Magui / Boni

Magui. Pansinin ang lugar ng kababaihan sa nangyaring masaker sa Maguindanao. Malamang, inisip ni Vice Mayor Esmael Mangudadatu ng Buluan na hindi dadahasin ng mga kalaban niya sa pulitika ang kanyang asawa, dalawang anak na babae at dalawang abogadong babae – kaya sila ang pinag-file ng sertipiko ng kandidatura niya.

Totoo nga naman, sa maraming marahas na labanan ng mga pangkating dominante ang lalake – mula sa “digmaan” ng mga fraternity hanggang sa digmaan ng mga militar ng mga bansa – itinuturing ang kababaihan na labas sa labanan. (Sa isang pelikula tungkol sa gera sa Vietnam noong dekada 1960 at 1970, nakakagulat na ang magaling na sniper na Vietcong ay isang babae.) Nakasandig ito sa pinagsasaluhang “pagrespeto” sa mga  babae ng dalawang kampo – dapat igalang, walang kakayahang manlaban, at iba pa.

Sa naganap na masaker sa Maguindanao, tila itinuring na hamon o pusta ng mga pumaslang – na, syempre pa, ay pinaghihinalaang mga tauhan ni Mayor Andal Ampatuan, Jr. ng Datu Unsay – ang pagdahas at pagpaslang sa mga babae. “Akala ninyo, hindi kami papatay ng babae, ha.” Kaya pinagpapatay nila ang mga babae.

Pero hindi lang sila basta pinatay. Ayon sa mga ulat, bukas ang mga zipper ng mga pantalon nila, indikasyon na posibleng ginahasa sila bago – o pagkatapos? – patayin. Binaril at nilaslas din daw ang kanilang mga ari at suso. Hindi lang sila basta pinatay, sinalaula ang kanilang mga katawan o “pagkababae” bago o pagkatapos silang patayin.

Hindi malayong maisip, batay sa ganitong mga datos, na gustong ipangalandakan, gustong ipakita sa bansa at sa mundo, ang paraan ng pagpatay sa kanila. Tila gustong ipakitang hindi lang mga lalake ang kayang patayin, kundi mga babae rin. At hindi lang kayang patayin ang mga babae, kaya rin silang “salaulain” bilang mga babae.

Malamang, ang layunin ay maghasik ng mas matinding pinaghalong takot at pagkasuklam. Marahil, ang gusto nila ay masuklam ang mga tao hindi lang sa pagpatay kundi sa kawalan din ng magagawa sa kaso, bunsod ng takot. At matakot dahil sa kawalan ng magagawa sa harap ng kasuklam-suklam na kakayahan ng mga kriminal.

Pero dahil maagang nabuking ang karumal-dumal na krimen, mas tampok ngayon ang pagkasuklam kaysa takot sa nangyari. Hindi pagmamaliit sa pagkasuklam na ito, at lalong hindi pagpuri sa nagawa ng mga pumaslang, gayunman, ang sabihing kasalo pa rin ang pagkasuklam na ito ng pagtingin sa kababaihan na ipinakita ng mga Mangudadatu at pwersa ng mga Ampatuan. Hindi dapat dinadahas ang mga babae, kundi iginagalang – at, ayon sa isang kasabihan, minamahal. Pero ang pagtratong ito rin ang pinag-ugatan ng todong pagdahas sa mga babaeng namatay sa masaker. At ang pagtratong ito ang pinag-uugatan ng matinding pagkondena ngayon sa naganap.

Paano matatapos ang salimbayang ito ng pagrespeto at paglampaso sa kababaihan?

Boni. Ang Araw ni Bonifacio ngayong taon, isang araw bago ang deadline ng pag-file ng kandidatura sa Comelec para sa eleksyong 2010. Ginugunita ang pagsisimula ng buhay ng rebolusyunaryo isang araw bago pormal na matapos ang pagsasampa ng kandidatura sa isang eleksyong natatangi – dahil higit sa huling mga eleksyon, tampok ito ngayon ng kagustuhan ng mga mamamayan na magkaroon ng “pagbabago.”

Pero radikal na pagbabago ang gusto ni Bonifacio. Gusto niya ang paglaya sa mga dayuhang mananakop ng Pilipinas. Gusto niya ang pamamahagi ng lupain ng mga panginoong maylupa at Simbahan sa bansa. Kalayaan at pagkakapantay-pantay – ito ang dahilan kung bakit tinawag itong isang pambansa-demokratikong rebolusyon. Sabi ng makabayang iskolar na si Alice G. Guillermo, mas naging tampok ang pagiging “pambansa” kaysa “demokratiko” ng rebolusyong ito na nagsimula noong 1896.

At radikal din ang pagsusulong niya sa pagbabagong ito. Sabi ng isang historyador, bagamat laging iniisip ng publiko na bolo ang laging armas ni Bonifacio, ang totoo’y ang pistola niya, ang baril niya, ang paborito niya. Kontra sa pormal na pangangaral ng Simbahang Katoliko – “Huwag kang papatay” – kahit pa marami itong pinapatay sa aktwal at sistemikong dahas na ipinapatupad at itinataguyod nito – pinamunuan niya ang mga Pilipino na mag-armas, lumaban sa mga Espanyol at angkinin ang kalayaan.

Kapag hinahawakan ng pesante ang baril sa kanyang mga kamay, namumutla ang mga lumang mito, at isa-isang nalilimutan ang mga ipinagbabawal. Ang armas ng rebelde ang patunay ng pagkatao niya. Dahil sa mga unang araw ng pag-aaklas, kailangan mong pumatay: ang bumaril at pumatay ng Europeo ay ang pumatay ng dalawang ibon gamit ang isang bato, ang paslangin ang nang-aapi at ang taong inaapi nang magkasabay: naiiwan ang taong patay at taong malaya; ang nakaligtas, sa unang pagkakataon, ay nakakasalat ng lupang pambansa sa kanyang mga paa. – Jean-Paul Sartre, “Preface” sa Frantz Fanon, The Wretched of the Earth, 1963.

Noong una kong narinig, napakalakas ng dating sa akin ng palaging itinatanong kaugnay ng mga ipinaglaban ni Bonifacio, ng Katipunan at ng Rebolusyong 1896. Nakamit na ba natin ang mga pinangarap niya para sa bayan? Nabubuhay ba tayo sa bansang pinangarap niya mahigit sandaang taon na ang nakakaraan? Tunay na malaya na ba ang Pilipinas? May tunay na pagkakapantay-pantay at reporma sa lupa?

Malinaw ang sagot sa mga tanong na ito para sa akin noon at, sa tingin ko, kahit sa marami ngayon. Pero malakas ang dating ng sagot sa tanong dahil may isang implikasyon: na may kailangan tayong gawin nang higit sa ating pang-araw-araw na buhay. Na, sa isang pagtingin, kailangan nga nating humulagpos dito at magpakasakit para sa katuparan ng mga pangarap ng ating mga bayani na matagal nang nabibinbin. Na hindi sapat na sumatsat tungkol sa pagbabago; ang kailangan ay ipaglaban ito.

Sa panahong bukambibig ang abstraktong “pagbabago,” mahalagang mapaalala sa atin kung ano ang ibig sabihin nito para kay Bonifacio at mga katulad niyang Katipunero. Hindi ito maihahatid ng eleksyon lang na, gaya ng obserbasyon ng Kilusang Mayo Uno, ay pumapatak sa petsa ng pagpatay kay Bonifacio – bunsod ng paglaban niya sa resulta ng eleksyong ipinatawag ng mga panginoong maylupa sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo. Mas pananatili ng sistema, hindi pagbabago nito, ang dulot ng eleksyon.

Bagamat nagtapos sa trahedya ang buhay ni Bonifacio, at bagamat hindi niya nakamit ang tagumpay sa ipinaglaban niya, may kung anong matamis isipin sa nangyari sa kanya. Ngayon, mahigit sandaang taon matapos niyang mabuhay, ilunsad ang armadong rebolusyon laban sa mga mananakop ng bayan, at mamatay, pinapasalamatan siya ng mga salinlahi ng bayang pinaglingkuran at ipinaglaban niya.

Pilit mang supilin ng mga naghahari ang alaala ni Bonifacio, nananatili siyang buhay at bayani para sa sambayanan. Pwedeng ang mga rebolusyunaryo ngayon ang maging pambansang bayani sa hinaharap – dahil kaya at posibleng mabago ang kasalukuyan.

01 Disyembre 2009

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • missphilippines  On December 5, 2009 at 2:58 am

    what seems to be very important is to locate also this massacre during the time of election. From the discipline of Political Science, election is the highest form of democratic participation in a state but it variably showcases the most violent and gruesome possibility for the people. This harrowing plight that has usurped as an organizing principle for the Ampatuans in their state leadership and power, purports obscenity that violence and genocide are the primary principles for this clan to rule and promulgate their so-called democracy. Much so, it is obscene on the account that this kind of violence is gradually devoured by the same vast subaltern population and accepted as mundane, normal and as it is, buttresses our daily enjoyment with the current political system. Should we say that this signals the turn of our current political economy from liberal phasing out towards an authoritarian capitalism? If this is the case, then the left, the national democrats to be precise, must achieve a great leap as soon as possible.

  • kapirasongkritika  On December 5, 2009 at 3:53 pm

    Salamat ulit sa blog entry! Hehe. Sa isang banda, never naman naging “liberal” ang demokrasya sa bansa. Lagi’t laging lantad na demokrasya ng mga naghaharing uri ang mayroon, na madalas na nagpapakita ng pangil sa mga mamamayan. Sa kabilang banda, totoo rin namang sumasahol ang paggamit ng dahas ng Estado, kaya dapat talagang maharap ang pandarahas na ito, mabigo at maalpasan! Hehe.

  • missphilippines  On December 5, 2009 at 5:29 pm

    I call it liberal in the sense that democracy is sutured upon the notion of human potential as the index of reason and principles in the very existence and governance of life. That by saying the class is well pronounced in nature, government, institutions, and other ideological apparatuses proclaim that these are the very products of human activity engrossed with their illussions that these are matters of potentials, capacities, social cooperations and human productivity. Class struggle in itself embodies liberalism as its cultural software in programming the same system and their fangs are the hardware tangible for any spectator, subject or victims. This then leads us to see how at times, despite the excruciating circumstances that have bordered into such unimaginable forms of discipline and punishment, visceral responses are stimulated by virtue of acceptance, subsumption, or even at times of our silence of the presence of politics. I think that we need to heed again Zizek’s claim that we must purge and the revolution must be repeated because there is a tendency that sometimes our own democratic space for waging protests, dissidence and all forms of attack against the state are not as much as urgent, wailing for the contingency to come out. Now it is the time to pose back again to this nation, is it national democracy, or nothing? charot.🙂

  • kapirasongkritika  On December 7, 2009 at 12:05 am

    Okey. So iba ang pakahulugan mo?

    Pero maitanong ko lang batay sa naintindihan ko: What do we gain from this move? Bakit kailangan nating kilalanin ang liberalismo bilang “kinakatawan ng kapitalismo”? At pagkatapos ay sabihing kailangan nating humulagpos dito?

    Syempre, alam na natin ang sagot sa huling tanong mo. Hehe.

  • diwa81  On December 9, 2009 at 12:01 am

    sa tingin ko hindi talaga balak ipakita sa mundo ang paraan ng pagpatay, gaya ng ipinapahiwatig ng malaking hukay na nakahanda na para sa grupo. pero dito makikit ang mas maitim na plano ng mga Ampatuan: na nakahanda siyang patayin ang grupo ng Mangudadatu, o sino mang lumaban sa kanya, kahit gaano pa sila karami.

  • kapirasongkritika  On December 9, 2009 at 1:12 am

    Mas ang tinutukoy ko pa ay iyung pagpuntirya sa maseselang bahagi ng katawan ng mga biktima. Tingin ko, iniisip talaga ng mga kriminal na mahuhukay ang inilibing nila, at gusto talaga nilang matakot ang mga tao kapag nakita ang ginawa sa mga ari ng mga napatay.

  • missphilippines  On December 14, 2009 at 3:08 pm

    I would like to respond on the basis on looking at how the same system tries to be the same structure that acts as a purveyor of the reality, the truth and our symbolic identifications, which encapsulates the modes of our life, and by virtue, our valorization of the present order. Liberalism is exactly a seemingly undeterred disposition of everyone that is espoused in our contemporary living–from the micropolitics that have usurped as the locus of political struggles and machination of grand narratives, to other forms of solidarity, cooperations and social participations that have replaced Marx with Foucault. As such, this condition has figured out under the rise of global capitalism and blatantly capital has embodied liberalism through this abyss of freedom that we seem to identify as such, which paralyzes, control and grapple the very understanding of struggles, poverty and social change. That even the mere presence of obscenity of the state, it is being swallowed and acts as the same mechanism to control the capacity in waging a strong revolution. If we go back to Mao’s classic article “Combat Liberalism”, liberalism rejects the mere presence of ideological struggle and ushers unprincipled peace, which this position must hammered down because it will be one’s own limit to wage and embrace the grander possibility of a revolution.

  • diwa81  On December 18, 2009 at 12:24 am

    walang sense kasi kung gusto nilang makita ang pagpatay nila sa mga biktima. defeated ang purpose na mawala ang kalaban nila sa pulitika kung mahuhuli sila, tulad ngayon. kaya sa tingin ko, nabulilyaso ang plano nila kahit napatay nila lahat.

  • kapirasongkritika  On December 18, 2009 at 4:28 am

    @ missphilippines: So iyun nga ang pakahulugan mo. Okey, nauunawaan ko na. Sa isang antas, ubra iyan sa mga petiburgis at mga naghaharing uri, ang liberal na pagpapalakad ng Estado. Pero pagdating sa mga mamamayan, lalo na sa mga lumalaban, hindi naman liberal ang Estado sa pagpapahayag nila, hindi ba? Mas itinataguyod nito ang interes ng naghaharing uri, nang malupit at hayagan, kaya hindi liberal.

    @ diwa81: Ang ibig kong sabihin, ang tanaw siguro nila, mahuhukay ang mga bangkay, at walang kagyat na matutukoy sa pagpatay. Kung nalaman ang krimen ilang araw pagkatapos ng pagpatay, tiyak na magmamalinis lang ang mga Ampatuan, sa kabila ng galit ng mga mamamayan. May “fear factor” din sa ganoong hakbangin.

  • diwa81  On December 19, 2009 at 12:53 am

    @ missphilippines:
    mali nga sabihing naging liberal ang estado kailanman. kapag sinabi ito, matutuwa niyan si Noynoy, dahil ibig sabihin, naging liberal ang rehimen noon ni Cory na sinasandigan niya ngayon sa kanyang kampanya

  • missphilippines  On December 19, 2009 at 4:11 am

    Perhaps my point was inefficient to draw the line properly. But to go back to Teo, exactly! The point that I would like to draw, and maybe I am still figuring out through this exchange, is that the middle class or the peti-b trumpets this kind of disposition on how they understand class struggle in itself, such as class war waged by the ruling class against the vast population of the working class and peasants. It is sufficient to say that forms of atrocities are fierce to be identified as clear accounts of oppression against the last two sectors of the base superstructure and they clearly identify their relations as antagonistic, oppressive and inhuman with the ruling class, especially for the organized groups and collectives. Apparently, how does the middle class sometimes take their situation? The situation entirely shows primary struggle is between the land lords against the peasant but the middle class seem to withstand the situation by pursuing liberal dispositions and other forms of politics that portend liberal attitude, and thus, it squarely defines their class antagonistic relations against the poorest members of the society. And to say that a state is liberal, in essence, any state who claims for liberalism is in any way upholds the virtue of the ruling class and never against the people. I don’t think I am about to say that Philippine state is a liberal democratic state, what I had referred first was the kind of governance by the American governance and much so, how some left lite, left zero are using liberal democracy which blurs the line and path towards the necessary coming of a revolution. What I would like to refer also with the liberal are those coming from Akbayan, San Lakas some Pol Sci professors who are totally much better to be considered as an enemy rather than GMA.

    • diwa81  On December 21, 2009 at 11:17 pm

      pasensya na, medyo hirap ako sa Ingles.

      ang point doon, hindi naging liberal ang mga naghaharing uri, kahit pagpapanggap man lang. maliban siguro, sa isang antas, sa rehimen ni cory. pero ang malinaw ngayon, walang ganoong pagpapanggap ang rehimeng Arroyo. hindi liberalismo ang pagpatay ng libong aktibista.

      kaugnay ng mga kontras, iyon ang nakikita kong danger sa tinatakbo ng tunggalian sa pagitan ng mga LP/socdem at ng kaliwa. mukhang mahigpit na maglalaban sina villar at noynoy pati sa mga debate, na baka malimutan na ang pangunahing target pa rin ay ang administrasyong Arroyo. at dapat pa ring magkaisa ang buong oposisyon, kahit magkakalaban sa eleksyon, tungo sa layuning ito.

      baka ang mangyari, uminit nang husto ang banatan sa mga socdem, biglang makalusot si Gibo…

      • kapirasongkritika  On December 22, 2009 at 1:22 am

        Totoo. Kahit nawiwili ang blog na ito sa pagpasok sa tunggaliang sinasabi mo, si Gloria pa rin ang pangunahing kaaway at target ng sambayanan hanggang mapatalsik siya.

        Mukhang iyan pa rin naman ang dominanteng approach ng mga pambansang demokrata. Hindi pa naman lulong sa tunggalian sa mga soc-dem. Mas dito lang naman yata umaatikabo ito. Hehe.

  • kapirasongkritika  On December 20, 2009 at 6:55 pm

    Salamat sa inyong dalawa! Salubong na ang mga punto ninyo.

    @ missphilippines: Sanlakas po ang name nila. Hehe. O nang-aasar ka ba, as in asan ang lakas? Hehe.

    Hindi naman siguro pwedeng mas higit pa kay GMA. May utang ng dugo ang si tsunano. Iyung mga binanggit mo naman, mas tunggalian sa pulitika ang ginagawa. Hehe.

  • missphilippines  On December 21, 2009 at 1:40 am

    teo iyan ang tinatawag sigurong figure of speech, san lakas, na parang, asan lakas? chika

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: