Ilalatag ko ang baraha ko: Ang totoo, mas malinaw at mas kagyat ang pagkagustong naramdaman ko matapos mapanood ang pelikulang Dukot kaysa matapos mapanood ang pelikulang Sigwa. Hindi maiiwasan ang maghambing, sa tingin ko, dahil pareho silang gawa ng tambalang Joel Lamangan sa direksyon at Bonifacio Ilagan sa panulat, progresibo ang paksa at tema, at nagsangkot ng mga artista sa pelikulang mainstream.
Bilang aktibista, sinubaybayan ko kung paano hinabi ng dalawang progresibong alagad ng sining ang kwento, kung kapani-paniwala ba o hindi. Kailangan kong sabihin ito dahil aaminin kong hindi ako kasing-mapagmatyag sa bagay na ito kapag pelikulang gawa ng mga hindi progresibo ang pinapanood. Hindi ko rin alam kung naging o magiging kasing-mapagmatyag ko ang mga manonood na hindi aktibista sa isyung ito.
Anu’t anuman, karamihan sa mga kapwa-aktibistang tinanong ko pagkatapos ng pelikula ang nagsabing nagustuhan nila ang Sigwa, at mas nagustuhan pa nga nila sa Dukot. Nagdagdag ito ng hamon sa akin bilang magrerebyu ng pelikula: Hindi ko lang tungkuling ilahad ang pagtingin ko, kundi ang gagapin din ang pagtingin ng iba. Para kasi sa mga progresibo, mahalaga ang paghatol ng mga manonood sa isang pelikula.
May ilang kaibigan ang nagtanong: Bakit 2009 lang binalikan sa Pilipinas ng Pilipino-Amerikanong si Dolly (Dawn Zulueta) ang sanggol na anak niya, na naiwan niya matapos siyang arestuhin at ideport noong unang mga taon ng Batas Militar at pagkatapos ay nabalitang namatay? Pwede naman daw noong 1986, nang mapatalsik ang diktador? Sa pagbalik ni Dolly uminog ang pelikula, kaya mahalaga para sa kanila.
Sa tingin ko, mas kapani-paniwala kung binalikang agad ni Dolly ang anak noong 1986. Pero kapani-paniwala pa rin ang hindi niya pagbalik kahit noon. Maaaring binalik-balikan at ipinagluksa niya ang pagkamatay ng anak, pero maaaring hindi ito naging ganoon ka-lakas na tulak para bumalik sa bansa. Kapani-paniwala ang paliwanag ng pelikula sa nahuling pagbalik niya: na may nakapagsabing buhay pa ang anak niya.
May kaibigan namang bumilib sa pagsisiwalat ng kwento mula sa pagdating at pagtingin ni Dolly. Hindi ko alam sa pelikulang Pilipino, pero inugat pa ng kritikong pangkulturang si Edel E. Garcellano kay Simoun ng El Filibusterismo ni Jose Rizal ang ganitong estilo ng paglalahad: ang balikbayan “bilang pangkulturang tagapag-ingat ng tensyon, ang nawalay na sipat para tasahin ang pagkakaiba [Interventions, 1998].”
Nagsimula ang agam-agam ko sa istorya ng pelikula sa rurok nito, sa pagsasagutan nina Dolly, Cita (Zsa-zsa Padilla), Rading (Jaime Pebanco) at Oliver (Tirso Cruz III) sa burol ng propesor na naging mahalaga sa pagiging aktibista nila – eksenang alam kong paborito ng maraming kapwa-aktibista. Hindi pa dahil imposibleng ang amasonang tulad ni Cita ay pupunta, o babastusin ni Oliver ang mga aktibista, sa isang burol.
Nahabaan ako sa polemika at, sa tingin ko, pwede pang napalambot – masyadong hardcore! – ang mga sinabi para nakasabay ang manonood na hindi aktibista. Parang sinikap ilahad ang lahat ng paninira sa Kaliwa at sagutin ang mga ito. Sa kabilang banda, malulutong ang linya at mas mahusay na pangsara ang “praktikang panlipunan (social practice)” kontra kay Oliver kumpara sa pagsasabi halimbawang burgis na siya.
Sa tingin ko, higit sa mga linyang binitawan, nagustuhan ng mga kapwa-aktibista ang eksena dahil paghaharap ito ng naging mga buhay ng mga dating kabataang aktibista: ng isang nanatiling New People’s Army at isang nagturo sa militar ng mga kapwa-aktibista at naging tagapagsalita ng rehimeng Arroyo. Inusig ng una ang ikalawa, mula sa tanaw ng dati nilang pinagsaluhang paniniwala. Paano mo nagawa iyan, Oliver?
Sa pagdating ni Cita sa burol – nang ang armas lang ay isang “Shhh!” at hintuturo sa tapat ng labi para sa mga nakakakilala at isang maliit at payat na babaeng kasama – ipinakita ang pagkatao niya na isang amasona. Lalo pa itong nakita noong kinumpronta niya si Oliver sa kabila ng maraming bodyguard nito. Kakatwang palaisipan: naipakita niya ang pagkatao sa pagsugal sa seguridad niya, na hindi ko alam kung reyalistiko.
Spoiler alert! Sa tingin ko, hindi nabigyan ng sapat na halaga ang pagpanaw ni Azon (Gina Alajar) at paghahabilin niya sa anak at apo ni Dolly sa huli. Ang punto ba ay ipakitang higit sa usaping personal ang bumukas kay Dolly sa pagbalik sa bansa? Ito naman ang ipinakita ng pelikula – nang hindi nagmukhang nakalimutan ang hibla ng kwento niya. Pero mas buo sana ang kwento kung napahalagahan ang nasabing eksena.
Nakakatuwa pero parang pilit ang pagpapakilala ng anak ni Rading na isa na siyang unyonista sa dulo ng pelikula. Sa tingin ko, ang sana’y naging aktibista sa pelikula ay ang anak ni Dolly na pinalaki ni Azon. Maaaring nagtatalo sila ni Azon tungkol sa aktibismo, pero aktibista siya. Sa ganito, naging simbolo rin sana siya ng isa pang bagay na iniwan ni Dolly sa iba pero lumago sa kabila ng lahat ng nangyari – ang rebolusyon.
Ilan pang tanong: Bakit babalik sa US si Dolly nang wala man lang pangakong magsusulong ng pakikibaka? Maipagpapalagay na ba iyun? O background lang ang nasaksihan niya sa paghahanap ng anak? Bakit sinabi ni Dolly na nagpapakabuti sila noong namatay ang asawa niya, gayung wala naman itong ipinakitang pagsisisi sa pagiging ahente ng militar? Bakit walang masayang may-asawa sa mga karakter?
Sa “Unmasking Lino Brocka” [Sites of Review, 1996], ang kontrobersyal niyang tuligsa sa pulitika ng mga pelikula ng sikat na direktor, iginiit ng kritikong pangkulturang si Patrick D. Flores na “kontra-mahirap” talaga si Brocka. Aniya, “matapos suungin ang lahat ng hirap ng paglalantad sa mga kasalanang panlipunan…, humahantong ang mga karakter ni Brocka sa dahas at nagiging kriminal, hindi detenidong pulitikal…”
Bagamat may mga butil ng katotohanan sa sanaysay ni Flores, hindi niya isinama sa pagsuri ang bantog na Orapronobis ni Brocka. Dito, ang pangunahing karakter na si Jimmy Cordero ay ipinakitang naitulak na humawak muli ng baril at lumahok sa kilusang underground dahil sa pagpapatuloy ng mga kabulukan ng diktadurang Marcos sa noo’y bagong rehimen ni Cory Aquino. Hindi siya naging kriminal kundi rebelde.
Kung gagamitin ang pamantayan ni Flores, malinaw na kampi sa rebolusyon – kung hindi man sa mahihirap sa lipunang Pilipino – ang Sigwa. Kung hahawak pa lang ng baril si Jimmy Cordero sa dulo ng Orapronobis, dito ay NPA na si Cita, pumatay ng mga ahente ng militar na nagtangkang pumatay sa kanya, at nakipagtuos – at magpaparusa? – kay Oliver, miyembro ng gabinete. Hindi laos ang NPA dito, kundi lumalaban.
Sa kabila ng ilang sa tingin ko’y kahinaan, positibo sa pangunahin ang Sigwa. Matapang itong pelikula hindi lang sa tema kundi bilang proyekto. Kasama ng Dukot, paghawan ito ng espasyo sa larangan ng mga pelikulang indie kung saan nagsasanib ang pulitikang Kaliwa at ang mainstream na paggawa ng pelikula. Nangahas din itong maging mas kumplikado, sa kwento at sa mga pagbabalik-tanaw, kaysa sa Dukot.
Matapang din ito sa isa pang pakahulugan. Masalimuot ang paglalarawan nito sa mga aktibista: may ahente ng militar at kumanta noong tinortyur – pero hindi paborable ang paglalarawan sa kanila rito. May iginupo ng sakit at tortyur, galing sa ibang bansang nahimok makibaka, binagabag ng mga suliranin, at nagpupunyagi – at sila ang mga bida ng Sigwa. Hindi lang sila makikita sa naunang henerasyon ng mga aktibista.
May kanya-kanyang paboritong eksena sa Sigwa ang mga aktibista. Ang sa akin, hindi iyung nasa rurok na kumprontasyon, o sa pagkatapos nito. Ang paborito ko ay iyung ipinagtatapat ni Azon kay Cita ang pagsisinungaling niya tungkol sa anak ni Dolly. Hindi pa nagtatagal na nasabi ni Azon na “Hindi ko naman masabing mali ang ginawa ko…,” sumagot kaagad si Cita: “Mali ang ginawa mo.” Ewan ko, pero totoong-totoo!
10 Agosto 2010
Galing ang mga larawan dito. Nasa Tumblr na rin si Tanglad. Sana patuloy pa rin ang blog niya. Basahin ang napakagandang artikulo ni Linh Dinh, reaksyon sa balitang pumupunta na lang sa US ang mga Iraqi ngayon. Talaga palang minanmanan ng Federal Bureau of Investigation ng US si Howard Zinn. Kahit tagahanga tayo ni Lauryn Hill at ng The Fugees, hindi okey si Wyclef Jean bilang presidente ng Haiti. Hindi lang trabaho ang dapat panawagan ng kababaihan, sabi ni Nina Power. Paghusga nina Levi R. Bryant at iba pang blogger sa epekto ng dekonstruksyon sa pilosopiya.
Muli, isang magandang sulatin ni Edgar Allan Paule tungkol sa kolum ni Conrado de Quiros hinggil sa Hacienda Luisita! Kumusta naman si Cris Pablo Neruda? Mapapalampas ba natin si Angela Stuart-Santiago kapag binanatan niya si Kris Aquino? May mga pagmumuni sa wika si Oliver Ortega sa buwang ito. Ang galing ng banat ni Mong Palatino sa taong ayaw magpatawag sa pangalan niya sa plenaryo! Nagulat naman ako sa bagong disenyo ng blog ni Kenneth Guda: good, ah. Entri ni Diwa Dimagiba tungkol sa sigalot sa Philippine Airlines. Mabuhay ang mamamahayag na si Raissa Robles para sa magagandang (1, 2, 3) artikulo tungkol sa gulo sa PAL!
nakakahiya naman. nilagay mo pa link sa post ko, hindi ko pa naman masyadong pinag-isipan ang mga sinulat ko dun.
nga pala, nabasa ko na padala mong links. natanggap mo ba sagot ko?
Mahusay ang rebyu mo, Teo. Walang duda, parehong progresibo ang “Dukot” at “Sigwa.” Pero mas kapi-paniwala at madaling magagagap ng masa ang mensahe ng una (masyado nga lang makapal ang romantisismo ng pelikula) habang, sa tingin ko, masyado pang hilaw sa kabuuan ang huli–hindi nga akma ang paggamit ng Rosas ng Digma at Awit ng Pag-Asa sa mga eksenang tinampukan nito.
Mas irerekomenda ko ang “Orapronobis” at “Sister Stella L.” Mas malinaw rin ang mensahe ng “Dekada ’70.” Sana ipalabas rin ang “Sakada” sa mga pamantasan at komunidad ngayong kasagsagan ng isyu sa Hacienda Luisita.
🙂
Agree. So ginawan mo na sa wakas ng critique ang Sigwa? Malapit ko na ding maisulat ang sa akin. May mga importante lang talagang kakapusan ang pelikulang iyon. May potensyal pa naman sanang hindi lang maging maganda kundi mahusay na obra.
@ diwa81: Hindi ba? Hindi naman halata eh. Hehe. Oo. Maganda ang mga punto mo — kaya nga hindi ko pa rin inilalagay ang link na ipinadala ko sa iyo. Sulatan na lang kita ulit ng tugon ko.
@ Daniel: Salamat! Talaga? Pareho ang pagtingin mo sa inisyal kong wido. Hehe. Hindi ko pa napapanood ang Sister Stella L — at least simula noong maging aktibista ako. Iyung Dekada ’70, hindi ko matandaan kung ano ang pagtingin ko. Pero parang maganda nga. Iyung Sakada, parang okey naman pero parang luma na ang dating para sa mga manonood ngayon. Iyan ang panimulang tingin ko, ha. Hehe.
aesthetically, mas maganda ang orapronobis. pero mas nagustuhan ng mga kaopisina ko ang sakada. mas naka-relata sila sa kwento kaysa sa ora.
hindi ako makakomento sa sigwa, hindi ko kasi napanood. kasi WALANG NANLIBRE!
Sang-ayon ako sa mga ilang nabanggit mo Teo. I think the film slightly took the matter a bit very elementary in nature and did not spell out the profound implications of definitions, terms and situations. Some of the events in the film were chosen by the director to be resolved through a dialog than exposition through series of actions, usage of frames, shots and panels. If we look at Lino Broca’s films, without explicitly stating the very partisan politics that is problematized in his movies, he was successful in spelling out and underscoring the issue without blatantly uttering it but by simply using the very state of the things to let the viewer understand, unravel, rationalize and make the viewers sympathize without doing so hard. I remember whenever CONTEND will show the Oras Pronobis, students from all walks of life will clap so hard or jump from their chairs on the part where Gina Alajar will try to defend herself from Bembol Roco by getting the rifle from one of the soldiers and kill them. The energy of the audience is really felt after the film showing. Pero sa bandang huli, dito naman magsisimula ang mas mahuhusay na pelikula at sa tingin ko mahalaga na ang lahat ng mga kasama na may interest sa paggawa ng pelikula ay magsimula na rin lumikha ng isang obra gaya ng gawa ni Lino Broca.
Meron ka narin pala neto! hehe yung sakin, to be published palang. 🙂
napanuod ko nga din to. At mas nagustuhan ko ito kaysa sa dukot. Tingin ko kasi, mas naipakita nito ang buhay ng mga aktibista.(bagamat 70’s ang sigwa at 2k naman ang sa dukot). Mas mukha kasing love story ang dukot at ang sigwa naman, bagamat medyo “motherhood” ang ikot ng kwento, mas marami itong naipakita sa kalagayan ng mga aktibista at mas maraming mga dayalog na nakakapag-paliwanag ng linyang kaliwa.
Pareho tayo ng gustong parte. Talagang nadala din ako sa arte ni Zsa zsa nung nag uusap sila ni Azon. Bagamat medyo interesante ang pagkikita nilang lima, medyo hardkor nga ang dialogue ni Cita.(sabagay, naging NPA siya at ang tingin ng iba, hardkor kapag hukbo na) Kahit yung kasama kong masa, napatanong pa dun sa sinabi ni Cita. Kailangan pa niya ng malalim na paliwanag.
Syempre appreciated ang Sigwa, at generally matutuwa at magugustuhan ng mga aktibista. Pero maganda pag-isipan kung ano ang pagtingin din ng mga hindi aktibista.
Paano kaya nauunawaan ng mga hindi aktibista ang pelikula? Ibinubukas nito sa mainstream ang aktibismo at rebolusyon, pero paano ito ipinakikilala?
Maeentertain kaya ang mga kagaya ni Oliver sa totoong buhay kung mapanood ang pelikula?
Ang Dukot, mas malinaw ang agit prop at exposition ng human rights issues. Ano kaya ang tatagos na mensahe ng Sigwa?
May isang review na makakapagpaisip:
http://www.pinoyfilm.com/sigwa-the-capitalist-pig-review
@ Tine: Go! Isulat mo na ang sa iyo. Interesado akong malaman ang pagtingin ng mga kabataang progresibong katulad mo — at katulad ko rin, Hehe — sa pelikula. Aabangan ko ang nasabi mong “importanteng kakapusan” pero gusto ko ring malaman ang kalakasan nito mula sa inyong pagtingin.
@ Diwa81: Marami talagang nagagandahan sa Orapronobis, ano? Maganda naman ang Sakada — pero madalas dinudugtungan ang pahayag na ito ng mga pasubali. Hindi pa ba old-fashioned ang pelikula para sa mga tao? Huwag kang magparinig sa ere tungkol sa panlilibre; mangulit ka. Hehe.
@ missphilippines: Hindi ako competent diyan sa larangang pinasok mo: kung paanong aksyon at eksena ang magpapakita ng mga bagay, hindi dialogue. Hehe. Pero baka nga may mas magandang presentasyon. Baka iyang eksenang iyan nga, nina Gina Alajar at Bembol Roco, ang pattern ng mga katulad na eksena sa Dukot at Sigwa — o iba pang pelikula at sa ibang dahilan — kung saan talaga namang nagchi-cheer ang audience, pero sa iba’t ibang antas.
@ Ms Pistol: Go! Patingin ng entri mong iyan! Magagandang punto. Iyan ang pinakasimpleng narinig kong paliwanag kung bakit gusto ng mga aktibista ang Sigwa kaysa Dukot: “mas marami itong naipakita sa kalagayan ng mga aktibista at mas maraming mga dayalog na nakakapag-paliwanag ng linyang kaliwa.” Pero para bang love story ang Dukot? Hehe. Maganda talaga ang eksenang iyun: pagsasabihan ng katotohanan ng mga magkakasama at magkakaibigan sa pakikibaka. Hindi ba kailangan nating lahat iyun?
@ isip-isip: Gusto ba nating matuwa ang mga katulad ni Oliver — sa pelikula o sa kahit saan? Sigurado, magbibigay ang Sigwa ng mga palaisipan sa mga hindi aktibista. Salamat sa rebyu. Pero hindi ko maintindihan iyung ibang sinasabi rito, parang hindi napag-isipan.
“old-fashion” din naman ang porblema na tinatalakay ng pelikula. pero kahit gaano kaluma, problema pa rin ng mga magsasaka ngayon ang tinatalakay sa pelikula. yung mga kasama kong nanood, hindi naman sa asyenda, baka nga hindi pa sila nakakakita ng ganun kalaking lupain na pag-aari lang ng isang pamilya, pero naka-relate sila sa kalagayan ng mga magsasaka sa pelikula. yung ora kasi, mas syudad ang pokus, galing sa peti-b ang bida at partikular na isyu sa lunsod ang tinalakay na iba sa mga nangyayari sa kanayunan.
hindi naman sa nagpaparinig, hehe. pero narinig mo na rin naman na, baka sakaling meron pang susunod eh. hehe.
Ang pinaka nagustuhan ko sa Sakada ay yung katapusan ng pelikula. Isa rin kasi sa mga istandard ko yung konklusyon, at least sa mga progresibong pelikula. Sa Dukot, natuwa ako nung sumigaw si Allen (tama ba?), bago siya patayin ng kaaway, na “May araw din kayo! Bayan ang magpapasya!” Positibo rin naman yung ending ng Sigwa, yun nga lang medyo malabo lalo na yung pagbalik ni Dawn sa US– mas maganda sana kung kumilos na lang siya ulit o kaya pinakita man lang sana na malakas pa rin ang kilusan ngayon. Sa Dekada ’70 kasi naging tibak si Vilma sa katapusan ng pelikula. Paborito ko habang niraraneyt yung “Ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalunga sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos.” Marami akong napulot sa mga reaksyon nyo, salamat.
Nga pala, hindi ba’t puna rin kay Lino, as per ex-comrade, yung hilig nyang gumamit ng simbolismo? Por eksampol yung sa Orapronobis habang ginagahasa ni Bembol si Gina — nasa harap sila ng santo (o rebulto ata yun ng pagsamba) at bandila ng US. Hindi naman daw maiintidihan yun ng ordinaryong audience . Wala lang, bihagi ko lang. 🙂
@ Diwa81: Huy, don’t get me wrong. Hindi ang paksa ang sinasabi kong old-fashioned. May entri ako rito tungkol doon. Mas iyung pagsasapelikula niya ang nalulumaan ako. Pero ito bang kwento mo ang kongkretong patunay na mas mahalaga talaga ang nilalaman kaysa porma? O talagang iba ang angkop na porma para sa mga magsasaka kumpara sa mga nakatira sa lungsod, lalo na’t mula sa uring petiburgis. Mayroon pa ngang susunod na pagpapalabas: ngayong 21 at sa 28 yata. Manood ka na! Hanap tayo ng manlilibre. Hehe.
@ Daniel: Parang gusto ko tuloy mapanood ulit ang Dekada ’70. Ang naalala ko lang, may violent reactions ang mga kasama kong babae noong napanood namin iyan. Bakit daw si Ana Capri — and with THAT hair — ang gumanap na asawa ni Piolo? Stereotype daw, tapos hindi maganda. Sana raw si Mylene Dizon na lang. Teka, baka usapin na rin ito ng henerasyon. Hehe. Pwedeng nakukuha ng mga petiburgis sa audience ang mga simbolismo — at okey naman iyun. Pero sa tingin ko, una, nakakatulong kapag manonood ka ng Orapronobis ang reputasyon nito. Manonood ka talaga nang kritikal, hindi iyung nagpapatangay lang. Ikalawa, hindi man makuha — in the sense na maipaliwanag, halimbawa — ng mga tao iyung simbolismong sinasabi mo, at least maririmarim sila. Epektong maganda na iyun, hindi ba?
Oo, stereotype nga. Napansin din namin yun si Anna Capri sa Dekada, actually mukhang siyang taong grasa dun. Hahaha. Tungkol naman sa simbolismo ni Lino, sangayon ako sayo. At saka, sa tingin ko, kung may mga lapses o pagkukulang man si Brocka sa pagdirehe niya ng mga progresibong pelikula (dahil na rin siguro sa mga tendensya niya bilang artist himself) ay hindi na rin maaring kwestyunin ang integridad niya bilang makabayang direktor. Hindi ba’t siya ang nagtatag ng CAP? at sa pagkakaalam ko ay masigasig ring kasapi ng ARMAS bago maaksidente?
medyo luma na nga ang pelikula. pero kung ikukumpara naman sa mga pelikula ngayon, wala pa namang makabuluhang pag-unlad ang nangyari sa mga pelikula sa pilipinas, maliban lang siguro sa kulay ng pelikula. ewan ko rin, mas nagagandahan na ako sa mas lumang pelikula ngayon. iyung mga bago kasi, lalo na kung holywood, puro s/fx lang, wala nang kwento.
syempre naman, mas mahalaga ang nilalaman kaysa porma. pero sa kaso naman ng dalawa, hindi naman gaanong nagkakalayo ang porma. mas iyung nilalaman talaga nagkatalo. medyo intelektwal kasi ang isyu sa ora, sa tingin ko: ang kabalintunaan ng sinasabing pagbabago sa administrasyon ni Aquino. samantalang sa sakada, mas malapit sa kanila ang usapin.
sana nga, makapanood kami. sana lang abutan ko pa.
Tanung ko lang, bakit ba nagsilabasan ang KPD/MLPP-RHB sa Central Luzon
@ Daniel: Syempre, pwede rin namang makabayan na direktor ang isang tao, hindi makabayang direktor. Hehe. Sang-ayon ako na katulad ng nauna si Brocka. Iyung sa ikalawa, magandang pag-aralan ang mga mismong pelikula niya. Iba kasi ang dalawa, pwedeng may disconnect. Pero so far, mas makabayan ang dating sa akin ng mag pelikula niya.
@ FreeSince09: Hindi ko na matandaan ang partikular na dahilan. Pero lumalabas na usaping ideolohikal — tampok ang pagtataguyod ng KPD ng pambansang demokrasya nang walang sosyalistang perspektiba. Nakakainis na naman ang link mo. Hehe. Pero sige, tingnan natin; baka makabuluhang sagutin.
hehe…
OO mahalaga na nagsasabihan ng mga problema at kung anu-ano pang bagay ang mga magkakasama.. nakakatulong yun sa pagtatag ng samahan at pagkilos ng bawat isa. 🙂
hinid ko pa napopost yung akin. kasi kelangan din ng publikasyon namin ng ribyu. dun ko nalng ilalagay at kung may oras.. ilalahgay ko nalng din dito sa wordpress. 🙂
yung dukot, talgang medyo kahalintulad ng orapronobis. Pero siyampre iba parin ang orapronobis ni Lino Brocka. Hindi ko pa maisip anong elementong meron ang pelikula na yun eh. Parang iba kasi talga yung dating sakin. Bagamat parehong nagtalakay ng human rights.
Yung Sigwa naman… nakita ko ang pagkakapareho ng karakter ni Anna sa Desap ni Lualhati at si Dolly ng sigwa.
natatandaan kong may isang bslita na lumabas tungkol sa pagkakapareho ng Desap ni Lualhati at ng Sigwa,sinasabi diumano ni Lualhati na ginaya o kinuha ang pelikulang Sigwa sa kanyang obra. Sinabi pa na inaakusahan daw niya ng PLAGIARISM ang gumawa ng pelikula.
para sa akin although merong namamayaning intelectual property rights dito sa bansa, hindi ibig sabihin nun na kapag nakakita ka ng isang gawa na katulad ng sa iyo ay ginaya na ang gawa mo. Maraming scenario sa mundo ang nagkakapareho kaya hindi mo pwedeng masabi na ginaya ng isa ang gawa mo lalo kung ang dahilan mo lang ay nabasa nito ang gawa mo. Aba, natural maraming makakabasa ng gawa mo lalo na kung mainstream writer ka. Pano kung maraming lumitaw na mga obra na pareho rin ng scene ng gawa mo? ibig bang sabihin nito ay ginaya ka nilang lahat. May kalayaang mag-isip ang bawat tao at hindi mo siya masisisi kung pareho kayo ng ideya patungkol sa isang bagay lalo kung ito ay nakikita na umiiral sa lipunan.
@ Diwa81: Sobra ka naman! Hehe. Pero igagalang ko ang hilig mo ngayon sa mga lumang pelikula. Pero gusto ko ring sabihing naghahabol ako ngayon ng panonood sa mga progressive films, foreign man o local. Hindi kasi talaga ako mahilig manood. Huy, hindi naman intelektwal lang ang Orapronobis. At sa tingin ko, may serious weakness talaga ang form ng Sakada, na lalong tumampok pagdaan ng panahon.
@ Ms. Pistol: Wala pa nga rin sa blog mo. Di, ba? Ang galing lang ng honesty — at sense ng tama at mali sa eksenang iyun? Di ako maka-konek! Kailangan ko yata talagang panoorin ang Dekada ’70. Hindi masyadong tumimo sa akin eh. Hehe.
oi! pano, may manlilibre na ba ng Sigwa bukas? hehe!
haha…
alam ko si ana ay hindi sa dekada 70′ eh. Sa desaparasidos siya. Ilalgay ko nalang yung rebyu ko kapag na-publish na yung dyaryo namin. 🙂
Hindi ko pa napapanood ang Sigwa, pero sana may social media links ang blog mo para mas madaling ipakalat ang iyong mabubuting balita.
@ Diwa81: So hindi ka na naman nakapanood ng Sigwa. Hehe. May manlilibre, pero mali ang oras na alam mo. Pauso iyan: almusal na ngayon ang sine!
@ Ms Pistol: Sige. Pabasa, ha.
@ Tin: Hindi ako marunong. Ikaw naman yata ang IT expert sa ating dalawa. Hehe. Paano kaya maglagay? Kita naman tayo minsan!
Salamat Teo sa iyong review. As usual, interesante ang iyong take sa mga paksa.
Kaya lang, aminin ko sa iyo na kung sa iilang mga YS na kasamahan ko, at kahit sa akin rin, mas gusto nila yung SIGWA kaysa sa DUKOT, kahit hindi rin naman 5 stars over 5 ang rate ng marami sa SIGWA.
Tipong para doon sa mga nakanood ng Dukot, hindi na rin nila masyadong nag-expect sa Sigwa. Kaya siguro naging ok yung response nila sa Sigwa.
Hindi ko na rin maalala yung exact comments ng mga tao kung bakit hindi nila nagustuhan yung Dukot, pero halu-halong komento na siya ng not-so-stellar acting and writing, mga shots at linya na napa-“wha?! Anu raw?!” sila. Para sa akin, ok na rin dun sa Dukot yung edukasyon ukol sa mga maniobra ng estado sa likod ng EJK at desap, at kung papaano nila manmanan ang mga aktibista. Pero tulad ng ilan sa amin, may timpla ang pelikula na hindi ko lang rin natipuhan.
@ kris: Salamat sa pagbukas sa usapin. Akala ko, nagpapaka-maginoo si G. Bonifacio Ilagan at hindi sumasagot sa mga akusasyon nito ni Lualhati. Panay kasi ang labas ng mga sulatin ni Lualhati sa Inquirer, si Boni hindi. Iyun pala, sumasagot si Boni, hindi lang inilalabas ng Inquirer. Ang alam ko, ang sabi ni Boni, ni hindi niya alam ang libro ni Lualhati. Tsaka bilang aktibista, mas magtitiwala ako doon sa tumagal at lumalim sa aktibismo — na nagsasabi siya ng totoo, at may alam siya sa mga bagay tulad ng pagkakawalay ng ina at anak at hindi niya kailangang sumangguni kay Lualhati. Totoo, kailangang may dagdag na patunay si Lualhati at hindi lang iyung tipong “Parang akin iyun, ah.”
@ tarenstaren: Salamat sa iyong komento. As usual, mabait ka na naman. Hehe. Iyan nga ang pagtingin ng maraming kapwa-aktibista. At handa naman akong masapul kung bakit. Magandang maipaliwanag ang mga bagay na iyan. Hindi lang sa puntong para sa pelikula. Kung hindi, para sa mga aktibista. Parang inuunawa natin ang sarili natin, ang kultural na disposisyon natin, sa pag-unawa sa pagtanggap natin sa pelikula. Hindi ba? O, thesis ulit? Hehe.
Teo, hindi ako maalam sa (at mabasa ng) mmovie review. Pero naaliw ako dito kahit hindi pa ako nanonood. Nga pala, nagrrun ngayon ang Banaag at Sikat (Lope k Santos, libretto ni Ka Bien) sa CCP kung gusto mo ding magrebyu tungkol sa teatro. May mga paraan para makapanood ng libre kagaya ng ginawa namin noong Sabado.
Tamang-tama itong rebyu mo ser, magpapalabas kami ng Sigwa dito sa UPLB sa September 21 mismo (nag-advertise.hehe). At least may reference na kami sa kung ano ang aasahan sa pelikula, dahil trailer pa lamang ang napapanood ko. Gayunman, tiyak na isang magandang exposure ito sa mga estudyante dito sa ating national university na mukhang iba ang pinagkakaabalahan at siyempre nakakataas diwa din!
@Kris: OO nga. Nabasa ko nga iyon. Totoo namang pwedeng magkapareho sila senaryong nagawa. Pero sa dami ng mga angyari noong 70’s… isang ina lang ba ang pwedeng mawalay sa anak? Isa pa, ang plagiarism ay hindi mo basta masasampa kung yun lang ang batayan.
@Teo : Sure. Hehehe napospon yung paglalabas namin ng diyaryo. Baka iba na ang malagay ko sa blog ko. ANu next entry mo? nag-aabang na ako. 🙂
@kris: kung di ako nagkakamali, bago ang desap at sigwa, may naisulat na sina rene villanueva at eli guieb na ang linya ng naratibo/senaryo ay katulad/kahawig ng obra ni mang boni at bautista. pwedeng nangyari na magkakahawig ang reaksyon nila sa dahas ng estado. di ko rin sinasabi na di orig si boni. di naman ito usapin ng timing, o kung sinong naunang nakasulat. di naman ako aktibista, pero ang alam ko, shared experience sa mga aktibista ang dahas ng estado. Kaya walang basehan ang puna ni bautista kay boni.
subukan kong hanapin ang tinutukoy kong akda ni eli g. at rv
Ang di ko lang nagustuhan sa kompronstasyon sa burol ay parang napuno ng “jargon” ang mga bagay-bagay. Naintindihan ko, oo, pero sabi nga ng nakatabi kong hindi naman aktibista sa katabi nya, hindi nya raw masyadong naintindihan.
Napaisip tuloy ako pagkatapos ng palabas kung para kanino ba talaga ang Sigwa. Para ba sa mga aktibista o para sa “karaniwang” manonood.
Mahusay na rebyu, Teo!
PS
Ang pinakagusto kong tagpo ay yung sinabi ni Cita na: “Mali ka.”
@ Rael: Salamat! Iyan ang gusto kong mabasa — mga rebyu na bagamat uuhawin ka sa nirerebyu ay nakakapatid-uhaw na rin. Hehe. Gusto ko ring mapanood at mukhang may mga pagkakataong makapanood, kaya lang hindi ako masyadong maalam sa teatro. Sabagay, kahit sa pelikula at panitikan din. Hehe. Nagpipilit lang.
@ Edge: Oo, maganda talagang mapanood ang pelikula. Hindi ko lang alam kung masyado akong kritikal dahil pelikulang aktibista ito. Pero maganda ito, hindi man five stars tulad ng sabi ni tarenstaren. Galingan ninyo diyan. Daigin ninyo si Velasco! Haha.
@ Ms Pistol: Oh, wala pa ring bago sa iyo. Kung hindi lumabas sa dyaryo, ilabas mo na lang sa blog mo. Hehe. Hindi makapaghintay ang mga mambabasa. Hehe. Ayan ang next entry ko, tungkol sa hostage taking. Maiksi lang, kasi sobrang busy ngayon. Hehe. Sana makakonek sa mga usapan tungkol sa paksa. Madaming isinusulat pero hindi para sa blog. Hehe.
@ fader: Salamat sa iyong ambag! Sige, patingin ng kalalabasan ng iyong saliksik. Marami namang danas sa dahas ng Estado sa pelikula, so siguro, kumbaga, nadamay. Hehe.
@ Prabster: Iyun nga mismo ang aking puna! Hardcore masyado, eh pwede namang mas simple ang paliwanag pero kasing-talas din — at mas matalas pa nga dahil mas maiintindihan at pakabig. Pwede namang ang pelikula ay para sa mga aktibista lang, hindi ba? May bisa rin naman iyun kung ganoon, hindi ba? Iyun lang, makitid ang manonood. Totoo! Mali ka! Totoong-totoo!
Tesis ulit? Haha. Nabrowse mo na ba tesis ko? kahit napasa ko na iyon, at ilang buwan na rin tapos ang graduation ko, bukas pa rin ako sa mga komento mo ukol doon.
Go na go ka pa din, ha. Good sign! Maganda ang thesis mo. Sana makasulat ka ng popular na bersyon para sa mga publikasyon. O kaya para sa mga aktibista. Go!