Daniel, My Brother


Bihira akong magbasa ng fiction at hindi ko alam kung “katha” nga ang tamang salin nito. Pero itinuro ni Fredric Jameson, Marxistang akademiko, ang mga nobela ni E. L. Doctorow na halimbawa ng postmodernong pagkabigo ng kasalukuyan na bigyang-representasyon ang kasaysayan. Sa mga nobela ni Doctorow sa BookSale, isa lang ang natipuhan ko agad – ang The Book of Daniel [1971], na batay sa tunay na nangyari sa mag-asawang Komunistang Hudyo-Amerikanong sina Julius at Ethel Rosenberg.

Hindi ito sosyal-reyalistiko. Hindi rin pagpula ng silangan ang katapusan; mas ang kabaligtaran pa nga. Pero nawili ako sa paglalarawan sa buhay-Komunista sa US noong dekada ’40 – kalakasan ng Komunismo doon. Si “Ethel” raw, naging Komunista dahil naranasan ang mahirap na buhay; si “Julius,” dahil nasapul na tama ang Komunismo. Tulad ng mga progresibo ngayon, na tagatangkilik ng acupuncture at macrobiotic diet, sumusunod ang mga Komunistang Kano noon sa alternatibong mga uso sa kalusugan.

Sumikat ang nangyari sa mga Rosenberg, na sinilya-elektrika noong 1953 sa kasong paniniktik (espionage) pabor sa Unyong Sobyet. Kakasimula lang ng Cold War ng dalawang kapangyarihan at papatindi ang sentimyentong kontra-Komunista sa US. Inakusahan ang mag-asawa ng pagnanakaw sa US ng sikreto ng paggawa ng bomba-atomika – na ginamit ng US sa dulo ng World War 2 laban sa Japan. (Ibinintang rin pala ito sa kakayaong physicist at Maoistang si Joan Hinton.) Itinanggi nila ang akusasyon.

Sa nobela, sa isang pagmumuni ni Daniel – panganay na anak nina “Julius” at “Ethel” at sentral na karakter – nasabi niyang kung totoo ang nasabing akusasyon, iniligtas ng mga magulang niya ang mundo. Kahit naman sa pagtingin ng maraming manunuring pampulitika ngayon, kung walang bomba-atomika ang Unyong Sobyet noon, maaaring naging mas arogante ang US – tinakot-takot, dinikta-diktahan at ginera-gera ang nauna at maging ang ibang bansa. Deterrence ang tawag sa ganitong teoryang pampulitika.

Magandang basahin ang nobela.

19 Hunyo 2010

Ang maghimagsik sa mga taksil sa sosyalismo ay makatarungan! Heto ang larawan ng pag-aalsa ng mga manggagawa ngayon sa Tsina. Heto naman ang pahayag ng matatandang rebolusyunaryo hinggil sa nagaganap. Heto naman ang katarantaduhang ginagawa ng manedsment ng ABS-CBN sa mga manggagawa nito.

Galit daw ang mga Pranses kay Noam Chomsky, anti-imperyalistang intelektwal? Magagandang tanong ni Uri Avnery tungkol sa pag-atake ng gobyernong Israeli sa Freedom Flotilla. Lumalaki ang papel ng kababaihan sa lipunan, ayon sa ulat na ito.

Paano ilalantad sa mga US Marines ang kontra-kababaihang katangian ng pornograpiya? Heto ang isang magandang pagtatangka. Football fever! May kakatwa pero nakakapagpaisip na komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang Ingles, sa ugnayan ng palakasan at kapitalismo. Hindi kumbinsido si Alexander Cockburn sa talumpati ni Barack Obama tungkol sa malubhang oil spill ngayon sa Gulf of Mexico.

Patay na ang Komunistang manunulat na Portuges na si Jose Saramago. Paborito siya ni Kong. Mong Palatino, na may mahusay na paliwanag sa “irasyunalidad” na ipinakita ng masa nitong nakaraang eleksyon. Gusto nina Louis Proyect at Jodi Dean, mga Marxista, ang Sex and the City 2. May artikulo si Alice Salvacion tungkol sa mga NPA na malapit nang maging senior citizens.

Maraming salamat kay Jose Dennio Lim sa pagkilala sa blog na ito! Sabagay, hindi naman edad ng isang blog o ng kahit ano ang batayan para matawag na “emerging.” Pero sapat na ang pagkilala ng mga kapwa-progresibo tulad niya. Salamat!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Layka  On June 21, 2010 at 3:56 pm

    teo,bitin ang entri mong ‘to!

    sa totoo lang, di rin naman ako fan ng mahahabang essays. nang magdesisyon ka ngang mag-300, naisip ko, ayos! mabubuo ko na lagi ang entri mo.

    bawing-bawi rin naman sa mga links sa dulo. daming bagong natutunan sa bawat klik ng link.

  • FreeSince09  On June 22, 2010 at 10:34 am

    http://www.history.com/videos/joseph-stalin#america-the-story-of-us-superpower

    Tanong ko lang, nakit nga ba hindi dapat matakot kay Stalin? at sa Cultural Rev ni Mao na nakapatay nang milyong milyon ka tao?

  • kapirasongkritika  On June 23, 2010 at 3:34 am

    @ Layka: Salamat sa komento! Siguro, nahihirapan lang akong magtapos ng entri ngayong 300 salita na lang. Kaya feeling mo bitin. O siguro dahil nahihirapan din talaga ako. Hehe. Pero ayos lang, mas gusto ko na ang maikli at siksik kaysa mahaba pero masalita lang. Nakakatakot maging katulad ng ikalawa. Hehe. Komento ka lagi, ha. Hehe.

    @ FreeSince09: Una sa lahat, bakit ka matatakot? Eh mga tao lang naman ang mga iyan, tapos patay na? Masyado kasi ang black propaganda kontra sa kanila, kaya talagang takot ang lumalabas sa karaniwang tao para sa kanila. Para silang multo, halimaw.

    Tapos, kung gusto nating maunawaan kung bakit marami pa rin ang naniniwala kina Stalin at Mao, humanap tayo ng source ng impormasyon na hindi malinaw na kontra sa kanila. Unawain natin sila mula sa perspektiba ng mga tagahanga nila. Tapos tsaka tayo manimbang. Hindi iyung umpisa pa lang, kontra-Stalin na iyang link mo.

    Andaming babasahin sa Internet. Heto ang mga ambag ni Stalin sa sambayanang Ruso at sa sangkatauhan:

    http://marxistleninist.wordpress.com/2009/12/20/long-live-the-universal-contributions-of-comrade-joseph-stalin/

    Puro pambabaluktot iyung nasa documentary na naka-link sa iyo. Bayani si Stalin at ang sambayanang Ruso ng World War 2. Iyung kasunduan kay Hitler, sinubukan lang nilang patagalin bago atakehin sila ni Hitler, para magpalakas. Pero sila rin naman ang tumapos kay Hitler.

    Heto naman ang tungkol sa maraming pinatay umano ni Mao:

    http://www.monthlyreview.org/0906ball.htm

    Marami pang katulad na sulatin sa Internet. Sana hanapin at basahin mo rin.

  • FreeSince09  On June 24, 2010 at 12:07 pm

    http://bulatlatan.multiply.com/

    Nakakatawa lang to.

  • kapirasongkritika  On June 24, 2010 at 3:27 pm

    So talagang pinatitindi ninyo ang opensiba ninyo online? Hehe. Puro naman pagli-link, mga akusasyon, wala namang argumento o paliwanag. Eh ang ginagawa ng mga naghaharing uri sa kahirapan at kagutuman sa bansa, paano? Ang pakikipagkutsabahan ng mga dilawang luma at bago. (May nalaman daw ang mga kabataan-estudyante: ang nagsusulat ng black propaganda sa website nila ay may IP address na taga-Freedom from Debt Coalition. How true?)

    Hindi mo ba naiisip na hindi naman nakakakumbinsi ang ganyan? Na wala namang naniniwala diyan, katulad ng naniniwala ang mga tao na naghihirap sila at rebolusyon lang ang solusyon na nakikita nila?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: