Help Haiti, Reject Robertson

HAITI

Grabe ang nangyari sa Haiti sa Latin America. Niyanig ang bansa ng napakalakas na lindol. Tinatayang 500,000 o kalahating milyon ang namatay. Nasira ang maraming gusali sa itinuturing na pinakamahirap na bansa sa Kanlurang hati ng mundo. Maging ang Malakanyang nila, gumuho. Mabagal pa raw ang pagdating ng saklolo sa bansa.

Katulad ng bagyo, hindi mapipigilan ang pagtama ng lindol. Pero napapasahol o napapahina ang epekto nito sa isang bansa depende sa istrukturang panlipunan doon. Kahit sa bagay na ito, internal sa isang lipunan ang mapagpasya – maliban na lang kung talagang ibang antas na ang tindi ng kalamidad na tatama sa nasabing lipunan.

Sa mga talakayan ngayon sa Internet kaugnay ng nangyari sa Haiti, lumalabas na pinatindi ng istrukturang panlipunan sa nasabing bansa ang epekto ng lindol. Napakarami kasing tao ang nakatipon sa Port-au-Prince, kapitolyo ng bansa. Noong tumama ang lindol, ang mga taong ito ang tinabunan ng mga gusali at mga bahay.

Kontrolado kasi ng makapangyarihang mga bansa, pangunahin ng US, ang Haiti. Nagtayo sila ng mga pabrika sa mga syudad, tampok ang Port-au-Prince. Itinulak ang bansa na magparami ng reserbang lakas-paggawa, ng mga taong walang trabaho, sa mga lungsod. Para nga naman mabarat ang sahod ng mga manggagawa sa pabrika.

Halos kasabay, nagtambak ang ibang bansa, pangunahin ang US, ng bigas at iba pang produktong agrikultural. Walang laban ang mga produktong agrikultural ng mahirap na bansa sa mga produktong sinubsidyuhan ng pinakamakapangyarihang gobyerno sa mundo. Bumagsak ang agrikultura; maraming magsasaka ang nawalan ng kabuhayan.

Ang mga salik na ito ang dahilan kung bakit nakatipon ang napakaraming maralita sa lungsod. Mga magsasaka sila dati na itinaboy ng karalitaan sa kanayunan at inakit ng katiting na pag-asang ibinibigay ng lungsod. Katiting dahil di-regular na trabaho ang iniaalok, kakarampot ang sahod na bigay, at kayod-alipin ang hinihingi – sweat shops.

Dahil sa kalagayang ito, malaking bahagi ng populasyon ng Haiti ang nasa ibang bansa, nagtatrabaho. May nagsasabing ang pinakamalaking pinagkukunan ng kita ng Haiti ay ang remitans ng mga migrante – muntik ko nang sabihing “OFW” – nito na nasa US. Kaya malaking isyu ang pagpapalayas sa mga migranteng Haitians na nasa US ngayon.

Malamang na mas matindi ang kalagayan ng Haiti kumpara sa Pilipinas. Pero pamilyar ang larawan nito para sa mga Pilipino. Pareho kasing biktima ng neoliberal na globalisasyon ang dalawang bansa. Sa retorika, malayang pamilihan at kalakalan; sa kongkreto, masusunod ang kahit anong gusto ng mayayamang bansa at korporasyon.

Sa pagtama ng lindol sa Haiti, nakikita ng mundo ang epekto ng neoliberal na globalisasyon, at kung paano nito ginagawang mas bulnerable ang mga tao sa pinakamatinding epekto ng natural na kalamidad. Kailangan ngayon ng Haiti ang pagkain, tubig, gamot, damit at bahay – mga bagay na noon pa ma’y kapos sa bansa.

Ang kapansin-pansin, sa kabila ng lapit ng US sa Haiti, at ng kontrol ng una sa ikalawa, nag-utos lang si Pres. Barack Obama ng pagsiyasat sa saklaw ng pinsala sa Haiti sa araw na pumasok na ang tulong ng ibang bansa rito: ng Tsina at ng kontra-imperyalistang Cuba at Venezuela. Ito ang “kaibigang maaasahan” ng Pilipinas.

ROBERTSON

Sabay-pasok si Pat Robertson – televangelist ng “700 Club” na palabas sa Channel 7 dati, hindi ko lang alam kung hanggang ngayon, kung saan lumalabas din ang aktres na si Connie Reyes-Mumar. Sabi niya, naganap daw ang lindol dahil pinaparusahan ng Diyos ang Haiti dahil sa “pakikipagkasundo” ng mga mamamayan nito sa demonyo.

May kwento ako tungkol kay Robertson. Noong bago ako magkolehiyo, lagi kong napapanood sa telebisyon ang “700 Club.” Minsan isang semana santa, nagkaroon siya ng serye. Parang “Itanong mo kay Soriano” ang dating: sasagutin niya ang tanong ng ordinaryong mga tao sa kalsada na may gustong itanong tungkol sa Diyos at relihiyon.

Tanong: “Pwede bang mabasa ni Satanas ang utak ko?” Pa-siyentipiko pa ang sagot ni Robertson noong una. Kapag magkalapit daw ang ulo ng dalawang tao, pwedeng magtugma ang brain waves nila at magkapareho sila ng iniisip. Pero, seryosong dugtong niya, hindi kailangang mabasa ni Satanas ang isip natin para makontrol niya tayo.

At lumabas na ang larawan ni Karl Marx. “Si Karl Marx ay paring Satanista,” sabi niya. Hindi ko na matandaang eksakto ang mga sumunod na sinabi niya, pero nagparada na ang larawan ni Mao Zedong – “Si Mao Zedong ay sinapian ng demonyo buong buhay niya” – at ni Adolf Hitler, at ng iba pang kampon ng demonyo ayon kay Robertson.

Bago nito, idinikit ko sa kabinet ko ang isang larawan ni Marx na ginamit kong tulong-biswal sa isang report sa klase. Atrasado pa noon ang tekonolohiya sa pagpapalaki ng larawan – unti-unting palalakihin, nagiging madilim ang larawan. Dahil kay Robertson,  biglang natakot ko sa maitim na larawan ni Marx! Pinalitan ko ng kay Ronald Reagan!

Mahalaga ang karanasang iyun sa pagkatuto ko sa kung paanong pulitikal din ang relihiyon, at maging ang pagbasa sa Bibliya. Nalaman kong hindi totoo ang mga sinabi niya. At hindi iyun mahalaga sa kanya at mga katulad niyang maka-Kanang Kristiyano na laging gumagamit ng mga kasinungalingang ito para pasamain ang mga sosyalista.

Hindi nagtagal, nalaman kong tumakbong pangulo si Robertson sa partidong Republican ng US, na hayagang nagsusulong sa interes ng mga naghaharing uri doon. Na galit siya sa feminismo, lalo na sa homosekswalidad. Na, nitong huli, nanawagan siyang paslangin si Hugo Chavez, ang kontra-imperyalistang lider ng Venezuela.

At ngayon, ito. Mali-mali ang detalye ni Robertson, pero ang tinutukoy niya ay naganap umano sa pag-aalsa noong 1804 ng mga Aprikanong dinala sa Haiti para maging alipin. Sila, ang mga mamamayan ng Haiti, ang una sa kasaysayan na nagtagumpay sa pagpapalayas sa mga mananakop ng bansa nila, ang mga Pranses.

Sa kasaysayan, tinawag ng mga Kanluraning mananakop ang mga relihiyong inabutan nila sa iba’t ibang bansa na “relihiyon ng demonyo.” Gustong palabasin ni Robertson na hindi nakakalimot at nakakapagpatawad ang Diyos sa mga bayang tulad ng Haiti na may mga ninunong nanalig sa lumang relihiyon, kahit pa Kristiyano na sila ngayon.

Mas malamang, naniniwala si Robertson na siya ang Diyos. Ginagamit niya ang Diyos para sa interes ng mga naghaharing uri ng US. Dahil sa pagbaluktot niya sa katangian ng Diyos para sa makitid na interes na ito, lumutang ang isang bagay: na hindi niya kayang patawarin ang isang bansang naggiit ng kalayaan, kahit sa malayong nakaraan.

17 Enero 2010

Gaya ng dati, marami akong gustong ibahaging link. Pero bilang pagkilala sa isang espesyal na bagay, isang link lang sana ang ilalagay ko sa seksyong ito ngayon. Maraming salamat sa Pinoy Weekly sa pagkilala sa blog na ito, kasama ng iba pang progresibo. Labis ko itong ikinakatuwa at ikinararangal.

Pero mahalaga rin ito: Magrali tayo sa pulong ng UP Board of Regents sa 29 Enero sa Quezon Hall sa UP Diliman! Igiit ang tenure para kay Prop. Sarah Raymundo!

At ito: suportahan ang Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan! Rurok nito ang mobilisasyon sa 22 Enero mula sa Department of Agrarian Reform patungong Mendiola!

At ito: Mabuhay si Kimay, si Kemberly Jul Luna! Mabuhay ang mga kabataang katulad niyang nag-alay ng buhay para sa paglaya ng bayan!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ilanq  On January 17, 2010 at 9:11 am

    Uy, ngayon ko lang napansin. May certain flash bang nagaganap, bakit nahuhulog si “Paglaya”? Anong wisyo nito? Hehe. Sorry ang chipaz ng komento.🙂

    • lena  On January 18, 2010 at 4:00 am

      sa cnn, may nag-post ng cartoon ni robertson na demonyo. nakakatakot siya.

  • kapirasongkritika  On January 18, 2010 at 4:17 am

    @ Ilangq: Sabi ng gumawa, nawawasak at muling binubuo ang paglaya, kaya ganyan. Hehe. Appreciated pa rin ang komento, kahit patawa ka.

    @ Lena: Haha. Mabuti nakalusot sa CNN! Salamat sa pagdalaw!

    Magaganda pang links kaugnay ng Haiti:

    Sumulat si Satanas kay Robertson:

    http://mrzine.monthlyreview.org/2010/coyle160110.html

    Hindi nga naman naghihirap ang mga nakikipagkasundo sa demonyo.

    Ang galing at ang ikli, ng mga datos ni Greg Palast tungkol sa Haiti:

    http://www.gregpalast.com/the-right-testicle-of-hell-history-of-a-haitian-holocaust/

    Hindi ko nailagay ang mahalagang papel nina Papa at Baby Doc Duvalier sa paghahari sa Haiti, katulad ng paghahari ni Marcos sa bansa.

  • lena  On January 18, 2010 at 7:27 am

    ok. i-check ko yan. actually regular ako dito sa blogsite mo. ngayon lang ako nakapag-post ng comment.

  • kapirasongkritika  On January 19, 2010 at 5:41 am

    Wow. Salamat! Sana nga magkomento ang mga katulad mo — kung may iba mang katulad mo. Hehe. Komento lang nang komento.

  • kebak  On January 20, 2010 at 5:38 am

    nakakalungkot isipin na may mga taong katulad nya — mga ultra right o religious extremist.
    ang sakin lang eh, kahit hindi man uso sa pananaw ng “kaliwa”, ipagdasal na lang natin sya kasama ng mga taong tinamaan ng masamang kapalaran sa haiti.

  • kapirasongkritika  On January 20, 2010 at 6:59 pm

    Salamat sa komento, Kebak! Nakakalungkot talaga. Maaaring hindi uso, o hindi pa. Pero tiyak akong posible ang iba’t ibang porma ng pagiging relihiyoso para sa Kaliwa. Komento ka lang lagi!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: