Para kay Risa Hontiveros

Paano ba ang magandang pagbati – “Magandang araw” o “Magandang laban”? Teka, bago ang lahat: bakit nga ba iyan ang islogan mo noong eleksyon? Hindi ba, sinasabi ang “It was a good fight” kapag tapos na ang kumpetisyon at natalo ang sinasabihan pero lumaban naman nang maayos? Ganoon nga ang nangyari. Pero iyun ba ang gusto mo?

Anu’t anuman, sumusulat ako sa iyo kaugnay ng pahayag mo tungkol sa nabalitang pagtatalaga ni Presidente Noynoy Aquino kay Rep. Etta Rosales, kapanalig mo sa Akbayan, bilang hepe ng Commission on Human Rights (CHR). Sabi mo, “perpekto” si Etta para sa nasabing posisyon. Todo-benta ka, ah. Paghanga? Desperasyon? O pareho?

Ang lumalabas na batayan mo sa pahayag ay ang pamumuno ni Etta sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao noong diktadurang Marcos sa pagsasampa ng class suit laban kay Marcos. Hinatulan ng Hawaii District Court, ayon sa iyo, si Marcos na lumabag sa karapatang tao at inutusan siyang magbayad-pinsala ng US 1.9 Bilyon.

Pero iba ang larawang ipinapakita ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na tumampok nitong rehimeng Arroyo. Ayon dito, nagdulot ng pagkakahati si Etta sa mga biktima dahil ginusto niyang magkaroon ng kasunduan ng pagkikipagkompromiso (compromise agreement) sa mga Marcos – na, lumalabas, hindi gusto ng lahat ng biktima.

Tapos, ayon pa sa Karapatan, nagtayo siya ng hiwalay na grupo ng mga biktima na ang gusto ay resolusyon sa salapi (monetary settlement), hindi katarungan para sa lahat. Noon pa man, ipinakita na ni Etta ang pulitika ninyo sa Akbayan – pagkakamit ng kagyat na mga “pakinabang” sa kasalukuyan, sa kapinsalaan ng matagalang laban.

Risa, hindi ko alam kung bakit iniisip mong makakabuti ito sa imahe ni Etta. Pinili niya ang resolusyon sa pera kumpara sa mas malalaking tagumpay na, oo, makakamit lang sa mas matagal na paglaban. Ikakatuwa ng militar na ganyan ang maupo sa CHR; magbabayad lang naman pala sila eh. Magkano kaya ang anak na pinatay o winala?

Tapos, sabi mo, “Biktima si Etta ng mga krimen (atrocities) na ginawa ng rehimeng Marcos.” Dahil dito, ayon sa iyo, “labag sa lohika” na sabihing “may pagkiling kontra (biased against)” sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao at mga taguyod ng karapatang tao si Etta. Sabi mo, “malakas ang pakikiisa (strongly identifies)” niya sa huli.

Ikaw ang labag sa lohika. Isang fallacy iyang sinasabi mo: non-sequitur. Paano iyung mga biktima ng paglabag sa karapatang tao na naglingkod sa rehimeng Arroyo na tampok na matinding lumabag sa mga karapatang tao? O sa rehimeng Marcos? O sa iba pang rehimen? Hindi porke na-tortyur ang isang tao eh habambuhay na siyang progresibo.

Maganda ang sagot sa iyo ng Kilusang Mayo Uno. Ayon dito, hindi naging dahilan ang paglabag ng diktadurang Marcos sa mga karapatang tao ni Etta para huwag niyang ilabas ang mga pahayag niya at ng grupo ninyong Akbayan na nag-uugnay sa mga ligal na progresibong organisasyon sa underground na kilusang rebolusyunaryo at armado.

Ayon sa KMU, iyan mismo ang dahilan o palusot ng militar at rehimeng Arroyo para sa mga paglabag sa mga karapatang tao, tampok ang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot, ng mga progresibo o aktibista. Kaya nga may pagkiling talaga si Etta kontra sa mga organisasyong pangunahing target ngayon ng mga paglabag sa karapatang tao.

Pero ayos pa iyan, na ibenta mo si Etta. Ang masahol at hindi katanggap-tanggap sa pahayag mo, idinugtong mong posibleng “nabwisit (irked) ang ilang grupo tulad ng Communist Party of the Philippines (CPP)” dahil umano sa “matapang na tindig (strong stance)” ni Etta laban sa mga “private armies” tulad ng New People’s Army (NPA).

Talagang nagpapakadalubhasa ka na sa taktikang pampropaganda ng militar at mga katulad mong sosyal-demokrata – ang iugnay ang lahat ng pagtutol sa CPP at NPA. Sabi nga ng KMU, mga ligal na organisasyon ang tumututol sa pagtatalaga kay Etta. Bakit nadawit na naman ang CPP at NPA sa usapan na ni walang pahayag sa isyu?

Grabe ka. Gustuhin mo man o hindi, ang mga ganyang pahayag ninyo ang ginagamit ng militar at gobyerno para bigyang-katwiran ang paglabag sa karapatang tao ng mga aktibistang kumikilos sa larangang ligal. Hindi ba, lima ang anak mo? Hindi mo ba naiisip na may mga anak, magulang at kapatid ang mga pinapaslang at dinudukot?

Isang private army lang ang NPA? Hindi ba, dati kang negosyador ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan? Nakipagnegosasyon ka pala noon sa isang pribadong hukbo? O nabago na ang isip mo ng kapwa mo sosyal-demokratang si Norberto Gonzales? Ibang klaseng private army iyan, sinusuportahan ng masang anakpawis.

Sabi mo, ang mga tutol sa paghirang kay Etta sa CHR ay “sobrang biased” at “tumatangging itaguyod ang unibersalidad ng karapatang tao.” Heto na naman kayo. Gusto ninyong saklawin ng konsepto ng karapatang tao ang mga tinatawag ninyong “biktima” ng paglabag sa karapatang tao ng NPA. Ito ang ibig mong sabihin, hindi ba?

Hindi nga saklaw ng konsepto ng karapatang tao, na nakatuon sa Estado, ang mga pinatay halimbawa ng NPA. Posibleng paglabag sa International Humanitarian Law ang gawin ng NPA, pero hindi sa karapatang tao. Patunay ang giit ninyo na hindi dapat si Etta sa CHR: pahihirapan lang niya ang mga itinuturo ninyong maka-NPA.

Risa, malinaw naman kung bakit kayo naggigiit na italaga si Etta sa CHR. Kapalit iyan ng suporta ninyo kay Noynoy nitong eleksyon. Hindi man ubra ang kampanya mong makapasok sa Senado kahit natalo ka, inanunsyo mo na ring magiging bahagi ka ng gabinete matapos ang isang taong pagbabawal. Tapos isa pang pwesto para kay Etta.

Pero nabalitaan mo na ba? O wala kang pakialam? Tatlong aktibista na ang pinapatay simula nang maupo si Noynoy. Pambansa-demokratiko sila, hindi sosyal-demokratiko, hindi Akbayan. Iyan ba talaga ang taktika ninyo? Ipagpatuloy ang mga paglabag sa karapatang tao ng rehimeng Arroyo tapos isara ang kahit paano’y nagbukas na CHR?

Hindi para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao ang paghirang kay Etta sa CHR. Para sa inyo iyan sa Akbayan. Hindi lang iyan pagiging dupang, kundi kalupitan.

15 Hulyo 2010

Ang unang larawan sa itaas, galing dito; ang ikalawa, dito.

Maganda ang sulatin ng feministang pilosopong si Nina Power ng blog na Infinite Thought tungkol sa feminismo sa kasalukuyan.

May bagong sulatin ang mahusay na manunulat na si Eduardo Galeano tungkol sa kakatapos na World Cup!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Karen  On July 17, 2010 at 2:37 am

    Good morning Teo🙂

    Ako, sang-ayon ako sa lahat ng punto mo sa dalawang artikulo na sinulat mo, kaya wala na akong maidag-dag. Except,

    dala na lang tayo ng barf bag habang nanonood ng mga balitang pambansa sa tv or radyo man.

    Oi, green wallpaper ka ngayon. Maganda. Kaya lang nag post ka ng mga piktyur ng mga pangit.😀

    (Parang walang laman ang comment ko. Ako pa naman ang first commenter mo. Hahahaha!)

  • louis  On July 17, 2010 at 5:07 am

    walang labis walang kulang. eksakto ang paglalarawan mo at paglalantad tunay na anyo ng mga pumoposturang progresibo pero wag ka’y katalikuran pala ng reaksyonaryong AFP at kasayaw sa patuloy na red baiting sa mga legal na militante at makabayang organisasyon katulad ng KMU. Patuloy sana ang iyong pagsusulat at wag kang manghihinawa.

    Si angel locsin ba ay kamag-anak ni rio locsin? sabi ng lolo ko Gabriela daw si angel. Kung tutoo, ang gara naman talaga niya. maganda na, Gabriela pa. Kung hindi, maganda pa din sya. he he he.

  • kapirasongkritika  On July 17, 2010 at 1:57 pm

    @ Karen: Good evening, early riser! Haha. Nakakasuya ang balita ngayon, as in. Tapos sa showbiz, Aquino pa rin — si Kris! Haha. Oo nga. Kinontra ko ang pagpapaganda ng template sa paglalagay ng mga picture ng mga pangit. Sorry. Hehe. Sana sa susunod, magaganda na talaga.

    @ Louis: Salamat sa pagtitiwala! Hindi ko pa naman nararanasan manghinawa, kasi napapasulat talaga ako dahil sa ngitngit lately. Hehe. Syempre, kailangan pa bang idagdag na dahil din sa pagmamahal? Insert quote from Romulo Sandoval here. Hehe. Mukhang hindi kamag-anak ni Rio si Angel. Ang alam ko nga rin, Gabriela. Hehe. “Hindi pagpapalit kahit kay Rio Locsin…”

  • layka  On July 19, 2010 at 3:00 pm

    Nakakadalawang ‘para kay” mode ka na Teo! Nakakangitngit nga naman yang sina Etta at Risa. Pero sa totoo lang, hindi sila ang magiging main players sa gobyerno ni Noynoy.

    Nabasa ko sa isang news site kanina yung 3 makapangyarihang cabinet secretary ni Noynoy – yung sa DPWH, Energy at DOTC. Mga kinatawan ng malalaking negosyante, sa partikular ni Manny V. Pangilinan. Silang mga malalaking negosyante ang main players sa gobyerno ni Noynoy. Mga dating upisyales ang mga iyan ng Meralco, PLDT, Metro Pacific ni MVP.

    Ano ang aasahan ng taumbayan sa kanila? Wala! Nagbabayad na si Noynoy sa mga nagpondo sa kampanya niya at tayo ang kawawa.

    Nakakangitngit din ngayon ang kawalan ng tubig Teo, as in! Tag-ulan na pero wala pa ring tubig!

    Last na, hindi talaga kamag-anak ni Angel si Rio Locsin. Pero pareho silang maganda para sa akin.

  • kapirasongkritika  On July 20, 2010 at 12:24 am

    Totoo ka naman, Layka. Talagang hindi sila ang main players. Mas ang papel nila diyan ay pabanguhin sa abot ng makakaya nila bilang mga umano’y progresibo. At dito lang naman ako nagngingitngit. Hehe.

    Wala talaga. Bulgar na bulgar ano? Kung sino ang nag-ambag nang malaki sa kandidatura, sila rin ang makakapag-upo sa pwesto.

    http://www.kilusangmayouno.org/news/2010/07/aquino%E2%80%99s-biz-studded-cabinet-speaks-higher-power-water-rates-no-wage-hikes

    Iyang kawalan ng tubig, nagbabasa-basa ako. Ang hinala ko kasi bagamat pinapalabas na kalikasan na naman ang dahilan, malaking bahagi ng dapat sisihin ay tao: iyung pribatisasyon ng tubig, halimbawa.

    Buti naihabol mo. Pang-screen name lang yata ni Angel ang Locsin, tama? So ang relasyon niya kay Rio Locsin ay parang relasyon ni Rosanna Roces kay Susan Roces — wala, inspirasyon lang sa pangalan. Hehe.

  • mae  On July 20, 2010 at 4:36 am

    Ang ganda naman nito. Ngayon lang ako nakabasa ng ganito kasi yung paborito ko simple lang siyang sumulat at nauunawaan ko tapos sinundan ko yung mga comments nya nakita ko ‘tong blog mo. Siguro nga bago lang ako sa mga ganito kalalim na mga babasahin. Ang ganda. Salamat sa pagsulat.

  • napadaan  On July 20, 2010 at 4:49 am

    si Jose Almenras, dati sa Manila Water, ngayon Sec na ng DoE.

  • kapirasongkritika  On July 20, 2010 at 5:37 pm

    @ mae: Salamat! Malalim ba? Sana hindi. Kung hindi man agad maintindihan, medyo mabilis kasi ang pagkakasulat, hindi na nakinis pa. Hehe. Daan ka lang.

    @ napadaan: Siya nga. Kakaiba ano?

  • mae  On July 22, 2010 at 7:08 am

    Ito na ulit ako. Binasa ko ng pangalawa at pangatlong beses. Ang lalim ng tagalog. Ibig kong sabihin ang lalim din ng paksa mo pero sabi ko nga binalikan ko para basahin uli kasi maganda. Salamat uli. Magbabasa pa ako….

  • maui  On July 22, 2010 at 8:18 am

    maganda ang bagong green theme, parang football field🙂 pero bakit parang ang tagal mag load ng images? binabasa ko na ang blog mo ha.

  • kapirasongkritika  On July 22, 2010 at 11:58 am

    @ mae: Salamat. Sa kakabasa mo, masasanay ka rin. Hehe. At mababasa ang iba pa.

    @ maui: Salamat naman po! Adik sa football! Hindi naman yata mabagal. Siguro sa dami ng image sa isang pahina, ganoon. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: