Frieda Fonda Three

Nitong bisperas ng Araw ng mga Puso, sumama ako sa rali sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal para sa pagpapalaya sa 43 manggagawang pangkalusugan na inaresto at idinetine ng Armed Forces of the Philippines noong 06 Pebrero. Naroon, syempre pa, ang iba’t ibang organisasyong aktibista.  Karamihan sa hanay, gayunman, ay binuo ng mga galing sa sektor pangkalusugan – kapwa mga aktibista at nagiging aktibista na dahil sa ginagawa ng militar – at mga kaanak ng mga manggagawang pangkalusugan.

Mainit ang umagang iyun. Mahigit dalawang oras ang byahe sa liku-liko, maalikabok at paakyat na daan papunta sa kampo. Kahit masakit ang katawan dahil pasahero kami ng kangkarot na drayber ng dyip, diretso na kami agad sa tarangkahan ng kampo. Mahigit 200 ang nagtipon. “Manggagawang pangkalusugan, palayain!” at “Free the 43! Justice now!” ang madalas na sigaw ng hanay. Akala ko naman, “Frieda Fonda Three.” Naroon ang maraming aktibistang lider-masa, kasama si Rep. Liza Maza ng Gabriela.

Bago nito, may bali-balitang sinisiraan ng militar sa 43 at mga kaanak nila ang mga kapwa-aktibista. “Nasaan na ang mga kasama ninyo? Iniwan na kayo,” ang sabi raw. Pero isang araw bago nito, may opisyal-militar na nagsabi sa radyo – at buong giliw na kinatigan ng reporter na si Andy Vital – na patunay ng pagiging miyembro ng New People’s Army ng mga nakadetine ang mabilis na pagresponde ng mga organisasyong aktibista sa usapin nila. Ano ba talaga, kuya? Mabilis o mabagal ang pagtugon nila?

Makitid lang ang bungad ng kampo, sapat na para humanay nang nakaharap ang apat na sasakyan. Gaya ng makikita sa mga larawan, may nakalagay na “Headquarters 2nd Infantry (Jungle Fighters) Divison” sa pulang bakod sa kaliwa. May mga halaman sila sa gilid nito. Sa isang bahagi ng programa, may lumabas na sundalo para pagsabihan ang mga raliyistang umupo sa mga bato na proteksyon ng mga halaman. “Ayos pala kayong mangalaga sa mga halaman. Bakit nangtotortyur kayo ng tao?” hirit ng isa.

Sa programa, inilinaw ni Renato M. Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, kung bakit mali ang ginawa ng mga sundalo kahit batay sa batas. Bawal ang tortyur na malinaw na ginawa sa mga nakadetine – piniringan at pinosasan nang napakatagal, hinadlangang gumamit ng kubeta, hindi pinakain at dinahas. At kahit ipagpalagay nang mga NPA ang naroon, wala silang armas noong panahong iyun at hindi gumagawa ng kahit ano para armadong ibagsak ang gobyerno.

Simple lang ang programa. Salit-salitan sa pagsasalita ang mga lider-masa, gayundin ang mga kaanak at katrabaho ng mga nakakulong sa loob. Ni wala ngang kumanta. Naalala ko tuloy si Mao Zedong: “Ang hukbong walang kultura ay hukbong mapurol.” Mainam sana talaga kung may kumanta – kahit hindi naman hukbo ang mga raliyista. Pero sa isang banda, wala pa yata akong alam na aktibistang awit tungkol partikular sa mga manggagawang pangkalusugan, at tungkol din sa mga aktibistang nakakulong.

Pero mainam ding kilalanin kung paanong ginawa na ring pormang pangkultura ng mga aktibista ang talumpati at pagkukwento, sa mga pagtitipong ganito o kahit sa mga pulong. Kung paanong, katulad ng ibang pormang pangkultura, humahawi ng maraming sapot sa isip at nagpapaalab ng damdamin ang mga talumpati at kwento ng mga kapwa-aktibista kahit sa karaniwang pag-uusap. Kung paanong ginagawa nilang buhay at popular ang tinatawag na prinsipyo, pagsusuri, paninindigan at panawagan.

Sabi ni Patricia Evangelista sa bersyong Facebook ng kolum niyang “Torture” – at wala ito sa nasa Inquirer.net – sa pagdakip at pagtortyur sa 43, “pinapatunayan ng militar ang bawat huling linya ng propagandang maka-Kaliwa laban sa gobyerno.” Noong 12 Pebrero sa Camp Capinpin, kaibang “propaganda” ang narinig ko, parang hindi propaganda: galing sa nagpupuyos na galit, may ibinulalas nang puno ng emosyon, mayroon ding sinabi nang mahinahon, pero lahat dumulo sa tumitimong dunong.

Mahinahon si Dr. Romeo Quijano. Klasiko ang sabi niya, na “Sandatahang Lakas ng Pilipinas” ang tawag ng AFP sa sarili, pero sandatahan lang ito, walang lakas – dahil walang lakas ng prinsipyo at ng paglilingkod sa sambayanan. Kung iisipin, may pasilidad, pondo at kagamitan ang AFP, pero para saan at kanino? Maraming tagapagsalita ang kumondena rito dahil nagpapagamit ito sa pagtatanggol sa kontra-mamamayan, tiwali at mapanupil na rehimen ng isang Gloria Macapagal-Arroyo.

Mahinahon din si Ofelia Beltran-Balleta, anak ng lider-obrerong si Crispin “Ka Bel” Beltran at ina ni Jane Balleta, isa sa mga pangkomunidad na health workers na dinakip. Walang pait sa boses niya, ni hindi na niya sinabing dalawang mahal niya sa buhay ang ikinulong at pinahirapan ng rehimeng ito. Sa halip, masaya niyang ibinalita na mataas ang diwang palaban ng mga nakakulong, at ang totoo’y naglunsad sila ng noise barrage sa kulungan noong alas-10:30 ng umaga – kahit tortyurin pa sila ulit pagkatapos.

Maalab naman ang talumpati ni Evangeline Hernandez, ina ni Benjaline “Beng” Hernandez, ang 22-taong gulang na biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Nagsalita siya matapos ang tanghalian, at pinawi niya ang anumang antok ng mga tao sa oras na iyun ng siesta. “Diyan kayo magaling, sa pagdakip at pagtortyur sa mga walang kalaban-laban!” sabi niya sa boses na hindi sumisigaw pero malakas. Idiniin niyang sa halip na matakot, maraming tao ang namumulat sa mga ginagawa ng militar.

Pero pinaka-nagmarka sa akin ang isang matandang babaeng empleyado ng Tondo General Hospital. Ang panawagan niya: baguhin ang oryentasyon ng militar. Sabi niya, “Kaming mga manggagawang pangkalusugan, oryentasyon namin ang gamutin at kalingain ang bayan. Sinisita kami ng mga opisyal namin kapag hindi maganda ang pakitungo namin sa tao. Pero kayo, kayong mga militar, ang oryentasyon ninyo ay saktan ang mga tao.” Napaka-karaniwan ng itsura niya, naalala ko tuloy ang isang tula:

Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila’y
naglingkod sa sambayanan
kahit hindi kinukunan ng litrato,
kahit hindi sinasabitan ng medalya,
kahit hindi hinaharap ng pangulo.
Sila’y naglingkod sa sambayanan,
walang hinahangad
na luwalhati o gantimpala
kundi kaunting kanin at ulam,
kaunting pagkakakitaan,
bubong na hindi pinapasok ng ulan,
damit na hindi gula-gulanit,
ang layang lumakad
sa kalsada tuwing gabi
nang hindi sinusutsutan ng pulis
para bulatlatin ang laman ng bag,
isang bukas na may pag-asa’t aliwalas
para sa sarili at sa mga anak,
isang buhay na marangal
kahit walang pangalan,
kahit walang mukhang madaling tandaan.

Namangha ako sa dami ng hindi lider-masang nagsalita sa araw na iyun pero napakagagaling magsalita, napakagaganda ng sinabi. Tiyak, gusto ng militar at gobyerno na takutin at itaboy ang mga tao mula sa pagiging aktibista at progresibo. Pero sa nangyari, lumalabas ang pinakamahuhusay at pinakamagigiting sa mga tao. Ilang araw matapos ang pagdakip sa Morong 43, malinaw na hindi nananalo sa labanang ito ang militar. Lalo pa ngang lumalakas ang mga gusto nitong sugpuin.

Ang sarap isipin na narinig ng Morong 43 ang mga talumpati sa labas ng kampo. Pero parang imposible. Kahit ang ilang gusaling malapit sa tarangkahan ay malayo rin. Pero malamang na nasabi ng mga pumasok na kaanak ang tampok na mensahe ng hanay sa labas: “Kapit lang, mga kasama! Ginagawa namin ang makakaya para mailabas kayo sa impyernong iyan!” Naghahawahan ng giting at naghahatakan sa paglaban ang mga nasa loob at mga nasa labas. Ang humaharang sa kanila, lalong nagbibigkis sa kanila.

Tulad sa kahit anong magandang rali, umuwi kaming masaya at puno ng pag-asa. Kahit pagod at natagtag ang katawan, tumibay naman ang paninindigan at – sakto sa kakatapos na 14 Pebrero – umaapaw ang puso sa pag-asam sa paglaya at katarungan.

15 Pebrero 2010

Bayan Mode: Basahin din ang paghahambing ni Carol P. Araullo sa naging pagharap ng rehimeng US-Arroyo sa kaso ng Ampatuan Massacre at sa Morong 43. Malungkot na balita: namatay na pala si Josie Lichauco, matatag na alyado ng Bayan sa maraming laban.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Leon  On February 16, 2010 at 12:27 pm

    Nalungkot ako na hindi ako nakasama sa protest caravan dahil merong kelangang tugunan na voter ed sa partikular na Sabado na iyon. Propesor ko si Leonilo Doloricon, siya ang paborito kong propesor dahil ginagamit niya ang kanyang sining para sa kilusang manggagawa at masa.

    Ito na ang pinakamalapit sa personal na pagkaapekto sa akin ng pagyurak ng naghaharing uri sa ating mga batayang karapatang pantao. At pinaliliyab lang nito maslalo ang aking paniniwala na walang puwang ang mapayapang panlipunang solusyon sa estadong walang ibang ginawa kundi karahasan.

  • kapirasongkritika  On February 17, 2010 at 5:13 am

    Sayang, hindi ka nakasama! Oo nga, asawa pala ni G. Doloricon ang kasama sa Morong 43. Talaga palang malalim ang paglilingkod nila sa bayan — sining ang isa, ang isa naman, panggagamot.

    Bagamat ayaw na nating may kakilalang madamay sa ganitong kalupitan, tiyak tayong malupit ang rehimen at ang sistema. Magpakatatag tayo, dahil tiyak na may susunod.

    Ang kailangan talaga ay wakasan na ang ganitong sistema. Wala nang ibang solusyon.

  • rose  On February 28, 2010 at 6:07 am

    wala ng iba pang maaaring pagpilian si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo kundi ang utusan ang AFP na palayain ang Morong 43! Papanagutin ang mga sundalo at opisyal na nag-torture sa kanila, illegal na umaresto at nag-detine, mismong si GMA ay dapat ding managot bilang kanilang commander-in-chief. Maging si Doj Asst. Chief State prosecutor Severino Gana ay dapat na kastiguhin dahil sa pagpapalusot sa mga iresponsableng kasong isinampa ng AFP laban sa Morong 43.

  • kapirasongkritika  On February 28, 2010 at 3:56 pm

    Totoo!

    Napanood ko noong isang gabi iyung opisyal na responsable sa pag-aresto sa kanila, si Maj. Gen. Jorge Segovia.

    Sabi niya, “Kunwari, mayaman ka. May darating dito, sasabihin, ‘Hindi, mahirap ka.’ Iyan ang tinatawag na agitation.”

    Talagang mali-mali ang pagtingin nila sa Kaliwa. Pati ang pagdidiin na NPA ang Morong 43!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: