Iskolar para sa Bayan?

Nitong nakaraang mga taon, umiral at lumaganap sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman ang “iskolar para sa bayan” bilang katawagan sa mga estudyante ng UP. Batay sa mga gumagamit at nagpapauso nito, at sa paggamit nila, lumalabas na kakumpitensya ito ng “iskolar ng bayan” – na matagal nang ginagamit ng mga aktibista sa UP at iba pang state colleges and universities para tawagin ang mga estudyante sa mga paaralang ito.

May halaga ang mga katawagang ito. Sa mahabang panahon, ginamit ng mga aktibista ang “iskolar ng bayan” para tawagin at himukin ang mga estudyante ng UP at ng iba pang paaralan para maglingkod sa bayan. Gayundin, ginamit ito para tawagin at itanghal ang mga partikular na estudyanteng naglingkod sa bayan – lalo na nang buong panahon – mula kay Wenceslao Q. Vinzons hanggang kay Leandro “Lean” Alejandro.

Biglang dating ang “iskolar para sa bayan.” Sa biglang tingin, walang problema rito. Mukha pa ring makabayan, progresibo, radikal – kundi man mukhang mas makabayan, progresibo at radikal pa nga. Sabi ng mga gumagamit nito, humuhulagpos ito sa pakahulugang “pinag-aaral ng bayan” na isang kahulugan ng “iskolar ng bayan.” Nakikibahagi rin sila sa radikal na tradisyon ng UP, nagrarali, nagtataas ng mga kamao.

Pero mapanlinlang ang unang dating. Malinaw ang tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan” sa iba’t ibang isyu kaugnay ng pagpopondo sa UP: pabor sila sa paglikom ng UP ng sariling pondo sa pamamagitan ng pagkomersyalisa sa mga pag-aari ng UP at ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante. Kasabay nito, sinasabi nilang pabor pa rin silang dagdagan ng Estado ang subsidyo nito sa UP.

Hindi nila kita ang ugnayan ng dalawa: na kaya pinagkokomersyalisa ng pag-aari at edukasyon ang UP ay para makatakas ang Estado sa tungkuling pondohan ito. Na parehong bahagi ito ng mga patakarang neoliberal ng neokolonyal na Estado. Hindi nila nakikita ang ugnayan ng UP sa lipunan: Na ang pag-atras ng UP sa paglaban para sa mas mataas na subsidyo ay pagpapahina rin sa laban ng buong sektor ng edukasyon.

Sa ganitong tindig galing ang kanilang pagpapauso ng “iskolar para sa bayan” at pag-ayaw sa “iskolar ng bayan” – na pinapakitid nila ang kahulugan sa paggiit lang ng subsidyo para sa UP, hindi sa buong sektor ng edukasyon. Kahit hindi na “iskolar ng bayan” ang mga estudyante, pwede – at dapat, sasabihin nila – pa ring maging “iskolar para sa bayan.” Tama naman: Kahit hindi pinag-aaral ng bayan, dapat maglingkod dito.

Pero ang mukhang makabayan, progresibo at radikal ay hindi pala ganoon. Bagamat hindi sila kilala sa UP sa ganitong mga tindig sa mga isyung bayan, maaari pa rin silang magkaroon ng ganitong mga posisyon. Pero ang malinaw: sa mismong isyu ng mga estudyante, ihinihiwalay nila ang mga estudyante sa bayan. Ang netong resulta: pagsuporta sa mga patakarang neoliberal ng Estado, sa kabila ng mga pahayag nila.

Dahil sa ganitong tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” kasama sa hanay nila ang mga estudyanteng umiidolo sa mga propesor nilang kampeon ng mga patakarang neoliberal ng Estado. Sila ang mga pakitang-taong nagsasabing dapat pa ring lumaban para sa mas mataas na subsidyo para sa UP at edukasyon, habang ginagamit ang mga argumentong neoliberal para bawasan ang nasabing subsidyo.

Kinakaligtaan ng mga taguyod ng “iskolar para sa bayan” na ang “ng” sa “iskolar ng bayan” ay katulad ng “ng” sa “iskolar ng Kasaysayan” – nag-aaral sa ikalawa. Pwedeng “iskolar para sa bayan” sila pero hindi sila nag-aaral ng lipunan, at ng koneksyon dito ng UP. Pwede ring “iskolar para sa bayan” sila pero hindi nila ginagawa ang tunay na pag-aaral ng lipunan – ang paglubog sa hanay ng mga maralita nating kababayan.

Dahil bukod sa makitid ang pagsusuri at posisyong inilalako ng mga grupong ito sa mga estudyante hinggil sa mga isyung pang-UP at pang-edukasyon, makitid din ang aktibismong ibinebenta nila sa mga estudyante at miyembro nila. Hindi manggagaling sa hanay nila ang mga katulad nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, na tumungo sa mga magbubukid sa Bulacan, o ni Jaquelyn Gonzales, na kasama ngayon sa Morong 43.

Para maging “iskolar para sa bayan,” sapat nang sundin ang mga pangarap ng pamilya at uri – na inaangkin ding personal na ambisyon – at magkaroon, ihahabol siguro nila, ng konsensya. Pinaka-naiiba na ang maglingkod sa mga non-government organization na alyado ng kanilang partylist, nakabase sa mga opisina, at hindi malalim na umuugat sa mga maralita nating kababayan. Walang panganib sa sarili, at sa takbo rin ng lipunan.

Hindi awtomatikong masama at kontra-mamamayan ang mga tunguhing ito – bagamat hindi siguro nila kokontrahin ang pagtatrabaho sa IMF, World Bank o Armed Forces of the Philippines, at tiyak na hindi radikal ang pagbabagong panlipunang gusto nila. Pero para sa isang grupong nagpapalaganap ng “iskolar para sa bayan,” malinaw na kapos ang mga pagpipiliang inihahain nila sa mga estudyante at miyembro nila.

Bago pa man ang mga grupong gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” may mga grupong pang-estudyante na sa UP na katulad nila ng tindig sa pagpopondo sa UP, at pumoposisyon din sa mga isyung bayan. Pero sa harap ng paglakas ng mga aktibista sa unibersidad, kinailangang magmukhang makabayan, progresibo at radikal. Masdan ang eleksyon ngayon sa UP: walang nagpapakilalang konserbatibo, lahat ay aktibista.

Ito ang konteksto ng “iskolar para sa bayan”: atakeng neoliberal sa edukasyon, at paglakas ng aktibismo sa kampus. Sa pangkalahatan, sa kabila ng dating nito, mas sintomas ito ng sitwasyong neoliberal, imbes na pwersang sumasalungat dito.

20 Pebrero 2010

Pang-tabloid, pero totoo: Amerikanong sundalo, tinortyur ang sariling anak dahil hindi marunong mag-ABC! Matagal na natin itong hinala: mas mahalaga sa lipunan ang mga tagapaglinis kaysa mga bangkero.

Naunahan ako ni Kenneth Roland Guda sa pagbibigay ng parangal sa sosyalista at anarkistang si Howard Zinn.

Tinuligsa ni Angela Stuart-Santiago ang paggamit ni Conrado de Quiros sa Edsa People Power 1 para sa kandidatura ni Noynoy Aquino. Dapat sundin ko na lang si Ina Silverio-Gargar sa pagharap sa mga maka-Noynoy: huwag nang pag-aksayahan ng panahon, dahil nakakainis pang lalo.

Nakikialam – este, nakikisangkot – din si Rafael Anton Dulce sa mga debate sa UP ngayong halalang pangkonseho. Kongkretong paglalahad ni Arnold Padilla ng panganib ng automated na eleksyon ngayong taon.

Nagsesenti si Gingmaganda. Ganyan talaga, may panahon sa pagtanda na nagiging choice kung ipagpapatuloy ang mga pagkakaibigan. Repleksyon sa pagiging blogger, aktibista at kongresista ng isang taong itago na lang natin sa pangalang Mong Palatino.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • juan dela cruz  On February 20, 2010 at 2:32 am

    hindi makakatayong mag-isa ang katagang “iskolar ng bayan”. laging kasunod nito ang :
    ngayon ay lumalaban
    paglingkuran ang sambayanan

    ito ang nagbibigay kahulugan sa katagang iskolar ng bayan. at tyak ako ito ang wala sa mga nagsasabing sila ay “iskolar para sa bayan”.

    ganyan naman ang mga yan, nilalaro ang mga salita. kasi nga puro salita at hindi sumasandig sa pagkilos, lalo na sa sama-samang pagkilos.

    • rocio montano  On March 22, 2010 at 2:47 am

      mas pabor ako sa kahulugan at kabuluhan, sa kaakibat na konsepto at praktika ng iskolar ng bayan. pero sa iyong artikulo, mukhang mga aktibista lamang ang makakaunawa, andaming jargon.

      kabigin natin ang mga pumoposisyong “para” sa bayan tungo sa “ng” bayan, magsalita ayon sa kanilang wika.

      ano nga pala ang ibig sabihin ng “neoliberal”?

  • missphilippines  On February 20, 2010 at 2:52 am

    More than being enraged about the absence of praxis on their side, Iskolar para sa bayan simply means a reinforcement of a feudal notion of the self towards the others. The same framework that is revered during the time of feudalism that the relations in production is between the lordship and bondsman, or master and slave. If you are entirely for the people, you do not claim “para” because it means you are moulded first as a scholar going towards to the people. Unlike using “ng”, this entirely points toward a different order, which means that you become scholar because and by the people. You gain your intellectual capacity because of the people and without them, being a iskolar ng bayan will be impossible.

    In fairness, cute ang mga boys ng stand up this time.

  • radulce  On February 20, 2010 at 4:06 am

    “para sa bayan”, for the people. ang implikasyon nito ay para silang mga tagapag-ligtas, mga messiah, mga nagdadala ng magandang balita mula sa kanilang monopoly of knowledge bilang mga “iskolar” muna.

    pero kung ikaw ay nagsusulong ng panlipunang pagbabago, saan mo kukunin yung mga ideya mo? siyempre ang first-hand knowledge ang pinaka-importante, lalo pa’t mabilis ang mga developments sa Pilipinas. kung nasa classroom ka lang, mapagiiwanan ka talaga ng panahon.

    yun ang iskolar ng bayan, abstract activism.

  • Funnies  On February 20, 2010 at 7:11 am

    Ang estudyanteng tunay na nagsisilbi at naglilingkod sa masang anakpawis, sa masang api, ang patuloy na lumulubog sa masa, ang patuloy na nakikibaka para sa panlipunang pagbabago, siya ang Iskolar ng Bayan.

    Maraming tao lalo na estudyante ang madaling mabulag sa kagandahan ng salita ngunit kung hindi ilalapat sa kasalukuyang kalagayan, kung hindi paninindigan ang pangalan, kung walang malinaw at solidong pananaw at stand, ang pangalang ito ay mabaho sa esensya.

    • domz  On February 20, 2010 at 10:58 am

      Galing, pwede po bang humingi ng permiso para Icopy ito,at ipakalat…..

  • kapirasongkritika  On February 20, 2010 at 3:32 pm

    @ juan dela cruz: Magandang punto! Totoo! Talagang sa mismong konteksto ng “iskolar ng bayan,” inililinaw na ang paglilingkod na dapat gawin para sa bayan. Mahalaga rin naman ang mga salita, pero kung walang gawa nga, lalabas talagang retorika.

    @ missphilippines: Magaling din ang punto mo! Bakit ba hindi ko naisip iyun? Hehe. Tama: pagiging “iskolar” talaga ang priyoridad ng “iskolar para sa bayan” — syempre, sa pakahulugan ng akademya. Ang pag-aaral mismo ay paglilingkod sa bayang nagpapaaral sa atin, mag-aral tayong mabuti pagkatapos maglingkod sa bayan — ito ang thinking nila.

    Bakit ba hindi ko naisip iyun? Kasi gusto kong ikawing ang sinasabi nila sa aktwal nilang ginagawa. Pero tama ang pagsusuri mo sa mismong prase. Salamat!

    @ RADulce: Talagang may distansyang implied sa “iskolar para sa bayan,” ano? May pagka-messianic nga — na, BTW, ay siyang akusasyon ni Manuel L. Quezon III, ang napakatalinong kolumnista, sa mga aktibista. Abstract activism nga — at malamang na iyung “para sa bayan” ang tinutukoy mo.

    @ Funnies: Pwede rin naman sigurong range ang “iskolar ng bayan,” hindi ba? Iyung nagtataguyod ng wastong pulitika, nag-aambag sa panlipunang pagbabago kahit hindi buong panahon at sa abot ng makakaya — dapat siguro iskolar din sila ng bayan. Tapos ang tungkulin ng mga lubos na naglilingkod ay hikayatin ang mga nag-aambag sa abot ng makakaya at hindi pa buong panahon na tumulad sa kanila.

    @ domz: Salamat! Oo, pwedeng-pwede. Ang mahalaga ay lumabas ang pagsusuring makabayan.

    Pahabol: Naisip ko lang: Tugma ang “iskolar para sa bayan” sa isang pantasya ng kung ano ang hinaharap, kung saan ang radikal na aktibismo sa UP ay katulad ng aktibismong itinataguyod ng mga may pasimuno ng “iskolar para sa bayan.” Patunay nito ang katotohanang gustong palitan ng “iskolar para sa bayan” ang “iskolar ng bayan.” Kalunus-lunos ang hinaharap sa pantasyang ito.

  • Ederic  On February 20, 2010 at 3:54 pm

    Parang Samasa at Samasa-TMMA ‘to, ah. Hehe.

  • radulce  On February 20, 2010 at 5:02 pm

    mabuti kung nasa ganung antas ang discourse. hehe. e sa ngayon, ang itsura ng debate sa campus ay xine-xerox ng “asul” at “dilaw” ang lahat ng sinasabi ng “pula”. imagine, kini-claim nila na sila ang nag-organize nung barikada ng UP Diliman noong Dec.15, 2006, as well as yung pag-extend ng voter registration? que horror. may nagaganap na revisionism of history.

  • redhotchilli77  On February 21, 2010 at 3:23 am

    delusional! ang kakapal talaga ng mga mukha nila na magclaim! di ba sila kinikilabutan? at ngaun ay nag-iinsert naman sila ng mga campaign materials ng kanilang SB sa mga isyu ng kule… tsk, nakakahiya…

  • Funnies  On February 21, 2010 at 10:55 am

    @Kapirasongkritika,
    ay.. opo. ayun, masyado kong kinulong yung “iskolar ng bayan” sa sinabi ko.

    kung magiging prescriptive ang mga tao pagdating sa 2 grupo ng mga salita na yan, magkakaroon talaga ng ibang kahulugan at maaaring mas umangat pa ang”iskolar para sa bayan” pero sabi na nga natin, wala pa rin itong silbi kung walang firm stand at walang gawa.

    ayun, pasensya na. bago lang e. gusto kong matuto.🙂

  • kapirasongkritika  On February 21, 2010 at 3:06 pm

    @ Ederic: Ang entring ito pala ang magpapagawi sa sikat na blogger na si Ederic Eder dito. Hehe. Narinig-rinig ko lang po ang labanang Samasa at Samasa-TMMA. Pwede ba ninyong ipaliwanag? Hehe. Pero ang dating sa akin, mas malinaw ang kaibahan ngayon dahil malinaw ang tindig sa kongkretong mga isyu ng mga estudyante at hindi sila galing sa iisang partidong pangkampus.

    @ RADulce: Ganoon? Pwede ba nilang pawiin sa alaala ang isang Anton Dulce na nagsisigaw tungkol sa “pulang dagat ng kamao” noong gabing iyun? Hehe. Bumubuntot sila sa militanteng partido, maganda iyun. Ang kailangan syempre ay matalas na ihiwalay. Hehe.

    @ redhotchilli77: Talaga? Ang sabi sa akin, ginagawa iyan ng mga partido pulitikal sa UP kapag desperado na — mag-hoard ng Kule, magsingit sa Kule, etc.

    @ Funnies: Oo nga, walang gawa. Pero may firm stand sa kongkretong isyu ng komersyalisasyon — na siyang naglalantad sa iba pang stands nila. Pare-parehong manlalakbay ang mga nagkokomento rito. Mas marami pa yata akong natututunan sa mga nagkokomento. Hehe.

  • radulce  On February 21, 2010 at 3:12 pm

    Teo: Yun lang. Haha.

  • missphilippines  On February 21, 2010 at 5:53 pm

    isang punto ko ang hindi mo talaga maiisip at yun yung pansinin ko na cute ang ilang boys ng STAND UP. chika. by the way, dumaan ako sa blog ni ate jodi dean, kailangan padalhan siya ng mga sulating ng ating kilusan para magets niya na hoy bakla tama na ang darma mo, heto na kami!!!🙂

  • Edge  On February 22, 2010 at 2:04 am

    Mahusay at may paghahalawan na ako ng malalalimang pagsusuri. May ginawa akong blog din dati tungkol dito (bagamat di ganun kataas ang pagsusuri) dahil pangitang-pangita ito sa UPLB. Sa katunayan, ginawa pa itong tema ng UPLB Centennial Celebration at maging ang dating ‘NG’ Bayan sa website nito, ay ginawa na ring ‘PARA’ sa Bayan. Halos lahat ng propaganda ay nagtataglay na ng linyang ito. Malinaw na isang asimilasyon at pagkundisyon sa mga estudyante ang ginagawa ng UP admin. Tumpak ang yong pagsusuri sa layunin nila na ikahon ang mga estudyante sa pag-aaral sa akademya at umeskapo sa tunay na kalagayan ng lipunan at makipamuhay sa status quo. Na maging complacent at pathetic na lamang sa harap ng 300% increase sa tuition, budget cut, etc. at sa tumitinding krisis panlipunan at pulitikal. Patunay ito ng desperasyon ng sistema ng edukasyon, partikular ng UP admin o maging ng iba pang SUCs na ipreserba ang neo-liberal na uri ng edukasyon.

    Naalala ko ang maikli ngunit malamang pagtalakay sa usaping ito ni Propesor Emmanuel Dumlao, makata at guro sa UPLB.

    Mahalaga rin na mapatagos at mapaunawa ito sa mga magulang ng mga iskolar ng bayan.

  • Rael  On February 22, 2010 at 5:11 am

    Naalala ko rin ang paggamit ng iba dati (hanggang ngayon ba?) ng mga terminong aktibismo at progresibo para i-sugarcoat ang kanilang hungkag na “multi-perspective” (in contrast sa pro-people) framework. Na para bang ang pagsasalimbayan ng magkakatunggaling ideya at interes ay magreresulta sa pagsusulong ng interes para sa nakararami. Hi Teo, napadaan ulit.

  • radulce  On February 22, 2010 at 5:53 am

    Rael, mas lumaganap siya ngayon.

  • kapirasongkritika  On February 22, 2010 at 1:24 pm

    @ RADulce: Sana nagagawa sa kampanya para sa halalang pangkonseho ang ihiwalay ang kalaban, ano? Talaga? Mas lumaganap ang propaganda para sa multiperspektibong aktibismo? Ibig sabihin, minsan — o madalas? — pwede tayong tumindig nang maka-gobyerno, maka-administrasyon sa iba’t ibang usapin? Hehe.

    @ Edge: May mga nagtuturo nga raw sa UPLB ngayon na taguyod ng “iskolar para sa bayan” sa UP Diliman. Para tuloy silang nagsisilbing pamalit sa pambansa-demokratikong aktibismo kasabay ng militarisasyon sa kampus. Sabagay, pinuri na rin ni dating Hen. Hermogenes Esperon, Jr. ang partylist nila bilang “good leftists.” Hehe. Ilagay mo naman ang link ng isinulat mo. Maganda ito, matipon natin ang iba’t ibang progresibong suri sa katawagang ipinapauso nila. Oo, mahalaga talagang mapaunawa sa mga magulang — at ang mga anak ang pinakamahusay magpaliwanag nang diretsahan. Hehe.

    @ Rael: True. Para bang kapag tinimbang mo ang gustong dagdag-sahod ng mga manggagawa at ang pag-ayaw ng mga kapitalista sa dagdag-sahod, lalabas ang pwedeng pagkaisahang dagdag-sahod. Haha. Sila ang mahilig sa mga praseng “monopolyo ng katotohanan.” Bakit, itatanong nila lagi, kayo lang ba ang may monopolyo ng katotohanan? Pinakamainam na pagkontra sa multiperspektibong aktibismo umano nila ay ang kongkretong pagtindig ng mga iskolar ng bayan sa iba’t ibang isyu. Daan lang nang daan!

  • Maladroit  On February 22, 2010 at 2:35 pm

    Iskolar para sa bayan = Fascist.

  • Rael  On February 25, 2010 at 3:23 am

    @radulce: Gad, those gremlins, maski El Nino. Kidding aside, tama na ang pagposisyon sa iba’t ibang isyu at yung soundness at sharpness ng anaylsis ang maghihiwalay sa nagkukunwaring progressives.
    @Teo: Korek. At ang pag connect ng mga isyung kinakaharap ng mga iskolar ng bayan at ng education system sa pangkalahatang problema ng lipunang Pilipino bilang isang bansang walang soberanya at di demokratiko. Ok, got carried away. Na-imbey. Haha!

  • kapirasongkritika  On February 25, 2010 at 10:06 am

    @ Maladroit: Siguro mas “complicit with fascism.” Hehe.

    @ Rael: Mukhang nagtagumpay ang mga taguyod ng iskolar ng bayan sa mga taguyod ng “iskolar para sa bayan” ngayong eleksyon! Mabuhay! Ibig sabihin, nailinaw ang pagkakaiba. Hehe.

  • Juan dela Cruz  On February 25, 2010 at 1:28 pm

    Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!!!! Get up stand up! Stand up for your rights! Masaya lang ako Teo!!!!

  • Karen  On February 26, 2010 at 10:45 pm

    well… dami nang nangyaring diskusyon dito hinggil sa ‘iskolar NG bayan’ versus ‘iskolar PARA SA bayan’ – at klaro naman ang eksposisyon kung anong mga pananaw ang tinataguyod ng bawat katawagan sa mga pinagpapapaaral ng dugo at pawis ng mamamayan…anu nga ba yung punto ko.

    ah oo. napadaan lang🙂

  • kapirasongkritika  On February 28, 2010 at 3:58 pm

    @ Juan dela Cruz: Mabuhay! Masaya tayo! Muling tumindig ang mga iskolar ng bayan ng UP Diliman! Hehe.

    @ Karen: Daan lang nang daan! Salamat at “klaro” para sa iyo ang “eksposisyon.” Hehe.

  • CONDOMANILA  On March 4, 2010 at 4:54 am

    bet ang artikulo! at pagpupugay sa tagumpay ng muling pagtindig ng mga iskolar ng bayan! sana mas pataasin pa sa mas mataas na antas ang pagtindig at pakikibaka! (ching!)

  • fatale  On March 6, 2010 at 4:52 pm

    nakaka-agit at nakakatuwa. sumusulpot na naman pala ang mga taong nagsusulong ng “iskolar para sa bayan” na matagal nang pinaglipasan ng panahon.

    maraming magagandang punto pero ang isa sa pinakatampok na magguguhit ng malinaw na linya sa kaibahan ng “iskolar ng bayan” sa “iskolar para sa bayan” ay ang konsistensi sa pagkilos at pagbibigay ng pinakatamaas na antas ng paglilingkod sa sambayanan.

  • kapirasongkritika  On March 8, 2010 at 1:50 am

    @ Condomanila: Salamat! Pagpupugay! Pataasin pa! Hehe.

    @ fatale: Totoo ka. Pero kahit napaglipasan na ng panahon, kailangan talagang itumba para matumba. Ibig sabihin, kailangang may matinding pagtiwalag sa kanila ng mga estudyante.

    Salamat sa pag-summarize ng entri ko, ha. Hehe. Parang gusto kong idagdag: serbisyong totoo lang! Hehe.

  • theia  On March 22, 2010 at 9:11 am

    Parang CARP at GARB lang.

  • kapirasongkritika  On March 22, 2010 at 11:22 pm

    @ rocio montano: Baka mabasa mo ang mga sulatin ng mga kampeon ng “iskolar para sa bayan,” magugulat ka sa lalim ng pananalita nila.

    Sa isang banda, talagang mas sa mga kumbinsido na sa “iskolar ng bayan” ako nagpapaliwanag pa. Pero sa kabilang banda, sa tingin ko, iniwasan ko ang jargon sa sulating ito. Hindi porke hindi madaling maunawaan ay jargon na. Minsan, may mga salitang kailangang gamitin at ipanghamon sa mambabasa.

    Neoliberalismo — kilusang pangkaisipan (at pang-ekonomiya at pampulitika rin) na ang isinusulong ay pagbawas sa papel ng Estado sa ekonomiya at pagpapaubaya ng malaking bahagi nito sa mga “pwersa ng pamilihan.” Marami pang pagsisinsin ang pwedeng gawin sa pakahulugang iyan, pero iyan sa pangkalahatan.

    @ theia: Sa isang banda, oo, dahil parehong mukhang radikal ang tindig. Pero sa kaso ng iskolar ng bayan, mas matagal nang umiiral at mas malaganap ang “iskolar ng bayan” sa isa, hindi katulad ng GARB kumpara sa CARPER.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: