Salamat Ginoong Tagapayo sa Katotohanang Ito

Nakilala ng marami si Joey Salceda, tagapayong pang-ekonomiya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo at kasalukuyang gobernador ng Albay, noong tinawag niyang “bitch ang kanyang bosing. Noong Pebrero 2008, sabi niya, “[She] may be a bitch but she’s the luckiest bitch around,” sa harap ng isang pulong ng mga negosyante. Matapang ang dating niya — hanggang napansin niyang umaandar ang mga kamera ng mga mamamahayag pantelebisyon. “Naku, may TV nga pala,” sabi niya, parang nagulat.

Pero nitong 08 Marso, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, naglabas ng pahayag si Salceda kung saan dapat siyang makilala at matandaan — at di hamak na mas mahalaga ang sinabi niya para sa mga kritikal sa rehimeng Arroyo. “Mas maraming Pinoy ang mahirap ngayon, pag-amin ng tagapayo ni GMA,” sigaw ng headline ng Philippine Daily Inquirer. Balita ito dahil hindi galing sa lagi nang kontra sa rehimen, kundi sa tagapayo at pinagkakatiwalaan nito sa mga patakaran sa ekonomiya.

Ani Salceda, mas maraming mahirap na Pilipino ngayong 2010 kumpara noong 2001, nang maupong pangulo si Gng. Arroyo. Halos dumoble pa nga raw ang porsyento ng mga regular na nakakaranas ng di sinasadyang pagkagutom. Lalo namang yumaman ang mayayamang pamilya at korporasyon. Ito raw ang “pinakanakakadismaya (most frustrating)” sa pagiging tagapayo — na hindi nagdulot ng pagkaunti ng mahihirap ang 34 na kwarto umano ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.

May pahayag na bumantog ang progresibong intelektwal na Palestino-Amerikano at sinasabing pasimuno ng teoryang post-kolonyal na si Edward W. Said. Aniya, “Ang tungkulin ng intelektwal ay ang sabihin ang katotohanan sa kapangyarihan [Representations of the Intellectual, 1992].” Sa panahong iyun na mahina ang Kaliwa sa mundo, itinuring nang pangahas at palaban ang sabi niya, bagamat madali ring makitang may halo ito ng karerismong malaganap noon sa mga akademiko sa Kanluran.

Paalala ni Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles, may tuligsa sa pahayag na ito si Noam Chomsky, pasipista-anarkistang intelektwal na Amerikano. Ayon daw kay Chomsky, hindi naman kailangang sabihin ng intelektwal ang katotohanan sa kapangyarihan. Una, dahil alam naman ng kapangyarihan ang totoo; hindi ito nagugulumihanan tulad ng minsang pinapalabas nito. Ikalawa, dahil hindi ang kapangyarihan ang dapat sabihan ng totoo, kundi ang mga inaapi’t dinadahas nito.

May mga panahong ipinapakita ng kapangyarihan — ng mga imperyalista at naghaharing uri, halimbawa — na alam nito ang katotohanan. May mga panahong hindi. Kunwari, hindi nito alam na makakasama sa maralita ang mga patakarang neoliberal. Pero pagpapanggap lang ito. Alam nitong makakasama ito sa maralita. Iyun lang, positibo ang pagtingin nito rito. Si Eagleton na ang nagsabi: para sa mga naghaharing uri, mas mabuti nang magmukhang ipokrito kaysa pahinain ang sarili.

Napakahalaga pa naman ng ekonomiya para sa rehimeng Arroyo — o ng todong pagpapakitang pinapahalagahan nito ang ekonomiya. Sabi nito, pag-unlad ang gusto nitong kamtin kaya nananatili ito sa pwesto. Hindi raw ito papatol sa mga kontrobersya — parang showbiz lang! — dahil mas pinipili nitong magpokus sa ekonomiya. Malilinis daw ni Gng. Arroyo ang pangalan niya sa dulo ng termino dahil “mararamdaman ang kaunlaran.” Nitong huli, sabi nito, sumulong na nga ang ekonomiya.

Pero heto ngayon si Salceda, malapit na kakampi ng rehimen at tagapagsalita nito sa ilang usaping pang-ekonomiya, nilalagom ang mahigit siyam na taong nagawa nito sa ekonomiya. At ang tanging depensa ni Gary Olivar, dating aktibistang nabulok at ngayo’y tagapagsalita ng rehimen, ay mas masahol pa sana ang binagsakan ng ekonomiya ng bansa kung wala ang mga hakbangin ng rehimen. Tila tanggap ng rehimen ang pagsusuri, hindi nito maitanggi, at inaako nito ang sisi sa nangyari.

Sa pangkalahatang antas, kinikilala ng sinabi ni Salceda ang palagi at matagal nang iginigiit ng mga progresibong organisasyon ng mga mamamayan. Sa Internet, mahalagang kilalanin ang Ibon Foundation, Pinoy Weekly, Bulatlat at si Arnold Padilla, sa maagap at pasensyosong paglilinaw ng katotohanan sa ekonomiya na ginustong pagtakpan at pagandahin ng rehimen sa tulong madalas ng midya. Malamang, dahil hindi na maitanggi ng rehimen ang totoo, inunahan na nito ang mga kritiko.

Siyam na taon, kahirapan pa rin. Sa kabila ng pagpapaunlad ng mga imprastruktura. Sa kabila ng pagsulpot ng industriya ng call center at iba pang business process outsourcing. Sa kabila ng mga bagong malls, ng pagkalat ng mga bagong gahetong tulad ng cellular phone at laptop. Sa kabila ng paglaganap ng Internet at telebisyong cable. Sa kabila ng pag-istable ng kalagayan ng mga engklabo ng negosyo. Sa kabila ng pagmamalaking “mapayapa” ang larangan ng paggawa sa nakaraang mga taon.

Sa kabilang banda, pag-amin mismo ni Salceda, lumaki nang 21% kada taon ang mga tubo ng pinakamayamang 1,000 korporasyon sa bansa, at nang 15% kada taon ang balik ng kanilang pamumuhunan (return on equity or investments). Aniya, P3.1 trilyon ang kabuuang kita ng malalaking korporasyon, kung saan P2.1 trilyon ang ibinulsa at P1 trilyon lamang ang muling ipinamuhunan. At ito ang propaganda ng paninira nila sa sosyalismo: mahirap ang marami pero yumayaman ang iilan.

Naalala ko tuloy ang klasikong tula ng rebolusyunaryong makatang si Romulo A. Sandoval:

Habang naninila ang mga turista,
negosyanteng Amerkano,
Hapones, Aleman,
luwa-matang nananagpang
ng abubot
at tanawing katutubo
bukod pa sa likas na yaman ng bayan,
may tulirong inang nag-alok ng sanggol,
ng sariling sanggol,
sa Ermita, dahil ayaw
na ang kanyang bunso’y dilat na tupukin
ng apoy ng lagnat.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.


Pinatalsik
ng poong-maylupa sa sukarera,
o tulad ng kapwa dustang magbubukid
ay kinulimbatan ng tahana’t lupa
ng isang higanteng dayong korporasyon;
katutuntong lamang sa lubak ng lunsod
magbuhat sa dawag ng iniwang baryo;
walang ipakai’t makain ay wala,
isang ama ang naghampas
ng ulo ng anak sa pader ng Recto
habang hawakhawak ang dalawang paa.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.

Pero batbat ng suliranin ang paliwanag ni Salceda sa paglawak ng kahirapan sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Malinaw na sintomas nito ang paggamit niya ng mga salitang teknikal at akademiko para magpaliwanag. Kakatwa ring inilabas ito ng midya, ng Philippine Daily Inquirer sa partikular, sa kabila ng madalas nitong pagtangging ilabas ang nasabing mga salita kapag mga maka-Kaliwa ang nagsasabi. Hindi maitanggi ang kahirapan, pero pwede pang manlito patungkol sa mga dahilan nito.

Aniya, nanatili ang “mga salik na historikal at istruktural (historical structural factors)” sa kabila ng pagpapatupad ng “deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon.” Ano’ng akala niya? Na idudulot ng mga patakarang ito ang pag-unlad ng kabuhayan ng karaniwang tao at ang pagkakapantay-pantay? Matagal nang sinasabi ng Kaliwa: sa pagtanggal sa Estado sa iba’t ibang larangang pang-ekonomiya, lalo lang pinapalakas ng mga patakarang ito ang pagdomina ng mga imperyalista at naghaharing uri.

May sinabi pa siyang “Masyadong matatag ang mga oligarkiya habang mahina ang [E]stado dahil sa kasong ‘Hello Garci.’ Talagang sinamantala iyun ng sektor ng negosyo.” Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Na dahil sa krisis pampulitikang bumayo sa rehimen, nagawa ng iba’t ibang grupo ng naghaharing uri na humingi ng samu’t saring pabor? Sa diskurso kasi ng “mahina” at “malakas” na Estado, “mahina” raw iyung naglilingkod sa interes ng mga naghaharing uri. May “malakas” kaya?

12 Marso 2010

Hindi naman sa gusto kong samantalahin ang kabaitan ng mga nagbabasa ng blog na ito, pero may paraan ba kayo para makakuha ako ng mura o libreng tiket sa concert ni Timbaland sa 27 Marso? Mayroon? Gusto ko talagang manood, lalo na’t makita si Justin Timberlake na gawin ang sayaw niya sa “My Love.” Hindi naman sa gusto o kaya kong gayahin…

Kaya lang daw boboto si Dr. Margie Holmes ngayong eleksyon ay dahil iboboto niya si Satur Ocampo sa pagka-senador. Panalo!

Tingnan ang rebyu ni Richard Seymour sa pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Tingnan naman ang pagtuligsa ni Moore sa dati niyang pinapaniwalaang mga Democrats sa US.

Ang laki ng mobilisasyon noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan patungong Mendiola!

Dahil kakatapos lang ng 08 Marso, basahin ang panayam na ito kay Hester Eisenstein, sosyalistang feminista na maganda ang pagsusuri sa maraming bagay: mas mabangong pangulong imperyalista si Obama, aniya, at “Kalakhan ng mga feminista sa US, makitid ang isip.”

Napakatalas pero napaka-pesimistiko rin ng pagsusuri ng radikal na manunulat na si Alexander Cockburn sa kasaysayan ng Kaliwa sa US simula 1960 hanggang kasalukuyan.

Lampas 300 na ang miyembro ng fan page” sa Facebook ng blog na ito! Mabuhay!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • K  On March 13, 2010 at 4:38 pm

    “At ang tanging depensa ni Gary Olivar, dating aktibistang nabulok at ngayo’y tagapagsalita ng rehimen, ay mas masahol pa sana ang binagsakan ng ekonomiya ng bansa kung wala ang mga hakbangin ng rehimen. ”

    OMG. Apologist, apologist, apologist.

    Meron bang espesyal na palapag sa sa impyerno ni Dante para sa mga apologists?

    Ano ba ang Pinoy na katawagan sa apologist? Apolohista? Ay. Parang astronaut ng Apollo ang dating. Huwag na lang i-transleyt.

  • gingmaganda  On March 14, 2010 at 12:25 pm

    ako ang 309th fan! sorry ngayon lang nakapagBecome a Fan. di ko kasi mahanap ang link. hehe.

  • kapirasongkritika  On March 15, 2010 at 11:12 am

    @ K: Syet, ang sarap ng ekspresyong iyan. Na may nakareserbang palapag ng impyerno para sa isang bagay na karapat-dapat doon. Hehe. Baka sabihin nila, sa langit sila nababagay dahil martir sila. Kaya lang, martir para sa kasamaan! Hehe. Oo nga, maganda ang “Wala” ng Kamikaze sa sitwasyon ng mahihirap sa bansa.

    @ gingmaganda: Ngayon lang yata lumabas ang avatar mong iyan. Hehe. Pansin ko, mas maraming nag-klik sa iyong link. Hehe. Salamat sa pagiging fan, bagamat mas online friend talaga tayo. Hehe.

    • gingmaganda  On March 17, 2010 at 12:39 pm

      hindi ko nga alam paano napunta yang litrato kong yan sa avatar ko. ang payat ko pa diyan haha. at oo, online fwend kita! yihee!

  • sparks  On March 16, 2010 at 12:52 pm

    you’re a timbaland fan? lol🙂

  • kapirasongkritika  On March 17, 2010 at 2:54 pm

    @ gingmaganda: Email yata ang mapagpasya. Payat ka naman kahit sa pix mo sa blog mo, ah. Hehe.

    @ Sparks: Yes! Hehe. Mahilig ako sa music in general at black music in particular — pero diverse pa rin. Ikaw din? Hehe.

  • sparks  On March 18, 2010 at 1:15 am

    i used to like hiphop a lot, but now not so much. usually hindi rap eh. i like erykah badu, the roots, common.

  • Nic Madlabayan  On March 18, 2010 at 8:06 am

    ang tigas talaga ni joey salceda. hindi pa ba pumuputok ang ulo ni GMA sa galit dahil sa kanya?

  • kapirasongkritika  On March 19, 2010 at 2:03 pm

    @ sparks: Parang tahimik na hiphop iyan. Hehe. Mas mainstream hiphop nga ang gusto ko. Hehe. Noong una si Badu, nagustuhan ko rin pero saglit lang.

    @ Nic Madlabayan: Siguro. Hindi na lang makumpronta dahil mawawalan na naman siya ng alyado. Pero siguro rin, hindi. Kasi malalim pinagsamahan nila kaya pwedeng sabihin ni Salceda ito. Paboritong estudyante pa raw ni Gloria si Joey sa ekonomiks. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: