Russian roulette is not the same without a gun.
– Lady Gaga

/1/

Noong isang araw, tuwang-tuwa sa kaka-Facebook ang isang kaibigan. Matapos ang militanteng pagkilos ng mga estudyante ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, sumunod naman ang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Nagsunog ng mga bulok na upuan at gamit ang mga iskolar ng bayan sa PUP bilang protesta sa pagtaas ng matrikula na tulak ng administrasyon. Binato naman ng pintura ng mga iskolar ng bayan sa UP ang chancellor ng UP Los Baños na may pakana ng maraming kahangalan.

Tapos bigla siyang tumahimik. Maya-maya, galit na siya, kung anu-ano ang sinasabi. Nakita niya ang sagutan sa wall ng isang “kaibigang Facebook (Facebook friend)” niya. Kakasabi lang noon ng pinuno ng Commission on Higher Education na kokontrahin niya ang pagtaas ng matrikula sa PUP, at ipinagmamalaki ng kaibigang Facebook na nakamit ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng militanteng pagkilos, hindi ng “diplomasya.” Wasto naman ang kongklusyon niya batay sa takbo ng mga pangyayari.

Pero hindi sang-ayon ang ilang tumugon. Mukha raw magagamit pa ang mga silya, sabi ng isang mukhang hindi pa nakakapunta sa PUP. Pwede raw igiit ang panawagan nang hindi nagsusunog, sabi ng isang halatang hindi pa nakakasama sa paggigiit ng mga panawagan ng mga estudyante. Dapat daw humingi ng paumanhin ang mga nagsunog, sabi ng isang hindi kailanman naggiit sa rehimen na magpaumanhin ito sa mga krimen sa bayan – o nagpaumanhin para sa itsura ng mukha niya sa Facebook.

/2/

Sa isang panayam, na nalimutan ko na kung saan ko nabasa, tinanong si Jose Maria Sison kung bakit niya pinangalanan ang mga di-kilalang lider ng Kaliwa na naglalabas ng mga sulating tumutuligsa sa kanya at sa mga batayang prinsipyo ng Kaliwa noong bukana ng dekada ’90. Tinutukoy ang mga tinawag nang “Sison’s greetings” at “fax attacks” na ipinadala ni Sison galing The Netherlands kung saan pinangalanan niya sina Ricardo Reyes, Romulo Kintanar at iba pang nag-iingay kontra sa kanya at sa Kaliwa.

Sabi ni Sison, binabaril siya ng mga ito mula sa dilim – ibig sabihin, nang nakatago ang mga pangalan, hindi kilala at ginagamit pa ang pangalan ng mga organisasyon nila sa Kaliwa. Dahil lantad sa publiko ang rekord at mga prinsipyo ni Sison at ng Kaliwa, madali silang “mabaril” ng mga taong nasa dilim, atakehin nang buung-buo at hindi lang nakatali sa isyung pinag-uusapan. Sabi ni Sison, hindi siya papayag na baril-barilin ng mga taong itong nasa dilim, kaya binuksan din niya ang ilaw sa kinaroroonan nila.

Kalakhan ng mga tugon sa Facebook na nabasa ko ay ganito na ang ginagawa – hindi pa ang pangalanan ang mga tumutuligsa kundi ang ilawan at ilarawan ang pulitika nila – bukod pa sa sagutin ang mga argumento nila, na siyang pangunahin. Dapat lang. Kung hindi napakababaw (“ayos pa ang mga silya”), napaka-histerikal bagamat sa tonong kalmado (“wala kayong ipinag-iba sa administrasyong Arroyo”) ng mga komento nila. Talagang tinatawag nila ang pansin ng mga tao sa klase ng pulitika nila.

/3/

Grabe ang mga paghahambing nila, walang sinasantong pagkakaiba. Nang may nagsabing “casualty” ang mga sinunog sa isang makatwirang laban, may sumagot na pwede ring gamiting pagtatanggol ito ni George W. Bush sa mga inilunsad niyang gera. Kinokondena raw ng mga maka-Kaliwa ang “kabastusan (indecency)” ni Gloria Macapagal-Arroyo pero ginagamit nila ito kapag pabor sa kanila. Gumagamit daw ang mga aktibista ng “dahas at pananakot” para mamilit ng mga tao, parang mga pulitiko.

Tanong ng isa, na parang tinatakot ang publiko pero ibinubulalas din ang takot niya: Kapag ba tutol ang isang tao sa sinasabi ng Kaliwa, pwede na rin niyang lusubin, batuhin ng itlog at sigawan ng mga mura ang mga lider-Kaliwa? Bakit daw inaatake ng Kaliwa ang karapatang pantao ng mga kalaban nito habang ipinapaglaban umano ang karapatang pantao? Porke raw ba hindi kasing-sama ng rehimen ang Kaliwa, pwede nang gawin ng huli ang kahit anong gusto nito? Ad absurdum, ad infinitum. Adik talaga.

At umulan na ng mga bansag sa Kaliwa: Wala raw ipinagkaiba sa administrasyong Arroyo, may “magkaibang pamantayan (double standards)” sa usapin ng dahas at kabastusan, ipokrito, gumagawa ng mali na hindi makakapagtama sa isa pang mali, at bulok ang mga prinsipyo. Sa bigat ng mga bansag na ito, mahahalatang hindi sa isyung ito lang tumutol ang mga tumugon sa hakbangin ng Kaliwa, at hindi sila kaso-por-kaso magsuri. May pinagmumulang galit sa Kaliwa ang mga pahayag ng mga nagsulat.

/4/

Bagamat wala silang kinikilalang pagkakaiba ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo – liban na lang siguro ang sabihing mas masahol ang una – magiit sila sa isang pagkakaiba: Matalino sila at bobo ang mga aktibista. “Tipikal” daw sa mga “tibak” ang puro retorika, nang walang kakayahang intelektwal o bayag na sumuong sa “debateng intelektwal.” Nahugasan ang isip o “brainwashed” na raw ang mga ito. Wala raw kakayahan (“incompetent”) ang mga ito, habang mahilig sila sa diskursong intelektwal.

Pero nasaan ang talino sa ganitong pagbubungkos ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo? Nasaan ang paggawang intelektwal? Nasaan ang diskurso? Kapantay ba ng pagsunog ng mga silyang bulok ang pagdambong sa kabang-yaman ng bayan? Kapantay ba ng pagbuhos ng pintura sa isang opisyal ang ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot at pagtortyur? O ang pagpapangalan sa mga lider-estudyante na miyembro umano ng Communist Party of the Philippines, tulad ng ginagawa ngayon sa UP Los Baños?

Wala rin silang pakialam kung ano ang ipinaglalaban ng mga estudyante; sapat na para sa kanilang sabihing “sang-ayon” sila sa mga ito – bagamat may patunay na hindi talaga. Hindi nila dama ang bigat ng pagtaas ng matrikula sa PUP o ng lalong pagsikil sa demokrasya sa UP – dahil inaangat sila ng uri nila sa mga epekto ng mga ito. Wala silang pandama sa pagiging makatarungan ng ipinaglalaban ng mga iskolar ng bayan, kaya madali rin nilang mapalaki ang antas ng “dahas” ng mga hakbangin ng mga ito.

/5/

Ang mga alyado nilang blogger at komentarista, sa mga panahong gigil na gigil sa rehimeng Arroyo, ay mahilig magmuni, gumawa ng “kritisismong panlipunan,” kung bakit hindi sumasama ang mga tao, ang mga masa at nasa panggitnang uri, sa mga protesta para patalsikin ang rehimen. Samu’t sari ang sagot nila – mula sa kulturang Pinoy hanggang sa pagkalubog ng mga tao sa pang-araw-araw na pangangailangang pang-ekonomiya. Buntong-hininga ang rurok ng sulatin, at sila lang ang magaling.

Gusto nilang makakita ng isang malaking dahilan? Basahin nila ang mga Facebook tacticians. Nagpapalaganap ang mga ito ng diskursong pulitikal kunwari pero walang ibang epekto kundi pabalikin ang mga tao sa pagiging walang pakialam, sa pagiging apolitikal – nang magaang ang loob, dahil subaybay nila ang nangyayari, at may konsensya pa rin sila para sa mga inaapi. Pareho lang ang rehimen at mga lumalaban dito, kaya mabuti nang sariling buhay ang atupagin. Walang mapapala sa pulitika.

Ang totoo, nagpapatianod ang mga Facebook tacticians sa taktika sa propaganda ng imperyalismo, ng Estado, ng mga naghaharing uri, at ng rehimen. Masahol ang ekstrahudisyal na pagpaslang? Tingnan ninyo ang mga namatay sa pagpurga ng Kaliwa! At ang mga Facebook tacticians, matapos magbasa ng dyaryo, makinig sa radyo, manood ng telebisyon ay magagalit sandali, mapapabuntong-hininga. Pero kapag may hakbangin ang Kaliwa, iluluwa nila ang ipinalunok sa kanila. Sino ulit ang brainwashed?

/6/

Nagsimula sa pulitika ang mga Facebook tacticians sa kampus, kung saan tutol sila sa tindig ng mga aktibista sa mga isyung pang-unibersidad, bagamat tutol sila sa mga hakbangin ng rehimen. Sino ba ang sasang-ayon sa katiwalian at pandaraya sa halalan? Pero hindi sila kilala sa pagkilos. Kapag hawak nila ang konseho, tradisyunal na mga aktibidad lang ginagawa nila – at hindi pa nga sila mahusay rito. Wala silang paglubog sa masang anakpawis, liban sa pana-panahong pagsama sa mga pambansang rali.

Tradisyunal ang mga career path nila, at ang marami nga’y nag-aabogado o nagdodoktor nang walang tanaw na maglingkod sa bayan. Wala silang mahigpit na ugnay sa mga kilusang progresibo, kahit sa mga kilusang nagpapanggap na ganito. Pero ang marami sa kanila, mahigpit ang ugnay sa fraternity. Maaaring naniniwala silang kayang iwasto ng sistema ang sarili, pero nakikinabang sila sa koneksyong bigay ng kapatiran – nagiging “lider-estudyante” at nakakahanap ng magandang trabaho.

Kaya masyado namang mabait – giving too much credit – ang tawagin silang mga “liberal.” Hindi makikita sa mga isinusulat nila ang mga prinsipyo ng liberalismo. Nahubog sila para maging kontra-Kaliwa, bagamat nagpapanggap ngayong liberal. Dapat, ang panawagan sa kanila ay tumanda na mula sa karanasan ng pakikitunggali sa mga aktibista sa kampus. Grow up! Umibabaw sa karanasang ito. Get over it! Suriin ang mga isyu nang kaso-por-kaso, hindi sumandig sa bagaheng kontra-Kaliwa. Get real!

/7/

Simple lang naman ang ipinaglalaban ng mga iskolar ng bayan ng UP at PUP: edukasyon para sa lahat, demokratiko at patas na pamamalakad. Pero talagang napakasama ng kalagayan ng bansa ngayon na kailangang todong ipaglaban ang mga simpleng kahilingang ito. Paano pa kaya kung pagkain para sa lahat? Kung gumagamit man ng militanteng porma ng protesta ang mga iskolar ng bayan, ang dapat sisihin ay walang iba kundi ang sistema at mga nagpapatakbo nito, hindi silang iskolar ng bayan.

Kung talagang liberal ang mga Facebook tacticians na ito, dapat liberal sila sa puntong handa silang magduda sa pagiging liberal. Dapat handa silang pumanig at kumilos pana-panahon. Sa US, noong Vietnam War, halimbawa, kinailangang looban ng mga radikal na pasipista ang mga opisina ng gobyerno at sunugin ang mga dokumento ng mga nirereklutang maging sundalo. Kinailangan, syempre, ng sambayanan ng Vietnam na mamatayan nang marami at pumatay ng maraming sundalong Kano para lumaya.

Walang ipinanganak na may kagustuhang gawin ang mga bagay na ito – at si Bertolt Brecht nga ay humihingi ng paumanhin sa mga anak ng hinaharap, dahil “kaming gustong maglatag ng pundasyon ng kabaitan ay hindi nagawang maging mabait.” Pero kung tutuligsain natin ang paggamit ng mga militanteng porma ng pagkilos, inaalisan natin ng armas ang mga iskolar ng bayan at ang sambayanan sa paglaban sa mapanupil at walang-pakialam na mga kalaban nila. Pinapanatili natin ang bulok na sistema.

/8/

Grow up! Get over it! Get real! Kailangan ng militanteng pagkilos para mapanatiling bukas sa mahihirap ang edukasyon sa PUP. Kailangan ng militanteng pagkilos para mapigilan ang lalong pagiging di-demokratiko, di-patas at mapanupil ng UP. Kailangan ng militanteng pagkilos para ipaglaban na maging konsensya ng bayan ang mga pamantasang ito, at hindi mga sunud-sunurang tagapagtanggol ng sistema. Ganyan ka-sama ang sistema at mga taguyod nito. Grow up! Get over it! Get real!

At kung hindi man lubusang makamit ang mga layuning ito sa kasalukuyang lipunan, kailangan ang militanteng pagkilos para magsilbing tagapagmulat ng mga iskolar ng bayan at sambayanan sa kung ano ang kailangan para baguhin ang lipunan at takbo ng kasaysayan – higit pang militanteng pagkilos. Kailangan ito para masapul kung gaano pa kalawak na pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ang kailangan nating gawin. Kailangan ito para mapanday tayo sa higit pang mga pagkilos sa hinaharap.

Sabi ni Lady Gaga, “Russian roulette is not the same without a gun.” At sadyang may mga pagkilos na hindi makakamit ang layunin kung hindi dudulo sa militanteng paglaban.

01 Abril 2010

Basahin ang ulat ng mahusay na manunulat at progresibong aktibistang si Arundhati Roy tungkol sa armadong pakikibakang inilulunsad ng mga Maoista sa India.

Heto ang sulatin ni Bikoy Villanueva tungkol sa naganap sa PUP at UP, kasama ang bonus na mahusay na sanaysay ni Frank Lloyd Tiongson.

Isa, dalawang sanaysay ni Prop. Roland Tolentino tungkol sa mga naganap.

Ayan, si Karl Marx na ang naglinaw: “Ang isang layunin na humihingi ng hindi-mabibigyang-katwirang pamamaraan ay hindi-mabibigyang-katwirang layunin.”

Nanggagalaiti si Rafael Anton Dulce sa pag-angkin ni Sen. Mar Roxas ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga iskolar ng bayan ng PUP.

Napapanahon ang pagsusuri ni Carol P. Araullo sa mga iskema ni Gng. Arroyo para manatili sa kapangyarihan.

May mga larawan si Jessica Zafra ng Maynila noong hindi pa gaanong matrapik dito.

Pagsusuri nina Richard Dawkins at Christopher Hitchens kay Pope Benedict XVI at sa mga eskandalong yumayanig ngayon sa Simbahang Katoliko.

May bagong blog si Raymund Villanueva. Enjoy!