Pagmamahal sa Bayan ayon kay Noel Cabangon

Sa tatlong kinanta ng mang-aawit na si Noel Cabangon sa inagurasyon ni Pres. Noynoy Aquino – “Tungo sa Pagbabago, Para sa Pagbabago,” “Ako’y Isang Mabuting Pilipino,” at “Kanlungan” – ang naunang dalawa ang may malinaw na komentaryo sa lipunan at naghahayag ng pagmamahal sa bayan. Pero ano’ng klaseng komentaryo sa lipunan? Ano’ng klaseng pagmamahal sa bayan? Magandang suriin.

Nagsimula ang “Tungo…” sa panawagang tingnan ang mga suliranin ng lipunan, na maririnig sa mga aktibista pero kahit sa mayayaman at makapangyarihan: “Kay daming batang lansangan / Bahay na nagsisiksikan…” Tumungo ito sa mga panawagan kung saan ang una lang ang kongkreto: “Iwaksi ang katiwalian / Tuloy pa rin ang laban / Tayo’y kumilos na.” Sumunod ang isang prinsipyo:

Ang pagbabagong nais mo sa ’ting bayan
Sa sarili ay dapat nang simulan
Dapat ipakita na kaya nating mabuhay
Nang marangal, matapat, mapagmahal at mahusay

May rap sa kanta, na naglalaman ng mga pangarap para sa bayan. Sinasabi ng mga progresibo ang mga pangarap na ito, pero pakitang-tao ring sinasabi ng mga uring naghahari sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Maliban pala sa isa: “Utang ng bayan na baya’y di nakinabang / Dapat nang putulin at huwag nang bayaran” – bagay na hindi sinunod ng nanay ni Noynoy dahil may palabra de honor daw tayo.

“Ligtas” o “safe” ang tuligsa sa lipunan at pangarap para sa bayan ng kanta – pwede sa Kaliwa, pwede rin sa Kanan. Pero kung makikilala ang puno sa bunga nito, makikilala ang pulitika sa aksyong itinataguyod nito. Nariyan ang suliranin sa dalawang kanta ni Cabangon – sa itinutulak na maging hakbangin ng mga Pilipino. Lalo itong makikita sa “Ako’y Isang Mabuting Pilipino” na mas kongkreto ang laman.

Madiin ang “Ako’y Isang…” sa pang-araw-araw na mga hakbangin (pagtawid sa tama, pagsakay sa tama) at mabubuting gawi (hindi pagdodroga, hindi pagbebenta ng boto) ng “mabuting Pilipino.” May isang talatang laan sa pulitiko (hindi tumatanggap ng pabor o lagay, tapat na naglilingkod, hindi nagnanakaw sa kabang-bayan) at isa pa sa mga pangkalahatan (karapatan, paggalang, dangal).

Ako’y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin

Inuugat ng mga kanta ang mga suliranin ng lipunan, at ang mga solusyon dito, sa indibidwal. Mataas na kung sa kagawian o kultura. Hindi inuugnay o inuugat ang mga ito sa mga istrukturang pang-ekonomiya at pampulitika, sa pagdomina ng imperyalismong US at ng mga naghaharing uri. Nasa pagbabago ng indibidwal, kagawian o kultura ang “pagbabago” at pagiging “mabuting Pilipino.”

Totoo: kapos ang pagsisikap na baguhin ang mga istrukturang panlipunan kung hindi babaguhin ang indibidwal, kagawian o kultura. Pero kung hindi hahantong sa nauna, kapos din ang ikalawa – magpapanatili sa mapagsamantalang kaayusan at magbibigay lang dito ng makataong itsura. Sa pagturing ng mga awit na pulitikal ang pang-araw-araw na mga hakbangin at tindig, inilalayo sa pagsangkot sa pulitika ang tagapakinig.

Ang nakakasuya, pagmamahal daw sa bayan ang mga sentimyentong ito. Paalala ng Marxistang kritikong pangkulturang si E. San Juan, Jr., tugma sa ganyan ang laman ng iskolarsyip ng mga konserbatibong dayuhan tungkol sa bansa: “Ginawa ng US ang lahat ng makakaya pero…” Pero nananatili ang bulok na indibidwalidad, kagawian at kultura. Ang mga Pinoy na naman ang may pananagutan at ligtas na naman sila.

Kung tutuusin, kung palalalimin sa mga istrukturang pang-ekonomiya’t pampulitika ang mga suliranin ng bansa, kung kikilalaning kailangang baguhin ang mga ito ng “mabuting Pilipino” para magkaroon ng “pagbabago,” mangangahulugan ang pagiging “marangal, matapat, mapagmahal at mahusay,” hindi ng pagsunod sa mga alituntunin ng bulok na lipunang ito, kundi ng paglabag, pagsuway at pag-aaklas.

Hindi ng pagpapahulma sa namamayaning mga alituntunin at tradisyon, kundi ng pagsusulong sa rebolusyon.

10 Hulyo 2010

[Simula ngayon, aabot na sa 600 salita ang mga entri sa Kapirasong Kritika.]

Galing ang magagandang larawan sa account sa Flickr ni Ging Flores.

Hindi mahirap ang ekonomiks, pagwawasto ni Dean Baker kay Robert Samuelson, ekonomistang neo-klasikal. Balik-balikan ang mga pahayag ni Kong. Teddyboy Locsin, pasimuno ng eleksyong automated: palpak daw dahil hindi maberipika kung may pandaraya. Natatalo ang US sa Afghanistan, pag-amin ng mga opisyal-militar nito.

Pinakahuling pagbasa ng kaliwa-liberal na ekonomistang si Paul Krugman: nasa maagang yugto na tayo ng bagong depresyong pandaigdig. Ipinamalita na naman ni Slavoj Zizek na may diabetes siya, pero maganda ang payo niya sa mga anak niya. Anekdota tungkol sa pagka-wild ni Zizek at kung paano dapat harapin. Mga librong inirerekomenda ni Ralph Nader.

Sulatin ni Carlos Conde tungkol sa napabalitang paghirang ni Noynoy kay Etta Rosales ng Akbayan bilang pinuno ng Commission on Human Rights. Isinulat ni Joan Hinton tungkol sa pagpapalaya sa kababaihan sa paglaban para sa sosyalismo. Ilang kwento mula sa librong Silage Choppers and Snake Spirits ni Joan Hinton na hinalaw ni All-in-1 Day.

Parangal kay Patrice Lumumba, dating punong ministro ng Congo, na inidolo nina Jose Maria Sison ayon kay Prop. Luis V. Teodoro. Parangal kay Kasamang Azad, tagapagsalita ng Communist Party of India (Maoist). Sayang, hindi itinuloy itong blog ng reading group para sa mga sulatin ni Mao Zedong.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • tanglad  On July 15, 2010 at 7:50 am

    Great post. Hindi madaling i-criticize ang ideya ng indibidwal na pananagutan, kaya napaka-insidious ng ganitong mga mensahe. Bukod pa sa discipline that’s being cultivated (wastong pagtawid, blah blah), nakakabahala din ang pagpataw ng responsibilidad ng panlipunang suliranin sa mga indibidwal, or sa mga pribadong do-gooders gaya ng Gawad Kalinga.

    Nabasa mo na ba ang ang sanaysay na “Righting Wrongs” ni Gayatri Spivak? Naalala ko ito base sa mga punto mo. May bahagi na ikinuwento ni Spivak ang kampanya niya kasama ng ilang residente ng isang indigenous village. Pabalik-balik sila sa iba’t ibang opisina ng gobyerno, para ipa-ayos ang balon sa kanilang komunidad. Mahigit dalawang taon yata bago naayos ang balon. In the meantime, hindi sila tumanggap ng anumang tulong ng mga pribadong NGO (lalo na ang mga internasyonal na NGO) para gawan ng balon ang komunidad na ito.

    Binasa namin ang “Righting Wrongs” sa isang klase at sobrang laking away ang nangyari dahil sa kwento na iyon. May faction na nagalit. Bakit hindi sila gumawa ng ibang paraan? Bakit ayaw nila “tulong” ng mga NGO? Iresponsable daw sila Spivak. Tapos may faction (dalawa lang kami), na sumang-ayon sa kilos ng mga miyembro ng komunidad. Dahil importante na huwag ma-displace ang mga responsibilidad ng gobyerno, ng estado, lalung-lalo na sa mga populasyon na subaltern. (At isa pa, sino kami para i-criticize ang desisyon ng mga miyembro ng community na iyon? Pero digression)

    Binibigyang prioridad ng neoliberal na estado ang interes ng mga elite, ng mga korporasyon, habang sabay bigay “lip service” sa mga tao (bagong bayani! mabuting Pilipino!). Importante na suriin at tuligsain ang proseso na ito.

  • kapirasongkritika  On July 15, 2010 at 4:43 pm

    Salamat sa komento, Tanglad!

    Hindi ko pa nababasa, pahingi naman ng link!

    Maganda ang kwento. Pero ang tanong diyan: Hindi ba na-isolate sina Spivak sa kampanya nila? I mean sa hanay ng masa doon sa lugar? Kasi sukatan iyun kung talagang matagumpay ang kampanya.

    Kasi depende rin sa kamulatan ng masa sa isang lugar. O sa tindi ng pangangailangan sa isang serbisyo. Baka maging ultra-Left tayo kung hindi maikokonsidera ito.

    Hindi naman ako sarado sa tulong ng mga NGO, basta well-meaning at walang strings attached, sa isang lugar. Baka may pagkakataong pwede nating tanggapin ang tulong tapos ilantad ang Estado sa batayang iyun.

    Iyun naman ang mahalaga sa kampanya, na naitataas ang kamulatan ng mga kalahok, hindi ba? Pero baka kulang pa ako sa detalye para magsuri. Kaya pahingi ng link. Hehe.

  • tanglad  On July 15, 2010 at 5:45 pm

    May link dito, para ma-download ang pdf

    http://www.continental-philosophy.org/2006/09/30/spivak-righting-wrongs/

    I don’t think ang pag-mulat sa miyembro ng komunidad ang punto niya. If anything, alam ng aboriginal community na ito na walang pakialam sa kanila ang estado, walang sense of responsibility ang estado sa kanila. While agitating for the tube well, I think they got water from other villages, boiled water (siguro from not so sanitary sources, etc). Yun ang naging focus ng mga liberal na development workers kong mga kaklase, importante ang balon. Oo nga, pero importante rin ang pag-demanda ng accountability sa estado, at iyon ang piniling aksyon ng mga representatibo ng komunidad at sinuportahan ni Spivak.

    Hindi rin ako sarado sa mga NGO, pero hindi really no strings attached ang tulong nila. (Naku, mas malaking diskusyon ito, so sa susunod) Spivak situates NGO and HR discourse withing larger structures of (neo)colonialism. I think the points you raised about Cabangon’s songs and inauguration porn tie in really well, as a lot of spectacle and popular art is harnessed to do a lot of cultural work for neoliberalism.

  • kapirasongkritika  On July 16, 2010 at 10:12 am

    Ang sosyal! Nakakuha nga ako ng kopya! Hehe. Akala ko, ire-require ako mag-register. Pero mahaba pala, babasahin ko muna.

    Tama ka naman, hindi talaga no strings attached sila. Pero may malalaki at may maliliit na strings. Hehe. True, mahabang diskusyon nga.

    Pero saludo ako sa aksyon nina Spivak. Worried lang ako na baka nape-present niya na tagumpay pero baka hindi. Kasi may mga laban din na hawig sa ganyan.

    Talaga, they “tie in really well”? Di ko pa naiisip na ganoon. Salamat sa bagong palaisipan. Hmmm. Hehe.

  • tanglad  On July 16, 2010 at 3:13 pm

    Last na, just in case mayroong makabasa nito na hindi na babasahin ang buong essay (and I don’t blame them because her writing is not everyone’s thing). She doesn’t represent it as a success or failure, as one way or another. Just as something that happened and something that frustrates her. Sige, hanggang sa susunod na diskusyon

  • louis  On July 17, 2010 at 5:15 am

    gusto ko sanang mag-comment kaso friend ko si Noel eh, Hehehe… pero magaling. madami natututunan sa blog mo na ito talaga.

  • kapirasongkritika  On July 17, 2010 at 1:33 pm

    @ Tanglad: Salamat! Wait! Something that frustrates her? Iyung naging aksyon? Naguluhan ako. Mas malamang iyung NGO help, ano? Pag-aaralan ko ito. Gusto ko ang mga sulatin ni Spivak — partikular iyung mga naunawaan ko. Hehe.

    @ Louis: Salamat! Hindi naman personal ang atake ko kay Noel. Sana. Sinikap kong hindi maging personal kasi alam ko namang anti-Gloria si Noel at talagang sinsero siyang may diskuntento sa lipunan.

  • gingmaganda  On July 19, 2010 at 1:33 pm

    salamat sa picture feature =)

    speaking of inaug songs, asar yung kanta ni ogie alcasid na may mga linyang “si noynoy ang pag-asa ng bayan”. what is that silly guy thinking? ang mga mamayan ang pag-asa ng bayan at hindi isang taong nailuklok lamang sa pwesto dahil sa kanyang apelyido.

    susumbatan ko itong si ogie alcasid pag nagkataon.

  • kapirasongkritika  On July 20, 2010 at 12:14 am

    Sa wakas! Napadaan ka! Hehe. Ang tagal na nitong entri na ito, nagpapapansin sa iyo! Haha. Ang ganda ng mga kuha mo, nahirapan akong pumili.

    Oo nga. Noong inauguration, nag-Facebook status si KRGuda ng Pinoy Weekly, dinugtungan niya: Bubble Gang ba ito? Paborito ko pa naman si Ogie, lalo na dahil sa “Sa Kanya.” Sana huwag siyang masyadong dumikit kay Noynoy. Hehe.

  • gingmaganda  On July 20, 2010 at 1:51 am

    hehe, dati ko pa ito nakita kamahalan pero naspeechless ako at matagal bago naka-react. ikaw naman. hindi naman kumpleto ang linggo ko nang hindi nakakadaan dito. jejeje.

    maraming salamat muli! at natawa ako sa bubble gang comparison haha

  • kapirasongkritika  On July 20, 2010 at 5:22 pm

    Salamat! Alam mo iyung kuha sa tsubibo, parang iyung itsura ng mga bagay kapag nababaliw ka sa pagiging in love. Bakit kaya? Hehe. Kamahalan ka diyan!

  • gingmaganda  On July 21, 2010 at 3:56 am

    inlab? bakit nga ba? hehehe!

    kamahalan… ang dami mong loyal subjects, o. yihee!

  • kapirasongkritika  On July 22, 2010 at 12:33 am

    Ewan ko sa iyo. Hehe. Pero tingnan mo, hindi ba?

    Naku, ang mga kapwa-tibak, andaming gustong sabihin at galit sa isyu, kaya ganyan. Hehe. Kamahalan ka diyan!

  • gingmaganda  On August 2, 2010 at 2:33 pm

    nagmamahal ngunit naninimdim rin. lagi naman atang ganoon. hehe.

    hehe, totoo bang ang tibak ay madaldal at laging galit? wala bang ceasefire? jejeje. kamahalan ka diyan!

  • kapirasongkritika  On August 3, 2010 at 12:02 am

    Naks! Poetic ito! Hehe. Nagmamahal nga, kapag ganyan.

    Hindi naman. May mga bagay lang na mahirap talagang palampasin. Tapos kaming jumoin sa Internet bilang aktibista ay feeling maraming sasabihin. Hehe.

    Pero totoo din iyun, feeling namin, marami kaming sasabihin. Hehe. Kamahalan ka diyan!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: