Berlin Wall: Tatlong Tanaw

Taun-taon, ipinagdiriwang ng mga tagapagdiwang ng kapitalismo ang anibersaryo ng pagbagsak ng Berlin Wall, na siyang kinikilalang hudyat ng pagguho ng dating Unyong Sobyet. Para sa kanila, nangangahulugan ito ng pagtatagumpay ng kapitalismo sa sosyalismo at ng Estados Unidos sa Unyong Sobyet sa Cold War na tunggalian nila. Para sa ilan sa kanila, nangangahulugan din ito ng “katapusan ng kasaysayan,” sa mga salita ng “intelektwal” ng State Department ng US na si Francis Fukuyama. Ang tambalan daw ng kapitalismo at liberal na demokrasya ang hantungan ng kasaysayan, at ang anumang tunggaliang susulpot pa sa hinaharap ay nasa balangkas na lang nito.

Malinaw ang sagot ng mga Marxista. Hindi sosyalista ang Unyong Sobyet noong bumagsak ito, kundi sosyalismo sa salita pero kapitalismo sa gawa. Dulot ito ng pagkaluklok sa poder ng mga tinatawag na “modernong rebisyunista,” mga dating komunistang sistematikong bumago sa batayang mga prinsipyo ng Marxismo at nagdala sa mga bansa nila sa kapitalismo. Anila, hindi sosyalismo ang bumagsak sa Unyong Sobyet kaya hindi sosyalismo ang namatay kasama nito. Ang totoo, anila, habang nagdiriwang ang kapitalismo, nananatiling batbat ito ng krisis. Ang totoo, sabi pa nila, ipinapakita ng krisis ng kapitalismo na kailangang-kailangan ang sosyalismo.

Nitong Nobyembre 9, 20 taon na ang pagbagsak ng Berlin Wall. Kakatwa ang mahalagang pagdiriwang, dahil nataon ito sa pinakamatinding krisis ng kapitalismo simula noong dekada 1930. Nahirapan siguro ang mga lagi nang tagapagdiwang nito kung paano bibigyang-parangal ang pangyayari. Maging si Mikhail Gorbachev, susing tao sa pagbagsak ng pader, ay nagsabing bagamat kailangang maganap ng nangyari, hindi pa rin mahusay ang mga sitwasyon sa kasalukuyan. Nanawagan pa nga siya ng perestroika – o pagbabago ng ekonomiya – sa iba’t ibang bansa, kasama ang US. Tiyak, gayunman, na hindi na sosyalismo, o anumang katulad nito, ang tinutukoy niya.

Mainam naman na sinamantala ang okasyon ng iba’t ibang intelektwal na maka-Kaliwa para maglabas ng mga popular na sulatin. Dapat lang, dahil napakainam ng sitwasyon ng daigdig ngayon para maglinaw sa iba’t ibang usapin kaugnay ng kapitalismo at pakikibaka para sa sosyalismo. Bukod pa sa nakakatuwa kapag ang mga intelektwal na laging sangkot sa matatayog na mga teorya at pilosopiya ay nagpipilit na mangusap sa mas malawak na publiko nang inilalapat ang kanilang kaalaman sa kongkretong mga usapin. Sa ganitong pagkakataon, hindi lang sila nangungusap sa mga organisador ng mga manggagawa at magsasaka, halimbawa, kundi nagbubukas din sa paghatol nila.

Sa sanaysay niyang “The Legacy of 1989, in Two Hemispheres,” pinili ng sikat na kontra-imperyalista at anarkistang intelektwal na si Noam Chomsky na tuligsain ang US sa mga hakbangin nito. Dapat daw ibagsak ang mga pader na itinatayo ng Israel sa mga lupain ng Palestina. Nagbalik-tanaw rin siya sa pagpatay sa El Salvador ng anim na intelektwal, pari at tauhan nila noong 1989, kasabay ng pagbagsak ng Berlin Wall. Kasabay raw ng paglakas ng pag-asa sa Silangang Europa ang pagguho nito sa Latina Amerika. Tinurol niya ang responsable sa mga pagpatay, at sa pagpatay sa teolohiya ng paglaya (liberation theology) sa Latina Amerika: School of the Americas ng US at Vatican.

Mahalaga ang punto niya, na ipinagdiriwang ng US ang pagbagsak ng mga diktador na hindi nito hawak habang pinapalakas ang mga diktador na hawak nito. Ipinapakita ng mga salaysay niya na nananatiling marahas ang US kahit sa panahon ng pagbagsak ng Berlin Wall, dahil nga patuloy itong binabayo ng krisis ng sistema ng monopolyo-kapitalismo. Pero ito lang ba ang kaya niyang sabihin sa paggunita sa pagbagsak ng Berlin Wall? Isa na namang pagtuligsa, bagamat bukod-tangi, sa imperyalismong US? Hindi ba’t napakainam ng okasyon para palutangin ang usapin ng ano ang dapat gawin ng mga mamamayan at ano ang dapat ipalit sa nabubulok na sistemang ito?

Sa panayam naman niyang “The Idea of Communism,” tinalakay ng Trotskyistang intelektwal na Pakistani na si Tariq Ali ang itinuturing niyang negatibong aspekto ng pakikibaka para sa komunismo sa mundo kaugnay ng bago niyang libro. Aniya, bagamat ayaw nina Marx at Engels na ituring na relihiyon ang kaisipan nila, ganito ang nangyari sa maraming kilusan sa mundo. Ipinaliwanag niya ang itinuturing niyang sanhi ng mga naging suliranin sa mga bansang naging sosyalista: atrasadong lagay ng ekonomiya, nagkaroon ng Estadong awtoritaryan, nagkaroon ng monopolyo ang Estado sa daluyan ng komunikasyon, at nasyunalismo ang lumaganap na kaisipan.

Bagamat mahalagang balik-aralan ang kasaysayan ng progresibong kilusan sa mundo, hindi ko alam kung ano ang mapapala sa mga padaskul-daskol na paghahambing – Marxismo at relihiyon, sosyalismo at kapitalismo – katulad ng ginawa ni Ali, at madalas ding gawin ng mga pa-intelektwal sa mga anti-komunista sa bansa tulad ni P. N. Abinales. Nakakabilib siguro kapag bata ka pa na makarinig ng ganito. Pero ano ang punto? Eh ano kung parang relihiyon? May mga nagsasabing hindi masama agad para sa Marxismo ang ganito. Guilt by association? Lahat ng masama sa sistema na “makikita” rin sa Marxismo at sosyalismo, kasiraan na ng huli? Anu-ano naman ang pagkakaiba?

Ang problema sa partikular na paghahambing ni Ali ay hindi nito tinuturol ang mayor na mga usapin sa mga bansang naging sosyalista. Kaya ba nanumbalik ang kapitalismo sa Tsina at Unyong Sobyet ay dahil naging relihiyoso ang pagtanggap ng mga tao sa desisyon ng mga namumuno? Hindi. Bukod pa rito, mas kumikiling ito sa maling paghalaw ng aral sa karanasan ng mga bansang ito. Relihiyon ang naging turing ng mga tao sa Marxismo, kaya ba hindi na ito dapat ituro sa kanila? Hindi rin. Mauugat nga ang mga mayor na kahinaan ng mga bansang naging sosyalista sa hindi sapat na pag-aaral sa Marxismo, at hindi paglalapat nito sa praktika ng sariling bansa.

Kailangang lagyan ng mga pahabol ang mga kahirapang ayon kay Ali ay hinarap ng mga bansang naging sosyalista. Oo, atrasado ang mga bansang nagtagumpay sa paglaban para sa sosyalismo – at nagiging matapat dito si Ali sa pagiging Trotskyista, sa paniniwalang kailangang sa mga bansang abanteng kapitalista magsimula ang pagtatagumpay ng rebolusyon sa mundo. Dapat kilalanin ang pagiging atrasado ng mga bansang ito, pero hindi ito ang buong paliwanag sa kahinaang dinanas nila. Kaibang nasyunalismo naman ang naimbento sa mga bansang tinutukoy niya – kontra-imperyalista, mapagpalaya at nakabatay sa alyansa ng iba’t ibang uri sa lipunan.

Totoong nagkaroon ng kahinaan si Stalin sa pagharap sa mga kontradiksyong sumulpot sa Unyong Sobyet noong magtagumpay ito, na dumulo sa paggamit niya ng mga mapanupil na hakbangin. Ipinagpatuloy ang mga hakbanging ito ng mga pumalit sa kanya kasabay ng pagtuligsa sa kanya at sa tinawag nilang “Stalinismo.” Pero natukoy ito ni Mao Zedong sa paglalagom niya sa karanasan ng rebolusyong Ruso. At sinikap itong alpasan ni Mao. Kahit ang pagwawasto ba ni Mao sa mga kahinaan ni Stalin, itunuturing pa rin ni Ali na bahagi ng sinasabi niyang kawalan ng debate sa iba’t ibang antas ng lipunan? Kahit ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura?

Madalas sabihing “diktador,” o “awtoritaryan” si Mao. Mas kumplikado rito ang reyalidad. Nasapul ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang hindi nasapul ng mga historyador at mamamayahag na katulad ni Ali, at Abinales na rin, tungkol sa pagkatao niya. Ayon kay Badiou, “Sa lahat ng aspekto, ang ‘Mao’ ay pangalan ng isang paradox: ang rebelde sa kapangyarihan, ang diyalektisyan na nasubok ng nagpapatuloy na mga pangangailangan ng ‘pag-unlad,’ ang simbolo ng partido-estado na naghahanap ng pag-alpas, ang hepe ng militar na nangangaral ng pagsuway sa mga awtoridad…” [“The Cultural Revolution: The Last Revolution?” 2002, nasa Polemics, 2006.]

Ang pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek naman, sa kanyang “20 Years of Collapse,” ay nagsimula sa pagsuri sa tatlong penomenong iniluwal ng pagbagsak ng mga nagpakilalang sosyalistang rehimen at ng “di maiiwasang pagkadismaya” sa “reyalidad na demokratiko-kapitalista.” Tinutukoy niya ang pagbabalik-tanaw sa “mabuting lumang” panahong Komunista, makabayang populismo, at nahuling kapraningang kontra-Komunista. Pagluluksa lang daw ang una, at ang ikalawa ay hindi partikular sa Silangang Europa. Kaya mas nagpokus siya sa ikatlo. Aniya, ang tinutuligsa ng mga kontra-Komunista ay walang iba kundi ang mismong kapitalismo.

Sabi niya, mas nakaangkop sa reyalidad ng kapitalismo ang mga dating Komunista. Malamang: naniniwala sila sa tunggalian ng mga uri, pero nagbago na ng panig. Naniniwala silang komiteng tagapagpaganap ng naghaharing uri ang Estado kaya mulat nilang ginawang ganito ang kanilang Estado. Inulit ni Zizek ang pangamba niya: Na hindi lalakas ang liberal na demokrasya sa Tsina kaalinsabay ng paglakas doon ng kapitalismo, gaya ng sinasabi ng iba. Sa halip, itinuturo ng Tsina ang hinaharap ng sangkatauhan: mas matinding kapitalismo sa ilalim ng awtoritaryan na Estado. Paano kung hadlang lang talaga sa pang-ekonomiyang pag-unlad ang demokrasya?

Paglilinaw niya: “Noong ipinrotesta ng mga tao ang mga rehimeng Komunista sa Silangang Europa, ang malaking mayorya sa kanila, hindi kapitalismo ang gusto. Gusto nila ng kalayaang mabuhay nang labas sa kontrol ng estado, magsama-sama at mag-usap batay sa kagustuhan nila…” Dagdag pa niya, “ang mga layuning nagtulak sa mga nagprotesta, sa malaking bahagi, ay galing sa namamayaning ideolohiyang Sosyalista mismo – gusto ng mga tao ng bagay na pinakaakmang tawaging ‘Sosyalismong may mukhang makatao.’ Siguro, karapat-dapat itong bigyan ng ikalawang pagkakataon.” Modelo niya si Victor Kravchenko, kontra-Stalin na naging kontra-kapitalismo rin.

Matagal nang sinasabi ni Zizek ang pangamba niyang ang kasalukuyang Tsina, na tinatawag niyang “awtoritaryang kapitalismo” ang hinaharap ng mga bansa sa mundo. Makabuluhang pangamba ito, dahil kahit naman ang demokrasya sa mga bansang kapitalista ay pinalawak – mulat man o hindi – ng mga pakikibaka ng mga mamamayan sa pamumuno ng Kaliwa sa mundo. Kaya nga may pagka-pesimista ang pagsusuri niya, na para bang wala siyang natatanaw na paglakas ng mga kilusang Kaliwa sa daigdig. O baka naman nang-aalarma lang siya sa pwedeng kasadlakan ng sangkatauhan kung mananatili ang mga kahinaan sa Kaliwa na pinupuna niya.

Pero ngayon ko lang nabasa ang matatag niyang pag-endorso sa “Sosyalismong may mukhang makatao (Socialism with a human face).” Kung babalikan pala sa kasaysayan, islogan ito ni Alexander Dubcek na naging lider ng Czechoslovakia noong 1968-1969 at nagsikap maglunsad ng mga reporma sa bansa niyang sosyalista. Sinupil ang mga pagsisikap niya ng pamunuan ng Unyong Sobyet, na sa panahong ito’y pinapamunuan na ng mga modernong rebisyunista. Ang problema ko rito, malamang na ang itinuturing na kalaban ng ganitong klase ng sosyalismo ay ang tinatawag ng mga maka-Kaliwang Europeo-Amerikano na “Stalinismo” – diktadoryal, awtoritaryan, mapanupil.

Laging sinasabi ni Zizek na ang Leninismo ay imbensyong Stalinista. Pero ang Stalinismo, sa kalakhan, ay imbensyon ng mga modernong rebisyunista at anti-komunista. Labis nilang pinalaki ang mga pagkakamali ni Stalin sa pagharap sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga mamamayan, ang mapanupil at burukratikong mga paraang ginamit niya. Ito, sa tingin ko, ang pag-unawa kay Stalin na laging kasama ng katagang “Stalinista” – na, ang kakatwa, ay ginagamit din sa mga modernong rebisyunistang kontra-Stalin pero mapanupil. Tinuligsa rin si Stalin ni Mao Zedong sa puntong ito, pero hindi niya iniendorso ang ganitong lahatang pagbasura kay Stalin.

Sabi ni Zizek, “Nalinlang ng Komunismo ng ika-20 siglo at nadisilusyon sa kapitalismo ng ika-21 siglo, wala tayong magawa kundi mag-asam ng mga bagong Kravchenkos – at ng mas masayang wakas nila. Sa paghanap sa katarungan, kailangan nilang magsimula sa wala…, mag-imbento ng kanilang sariling mga ideolohiya.” Kakatwang panawagan ito mula sa intelektwal na malawak at malalim ang kaalaman sa pilosopiya at iba pang larangan ng kaalaman. Magsimula sa wala? Taliwas ito kahit sa pagbabalik-aral niya sa kasaysayan ng komunismo sa daigdig. O sinasabi ba niyang walang anumang mapupulot ang mga progresibo sa kasalukuyan sa kasaysayang inaral niya?

Mas malamang, eksaherasyon lang ito ni Zizek. Baka mas gusto lang niyang idiing kailangan ang pag-aaral sa kasalukuyan ng mga progresibo, sa halip na ang palaging pagbabalik-tanaw sa nakalipas. Pero problematiko rin kahit ang ganitong pag-unawa. Kailangan ang pag-aaral sa kasalukuyan, at ang pag-aaral din sa nakalipas. Kung tutuusin, ang mga takot na makikita sa Kaliwa sa ibang bansa – takot sa organisasyon, sa dahas, sa mahirap na pakikibaka at pagbubuo ng sosyalismo, halimbawa – ay nakaugat sa hindi masinsing pag-unawa sa kasaysayan ng Kaliwa sa mundo. Sa panahong pinapawi ang progresibong alaala sa nakaraan, mas mahalaga ang ganito.

Hindi man nila gusto, ipinapakita ng mga sanaysay nina Chomsky, Ali at Zizek ang mga kahinaan ng Kaliwa sa Kanluran at iba pang bansa: ang pagkakasya sa pagtuligsa sa sistema, lalo na sa pinakabulok na aspekto nito, bagamat makabuluhan ang pagtuligsa at bago ang mga punto; at ang pangkalahatang pag-unawa sa kasaysayan ng kilusang progresibo sa mundo, na nauulapan pa ng mga pagsusuring Trotskyista. Sa tingin ko, kailangang idagdag sa mahusay na pag-aaral sa kasalukuyan ang pangangailangan sa mahusay ding pag-aaral sa kasaysayan para wastong matukoy ang mga kahinaan at pagkakamali, at mahango ang mga paglilinaw na kailangan ngayon.

10 Disyembre 2009

Mabuhay ang mga lumusob sa UP Diliman sa nakaplanong pagdalaw ni Gloria! Narito ang mga larawan sa Arkibong Bayan sa nangyari. Narito naman ang nakakatawa at nakakatuwang tala ni Prop. Sylvia Estrada-Claudio sa kanyang partisipasyon sa protesta.

Kasunod ng matatagumpay na lektura sa Inglatera tungkol sa kasalukuyang krisis pampinansya at pang-ekonomiya – kasama ang lekturang ito ni Zizek – may reyalisasyon o naisip si Nina Power, progresibong blogger at teorista, tungkol sa posibilidad ng “proletaryong unibersidad” sa kanilang bansa. Ubra kaya ito sa Pilipinas?

May mahahalagang punto si Mike Ely, komunistang Amerikano, tungkol sa militaristang patakaran ni Presidente Barack Obama ng US, at sa ilusyon ng ilang maka-Kaliwa, liberal at repormista sa kanya.

May isa, dalawang isinulat ang Marxistang intelektwal na si E. San Juan, Jr. tungkol sa madugong rekord ng rehimeng US-Arroyo, kaugnay sa partikular ng kakatapos na masaker sa Maguindanao. Heto naman ang kay Ellen Tordesillas, mamamahayag.

Sinuma ni Gingmaganda ang sentimyento ko tungkol sa Facebook. Pero baka para sa aming nakakaunawa lang sa kantang “At Seventeen” ni Janis Ian ang modang ito? Hehe.

May sulatin si Harpal Brar tungkol sa ugnayan ni Stalin sa rebolusyong Tsino.

Anibersaryo noong Disyembre 4 ng pagpatay ng FBI kay Fred Hampton, lider ng Black Panther Party sa US.

Muli na palang nailibing si Victor Jara, ang progresibong musikerong Chileano na minsan nang naging paksa ng isang entri sa blog na ito.

Ang doktrina ng strained relations na mahalaga sa mga maka-manggagawa sa bansa, ayon kay Atty. Remigio Saladero, Jr.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • teridon  On December 10, 2009 at 2:16 pm

    something’s wrong with your links.

  • Kontras  On December 11, 2009 at 3:28 am

    I think socialism fell but not in Berlin. It fell before Berlin. It fell in the 50s-60s. In China, it fell in the late 70s-early 80s.

  • kapirasongkritika  On December 11, 2009 at 3:57 am

    @ teridon: Salamat sa pagtawag ng pansin! Inayos ko na po.

    @ Kontras: Gusto ko ang periods na tinutukoy mo, na talaga namang nagpapakita ng important shifts sa nasabing mga bansa. Pero bumagsak ba sila noon? Tama bang ilarawang ganoon? Hehe.

  • guillerluna  On December 11, 2009 at 5:15 am

    uy, paborito ko ang at seventyeen. hehehe.🙂

  • guillerluna  On December 11, 2009 at 5:53 am

    infernez, bet na bet ang mga ni-raise mong punto. pero anong tingin mo nga sa sosyalismo with a human pez”?

  • Kontras  On December 11, 2009 at 6:01 am

    It fell or got killed from inside. I think that’s just another way of saying that capitalist elements undermined it from within. I agree that what collapsed were sham socialisms. Some are still standing.

  • kapirasongkritika  On December 11, 2009 at 11:56 am

    @ guillerluna: Nagbalik ka! Hehe. Naging nominee para maging song of the year iyan noong 1976:

    Maganda ang tanong mo. Kung isusulat ko ulit ang sanaysay, isisingit ko ang sumusunod na paragraph:

    Sa tingin ko, kailangang igiit na ang “sosyalismo na may mukhang makatao” ay ang sosyalismo mismo, na kung may mukha mang hindi makatao ang sosyalismo, iyan ay laan sa mga mag-oorganisa ng armadong paglaban at pagsabotahe – na malamang na magmula sa dating mga naghaharing uri at sa imperyalismo. Sa puntong nilabanan ni Dubcek ang modernong rebisyunistang rehimen sa Unyong Sobyet, mas bukas sa simpatya ang mga aksyon niya. Pero kung mayroon mang “sosyalismong may mukhang makatao” sa kasaysayan, umiral iyan sa Tsina sa pamumuno ni Mao. Dahil hindi ito sinasabi ni Zizek, malamang na iba ang iniisip niya at sa gayo’y problematiko.

    @ Kontras: Nagkakasundo tayo, kung ganoon. Mas “pro-capitalist elements from within” siguro ang sasang-ayunan ko nang lubos. Paano naman ang ibig mong sabihin sa “some are still standing?” Hehe.

  • Kontras  On December 11, 2009 at 1:21 pm

    By capitalist elements, I guess I was referring to more than just people, but remnants of capitalism in general (social relations, ideologies) that somehow, through I guess the agency of people (“pro-capitalist elements) wrested the upper hand and then progressively destroyed the socialist elements.

    Some sham socialisms are still standing, socialist republics that survived “Berlin” but have embraced capitalism.

  • kapirasongkritika  On December 13, 2009 at 4:21 pm

    Okey. Magkasundong-magkasundo pala tayo. Hehe.

    Totoo! Communist Party pa rin naman ang namumuno sa Tsina! Hehe. Pero talagang malayo na ang ginagawa nila, kahit pa sa palusot na “socialism with Chinese characteristics,” oportunistang paggamit kay Mao!

  • diwa81  On December 14, 2009 at 1:31 am

    di ko pa nabasa ang post mo, haba kasi. nagtataka lang ako sa mga naglalabas ng tungkol sa berlin wall, binabanggit lang nila ang noon. hindi nila matalakay kung ano na ang kalagayan ngayon ng germany sa ilalim ng hayagang kapitalismo. gusto lang nilang laruin ang sentimental na damdamin ng mga tao.

  • kapirasongkritika  On December 18, 2009 at 4:41 am

    Totoo ka. Heto ang ilang magandang artikulo ni Victor Grossman, tungkol sa epekto ng pagbagsak ng Berlin Wall sa mga sinasabing pangunahing dapat makinabang dito, ang mga Aleman:

    http://www.monthlyreview.org/mrzine/grossman201008.html

    http://www.monthlyreview.org/mrzine/grossman101109.html

    http://mrzine.monthlyreview.org/grossman200905.html

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: