Kapag Midya ang Bida sa Bayanihan

Noong kasagsagan ng pambansang bayanihan para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng,” mahalaga ang papel na tinanganan ng midya. Inilahad nila ang mga imahen at salaysay na dahilan para magbigayan at magtulungan ang mga Pinoy sa loob at labas ng bansa. Inilahad din nila kung saan dadalhin at ipapadala ang mga donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo.

Hanggang sa puntong iyan, kapuri-puri ang ginawa ng midya sa harap ng kalamidad. Pero may mga kumpanya ng midya na lumabis pa diyan ang papel na tinanganan. At malaking bahagi sila ng midya. Tinutukoy ko ang ABS-CBN at GMA – at mas ang una kaysa sa ikalawa. Ang iba pang ginawa ng mga kumpanyang ito, mula kapuri-puri, umabot sa puntong kwestyonable sa minimum at kapuna-puna na sa maksimum.

Tinutukoy ko ang mga hakbangin nila na tila ang layunin ay pagkopo sa paglikom at pamamahagi ng mga donasyon para sa mga nasalanta. Hindi man nila todo-todong nakopo ang larangang ito, malamang na sila ang naging dominante sa mga ito – salamat sa malakas o dominante pa ngang posisyon nila kumpara sa ibang midya. Ang tanong: Ito ba ang tamang kalakaran? Ang dapat? Kung hindi, ano ang dapat?

Sa usapin ng panawagan para sa donasyon: bida ang kani-kanilang foundations, ang GMA Kapuso Foundation at Sagip-Kapamilya Foundation. Tuluy-tuloy ang pananawagan ng tulong patungo sa mga institusyong ito na syempre pa’y kadikit ng mga istasyon ng telebisyon. Sa usapin ng pamamahagi ng donasyon: sila ang nagtatakda kung saan, kailan, sino ang katulong at maging sino ang artistang sasama.

Tama si Prop. Sarah Raymundo – sa isang entri sa kanyang blog sa Facebook – sa pagkwestyon sa (1) saan-saang lugar dinadala ng ABS-CBN ang mga donasyong pumupunta rito, at (2) paano ang pagbabangko ng ABS-CBN sa mga perang donasyong natanggap nito. Tama rin siya sa pagtuturong dahil sa neoliberalismo, nakatakas na ang gobyerno sa tungkulin sa mga mamamayan at midya na ang inaasahan ng marami.

Ivan Reverente 1

Ivan Reverente 2

Ngayon, mahigit dalawang linggo matapos isulat iyun ni Prop. Raymundo, marami pa ang pwedeng idagdag: Ano ang pamantayan ng ABS-CBN sa pagpili sa kakatulungin? Minsan, pinasalamatan nito ang Armed Forces of the Philippines dahil naghatid ng mga donasyon, na para bang ahensya na ito ng gobyerno. Minsan naman, isang grupo ng mga drayber. Bakit hindi ang kabila o iba pang grupo? Ano ang mga batayan?

Ang problema ay (1) pinatampok ng ABS-CBN ang sarili sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, sa kapinsalaan ng ibang grupo, at (2) namili ito ng mga organisasyong kakatuwangin sa pamamahagi ng donasyon. Sa halip na bigyan ng mas malaking papel ang mga organisasyon – lahat, kahit anong organisasyon – ng mga mamamayan sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, parang itinalaga nito ang sarili na sentro nito.

At hindi ito usapin ng inggit. Bagamat hindi ito madalas tingnan bilang korporasyon, mahalagang idiin: korporasyon din ang ABS-CBN, hindi organisasyon ng mga mamamayan. Masasabi kaya na ang naganap ay corporate takeover o pagkubabaw ng korporasyon sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, sa pambansang bayanihan? At nalagay sa laylayan ang mga mamamayan na kinakatawan ng mga organisasyon nila?

Isang usapin na binibitawan ng gobyerno ang tungkulin nitong manguna sa pagsaklolo sa mga mamamayan at itinutulak nito ang ibang pormasyon na tumangan sa tungkuling ito. Pero iba pang usapin kapag mulat na niyayakap ang tungkuling ito ng midya – sa anumang dahilan bagamat tiyak namang kasama doon ang sariling pakinabang bilang institusyon – nang inietsapwera ang paglahok ng mga mamamayan.

Oo nga pala, sintomas din ng ganitong pag-iisip ang “Wowowee” at iba pang palabas.

21 Oktubre 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Kontras  On October 21, 2009 at 3:03 pm

    anong nangyari sa blog mo?

  • FreeSince09  On October 21, 2009 at 3:09 pm

    Grabe talaga ang ABS, pati si pakyaw nadala. Well para ngang si Imeldific ang Kapamilya Inc., duplicitious. Mag-asta parang may Messiah complex

  • kapirasongkritika  On October 22, 2009 at 3:04 am

    @ Kontras: Nagbago ako ng theme, for the first time in more than two years. Hehe. Hindi mo nagustuhan? Font ang pangunahing konsiderasyon, mas malaki at mas madaling mabasa rito. Iyung image sa itaas, papalitan iyan. Naghihintay lang ako ng bago. Hehe.

    @ FreeSince09: Ano ibig mong sabihing pati si Pacquiao nadala? Hindi ko nasubaybayan ang balita, please enlighten us. Hehe.

  • Vencer  On October 22, 2009 at 6:02 am

    Maganda aralin kung paano halimbawa tinapatan ito ng bayanihan sa internet. Sinikap palakasin ang bayanihan sa facebook, twitter, etc, sa pamamagitan ng pag aanunsyo at/o pag-aaggregate ng lahat ng pwedeng puntahan, pagdonate-an at katulungin.

  • FreeSince09  On October 22, 2009 at 7:13 am

    teo,

    Yung offer ng ABS kay Manny na tumiwalag sa Solar at GMA.

  • kapirasongkritika  On October 22, 2009 at 1:36 pm

    @ Vencer: Oo nga! Talaga namang kapuri-puri ang pagbabahaginan ng mga imahen at kwento ng naganap sa internet, at ang paglikom ng donasyon dito. Nagamit talaga ang internet sa ganitong mabuting tunguhin.

    Pero iyung mga lumikom through the internet, saan ba dinala? Sa people’s organizations ba? Maganda sanang pagkakataon ito na makaugnayan ng mga aktibo sa internet ang mga people’s organizations!

    @ FreeSince09: Ah, iyun ba. Hehe. Na nabulilyaso. Hehe.

  • Vencer  On October 23, 2009 at 12:59 am

    Depende din syempre kung gaano kalakas ang panawagan ng orgs sa internet at paano nila ito minamaximize. Malaki ang naging papel nito halimbawa sa pagkalap ng donations, volunteers at sasakyan sa ops ng Tulong Kabataan. Tiyak naman na sa karamihan din ng mga organisasyon, naging pagkakataon din para makita nila sa kongkreto ang halaga at para mas lahukan.

    Dagdag na punto: Mahalaga mapatining ang magkakaibang itsura at konsepto ng “bayanihan”. Ang big media, basically pagpuri sa kabutihan ng kapitalismo at sistema. Kahit sa porma ng pagvo-“volunteer” doon, lakas paggawa ang ambag nila at tila bagang wala silang magagawa kung wala ang milyon ng mga korporasyon. Kaya nga mas dinidiinan ang joy ng repacking kaysa sa aktwal na pagtungo sa mga nasalanta at masa.

    Ang mga progresibo, hinihighlight ang tagumpay sa sama-samang pagkilos at lakas ng nagkakaisang masa. Na mas mahalaga ang tao. Na kayang magpatag ng bundok at dumaig sa anumang hamon ang pagkakaisang ito. Syempre, kapwa sa pagkumpronta sa kasalukuyang trahedya at sa panlipunang pagbabago.

  • vinCe  On October 23, 2009 at 5:38 am

    xempre vencer ang media kase ang nag papahayag ng lahat sa atin lalo na kapag may bagyo kawawa sila kase sila yung nag hihirap para ma balitaan tayu kuyng gano na kalakas ang bagyo

  • kapirasongkritika  On October 24, 2009 at 4:37 am

    @ Vencer: Totoo. Dapat malakas nga. Pero mainam din na mahikayat ang mga lumilikom ng donasyon na magtiwala at makipagtulungan sa people’s organizations. Sa buong mundo, kilala tayong NGO superpower, kaya mainam kung sa mga POs makipagtulungan, hindi sa mga superpower NGOs. Hehe.

    Magandang punto! Dapat nga, mas pakikisalamuha sa mga nasalanta ang mainam na layunin din. Metaphor ang kanilang repacking centers: sanitized na pagtulong sa kapwa, safe. Mainam na ring panimula, pero kulang.

    Yes! Pagsasanib ng bayanihan at kilusang masa ang gusto natin!

  • ALS  On November 6, 2009 at 9:07 am

    maraming foundations ang gumagawa ng katulad ng ABS at GMA. ang jolibee, SM, mcdo at iba pang mga corporasyong tumatanggap ng donasyon para sa iba’t ibang mga causes. malaking problema ito para sa mga adovcacy-oriented and people-based NGOs/POs na walang kasanggang korporasyon. hindi na talaga sila makakatanggap ng suporta sa private sector at napunta na sa “CSR” ng companies ang dapat nabigay na donasyon. isa pa: mukhang malaking conflict of interest at questionable ethics kung ang media companies mismo ang nag-rereport tungkol sa disaster at humihingi ng tulong sa publiko para dito. may katumbas ba ito sa media sa ibang bansa?

  • kapirasongkritika  On November 6, 2009 at 3:42 pm

    Salamat sa komento! Oo nga, pwede na talagang gamitin ng mga korporasyon ang kanilang CSR bilang batayan para huwag nang magbigay sa ibang organisasyon ng mga donasyon.

    Bagamat kabawasan ang tulong ng mga korporasyon, pwede namang mangalap ng suporta ng mismong mga mamamayan ang mga NGOs at POs.

    Ayos lang sa akin ang paghingi ng midya ng tulong, basta sana sa ibang organisasyon napupunta at hindi sila ang in command sa distribution.

    Hindi ko lang alam kung may katumbas sa ibang bansa eh. Mainam sanang malaman ang nangyari sa US noong Hurricane Katrina.

Trackbacks

  • […] Kapag Midya ang Bida sa Bayanihan « Kapirasong Kritika kapirasongkritika.wordpress.com/2009/10/21/kapag-midya-ang-bida-sa-bayanihan – view page – cached Noong kasagsagan ng pambansang bayanihan para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng,” mahalaga ang papel na tinanganan ng midya. Inilahad nila ang mga… (Read more)Noong kasagsagan ng pambansang bayanihan para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng,” mahalaga ang papel na tinanganan ng midya. Inilahad nila ang mga imahen at salaysay na dahilan para magbigayan at magtulungan ang mga Pinoy sa loob at labas ng bansa. (Read less) — From the page […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: