Sa sagot niya sa tuligsa ko, nagyabang gaya ng dati ang hindi kilalang kolumnistang si Manuel Buencamino: “Wala sa [K]anan, [K]aliwa o ano pa mang pagpuputol sa political spectrum ang tinatayuan ko. Ang posisyon ko ay doon lang sa tama o mali. Konsyensya at hindi ideolohiya ang gumagabay sa akin.” Iyan talaga ang ilusyon niya, na ilusyon din ng marami sa panggitnang uri.

Na para bang hindi nanunuot sa halos lahat ng usapin ang tindig ng Kanan at Kaliwa, at maging ng iba pang bahagi ng pampulitikang hanayan. Na para bang hindi nagmumula ang paghusga ng tama o mali sa mga palagay o paniniwalang mas maka-Kaliwa o mas maka-Kanan. Na para bang ligtas ang konsensya sa ideolohiya at hindi laging nagkukubli ang ideolohiya sa pagwawaksi sa sarili.

Ang usapin, syempre pa, ay ang pagtuligsa niya sa Kaliwa sa pag-endorso nito sa kandidatura ni Manny Villar sa pagkapangulo at, hindi man niya sabihin, ang pagsusulong niya sa kandidatura ni Noynoy Aquino. Kesyo isinuko na ng Kaliwa ang rebolusyon dahil sa ginawa nito — mga ganoong matinding akusasyon mula sa kawalan laban sa Kaliwa para lang sa kandidatura ng isang pulitiko.

Pero pwede bang talakayin ng isang tao ang Kaliwa nang hindi lumalabas ang ideolohiya niya? Pwede ba siyang maligo nang hindi nababasa? Bumaril nang hindi ibinubulgar ang kinatatayuan? Ang totoo, kung babasahin ang mga sulatin ni Buencamino, makikita ang isang makitid na isipang mayabang na humuhusga sa isang napakalaking reyalidad, nang naggigiit sa kanyang kakitiran.

At ito ang partikular na pagpapakahulugan ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa ideolohiya — ang mga estratehiya ng pagkahon (strategies of containment) sa makikitid na katotohanan para hindi maiugnay ang mga ito sa mas malawak na katotohanan ng kasaysayan at lipunan. Sa tulak ng makauring interes, hinaharangan ng ideolohiya ang paglampas ng kaisipan sa mga hangganan nito.

Sabi ni Buencamino, “kakatwa” ang pagbibigay-katwiran ko sa “maling diskarte ng [K]aliwa.” Dahil daw “binasted” ni Noynoy ang Kaliwa kaya “sumiping” ito kay Villar. Madayang sumipi si Buencamino, pinutol ang mga isinulat kong batayan ng pakikipag-alyansa ng Kaliwa kay Villar. Pagkatapos, nagtampisaw na siya sa mahalay niyang pananalita, akala mo nakakagulat pa iyun.

Pasimplehin natin ang mga bagay. Nakipag-alyansa ang Kaliwa kay Villar dahil siya ang (1) sumalubong sa plataporma ng Kaliwa sa maraming usapin, (2) nagpakita ng kahandaang makipagtulungan dito sa kampanyang elektoral at (3) nakipagkasundong magtutulak ng mga repormang sinasang-ayunan ng Kaliwa sa gobyerno kapag nahalal. Mahirap bang intindihin iyun?

Hindi pwedeng awtomatikong suportahan ng Kaliwa si Noynoy. Una, wala siyang malinaw na makabayan at demokratikong rekord bilang pulitiko. Ikalawa, ni hindi siya tampok sa paglaban sa rehimeng US-Arroyo. Ikatlo, kailangang maresolba, kahit sa isang antas, ang usapin sa Hacienda Luisita. Kaya mainam sana kung nakipag-usap at nakipagtulungan siya sa Kaliwa. Kaso, hindi.

Hindi awtomatikong sinuportahan ng Kaliwa si Villar dahil hindi tampok na maganda ang rekord niya sa tatlong ito – bagamat mas tampok siya sa ikalawa kumpara kay Noynoy. Ang inilamang niya kay Noynoy, bukod sa walang malaking isyu sa kanya ang Kaliwa tulad ng pagsasamantala at masaker sa Hacienda Luisita, nakipag-usap siya sa Kaliwa at nakipagkasundong makikipagtulungan.

Dahil nasabi kong “sekundaryo” lang para sa Kaliwa ang paglahok sa eleksyon, pinipilit na ni Buencamino na palabasing “nilalaro” lang ng Kaliwa ang eleksyon at wala itong kahit “konting respeto” sa mga kababayan nating nagpapahalaga sa eleksyon. Maling-mali ang pakahulugan dahil ayaw umunawa. Binabasa ni Buencamino sa tekstong naisulat ko ang basurang nasa isip niya.

Prinsipyado ang batayan ng Kaliwa sa pakikipag-alyansa kay Villar. Ang ineendorso ng Kaliwa ay iyung may platapormang sumalubong, kahit kaunti, sa makabayan at demokratikong plataporma ng Kaliwa para sa bansa. Bagamat hindi mababago ni Villar o sa pamamagitan ng eleksyon ang bulok na sistema sa bansa, siya na ang pinakamabuti sa mga nangungunang tumatakbong masama sa halalan.

Pero mas ang punto: Hindi patas sa Kaliwa na sabihing inaabandona na nito ang rebolusyon dahil sa tindig nito sa isang porma ng pakikibakang itinuturing nitong sekundarya. Kung ganito ang hatol, dapat mga porma ng pakikibakang itinuturing nitong pangunahin ang maipakitang inaabandona. Hindi ka gagawa ng sarili mong pamantayan nang hindi inaaral ang pamantayan sa sarili ng Kaliwa.

Hindi patas, halimbawa, sa isang tao na masabihang tumatalikod sa pagiging Kristiyano dahil mahalay ang pananamit niya. Parang ganoon ang ginagawa ni Buencamino: sinusukat ang pagiging Kristiyano ng isang tao sa pananamit niya — sinusukat ang pagiging rebolusyunaryo ng Kaliwa sa tindig nito sa eleksyon. Isang bahagi lang ito, at hindi pa nga mayor na bahagi, ng rebolusyon.

Sabi pa ni Buencamino, dapat daw “sumiping” na rin ang Kaliwa kay Gloria. “Kakampi naman nila si Gloria sa impeachment ni Erap at noon election ng 2001. Hanggang noon 2007 sinuportahan pa nila si Joker Arroyo na alam naman nila na number one tigapagtanggol ni Gloria.” Naninira na nga lang si Buencamino, hindi pa ayusin ang pagbaybay sa mga salitang Filipino. Pero palampasin na natin.

Dito, malinaw ang makitid na pag-unawa ni Buencamino. Lakihan natin ang tanaw: Aling pampulitikang pwersa sa bansa ang tuluy-tuloy na lumaban sa rehimeng Arroyo at nag-ambag nang malaki sa kilusang masang pinakamahalaga sa pagpapatalsik dito? Alin ang hindi nangimi kahit dinudukot at pinapatay ang mga miyembro’t lider nito? Ang mga kolumnistang maka-Noynoy?

Maganda ang punto ni Kenneth Roland Guda sa seksyong komento ng isang entri sa blog na ito: Bakit hindi puntiryahin ni Buencamino ang hayagang pag-endorso at pagkakampanya pa nga ng pamilya Aquino kay Gloria noong 2004? Kasi nga, maka-Noynoy siya. Kusa niyang nililimitahan ang tanaw niya — at ng mga mambabasa niya — pabor sa kandidatura nito. Paggana iyan ng ideolohiya.

Bakit daw sinuportahan ng Kaliwa si Joker noong eleksyong 2007 kahit maka-Gloria ito? Dahil mahalaga sa pamantayan ng Kaliwa sa panahong ito ang paglaban sa ekstrahudisyal na pagpaslang na ginagawa sa mga miyembro nito. Malamang, hindi pa rin maiintindihan ni Buencamino ang dahilang ito, dahil hindi naman siya nanganganib mapaslang sa kanyang komportableng buhay.

Tutal nasa mga hindi kilalang komentarista na rin lang tayo, isingit na natin si Jesusa Bernardo, na ginamit pa ang pagkamatay ni Kemberly Jul Luna para tuligsain ang Kaliwa sa pagsuporta — o pagkakaroon pa nga ng malaking papel — sa Edsa 2. Normal na ang pagkwestyon sa Edsa 2, lalo na ng mga propagandista ni Erap Estrada. Pero sobra na kapag idinadawit pa ang namatay na gerilya.

Ang katapatan ng Kaliwa ay wala sa anumang paksyon ng naghaharing uri, kundi sa interes ng sambayanan. Nilabanan nito si Erap hindi dahil kampi ito kay Gloria, kundi dahil iyun ang interes ng sambayanan noon. Nakipagkaisa ang Kaliwa kay Gloria kontra kay Erap pero naging mapagbantay at kritikal ito noong naluklok na si Gloria. Matatag itong lumaban kay Gloria.

Bagamat hindi siya kasing-sahol ni Gloria, hindi pwedeng tawaging “mas progresibo” si Erap dito. Marami ring kabataan ang nagbuwis ng buhay bilang mga miyembro ng New People’s Army noong panahon ni Erap. At hindi totoong mas gusto ng Kaliwa ang mas despotikong rehimen. Hangad nito ang mas mabuting rehimen para sa mga mamamayan, pero handa itong lumaban sa mas malupit.

Totoo namang nakakalungkot na naging mas masahol si Gloria kaysa kay Erap. Pero imposibleng mahulaan ito noong 2000-2001. Ang dapat, sinamantala ang kalagayang ito para magpalawak at magpalalim ng pakikisangkot ng mga mamamayan sa mga isyu ng bansa – para sa matagalang pagbabagong panlipunan. At ang gumawa nito ay hindi ang mga maka-Erap, kundi ang Kaliwa.

Malinaw na taktika ng kampo ni Noynoy at maging ni Erap ang pag-atake kay Villar. Sa panig ni Noynoy, resulta ito ng pagdikit ni Villar sa mga survey. Ang problema, hindi makaabante sa propaganda si Noynoy. Paano naman kasi, nakatali lang talaga ang buong pagtakbo at kampanya niya sa dalawang salita: “Mama at Papa.” Paano pa nga ba magpapalawig sa temang iyan?

Tatlo ang panawagan ng maka-Noynoy na blogger na si Caffeine Sparks: (1) Umabante na si Noynoy sa pag-uulit-ulit ng kung sino ang mga magulang niya, (2) ilahad niya ang mga nagawa niya sa nakaraan, at (3) ipaliwanag niya kung paanong maghahatid ng mas magandang kinabukasan ang mga plano niya sa bansa. Nabigo raw si Noynoy na gawin ito, kaya nabawasan ang lamang niya.

Pero paano kung hanggang “Mama at Papa” lang ang kayang propaganda ni Noynoy? Iyun naman talaga ang naging batayan ng mga nagtulak sa kanyang tumakbo, tulad ng kolumnistang si Conrado de Quiros. Hindi siya tampok sa pagiging makabayan at demokratiko, sa paglaban sa rehimeng US-Arroyo, sa pagtindig nang maka-mamamayan sa iba’t ibang isyu, o sa anupamang kabutihan.

Paano kung, gaya ng sabi ni Ina Silverio-Gargar, siya pala ang may pinakakaunting panukalang batas na naisampa sa Senado ngayon? Paano kung, pilitin man ni Manuel Buencamino na pagandahin, talagang hindi pampresidente ang rekord niya sa Senado? Paano kung pinagaganda pa ni Noynoy ang pagdepensa sa masasamang patakaran ngayon, katulad ng kontraktwalisasyon?

Noong minsan, ipinapaliwanag ko sa isang kapwa-aktibista na hindi kontra-Noynoy ang Kaliwa, na si Gloria pa rin ang pangunahing kaaway ng bayan at nagmamaniobra pa nga ito para manatili sa pwesto. Hindi siya tumutol sa ikalawa. Pero sabi niya, “Di mo mapipigilang maging kontra-Noynoy ang ibang kasama.” At binanggit niya ang naging tugon ni Noynoy sa isyu ng Hacienda Luisita.

Higit pa rito, tingin ko. Naalala ko si Eric Hobsbawm, Komunistang historyador sa Inglatera. Sa kanyang memoir na Interesting Times [2002], ipinaliwanag niya kung bakit hindi niya binitawan ang pagiging Komunista kahit noong panahong marami ang kumakalas sa Kaliwa. Ang dahilan niya: ang katangahan ng mga bumabanat sa sosyalismo. Natakot daw siyang mapunta sa panig ng mga ito.

Parang hawig diyan ang nangyayari ngayon. Masyadong hambog ang mga maka-Noynoy sa pagsuporta sa kanilang kandidato at pag-atake sa ibang kandidato at sa mga tagasuporta ng huli. Sa ganyang sitwasyon, talagang iniimbitahan nila ang atake ng mga tagasuporta ng ibang kandidato. At sa halip na makahikayat, nabubwisit sa kanila ang iba, na natatakot na maging kasama’t kaisa nila.

Tapos sabi pa ni Noynoy, dapat magpasalamat sa nanay niya para sa kalayaan at demokrasya sa bansa. Sabi naman ni Ballsy, kapatid ni Noynoy, paglago raw ng populasyon ang ugat ng suliranin sa Hacienda Luisita. Ngayon, nangangako si Noynoy na ipapamahagi ang Luisita sa loob ng limang taon. Halatang gimik: pangako rin iyan ni Cory noong tumatakbo siya sa pagkapangulo.

11 Pebrero 2010

Basahin ang kolum ni Artemio Panganiban tungkol sa kung paano pwedeng makapanatili sa kapangyarihan si Gloria lampas 2010.

Parangal ng mga progresibong intelektwal at aktibista kay Howard Zinn, dakilang progresibong historyador na Amerikano. Paalam at maraming salamat!

Impormatibong panayam kay Rick Wolff, Marxistang ekonomista. Ang lotto raw ay isang porma ng buwis na gustung-gustong bayaran ng mga maralitang tatangging magbayad ng bagong buwis — at iba pang pagsusuri tungkol sa kasalukuyang malubhang krisis pang-ekonomiya.

Magandang suri ni Jodi Dean sa mga hakbangin ng mga nasa likod ng programang pang-Internet katulad ng YouTube na tanggalan ang mga tao ng pagkakataong magpasya — at posibleng lumipat ng ibang programa — para malulong na lang sa mga palabas nila. Ang kakatwa, aniya, nagluluwal ngayon ang pagdami ng mga dapat na pagpipilian ng pagkaunti ng pagpipilian.

Para sa mga tao diyan na bilib na bilib sa pagkakahalal ng unang Aprikano-Amerikanong pangulo ng US, heto ang panayam sa Negrong propesor na si Cornel West: “Kumikiling si [Obama] sa Wall Street, napahanga ng mga elite, gustong mayakap ng naghahari, gustong ipreserba ang kanyang pamana bilang pangulo, mas sa wika ng mga kolumnistang neo-liberal at neo-konserbatibo kaysa sa mga puso at isipan ng karaniwang mga tao.”

Ayon kay Alexander Cockburn, karapat-dapat lang si Obama at ang kandidato niya sa pagkapahiyang nangyari sa pagkatalo nila sa eleksyon sa Massachusetts. Malinaw na paghatol ito sa administrasyon ni Obama.

Parangal ni Tariq Ali kay Daniel Bensaid, namumunong aktibista sa pag-aalsang 1968 sa Pransya at pagkatapos ay naging bantog na Marxistang intelektwal. Isang engkwentrong sekswal pala sa Brazil ang nagbigay ng AIDS sa kanya, at ang gamot niya rito ang nagbigay sa kanya ng kanser. Mahalaga ang nangyari sa Cuba at kay Che Guevara sa pagkamulat niya.

Iniuulat ni P. Sainath ang malaganap na praktika ng pagpapakamatay ng mga magbubukid sa kanayunan ng India sa loob ng 12 taon. Ipinakita niya kung gaano kasama ang ibig sabihin ng mahigit-kumulang 20,000 pagpapakamatay kada taon.