaga raw makulit ang mga professional squatters, naggigiit na manirahan sa hindi dapat. Paano raw kinakaya ng mga iskwater na magkaroon ng abogado kung hindi sila mga propesyunal?

Nakabatay ang ganitong suri sa mababang pagtingin sa mga maralitang lungsod, na mal-edukado, estupido at tonto sila kaya nagagamit ng professional squatters. Tinatalikuran nito ang totoong kahirapan ng mga maralita, ang pagtakas nila sa lagay ng kanayunan kung bakit narito sila. Kakatwang ang ibang naniniwala sa teoryang ito, mabilis ding sumisi sa mahihirap: Dapat, hindi sila magpagamit.

Kailangang tulungan para tulungan ang sarili. Madalas, nasasabi ito ng mga naghahangad ng matagalang pagbabago sa lipunan, kaugnay ng mga kasabihan galing sa Bibliya tungkol sa pagtuturo ng pangingisda. Hindi raw sapat ang pagbigay ng isda sa mahihirap (o pagkakawanggawa); ang kailangan daw ay ang pagturo sa kanila ng pangingisda (o pagrerebolusyon) para laging may isda.

Pero ginagamit ng gobyerno ang retorikang ito para makapagpakitang-taong tumutulong sa mahihirap gayong hindi naman talaga. Habang bukas-palad ang karaniwang mga Pilipino sa pagbibigay ng kung anong naitabi bilang donasyon sa mga nasalanta, puro pautang – sa SSS, GSIS at Pag-ibig, halimbawa – ang iniaalok ng gobyernong maraming pondong winawaldas sa kung anu-ano.

Sa panahong ang pangunahing kailangan ng mahihirap ay direktang tulong, kaysa sa paglaki ng sahod sa darating na mga buwan, nagsisilbing hadlang ang retorikang ito sa pagsang-ayon ng ilang bahagi ng publiko na bigyan ng tulong ang mahihirap. Tulad sa iba pang pagkakataon, mahalagang malaman kung sino ang nagsasalita: iyung talagang tumutulong sa maralitao iyung nagpapanggap lang?

Marat_by_David_Revisited

Habang nariyan sila, at habang mayorya sila ng lipunan, hindi siguro titigil ang negatibong mga pagtingin sa mga maralita, lantad man o hindi. Laging magiging larangan ng tunggalian ang pag-unawa sa kanila, ng ibang mamamayan at ng kanilang sarili. At tumitindi ang tunggaliang ito kapag lalo silang nakikita at naririnig – tinatamaan man ng kung anong pinsala o lumalaban.

Hamon sa lahat na mulat na sumangkot sa tunggaliang ito, dahil lagi naman tayong sangkot dito, mulat man o hindi. May implikasyon ito sa gagawin natin, o sa gagawin ng iba – ng gobyerno, halimbawa – sa ngalan natin.

14 Oktubre 2009

Basahin ang reaksyon ng progresibong mamamahayag na si Alexander Cockburn sa pagkapanalo ni US Pres. Barack Obama ng Nobel Peace Prize. Pansinin ang mahalagang papel ng Pilipinas sa mga kwento niya, katulad ng iba pang katiwa-tiwalang maka-Kaliwa sa ibang bansa.

Anibersaryo pala ng pagkakapatay kay Ernesto “Che” Guevara noong 09 Oktubre.

May panayam ang progresibong manunulat at paborito ng maraming si Eduardo Galeano tungkol sa pagsusulat at iba pang bagay syempre. May makabuluhang punto para sa mga gustong maging manunulat.

Maiikli ang mga tula ni Edel E. Garcellano ngayon matapos ang kalamidad.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • adaengkantada  On October 14, 2009 at 10:55 pm

    convenient excuse kasi lagi ang mahihirap. ang bilis na ibunton ang lahat ng masamang nanyayari sa kanila dahil lahat ay gustong ihiwalay at inaangat ang sarili sa kanila. sino nga ba naman ang gustung ihanay ang mga sarili sa mga isang kahig-isang tukang mga dukha?

  • Leon  On October 15, 2009 at 3:44 pm

    medyo offtopic ito, pero nagawi ako doon sa possibly related post hinggil sa bidyo ng proletarian productions na lumabas ay isang website ng maoismo-third worldismo. bago sa akin ang konseptong ito, bagamat napataas ang kilay ko sa binabanggit dito na kaaway ang mga uring manggagawa sa first world. baka sakaling maipaliwanag niyo sa akin? hehe.

  • kapirasongkritika  On October 16, 2009 at 8:20 am

    @ adaengkantada: Ang Kaliwa, hindi ba? Hehe

    @ Leon: Gusto ko ngang tanggalin ang mga lintek “automatically generated” na related posts na iyan. Nakakainis.

    Well, weird talaga iyang amihanmalaya na iyan. May nag-request nga noon na i-critique ko. Plano ko naman, pero hindi ko pa nagagawa. At hindi rin komprehensibo ang gagawin ko.

    Sa tingin ko, distortion ng mga sinabi at ginawa ni Mao ang itinutulak nila.

  • diwa81  On October 19, 2009 at 11:06 pm

    napuntahan ko na rin ang ibang post niyan. nakakatawa ang linya nila. tinitingnan nila ang buong daigdig bilang iisa, na nahahati sa mga uri. kaya sa kanila, nahahati ito sa first world at third world. ang lahat ng nakapaloob sa first world, kalaban ng mga nasa third world. kahit nga si joma, sinasabi nila na maka-Amerikkka! kasi sinusuportahan niya ang mga manggagawa sa US.

  • kapirasongkritika  On October 22, 2009 at 3:00 am

    Totoo! Pati si Joma Sison, nagmamahal sa Amerika. Minsan, naiisip ko, pwede na rin, dahil may naggigiit ng posisyong “kaliwa,” nakakatulong makita ang tamang linya. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: