Kalikot sa Dukot

Mahusay ang pagpapakita ng pagiging brutal ng karahasang pinawalan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at maging sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at mamamahayag – na, katulad ng mga aktibista, ay nagsisiwalat ng lagay ng mga mamamayan. Mahusay rin ang pagpapakita kung paano nilalaro ng militar ang opinyong publiko sa pamamagitan ng simpleng pagbaligtad ng mga kwento – imbes na militar ang gumawa ng isang bagay, ibibintang ito sa New People’s Army o NPA.

Nakatulong ang paggamit sa pagbabalik-tanaw at hindi pagiging linyar ng naratibo. Ang hinala ko, solusyon ito sa praktikal na problemang hinarap ng mga gumawa ng pelikula, dahil nga nakatuon ito sa tortyur. Naiadya nito ang mga manonood sa tuluy-tuloy na panonood sa karahasang dinanas ng magkasintahan sa kamay ng militar.

Mahigpit ang pagkakatahi ng istorya, at lalong dapat itong papurihan dahil ayon kay Bonifacio P. Ilagan, sumulat ng script ng pelikula, batay ang lahat ng laman ng istorya sa mga kwentong naganap sa totoong buhay – ibig sabihin, sa mga aktwal na dinanas ng mga aktibista sa bansa. Sa matatag na pagharap nina Junix at Maricel sa pagpapahirap ng militar – hindi nagsuplong, walang ipinahamak – maaalala tuloy ang iba pang katulad na kwento ng iba pang progresibo at rebolusyunaryo sa bansa.

Isa pang martir sa labanang iyun sa Panay si Antonio Hilario (TonyHil), inaalala ng mga kasama kahit ngayon bilang “utak pang-organisasyon” ng Samahan ng Demokratikong Kabataan… [S]ugatan si TonyHil. Sabi ng mga nakasaksi, inilibing nang buhay si TonyHil ng mga sundalo ng kaaway. Nang nakataas ang kamao ng pagbabalikwas, sumisigaw siya ng “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” habang sadistang tinatabunan ng lupa ng kaaway. [Antonio Zumel, “Remembering the Martyrs,” 1992 nasa Radical Prose: Selected Writings, 2004.]

Sa mga hindi aktibista, ipinapakilala ng pelikula ang panganib na dulot ng cellular phone sa mga aktibista – na tumampok sa panahon ng paghahari ng rehimeng Arroyo. Para sa karaniwang tao, normal na gamit pangkomunikasyon lang ito at pinagmumulan ng kasiyahan sa araw-araw. Pero bukod sa narito ang mga taong kaugnayan ng isang aktibista, ginagamit din itong pang-tukoy ng kinaroroonan niya. Sa panahon ng rehimeng Arroyo, maraming kwento tungkol sa bagay na ito.

Sa isang probinsya, bago lumaganap sa mga aktibista ang kaalaman tungkol sa panganib ng cellphone, nagpupulong ang ilan sa kanila:
Aktibista 1: (Nakatingin sa
cellphone.) Oh, bakit nagte-text ka pa eh kaharap lang kita? Tsaka narinig mo naman ang sinabi niya, bakit itinatanong mo pa ulit?
Aktibista 2: Hindi ako nagte-
text.

Bagamat naipakita ng
pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.

Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?

Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.

Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.

Ang hinala ko, pinatay ng kapatid ni Junix ang militar sa dulo hindi bilang personal na paghihiganti, kundi bilang miyembro ng NPA. Ang pinangyarihan ng pagpatay – ang sabungan – ang batayan ko. May inilathala kasi dati ang Pinoy Weekly tungkol sa pagpatay ng NPA sa isang elemento ng militar na napatunayan nitong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa Bicol, na naganap din sa sabungan.

Pero ang hinala ko, hindi naunawaan ng mga manonood na NPA sa yugtong iyun ang kapatid ni Junix. Wala naman kasing anumang palatandaan sa pelikula na ganito nga. Pero NPA man o hindi, malamang na papalakpakan ang eksenang ito ng mga manonood – bunsod ng pagkasuklam sa pagpapahirap na ginawa kina Junix at Maricel.

Hindi makakawala ang Dukot sa paghahambing sa Orapronobis. Sila naman kasi ang pinakamatapang na mga pelikulang progresibo sa kasaysayan ng bansa. Pareho silang nag-endorso ng paggamit ng dahas, at nagpapatanggap sa mga manonood na may mga tao sa lipunan na naitutulak na gumamit nito – anuman ang paghusga natin sa kanila.

Lumabas ang Orapronobis noong 1987; ang Dukot, ngayong 2009. Pareho silang kumukwestyon sa “demokrasya” sa bansa. Pareho silang lumabas sa isang panahon ng paghupa ng pampulitikang panunupil – kumpara sa panahon ng diktadurang US-Marcos at kasagsagan ng pampulitikang pagpaslang ng rehimeng Arroyo.

May pagkagulat sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Orapronobis – na ang mga porma ng pampulitikang panunupil na namayagpag noong panahon ng diktadura ay nagpapatuloy sa bagong rehimeng tinatawag na “demokratiko.” May pagkagulat dahil may pag-asang namamayani sa bagong rehimen, bukod pa sa ang militarisasyon sa kanayunan na isiniwalat ng pelikula ay hindi gaanong malaganap sa kaalaaman lalo na ng mga manonood na nakabase sa urban at ibang probinsyang hindi naging puntirya.

Bagamat may pagkagulat din sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Dukot, mas dulot ito ng tindi ng brutalidad na ipinakita, na lingid sa kaalaman ng marami. May pangkalahatang kaalaman na kasi ang mga manonood sa isyu ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot. Wala rin kasing namamayaning pag-asa sa demokrasya, kundi papadausdos na pesimismo at sinisismo rito at sa posibilidad nito sa bansa.

Kinakaya pa ng ibang bansa na panatilihin ang mga relasyon sa pag-aari sa pamamagitan ng mga pamamaraang tila hindi kasing-marahas tulad ng gamit sa ibang bansa. Nagagawa pa ng demokrasya sa mga bansang ito ang pagkamit ng resultang siyang dahilan kung bakit kailangan ang karahasan sa iba – sa partikular, ang tiyakin ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. [Bertolt Brecht, “Writing the Truth: Five Difficulties,” nasa Galileo, 1966.]

Ang problema sa Dukot, gayunman, ay nasa karakter na si Junix. Bukod sa pagiging masigasig na aktibista at marubdob na mangingibig, wala nang ipinakita sa pagkatao niya. Sa panahong tinotortyur siya at si Maricel, mas matatandaan siyang nagbigay ng palaban at matalas-sa-pulitikang mga pahayag. Na para bang sapat na tanganan ang mga pahayag na ito para maging matatag sa harap ng matinding pagpapahirap.

Sa tingin ko, hindi. Marami ang kailangan para maging matatag sa gitna ng tortyur at banta ng kamatayan. At ito sana ang naisama sa mga pagbabalik-tanaw sa buhay ni Junix: ang mga kwento ng katatagan ng mga naharap sa parehong sitwasyon, ang epekto ng pagtataksil sa mga kapwa-aktibista sa kanila at sa mga inoorganisang anakpawis, ang pagmamahal sa mga kasama at masa, ang mga biruan, at iba pa. Hindi naipakita ang paghango ng isang aktibista sa kultura ng paglaban at pagrerebolusyon sa bansa ng lakas para kaharapin ang pandarahas at banta ng pagpatay. Pwedeng sa ganitong konteksto umangat ang personalidad niya, o maipakitang nahubog.

Tampok ang paghahambing kung paanong mula sa pag-oorganisa at pamumuhay ay ikinahon ang katawan nina Junix at Maricel hanggang sa tuluyang pinatay ang mga ito at kung paano, sa kabilang banda at kasabay naman, umalpas ang katawan ng kanilang mga magulang sa tradisyunal na mga espasyo ng mga ito patungo sa paglaban.

Salamat sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at sa buong kilusang progresibo, makatotohanan ang optimismo ng kwento ng pelikula: Na bagamat hindi mapapalitan ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay, maging ang kamatayan nila ay pagkakataon para dumami ang mga lumalahok sa kilusang progresibo.

22 Nobyembre 2009

Sabi ni Jessica Zafra, kung sa Unibersidad ng Pilipinas naganap ang forum ni US State Sec. Hillary Clinton noong dumalaw siya sa bansa, malamang na nabulabog ito ng “mga aktibistang bibigkas ng 10-paragraph na talumpati nang napakabilis, sa malalim na Tagalog, nang hindi humihinga.”

Sobra naman ito si Jessica, sabi ko. Kaya tiningnan ko ang press release ng League of Filipino Students, na wala sa website nila. Ang sabi, plano pala ng mga aktibista na magbasa ng bukas na liham kay US Pres. Barack Obama sa nasabing okasyon. Hehe.

May “An Inconvenient Solution” na pala, ang bidyo-dokumentaryo na kasunod ng sikat na bidyo-dokumentaryo ni Al Gore. Posible kaya ang sinasabi nito?

May rebyu si Prop. Sarah Raymundo ng pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Heto naman ang rebyu ni Diwa Dimagiba sa Dukot.

May isinulat si Barbara Foley, kilalang progresibong akademiko sa US, tungkol “anti-komunismo ni Barack Obama.”

Heto ang talumpati ni Kong. Mong Palatino sa pambansang kumbensyon ng kanyang party-list na Kabataan. Heto naman ang mga punto ni Dr. Carol Pagaduan-Araullo tungkol sa nasabing party-list.

Heto ang blog na laan sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita na naganap noong 16 Nobyembre 2004.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • diwa81  On November 21, 2009 at 10:15 pm

    wow, salamat sa link.
    teka, hindi ko napansin na kapatid ni Junix yung bumaril sa dalawang sundalo sa dulo. akala ko nabaril siya. pero gusto ko ang eksenang iyon at ang mensahe niya. pero hindi lang liberal ang nahirapang unawain iyon. kahit nga kasama kong nanood.

  • krguda  On November 22, 2009 at 9:53 am

    Tinanggal ko sa blog ko yung artikulo tungkol sa pinatay ng NPA sa isang sabungan sa Bikol kasi may threatening comment na pumasok, at ginamit ang pangalan nung pinatay na sundalo. Na-afraid ako. Pero sige, irerepost ko. Hingang malalim.

  • kapirasongkritika  On November 25, 2009 at 2:13 am

    @ diwa81: Actually, pagkatapos ng pelikula, may tinext pa ako para itanong kung ano nangyari sa kapatid ni Junix. Tapos naalala ko ang pagbaril sa dulo. Doon ko naalala na kapatid nga niya ang gumawa. Tapos may nagtanong pa kung okey ba na personal ang batayan ng pagpatay. Hehe. Mukhang gusto ng audience noong pinanood ko. Palakpakan! Salamat din sa link!

    @ krguda: Maganda iyung artikulong iyun, iyung “Sabong ng Hustisya.” Hehe. Ikaw ang sumulat, hindi ba? Sa pagkakatanda ko, dumaloy lang ang mga datos sa artikulong iyun, nagpakita hindi nagsasatsat ng ipapakita. Hehe.

    • diwa81  On November 25, 2009 at 9:08 am

      hindi ko napansin iyon. medyo OA nga kung yung kapatid ni Junix ang bumaril. baka isiping personal na paghihiganti. pero pwede na rin.

  • Ryan D  On November 25, 2009 at 5:18 pm

    Napanood ko din ang buong pelikulang DUKOT noong ipalabas ito sa UP. isang araw pagkalipas pinanood ko naman ang lumang pelikulang Orapronobis. Di ko na uulitin ang sinabi mo ka teo na maipaghahambing nga sila.

    Sa tagpong binaril ng kapatid ni junix yung 2 sa sabungan at sabay natapos ang pelikula.. 2 ang naging reaksyon ko, paghihiganting personal ba yun o hindi? kung personal lamang na ganti iyon sasabihin kong mababaw pala ang istorya (pwede din ang sumulat ng istorya mababaw din) pero dumulo ako sa ideyang baka NPA na nga yung kapatid ni junix? at hustisya ng pagpaparusa iyon.. pero isang bagay lang ang pangit doon, at aking maipupuna kung gayon.. Hindi nagmumukhang makatarungan ang ganung eksena na binaril hindi muna inaresto o ipinaliwanag ng narator kaya after ng eksena kahit text lang.

  • kapirasongkritika  On November 27, 2009 at 2:03 am

    @ diwa81 & RyanD: Malabo nga. Pero baka rin naman conscious decision na maging vague on the issue — kung personal o organisasyunal. Or both. Hehe.

    Sa isang banda, mahirap isiping matutunton ng kapatid ni Junix ang mismong mga pumatay sa kapatid niya nang siya lang mag-isa.

    Question ulit ito ng audience, ano? Iyung mga nakakaunawa at bukas, maiintindihan. Iyung hindi, hindi maiintindihan.

    Sa karaniwang pang-unawa ng mga progresibo, ang mahusay na pelikula ay iyung kumakabig ng mga hindi naniniwala.

    Medyo mahirap ang pangkabig ng pelikula: dahas kahit sa totoo namang may kasalanan. Hehe.

  • diwa81  On November 27, 2009 at 1:17 pm

    mukhang nagkamali sila dito. tama nga, malabong personal na pasya ng kapatid iyon. hindi niya matutukoy ang mga salarin nang mag-isa niya. kaya malamang npa na siya. pero kung npa ang pumatay, malayong ang kapatid mismo ni junix ang ipapadala. okay sana kung ibang tao.

  • km  On November 27, 2009 at 2:10 pm

    pinlano kong dayuhin ang panonood ng dukot, kaya lang hindi ako natuloy. salamat sa rebyu.

  • RyanD  On November 27, 2009 at 11:21 pm

    @diwa81: kung NPA na sya maling ipakita ng direktor o nagsulat na ganung ka barbaro ang pagpaparusa.. ang alam ko batay sa mga nabasa ko at nakahuntahang tao, kahit napatunayan na may sala ang mga salarin dapat parin silang maayos na inaaresto at hindi gagawa ng kondisyon na makakadamay ng iba (sibilyan) sa tagpo, pagkababa ng suot na talukbong sa ulo agad tinutukan at pinasirit ang bala sa dibdib ng 2. bagamat tama ang hustisyang igawad pero mali ang pagpapakita ng pelikula sa sirkumtansya ng paraan ng pagpaparusa. ganun daw sa totoong buhay

    • diwa81  On November 28, 2009 at 2:05 am

      hindi iyung pagiging barbaro ang punto ko. para kasi sa akin hindi naman barbaro iyon. malinaw namang naipakita ng pelikula kung sino ang barbaro. sa npa kasi, wala pa akong nabalitaan na naaresto nila ang suspek na militar o sino pa man, tapos isasalang sa korte nila. maraming salik ang tinitingnan dito. pinakamahalaga na dito ay kung kaya bang arestuhin. totoo naman dapat arestuhin, pero kung hindi kaya…. hindi na ipinakita na nilitis muna ang kaso ng mga salarin, ang ipinakita na lang ay ang pagparusa. pero hindi naman ibig sabihin niyon na wala ngang nangyaring paglilitis.

      maaaring sabihin na baka isipin ng ordinaryong tao na pareho lang palang di makatwiran ang militar at npa. pero dito lumalabas ang tapang ng gumawa ng pelikula, dahil alam nila na hindi na ganoon ang iniisip ng mga tao dahil sa ganito kabulok na gubyerno.

  • kapirasongkritika  On November 29, 2009 at 2:26 pm

    @ RyanD: Sa pagkakaalam ko, ang prinsipyo ng NPA, sisikaping arestuhin. Pero kapag armado, itinuturing na mahirap arestuhin. Pero naiproseso na ang isang bahagi ng paglilitis.

    @ diwa81: Sa batayan ba iyan na baka maging emosyonal at ituloy ang pagpatay kahit delikado para sa papatay? Oo nga, mahirap ngang kapatid kung ganoon.

    @ km: Walang anuman! Salamat sa pagdaan.

    • diwa81  On December 1, 2009 at 1:40 am

      isa iyon. saka baka makompromiso din dahil kilala siya ng mga salarin.

  • krguda  On November 30, 2009 at 5:59 pm

    RyanD, dun sa artikulo ko na binanggit ni Teo, ganun ang kaso. Teka, sige na nga, ipo-post ko na sa blog ko.😉

  • krguda  On November 30, 2009 at 6:00 pm

    Teo, naalala ko yung paggawad nila ng parusa kay Balweg. Sinasabing mismong kapatid niyang si Jovencio ang gumawad ng parusa.

  • kapirasongkritika  On December 3, 2009 at 2:45 am

    @ diwa81: Salamat sa paglilinaw! Kapani-paniwalang ganoon nga ang batayan.

    @ KRGuda: Salamat sa pagsulat tungkol dito at pag-link! Baka pwede naman nilang gawin iyun, pero sinisikap siguro na hangga’t maaari ay hindi — baka mahalaga rin kung matagal o abante na sa kanila ang gagawa.

  • RyanD  On December 7, 2009 at 3:29 pm

    ka teo, Wala naman talagang problema sa pagpaparusa nila sa kriminal na yun.. pero ang punto ko ay kung ipapakita mo ito sa pamamagitan ng isang pelikula na kung saan mas panig ka sa ipinaglalaban nila (bilang derektor) marapat lamang na maayos ang areglo ng mga akto ng eksekyusyon yung DAPAT ang dapat ipakita.. Paano kakabig ang tagpung iyon (pagpaparusa sa bandang huli) sa mga HR advocates? parang nagbibigay kasi ng konotasyon o pakahulugan na bara-bara lang din pala tumirada ang mga naghahangad ng tunay na pagbabagong panlipunan.

    • diwa81  On December 8, 2009 at 11:51 pm

      sa tingin ko naman naipakita na sa pelikula ang napakalaking pagkakaiba sa ginawa ng mga militar sa dalawa, at ang ginawa ng pumatay sa mga militar na iyon. maraming tao na ngayon ang hindi iniisip ang sinabi mo dahil sa matinding kabulukan ng gunyerno at AFP. dapat hindi lang tayo nakakasabay sa pag-iisip nila, kundi tayo pa ang nagbibigay ng direksyon.

  • kapirasongkritika  On December 9, 2009 at 1:09 am

    @ RyanD: Sa isang banda nga, pwedeng tingnan ng ganoon. Pero iyun din ang maganda sa pelikula bilang porma ng sining: Tama naman ang pinatay, hindi ba, hindi naman nagkamali? Iyun na siguro ang dahilan bakit napapalakpak ang mga tao.

    Pero iyun siguro ang lagi nating binabalanse bilang mga progresibo, ano? Paano iguguhit ang matalas na linya nang kumakabig? Pero kung HR advocates ang iniisip mo, sa tingin ko naman, sa tindi ng galit nila, kung totoo sila sa ipinaglalaban nila, bukas na rin sila sa ganoong pagpaparusa.

    @ diwa81: Magandang parangal sa pelikula ang sinasabi mo, ha. Na nagbibigay-direksyon ito sa atin.

    BTW: Heto ang balita tungkol sa pelikula:

    http://showbizandstyle.inquirer.net/entertainment/entertainment/view/20091209-240942/Dukot-gets-an-A-grade

  • Heinrich  On July 21, 2012 at 9:33 am

    This movie rules.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: