Cardenal Sin, o Mapagpalayang Pasko

Sino’ng sawa? Sino’ng galit?
Sumigaw ngayong gabi:
Hallelujah!
— Bamboo

(1) Matagal na akong may librong The Gospel in Solentiname, Tomo 1, limbag ng progresibong Orbis Books noong 1976, ni Ernesto Cardenal — makata, pari at rebolusyunaryo ng pag-aalsang Sandinista sa Nicaragua. Matagal na kasi akong interesado sa tinatawag na “liberation theology” na mas pinipili yatang tawagin ngayong “theology of liberation” ng mga progresibong taong simbahan sa bansa. Matagal ko na ring gustong basahin ang libro, at naging mainam na pagkakataon ang nakaraang Pasko para gawin ito, at alamin ang rebolusyunaryong pagpapakahulugan sa okasyong itong taun-taong ipinagdiriwang ng marami.

Hindi pangaral ni Cardenal ang laman ng libro, hindi monologo niya o “diyalogo” sa mambabasa, ni hindi rin diyalogo sa pagitan ng dalawang tao. Diskusyon ang nilalaman, na pinangasiwaan ni Cardenal sa kapuluan ng Solentiname sa Nicaragua sa loob ng mahigit isang dekada kasama ang mga magsasaka at mangingisdang tinatawag nilang campesinos — dahil nakatira sa “campo” o probinsya o sakahan. Sa halip daw na sermon ang gawin sa mga misa, ang mga talakayang ito ang pinadaloy ni Cardenal. Ang ginagawa: may nagbabasa ng mga sipi sa Bibliya, at pagkatapos ay malayang talakayan na.

Sa introduksyon, ipinagtapat ni Cardenal na may mga lumahok na mas madalas magsalita. May mistikal, teolohikal at konserbatibo. May laging nagdidiin sa pag-ibig, pagkakapantay-pantay at pagkakaisa. May laging nag-uugnay sa “pakikibakang proletaryo” at sa “perpektong lipunan ng hinaharap.” Mayroon ding matandang hindi marunong magbasa pero malalim ang sinasabi, habang may lider na laging patungkol sa kabataan ang sinasabi. Ang kapansin-pansing wala sa hanay nila, kung ibabatay sa teksto? Kahit isang taong may katatawanan sa katawan. Sa palitang-kuro nila luminaw ang ebanghelyo sa Solentiname.


(2) Siguro, dahil rebolusyunaryong pari si Cardenal, marami siyang nasiwalat na mahalagang impormasyon hinggil sa Bibliya sa walong kabanatang binasa ko.

Ang dulo pala ng “At ang Salita ay naging laman at namuhay kasama natin,” sa wikang Griyego ay “nagtayo ng tolda sa ating gitna” — na mas akma sa sitwasyon ng mga Hudyo noong exodo, kung kailan namuhay sila sa mga tolda. Sa ngayon, sabi ni Cardenal, pwede itong isalin na “nagtayo ng barung-barong sa ating gitna” kung sa mga lugar na urbanisado, o “kubo” sa mga lugar na rural.

Bagamat “tagapagligtas” o “kaligtasan” ang laging salin ng pangalang “Hesus,” sabi ni Cardenal, mas angkop — batay sa kalagayan noon sa Nicaragua, at kahit ngayon, at sa orihinal na Hebreo — na isalin itong “tagapagpalaya” o “paglaya.”

May bahagi palang subersibo ang Awit ni Maria, ang Magnificat, na ikinasindak maging ng mga tsar noon ng Rusya. “Kinakaladkad Niya ang makapangyarihan mula sa kanilang mga trono at itinataas ang mapagpakumbaba. Pinupuno Niya ang nagugutom ng magagandang bagay at wala Siyang itinitira sa mayaman.” Kung ngayon ito sasabihin ng kahit na sino, sabi ng katalakayan ni Cardenal, tatawagin o paparatangan siyang “baliw.” O kaya naman ay “komunista.”

Noong lumaya ang sambayanang Hudyo sa Ehipto, pinagbawalan ng Diyos ang mga tao na magkaroong muli ng alipin at maralita sa hanay nila. Sa tingin ni Cardenal, ito ang dahilan kung bakit kailangan ang “pagpapalaya” ni Hesus.

Ang mga pastol sa Bethlehem na pinagpakitaan ng anghel at sinabihan nito ng mabuting balita tungkol sa pagsilang ng tagapagpalaya, sila pala ang nasa pinakamababang antas ng lipunan sa Israel noon. Ano kaya sila sa ngayon?


(3) Sa isang banda, hindi mahirap makahanap ng pampulitikang kabuluhan sa kwento ng pagkakapanganak kay Hesus — lalo na ang mga naghahanap dito, at lalo na kung maka-Kaliwa. Inanunsyo ang pagkakapanganak sa kanya na pagsilang ng tagapagpalaya sa kawalang-katarungan. Maralita ang naging ina at ama-amahan niya, at isinilang siya sa sabsaban. Sa mga pastol ipinaalam ang pagdating niya — kaya nga ang hinala ng isang katalakayan ni Cardenal, ang “bituin” na gumiya sa “tatlong hari” ay walang iba kundi ang sambayanang nag-uumapaw sa usap-usapan tungkol sa pagsilang ng kanilang tagapagligtas.

Ipinanganak pa si Hesus sa panahon ni Herodes, na nag-utos na patayin sa sakal ang dalawang anak niyang lalake sa hinalang nagsasabwatan ang mga ito, at pumatay din sa isa sa mga asawa niya. Noong ipinanganak si Hesus, ipinag-utos din niya ang pagpatay sa 300 kawani ng gobyerno dahil din sa hinala ng pagsasabwatan. Ipinanganak samakatwid si Hesus hindi lang sa gitna ng kawalan ng pagkakapantay-pantay, sa gitna ng pagsasamantala at pang-aapi. Ipinanganak siya sa “atmospera ng panunupil at terorismo,” sabi ni Cardenal.


(4) Sa kwentong ito, at sa mga kaugnay pang kwento, marami nang lilitaw na negatibong komentaryo sa takbo ng lipunan, sa Nicaragua man o Pilipinas.

Ang pagdiriwang ng Pasko na hindi selebrasyon ng pagdating ni Hesus bilang tagapagpalaya, kundi “pagdiriwang para gumastos ng pera (para sa mga may pera), magkaroon ng good time, sumayaw o gumawa ng kung ano.”

Ginagaya ng marami ang “tatlong hari” sa pagbibigayan ng regalo tuwing Pasko, pero ang mayayaman, sa kapwa-mayaman din nagbibigay ng maraming regalo.

Noong ipinatawag ni Herodes ang mga pari, nagsidatingan naman ang mga ito, na tila mga tagasuporta niya at payag sa mga pagpaslang na ipinatupad niya.

Laging sinasabi ng mga taong-simbahan na isinilang sa sabsaban si Hesus, na ipinanganak siyang mahirap, pero ang lagi nilang pinupuntahan sa buong taon, at kahit siguro tuwing Pasko, ay ang mga bahay at palasyo ng mayayaman.


(5) Tinalakay nina Cardenal ang mga bersong tungkol mismo sa pagsilang kay Hesus ilang araw matapos yanigin ng isang malakas na lindol ang Managua, kapitolyo ng Nicaragua. May kabuluhan ang mga punto nila para sa atin, na sinalanta ng Ondoy at Pepeng, at sinasalanta ngayon ng pagputok ng Mayon.

Sabi ng isa, na malinaw na naniniwalang panig ang Diyos sa maralita, hindi parusa ng Diyos ang mga pasakit “dahil ang maralita ang laging nagdurusa nang husto” sa mga kalamidad. Madali nga namang tumakas ang mayayaman.

Sabi pa ng isa, na para bang sumasagot sa mga haka-haka ng marami, “Hindi nangyari ang lindol dahil sa mga kasalanan. Pero nangyari ang mga epekto ng lindol dahil sa mga kasalanan, dahil ang pagkamakasarili ay kasalanan.”

Sa Pilipinas, matutukoy siguro ang pagkamakasarili ng mga kapitalistang “developer” at administrador ng dam, halimbawa, na dahil inuna ang tubo sa kapakanan ng lipunan ay nagpatindi sa pagbaha at nagdulot ng kamatayan.


(6) Makikita sa diskusyon nila ang paghalaw sa Bibliya ng mga lumahok ng oryentasyon sa pakikibaka, paano ituturing ang sarili, ang kapwa at ang kalaban. Pero ang talagang bago sa akin sa mga talakayan nina Cardenal ay ang pagbibigay-kahulugan sa naging mga aksyon nina Maria, Jose at Hesus.

Luma na ang kay Hesus: “Siya ang pinakamagaling na rebolusyunaryo. Dahil bilang Diyos, pumanig siya sa maralita at bumaba siya sa langit para maging miyembro ng mababang uri at ibinigay niya ang buhay niya para sa ating lahat.”

Simple lang ang kay Jose: Tinanggap niya ang maging ama ng tagapagpalaya nang may kasiyahan, at may sakit din — dahil alam niyang may pagdurusa at sakripisyong kaakibat ang pagpapalaya. Itinuring itong aral para sa mga magulang ng mga kabataang sangkot sa pagpapalaya ng mga komunidad.

Bago sa akin ang kay Maria: Sa pagtanggap niya sa mensaheng ipagdadalang-tao niya ang tagapagligtas, na dapat ilihim, sumali na rin siya sa hanay ng mga subersibo. “Pakiramdam siguro niya,” hinala ng isa, “sumali siya sa kung anong underground.” Sabi naman ng isa, tulad ni Maria, hindi dapat matakot ang mga tao na maging mahalaga — ang lumahok sa mahalagang misyon sa lipunan.

Paglalagom ng isa: “Dapat hangaan natin higit sa lahat ang kanyang pagiging masunurin (obedience). Dapat handa rin tayong sumunod. Rebolusyunaryo ang pagsunod na ito dahil pagsunod ito sa pag-ibig. Napaka-rebolusyunaryo ng pagsunod sa pag-ibig, dahil inaatasan tayo nitong labagin ang lahat.”


(7) Sabi sa dulo ng libro, nagtagumpay ang “rebolusyong Sandinista” sa Nicaragua noong 19 Hulyo 1979 — ibig sabihin, 30 taon na ngayon. Hindi man tama ang paggigiit ng ilan sa pambansa-demokratikong kilusan noong unang hati ng dekada ’80 na ang “modelong Nicaraguan” ang dapat tularan at hindi ang “modelong Tsino,” at malabo man ang “sosyalismo” na itinaguyod nila, mabibigyang-halaga ang pag-aalsa sa Nicaragua bilang kontra-imperyalista.

Sa mga kabanatang nabasa ko, makikita sa libro ni Cardenal ang pagsusuring kapitalista ang lipunan sa Nicaragua. Halos walang pagbanggit sa mga dayuhang nagsasamantala o nang-aapi sa kanilang bansa, at isang beses lang nabanggit ang salitang “imperyalista” — kaugnay pa ng gera sa Vietnam, na para bang pwede lang banggitin ang salita kung may kinalaman sa militarismo.

(8) Taong 1979 din nalathala ang mahalagang librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. Dito, sistematikong ipinakita ni Ileto kung paanong ang pasyong mahal — oo, ang binabasa sa mga pabasa kapag mahal na araw — ang naging “wika” o “balangkas” ng pag-unawa ng mga lumahok sa rebolusyong 1896 sa kanilang pagkilos. Aniya, nagamit ng mga nag-alsa ang buhay at kamatayan ni Hesus bilang moda nila ng paggagap sa pakikibakang inilulunsad nila noon.

Sa kasaysayan ng bansa, marami sa mayor na pagkilos ng sambayanan — mula sa rebolusyong 1896 hanggang sa Edsa 1986 at Edsa 2001, pero parang hindi tampok ang paglaban sa mga Hapon at malinaw na hindi kasama ang Sigwa ng Unang Kwarto — ang may tampok na elementong relihiyoso, iba-iba man siguro ang silbi ng relihiyon o pananampalataya sa mga pagkilos na ito ng sambayanan.

Sa isang bahagi ng talakayan, ipinaliwanag ng kausap ni Cardenal ang bagay na ito: “sa kanilang pagkaalipin, kailangang bumaling ng maralita sa Diyos kada araw.” Kung sasandigan natin ito, magtitiwala tayong patuloy na magiging mahalaga sa buhay at pakikibaka ng maralita ang relihiyon at pananampalataya. Pero mahalaga pa kaya ito sa buhay nila, lalo na ng mga kabataan sa hanay nila?

28 Disyembre 2009


Mabuhay si Kasamang Joseph Stalin! Ika-130 taon ng kapanganakan pala niya noong 21 Disyembre. Narito ang mga parangal sa kanya ng mga rebolusyunaryo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pansinin ang parangal ni Ernesto “Che” Guevara ng Cuba. Heto naman ang mga kritika sa numero unong kritiko ni Stalin na si Leon Trotsky.

Mabuhay si Mong Palatino! Heto ang mga pagmumuni-muni niya sa ilang panahon niya ng paglilingkod sa Kongreso bilang kinatawan ng Kabataan Partylist.

Mabuhay si Herb Gamberg! Heto ang artikulo niyang tumatalakay sa madalas kaligtaan ng progresibong mga intelektwal sa gitna ng pagtalakay sa kung anu-ano – ang demokratikong sentralismo at ang halaga nito sa pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan.

Mabuhay si Kenneth Guda! Nailipat na niya sa WordPress ang mga entri niya sa dati niyang blog sa Motime.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • tayomismo  On December 29, 2009 at 6:49 am

    napakaganda! sana ay yakapin ng lahat ng relihiyoso ang theology of liberation.

    follow christ, serve the people!

  • ker  On December 29, 2009 at 12:56 pm

    sumakto pa sa anib ng Student Christian Movement!🙂

  • anton  On December 29, 2009 at 3:05 pm

    teo, baka pwedeng gumawa ka ng follow-up article? hinggil sa kung ano mismo ang nilalaman ng theology of liberation. gumawa kasi ako ng reflections ko hinggil dun sa Facebook nung Pasko. may isang negatibong nag-react. hahaha

  • Leon  On December 29, 2009 at 3:06 pm

    Napadiretso ako sa mga tidbits sa dulo at nabasa ang hinggil sa demsen. Naku, paborito kong ipaliwanag ito dahil dito mo maisisiwalat ang kabulukan ng liberal democracy, at dito mo maipapaliwanag na hindi diktadurya ng minorya ang diktadurya ng proletaryo.

  • kapirasongkritika  On December 29, 2009 at 4:36 pm

    @ tayomismo: Salamat! Sana nga.

    @ ker: Talaga? Kailan ba? Mabuti naman kung ganoon.

    @ anton: Naku, sige, subukan natin, ha. Pero baka hindi pa kasunod nito. Ano ba sabi mo? Makabuluhan naman kasi ang theology of liberation. Kung hindi ka resolbado nang buo, kahit kilalanin mo lang na entry point siya para sa iba, at posibleng sa marami. Magandang konsepto iyan sa atin: entry point. Hehe.

    @ Leon: Maganda ang artikulo ni Gamberg. Akala ko, hindi sa DemSen dudulo ang artikulo niya. So pleasant surprise ang dating sa akin. Hehe. Sana makatulong sa pagpapaliwanag mo.

  • Leon  On January 1, 2010 at 12:09 pm

    Siyangaps, ginoo. Lumikha kami ng facebook page para sa inyong mumunting blog. Naisip lang namin na magandang paraan ito para mas-ibayong madisseminate ang diskurso dito sa mga tao, lalo sa hindi pa nagagawi dito kahit minsan. Hehe.

    Isang dakilang hakbang pasulong sa inyo ngayong 2010!

  • Leon  On January 1, 2010 at 12:09 pm

    Yung link nga pala, kung sakaling magawi kayo sa peysbuk: http://www.facebook.com/pages/Kapirasong-Kritika/394964650401?ref=nf

  • kapirasongkritika  On January 1, 2010 at 5:15 pm

    Naku, kayo pala. Nakita ko nga sa Stats na may mga dumarating dito galing sa FB. Salamat nang marami! Nakakahiya naman. Salamat at may kaibigan ako ritong may FB account, nakita ko ang mga miyembro. Salamat din sa kanila!

    Totoo. Pasulong na taon sa ating lahat! Batay sa mga natanggap kong text, marami ang optimistiko sa bagong taong ito. Bakit kaya? Hehe. For one, looking forward tayo sa pagtatapos ng bwisit na rehimeng ito! Hindi pa tagumpay ng tunay na pagbabago, pero ginhawa na rin… sana.

    Salamat ulit!

  • Leon  On January 2, 2010 at 5:26 pm

    May inkling din ako kung bakit may wave of optimism. Hoho. Under moderation pa rin ang tugon ko dun sa “Alex” sa Kasama site. Buti nalang at pasok na ang tugon niyo. Ayoko lang namang banatan agad ang hungkag na yon at agarang kwestyunin ang kanyang ideolohiya, pero salamat at ginawa niyo na mismo ito. Hehe.

    May kutob akong Trotskyite ang mokong na iyon, pagkat sa karanasan ng paglulurk ko sa mga Marxistang website ay mga Trot ang mahilig sa abstraktong sosyalistang teorya. Pero off-topic na ako. Mabalik ako.

    Ang dating daw sa mga Kristyanong kaibigan ko kung nakikidiskurso ako ay tila masyadong academic. Ganito ba sa karanasan ninyo (at ng mga mambabasa dito) kung ang framework mo ay Theology of Liberation? May paraan bang makipagdiskurso na hindi ka mauuwi sa “scripture war”? Hehe.

  • kapirasongkritika  On January 4, 2010 at 8:40 am

    Feeling ko, Trotskyista iyun. Sila naman ang mahilig mangarap ng rebolusyon at maglaan ng napakaraming oras sa internet. Hehe.

    Gusto ko ngang magsulat ng entri tungkol pa sa isinulat ni Mike Ely, pero baka masyado na akong nagdu-dwell sa paksang Noynoy-Villar, etc.

    Ay, kapag Liberation Theology, dapat hindi akademiko. Madalas kasi, magsasaka o manggagawa ang kasangkot, kaya dapat simple. Kung kaya ngang maging “kasabihan” ang porma, mas mainam.

    Sa isang banda, hindi maiiwasan. Pero sa kabilang banda, may mga bagay na masasabi mo nang tiyak na hindi kailangang masyadong magpalawig. Halimbawa: maralita si Hesus, at nangaral siya ng pamamahagi ng lupa.

  • missphilippines  On January 9, 2010 at 10:59 am

    go SCM!

  • Leon  On May 26, 2010 at 11:43 am

    May nagsabi pala sakin, Teo, na mga SocDem daw ang gumagamit ng Lib Theol sa organizing. Meron kasi akong kaibigan na gustong gawing thesis ito sa community development course nila, eh ang magiging source nga daw nya sabi ng mga pinagtanungan ko ay puro RJ.

    Would it be a waste kung pagtuunan natin ng pansin ito at gamitin para sa sarili nating pag-oorganisa?

  • kapirasongkritika  On May 27, 2010 at 6:44 pm

    Hindi naman siguro. Kasi marami talagang relihiyoso sa bansa at dahil ganito ang moda ng produksyon natin, talagang maaasahan mong matindi ang paniniwala ng mga tao rito. Mahalaga sa tingin ko ang maitutulong ng liberation theology — bilang entry point para sa ibang tao, sa minimum. Pero mayroon talagang matagal na ring aktibista pero naniniwala pa rin sa Diyos.

    Syempre, gagamitin ito ng SocDem sa sarili nilang paraan. At kahit ng mga RJ din. Pero baka dahil mas sila nga ang nag-aral talaga nito. Pero hindi nangangahulugang reaksyunaryo na agad ito. IMHO lang naman. Hehe.

  • bryan  On June 11, 2010 at 11:20 pm

    pwede po ba kayong gumawa ng dagdag pang pagpapaliwanag sa liberation theology? balak ko po kasi siyang gawing topic para sa thesis ko.

    masasabi po ba nating marxista ang pamamaraang ginamit ng mga nagtaguyod ng liberation theology at ano po ba iyong pagtingin doon ng mga “marxista” o mlm na mga tao sa partikular (hehe)…

    pero kung sa entry na ito, maganda naman, kaso parang doon sa libro na ginawan niyo ng komento, at batay sa komento niyo, parang walang aktibong paglahok iyong masa at mayroon pa ring, sa isang antas, pagkilala sa isang trancendental being na hiwalay sa lupa na “nagpapalaya” sa mga pinagsasamantalahan…(o hindi ko lang siguro naintindihan?)

    paano po ba natin mapagtatagpi iyon? (ang pagkakaroon ng isang transcendental being na mula sa labas at iyong linyang masa-kilusang masa)?

    salamat po…

  • kapirasongkritika  On June 12, 2010 at 4:46 pm

    Naku, parang gusto ko ngang gumawa ng iba pang entri tungkol sa tanong mo.

    Syempre, iba-iba ang pagtingin sa usapin. Pero pakiramdam ko, mas malaganap ang “working within” sa relihiyon kaysa sa “expose and oppose” mula sa labas. Marami rin kasing pagbasa at implikasyon kahit ang sinabi ni Marx na “opyo ng masa” ang relihiyon.

    Actually, isang tensyon talaga ang tinukoy mo sa liberation theology. Paano ang paniniwala sa Diyos at ang halaga ng pagkilos ng masa? Paano pagsasalubungin? Marami siguro ring paraan.

    Paborito ni Winnie Monsod, neoliberal na ekonomista, na sabihing “Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa.” Naniniwala siya sa Diyos pero hindi ibig sabihin na hindi niya todong itataguyod ang makauring interes niya — at ng mga uring pinaglilingkuran niya.

  • bryan  On June 13, 2010 at 2:37 am

    pero paano po mabibigyang katwiran iyong sinabi ni lenin sa state and rev. na ang pyudal at kapitalistang sistema ng lipunan ay dinistort ang rebolusyonaryong diwa ng kristyanismo na tulad ng pagdistort ng mga rebisyunista sa rebolusyonaryong diwa ng marxismo…sa ganito po, mula sa materyalistang pananaw, ibig sabihin, may aral ang bibliya kaugnay ng kilusang masa at pagbabago ng lipunan, pero paano pa rin napasok iyong “transcendental being” sa liberation theology, sa presumption na iniluwal ang lib.theo ng marxismo?

    noong panahon po ba ng russia, anong naging itsura ng relihiyon?.

    ano rin po masasabi niyo sa librong communism in the bible ni jose miranda?, ito po iyong unang librong nabasa ko tungkol sa liberation theology at maganda po siya…hehe…tingin ko mahusay na nailapat ang marxismo sa pagsusuri ng bibliya sa librong ito…

    si paulo freirepo ba ay isa ring tagapagtaguyod ng liberation theology?

    maraming salamat po, natutuwa ako at nakita ko itong site niyo, dahil na rin kay leon.,..hehe…siya po iyong nagbanggit sakin ng tungkol dito..maganda nga…

  • kapirasongkritika  On June 14, 2010 at 9:22 am

    Iyun nga ang isang hamon, kung batay sa sinabi mong sinabi ni Lenin: ang pagitawin ang mapaghimagsik — kung hindi pa man eksaktong “rebolusyunaryo” — na diwa ng Kristiyanismo.

    Iyung kongkretong pagkakasundo sa dalawa — sa paniniwala sa transcendental being at sa kilusang masa — iba-iba kung paano ginawa iyan. Pero sa tingin ko, hindi rin naman talaga nangangahulugan ang paniniwala per se sa Diyos na ipapaubaya mo na sa kanya ang lahat-lahat — at kahit ang mga Pilipinong naniniwala sa Diyos, hindi rin naman ganyan sa totoong buhay. So may lugar sa human agency kahit sa ganyang paniniwala.

    Maganda nga iyang librong iyan ni Miranda. Magandang mapalaganap natin ang mga sinasabi niya diyan. Nakakatuwa ring makita ang gitla ng mga reaksyunaryo sa ganyang pagbasa sa Bibliya.

    Parang hindi tampok sa akda ni Freire ang pagiging lib theo, though marami siyang preokupasyon na siya ring preokupasyon ng lib theo.

    Salamat at natutuwa ka. Ikaw ba ang nagri-research tungkol sa lib theo na sinasabi ni Leon? Ibahagi mo sa blog na ito ang findings mo, ha. Interesado talaga ako sa usaping ito. Ingatz!

  • bryan  On June 17, 2010 at 11:48 am

    ako nga po yun…hehe…sige po…sa ngayon, pinayagan akong mag-explore pa kaugnay nung topic, kung makakahanap ako ng tanong na kailangan ng sagot kaugnay ng lib.theo. at syempre may kaugnayan sa community dev’t, bilang yun ang course ko, mukhang matatanggap naman…sana po may maimungkahi kayo…

    ang naiisip ko ngayon para madali sa bahagi ko ay iyong kilusang kabataang-estudyante at lib.theo…paano magagamit iyong prinsipyo ng lib.theo para muling makapagpalakas o mapuspos ang pagpapalakas ng pagpapakilos sa kabataang-estudyante para sa pagsusulong ng interes nila at ng lipunan sa pangkabuuan…

    pasensya na po sa abala…

  • bryan  On June 17, 2010 at 11:53 am

    tapos po pala, iyong iminungkahi sa akin nung prof namin ay “ano na ba ang lib. theo sa here and now, in relation sa praktika niya ngayon”, kasi daw ito ay noon pang 80’s…

    tapos may binabasa po ako ngayon na libro, yung theology,politics and struggle, inilabas ng nccp noong 1986, post-EDSA1, ano po ba tingin niyo sa librong ito? at sa mga nag-ambag/nagsulat dito?.halimbawa kay ed dela torre…

  • kapirasongkritika  On June 18, 2010 at 10:17 am

    Bryan, syempre, praktika ang batayan natin kung makakatulong ang isang kilusang panlipunan tulad ng liberation theology, hindi ba? Kaya bagamat gusto nating paglingkurin sa organizing natin ang paksa natin, baka mahirap kung kabataan-estudyante ang pag-aaralan natin. Iyun ang layunin natin, pero beyond the thesis na siguro iyun.

    Kaya maganda ang mungkahi ng propesor mo. Maganda ngang malaman iyung praktika ng liberation theology ngayon — mga taong simbahan, mga Basic Christian Communities, at iba pa. Pwedeng historikal ang lapit mo. Mula noong 1970s hanggang sa kasalukuyan — at ang mga pagbabago kaugnay ng pagbabago sa Kaliwa.

    Hindi ko pa nababasa ang libro. Iyung kay Ed dela Torre, batay sa libro at mga sulatin niya sa panahong iyan, sa tingin ko lang naman, may magaganda siyang ambag sa liberation theology sa bansa. Pero kailangang suriin ito sang-ayon sa tinungo ng pulitika niya. May balita, halimbawa, na noong nasa Tesda siya, nagsanay ang Tesda ng mga GROs!

    Ibig sabihin, kailangang kritikal na suriin kung alin sa mga kaisipan niya noon ang naglilingkod pa rin sa progresibong pulitika sa bansa ngayon at alin ang hindi. Hindi para itanghal siya, kundi para mahalaw ng progresibong pulitika ngayon. Mahirap na gawain iyun, pero kapaki-pakinabang naman — IMHO. Hehe.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: